NDBC BIDA BALITA (1.9.18)

NDBC BALITA  • Tue Jan 9, 2018 08:38 AM  •  148   0
By NDBC NCA
  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy
NEWSCAST JANUARY 9, 2018 (TUE)
7:00 AM
 


HEADLINES:
 

1. BILANG ng Dengue cases sa Maguindanao nananatili alarming, ayon sa IPHO-Maguindanao.  

2. Isang drug suspek, patay; tatlong iba pa, arestado sa anti-illegal drugs operation sa Kabacan, North Cotabato  

3. Manager ng motorcycle shop, patay naman sa pamamaril ng riding tandem suspects sa Tantangan, South Cotabato  

4. Dalawang CAFGU, sugatan sa roadside bombing sa Maguindanao






-0-




MAS MABABA NA ang bilang ng mga nagkakasakit ng Dengue sa Maguindanao noong nakaraang taon kung ikukumpara noong 2016.  

Gayunman, sinabi ni Integrated Provincial Health Office o IPHO Maguindanao chief, Dr. Tahir Sulaik na maituturing pa ring alarming ang bilang na kanilang naitala sa buong lalawigan.  

Umaabot kasi sa 771 katao ang nagkasakit ng Dengue noong nakaraang taon 2017 base sa record ng IPHO Maguindanao.  

Ayon kay Sulaik, 11 katao sa nabanggit na bilang ang namatay mula sa limang mga bayan ng probinsiya.   Giit ni Sulaik, maituturing pa ring mataas ang bilang na ito kaya’t pursigido sila na mas palakasin pa ang kampanya kontra Dengue ngayong taon.  

Samantala, kabilang sa limang mga bayan na tutukan ngayong taon ng IPHO Maguindanao dahil sa mataas na kaso ng Dengue ay ang Shariff Aguak na may naitalang 129 Dengue cases, Datu Paglas na mayroong 89 cases, Datu Odin Sinsuat, 61 cases; North Upi na may 59 at Buluan na mayroong 40 Dengue cases.  


-0-


SUGATAN ang dalawang mga miembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit o CAFGU matapos masabugan ng improvised explosive device o IED pasado ala sais ng umaga kahapon sa bahagi ng national highway ng Barangay Labu-Labu Dos, Datu Hoffer, Maguindanao.  

Kinilala ang dalawang mga sugatang CAFGU members na sins Freddie Lupos  na nagtamo ng sugat sa kanyang kanang kamay habang nagtamo naman ng sugat sa kanyang paa si Michael Dayo.
 

Ang dalawang biktima y pawang mga miyembro ng  25th CAA, Delta Company ng Army’s 38th Infantry Battalion.
 
Nabatid na habang nagsasagawa ng Road Security sa nasabing lugar ang mga biktima ay bigla na lang may sumabog sa daan.   Sa ngayon ay nasa stable condition na ang dalawang cafgu member.  

Pinaniniwalaan namang mga miyembro pa rin ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF ang nasa likod ng naturang panibagong roadside bombing.  



-0-



Malaki raw ang magiging pakinabang ng mga miyembro ng PHILHEALTH o  Philippine Health Insurance Corporation kung madadagdagan ng 0.25 percent ang premium contribution ng mga ito.  

Sa panayam ng Madam Public Service Program sa DXMS AM Radyo Bida, sinabi ni PhilHealth Head Executive Assistant to the President and CEO Dr.Israel Francis Pargas na sa naturang pagtaas ng kotribusyon ng bawat miembro, ang dating binabayaran na 2.5 percent ay magiging 2.75 percent na.  

Ang naturang premium adjustment ay epektibo ngayong buwan at sakop nito ang mga  itinuturing na formally employed maging ang mga kasambahay, sea-based OFW at mga contractual employee.
 

Samantala, binigyang-diin ni Pargas na kailangan ng magtaas ng member's contribution rate ang PhilHealth kasabay ng mga pagbabago at improvement din ng mga serbisyong ibinibigay nito sa mga miembro.




-0-




SIMULA sa susunod na buwan ay ipapaskil na sa pamamagitan ng tarpaulin ang mga perang papasok at magagasta ng iba't ibang line agencies ng Autonomous Region in Muslim Mindanao o ARMM.  

Sinabi ni ARMM Gov. Mujiv Hataman na bahagi ito ng pinaigting na kampanya kontra korapsyon sa rehiyon.   Ayon kay Hataman, nais niyang ipakitang napupunta sa tama ang pondong inilalaan ng pamahalaan sa ARMM.  

Sinumang opisyal na hindi tumupad sa kanyang kautusan ay handa naman si Hataman na tanggapin ang pamamaalam ng mga ito  

Samantala, sinabi ni Hataman na tututukan din nito ang hiring ng mga job order employee sa mga line agency ng ARMM na pawang mga kaanak ng mga opisyal ng mga ahensya.  

Giit ni Hataman, ang pagtanggap ng mga kawani ay dapat na naayon sa credential, kapasidad at galing ng aplikante at hindi dahil kamag-anak ito ng mga namumuno sa ahensya.


-0-


NAKUHA ng Datu Abdula Sangki municipality sa Maguindanao ang ikalimang puwesto sa programang Zero  Open Defecation o ZOD ng Department of Health sa buong  Autonomous Region in Mulim Mindanao.  

Ibig sabihin, wala ng nagbubungkal sa lupa para dumumi sa naturang bayan gaya ng dating nakagawian ng ilang mga mamamayan sa lugar lalo na yung mga nakatira sa mga liblib na barangay.  

Sinabi ni Mayor Mariam Sangki Mangudadatu na pinagsikapan nilang kumbinsihin ang buong residente na maglagay ng sariling palikuran sa tahanan upang makaiwas sa sakit na diarrhea, hepatitis, bulate sa tiyan at maraming iba pa na maaring makamatay.  

Ayon kay Mangudadatu, pinilit nilang ipaintindi ang masamang epekto ng pagdumi sa labas ng kubeta gayundin ang mabuting epekto ng malinis na kapaligiran.   Ang ZOD ay isa sa mga legacy na nais isulong ni P. Rodrigo Roa Duterte katuwang ang Department of Health.  

Nais ng pangulo na 100 percent ng barangays sa buong Pilipinas ay dapat certified at declared ang Zero Open Defecation o ZOD.


-0-


Heroes burial inialay ng lokal na pamahalaan sa dalawang bayani ng Koronadal

Sulit ang 75 taong paghihintay ng kanilang pamilya. Ito ang sinabi ni Maria Morrow Solomon nang dumalo kahapon sa heroes burial na pinangunahan ng lokal na pamahalaan ng Koronadal sa ama nitong si Engineer Albert Morrow at body guard nitong si Santiago Odie.

Sinabi ni Solomon na para sa kabutihan ng mga tao tinalikuran ng kanyang ama ang kanyang pamilya noong World War II.

Ito ang dahilan kung bakit ayon kay Solomon bukod sa kaligayan ng kanilang pamilya, ipinagpasalamat din nila ang pagpapahalaga ng lokal na pamahalaan sa kabayanihan ng kanilang ama.

Ayon kay Koronadal City Mayor Peter Miguel si Morrow ay nagbaril sa sarili matapos tumanggi ang mga sundalong hapon sa pakiusap nito na tigilan na ang pagpapahirap sa mga mamamayan ng Koronadal noong ikalawang dingmaang pandaigdig.

Sa liham nito sa kanyang maybahay sinabi ni Morrow na mas nanaisin pa nitong mamamatay kesa makikita ang paghihirap ng kapawa Pilipino sa kamay ng mga hapon. Bilang pagpapakita ng suporta sa kanya nagbaril din sa sarili ang body guard nitong si Odie.

Si Morrow ay naging Assistant Manager ni General Paulino Santos sa National Land Settlement Administration o NLSA noon.

Hinikayat ng mga ito ang mga taga Luzon at Visayas na mamahay sa noon Marbel Resettlement District na kilala na ngayong SOCCKSARGEN.

Mula sa pinaglibingan nito sa Banga, South Cotabato, inilagak pa sa Christ Cathedral sa Koronadal ang mga relic ni Morrow. Bilang pagbibigay bugay sa dalawang bayani, iprinosisyon ang kanilang mga buto mula sa simbahan patungong lumang city hall kung saan sila inihimlay.

Nagpasalamat naman si National Historical Commission of the Philippines Executive Director Ludovico Badoy sa pagpaparangal ng Koronadal LGU sa dalawang bayani.

Sinabi ni Badoy na hangad din nitong maparangalan ang iba bang mga bayani ng lungsod. Ang Heroes Burial kina Morrow at Odie ay kabahagi ng 78th Foundation Anniversary at 18 Hinugyaw Festival ng Koronadal City.




-0-



Uutang ang pamahalaang panlalawigan ng South Cotabato ng mahigit P290 million sa Development Bank of the Philippines. Ayon kay South Cotabato Vice Governor Vicente De Jesus ito ay hiniling ng authority sa Sangguniang Panlalawigan ni Governor Daisy Avance Fuentes.

Sinabi ni De Jesus na ang P185 million pesos sa nasabing halaga ay gagamitin sa pagpapatayo ng tatlong palapag at may roof deck na gusali sa compound ng kapitolyo.

Ayon kay De Jesus plano ng pamahalaang panlalawigan na ibahin ang mga tanggapan na nasa kaliwang bahagi ng provincial capitol.

Kabilang dito ang mga tanggapan ng Provincial Environment and Management Office, Provincial Veterinary Office, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office at canteen. Dinagdag din ni De Jesus na ang mahigit P103 million sa uutanging pera ay gagamtin naman sa pagpapaayos ng Protect Center.

Ayon kay De Jesus kapag naayos na ang protect center magdadala ito ng revenue sa provincial government dahil din sa pagdami ng mga uupa dito.


-0-



Lima kabilang ang tatlong menor de edad arestado sa anti illegal drug operation ng mga otoridad sa Koronadal City

Naibigay na nila sa Department of Social Welfare and Development Office ang tatlong mga menor de edad na kabilang sa mga naaresto ng mga otoridad sa Koronadal City.

Ito ay ayon kay City Anti Drug Abuse Council o CADAC Chair, Glorio Sandig. Ayon kay Sandig ang mga dalagita ay kasama ng mga suspek na sina Richard Asumbra at Loyd Sabit pawang mga nakatira sa Barangay Sto. Nino, Koronadal.

Ipinahayag ni Sandig na ang mga suspek ay inaresto sa anti illegal drug buy bust operation ng Koronadal PNP, CADAC at City Drug Enforcement Unit sa Mabini Extension, Barangay Zone IV sa lungsod.

Ayon kay Sandig nakuha ng mga otoridad sa mga ito ang limang malalaki at apat na maliit sachet ng suspected shabu na nagkakahalaga ng mahigit P28,000.

Nakuha din sa mga drug suspek ang P500 marked money, assorted totters, disposable lighters, gunting at isang rolyo ng aluminium foil.

Inihahanda na ng Koronadal City PNP ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act laban sa mga suspek.




-0-



Manager ng motorcycle shop, patay sa pamamaril ng riding tandem sa Tantangan, South Cotabato

Kinilala ni Tantangan PNP, OIC Police Senior Inspector Ian Bagot ang biktima na si Albino Dela Cruz, 42 anyos, may asawa , nakatira sa Barangay Tina, Tacurong City Sultan Kudarat at branch manager ng HBU Cycle World sa Koronadal City.

Ang biktimang si Dela Cruz ay binarilxng nakasunod sa kanyang riding tandem na mga salarin habang nagmamaneho ng kanyang Bajaj Motorcyle sa Purok 6, Barangay Mangilala, Tantangan.

Si Dela Cruz na patungo sana sa Koronadal City ay agad na nasawi dahil sa dalawang tama ng bala ng di pa matukoy na armas sa likod at mukha.

Pagnanakaw at pangho-hold up naman ang tinukoy na motibo ng PNP sa krimen. Sa Lake Sebu, South Cotabato naman,patay din ang isang magsasaka matapos mabiktima ng pamamaril.

Kinilala ang biktima na si Jimmy Ofong, 46 anyos, magsasaka at nakatira sa Sitio Floren, Lamdalag sa nasabing barangay. Ang biktimang si Ofong ay nasawi matapos mabaril sa kaliwang balikat habang mano-manong naghihimay ng mais sa kanilang farm house sa Sitio Matolob, Halilan, Lake Sebu.

Maswerteng hindi naman tinamaan ang pamangkin ni Ofong na si Jovel Sulang na kasama nito nang siya ay mabaril. Hindi pa batid ng PNP kung ano ang motibo ng tumakas na salarin sa pagpatay sa biktima.



-0-



Namukod tangi sa labindalawang kandidata na naglaban kagabi sa Lakambini ng Koronadal 2018 ang 19 anyos na si Marela Juaman na pambato ng Barangay General Paulino Santos sa pageant night kaugnay ng Hinugyaw Festival sa lungsod. 

Naging puhunan ng candidate number 5 na si Juaman para makuha ang korona ang galing nito sa question and answer portion sa beauty pageant na dinagsa ng mga mamamayan kagabi sa South Cotabato Gym and Cultural Center.

Umani ng masigabong palakpakan sa audience si Juanan ng sabihin nito sa first round ng question and answer portion na adbokasiya nito na mapalawak pang lalo ang kaalaman sa mental illness na problema ng maraming kabataan sa ngayon.

Naqing dahilan naman ito para makuha ng nasabing kandidata ang minor award na best in interview.

Nang tanungin sa final round ng question and answer portion kung ano ang maipapayo nito sa gustong maging beauty queen, binigyan diin ni Juaman na dapat tanggapin muna ng buo ang sarili at magtiwala dahil ito ay bigay ng panginoon.

Tinanghal naman na First Runner Up ni Juaman si candidate number 1, Darlie Agullana, 19 anyos ng St. Alexius College. Ang designer ng pulang gown nitong si Sherwin Ticson ay tinanghal naman na Best Designer.

Second Runner Up naman si Candidate number 11 at pambato ng Koronadal Fashion Institute and Technology Inc. na si Louella Rodriguez, 20 anyos, na nakuha rin ang mga minor awards na Best in Swimsuit at Best in Long gown.

Si Candidate Number 9 Nicy Quirab ng Gemma Construction Supply ang tinanghal na Third Runner Up.

Itinaas naman ni Candidate number 12 Rochelyn Padilla ang bandila ng Koronadal Market Vendors Association o KOMAVA matapos tanghaling 4th Runner Up, nakuha din nito ang special award na Miss Photogenic at minor award na Best in Production Number.

Si candidate number 10 Emily Ocampo ng Barangay Zone III ang nakakuha ng Miss Personality Award habang Miss Telegenic naman si candidate number 6 Yazari Rein Par ng Bureau of Jail Management and Penology region 12 .

Ang Search for Lakambini ng Koronadal ay isa sa pinakaabangang aktibdad sa 78th Foundation Anniversary at 18th Hinugyaw Festival ng Koronadal City na magtatapos bukas.



-0-


Isang drug suspek, patay; tatlong iba pa arestado sa drug operation sa Kabacan, North Cotabato

Patay ang isang pinaniniwalaang drug suspect habang tatlong iba pa ang arestado ng ikasa ng mga pulisya ang drug operation sa magkakahiwalay na lugar sa bayan ng Kabacan, North Cotabato.

Kinilala ang nasawi na si Badjunaid Usop Beldik, nasa hustong gulang at residente ng nasabing bayan. Nanlaban umano ang suspek sa mga elemento ng pulisya kaya nabaril at napatay ito ng mga pulis.

Maayos namang sumuko ang tatlong iba pa na kinilalang sina Akmad Blah Sandigan, Abdul Mamasalabas Angkanan at Zacaria Ali Beldik.

Sa panayam kay PCI Bryan Placer, hepe ng Kabacan PNP ang operasiyon ay ikinasa alas-3:00 ng madaling araw kahapon, bitbit ang 14 na search warrant upang salakayin ang anim na target na mga kabahayan sa Purok Krislam, Poblacion at isang bahay sa Sitio Lote, Brgy. Kayaga.

Nakuha sa pag-iingat ng suspek isang 38 revolver at dalawang bala at isang basyo ng bala at droga.

Nakarekober naman ang mga otoridad ng nasa 30 piraso ng plastic heat sealed sachet na naglalaman ng shabu at ilang mga drugs paraphernalia sa iba pang mga suspek na nasakote.

Sa ngayon ay nakapiit ang tatlo sa Kabacan PNP lock up cell habang isasailalim naman sa ballistic examination ang nakuhang armas habang ipadala sa crime lab ang mga illegal drugs. Patong-patong na kaso naman ang kakaharapin ng mga nahuling mga suspek.



-0-



Pamimigay ng lupa sa mga magsasaka mula sa USM at CFCST land reserved, naantala dahil sa panggugulo ng ilang grupo


Hanggang ngayon ay hindi pa rin pormal na naipamahagi ang agricultural lands para sa mga magsasaka na kasapi ng MAILUMINADO Farmers Association, Incorporated o MAFAI sa bayan ng Arakan.

Ito ayon kay MAFAI President Cecilio Carmelo sa kabila ng mayroon na umanong Executive order na inilabas ang Department of Agrarian Reform ang EO No. 448 at EO 407 na nagsasaad ng agarang pamamahagi ng nasabing land reserved area.

Batay sa ulat, abot sa 5,091 hectares ang land reservation ng University of Southern Mindanao at Cotabato foundation college of Science and Technology sa pitong mga barangay sa Arakan. Mahigit sa tatlong libung ektarya dito ang dapat ay maibahagi na sa mga magsasaka sa lugar.

Pero ibinulgar sa DXND Radyo BIDA ni Carmelo na may mga grupo umanong nanggugulo kaya hanggang ngayon ay naaantala ang pamimigay ng nasabing mga lupa. Dahil dito, hinikayat ng pangkat ni Carmelo ang DAR na paimbestigahan ang grupong pumipigil sa pamamahagi ng USM at CFCST land reservation.



-0-


4 na libung mga rice at corn fertilizer ang naipamahagi sa mga magsasaka sa Magpet, North Cotabato


Abot sa Apat na libong mga rice at corn fertilizer ang naipamahagi sa mga magsasaka ng Magpet North Cotabato kamakalawa.

Mismong si Department of Agriculture 12 Regional Director Milagros Casis ang nanguna sa pamamahagi ng naturang mga abono sa magsasaka ng bayan. Ang pamamahagi ng mga fertilizer ay sa ilalim ng Special Area For Agricultural Development Program ng Department Of Agriculture.

Apat na raan at walumpong mga magsasaka ng bayan ang nabigyan ng tig dalawang sako ng hybrid corn at rice fertilizer.

Sa kanyang mensahe nanawagan si Regional DirectorCasis na makipag ugnayan lang sa mga Saad Area Coordinator upang agad na mabigyang tugon ang mga katanungan o di kaya'y mga dagdag na kaalaman hinggil sa mga programa ng DA.

Isa ang  bayan ng Magpet sa Region 12 na may mataas na bilang ng mga Abonong naipamigay sa ilalim ng SAAD program ng DA.
Bago naman ipinamahagi ay ipinaliwanag muna sa mga magsasaka ang paraan at tamang pag gamit ng naturang mga abono.          



-0-




Binawian na ng buhay ang isa sa mga sugatan sa nangyaring banggaan ng dalawang motorsiklo sa Poblacion, President Roxas, North Cotabato mag-aalas-9:00 ng gabi kamakalawa.

Ito ang kinumpirma sa Radyo Bida ni Barangay Labu-o Chairman Eusebio Madriaga. Kinilala ang biktima na si Ramil Gapos Sotalbo, 29 anyos na residente ng Sitio Sumakwelan, Barangay Labu-o ng nabanggit na bayan.

Nabatid na papunta sana ng Antipas ang biktima sakay sa kanyang Honda XRM na may Plakang MA 33164 ng makabanggan nito ang Honda TMX 155 na minamaneho ni Rowelo Modoc na idineklarang dead on arrival ng mga doktor habang tumilapon naman ang angkas nito. Agad dinala sa Provincial Hospital si Sotalbo.

Nanatili pa sa ospital ang biktima pero dahil sa tindi ng kanyang mga sugat ay binawian din ito ng buhay nitong nakaraang araw.              




-0-



Nakilala na ang walong mga nasugatan sa isang trahedya matapos na mahulog ang pampasaherong multicab sa matarik na bangin sa may Purok 3, Brgy Ilamovis, Kidapawan city alas-3:30 ng hapon, nitong linggo.

Ginagamot ngayon sa iba't ibang mga ospital sa Kidapawan City ang mga sugatan na sina:

1. Merlin Marohom, 15, Brgy Buhay, Makilala
2. Javere Salim, 10, Brgy Katipunan, Kidapawan City
3. Jave Noveno, 47, TJC Homes, Brgy Sudapin, Kidapawan City
4. Tarhata Lumna, 19, CMC student, Brgy Katipunan, Kidapawan City
5. Jalil Ibrahim, 20, empleyado ng Dole Stanfilco
6. Samdil Linao, 19, KCNHS
7. Monjer Ibrahim, 18, Brgy Indangan
8. Melody Noveno, 17, estudyante ng Kidapawan City National High School

Nabatid na nauwi sa trahedya ang masaya sanang Birthday party matapos na masawi ang tatlo katao habang walo ang sugatan na halos mga estudyante.

Kinilala ang napatay on the spot na si Panda Pacatua, 62-anyos na residente rin ng lungsod habang sa ospital na binawian ng buhay ang magkapatid na sina Jalila at Junaika Ibrahim, kapwa mag-aaral ng Indangan National High School ng Kidapawan City.  

Ayon kay PCI Ramel Hojilla, hepe ng Kidapawan City PNP, pauwi na umano ang mga biktima mula sa paliligo sa may Lake Agko sa Barangay Ilomavis nang aksidenteng mahulog ang sasakyan nila sa matarik na bangin sa may Sitio Sayaban. Ang nasabing sasakyan ay isang Suzuki Multicab na may plakang 120107 na minamaneho ni Moises Ladra, 54 ng Brgy. Indangan.

Sinasbaing nawalan umano ng preno at control ang dryaber kaya tuluyan itong nahulog sa bangin.

Sa panayam ng DXND – Radyo BIDA kay Monjer Ibrahim, naka-kabit umano siya kasama ang isa pa sa nasabing multicab ng pauwi na sila ng biglang nawalan ng preno ang sasakyan.

Hanggang sa tuluyan itong nahulog sa bangin. Nagkamalay na lamang ang biktima ng dinala na ito sa ospital, pero nalaman pa nito na nasawi na ang dalawang mga pamangkin nito na sina Ibrahim. Patuloy pa ngayon ang ginagawang imbestigasiyon.


  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy