NDBC BIDA BALITA (10.9.17)

NDBC BALITA  • Mon Oct 9, 2017 09:25 AM  •  168   0
By NDBC NCA
  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy
NEWSCASTOCTOBER 9, 2017 (MON)
7:00 AM

HEADLINES:
 

1. TATLONG drug suspects arestado sa Maguindanao, bomba, armas, nakumpiska

2. SABUNGERO, patay nang barilin sa sabungan ng Magpet, North Cotabato; suspect mga NPA

3. South Cotabato employees na mahilig sa porno, binalaan ng gobernador

4. PESO Tacurong, isa sa pinakamagaling sa buong bansa, ayon sa DOLE





-0-



TATLONG mga drug suspect ang naaresto ng mga otoridad sa dalawang mga bayan sa Maguindanao nitong weekend. Naka-kumpiska rin ang mga sundalo at pulis ng pake-paketeng Shabu, mga armas at Improvised Explosive Devices. 

Pasado alas nuebe ng umaga kamakalawa nang madakip ng Talitay PNP ang ang suspek na kinilalang si Wahida Laguia, 29 years old, may asawa at taga Sitio Kling, barangay Kuden, Talitay, Maguindanao. 

Naglunsad ng isang intelligence-driven anti illegal drugs operation ang Philippine Drugs Enforcement Agency o PDEA ARMM katuwang ang Talitay PNP at army’s 19th Infantry Battalion laban sa suspek. 

Nakuha mula kay Laguia ang dalawang malalaking sachets at isang maliit na pakete ng pinaniniwalaang Shabu na tinatayang nagkakahalaga ng 23 libong piso. 

Una rito, noong Biernes, October 6 ay naaresto rin ang mga suspek na sina KARUDIN BARANADA AMIGOS, 36 years old, at taga -Sitio Dam, Barangay Gadung; at GUIARODIN M SANGKAD, 42, may asawa, at taga – Barangay Korosuyan, pawang nasa Barira, Maguindanao.   

Unang nadakip si Sangkad pasado alas singko ng umaga at alas dyes naman ng gabi ng parehong araw naaresto si Amigos. 

Nakuha mula sa dalawa ang apat na pakete ng pinaniniwalaang Shabu na tinatayang nasa isang libong piso ang kabuuang halaga. 




-0-


Samantala, nitong Sabado rin, October 7, narekober naman ng mga sundalo ang ilang mga gamit sa paggawa ng improvised explosive device o IED, high-powered na mga armas, at nasa kalahating kilong hinihinalang shabu sa magkakahiwalay na operasyon laban sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF sa Maguindanao. 

Ayon kay Army’s 6th Infantry Division spokesperson Captain Arvin John Encinas, sinusundan ng mga sundalo mula sa 19th at 6th Infantry Battalion ang 20 mga miyembro ng BIFF nang matagpuan nila ang mga bomb-making components at shabu. 

Partikular na natagpuan ang mga ito sa border ng Barangay Kuden, Talitay at sa Barangay Brar, Datu Anggal Midtimbang na pawang nasa Maguindanao. 

Ayon kay Encinas, rumespunde ang mga sundalo matapos ang natanggap na mga ulat ng mga sibilyan patungkol sa presenya ng mga grupo ng ISIS-inspired local terrorist sa lugar. 

Kasunod nito, nakasagupa naman ng pinagsamang pwersa ng 22nd Mechanized Infantry Battalion at 57th Infantry Battalion ang mga BIFF habang nagsasagawa ng pursuit operation sa Barangay Alongangen, Datu Piang. Dito naman narekober ng mga sundalo ang isang mataas na kalibre ng sniper rifle. 


-0-



Dead on arrival sa ospital ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng riding tandem criminals pasado alas syete kagabi sa Datu Siang street, Tukananes, Barangay Poblacion Siyete, sa Cotabato City. 

Kinilala ni Police Station 1 commander Chief Insp. Jude Marlon Del Carmen ang biktimang si Staple Salik Adam, tinatayang nasa 30-35 years old, may asawa at taga- ng Purok Tadman ng nasabing barangay. 

Nagtamo ng mga tama ng bala ng cal. 45 pistol ang biktima sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan na naging sanhi ng kanyang agarang kamatayan. 

Batay sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, minamaneho umano ng biktima ang kanyang motorsiklo nang lapitan ng mga hindi pa nakikilalang riding tandem criminals at walang kaabug-abog na pinagbabaril.  

Bagaman at naisugod pa sa pagamutan ang biktima ay hindi na ito umabot pa ng buhay.  

Sa kabilang dako, patuloy namang ginagamot ngayon ang isang 52 taong gulang na lalaki matapos tamaan ng ligaw na bala pasado ala singko ng hapon kahapon sa Bonifacio street, Barangay POblacion Sais, Cotabato City.  

Sugatan ang biktimang si Ramil Dimacotac Banner na taga Don TV Juliano street, Mother Barangay Rosary Heights ng syudad. 

Bumibili lamang umano ng padlocks ang biktima sa sidewalk vendor sa lugar ng aksidenteng tinamaan ng ligaw na bala mula sa hindi nakilalang suspect. 

Sinabi ng mga nakasaksi sa lugar na sinubukan umanong ayusin ng suspect ang kanyang handgun at pinaputok ito pailalim.  

Ngunit aksidente namang tinamaan ng bala sa kaliwang binti ang biktima.  Sa ngayon sinisikap pa ng pulisya na makakuha ng cctv footage sa lugar upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspect na nagpaputok ng baril. 


-0-



OSPITAL ang bagsak ng isang 24 na taong gulang na lalaki matapos na saksakin ng nakababatang kapatid sa pasado alas nuebe kagabi sa Purok Rosas, barangay Rosary Heights 12, Cotabato City. 

Kinilala ni Police Station 1 commander Chief Insp. Jude Marlon del Carmen ang biktimang si Rey Occenia Garcia isang driver at residente ng nasabing lugar.  

Habang ang suspect ay kinilala namang si Argie Occenia Garcia 21 anyos, walang trabaho. Nabatid na nag-iinuman lamang umano ang magkapatid hanggang sa magkapikunan na nauwi sa pananaksak ng suspek sa biktima. 

Nagtamo ng tama ng saksak sa tagiliran si Rey mula sa 6-inches kitchen knife na ginamit ng kapatid na si Argie sa pananaksak sa kuya.  Agad namang isinuko ng mga opisyal ng barangay ang biktima sa Police station 1 matapos ang insidente.




-0-

Pupugutan na sana umano ng teroristang Maute group ang 17 mga sibilyang bihag ng mga ito na na-rescue noong nakaraang linggo sa Marawi City. 

Sinabi ni AFP chief Gen. Eduardo Año na mabuti na lamang at naunahan ng mga sundalo ang Maute Group at nailigtas ang naturang mga sibilyan. 

Dahil dito kaya patuloy umano ang pakiki­pag-ugnayan pa ng mga gobyerno sa mganatitirang 40 pang hostages na nasa battle area para agad silang masagip. 

Sa iba pang balita, gagawin na ring target ng militar ang mga hostage ng Maute group na may bitbit ng armas. 

Sinabi ni Joint Task Force Ranao deputy commander Col. Romeo Brawner Jr. na ang mga bihag na napipilitang makipagbarilan sa mga sundalo ay ituturing na nilang combatants. 

Ayon kay Brawner, alam nila na pinuwersa lamang ang ilang hostages para makipaglaban sa mga sundalo, pero para madepensahan ang sarili, kailangan na rin ng mga sundalo na ihanay sa combatants ang mga ito kasama ang kanilang mga captor. 

Nilinaw naman ni Brawner na ang mga batang hostage ay hindi binibigyan ng armas at hindi pinipilit ng ISIS na lumaban sa militar bagamat may mga ulat na mayroong child warriors ang nasabing grupo. 

Sa ngayon pumalo na sa 157 sundalo at pulis ang nasawi sa Marawi operations habang nasa higit 1,600 naman ang sugatan. Sa panig naman ng Maute Group, nasa 770 na ang patay at higit 800 mga armas ang narekober ng militar sa war zone.


-0-


Nabaril at napatay ang sinasabing lider ng Abu Sayyaf Group o ASG na sangkot sa serye ng kidnap-for-ransom activities sa isinagawang operasyon ng militar kahapon ng umaga sa Bongao, Tawi-Tawi. 

Kinilala ng AFP ang suspek na si Guro Idri alyas Idris at Idz na nakabase sa Sulu sa ilalim ni Muamar Askali at Hatib Hajan Sawadjaan. 

Ang suspek ay sinasabing sangkot sa pag-kidnap sa German national na si Jurgen Kantner. Base sa ulat na nakarating sa Camp Aguinaldo, dakong alas-siyete ng umaga nang magsagawa ng operasyon ang Joint Task Force Tawi-Tawi laban sa suspek sa Suwang Kagang, Barangay Pasiagan, Bongao

 Nang makita umano ng suspek ang tropa ng militar ay kaagad na pinaputukan nito ang mga otoridad kaya nagkaroon ng shootout hanggang sa mapatay si Idris. 

Sinubukan pa ng mga sundalo na isugod sa Datu Halun Sakilan Memorial Hospital ang suspek pero idineklara itong dead on arrival. Narekober sa encounter site ang cal. 45 pistol na may limang mga bala. 


-0-



Napili ng Department of Labor and Employment o DOLE 12 ang Public Employment Service Office o PESO ng Tacurong City, Sultan Kudarat na isa sa pinakamagaling sa buong bansa.

Ang Tacurong ay isa lamang sa 39 Local Government Unit na tumanggap ng plake bilang finalist sa National Best PESO Awards. Isinagawa ang awarading sa katatapos lang na 17th National PESO Congress sa Cauayan, Isabela na dinaluhan ng mahigit 700 PESO manager sa bansa.

Ang PESO Tacurong ay naging national finalist sa Component/Independent City Category kasama ang Binan, Laguna; at ang parehong wagi na Mabalacat sa Pambanga, at Panabo sa Davao del Norte.

Ang Best PESO award ay iginagawad sa mga LGU na pinakamatagumpay na nagpatupad ng mga employment program ng DOLE. Kalakip dito ang employment facilitation services tulad ng referral, career coaching at counselling.

Ayon kay Tacurong City PESO Manager Allan Freno, malaking bahagi ng tagumpay sa maayos na pagpapatupad ng kanilang programa ang suporta ng lokal na pamahalaan.

Maliban sa Tacurong City napili ring finalist sa First and Second Class Municipality Category ng Best PESO Awards ang bayan ng Polomolok, South Cotabato.



-0-



Kailangan ngayon ng buong mundo ang mga social workers kaya mahalaga rin ang pagkakaisa ng mga ito lalong lalo na ang pagbahagi ng kaalaman at resources.

Ito ang binigyan diin ni Department of Social Welfare and Development o DSWD 12 Regional Director Bai Zorahayda Taha sa 10th Philippine Association of Social Workers, Inc. o PASWI Mindanao .

Ang pagtitipon na ginanap sa Koronadal city ay dinaluhan ng mahigit 1,000 mga social workers sa buong Mindanao.

Sinabi ni Taha na tagumpay ng isang social worker ang pagtulong sa mga nangangailangan.

Maliban sa pagbahagi ng kanilang mga magagandang programa at kaalaman, binisita din ng mga delegado sa PASWI ang mga pasilidad ng DSWD sa Koronadal City.

Pinuntahan ng mga ito ang Home for the Girls, Reception and Study Center for Children, Regional Rehabilitation Center for the Youth, at Center for the Handicapped.

Nagkaroon din ang mga ito ng pagkakataon na makapunta sa bayan ng Lake Sebu.



-0-


Binalot ng Provincial Environment and Management Office o PEMO ng packing tape ang electric motor na nagpaandar sa ball mill plant ng 11 small-scale mining o SSM processors sa T’boli, South Cotabato.

Ang mga ito ay matatagpuan sa Purok Oro I at Lugan 3 sa barangay Poblacion. Resulta ito ng kampanya ng PEMO kontra sa SSM Operators na bigong makapag-renew ng kanilnag permit.

Para masiguro na malaman sakali mang tanggalin ang mga packing tape, nilagdaan ito ng mga kawani ng PEMO. Ito ay ayon kay PEMO Mines ang Geo-Sciences Division Chief Agnes Castanares.

Sinabi ni Castanares na target nilang mapasara ang mahigit 45 SSM Operators na walang permit. Nilinaw ni Castanares na agad din namang pahihintulutan ang mga SSM operators na magbukas ulit kapag nabayaran ang kanilang obligasyon at makakuha ng panibagong kontrata sa provincial government.

Ito ayon kay Castanares ay maaring tatagal pa ng tatlong lingo.



-0-



Paalahanan ang mga Provincial Police Headquarters sa kanilang katungkulan bilang kaisa sa mga programang pangkalusugan ng pamahalaan.

Ito ang inaatas ni PNP Human Rights Affairs Office Chief, Police Chief Superintendent Dennis Seirvo sa Police Regional Office 12.

Tugon ito ni Seirvo matapos hilingin ni South Cotabato Provincial Health Officer Dr. Rogelio Aturdido Jr. ang commitement ng PNP sa pag-screen sa mga Surfacing Personalities Involved in Drugs o SPID.

Ang SPID ay programa na nagsasanay sa mga pulis at health personnel na sumusuri sa level ng pagiging dependent sa iligal na droga ng sumukong drug personality.

Ito ay ipinatutupad ng Provincial Anti Drug Abuse Council o PADAC South Cotabato. Sinabi ni Seirvo na handang makinig ang pulisiya sa hinaing ng iba’t ibang sektor para ma-reconcile ang isyu ng human rights sa kampanya kontra iligal na droga.

Ito ayon kay Seirvo ang mahalaga sa ngayon. Sina Aturdido at Seirvo ay parehong dumalo sa Human Rights Forum sa General Santos City. Ito ay dinaluhgan din ng mga taga Academe, Commission on Human Rights, law enforcement agencies, religious at private sectors at iba pang stakeholders.




-0-



Umayos na bago pa man mapatawan ng kaukulang penalidad. Ito ang babala ni South Cotabato Governor Daisy Avance Fuentes sa mga kawani ng kapitolyo na inuuna pa ang panonood ng mga malalaswang video kesa sa magtabaho.

Ang masaklap pa dito ayon sa gobernador ginagamit pa ng naturang mga empleyado ang computer ng provincial government.

Ito ayon kay Fuentes ay batay naman sa resulta ng evaluation sa mga kawani ng kapitolyo

Binigyan diin ni Fuentes na dahil mariing ipinagbabawal, mapaparusahan ang mga kawani ng kapitolyo na ayaw pa ring paawat sa panonood ng mga x-rated video sa opsina.

Ayon kay Fuentes para matigil ang pasaway na mga empleyado ng pamahalaang panlalawigan, ipina block na nito sa mga IT expert ang mga pornographic sites sa internet.

Umapela din ang gobernador sa mga kawani na maging tapat sa pag-evaluate ng kanilang sarili.

Ayon kay Fuentes na may mag empleyado kasi ng kapitolyo na nakakuha pa rin ng excellent rating kahit na tanging ginagawa lamang ay magkape at umalis ng wala sa oras sa kanilang opisina.




-0-




NAAKTUHAN
 ng mga operatiba ng Magpet PNP ang dalawang mga lalaki na nagka-Cara Y Cruz, isang uri ng ilegal na sugal, kamakalawa ng hapon.
 

Kinilala ng Magpet PNP ang mga inaresto na sina Domingo Calapan Ocon, 53 taong gulang, at taga-Barangay Mabini, Magsaysay, Davao del Sur; at si Albert Maggay Damaso, 35 taong gulang, at taga-Barangay Bulukanon, Makilala. 

Ayon sa report, naaktuhan nila na naniningil ng bet money para sa Cara Y Cruz sa may Barangay Kamada, Magpet sina Ocon at kasama niya kaya agad sila’ng hinuli ng mga pulis. 

Na-recover mula kina Ocon ang bet money na isinilid nila sa isang plastic box; dalawang mesa na may may drawing; isang bato na kulay itim; isang steel ring; dalawang brass coin; at isang kahoy na box na lalagyan ng itim na bato.    

Ang lahat ng ito, ayon sa PNP, ginagamit para sa Cara Y Cruz. Agad dinala sa istasyon ng Magpet PNP ang dalawa. Sasampahan sila ng kasong paglabag sa Presidential Decree 1602. 



-0-


MALALIM na imbestigasyon ang ginagawa ngayon ng Digos City PNP patungkol sa pagbaril at pagpatay sa announcer sa radio station na pag-aari ni Davao del Sur Governor Dodo Cagas. 

Kinilala ang biktima na si Ramil Hugan, 43, ng Barangay Dawis, Digos City. Ayon kay Superintendent Demetrius Taypin, hepe ng Digos City PNP, posible na personal grudge ang dahilan ng pamamaril at walang kinalaman sa trabaho niya bilang news commentator. 

Maliban kasi sa pagiging announcer, negosyante rin ang biktimang si Hugan, ayon sa report. Nito’ng October 5, bandang alas-9 ng gabi, binaril si Hugan ng di pa kilalang gunman sa may Aurora at kanto ng kanto Bataan, Digos City.  

Dalawang tama ng baril sa dibdib ang tumapos sa buhay ng biktima. 




-0-


NASA LOOB ng sabungan sa may Barangay Balite sa bayan ng Magpet, North Cotabato ang magsasaka na kinilalang si Bebs Nero Quino nang barilin ng ‘di pa kilalang suspect, ala-140 ng hapon, kahapon. 

Agad na tumakas ang gunman pagkatapos ng pamamaril. Ayon sa report ng Magpet PNP, tinangay ng mga suspect ang motorsiklo na gamit ng biktima. Di pa batid ang motibo sa pamamaril. 

Pero, ayon sa PNP, ang Barangay Balite ay pinamumugaran ng mga rebeldeng New Peoples’ Army o NPA. Katunayan, ilang sightings na rin ng mga rebelde ang naitala sa kanilang istasyon. 

Pero kung ang grupo’ng ito ang responsable sa pagpatay kay Quino, di pa batid ng PNP. NDBC BIDA BALITA       




-0-




DALAWANG tama ng bala sa ulo ang tumapos sa buhay ng 32-anyos na matador na kinilalang si Diosdado Adlaon na taga-Barangay Kalaisan, Kidapawan City.
 

Naganap ang pamamaril sa biktima habang siya ay nasa loob ng lechon house sa may Sitio Maligaya, Barangay Kalaisan, alas-930 ng umaga. 

Ayon sa report, naghahanda ng lilitsunin ang biktima nang lapitan ng dalawang ‘di pa kilalang lalaki. Isa sa mga ito nagtanong sa biktima kung puwede ba’ng bumili pa ng lechon.   

Nang sagutin siya ng biktima na saka naman umalingawngaw ang putok ng baril. Namatay ang biktima sa harap mismo ng anak niya’ng lalaki.   

Di pa batid ang motibo sa pamamaril. Nabatid na ang tatay at kapatid ng biktima ay napatay rin sa pamamaril. 




-0-



DAHIL papalapit na ang Todos Los Santos, muling nagpaalala ang Bureau of Fire Protection o BFP sa mga mamamayan na mag-ingat sa paggamit ng mga kandila at iba pang mga bagay na puwede’ng pagmulan ng sunog. 

Ayon kay Fire Inspector Marleap Nabor ng BFP sa bayan ng Kabacan, madalas sanhi ng sunog ang naiwanang mga kandila at mga naka-plug na mga electrical gadgets, tulad ng celfon, tablet, at mga battery charger. 

Kaya’t ngayong Todos Los Santos, panawagan ni Nabor na bago magtungo sa mga sementeryo ay tiyaking walang mga naiwang nakasinding kandila at mga appliances na hindi pa natatanggal ang plug. 

SAMANTALA, nanawagan din si Nabor sa mga mamamayan na kapag may kulog at kidlat ay dapat i-unplug ang lahat ng mga appliances tulad ng TV at mga electrical gadgets tulad ng celfon. 

Ito ay para maiwasan na ma-capture nito ang mataas na boltahe na dala ng kidlat. Ginawa ni Nabor ang panawagan matapos ang nangyaring sunog sa Kidapawan City nito’ng October 5 na ang sanhi ay kidlat. 

Sa Kabacan, nasunog ang ilang mga tanim matapos tamaan ng kidlat. 
  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy