Mag-asawa sa Koronadal City, pinagsasaksak at napatay, suspek nahuli
KORONADAL CITY - Patay na nang datnan ng "drier caretaker" ang mag-asawang matatanda sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Magsaysay, Koronadal City kahapon ng umaga.
Ito ay ayon kay Magsaysay barangay Chairman Luz Bustillo.
Kinilala ni Bustillo ang mga biktima na sina Arturo Aquino, 68 years old retiradong sundalo at misis nitong si Erlinda, 75 years old, retiradong midwife.
Ayon kay Bustillo nakita ng kanilang “drier boy” ang wala nang buhay, duguan at pinagsasaksak na mga biktima mula sa nakabukas na pinto ng kanilang bahay.
Sinabi ni Bustillo na bagama’t walang nawawalang gamit ang mga biktima, tila hinahalungkat umano ang mga ito. Ayon kay Bustillo maaring walang nakapansin nang maganap ang krimen dahil malayo sa mga kapitbahay ang bahay ng biktimang magasawa.
Nabatid na walang kasama sa kanilang bahay ang mga biktima dahil lahat ng kanilang mga anak ay pawang nasa ibang bansa.
Sa follow-up operation ng Koronadal PNP sa pangunguna ni City police director Lt. Col. Joefel Siason, nadakip sa karatig barangay ng San Roque ang suspect na trabahante rin ng mag-asawang bikitima.
Kinilala itong si Paul John Membrado, 19 years old, at nakatira din sa Barangay Magsaysay. Nakuha kay Membrado ang dalawang mga kutsilyo na ginamit umano nito sa krimen. Inamin din umano ng suspect na siya ang gawa ng krimen.
Inaalam pa ng Koronadal PNP ang motibo ni Membrado. Siya ay nahaharap sa kasong murder.