Friday Nov, 22 2019 03:28:09 AM

NDBC BIDA BALITA (10.4.19)

NDBC BALITA • 08:15 AM Fri Oct 4, 2019
332
By: 
NDBC NCA

HEADLINES:

1. SUNDALO, sugatan sa pamamaril sa Cotabato city; lalaki, patay nang tamaan ng stray bullet sa Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao.

2. DALAWA KATAO, patay nang paulanan ng bala ng mga hindi pa nakikilalang salarin ang isang bahay sa Polomolok, South Cotabato

3. Wanted person na may patong-patong na mga kaso, patay matapos makipagbarilan sa mga pulis sa Matalam, North Cotabato.

4. PNP-12 regional director nagbabala laban sa mga pulis na nasasangkot sa investment scheme.

 

 

ANG DETALYE NG MGA BALITA….

 

-0-

 

 

Local………………..

 

SUGATAN ang isang sundalo matapos barilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa bahagi ng Notre Dame Avenue, Barangay Poblacion 4, Cotabato City pasado alas diyes ng umaga kahapon.

Sa report ng City PNP, nakilala ang biktima na si Corporal Brenston Balderamas, 30 anyos, naka-talaga sa Marine Battalion Landing Team 2 at taga-San Agustin Sur, Agoo, La Union.

Binabaybay umano ng biktima ang Notre Dame Avenue sakay ng kanyang motorsiklo nang sundan ng motorcycle-riding tandem suspects at pinagbabaril gamit ang cal. 45 pistol.

Nagtamo ng tama ng bala sa leeg ang sundalo na ngayon ay patuloy na nilalapatan ng lunas sa ospital.

Sa kabilang dako naman, dead on arrival sa pagamutan ang isang lalaki matapos umanong tamaan ng ligaw na bala sa Barangay Salbu, Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao.

Nakilala ang biktima na si HADJI OMS KAYADI ABDULLAH, 41 anyos na residente ng nabanggit na lugar.

Sa inisyal na report ng mga otoridad, pasado alas singko ng hapon kamakalawa habang naglalakad pauwi si ABDULLAH nang maipit sa bakbakan ng dalawang magkalabang grupo sa kanilang lugar.

Nagtamo ng tama ng bala sa kaliwang binti at likod si Abdullah na kanyang ikinamatay.

 

-0-

 

ISANG granada ang natagpuan sa loob ng compound ng isang construction company sa 1st Street, Don E. Sero Street, barangay Rosary Heights 5, Cotabato City.

Sa inisyal na ulat ng pulisya, pasado alas tres ng hapon kamakalawa nang makatanggap ng tawag ang police station 2 mula sa isang concern citizen hinggil sa pagkakatagpo ng isang granada sa lugar.

Agad namang nagtungo sa lugar ang mga pulis kasama ang PNP Explosives and Ordnance Disposal Team at kinordon ang area.

Nakuha doon ang isang M-61 Fragmentation Hand grenade na natanggal na umano ang safety pin ngunit hindi naman sumabog.

Ligtas na nakuha ng mga otoridad ang pampasabog habang patuloy nilang inaalam kung saan nanggaling ang naturang pampasabog at kung ano ang motibo ng mga responsable sa panghahagis nito sa lugar.

 

-0-

 

PUMASA at nakakula pa ng mataas na markang 90 hanggang 95 Percent ang Cotabato City Government kaugnay ng pagpapatupad ng road clearing operations alinsunod sa Memorandum Circular 2019–121 ng Department of the Interior and Local Government o DILG.

Ito ay matapos ang ginawang paglilibot at pagsusuri ng 11-Man Team inspection and validation team na binuo ng DILG 12 na pinangunahan mismo ni DILG 12 Director Josephine Leysa.

Sinabi ni City Public Safety Office Chief Rolen Balquin na sa exit briefing ng grupo, kontento ang mga DILG 12 official sa ipinatupad na road clearing operations sa lungsod.

Ayon kay Balquin, ang Cotabato City rin ang nangunguna sa buong rehiyon kaugnay ng pagpapatupad ng road clearing operations.

Samantala, inirekumenda naman ng DILG 12 inspection and validation team sa City LGU ang patuloy na monitoring at tiyakin ang sustainability ng programa para hindi na muling bumalik sa lansangan ang mga pasaway na naglalagay ng iligal na istrukura sa kalsada.

Kaugnay nito ay lubos namang nagpasalamat si Cotabato city mayor Cynthia Guiani sa kooperasyon ng mga mamamayan ng lungsod at sa magandang performance ng Traffic Management Unit, Traffic Management Council, City Engineering, PNP, AFP at barangay officials.

 

-0-

 

ISASAGAWA ngayong araw ng Bangsamoro Autonomous Regional government ang Project TABANG o Tulong Alay sa Bangsamorong Nangangailangan sa Marawi City.

Pangungunahan ng Rapid Emergency Action on Disaster Incidence o READI-BARMM ang naturang programa na gagawin sa barangay Buganga, Marawi katuwang ang iba’t ibang mga ministry at line agencies ng BARMM.

Sinabi ni READI BARMM spokesperson Myrna Jo Henry na tinatayang nasa tatlong libong mga mamamayan ng Marawi ang makakabenipisyo sa naturang programa.

Kabilang sa mga serbisyong libreng matatanggap ng mga benipisyaryo ay ang medical consultation, dental services at legal services.

Tatanggap din ang mga ito ng libreng gamot, mga food at non-food items, school supplies para sa mga bata at maraming iba pa.

Ayon kay Henry, layunin ng programa na iparating sa mga mamamayan ng BARMM ang mga kinakailangang serbisyo ng gobyerno batay na rin sa direktiba ni BARMM Chief Minister Al Hadj Murad Ebrahim.

Ang Project TABANG ng Office of the Chief Minister ay inaasahan ring dadalhin sa iba pang mga lugar sa Lanao del Sur, Sulu, Basilan at Tawi-Tawi.

 

-0-

 

 

FINALIST muli ang Cotabato City Government ngayong taon bilang Most Business-Friendly Local Government Unit (Level 2 Category) na iginagawad ng Philippine Chamber of Commerce and Industry.

Sinabi ni city mayor Cynthia Guiani na malaking karangalan para sa lungsod na mapabilang sa mga finalist ng naturang patimpalak.

Ayon kay Guiani, isa kasi itong indikasyon na lumalago ang ekonomiya at tumataas na kumpyansa ng mga negosyante na mamuhunan sa lungsod.

Ipinagmalaki rin ng alkalde na ngayong taon ay tumaas ng 11 porsyento ang investments sa lungsod at nakapagbigay ito ng halos siyam na libong trabaho sa mga mamamayan ng lungsod at mga karatig na bayan.

 

-0-

 

UMAABOT sa 90 libong piso ang natangay ng isang trabahante mula sa tindahang pinagta-trabahuan nito sa Mabini Street, Barangay Bagua 3, Cotabato City.

Patuloy ngayong pinaghahanap ng mga otoridad ang suspek na kinilalang si Phillip Dela Cruz, nasa tamang gulang, single, self-employed at residente umano ng Purok 4, Barangay Polayagan, Alamada, North Cotabato.

Nakilala naman ang biktima at may-ari ng pinagnakawang tindahan na si Samuel Gomez Padama, 73 anyos, may asawa, at taga barangay Poblacion 8, Midsayap, Niorth Cotabato.

Kwento pa ni Padama, huli na nang mapansin nitong nawawala na ang perang kinita ng kanyang tindahan kasabay ng biglang pagkawala ng trabahante niyang si Dela Cruz.

 

 

-0-

 

Wanted person na may patong-patong na kaso, patay matapos makipagbarilan sa PNP sa Matalam, North Cotabato

Dead on arrival sa pagamutan ang number 9 wanted person sa bayan ng Matalam matapos na makipagbarilan sa mga pulis na magsisilbi lang sana ng warrant of arrest sa Sitio Lambayao, Barangay Kibia Matalam, North Cotabato kahapon ng hapon.

Ayon sa ulat, kinilala ang nasawi na si Sadam Dilangalen, nasa hustong gulang at residente rin ng nasabing Barangay.

Ang operasyon ay isinagawa ng pinagsanib pwersa ng Matalam PNP, Regional Mobile Force Battalion 12, 1203rd Company laban sa suspek na may kasong carnapping, homicide at frustrated murder.

Sinasabing pinaputukan ang operatiba habang papalapit sa bahay ng suspek na kanilang target dahilan para gumanti din sila ng putok laban sa kanya.

Nagtamo si Dilangalen ng tama ng bala sa ibat-ibang bahagi ng kanyang katawan at agad namang naisugod sa Babol General Hospital pero ideneklarang patay ng mga doctor. Sa ngayon, patuloy pa ang ginagawang imbestigasyon ng Matalam PNP sa naturang insidente. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Dalawang mga wanted person arestado ng Kidapawan City PNP

Madadagdagan na naman ang kaso ng isang inmate ng Kidapawan City District Jail matapos isilbi ng Kidapawan City PNP ang warrant of arrest sa loob ng piitan bandang 3:53 ng hapon kahapon.

Kinilala ni Kidapawan City PNP Chief, Lt. Col. Rammel Hojilla ang suspek na si Felide Taperla Candelosa Jr., 42-anyos, single at residente ng Brgy. Binoligan ng lungsod.

Isinilbi ang warrant sa nasabing preso dahil sa kasong paglabag sa RA 7610 o sexual abuse at kasong attempted rape na may criminal case numbers 5240-2019 at 5241-2019 na inisyu ni Judge Arvin Sadiri-Balagot ng RTC Branch 17, Kidapawan City.

Samantala arestado rin ng PNP ang isa pang wanted person na kinilalang si Ma.Fe Iremedio Taro, 50-anyos, may asawa at residente ng Brgy. San Roque ng lungsod, bandang 10:30 ng umaga kahapon. Ang suspek may kinakaharap na kasong estafa na may criminal case number 17,433-a9 na inisyu ni Judge Rebecca Elena De Leon ng MTCT, Kidapawan City, na may petsang July 22, 2019.

Nasa custodial facility na ngayon ng Kidapawan City PNP si De Leon at kakaharapin ang kasong isinampa laban sa kanya. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Mga paglabag sa International Humanitarian Law o IHL, patuloy pa rin ayon sa isang opisyal ng PNP-SAF sa North Cotabato

Sa paggunita ng International Humanitarian Law o IHL, tahasang sinabi ng isang opisyal ng PNP-SAF sa North Cotabato na patuloy pa rin ang natatalang paglabag sa itinakdang batas na nakapaloob sa pamamagitan ng Geneva Convention, lalo sa mga lugar sa loob at labas ng probinsya.

Ito ay ayon kay Police Lt. Ian Rey Diolanto, siyang hepe ng PCR section ng 4th Special Action Battalion ng PNP-SAF na nakabase sa CPPO headquarters, Amas, Kidapawan City. Sinabi ng opisyal na mga armadong CPP-NPA ang hindi sumusunod sa itinakdang ‘international law of armed conflict’ at siyang may maraming paglabag sa 1997 Ottawa Convention o Anti-personnel Mine Ban Convention.

Pangunahin aniya sa mga nabibiktima ng kalupitan ng grupong NPA ay ang mga nasa pwersa ng gobyerno at mga sibilyan na nasa malalayong sitio kung saan maraming lugar sa North Cotabato ang naging kanlungan ng mga ito.

Dagdag pa ng opisyal na kadalasan aniya sa mga inaatake ng rebeldeng grupo ay ang mga pulis at sundalo sa pamamagitan ng pamomomba, samantalang pang-aabuso tulad ng torture naman ang ginagawa ng mga ito sa mga sibilyan.

Kasali rin dito ang panununog ng NPA sa mga equipment at mga sasakyan ng mga negosyante kung hindi makakakolekta ng kanilang revolutionary tax.

Kaugnay nito, hinimok ng opisyal ang publiko na dapat labanan ang komunismo sa pamamagitan ng pagsumbong sa PNP at AFP kung patuloy pa rin ang paglabag sa karapatang pantao ng makakaliwang grupo.

Ang International Humanitarian Law ay isang batas na may kontrol sa mga nangyayaring digmaan saan mang panig ng mundo at ito rin ang nagtatakda ng detalyadong patakaran para protektahan ang mga taong nakararanas ng matinding krisis.

Isa sa pinag-babasehan ng batas na ito ay ang Geneva Convention kung saan isa ang Pilipinas mula 76 na bansa sa mundo na may partisipasyon na nasabing kasunduan. Ginugunita ang International Humanitarian Law mula buwan ng Agosto hanggang Disyembre kada-taon. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Construction worker, sugatan matapos na mahulog at makuryente sa ginagawang gusali Kidapawan City

Patuloy na nagpapagaling ngayon sa pagamutan ang isang construction worker matapos na mahulog at makuryente sa ginagawang gusali mag-aalas 5:00 ng hapon kahapon sa Barangay Poblacion, Kidapawan City.

Ayon sa ulat, trabahante ng isang establisyemento na Yongson Plaza sa lungsod ang lalaking biktima na inaalam pa ang pagkakakinlanlan ngayon ng mga otoridad.

Sa report na nakarating sa Radyo BIDA, kasalukuyang inaayos ang gusali matapos na mabitak na dala ng nagdaang naranasang lindol.

Pero habang nasa taas ang biktima ay bigla itong nahulog at sumabit sa linya ng kuryente. Nagtamo ng second degree burn ang biktima na agad namang dinala sa Amas, Provincial Hospital. Napag-alamang nadulas sa hagdanan ang lalaking biktima dahilan para mahulog at sumabit sa kawad ng kuryente. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Dalawa katao patay nang paulanan ng bala ng di pa tukoy na mga salarin ang bahay ng isang Barangay Kagawad sa Polomolok, South Cotabato

Naghahapunan lamang sa kanilang bahay ang pamilya ni Barangay Kagawad Aliman Macabangin Jr. nang paulanan ng bala ng mga salarin pasado alas otso ng gabi kamakalawa.

Ang insidente ay ikinasawi naman ng dalawang mga kaanak ng nasabing barangay kagawad at ikinasugat ng isa pa. Kinilala ng Polomolok PNP ang biktimang dead on arrival sa ospital na si Aserin Macabangin habang dead on the spot ang isa pang biktima na si Razin Macabangin .

Ito ay matapos magtamo ng malubhang mga tama ng bala ng baril. Sugatan naman kaliwang paa si Jaria Macabangin na nakalabas na ng ospital. Lumabas sa inisyal na pagsisiyasat ng mga pulis na bago tumakas nakita pa umano ng barangay Kagawad na si Macabangin ang isa sa mga suspek na nakatutok sa kanilang bahay ang hawak na baril. Narekober ng mga pulis sa crime scene ang tatlong basyo ng 5.56 mm na baril.

Ang mga nasawing biktima na isinailalim sa post mortem exam ay ipinalibing na ng kanilang mga kaanak kahapon ng naayon sa tradisyon ng mga Muslim.

 

-0-

 

Tulong pinansyal ibinigay ng pamahalaan sa 10 sumukong NPA members sa Sarangani Province.

Nakinabang sa mahigit 500 thousand pesos na pinansyal na tulong ng pamahalaan ang sampung mga sumukong myembro ng rebeldeng grupong New Peoples Army o NPA sa Sarangani.

Ang mga ito ay pawang mga benepisyaryo ng Enhance Comprehensive Local Integration Program o E-Clip ng pamahalaan. Ito ay ayon kay Sarangani Governor Steve Chiongbian Solon.

Ayon kay Solon pito sa mga sumukong rebelde ay tumanggap ng mula P25 hanggang P50,000 dahil sa pag-surrender ng kanilang mga armas. Habang ang tatlong iba pa ay nabigyan ng tig P65,000 na tulong pangkabuhayan.

Ipinahayag ni Solon na karamihan sa sampung nabigyan ng tulong ay kabilang sa huling batch ng mga sumukong NPA member sa Sarangani noong nakaraang taon. Siyam sa mga ito ay mula sa bayan ng Malapatan at isa sa Malungon ,mga lugar kung saan nagkukuta ang Guerilla Front 71 ng NPA.

Ipinahayag din ni Solon na para makumbinsi ang iba pang NPA member na sumuko pauunlarin ng provincial government ang kanilang mga lugar. Umapela din ang nasabing gobernador sa mga NPA member na sumuko at pakinabangan ang E-Clip Program ng gobyerno.

 

-0-

 

Konseho iimbistigahan ang tumaas na kaso ng nakawan at hold up incidents sa General Santos City

Magsasagawa ng inquiry hinggil sa tumataas na kaso ng nakawan at holp up incidents ang Sangguniang Panglunsod ng General Santos City. Layon nito na makapagbalangkas ng mga ordinansa para maresolba ang crime against property sa nasabing lugar.

Ipinahayag ito ni Gensan City Councilor Jose Edmar Yumang na siya ring Chairman ng Committee on Public Order and Safety ng konseho. Ang Gensan PNP ay nakapagtala ng labinsiyam na robbery at hold up incidents noong Setyembre.

Pinakamalala dito ay nang manakawan ng mahigit P840,000 sa kanyang hotel room sa Barangay Dadiangas North ang isang kawani ng Mayor Office ng Digos City.

Ang dalawang mga suspek ay nagpanggap umanong dealer ng mga sasakyan. Ayon kay Yumang inirereklamo ng biktima na hindi nito pinangalanan, ang hindi umano pagtulong sa kanya ng management at maging ang kawalan ng security guard.

Ang nakababahala pa ayon kay Yumang walang record ng pagkakakilanlan ng mga suspek ang Hotel. Umaasa si Yumang na sa pamamagitan ng inquiry ng konseho ay mareresolba ang mga ganitong pagkukulang.

Ayon kay Yumang isa sa maaring maging solosyon sa problema ay ang pag-obliga sa lahat ng mga establisemento lalong lalo na ng mga hotel na magkaroon ng 24 hour security guards.

Binigyan diin din nito na dapat ay matukoy ng mga hotel ang mga customer na nakikipag-transaksyon sa kanila .

Ito ay bukod pa sa monitoring ng city government sa protocol ng mga hotel sa Gensan. Dinagdag din ni Yumang na isusulong din nito ang mas mataas na penalidad sa mga establisemento sa Gensan na hindi tumulong sa kanilang mga customer lalong lalo na sa panahon ng emerhensya.

 

-0-

 

PNP 12 Regional Director may babala sa mga pulis na sangkot sa mga investment scam Mananagot ang mga pulis na mapatunayang sangkot pa rin sa mga investment scam.

Ito ang babala sa mga police personnel ng kauupo pa lang na si PNP 12 Regional Director Brigadare General Alfred Corpuz.

Ipinahayag ito ni Corpuz bunsod ng patuloy na paglipana ng mga investment scheme sa Gensan at karatig lugar. Inutusan ni Corpuz ang mga pulis sa rehiyon na iwasan na masangkot sa umanoy mga investment scam lalong lalo na ang pagiging agent at protector ng illegal na investment scheme.

Ayon kay Corpus ang direktiba nito na ipinalabas noon pang September 27 ay umabot na sa mga police precinct. Kasunod ito ng pag-amin ng isang police official sa public hearing ng Gensan City Council na siya ay agent ng isang investment scheme.

Matatandaan na tatlong mga police official at labintatlong police non-commissioned personnel sa Gensan ang na-relieve noong Marso dahil sa pagkakasangkot umano sa iligal na investment scheme.

 

-0-

 

DA 12 Bumuo ng grupo o samahan para mas madaling makakuha ng tulong mula sa gobyerno.

Ito ang payo sa mga Abaca Farmers sa Sarangani ni Philippine Fiber Industry Development Authority o PhilFIDA Executive Director Kennedy Costales.

Sinabi nito ni Costales nang maging tagapagsalita sa katatapos lang na Third Abaca Stakeholders’ Forum sa nasabing lalawigan. Nabatid na marami kasi sa mga dumalo sa nasabing forum ay hindi myembro ng anumang farmer cooperative.

Sinabi ni Costales na para mapaunlad ang kanilang produksyon kailangan din ng mga Abaca Farmers na gamitin ang makabagong teknolohiya sa kanilang mga pananim.

Para mapalago ang kanilang mga pananim tutulong din sa mga Abaca Farmers ang DA, PhilFIDA, at local government ng Sarangani. Ang Abada Stakeholders Forum ay pinangunahan ng Philippine Rural Development Project o PRDP.

 

 

-0-

 

 

NATIONAL...

 

Isang panibagong testigo ang lumantad at idinetalye ang katiwalian para makakuha ng multi-million pesos catering contract sa Bureau of Corrections.

Si Angelina Bautista ay opisyal sa BJMP bago pumasok sa negosyo sa catering service noong 2015.

Sa pagharap niya sa pagdinig ng Justice at Blue Ribbon Committees, ibinunyag nito ang naranasang panggigipit.

Ayon kay Bautista 45 million pesos ang nakuha niyang kontrata para sa pagpapakain sa mga babaeng preso sa Women Correctional Institute sa Mandaluyong City.

Aniya, naglalabas na siya ng pera para sa notaryo ng kanyang kontrata sa Bucor.

Hindi naman itinanggi ni Atty. Fredric Santos, ang kontrobersyal na legal officer ng Bucor, ang mga paratang ni Bautista.

Paniwala ng mga senador may ‘conflict of interest’ sa ginagawa ni Santos.

Paliwanag naman ni Bucor Deputy Dir. Gen. Melvin Buenafe ang sobra sa P60 na food allowance kada araw ng mga preso ay isinosoli nila sa National Treasury o ginagamit nila sa ibang pangangailangan ng mga preso.

Ito ay kinumpirma naman ng Commission on Audit.

Ngunit ang ikinabigla ng mga senador ay ang P13 na halaga ng almusal, tanghalian at hapunan ng mga babaeng preso.

Dito ay muling naungkat ang sinabi ni dating acting Bucor Chief Rafael Ragos na isa sa mga pinagkakakitaan sa Bilibid ay ang catering service.

 

-0-

 

Sa iba pang balita, muling inihain sa Kamara ni Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon ang panukala na magpaparusa sa mga anak o sinumang nangangalaga na magpapabaya sa mga matatandang magulang at mga lolo at lola.

Sa House Bill 4980 ni Biazon ay mahaharap sa parusa ang mga magpapabaya, mang-aabuso at mananakit sa mga matatanda anuman ang kanilang relasyon dito.

Inihain ang panukala dahil wala umanong batas na nagbibigay proteksyon sa senior citizens subalit mayroon naman sa mga kabataan at kababaihan.

Sa kabilang dako pa, hinimok ni Pangulong Duterte ang top oil producer ng Russia na mamuhunan sa oil and gas development sa Pilipinas.

Nakipagpulong ang pangulo sa mga opisyal ng Rosneft Oil Company matapos ang courtesy call ng Chief Executive Officer nito na si Igor Sechin.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na inimbitahan ng pangulo ang Russian oil sector leader na mamuhunan sa Pilipinas at tiniyak na ligtas ang investment nito sa bansa.

Ayon sa pangulo, hindi niya papayagan ang korapsyon sa kanyang gobyerno.

Bangsamoro gov't supports global CRC treaty

COTABATO CITY --- Sectors in the Bangsamoro region promised Wednesday to promote the global children’s right treaty while restoring...

Son kills own father using machete in South Cotabato town

KORONADAL CITY - Police investigators in Norala Police station are on standby to arrest a hacking incident suspect who is now confined at...

Man hacks to death wife in South Cotabato

TANTANGAN, South Cotabato - Selos ang motibo na sinusundan ng imbestigasyon ng mga pulis sa pagpatay ng isang mister sa sariling misis sa...

NDBC BIDA BALITA (Nov. 21, 2019)

NDBC BIDA BALITA 7 A.M.

HEADLINES:

1. 50 sachets ng shabu, nasamsam ng mga otoridad...

Gov. Nancy Catamco back in harness 

NORTH COTABATO --- Spiritual leaders of highland tribes in North Cotabato performed at sunrise Wednesday a blessing rite for Gov. Nancy...