NDBC BIDA BALITA (1.11.18)

NDBC BALITA  • Thu Jan 11, 2018 10:45 AM  •  107   0
By NDBC NCA
  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy
NEWSCAST JANUARY 11, 2018 (THU)
7:00 AM
 


HEADLINES:
 

1. MGA SUSPEK sa Maguindanao massacre na patuloy pang nakakalaya, posibleng umanib na araw sa BIFF, ayon sa Maguindanao governor.  

2. Pamunuan ng Army’s 39th Infantry Battalion, itinangging sinaktan nila ang tatlo kataong kanilang hinuli sa Magpet, North Cotabato  

3. Hired killers posibleng reponsable sa serye ng pamamaril sa Koronadal city, ayon sa PNP  

4. Davao Mayor Sara, bisita ng Koroandal sa Hinugyaw Festival


-0-



MALAKI ang paniniwala ni Maguindanao Gov. Esmael ‘Toto’ Mangudadatu na umanib na sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF ang mga natitirang suspek sa Ampatuan, Maguindanao massacre na hanggang ngayon ay patuloy pang nakakalaya.  

Sinabi ni Mangudadatu na dahil nawalan na ng hanap-buhay ang mga naturang massacre suspek at patuloy pa silang tinutugis ng mga otoridad, kaya naman minabuti ng mga ito na sumali sa ekstremistang grupo.  

Dagdag pa ni Mangudadatu, marami sa mga Maguindanao massacre suspect ang sangkot sa bentahan ng iligal na droga, kaya naman ngayong mahigpit ang kampanya ng kapulisan, militar at PDEA laban sa illegal drugs ay natigil na rin ang operasyon ng mga ito sa lalawigan.  
Sa ngayon, ayon kay Mangudadatu, nangongolekta na ng zakat o revolutionary taxes ang mga naturang massacre suspect dahil humina na ang kanilang kita sa pagbebenta ng iligal na droga.  

Samantala, sinabi ni Governor Mangudadatu na walang binigay na timeline ang PNP at AFP kung kelan masusugpo ang BIFF na patuloy na naghahasik ng kaguluhan sa iba’t ibang mga bayan sa Maguindanao.  

Ayon sa gubernador, bagaman at kokonti lamang ang BIFF ay kalat-kalat ang mga ito at posible aniyang kinakanlong pa ng kani-kanilang mga kamag-anak kaya’t nahihirapan ang tropa ng pamahalaan na tapusin ang mga ito.  

Gayunman, aniya, sa tulong ng MILF ay tiwala siyang masusugpo rin ng pamahalaan ang BIFF.  

Sa kaugnay na balita, pabor naman si Governor Mangudadatu sa utos ni PNP chief Director-General Ronald dela Rosa na dis-armahan ang mga barangay tanod na may mga bitbit na armas.  

Aniya, dapat itong ipatupad sa ilang mga bayan sa lalawigan kung saan ginagamit na private armed group ang mga barangay tanod.  

Partikular na tinukoy ng gubernador ang nangyayari sa Mt. Feris sa boundary ng Datu Unsay at Datu Hofer kung saan aniya, maaaring sinasakyan ng ilang indbidwal ang gulo sa lugar dahil sa personal na interes.



-0-


FALSE ALARM umano ang kumalat na balitang mayroong sumabog na bomba sa Sinsuat Avenue, sa bahagi ng Barangay Datu Balabaran, Cotabato city kagabi.  

Sinabi ni Police Station 3 commander, Sr. Insp. Leonardo Enggay na negatibo ang nasabing balita.   Nilinaw ni Enggay na ang narinig na pagsabog ay dahil kusang pinasabog ng Explosives and Ordnance Disposal Team ang naiwang bag sa naturang lugar.  

Nabatid naman mula kay EOD Teamleader SPO2 Bernil delos Reyes na walang bombang laman ang naturang bag bagkus ay towel at notebook lamang ang nasa loob nito.  
Sa iba pang balita, patay ang isang dispatcher ng mga PUV habang sugatan naman ang isa pang lalaki matapos mabiktima ng pamamaril kahapon ng tanghali sa bahagi ng Rajah Tabunaway Blvd., Brgy. Pob Singo ng lungsod.  
Kinilala ang biktimang si DAUD M GUIALAL,50 taong gulang, at taga Brgy. Ganta, Kabuntalan, Maguindanao.   Habang sugatan naman ang may-ari ng isang restaurant na nadamay sa insidente na kinilalang si KADIGUIA ABDUL,  50 anyos, residente naman ng Tukananes, barangay poblacion Siyete ng lungsod.  

Bagaman, naisugod pa sa pagamutan si Guialal ay hindi na rin ito umabot pa ng buhay habang patuloy pa ring nagpapagaling sa ospital si Abdul na nagtamo ng tama ng bala sa kanyang kaliwang braso.  

Mabilis namang tumakas sa hindi malamang direksyon ang mga hindi pa nakikilalang suspect.  



-0-



Nasa 65 mga batang may espesyal na pangangailangan ang nabigyan ng kasiyahan ng Maguindanao provincial government sa isinagawang Special Children’s Fun Day sa Tenorio, Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao kahapon.  

Sinabi ni Maguindanao special program coordinator Lynette Estandarte na kabilang sa mga batang dumalo ay mula sa SPED classes ng Datu Odin Sinsuat, Upi, Parang at Sultan Mastura.  

Ayon kay Estandarte, bahagi ng naturang programa ang talent presentation ng mga bata na kinabibilangan ng poster-making, clay-modeling, blocks-building, beads artwork at iba pa.  

Siyempre, nadagdagan pa ang saya ng mga bata nang makisayaw sa kanila si Jollibee.   Sinabi ni Estandarte na marami sa mga benipisyaryo ng programa ay autistic at iba pang uri ng kapansanang pisikal sa pag iisip.  

Ayon kay Estandarte, ang naturang aktibidad ay bahagi lamang ng serye ng mga programang ipinatutupad ni Maguindanao Governor Esmael Mangudadatu na nagbibigay atensyon sa mga children with special needs.



-0-


Pinuri ng Office of Presidetial Adviser on the Peace Process ang implementasyon ng Gender and Development program sa bayan ng Matanog, Maguindanao.  

Sinabi ni OIC Head Secretariat of National Action Plan for Women, Peace and Security Helen Rojas na  naikot na nila ang buong Pilipinas subalit tanging ang Matanog lamang ang may success stories sa ilalim ng samahang Women of War.
 

Bukod sa women empowerment, pinalakas pang lalo ng WOW ang livelihood programs na siyang pinagkakakitaan ngayon ng mahigit dalawandaang  mga miyembro.
  Pangunahing produkto ng WOW ay ang Matanog Coffee at Sakurab na isang maanghang na appetizer sa pagkain ng mga Maranao at Iranun.  

Ayon kay GAD Chairperson Jo Guro, pinagsisikapan nilang makapaglaan ng isandaang ektaryang lupain upang tamnan ng sibuyas dahon na siyang pangunahing sangkap sa paggawa ng sakurab.  

Malaki ang demand sa kanila ng Japan kung kaya't hiningi nila ang tulong ng OPAPP at LGU sa pamamagitan ni Matanog Mayor Mohammad Kits Guro dahil malaki anya ang kinakailangang pondo para rito, dagdag ni Jo Guro.



-0-



NAGSAGAWA ng pagpupulong ang mga miyembro ng Cotabato City Price Monitoring Council kahapon ng hapon sa Office of the City Administrator sa lungsod ng Cotabato.  

Sinabi ni City Administrator at City Price Minitoring Council chairman Dr. Danda Juanday, layun ng pagpupulong buhaying muli ang local price monitoring council ng lungsod.  

Ayon kay Juanday, napagkasunduan ng konseho na dapat ay maglalabas ng Executive Order si City Mayor Cynthia Guiani-Sayadi na ang lahat ng mga nagtitinda ay kailangang maglagay ng price tag at hayaan ang mga mamimili na sila ang pumili kung saan sila bibili.  

Dagdag ni Juanday, kaugnay sa napabalitang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa lungsod ay nilinaw nito na wala pang dahilan upang magtataas ng presyo ang mga negosyante sa lungsod at lalong-lalo na ngayong panahon ng martial law ay dapat hindi basta-bastang magtaas ng presyo ng mga bilihin.  

Binigyang diin ni Juanday na hindi pa nararamdaman dito sa lungsod ang epekto ng TRAIN Law.   Samantala, iminungkahi naman ni City Market Administrator Sam Mundas kay DTI Cotabato City Director Carlito Nunez na dapat magpalabas ang DTI ng Standard Retail Price o SRP para mayroong basehan ang mga market vendors.



-0-


Hired killers posibleng reponsable sa serye ng pamamaril sa Koronadal, ayon sa PNP

Maaring kagagawan ng grupo ng mga hired killers ang serye ng pagpatay ng riding tandem sa Koronadal City. Ito ang ipinahayag ni Koronadal City Chief of Police, Superintendent Ronald Allan Penaverde.

Ipinahayag ito ni Penaverde matapos makapagtala ng pitong nasawi sa pamamaril ng riding tandem ang Koronadal PNP simula Disyembre noong nakaraang taon. Ayon sa police official, madalas gamitin ng mga salarin sa krimen ang tatlong motorsiklo na walang license plate.

Isa din sa tinitingnan ng PNP ang mga lugar kung saan na madalas binaril ang mga biktima. Ayon kay Penaverde, palaisipan ngayon sa PNP kung bakit karamihan sa mga biktima ay binaril sa mga Barangay General Paulino Santos, Sto. Nino, at Zone IV.

Sa kabila nito, binigyan diin naman ni Koronadal Mayor Peter Miguel na nananatili pa ring matiwasay sang pangkalahatan ang lungsod.

Ayon sa alkalde isolated case lamang insidente ng mga pamammaril sa Koronadal City.



-0-



Mayor Sara Duterte, pinabulaanan na kaya isinusulong ang Pederalismo para mapalawig ang termino ng amang pangulo

Nakadepende pa rin sa boto ng sambayanan ang pagpapatupad ng Federalal Form of government sa Pilipinas.

Ayon kay Davao City Mayor Sara Duterte, matapos itong pagusapan sa kongreso dadaan pa ang usapin sa pelebisito kung saan maaring bumuto ng pabor o hindi ang mamamayan.

Kaya ayon sa alkalde, walang katotohanan ang binabato ng mga kritiko na kaya isinusulong ng Duterte Administration ang Pederalismo para mapalawig ang termino ng pangulo.

Binigyan diin ng nakababatang Duterte na wala sa plano ng kanyang ama ang term extension.

Sa katunayan ayon sa alkalde, kapag natupad na nito ang ipinangako sa sambayanan, handa nang magretiro si Pangulong Duterte. Sinabi din nito na sakali mang makatawid sa kongreso at idaan sa plebisito,dapat ding respetuhin ng publiko ang desisyon ng nakararaming mamamayan sa Pederalismo.

Kinumpirma din ni Mayor Sarah ang pagtakbo nito bilang kongresista sa unang Distrito ng Davao City sa susunod na eleksyon, taliwas naman sa napapabalita na tatakbo ito sa senado.

Si Mayor Duterte ay naging panauhing pandangal sa pagtatapos kahapon ng 18 Hinugyaw Festival at 78th Foundation Anniversary ng Koronadal City.



-0-


Sa Abril a uno pa ngayong taon ipatutupad ang bagong revenue rate ng pamahalaang panlalawigan ng South Cotabato.

Paliwanag ni Provincial Treasurer Alvin Batol, nilagdaan lamang kasi ni Governor Daisy Avance Fuentes an amendment ng revenue code ng lalawigan noong Enero a tres. Ayon kay Batol, hindi kasi kaagad nakalagda sa naturang code ang lahat na mga myembro ng Sangguniang Panlalawigan.

Sinabi ni Batol na dahil sa bagong revenue code aasahan na ang bagong rate sa renta sa mga pasilidad ng lalawigan. Kalakip dito ang South Cotabato Gym,Sports Complex, Protect Center,Seven Falls sa Lake Sebu, Delivery Van, Hospital fees at maraming iba pa.

Ipinahayag din ni Batol na dahil sa amendment sa revenue code inaasahan nila ang sampung prosyentong pagtaas sa kita ng South Cotabato Provinical Government ngayong taon.



-0-




Tumanggap ng tig P50,000 na burial assistance mula sa pamahalaang panlalawigan ang mga kaanak ng mga biktima na nasawi sa banggaan ng motorsiklo at dumptruck ng South Cotabato Provincial Government.

Kinumpirma ito ni Provincial Social Welfare and Development Office OIC Haydee Agustin na nakipagpulong sa pamilya ng mga biktima.

Matatandaan na ang vehicular crash na naganap sa national highway Banga, South Cotabato ay ikinasawi nina Jonilo Cedenio ng Surallah at Joe Real Felongco ng Bambad, Isulan, Sultan Kudarat.

Tiniyak din ni Agustin na sasagutin din ng provincial government ang pagpapagamot sa isa pang sugatan. Ayon kay Agustin nakalabas na rin ng kulungan ang driver ng dump truck ng provincial engineering office na nakasalpukan ng motorsiklo ng mga biktima na si Jeffrey Tingson



-0-




Ipinakita ng mga contingent sa Pyesta Kolon Datal Grand Parada Showcase ng 18th Hinugyaw Festival at 78th Foundation Anniversary ng Koronadal City ang makukulay na kultura ng Mindanao.

Nagpatalbugan sa costume at pagindak ang mga contingent mula sa kalye hanggang sa finale performance sa South Cotabato Sports Complex.

Kaugnay nito tinahanghal naman na 3rd Runner Up sa kumpetisyon ang Salam Active Youth Organization ng Barangay Nuling, Sultan Kudarat Maguindanao. Ang grupo na ibinida ang kultura ng mga Maguindanaoan ay tumanggap ng P75,000.

Flores de Mayo naman ang ibinida ng Esperanza National High School sa lalawigan ng Sultan Kudarat na nagwaging 2nd Runner Up at naguwi ng P100,000.

Ang Saravia National High School naman ng Koronadal na isinadula ang kasaysayan ng lungsod ang tumanggap ng P150,000 ang First Runner Up .

Tinanghal naman na Champion at naguwi ng P200,000 ang Performing Arts Guild ng Bambad National High School sa Isulan, Sultan Kudarat na ibinida ang kultura ng mga Maranao.

Sinabi naman ni Senator Manny Pacquio na panauhing pandangal sa programa na selebrasyon ay isang pagkilala sa tradisyon na ipinasa sa iba’t ibang henerasyon sa South Cotabato. Voice Clip....Si Senator Manny Pacquio


-0-




Umpisahan na nang Social Security System o SSS na ipatupad ang bagong collection system nila na enhanced contribution collection.

Ito ayon kay OIC Branch Head Monique Alcantara sa panayam ng DXND-Radyo BIDA. Aniya sa Enero a-16 ng kasalukuyang taon ay simulan na nilang ipapatupad ang nasabing programa.

Sa pamamagitan nito masasagot ang reklamo ng ilang mga employers na nagbabayad pero di agad nakapaggawa ng report dahilan para maantala ang posting ng contributions.

Ang electronic Collection System (e-CS) ay malaking tulong upang magkaroon ng real-time posting contributions sa mga SSS branch.

Kaugnay nito, nananawagan si Alcantara sa mga miyembro na mag parehistro na sa kanilang website sa www.sss.gov.ph.




-0-



Naka-uwi na sa kanilang tahanan sa bayan ng Antipas, North Cotabato ang isang 38-anyos na Overseas Filipino Worker na nakulong sa bansang Oman makaraang sampahan ng kaso ng kanyang employer.

Kinilala ang nasabing OFW na si Ramel Tibang na namasukan bilang isang flower arranger ng isa’t kalahating taon sa Muscat, Oman.

Agad namang nagpasaklolo ang kanyang mga kamag-anak sa Kidapawan city government ng mabalitaan ang nangyari kay Tibang. Mabilis namang tumugon ang punong ehekutibo ng lungsod at agad nakipag ugnayan sa Philippine Overseas Workers Administration at sa embahada ng Pilipinas sa Oman.

Enero a-1 ng kasalukuyang taon ng mapalaya si Tibang matapos ang isang buwang pagkakakulong sa nasabing bansa.
Aniya, napag initan siya ng kanyang among Arabo at gumawa ito ng kwento na siya umano ay nagnakaw. Bagama’t nakulong, napatunayan naman ng korte sa Oman na siya’y inosente.

Sa kanyang pagdating sa Pilipinas ay kaagad pinuntahan ni Tibang ang alkalde sa City Hall at personal na nagpasalamat sa tulong na ipinaabot nito sa kanya.

May paalala naman si Tibang sa mga nagbabalak na magtrabaho sa ibayong dagat na ayusin ang kanilang papeles upang di nila maranasan ang sinapit nito na isang undocumented OFW.



-0-



Iginiit ni Lt. Col. Harold Argamosa, ang pinuno ng 39th IB na hindi sinaktan ng kanyang mga tauhan ang tatlo katao na kanilang hinuli sa Magpet, North Cotabato.


Ginawa ng opisyal ang pahayag matapos na magreklamo ang ilang mga kamag-anak ng tatlong mga nadakip na sina Datu Maylan Andas, Harold Adiaton at Ian Solis na sinaktan umano sila at tinaniman lamang ng mga eksplosibo.

Pero ang hinalughog ang kanilang mga pamamahay ay bahagi umano ito ng search kungsaan bitbit ng mga pulisya at militar ang search at arrest warrant laban sa tatlo.

Tiniyak din ng opisyal na sumusunod sila sa proseso sa pagdakip ng mga target na suspek. Pero kung papalag ang mga ito, possible silang makakasuhan ng obstruction of justice, wika pa ng opisyal. Nilinaw din nito na wala silang ginawang surveillance sa tatlo bago dinakip ang target.

  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy