NDBC BIDA BALITA (1.12.18)

NDBC BALITA  • Fri Jan 12, 2018 09:43 AM  •  87   0
By NDBC NCA
  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy
NEWSCAST JANUARY 12, 2018 (FRI)
7:00 AM
 

HEADLINES:
 

1. MGA BULAKBOL na LGU official sa ARMM, binalaan ni ARMM Gov. Mujiv Hataman.  

2. Dalawa sa tatlong mga nahuli sa Magpet, North Cotabato, mga miembro raw ng Special Partisan Unit o SPARU ng NPA, ayon sa Army’s 39th Infantry Battalion  

3. Wedding proposal ng Bombero sa kasintahang miembro rin ng BFP sa Hinugyaw Festival ng Koronadal city, nag-trending sa social media  

4. Koronadal village chair at kagawad, tinaggal ng Ombudsman sa pwesto dahil nagdeklara ng calamity nang walang barangay council session 




-0-



POSIBLENG maharap sa kasong administratibo at maaaring masibak pa sa tungkulin ang mga local chief executive sa mga bayan at syudad sa Autonomous Region in Muslim Mindanao o ARMM na madalas absent at mapapatunayang hindi ginagampanan ang kanilang mga trabaho.  

Ito ang babala ni ARMM Governor Mujiv Hataman kasunod ng inilabas na Martial Law Order Number 1 ni Defense Sec. Delfin Lorenzana, na tumatayong martial law administrator sa Mindanao.  

Sa naturang kautusan kasi mahigpit na pinababantayan ang mga LGU official kung pumapasok at nagseserbisyo ba ng tama ang mga ito sa kani-kanilang mga nasasakupang munisipyo o lungsod.  

Bukod dito, pina-momonitor din ng pamahalaang Duterte ang mga proyektong pinondohan ng pamahalaan sa lahat ng mga rehiyon sa bansa.  

Katuwang sa gagawing monitoring ang militar, PNP at iba pang law enforcement agencies ng pamahalaan.   Ayon kay Hataman, ang mga mapatutunayang non-performing local chief executives ay mananagot sa batas.  

Samantala, nakarating na sa Department of the Interior and Local Government o DILG ARMM Sec. Atty. Noor Hafizullah “Kirby” Abdullah ang hinggil sa ilang mga LGU official sa Maguindanao na hindi pa rin pumapasok sa kani-kanilang tanggapan sa kabila ng mga nangyayaring kaguluhan sa lugar na kanilang nasasakupan.  

Nabatid na may ilang chief executives kasi sa Maguindanao na hanggang ngayon ay nagbabakasyon pa abroad at napag-alaman pang walang namang travel authority ang mga ito.  

Hinggil naman sa usapin ng Calamity Fund, sinabi ni Abdullah na kataka-takang hindi nagdedeklara ng state of calamity ang ilang mga bayan sa Maguindanao at Lanao del Sur kahit lubog na sa baha ang kanilang lugar at marami sa kanilang mga residente ang nagsilikas.  

Aniya, meroong calamity fund ang mga LGU na nararapat gamitin para makapagbigay ng mga paunang tulong sa mga apektado ng kalamidad.   Pero sa ngayon, madalas nakadepende ang mga LGU sa tulong na ibinibigay ng Maguindanao provincial government at ng ARMM HEART.  


-0-


SA IBA PANG BALITA, tutol si DILG-ARMM secretary Atty. Noor Hafizullah Kirby Abdullah sa mungkahi ni DILG undersecretary Martin Dino na dapat magsumite ng mga listahan ng suspected drug pushers at suspected criminals sa kanilang nasasakupang lugar ang mga opisyal ng barangay.  

Giit ni Abdullah, ang nasabing ideya ay ‘stupid at nonsense’ dahil maaari itong gamitin ng incumbent barangay officials laban sa kanilang mga kalaban o mga karibal sa pulitika.



-0-



AMINADO ang lokal na pamahalaan ng Pigcawayan na nahihirapan silang rumesponde sa mga hindi inaasahang pangyayari tulad ng pag-atakeng ginagawa ng pinaghihinalaang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF.  

Gayunman, sinabi ni Municipal Administrator Jezler Garcesa na pagdating sa kahandaan ay lagi namang handa ang Pigcawayan LGU sa anumang uri ng emergency situation.  

Pero aniya, bagaman at may mga paghahanda silang ginagawa ay hindi raw maiiwasan ang mga pagbabago sa plano pagdating sa aktwal na insidente.  

Kaugnay nito, balik-eskwela na ang mga mag-aaral  sa Elementarya at Sekondarya sa Pigcawayan West District  at Brgy. Bulucaon matapos sinuspende kahapon.


Samantala, nakapagtala naman ang LGU ng 14 na pamilya o 49 na indibidwal na lumikas sa kanilang mga tanahan sa mula sa Brgy. Bulucaon.   

Nagkaroon din ng preemptive evacuation sa kalapit na Barangay ng Binasing kung saan nakapagtala ng 20 pamilya o 36 kataong bakwit.  

Parehong nasa kani-kanilang mga kamag-anak nanuluyan ang mga ito.

Matatandaang, masuwerteng napigilan ng militar ang planong pag-atake ng BIFF kamakalawa ng gabi sa Barangay Malagkit, Pigcawayan, North Cotabato.  

Ayon kay  6th Infantry Division Philippine Army, Public Affairs Chief, Captain Arvin Encinas, nakatanggap
sila ng impormasyon hinggil sa planong pag-atake ng BIFF kaya’t naka-posisyon agad ang mga sundalo ng 34th Infantry Battalion sa lugar.  

Humigit kumulang nasa tatlumpung miyembro ng BIFF sa pangunguna ni Commander Aguila ang dumaong sa marsh area ng nasabing Barangay.  

Hindi rin nagtagal ang palitan ng putok ng dalawang panig.  

Gayunman, hindi na nagawang makapasok pa ng mga armado dahil sa presensya ng mga sundalo sa lugar ngunit hindi pa rin ito natinag at lumipat ang mga ito sa Barangay Bulucaon ng nasabing bayan.  

Sa panayam naman ng DXMS AM Radyo Bida kay Barangay Bulucaon Chair Mark John Montales, sinabi nito na wala namang nasaktan sa nangyaring pagpasok ng armadong grupo sa kanyang barangay partikular sa Sitio Margus pasado alas onse ng gabi kamakalawa.  

Ngunit mayroon aniyang apat na mga bahay ang pinasok ng mga suspek at ninakawan.   Dagdag pa ng opisyal, may tinangay ding dalawang mga residente sa lugar ang mga suspek na ginawang guide ng mga ito.  

Matapos ang ilang oras ay kusa ring umalis ang armadong grupo sa lugar at pinakawalan ang dalawang bihag.  

Alas dyes ng umaga kahapon ay natapos ang clearing operation ng mga sundalo sa lugar at ang ibang mga residente ay agad na ring bumalik sa kani-kanilang mga tahanan.



-0-


PATULOY ngayon ang ginagawang imbestigasyon ng Cotabato City Police station 1 hinggil sa pagpaslang sa isang Uztads kahapon ng madaling araw sa Cotabato City.   Kinilala ang biktima na si Uztads Yasser Esmael 40 years old, na residente ng Mabini street, Barangay Bagua Tres ng lungsod.  

Hindi na umabot pa ng buhay sa ospital ang biktima matapos na pagbabarilin ng riding tandem criminals bago mag ala singko ng madaling araw kahapon.  

Ayon sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, habang nagja-jogging ang biktima sa bahagi ng Veterans Avenue, PC Hill, RH-1 ay walang kaabug-abog itong pinagbabaril ng hindi nakikilalang mga suspect na sakay ng suzuki raider motorcycle.  

Nagtamo ng mga tama ng bala sa kanyang ulo, likod, dibdib at hita ang biktima na sanhi ng kanyang pagkasawi.



-0-


MAGSASAGAWA ng community outreach ang DXMS AM RADYO BIDA ng Notre Dame Broadcasting Corporation sa mga liblib at malalayong sitio sa South Upi, Maguindanao bukas, January 13.  

Ito ay bilang bahagi ng nalalapit na anniversary celebration ng himpilan sa susunod na buwan.   Katuwang ng DXMS AM Radyo Bida ang STI College of Cotabato sa naturang programa.  

Abot sa 300 mga bata mula sa Sitio Tuksan, Kinemkem, Renegasan at Ugah, ng Barangay Romongaob, South Upi ang makakatanggap ng mga laruan, tsinelas, school supplies at bags.  

Pagsasaluhan din ng mga ito ang mga masasarap na pagkaing inihanda ng Rocky Bistro at Hashy’s Catering.  
Kasabay nito ay maglulunsad din ng medical mission ang Maguindanao People’s Medical Team sa lugar.   Sinabi ng kanilang team leader na si Lynette Estandarte, magkakaroon ng libreng medical consultation sa mga bata at mga magulang ng mga ito.  

Mamimigay din sila ng mga libreng gamot at bitamina.   Tutulong din sa programa ang MCCT IP team ng DSWD ARMM at ang STL – Cotabato na magsasagawa ng psycho-social activities at orientation on proper hygiene and sanitation.  


-0-


Muling ipinagbawal ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR ang panghuhuli ng tamban o sardinas sa Sulu Sea at Basilan Strait.  

Nagsimula ang fishing ban noong Disyembre na tatagal hanggang Marso ng taong ito.   Pitong magkakasunod na taon nang nagpapatupad ng tatlong buwan na fishing ban ang BFAR para bigyang daan ang nasabing uri ng isda na makapagparami muna para sa fishing season ngayong taon.  

Sa ilalim ng Section ng Republic Act 8550 o Philippine Fisheries Code of 1998, panandaliang sinususpinde ang pangingisda ng tamban sa East Sulu Sea, Basilan Strait at Sibuguey Bay.  

Kukumpiskahin ng mga otoridad ang mga huli at gamit pangisda ng mga lalabag dito, maliban pa sa pagpapataw ng multa na nagkakahalaga ng limang beses na katumbas ng mga nahuli.   Maari din patawan ng parusang P50,000 para sa small-scale fishing hanggang P5 milyon para naman sa large-scale commercial fishing ang mga lalabag dito.  

Kasama din sa mga ipinagbabawal ang pagbili, pagbebenta at pag-iingat sa mga sardinas na nahuli sa nasabing conservation area.


-0-



Wedding proposal ng Bombero sa kasintahang myembro rin ng BFP sa Hinugyaw Festival ng Koronadal nag-trending sa social media.

Enero palang pero tila ramdam na ang Valentines Day sa Koronadal City matapos mag-viral sa social media ang wedding proposal ng isang magkasintahan.

Ito ay matapos mag-alok ng kasal sa gitna ng rave party ng 18th Hinugyaw Festival at Foundation Anniversary ng Koronadal ang isang bombero sa kasintahan nitong isa ring kasapi ng Bureau of Fire Protection o BFP .

Habang nagsasaya ang mga mamamayan, inanunsyo ng emcee na magkakaroon ng performance ang mga taga Bureau of Fire Protection o BFP Koronadal .

Ngunit sa halip na umakyat ng entablado pumunta ang mga ito sa gitna ng dancing fountain sa Welcome Rotonda na mas kilala sa roundball habang nagsasayaw bitbit ang mga bulaklak.

Pagdating ng kanyang kasintahang si Fire Officer 1 Farrah Marie Gayaban ng Tacurong City BFP, hindi na nagaksaya ng panahon si Fire Officer I Joric Abalos ng BFP Koronadal at kinuha ang singsing sabay lumuhod sa harap nito at nag-alok ng kasal.

Pinalakpakan naman ng mga mamamayan na naki-rave party at kinilig sa kanilang mala-pelikulang eksena ang dalawang bombero .

Ayon kay Abalos, ginawa nito ang wedding proposal sa Welcome Rotonda dahil nasa sentro ito ng lungsod at may sentimental value ito sa kanya dahil lumaki din siya sa Koronadal.

Itinaon din nito sa Hinugyaw Festival ang wedding proposal dahil gusto nyang maging memorable ito.

Sinabi ni Abalos na nagkakilala sila ng kasintahan nang sabay na mag-training sa Laguna, at buhat noon ay hindi na niya pinakawalan si Gayaban lalo na nang malaman na ito ay taga karatig lungsod lamang ng Tacurong.

Nakatakda namang ikasal ang dalawang mga kasapi ng BFP sa Abril 9.



-0-



Barangay Chairman at Kagawad na nagdeklara ng state of calamity na walang session, pinatanggal ng Ombudsman

Tinanggal na ng tuluyan sa kanilang pwesto sina Barangay Rotonda Chairman, Roland Blabagno at Kagawad nitong si Randy Testa.

Ito ay batay na rin sa memorandum ni Koronadal City Mayor Peter Miguel. Matatandaan na ang pagtanggal sa dalawang opisyal ng nasabing barangay ay ipinagutos mismo ng Office of the Ombudsman noong nakaraang taon.

Naging dahilan nito ang pagdeklara ng State of Calamity sa Rotonda nina Blabagno at Testa na hindi dumaan sa session.

Nauna nang sinabi ni Blabagno na ginawa lamang nito kung ano ang mga nararapat at makabubuti sa nakararami. Uupo namang bagong Barangay Chairman ng Rotonda si Jerry Marmonejo.



-0-




Hindi nagkulang ang pamahalaang panlalawigan ng South Cotabato sa pagsanay sa mga driver nito para mahasa ang kanilang kasanayan sa pagmamaneho.

Ito ang binigyan diin ni South Cotabato Provincial Human Resources Management Officer Alex Basco. Sinabi ito ni Basco kasunod ng pagkakasangkot sa vehicular crash ng ilang driver ng lalawigan.

Pinakahuli dito ang salpukan ng motorsiklo at dumptruck ng provincial engineering office sa bayan ng Banga na ikinasawi ng dalawa katao at ikinasugat ng tatlong pang mga biktima.

Tumulong na sa pagpapalibing sa mga nasawing biktima at pagpapagamot sa mga sugatan ang pamahalaang panlalawigan. Gayunpaman ayon kay Basco bilang driver kailangan pa rin ang doble ingat sa daan para iwas disgrasya.

Ipinahayag din nito na dumaan sa masusing screening ang mga naga-apply na maging driver sa kaptilyo. Ayon kay Basco tinatanggap lamang ng provincial government ang mga driver na mayroong NC 2 Certificate ng Technical Education Skills Development Authority o TESDA.



-0-




Nagsasagawa pa rin ng lecture hinggil sa masamang epekto ng iligal na droga ang mga pulis sa T’boli, South Cotabato. Ayon kay PO3 Ivy Miramon ng T’boli PNP, huling pinuntahan ng kanilang hanay para magbigay ng lecture sa mga Surfacing Personalities Involved in Drugs o SPID ang barangay Laconon sa nasabing bayan.

Ang aktibidad ay pinangunahan mismo ng mga barangay Officials ng Laconon na nakapagtala ng daang daang sumukong drug personalities sa kasagsagan ng Oplan Tokhang noong ng PNP.

Para patunayan ang kanilang pagbabagong buhay dumalo sa aktibidad ang mga SPID na nabigyan din ng mga gamit pangkabuhayan .

Ayon kay Miramon, nangako din ang mga ito na huwag nang malulong muli sa iligal na droga. Matatandaan na batay sa tala ng PNP apat sa 199 na barangay na lamang sa South Cotabato ang hindi pa naideklarang drug free.

Kalakip sa mga ito ang bagsakan ng iligal na droga na Barangay Ambalgan sa Sto. Nino, Kipalbig at Poblacion sa Tampakan at General Paulino Santos sa Koronadal City.


-0-



Dadalhin ng pamahalaang panlalawigan sa anim na mga liblib na Sitio ng Lake Sebu, South Cotabato ang serbisyo ng gobyerno.

Ayon kay South Cotabato Governor Daisy Avance Fuentes, layon nito na mapigilan ang mga katutubo na sumama sa mga rally.

Ipinahayag ni Fuentes na ang mga liblib na Sitio na ito ay matatagpuan sa mga barangay ng Lamfugon at Tasiman kung saan madalas nang-rerecruit na sumama sa kanila ang ilang grupo.

Ayon kay Fuentes resulta ito ng pakikipag dayalogo ng pamahalaang lokal sa mga lider ng mga indigenous people o IP sa nasabing mga lugar.

Naniniwala si Fuentes na sa pamamagitan ng tuloy tuloy na pagbibigay ng pangunahing pangangailangan ng gobyerno, hindi na sasama sa mga rally o kilos protesta ang mga lumad.

Matatandaan na ilang sa mga nagkampuhan sa harap ng South Cotabato Provincial Capitol noong Disyembre ay hindi umano alam ang kanilang pakay.


-0-


Aasahan ng mga miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation o Philhealth ang 0.25% na pagtaas sa kanilang buwanang bayarin.

Ito ayon kay Hanah Naanep, ang Public Relations Officer 3 ng Philhealth Region 12 sa panayam ng DXND-Radyo BIDA.

Aniya, ang tatamaan lamang ng nasabing pagtaas ay yung sakop ng formal economy member, kagaya ng mga kawani ng pamahalaan, pribadong sektor, mga kasambahay, family driver’s at mga nag-mamay-ari ng Micro Enterprises at iba pang kahalintulad nito.

Giit ni Naanep na hindi naman apektado dito ang mga self employed at mga voluntary members kungsaan nakapako pa rin sa P2,400 kada taon ang kanilang babayaran.

Ibig sabihin, ang may mga mandatory deductions lamang ang apektado ng nasabing pagtaas. Layon nito na mapalawak ang benepisyo para sa mga senior citizen, kasama na rin dito ang mga indigents at ibang mga benepisyaryo ng philhealth.

Maliban pa ito sa pag-enhanced ng all case rates at pagbibigay ng primary cares benefits para sa mga non-indigents. Aasahan namang ilulunsad ngayong Pebrero kasabay ng anibersaryo ng Philhealth ang libreng check-up at laboratory test doon sa mga non-indigent na mga miyembro nito.


-0-


Inaprubahan na kahapon nang Sangguniang Panglungsod ng Kidapawan ang application ng BRIA Homes para sa kanilang Preliminary Subdivision Development Plan. Ito ayon kay City Councilor Judith Galbizo-Navarra, ang may hawak ng committee on housing and land use sa Sanggunian.

Itatayo ang housing unit ng BRIA Homes sa Barangay Sudapin. Isinulong ng lokal na mambabatas ang pag-apruba sa development plan ng BRIA Homes upang kanila ding maasikaso ang ilang mga rekisitos sa ibang sangay ng pamahalaan.

Naniniwala ang opisyal na walang dahilan upang kanilang ibinbin sa konseho ang application ng BRIA HOMES na unti-unti naman nilang nako-comply batay sa mga kakailanganin ng City Planning and Development Council.

Nabatid na pinasuspende ng alkalde ng lungsod ang mga ahente ng BRIA Homes na magbenta ng mga units matapos na magpalabas ng executive Order ang punong ehekutibo, makaraang may ilang mga pamilya ng lupa ang tutol dito.

Hinikayat naman ni Navarra ang mga claimants na dalhin na lamang sa tamang forum at ipakita ang kanilang ebedensiya sa korte upang malaman kung sino ang legal na nag-mamay-ari ng nasabing lupa.        



-0-



Nagpasalamat ang Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines kay Pangulong Rodrigo Duterte sa ibinigay na dagdag-sweldo ng kanilang mga miyembro.

“Best performance” sa trabaho ang magiging katumbas ng doble-sweldong ibibigay sa mga miyembro at opisyal ng PNP. Ayon kay PNP Spokesperson Chief Supt. Dionardo Carlos, ang pagtaas sa sweldo ng mga pulis at mga sundalo ay patunay lamang na hindi binabalewala ng pamahalaan ang sakripisyo ng mga alagad ng batas.

Samantala, sa panig naman ng Armed Forces of the Philippines, sinabi ni AFP Spokesperson Col. Edgard Arevalo na magkaroon man ng paggalaw sa kanilang sweldo o hindi, tutuparin pa rin ng mga sundalo ang kanilang tungkulin sa bayan.

Nagpasalamat rin ang AFP kay Pang. Duterte dahil sa kanyang pagkilala sa sakripisyo ng mga sundalo na nagbubuwis ng buhay para sa bayan sa pamamagitan ng karagdagang-sweldo.

Sa ilalim ng joint resolution, na epektibo January 1, 2018, ang mga entry-level uniformed officer ng PNP, Bureau of Fire Protection, BJMP, AFP at Seaman Third class ay makakatanggap na ng base pay na P29,668 ngayong taong ito mula sa dating P14,834 lamang.

Ang AFP Chief of Staff at PNP Chief ay makakatangap na ng P121,143 kasa buwan ngayong taon at P149,785 kada buwan sa susunod na taon mula sa kanilang base pay na P67,500.


-0-


 
  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy