NDBC BIDA BALITA (10.11.17)

Breaking News • Wed Oct 11, 2017 11:01 AM  •  136   0
By NDBC NCA
  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy
NEWSCAST OCTOBER 11, 2017 (WED)
7:00 AM
 

HEADLINES:
 

1. ISA PANG SUNDALO, nadagdag sa bilang ng mga nasawi sa nagpapatuloy na kaguluhan sa Marawi city; Maute Group, patuloy umanong nagre-recruit ng mga bata.  

2. Babaeng natangay ng baha sa Arakan, North Cotabato, di pa din matagpuan  

3. MALAKING BAHAGI ng public market ng Koronadal city, nasunog  

4.NGO, humiling sa South Cotabato provincial govt na payagang matuloy ang copper mining sa Tampakan.



-0-


NADAGDAGAN PA ang bilang ng mga nasawing sundalo sa nagpapatuloy na kaguluhan sa Marawi city matapos na mapatay ng sniper ng Maute Group ang isang junior officer ng Army’s Special Forces.  

Kinumpirma ni Joint Task Group Ranao deputy commander Col. Romeo Brawner na nasawi si 1st Lt. Howard Juan habang umaabante ang kaniyang pinamumunuang team sa mga posisyon ng pinagsanib na grupo ng Maute at Abu Sayyaf.  

Si Juan ay tubong Isabela Province at nadestino sa Marawi City ilang araw mula nang sumiklab ang gulo sa lungsod noong Mayo.  

Ikakasal na sana siya sa kasintahan kapag natapos ang operasyon ng militar sa Marawi.  

Ayon kay Brawner, kritikal ang huling yugto ng kanilang clearing operations kung saan halos harapan na ang bakbakan ng mga terorista at ng mga sundalo.   Dahil sa pagkamatay ni Juan, umabot na sa 159 ang bilang ng mga nasasawi sa panig ng gobyerno.  

Sa iba pang balita, nababahala si Marawi City Bishop Edwin dela Peña sa patuloy na pangungumbinsi ng Maute Group sa mga kabataang Maranao na sumama sa kanilang grupo.  

Nangangamba din ang obispo na maaring maapektuhan nito ang binabalak na rehabilitasyon at pagbangon ng Marawi City kapag ganap ng natapos ang digmaan.  

Idinagdag pa ni dela Peña na base sa impormasyon na kanilang nakukuha, may mga bagong miembro na naman ang Maute Group at ang mga ito ay naghihintay na lang ng utos para sumabak sa pakikipaglaban sa puwersa ng gobyerno.  

Kasabay nito ay tiniyak naman ni dela Peña na patuloy ang kanilang pakikipag ugnayan sa mga Muslim leader para paliwanagan ang mga kabataan sa tunay na ipinaglalaban ng teroristang grupo.  



-0-



AALAMIN ng militar ang naging papel ng mga kaanak ng mga miembro ng Maute Group sa nagaganap na gulo sa Marawi City.  

Ito ang tiniyak ni Western Mindanao Command chief Lt. Gen. Carlito Galvez dahil mahalaga aniyang malaman kung ano ang ginagawa ng mga kaanak ng Maute Group members sa loob ng main battle area.  

Pero sinabi ni Galvez, itinuturing pa rin naman nilang non-combatant o hindi mandirigma ang 33 sibliyan na mga kaanak ng ilang kasapi ng Maute Group.  

Gayunman, nilinaw ni Galvez na sakaling mapatunayang nagkasala ang mga ito ay magsasampa ang pamahalaan ng kaukulang kaso laban sa kanila.  

Sa ika-142 araw na giyera sa Marawi city, patuloy ang pagsisikap ng militar at pulisya sa paglaban sa mga militante para tuluyan nang mabawi ang syudad.


-0-



KULUNGAN ang bagsak ng isang magsasaka na nahaharap sa kasong attempted rape matapos na maaresto sa ikinasang operasyon ng pinagsanib na pwersa ng pulisya at mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group sa Sultan Kudarat, Maguindanao.  

Kinilala ni Sultan Kudarat PNP chief, Police Chief Inspector Esmail Madin ang nadakip na suspect na si Jaime Acob Karon, taga Brgy. Mulaog ng nasabing bayan.  
Naaresto si Karon pasado alas kwatro ng madaling araw kahapon sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Judge Bansawan Ibrahim ng RTC Branch 13 noong May 10, 2017 na may criminal case number 2017-9415.


-0-


HALOS DALAWANG LIBONG mga bata ang tinanggal na ng Moro Islamic Liberation Front o MILF sa kanilang hanay mula pa noong Pebrero.  

Ito ay bilang bahagi ng napagkasunduang action plan ng MILF at United Nation Children's Fund o UNICEF na naglalayong matigil na ang panghihikayat sa mga kabataang Moro para maging mandirigma.  

Ang naturang kasunduan na nilagdaan noong 2009 ay tuluyang naisakatuparan sa mga unang buwan pa lamang ng taong kasalukuyan.  

Matapos namang maalis sa listahan ng mga miembro ng MILF, tiniyak naman ng UNICEF na makakapag-aral, mapapangalagaan at makakatanggap ng sapat na social and health services ang mga ito.  

Kasunod nito, sinabi ni UNICEF Philippine representative Lotta Sylwander na inalis na ng UN ang MILF sa listahan ng mga armadong grupo sa buong mundo na nagre-recruit ng mga bata.  

Umaasa naman si Sylwander na patuloy na pangangalagaan ng MILF ang kapakanan ng mga kabataan at igagalang ang karapatan ng mga ito.  

Samantala, kabilang pa sa listahan ng UN ang Abu Sayyaf Group at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF na patuloy na nanghihikayat ng mga kabataan para maging mandirigma.



-0-




TUMANGGAP ng financial assistance ang 39 na mga distressed at displaced Overseas Filipino Workers sa Autonomous Region in Muslim Mindanao o ARMM.  

Ito ay sa pamamagitan naman ng Balik-Pinas, Balik-Hanapbuhay Program ng Overseas Workers Welfare Administration o OWWA-ARMM.  

Sa ilalim ng programa, gagamitin ng mga benipisyaryo ang natanggap na cash assistance bilang dagdag na kapital sa napiling negosyo o proyektong pangkabuhayan.  

Nitong buwan lamang, abot na sa 218 OFWs sa ARMM ang nakatanggap ng livelihood assistance.  

Nabatid na Balik-Pinas, Balik-Hanapbuhay Program ay nagkakaloob ng livelihood package sa mga piling OFW na kinabibilangan ng cash assistance, Entrepreneurship Development Training at iba pang serbisyong makakatulong sa muling pagbangon ng mga target beneficiary.  


-0-



Iginiit ni Kidapawan Vice Mayor Jun Piñol na may ginagawa ang mga miyembro ng Sangguniang Panglungsod.

Sagot ito ng bise alkalde sa pahayag ni Mayor Joseph Evangelista na magtrabaho muna ang mga konsehal sa siyudad, bago atupagin ang legislative inquiry.

Nag-ugat ang legislative inquiry sa SP matapos ang mga umuugong na balita hinggil sa kontrobersiyal na biyahe ng mga Punong barangay ng siyudad sa Thailand.

Ayon kay Piñol, nasaktan umano ang ilang mga konsehal ng sabihin ng alkalde na magtrabaho muna, gayung hindi umano makagalaw ang opisina ng alkalde kung hindi sila nag-tatrabaho.

Giit ng Bise alkalde na sila ang nag-aapruba ng budget na ginagamit ng Punong ehekutibo.

Ginawa ni Piñol ang pahayag sa NDBC Radyo BIDA Kidapawan upang linawin at linisin ang hanay ng SP Kidapawan.



-0-



Nirepaso na ng Provincial Blood Council ng South Cotabato ang mga polisiya nito. Ayon kay Assisant Provincial Health Officer Dr. Ala Baby Vingno, layon nito na matiyak ang kaayusan sa blood donation program ng lalawigan.

Sinabi ni Vingno na kabilang sa kanilang tinututukan ang pagpapaigting ng koordinasyon at networking sa mga blood service facilities.

Ipinanukala din ng grupo ang pagkakaroon ng P200 thousand initial na pondo. Ayon kay Vingno ang binuong polisiya ay ipapakita nila sa Provincial Health Board Meeting.

Ipinahayag ni Vingno na hangad din nilang maindorso sa Sangguniang Panlalawigan ang Provincial Blood Council upang masimulan ang operasyon nito sa susunod na taon.


-0-



Nabuwal na puno, bahay na natanggalan ng bubong at nasirang grand stand. Ilan lamang ito sa pinasala ng pananalasa ng malakas na hangin sa bayan ng Tupi, South Cotabato.

Ayon kay Tupi Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council Action Officer Emil Sumagaysay, apektado ng kalamidad ang tatlong mga barangay sa bayan.

Kalakip dito ayon kay Sumagaysay ang mga barangay ng Poblacion, Linan, at Cebuano.

Ayon kay Sumagaysay ang mga apektadong pamilya ay nabigyan na ng tulong ng lokal na pamahalaan.

Ipinahayag ni Sumagaysay na abot sa mahigit P200,000 na mga ari arian at pananim ang sinira ng malakas na hangin sa Tupi.

Gayunpaman ayon kay Sumagaysay nagpapatuloy pa ang kanilang assessment sa ngayon. Maliban sa Tupi sinira naman ng buhawi ang mahigit P250,000 na halaga ng mga pananim at ari arian sa tatlong mga Purok ng barangay Lopez Jaena, Norala, South Cotabato noong Lunes.



-0-




Hiwalay na selda. Ito ang inilaan ng pamunuan ng South Cotabato Provincial Jail sa mga presong sangkot sa iligal na droga na labas masok sa kulungan.

Layon nito na hindi maka-imlpuwensya sa ibang mga preso at maipagpatuloy ang kanilang rehabilitasyon Ito ay ayon kay South Cotabato OIC Provincial Jail Warden Juan Lanzaderas.

Kinumpirma ni Lanzaderas, na sa ngayon walong mga preso na balik provincial jail ang inihiwalay ng selda dahil sa kabiguan na itigil ang pagbebenta at paggamit ng iligal na droga.

Ipinahayag ni Lanzaderas na may mga kinasuhan kasi dahil sa illegal drugs na nakapag-pyansa kaya temporaryong nakalabas ng kulungan.

Nabatid na mahigit 500 sa may 1,300 na preso sa provincial jail ay sangkot sa iligal na droga.



-0-



Abot lamang sa P2,000 na halaga ang natangay ng hold upper na nambiktima sa isang tindahan ng ice cream pero tila hamon na naman ito sa ma otoridad sa Koronadal City.

Biniktima kasi ng magnanakaw ang Peitro Gelato House of Italian Ice Cream sa Alunan Avenue.

Ang na hold up na ice cream shop ay pagmamay ari mismo ni Koronadal City Mayor Peter Miguel.

Matapos tutukan ng baril wala nang nagawa ang mga tauhan ng establisemento na sina Amadao Pama at Jason Asong nang tutukan ng baril at utusan ng nagiisang suspek na magkulong sa comfort room.

Ayon sa salaysay ng mga ito sa mga pulis agad na inutusan ng suspek ang kasama nilang si Cristine Tianchon na buksan ang drawer na naglalaman ng pera.

Matapos ang krimen agad namang tumakas ang naka-sombrerong suspek. Lumabas sa inisyal na pagsisiyasat ng mga pulis dalawang oras bago nang-hold up, nagpanggap munang customer ng ice cream house ang suspek.

Umaasa naman ang pulisiya na makatutulong sa kanilang imbestigasyon ang kuha ng close circuit television camera sa na hold up na ice cream house at kalapit na mga establisemiento.



-0-


Ituloy ang copper and gold mining project sa bayan ng Tampakan. Ito ang hiniling ng SOCCSKSARGEN Responsible Miners Association sa pamahalaang panlalawigan ng South Cotabato.

Sa sulat na ipinadala ng mga ito kay South Cotabato Governor Daisy Avance Fuentes, binigyan diin ng grupo na makikinabang sa 2.9 billion ton copper deposite sa Tampakan ang buong Mindanao.

Nais din ng ng mga ito na rebyuhin ng Sagittarius Mines Incorporated SMI ang kanilang project plan para mas matulungan ang mga komunidad na maapektuhan sakali matuloy ang mining operation.

Hinihiling din ng grupo ang pagbibigay ng Department of Environment and Natural Resources at lokal na pamahalaan ng permit sa mining firm.

Umaapeladin ang mga ito sa provincial government ng South Cotabato na i-review ang Environment Code ng lalawigan.

Matatandaan na naging balakid sa operasyon ng Tampakan Copper Gold Mining Project ang Environment Code na mariing nagbabawal ng open pit mining sa South Cotabato.

Tutol din sa proyekto ang iba’t ibang sektor sa South Cotabato sa pangunguna ng Simbahang katoliko.



-0-


MULING nanawagan ang Kidapawan City LGU sa mga mamamayan na ‘wag munang tangkilikin ang Bria Homes habang ‘di pa nakukumpleto ng management ang mga rekisitos na hinihingi ng gubyerno.  

Ito ang panawagan ni Divina Fuentes, ang city planning and development officer ng city government, sa panayam sa kanya ng NDBC Kidapawan.  

Ayon kay Fuentes, nito pang nakaraang linggo kinausap ng kanyang opisina ang umaaktong manager ng Bria Homes na nakabase sa Davao City.  

Pinayuhan na niya raw ang naturang manager at sinabing ipatigil muna ang pre-selling ng mga house and lot sa ilalim ng BRIA Homes.
 

Sa kabila nito, nagpatuloy, aniya, ang pagtanggap ng mga ahente ng Bria ng reservation fee na P3,000 sa mga would-be buyers.

KABILANG
sa mga requirements na hindi pa nako-comply ng BRIA, hanggang sa ngayon, ay ang development permit, locational clearance, at license to sell.
       

-0-
   



Pinangunahan ng Energy Development Corporation ang launching ng isang aklat na BINHI Tree for the Future sa isinagawang seremonya sa isang Hotel sa Kidapawan City, kahapon.  

Ayon kay EDC Vice President Corporate Affairs Group Ricky Carandang na layon nito na masaliksik at mapangalagaan ang daan-daang mga endangered species ng mga kahoy sa bansa.  

Ang BINHI Tree for the Future na aklat ay magkatuwang na ginawa ng EDC kasama ang mga ka-partner nitong ahensiya kagaya ng Department of Environment and Natural Resources, para lang maisalba ang nasa 96 na mga native trees sa mga kagubatan ng Pilipinas.  

Ang naturang book launching ay dinaluhan ni Gov. Lala Taliño Mendoza, Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista, mga nasa academe at iba’t-ibang sektor.  

Kabilang sa 131 mga partner ng EDC ang UP Biology-EDC BINHI Threatened Species Arboretum, UPLB-EDC Biodiversity Park, Philippine Science High School, University of Southern Mindanao - Kidapawan City Campus, Central Mindanao University at BenCab Art Foundation Inc.  


-0-    




Abot sa P 9.5M na halaga ng rubber cup lumps ang naibenta ng mga rubber farmers at tappers sa pinakahuling Bagsakan cycle nitong Oct. 6, 2017.  

Ito ay sa Kidapawan City at mga bayan ng Carmen, Pres. Roxas, Antipas, Arakan, Matalam, Magpet, Makilala, Tulunan, at Aleosan kung saan mahigit sa 305 tonelada ng rubber cup lumps ang naibenta sa presyong P31 bawat kilo.  

Abot sa bilang na 2,449 rubber farmers at tappers ang lumahok at nagbenta ng kanilang cup lumps at nadagdag naman ito sa lumalaking bilang ng mga magsasakang nakikinabang na sa Bagsakan.  

Mas mataas ng mula P5-6 ang halaga ng bawat kilo ng rubber sa Bagsakan at maliban rito ay nakatitiyak pa ang mga magsasaka na tama o eksakto ang ginagamit na timbangan sa tulong na rin ng Dept of Trade and Industry Provincial Office at ng mga LGUs.      


-0-      



Abot sa P2 Milyung halaga ng mga paninda ang natupok sa kabubukas pa lamang na Franz Lara Marketing sa National Highway, Brgy. Osias, Kabacan, North Cotabato kahapon ng umaga.  

Ayon kay Fire Inspector Narleap Nabor, ang Fire Marshall ng Kabacan BFP nangyari ang sunog alas 7:50 kahapon ng umaga kungsaan umabot sa ikatlong alarma ang sunog.  

Wala na namang may naiulat na nasawi o nasaktan sa nasabing sunog.  

Naideklarang fire out ang nasabing sunog, makalipas ang isang oras na pakikipaglaban ng mga kagawad ng pamatay apoy.  

Sa tulong ng dalawang firetruck ng BFP Kabacan, Carmen Firetruck at USM Fire Volunteer.   Patuloy pa ang ginagawang imbestigasiyon kung ang ang sanhi ng sunog.    


-0-    



Maging sa social media ay nanawagan na rin ang pamilya ng isang babaeng hanggang kahapon ay hindi pa rin makita matapos na matangay ng tubig baha kamakalawa sa Arakan, North Cotabato.  

Kinilala ito sa pangalang April Taog alyas baleleng na residente ng Sitio Valencia barangay Sto Nino sa nasabing bayan.  

Ayon sa kaanak ng biktma na kasagsagan ng malakas na buhos ng ulan kamakalawa ng umapaw ang Tinanan river sa nasabing lugar pero sinubukan pa umanong tumawid ng biktima.  

Dahil sa malakas ang tubig baha ay tinangay umano ito at hanggang sa ngayon ay wala par ing nakakita sa kanya.  

Nanawagan ngayon ang pamilya na ipagbigay alam sa kanila kong sakaling may makakita sa katawan nito buhay man o patay.                        


  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy