NDBC BIDA BALITA (10.10.17)

NDBC BALITA  • Tue Oct 10, 2017 10:54 AM  •  202   0
By NDBC NCA
  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy
NEWSCAST OCTOBER 10, 2017 (TUE)
7:00 AM
 

HEADLINES:
 

1. NEGOSYANTENG doktor, patay sa panibago na namang insidente ng pamamaril sa Cotabato city.  

2. DepEd district supervisor sa Midayap, North Cotabato, patay din sa pamamaril

3. BUHAWI, sumira sa mahigit 20 mga bahay sa Norala, South Cotabato

4. Biyahe ng mga kapitan ng Kidapawan sa Thailand, kinuwestiyon ng Sangguniang Panglungsod.



-0- 


Dead on arrival sa ospital ang isang negosyanteng doktor matapos barilin ng riding tandem criminals alas kwatro ng hapon kahapon sa Governor Gutierrez Avenue, Barangay Rosary Heights 9, Cotabato City.  

Kinilala ni Police Station 2 commander Chief Insp. Reynaldo Delatien ang biktima na si DR. AMALIA SEÑADA GUTIERREZ o mas kilala sa tawag na Doc Amy, 58 anyos, hiwalay sa asawa at residente ng nasabing lugar.  

Ayon sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, nangyari ang insidente habang nasa labas ng kanyang bahay ang biktima sakay ng kanyang brown Ford Everest na may plakang KEL 921 kasama ng driver nitong si ALEXANDER GARNATAS CUANAN, 22, may asawa at taga- Northern Kabuntalan, Maguindanao.  

Kwento pa ni Cuanan, pababa na sana si Gutierrez ng sasakyan nang biglang sumulpot ang dalawang suspek sakay ng motorsiklo at binaril ng isang beses sa mukha ang biktima.  

Dahil sa takot, mabilis namang tumakbo ang driver papasok sa isang tindahan sa lugar upang magtago.  

Nabatid na sakay ng kulay puting honda XRM motorcycle na walang plaka ang mga hindi nakilalang gunman na agad namang tumakas matapos gawin ang krimen.  

Personal grudge ang tinitingnang anggulo ng pulisya kaugnay ng naturang pamamaril.  



-0-



PATAY sa pamamaril ang Southwest District Supervisor ng Department of Education o DepEd-North Cotabato pasado ala una ng hapon kahapon sa Midsayap, North Cotabato.  

Kinilala ni Midsayap PNP Chief, Police Supt. Gilbert Tuzon ang biktima na si Bernard Viloan na pinagbabaril ng riding tandem criminals sa Purok 3, Barangay Rangaban, Midsayap.  

Ayon kay Tuzon, katatapos lamang kumain ng pananghalian ng biktima nang maganap ang insidente.   Nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan si Viloan mula sa cal. 45 pistol na naging sanhi ng agarang kamatayan.  

Sinabi ni Tuzon na pinagbabaril ang biktima ng riding in tandem suspects gamit ang kalibre.45 na pistola sa Purok 3 Brgy Rangaban Midsayap Cotabato.   Mabilis namang tumakas ang mga suspek matapos gawin ang krimen.  

Hinala ng pulisya, maaaring may kinalaman sa trabaho ang pagkakapaslang kay Viloan.  

Noong nakaraang taon kasi ay nabaril at napatay din ang Southwest District Supervisor na pinalitan ni Viloan.  



-0-


Samantala, una rito, pasado alas dyes ng umaga nang barilin din ang biktimang si Ramil Gumaga sa Barangay Kapinpilan ng nasabing bayan.   Kinilala naman ni Tuzon ang suspek na si Akmad Acoi na umano ay matagal ng kasama ng biktima.  

Ayon kay Tuzon, pawang mga drug personality ang biktima at ang suspek kaya aniya, posibleng may kinalaman sa iligal na droga ang insidente.  

Sa iba pang balita, patuloy na ginagamot ngayon sa ospital ang tatlong mga sundalo na sugatan matapos tambangan ng armadong grupo sa Barangay Nabalawag, Midsayap.  

Sinabi ni Tuzon na ang mga sundalo ay pawang miembro ng Army’s 34th Infantry Battalion.
 

Kinilala naman ang mga sundalong sugatan na sina Corporal Amoridin Dimasangca 32, taga Western Samar; PFC Mark Ronel Mahilom, 32 taga Calbayog city at PFC Raygon Cabarils, 30. Taga Werterm Samar.  

Sa imbestigasyon ng Midsayap PNP, naghahatid ng kanilang mga kasamahan ang mga biktima nang tambangan ng tinatayang nasa 20 mga armadong lalaki sa tapat ng Nabalawag Elementary School.



-0-


INARESTO ng mga otoridad ang isang suspek na kabilang sa most wanted list ng Police Station 2, sa Cotabato city kahapon ng umaga.  

Kinilala ni Police Station 2 commander Chief Insp. Reynaldo Delantien ang suspect na si James Bolivar Alforque, 31 anyos, construction worker, taga Gonzalo Javier Street, Barangay Rosary Heights 7, at pang siyam sa listahan ng mga most wanted person ng himpilan.  

Nahuli rin ang kasama nitong si Carlito Panaguiton, 31, isang driver at residente naman ng Barangay Rosary Heights 3 ng lungsod.  

Dinakip ang dalawang mga suspect sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Judge Bansawan Ibrahim ng RTC Branch 13 noon pang July 12, 2016 kaugnay sa kasong paglabag sa RA 7610 na may kinalaman sa pang aabuso sa kabataan.



-0-



TIWALA PA RIN ang AFP na nasa battle area pa rin sa Marawi City si Abu Sayyaf Group leader Isnilon Hapilon.  

Sinabi ni AFP Spokesperson Maj. Gen Restituto Padilla na ang impormasyon ay base sa nakuha nilang report mula sa mga nailigtas na hostage ng Maute Group.

Ayon kay Padilla, napag-alaman nilang nasa maayos pang kalagayan ang terrorist leader na kasama sa mga nakikipagbakbakan sa tropa ng pamahalaan.  

Samantala, nasa 40 hanggang 60 kalaban pa umano ang nasa battle zone kung saan karamihan sa mga ito ay sugatan na.   Kaugnay nito, sabi pa ni Padilla na ginagawa nila ang lahat upang tapusin na ang Marawi conflict.  

Gayunman, nilinaw nito na wala silang itinatakdang deadline para tapusin na ang kaguluhan sa Marawi.   Ayon kay Padilla, tinanong niya mismo ang mga ground troops sa Marawi tungkol dito at iginiit nila na wala silang kinumpirmang deadline.  

Paliwanag pa ni Padilla, maging si AFP Chief Gen. Eduardo Año ay ayaw bigyan ng pressure ang mga sundalo dahil mauuwi lang ito sa mas maraming pagkamatay sa kanilang hanay.



-0-


DUMARAMI pa umanong mga kasapi ng Abu Sayyaf Group ang gusto ng sumuko sa pamahalaan dahil sa walang humpay na operasyon ng militar.  

Ito ang inihayag ni Western Mindanao Command chief Lt. Gen. Carlito Galvez, Jr., base sa paglalahad ng isang aktibong kasapi ng ASG na si Jul Asbi Misuari alyas ‘Imbuh’, na sumuko sa militar kamakalawa sa Sulu.  

Sa pagsuko ni Misuari, tauhan ng kilalang ASG sub-leader Alhabsy Misaya na napatay sa military operation sa Indanan, Sulu, isinuko rin nito ang kanyang caliber .30 machine gun.  

Ayon sa Joint Task Force Sulu, nagsilbing local contact ng ASG kidnap-for-ransom group sa Banguingui Island ng nasabing lalawigan si Misuari.  

Inamin ni Misuari na marami pa siyang mga kasamahan na may plano na ring sumuko sa tropa ng militar sa Sulu dahil sa walang tigil ng operasyon ng militar laban sa kanilang grupo.  

Sa ngayon, umaabot na sa 24 ang kabuuang bilang ng mga sumukong ASG sa Sulu simula noong Enero ng kasalukuyang taon.


-0-



Duck,cover and hold, nakatatawang pakinggan para sa iba pero maaring makapagsalba ng buhay sakali mang magka-lindol.

Ito ang paalala sa publiko ni Office of the Civil Defense o OCD 12 Assistant Regional Director Jerome Barranco kasunod ng third quarter National Simultaneous Drill o NSED.

Sinabi ni Barranco na ang tatlong mga dapat gawin na ito ay dapat laging tatandaan para makaiwas sa sakuna.

Ayon kay Barranco layon ng NSED na ginagawa kada tatlong buwan na masubok ang kahandaan sa lindol ng mga rescuer at publiko. Sinabi ni Barranco dapat ay alam na ng mga mamamayan ang dapat gawin bago pa man ang mga pagyanig.

Ipinahayag ni Barranco na patuloy din ang assessement ng OCD sa sa mga delikadong bahagi ng mga eskwelahan at iba pang gusali .

Binigyan diin ni Barranco na ang pagiging handa ay hindi lamang responsiblidad ng gobyerno kungdi ng bawat mamamayan.




-0-


Hindi lamang naangkop sa mga pangaunahing pangangailangan at iba pang mga produkto ang “law of supply and demand” kungdi maging sa iligal na droga.

Kasunod ito ng pagtaas sa presyo ng illegal drugs sa South Cotabato dahil sa bumababang supply nito.

Ayon kay South Cotabato Board Member at Committee on Peace and Order Chair Agustin Demaala, ang paghina ng supply ng iligal na droga sa lalawigan ay resulta ng malakihang operasyon ng mga otoridad sa lalawigan ng Maguindanao.

Ayon kay Demaala kabilang sa mga naaresto ng mga otoridad sa Maguindanao ang walong myembro ng Bua Drug Group.

Arestado din ang tatlong myembro ng Buyok Drug Group. Ang Maguindao ay pinagmulan u7mano ng iligal na droga na binabagsak sa South Cotabato.

Sinabi ni Demaala na matapos higpitan ng mga otoridad ang pagababantay sa Sultan Kudarat at South Cotabato, dapat ding higpitan ng mga ito karagatan ng Sarangani.

Ito ayon kay Demaala ay upang hindi madaanan ng mga magpupuslit ng iligal na droga sa naturang mga lalawigan.



-0-



Inaasahan ang tuloy tuloy na pagbabagong buhay ng tatlong mga dating rebelde na sumuko sa South Cotabato. Ito ayon kay Deparment of the Interior and Local Government o DILG South Cotabato Local Government Operations Officer Elinor Magbanua ay matapos paglaanan ng tulong pinansyal ng gobyerno.

Ang tig P50,000 na tulong ay ibibigay sa mga sumukong rebelde bago magtapos ang kasalukuyang taon sa ilalim ng Comprehensive Local Integration Program o CLIP ng DILG.

Ito ay maliban pa sa tig P15,000 na natanggap na ng mga ito mula sa Provincial Social Welfare and Development Office ng South Cotabato.

Sinabi ni Magbanua na magagamit ng mga dating rebelde ang pinansyal na tulong sa pagtatayo ng maliit na negosyo. Pinsalamatan din nito ang dating mga rebelde dahil sa pagbalik loob sa pamahalaan.

Bago pagkalooban ng pinansiyal na tulong ang mga dating rebelde ay isinailalim muna sa socio-economic intervention at capability building ng Provincial Social Welfare and Development Office.

Ito ay ayon kay South Cotabato PSWD Officer-in-Charge Maria Ana Uy. Isinasailalim din ngayon sa profiling ng PSWDO ang pitong mga sumukong rebelde sa South cotabato sa tulong ng 27th Infantry Batallion ng militar.

Ayon kay 27th IB Executive Officer Major Esmundo Estores ang paglaya at pagbalik sa mapayapang pamayanan ay maagang pamasko ng dating mga rebelde sa kanilang mga sarili.



-0-



Hindi na nakapalag pa ang isang dating barangay Kagawad sa Liwanay,Banga, South Cotabato matapos kumagat sa drug buy bust operation ng mga otoridad. Kinilala ni Liwanay Punong Barangay Jimmy Sancho ang suspek na si Joseph Benes Atensor.

Ang anti illegal drug operation ay isinagawa ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA 12 at Municipal Anti Drug Abuse Council o MADAC ng Banga Nakuha sa bahay ni Atensor ang dalawang sachet ng suspected shabu at drug paraphernalia.

Kinumpirma naman ni Sancho na matagal nang noted na sangkot sa iligal na droga sa kanilang lugar si Atensor. Gayunpaman hindi ito sumuko sa Oplan Tokhang noong ng PNP.

Umapela si Sancho sa mga mamamayan na umiwas sa iligal na droga at isumbong sa mga kinauukulan ang presensya ng sinumang sangkot sa iligal na droga sa kanilang lugar.



-0-



Nakatanggap na ng paunang tulong mula sa lokal na pamahalaan ang mga mamamayan na apektado ng pananalasa ng buhawi sa Barangay Lopez Jaena, Norala, South Cotabato.

Ito ang tiniyak sa Radyo Bida ni Norala Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council Action Officer Aiza Gabion Lim. Sinabi ni Lim na maliban sa hygiene kits nakapagbigay na rin sila ng mga pagkain sa mga apektadong pamilya.

Ipinahayag ni Lim na 22 bahay ang partially damage sa pananalasa ng buhawi sa mga Purok ng Quezon,Quirino at Macapagal sa naturang barangay.

Ayon kay Lim na naganap ang pananlasa ng buhawi kasabay ng malakas na ulan kaya marami sa mga apektadong mamamayan ay halos walang naisalbang gamit. Pinadapa rin ng buhawi ang ilang mga punong kahoy at saging.

Ayon kay Lim nagpapatuloy pa ang assessment ng MDRRMC sa lawak at danyos ng pananalasa ng buhawi sa barangay Lopez Jaena.



-0-


PAGKATAPOS busisiin ng Sanggunian ng Kidapawan ang paggamit ng rescue vehicle ng Call 911 sa byahe ng ilang mga empleyado ng city hall patungo sa mga bayan sa ikalawang distrito ng North Cotabato, ang byahe na naman ng mga kapitan patungkong Bangkok, Thailand, ang subject ng inquiry ng konseho.

Nito’ng Lunes, sinimulan ng Sanggunian ang legislative inquiry.

Sa inquiry, nais mabatid ni Kagawad Francis Palmones mula mismo kay Acting city administrator Lu Mayormita kung ginamit ng mga kapitan ang fuel allocation ng mga kapitan mula sa kalahating milyong piso na pondo ng barangay para sa imprastraktura.

TODO-TANGGI si Mayormita sa alegasyon ni Palmones at sinabing mula sa sariling bulsa ng mga kapitan ang ginamit sa byaheng Thailand.

Ang city human resource and management officer na si Magda Bernabe ay sumama sa foreign trip, sa hiling na rin ni ABC president Rey Suelan.    

Pero siya raw ay naka-leave of absence.


NILINAW naman ni City interior and local government operations officer Ging Kiunisala na hindi nag-request ng travel authority mula sa kanyang opisina ang mga kapitan sa kanilang Thailand trip.

Ang travel authority, aniya, ay mula mismo kay Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista.

MAGPAPATULOY ang inquiry sa susunod na linggo dahil hindi nakuntento sa resulta si Kagawad Palmones. Sa susunod na Lunes ipatatawag ng konseho si Galen Gonzaga, ang anak ni Kidapawan City councilor Gregorio Lonzaga.   Siya raw kasi ang nagbayad ng ticket ng mga kapitan patungong Thailand.  



-0-    



NGAYONG Nobyembre posibleng simulant na ang pagtatayo ng fermentation facility para sa produktong gawa sa cacao sa bayan ng Antipas, North Cotabato. Ayon kay Municipal agriculturist May Palomo, itatayo ang naturang pasilidad sa Barangay Dolores.  

Tatlo ang mga barangay sa Antipas ang may mataas na produksyon ng cacao, kabilang rito ang Cana0an, Camutan, at Dolores.

Abot ito sa 168 ektarya, ayon pa kay Palomo. Higit P1 milyon ang halaga ng pasilidad. Ang unang trance ng release ng pondo ay tinaya sa P750 thousand.

Sa naturang fermentation facility, dalawa ang inaasahang magiging produkto – una, ang suka na mula sa katas ng fermented cacao; at ikalawa, ang beans mismo na gagawing tablea o tsokolate. Sa pamamagitan nito, mas madali ang proseso ng paggawa ng mga produktong mula sa cacao.

Mas mahal din ang presyo ng kada kilo ng cacao. Sa ngayon kasi, sa Calinan district sa Davao City ibinibenta ng mga cacao farmers ang kanilang produkto sa halagang P170 kada kilo. Pero sa Antipas, ang kada kilo ng cacao ay abot lang sa P70.    



-0-      



Maswerteng nakaligtas sa pamamaril ang isang empleyado ng Provincial Government ng North Cotabato ng pagbabarilin ng ‘di pa nakilalang gunman habang sakay ng motorsiklo sa Sitio Malicongcong, Brgy. Doruloman, Arakan, North Cotabato.

Sa ulat na nakarating kay P/Supt. Bernard Tayong, spokesperson ng Cotabato Police Provincial Office kinilala ang biktima na si Helen Andres, nasa hustong gulang.

Batay sa ulat, alas 6:45 kahapon ng umaga, sakay ang biktima sa kanyang minamanehong Suzuki Raider 150 na motorsiklo buhat ng Arakan patungo na sa ng Brgy. Amas, Kidapawan para mag-opisina.

Habang binabaybay ang National Highway sa bahagi ng Sitio Malicongcong ay pinagbabaril si Andres ng gunman na sakay din ng walang license plate na motorsiklo.

Maswerte namang di tinamaan ang biktima sa nasabing pamamaril kungsaan mabilis na tumakas ang suspek sa di malamang direksiyon.

Patuloy pa ngayon ang imbestigasiyon upang malaman kung ano ang motibo sa nasabing pamamaril. Hindi pa mabatid kung dati ng may banta sa buhay ang biktimang si Andres.      


-0-    



MAGTRABAHO muna kayo bago atupagin ang pagpuna sa mga ginagawa ng ehekutibo sa city government.

Ito ang payo ni City Mayor Joseph Evangelista sa mga miyembro ng Sangguniang Panglungsod ng Kidapawan, bilang reaksyon sa pagpapatawag muli ng legislative inquiry hinggil sa naging byahe ng mga kapitan sa Bangkok, Thailand, tatlong linggo na ang nakalilipas.

Nilinaw ni Evangelista na walang nilabag na accounting procedure ang mga kapitan nang bumiyahe ang mga ito patungong Thailand. Ang allowance na ibinigay niya rin sa may 32 mga kapitan ay mula raw sa sarili niya’ng bulsa at hindi mula sa pondo ng city LGU.

ANG byahe ng mga kapitan sa Thailand ang subject o sentro ng legislative inquiry ng SP nito’ng Lunes. Nais mabatid ng mga konsehal kung may nilabag ba’ng batas o may bahid ng graft and corruption o wala ang naturang byahe.    


-0-    




ITINUTURONG suspect sa pagpatay sa magsasaka na si Bebs Nero Quino sa Magpet, North Cotabato ang tatlong mga nagpakilalang mga miyembro ng New Peoples’ Army o NPA na nasa ilalim ng Front 53.

Ayon sa report, pinagdudahan ng mga rebelde na kabilang sa intelligence community ng Army si Quino kaya siya pinatahimik. Pagkatapos ng pamamaril ay tinangay ng mga rebelde ang motorsiklo ng biktima at inihatid raw ito sa bahay nito mismo.  

Kinausap nila ang misis ng biktima at sinabing patay na ang mister niya.
Ikinadismaya ng ilang mga residente ng lugar ang ginawa ng NPA.

Sana raw ay idinaan sa proseso ang paglikida kay Quino at hindi basta na lamang ito pinatahimik kahit kapos pa sila ng impormasyon patungkol dito.

Wala pang inilalabas na statement ang NPA Front 53 hinggil sa kamatayan ni Quino.                
  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy