NDBC BIDA BALITA (1.10.18)

NDBC BALITA  • Wed Jan 10, 2018 10:10 AM  •  113   0
By NDBC NCA
  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy
NEWSCAST JANUARY 10, 2018 (WED)
7:00 AM
 

HEADLINES:
 

1. ISANG SUNDALO ang nasawi habang limang mga sibilyan naman ang sugatan sa serye ng mga pambobombang ginagawa ng BIFF sa Maguindanao.  

2. Dinukot na pulis sa North Cotabato, hawak ng NPA ayon sa Obispo ng Kidapawan; NPA walang pang inilalabas na pahayag ukol dito  

3. Drug pusher na sumuko na noon, muling inaresto ng PDEA 12 sa Lambayong, Sultan Kudarat  

4. DAvao City Mayor Sarah at Sen. Paquiao, guests of honor ng Koronadal Hinugyaw Festival ngayon.



-0-



Isa na namang sundalo ang nasawi habang dalawang mga sibilyan naman ang nasugatan sa panibagong roadside bombing pasado alas otso ng umaga kahapon sa Datu Unsay, Maguindanao na kagagawan umano ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF.  

Kinilala ni Army’s 6th Civil Military Operations Battalion commander Lt. Col. Gerry Besana ang nasawing sundalo na si Private 1st Class Ian Chris Celeste ng Army’s 57th Infantry Battalion.
 

Nasawi si Celeste dahil sa mga tinamong multiple shrapnel wounds.  

Nabatid na nagpapatrolya at nagsasagawa ng clearing operations ang tropa ni Celeste sa Barangay Maitemaig, Datu Unsay malapit lamang sa Mt. nang sumabog ang Improvised Explosive Device o IED na itinanim umano gn BIFF  

Kasunod nito, pasado alas sais naman kagabi nang sumabog ang isa pang roadside bomb sa bahagi naman ng Datu Hofer, Maguindanao.   Sinabi ni Besana na naganap ang pagsabog sa national highway ng barangay Labo-Labo na ang puntirya ay ang mga sundalong nagbabantay pa rin sa lugar.  

Wala namang nasawi sa mga sundalo ngunit tatlong sibilyan ang sugatan na nakilalang sina TJ Devinagracia, 10 years old na tinamaan ng shrapnel sa kanang kamay; Jonel Devinagracia, 28 na may tama naman sa mukha at Danilo Tobier, 22 na tinamaan naman sa leeg.  

Ayon kay Besana, ang mga sugatang sibilyan ay agad namang dinala sa pagamutan.   Nabatid na dumaan lamang ang naturang mga sibilyan sa lugar nang saktong nangyari ang pagsabog.

Samantala, nagkaroon naman ng maiksing palitan ng putok ang mga sundalo at BIFF sa ilalim ng pamumuno ng isang Ustadz Abdulah Roman at alyas Kagui Tatang sa Barangay Sambulawan, Datu Salibo, Maguindanao.  

Ang kinaroroonan ng mga armadong BIFF ay 150 metro lamang ang layo mula sa headquarter ng mga sundalo kaya naman pinaputukan ng 60mm mortar ang BIFF at gumanti naman ang mga ito sa pamamagitan ng pagpapaputok din ng 40mm GL.



-0-



Ipinagmamalaki ngayon ng Midsayap LGU ang dalawang senior high school students na napiling youth leaders for the Philippine Youth Leadership Program of the United States Government.  

Kinilala ni Midsayap Information Officer Karl Ballentes ang dalawang estudyante na sina Sittie Kryslim Fadera na mula sa SCC at Allyn Grace Celis na mula naman sa NDMC.  

Kabilang ang dalawa sa 25 youth leaders na nag-qaulified para sa Philippine Youth Leadership Program of the United States Government na mula sa Mindanao.   Dagdag pa ni Ballentes na mag-aaral ng isang buwan sa Northern Illinois University sa Dekalb at sa iba pang mga lugar sa America ang mga napiling youth leaders simula ngayong Abril.  

Nabatid na mayroon pang ibang mga taga North Cotabato na napa bilang sa nasabing programa.  



-0-



NATULDUKAN na ang mahigit isang dekadang rido o awayan sa pamilya ng Macapaar, Macapeges, Ustadz Maguid, Malambut, Hadji Salam,Hadji Rahman, at Casaro sa mga bayan ng Barira, Buldon at Matanog Maguindanao.  

Ang settlement  ay pinangunahan ng Iranun Inter-Agency Task Force na pinamumunuan ni 603rd Brigade Commander Brig Gen. Jesus Sarsagat.
  Ayon kay Sarsagat, sampu katao na ang namatay at di mabilang ang mga nasugatan dahil sa patuloy na labanan ng nabanggit na mga pamilya.  

Sinabi Brgy.Liong Chair Ibrahim Malambut na nag-umpisa lamang ang family feud sa isang simpleng away pamilya at kapitbahay.   Dahil sa dumarami ang namamatay,  kinumbinsi ni Malambut ang kanyang mga kapatid at mga pamangkin na pumayag nang makipag-ayos sa kaaway ng kanilang angkan.  

Nagpahayag din ng kanyang kagalakan ang kabilang panig sa effort nina Barira Mayor Barok Tomawis,  Buldon Mayor Abolais Manalao at General Sarsagat.
  Ipinahayag ni Matanog Coun. Misuari Macapeges na kung hindi nagpursige ang nabanggit na mga opisyal ay imposibleng maayos ang dekadang rido ng kanilang pamilya.  



-0-


Hanggang sa ngayon may tensyon pa rin sa barangay matuber, Datu Blah Sinsuat, Maguindanao dahil sa awayan sa lupa ng pamilyang Mama at Omping.  

Sinabi ni Regional Reconciliation and Unification Commission o RRUC-ARMM chair Romeo Sema sa Madam Public Service Program ng DXMS radyo bida na lumawak pa ang land conflict ng mga nasabing pamilya dahil sa ambush incident noong December 26, 2017 na dalawang bata ang namatay na sina Jonair Kamir at isang may apelyidong Usman at dalawang bata naman ang sugatan na sina Johair onting at Zahad Kamir, at ang shooting incident na ikinamatay ni Melanio Martin noong January 2, 2018.

Mariin namang pinabulaanan ng RRUC-ARMM na may tensyon sa pagitan ng Maguindanaon at Teduray  sa barangay Matuber dahil  sa naganap na awayan sa pamilyang Mama at Omping at giit nito na ang away sa lugar ay nakatuon lamang sa pinag aagawang lupa.



-0-




PNP at PDEA nagtutulungan pa rin sa anti- illegal drug operation, ayon sa Police official ng South Cotabato.

Nakikipag ugnayan pa rin ang Philippine National Police o PNP sa Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA sa sa kanilang anti illegal drug operation.

Ito ang nilinaw ni South Cotabato PNP Provincial Director, Police Senior Superintendent Franklin Alvero kasunod ng muli na namang pagsagawa operasyon laban sa iligal na droga ng PNP.

Sinabi ni Alvero na dapat ay lahat ng operasyon ng PNP kontra iligal na droga ay coordinated o naipaalam sa PDEA. Kinumpirma din ni Alvero ang panibagong panuntunan ng pagkakaroon ng body camera ng mga pulis na magsasagawa ng anti illegal drug operation.

Gayunpaman ayon kay Alvero sa ngayon ay wala pa silang supply ng nasabiing equipment. Layon ng body camera na mapawi ang madalas na pagdududa ng publiko na planted ang illegal drugs na narerekober ng mga pulis. Binigyan diin naman ni Alvero ang matinong pulis ay hindi nangangailangan ng body camera upang pagkatiwalaan ng mga mamamayan.



-0-


Senator Pacquio at Davao Mayor Duterte dadalo sa 18th Hinugyaw Festival at 78th Foundation Anniversary ng Koronadal, ngayong araw

Idineklara ng Malakanyang na Special Non-working holiday ang Enero 10 kaugnay sa 18th Hinugyaw Festival at 78th Foundation Anniversary ng Koronadal.

Ibig sabihin nito ayon kay Koronadal Mayor Peter Miguel, walang pasok sa mga pribado at pampublikong tanggapan at eskwelahan sa lungsod ngayong araw. Layon nito na mabigyan ng pagkakataon ang mga mamamayan ng Koronadal na makisaya sa selebrasyon na sisimulan ngayong umaga sa pamamagitan ng Parangal ng Koronadal sa Rizal Park.

Susundan naman ito ng Grand Salo Salo kung saan pakikipag boodle fight sa iba’t ibang sektor si Davao City Mayor Sarah Duterte.

Alas singko mamamayang hapon magpapakitang gilas naman sa Pyesta Kolon Datal Grand Parada Showcase ang mga performer mula sa region 12.

Sisimulan ang nasabing street dancing competition sa General Santos Drive at magtatapos sa South Cotabato Sports Complex kung saan gaganapin ang closing program. Magiging panauhing pandangal naman sa programa si Senator Manny Pacquio.

Susundan naman ito ng pamimigay ng kabuhayan showcased sa maswerteng manonood. Pagkatapos nito matutunghayan naman ng mamamayan ang rave party at Fireworks Display.



-0-



Nakakulong na sa lock up cell ng Koronadal City Police Station ang dalawang suspek na naaresto sa search operation ng mga ito sa Sitio Angeles, Barangay Saravia, Koronadal City kahapon.

Kinilala ang mga suspek na sina Bernan Angeles Watamama at Melvin Delompongan. Ayon kay Koronadal City Anti Drug Abuse Council o CADAC Chair Glorio Sandig, pinasok ng mga pulis ang bahay ng mga suspek sa bisa ng search warrant ng korte.

Sinabi ni Sandig na sa halip na illegal drugs na pakay ng mga otoridad narekober nila sa mga bahay ng dalawang suspek ang mga armas at bala.

Nakuha ng mga pulis sa bahay ni Watamama ang 45 pistol habang mga bala naman ang nakuha kay Delompongan. Wala naman ang isa pang target ng PNP na si Boyce Angeles Bante, pero nakuha sa kanyang bahay ang mga bala at magazine. A

yon kay Sandig ang mga suspek ay wanted dahil sa pagkakasangkot sa iligal na droga.



-0-



Napasok ng mga magnanakaw ang Minas Building sa Zone I Libertad Surallah, South Cotabato sa pamamagitan ng pagsira sa padlock ng gate nito.

Lumabas sa pagsisiyasat ng Surallah PNP na pinamumunuan ni Acting Police Chief Jardi Mont Sibal na nang mapasok ang compound, nilooban ng mga suspek ang stall ng BCS Cooperative.

Natangay ng mga magnanakaw sa loob nito ang hard drive ng close circuit television o CCTV Camera, dalawang back pack na naglalaman ng mga mahalagang dokomento ng mga emplaydo at P163 thousand cash. 

Hindi rin pinaligtas ng mga suspek ang katabing Golden Harvest Agricultural Supply na ninakawan ng isang cellphone at laptop computer.

Hindi pa patid ng mga pulis kung ilan at sino ang mga suspek na nanloob sa dalawang magkatabing establisemento.


-0-




 Arestado sa operasyon laban sa iligal na droga ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA 12 ang isang sumuko noong drug personality sa Lambayong, Sultan Kudarat.

Ang drug suspek na si Ricardo Gonzales,alyas Ricardo, 27 anyos, ay inaresto ng PDEA sa kanila mismong lugar sa Purok Pagasa, Barangay Poblacion sa nasabing bayan. Si Gonzales ay naaresto matapos umanong magbenta ng iligal na droga sa isang agent ng PDEA.

Nakuha sa kanya ang dalawang sachet ng suspected shabu na nagkakahalaga ng mahigit P2,500 at P500 marked money.

Ayon kay PDEA 12 Information Officer Kath Abad si Gonzales ay sumuko na noon sa Oplan Tokhang ng mga pulis sa bayan ng Tantangan, South Cotabato.

Pero sa halip na magbagong buhay lumawak pa ang lugar na pinabebentahan umano nito ng illegal drugs at umabot sa mga bayan ng Tupi at Koronadal City dahilan para malagay ito sa drug wathclist ng PDEA.

Si Gonzales na nakakulong na ngayon sa lock up cell ng PDEA 12 sa General Santos city ay nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.


-0-



INARESTO ng mga pinagsanib na puwersa ng PNP at ng Philippine Army ang tatlo katao na nahaharap sa kasong frustrated murder, robbery at paglabag sa RA 10591 sa magkakahiwalay na lugar sa bayan ng Magpet, North Cotabato, alas-5:00 ng umaga, kahapon.

Kinilala ang mga dinakip na sina Datu Maylan Andas ng tribong Manobo-Aromanon; na taga-Sitio Tungaw, Brgy. Tempuran; Harold Adiaton, 28; at Ian Solis, 28, pawang taga-Barangay Balite, Magpet.

Sa report na nakarating kay Supt. Bernard Tayong, CPPO spokesperson, hinuli ang tatlo batay sa warrant of arrest at search warrant na inisyu ng korte kontra sa kanila. Batay sa court records, si Solis ay may kasong frustrated murder habang limang count ng robbery naman ang kinakaharap ni Andas.  

Si Adiaton, na inaresto batay sa search warrant, ay nakuhanan ng improvised explosive device (IED) na pinaniniwalaang landmine nang pasukin ng raiding team ang kanyang bahay sa Barangay Balite.

Nakuhanan rin umano si Solis ng isa pang IED, ayon sa report ng Magpet PNP. Sinasabi sa report na ang tatlo ay kasapi ng New Peoples’ Army o NPA na pawang itinanggi nila.

Ang magkasunod na pahayag nina Harold Adiaton at Ian Solis Agad namang umalma ang mga kaanak ng tatlo at sinabing itinamin lamang ang naturang mga eksplosibo sa loob ng kanilang bahay.

Sinabi ni Joy Mirasol, secretary-general ng grupong KARAPATAN-North Cotabato, na ikinaalarma nila ang pagdampot sa tatlo. Giit ni Mirasol na mga sibilyan – at hindi mga rebelde, ang mga hinuli ng PNP at ng Army.    



-0-



WALA nang magawa ang lolo na si Claudio Anob nang datnang abo na ang bahay niya sa may Barangay Upper Kalaisan sa Kidapawan City, alas-dose ng tanghali ng Martes [Jan 9].

Naiwanang kandila ang umano dahilan ng sunog. Kwento ni Lolo Claudio, umaga pa lang ng Martes ay nagsindi na siya ng kandila sa kanyang altar para gunitain ang Black Nazarene.

Pagkatapos magdasal ay lumabas ng bahay.  Naiwan niya raw ang nakasindi pang kandila.
Ayon sa report, di alam ng matanda kung paano’ng nag-apoy ang bahay niya, gayung ang kandila ay inilagay niya sa isang ligtas na lugar.

Posible na natabig ang kandila o kaya ay dahil sa hangin kaya ito nahulog sa sahig at agad nag-apoy at kumalat. Yari lamang sa nipa at kalakat ang bahay ni Lolo Claudio. Nag-iisa lamang si Mang Claudio sa bahay niya.   NDBC BIDA BALITA          


-0-


Kinumpirma ni Bishop Jose Colin Bagaforo, DD ang Obispo ng Kidapawan na hawak umano ng New People’s Army o NPA si Chief Inspector Menardo Cui, ang deputy chief of police ng Pres. Roxas, North Cotabato.

Bagaman at hindi nito direktang pinangalanan ay kinumpirma naman ito ng kanyang network.

Sa ngayon ay gumagawa na sila ng pamamaraan o hakbang para maka-kunekta sa nasabing grupo para sa maayos na negosasiyon.

Mag-labing apat na araw na ngayon simula ng dinukot si Cui, pero walang pang grupo na umaako dito.

Kaugnay nito, tinawag namang fake news ni Bagaforo ang lumalabas na ulat na patay na umano ang nabanggit na pulis. Katunayan aniya, bumubuo na ang religious sektor sa pangunguna ng tanggapan ng Obispo ng isang pangkat upang maayos na ma-release ang nasabing pulis.

Inatasan na nito si Fr. Pol Paracha na makipag-ugnayan sa nasabing grupo para sa agarang pagpapalaya kay Cui.


-0-



NAGPASAKLOLO ang isang malaking mall sa lungsod sa city environment and natural resources office o cenro hinggil sa problema ng nakokolektang basura.

Kamakailan lang ay lumiham ang management ng Gaisano Grand Mall sa CENRO na ipatutupad na nito ang ‘MOB DAY o My Own Bag Day’ na nag-uutos sa mga customers na magdala na ng kanilang sariling bag o supot kung bibili sa lugar.

Ito ay sa layuning maibsan ang paggamit ng plastic at mabawasan ang nakokolektang basura bilang hakbang na ma-protektahan ang kapaligiran. Ipatutupad nito ang MOB DAY o My Own Bag Day kada araw ng Miyerkules, ayon pa sa sulat nito sa CENRO.

Dapat magdala ng kanilang sariling bag, supot o ano mang uri ng sisidlan ang customers kapag bibili sa mall. Pwede pa rin namang bumili ang customer ng walang dalang bag sa araw ng Miyerkules, ngunit dagdag niyang babayaran ito bilang sisidlan o pambalot sa kanyang pinamili.

Ang mga kaukulang charge sa mismong plastic bag mula sa Gaisano Grand Mall ay: Jumbo P25.00; Large P 20.00; Medium P15.00; Small P10.00 at Extra Small P5.00. Suportado naman ng CENRO ang hakbang na nabanggit ng Gaisano Grand Mall lalo pa at makakatulong ito na mabawasan ang basurang nakokolekta sa lungsod. NDBC BIDA BALITA  
 

  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy