Monday Feb, 24 2020 03:58:26 AM

NDBC BIDA BALITA (10.28.19)

NDBC BALITA • 15:00 PM Mon Oct 28, 2019
351
By: 
Edwin O. Fernandez

HEADLINES:

1. GRUPO ng mga Chinese investor, muling bumisita sa Cotabato city sa ikatlong pagkakataon.

2. ILLEGAL DRUG operation sa Carmen, North Cotabato, mahigpit ngayong binabantayan ng PNP kasunod ng nakumpiskang milyong halaga ng shabu sa bayan.

3. 2019 Outstanding IP family, pinarangalan ng pamahalaang panlalawigan ng South Cotabato

4. PUBLIKO, pinag-iingat sa pagbili ng mga Halloween costume, decors and toys.

 

ANG DETALYE NG MGA BALITA…

 

 

MULING bumisita sa Cotabato city ang mga Chinese investor na mula sa Shenzen Engineering Construction Company sa pangunguna ni Yibin Liu.

Ito na ang ikatlong pagkakataon na nagtungo sa lungsod ang naturang mga investor na nagsagawa ng ocular inspection sa construction site ng proposed International Airport na itatayo sa Barangay Tamontaka 3, 4 at 5 ang mga dayuhang intsik.

Tiningnan din ng mga ito ang paglalagyan ng gagawing Seaport sa Barangay Kalanganan Dos.

Binisita rin ng mga ito ang lugar na pagtatayuan ng Cotabato-China Friendship Technical School sa Barangay Datu Balabaran.

Mismong si city mayor Cynthia Guiani ang tumanggap at nag-asikaso sa mga bisitang dayuhan.

Sinabi ni mayor Guiani na kapag naisakatuparan ang nabanggit na mga proyekto ay lilikha ito ng libo-libong mga trabaho para sa mga mamamayan ng lungsod.

Magiging daan din ito sa paglago ng negosyo at turismo sa lungsod.

Samantala, kagabi ay nakisaya naman ang mga bisitang Chinese investor sa Cotabato City-China Fellowship Night.

Nag alay pa ng kanta ang mga dayuhang bisita.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Shenzen Engineering Construction Company Head of Delegation Yi bin Liu na lubos siyang nagpapasalamat sa mainit na pagtanggap sa kanila ng Cotabato City na itinuturing na nilang pangalawang tahanan.

Ayon naman kay city mayor Cynthia Guiani na tapos na ang mahabang panahon na paghihintay dahil tuloy na tuloy na aniya ang konstruksyon ng international airport, seaport at Technical School sa lungsod.

 

-0-

 

Palay ng mga magsasaka maari nang ibenta sa mas mataas na presyo sa kooperatiba na kinontrata ng pamahalaang panlalawigan ng South Cotabato.

Bumibili na ng mga produktong palay ng mga magsasaka sa lalawigan sa mas mataas na presyo ang BINTIKU Multi-purpose Agricultural Cooperative sa bayan ng Suralah, South Cotabato.

Ang nasabing kooperatiba ay katuwang sa pagpapatupad ng rice procurement program ng pamahalaang panlalawigan. Bibilhin nito ang mga magsasaka sa South Cotabato sa halagang 19 pesos kada kilogram.. Ito ay ayon kay Provincial Agriculture Officer Justina Navarete.

Kaugnay nito, nananawagan si Navarete sa mga magsasaka na nasa kanilang listahan na makipag ugnayan sa kanilang mga agricultural technicians o municipal agriculture office. Ito ay para mapagusapan ang delivery ng kanilang mga produkto.

Layon ng programa na matulungan na makaagapay sa epekto ng rice tarrification law ang mga magsasaka ng palay sa South Cotabato.

Ayon kay Navarete ang palay sa South Cotabato ay binibili ngayon ng mga rice traders sa lalawigan ng mula 13 hanggang 16 pesos per kilogram. Kinumpirma din ni Navarete na kalakip na sa 2020 Budget ng pamahalaang panlalawigan ang 20 million pesos palay support fund.

 

-0-

 

2019 Outstanding IP family pinarangalan ng pamahalaang panlalawigan sa South Cotabato.

Pinarangalan ng pamnahalaang panlalawigan bilang 2019 Most Outstanding Indigenous Peoples o IP Family ang pamilya nina Mr. and Mrs. Johnny at Senorita Tony. Ang pamilya Tony na napabilang sa Tribung B’laan ay mula sa Koronadal City.

Si Johnny ay Head Teacher ng Ingkong Elementary School sa Barangay San Isidro, Koronadal habang ang misis nitong si Senorita ay IP Focal Person ng Deped Koronadal City Division. Sa kabila ng kahirapan napagtapos ng magasawang Tony ang kanilang tatlong anak.

Ayon sa anak nilang si Mary Angelie Tony Ibrahim, hindi dapat maging hadlang ang kahirapan sa pagtatapos ng pagaaral. Si Mary Angelie ay guro sa Colon National High School sa Maasim Sarangani. Pawang mga guro din sa Koronadal City ang dalawa pa nitong mga kaptid. First Runer Up naman ng pamilya Tony ang pamilya ng pure-blooded T’boli mula Lake Sebu South na sina Mr. and Mrs.Samuel Aida.

Hindi rin nagpahuli ang napabilang din sa Tribung B’laan na pamilya nina Mr. at Mrs. Celso at Mary Doc ng bayan ng Tampakan na pinarangalan bilang Second Runner Up.

Layon ng Search for Outstanding IP Family na kilalanin ang mga pamilyang katutubo na naging magandang halimbawa sa kanilang komunidad. Ang awarding sa 2019 Most Outstanding IP Family ay tampok sa 4th Provincial Indigenous Peoples’ Day at 12th Kastifun Festival ng South Cotabato.

 

-0-

 

Community Police Assistance Center para sa monitoring ng illegal drugs planong ilagay ng PNP 12 sa mga boundary ng Tampakan, South Cotabato

Nais ni Police Regional Office 12 Director Brigadaire General Alfred Corpuz na maglagay ng Community Police Asssistance Center o COMPAC malapit sa mga boundary ng Tampakan, South Cotabato at karatig lugar.

Ayon kay Corpuz, layon nito na makatulong sa maigting na monitoring ng iligal na droga. Sinabi ito ni Corpuz, kasunod ng pagkakatuklas ng mga otoridad samahigit 38,000 na puno ng Marijuana plants sa Quad-boundary ng Tampakan sa mga lalawigan ng Sultan Kudarat, Davao Del Sur, South Cotabato at Sarangani.

Ang pahayag na ito ng nasabing police official ay kaugnay naman sa sinabi ni South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr na kailangan pa rin ang maigting na monitoring sa nasabing mga lugar. Ayon kay Tamayo, marami pa ring seeds ng Marijuana ang naiwan at maaring tumubo sa mga Quad-boundary ng Tampakan.

Ayon kay Tamayo, hindi maikakakila na isa rin sa dahilan ng pagtubo ng Marijuana plants sa lugar ang magandang klima. Matatandaan na bahagi ng Marijuana plants na nabunot ng mga otoridad sa Quad-boundary ng Tampakan ay sinunog ng mga ito sa ceremonial burning na isinagawa sa Tampakan Municipal Plaza.

 

-0-

 

Pabuya ibibigay ng pamahalaang panlalawigan sa mga preso makakapagtuturo sa mga magtatangkang magpuslit ng iligal na droga sa provincial jail ng South Cotabato

Pinagaralan pa ng pamunuan ng South Cotabato Rehabilitation and Detention Center o SCRDC kung paano ibigay ang reward sa mga preso na makapagbibigay ng impormasyon sa pagpuslit ng iligal na droga sa nasabing pasilidad.

Ito ay ayon kay South Cotabato OIC Provincial Jail Warden Felecito Gumapac. Paliwanag ni Gumapac, maari kasing palagay sa peligro ang seguridad ng kanilang tipster kapag ito ay malaman ng kanyang mga kapawa bilanggo. Sinabi ni Gumapac na malaki ang naitulong ng ilang mga inmate para mabisto ang tangkang pagpuslit ng iligal na droga sa SCRDC na kilala ring provincial jail.

Ayon kay Gumapac dahil sa tulong ng tapat na mga preso, napigilan ng mga Jail Guard ang pagpasok ng mahigit 100 thousand pesos na halaga ng umanoy shabu sa provincial jail noong nakaraang buwan. Arestado din ang babaeng suspek na magdadala sana ng nasabing iligal na droga sa nakakulong na mister.

Ang Provincial Anti-Drug Abuse Council PADAC ay may inilaang pondo para sa reward system bilang pagpapaigting ng kampanya kontra iligal na droga.

 

-0-

 

 

DA magbibigay ng tulong pinansyal sa mga magsasakang apektado ng pagpapatupad ng Rice Tarrification Law

Dahil sa pagbagsak ng presyo ng palay mula nang maisabatas ang Rice Tariffication Law o RTL noong Marso, bibigyan ng gobyerno ng limang libong pisong cash ang mga apektadong magsasakang nag-aani mula sa kanilang isang ektaryang lupain pababa. Ayon kay Department of Agriculture Secretary William Dar na ang naturang tulong ay isang beses na cash-out at ito ay kukunin mula sa taripa na nakolekta mula naman sa RTL.

Nasa tatlong bilyong piso ang kakailanganin para sa animnaraang libong benepisyaryo na mga magsasaka ng palay. Inaasahan na maibibigay ang cash assistance bago mag-Pasko. Sa kasalukuyan, sinabi ng kalihim na nasa labing-isang bilyong piso na ang nakolekta ng bansa mula sa RTL.

Nilinaw din ng pinuno ng DA na ang cash assistance ay naiiba sa naunang tulong ng pautang na labinlimang libong pisong inaalok ng gobyerno sa mga magsasaka ng bigas sa ilalim ng Expanded Survival and Recovery Assistance Program for Rice Farmers o SURE Aid Program.

Ang SURE Aid Program ay paunang lunas na tugon ng gobyerno sa mga magsasaka ng palay na nagtatanim ng isang ektarya ng lupa at pababa na apektado ng mababang presyo ng palay.

 

 

-0-

 

Mga nagkakasakit na evacuees sa recolation site sa isang barangay sa Kidapawan City, patuloy na tinutugunan ng City Health

Patuloy ngayong tinutugunan ng City Health Office ng Kidapawan City ang bilang mga nagkakasakit sa mga relocation site sa Brgy Ilomavis, Kidapawan City kasunod ng nangyaring lindol.

Ayon kay City Health Officer Dr. Jocelyn Incienzo, abot sa 107 na mga bata ang kanilang na check-up habang 77 namang sa mga matatanda at karamihan dito ay nagkasakit ng ubo’t sipon. Dagdag din ni Incienzo tuloy-tuloy naman ang kanilang monitoring at mayroon ding naka standy na medical team sa mga relocation site sa nabanggit na lugar. 

Natugunan din ng City Health ang kakulangan sa mga suplay ng gamot katuwang ang CDRRMO. Nabatid na mahigit isang linggo nang nananatili sa evacuation area ang abot sa libo-libong mga apektado ng nasabing kalamidad at wala pang abiso mula sa lokal na mga opisyal na maaari na silang makabalik sa kanilang mga tahanan. Ilan dito ay nagpapalipas ng gabi lamang sa kanilang ginagawang mga tolda.

 

-0-

 

Bentahan ng iligal na droga sa bayan ng Carmen, North Cotabato,patuloy na tinututukan ng PNP kasunod ng nakumpiskang milyong halaga ng shabu

Patuloy ngayong tinututukan ng Carmen PNP ang operasyon sa bentahan ng iligal na droga kasunod ng pagka-aresto ng PDEA 12 sa mag-asawang mga high value target kung saan nakuha ang abot sa 1.2-million na halaga ng shabu.

Ayon kay Carmen PNP Chief Captain Jorlito Patrona, ito ang unang pagkakataon na nakarekober ang raiding operatives ng nasabing halaga ng shabu mula sa mga miyembro ng sindikato ng droga. Matatandaang naaresto sa isinagawang search warrant operation ang mag-asawang SOCARNO at NORAISA SAMPULNA sa nasabing lugar, na ayon sa PDEA ay miyembro ng drug syndicate.

Sa taya ng PDEA 12, ang nakumpiskang malalaking sachet ng shabu ay nagkakahalaga ng One Million One Hundred Ninety Thousand Pesos (Php 1,190,000.00) Dagdag pa ng PDEA na ang grupong kinabibilangan ng dalawa ay sangkot sa bentahan ng droga sa mga area ng Kidapawan, Kabacan, Midsayap sa North Cotabato, Pagalungan at Datu Montawal sa Maguindanao at maging sa General Santos City.

Sinasabing front line ng mag-asawa ang kanilang negosyong motorcycle shop and accessories.

 

-0-

 

Dalawang mga Laborer sugatan sa magkahiwalay na pananaksak sa Makilala North Cotabato.

Nagpapagaling na ngayon sa ospital ang dalawang mga laborer na biktima ng magkahiwalay na pananaksak sa Makilala North Cotabato kahapon ng hapon.

Ang unang insidente ay naganap sa Sitio Tumbo, Barangay Old Bulatukan Makilala Cotabato alas tres kahapon sa hapon. Biktima nito si Darwin Alibangbang na residente ng Sitio Balugan ng nasabing Barangay habang kinilala naman ang suspek na si Jan-Jan Ayun na tumakas matapos magawa ng krimen.

Ayon sa report ng makialla PNP, naglalakad lang umano pauwi ang biktima kasama ang isa pa ng biglang saksakin ng suspek gamit ang isang kitchen knife. Sa likud tinamaan ang biktima na agad dinala sa Amas Provincila Hospital.

Isa naman ang personal Grudge sa sinusundang anggulo ngayon ng Makilala PNp hinggil sa insidente habang patuloy pang pinaghahanap ang suspek na si Ayun matapos tumakas. Samantala, alas kwatro naman ng hapon kahapon ay sugatan din ang isang laborer sa nangyaring pananaksak sa Purok 5B, Barangay Kisante Makilala.

Kinilala ang biktima na si Ramil Ursal Anggit, 29 anyos habang ang suspek ay kinilala namang si Dioselito Ursal Sabehon, 32 anyos.

Ayon parin sa report ng Makilala PNP, nagtalo umano ng mainitan ang dalawa na nagresulta sa pananaksan ng suspek sa biktima.

Sa siko tinamaan ang biktimang si Anggit habang ang suspek naman ay boluntaryong sumuko kay Barangay Kisante Chairman Arataleo Abing na ngayon ay naka kulong na sa Custodial Facility ng Makilala PNP. Ligtas na ngayon ang biktima na patuloy na nagpapagaling sa isang ospital.

 

-0-

 

Beteranong climber, patay habang papa-akyat ng Mt. Apo

Patay ang isang 56-anyos na beteranong climber ng Mt. Apo matapos na atakehin sa puso habang paakyat sa nasabing bundok, gamit ang Makilala trail sa barangay Israel, Makilala, North Cotabato.

Kinilala ang nasawi na si Joel Lape, residente ng Lion Garcia st. Davao city at empleyado ng Franklin Baker, Sta. Cruz, Davao del sur.

Sa impormasiyon mula kay Makilala MENRO Walter Ruizo sa Mt. Zion umano binawian ng buhay ang biktima matapos na mag collapse alas-3 ng hapon nitong Sabado.

Ayon naman kay Makilala municipal Disaster Risk Reduction head Sonny Fontanilla, inatake umano sa puso si Lape, ito dahil ayon sa kanyang misis ay mataas ang presyon ng kanyang dugo.

Sa tulong ng rescue team ng Makilala, Kidapawan city guides association, porters association at ng EDC ay naibaba ang bangkay nito alas-10:56 kahapon ng umaga. Kasama ni Lape ang kanyang anak at 20 iba pang mga kasamahan na aakyat sana sa Mt. Apo. ng mangyari ang insidente

 

-0-

 

Mga bala at pampasabog, nahukay sa isang barangay sa Magpet, North Cotabato

Abot sa sampung piraso ng 60MM high explosive, 20 piraso ng mga bala ng caliber 30, cord wire, steel tube ng 60MM at isang base plate ang narekober ng mga otoridad sa Sitio San Roque, Amabel, Magpet, North Cotabato alas 2:34 ng hapon nitong Sabado.

Ayon kay Magpet PNP Chief Police Captain Rolando Dillera Jr., ipinarating sa aniya sa kanilang himpilan ng magsasakang si Vincent Cantillas ang ulat na nakita nito ang nasabing mga kontrabando na nakalibing sa kanyang lupain.

Katuwang ang 72nd Infantry Battalion ng Philippine Army at ng CPPO Explosive Ordnance Disposal team ay agad na tinungo ng Magpet PNP ang nasabing lugar at doon narekober ang nabanggit na mga bala at pampasabog.

Ang nakuhang mga ebidensya ay dinala ng EOD team sa para karagdagang imbestigasyon. Patuloy ngayong tinutukoy ng PNP ang mga nagmamay-ari ng nasabing mga bala at pampasabog maging ang grupong responsible sa pagtatago ng mga ito.

 

-0-

 

NATIONAL NEWS………………….

Kumpirmado na ang pagbisita sa Pilipinas ni Russian President Vladimir Putin.

Sinabi ni Presidential spokesperson Salvador Panelo na ayon kay Russian Ambassador to the Philippines Igor Khovaev inaayos na lamang ang schedule ng pagbisita ni Putin sa bansa.

Ayon kay Panelo, ang pagbisita ni Putin sa bansa ay nangangahulugan lamang ng pagpapaigting pa ng relasyon ng Pilipinas at Russia.

Sa iba pang balita, nadismaya si Vice President Leni Robredo sa pagbasura ng Sandiganbayan sa 267-million pesos na ill-gotten wealth case laban sa pamilya Marcos.

Ibinasura ng Sandiganbayan 4th Division ang kaso laban kay dating Pangulong Marcos at dating unang ginang Imelda Marcos dahil may depektong nakita sa mga ebidensyang inihain ng prosekusyon sa kaso.

Pero sabi ni Robredo, nakakadismaya umano dahil nakasaad aniya sa desisyon ng Sandiganbayan na sobrang labo na ng isinumiteng kopya ng ebidensya kaya hindi na makikita kung authentic itong kopya ng orihinal na dokumento.

Nakakapanlumo aniya dahil ang pinag-uusapan sa kaso ay pera ng taumbayan.

 

-0-

 

Sa kabilang dako pa, pinag-iingat ng isang environmental group ang publiko sa pagbili ng Halloween costumes, decorations at toys dahil sa posibleng banta ng mga ito sa kalusugan.

Sinabi ng EcoWaste Coalition chemical safety campaigner Thony Dizon na bumili sila ng 35 Halloween products sa halagang P25 hanggang P199 mula sa 26 na mga tindahan.

Ayon kay Dizon, lumalabas na ilan sa Halloween items na kanilang nabili ay hindi nakarehistro sa health authorities, kulang sa label at ang iba ay wala talagang label.

Ilang items din aniya ang natapuan nilang ginamitan ng pinturang may mataas na lead content.

Ayon kay Dizon, mapanganib lalo na sa mga bata ang lead na maaaring magdulot ng pangmatagalang epekto sa utak.

Ilan pa sa mga item ay nakitaan din umano ng high levels ng antimony, bromine at cadmium.

 

-0-

 

SPORTS...

Dalawang mga gintong medalya at isang silver medal ang nahakot ng pambato ng Pilipinas na si Vanessa Sarno sa 2019 Asian Youth and Junior Weightlifting Championships na ginanap sa Pyongyang, North Korea.

Nanguna si Sarno sa 71-kilogram youth women’s division matapos magtapos ng 209 kilograms.

Nakakuha din siya ng silver medal sa clean and jerk nang magtapos ng 118 kilograms.

Maliban kay Sarno, ang Pinay na si Chariz Macawli ay nakakuha naman ng silver medal sa 40-kg youth women’s division.

Ang isa pang Pinay na si Rosegie Ramos ay nakakuha naman ng bronze sa women’s 49 kilograms.

NDMC basketball club keeps title as PRISAA-Soccsksargen champions

MIDSAYAP, North Cotabato - Notre Dame of Midsayap College (NDMC) basketball team, representing Cotabato province defeated STI-Koronadal,...

Court orders arrest of 18 behind ALAMCCO pyramid scheme 

GENERAL SANTOS CITY --- A court has ordered the arrest of 18 operators of a pyramiding money market scheme using the Alabel-Maasim Credit...

CBCP issues new precautionary measures against COVID-19 for Lent

The Catholic Bishops’ Conference of the Philippines has released a liturgical guideline for the Lenten season as a precautionary measure to reduce...

NDBC BIDA BALITA (Feb. 22, 2020)

NEWSCAST

7:00 AM

HEADLINES:

1. DEPUTY PROVINCIAL PROSECUTOR, 2 iba pa, sugatan sa pananambang sa Cotabato...

Gov't operatives kill 2 followers of elusive drug dealer `Grasscutter'

MAGUINDANAO  --- Two henchmen of a bandit wanted for large-scale trafficking of shabu perished in an encounter with anti-narcotics agents in Datu...