3 mga bahay, sinunog sa Banga, South Cotabato
KORONADAL CITY - Natupok ng apoy ang tatlong bahay sa Purok Mainuswagon, Brgy. Kusan, Banga, South Cotabato matapos sadya umanong sunugin alas 7:30 kagabi.
Ang bahay ay pagmamay-ari ni Violeta Ayson ng nasabing lugar habang kinilala naman ang suspek na mismong apo nito na si Jefriel Carial, 19 years old.
Sa interview ng Radyo Bida Koronadal sa kapitbahay na si Kenneth Viesca pinagalitan umano si Carial ng kanyang lola matapos magalit at magwala dahil wala ng natirang pagkain para sa kanya.
Naging dahilan naman ito kaya sinunog ni Carial ang bahay dahil sa sobrang galit nito sa matanda kung saan nadamay pa ang dalawang katabing bahay.
Nagpapatuloy naman ang paghahanap sa suspek na tumakas matapos ang ginawang pagsunog.
Sa ngayon nagpapatuloy ang imbestigasyon ng BFP-Banga na nasabing insidente.