Friday Nov, 22 2019 02:51:08 AM

NDBC BIDA BALITA (10.8.19)

NDBC BALITA • 15:15 PM Tue Oct 8, 2019
342
By: 
NDBC NCA

HEADLINES:

1. DALAWANG drug suspects, arestado sa magkahiwalay na buy bust operations sa Cotabato city at Midsayap, North Cotabato.

2. MAGNANAKAW, patay habang arestado naman ang kasamahan nito matapos looban ang bahay ng isang pulis sa President Quirino, Sultan Kudarat.

3. Isa sa mga suspek sa Ed Dizon murder case, boluntaryong sumuko sa Kidapawan City PNP

4. Initial recount results ng Presidential Electoral Tribunal o PET, ipinalalantad ng kampo ni Vice President Leni Robredo

 

ANG DETALYE NG MGA BALITA…

 

NADAKIP ang isang drug suspect sa ikinasang buy bust operation ng Police Station 4 sa loob ng isang lodging house sa Cotabato city.

Nakilala ang naarestong suspek na si Norodin Abdullah, 28 years old, may asawa, walang trabaho at taga Barangay Simsiman, Pigcawayan, North Cotabato.

Natimbog ng mga otoridad si Abdullah matapos na mapagbentahan nito ng pinaniniwalaang shabu ang isang police asset na nagpanggap na buyer.

Pasado alas kwatro ng hapon kahapon nang madakip ang suspek sa loob ng isang lodging house sa Quezon Avenue ng lungsod kung saan nabawi sa kanya ang 500 peso bill na marked money at ilang drug paraphernalia.

Samantala, sa Midsayap, North Cotabato naman, huli rin ang isang lalaki sa ikinasang buy-bust operation ng mga pulis pasado alas sais kagabi sa Barangay Villarica.

Kinilala ng Midsayap PNP ang naarestong suspek na si Roque John Abao Erad, 29 anyos, maglalako ng sigarilyo at residente rin ng nabanggit na barangay.

Sa report ng Midsayap PNP, matagal ng minamanmanan ng mga otoridad si Erad na umano ay nagbebenta ng iligal na droga.

Napagbentahan ni Erad ng hinihinalang shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer dahilan para tuluyan itong maaresto.

Nakuha mula sa suspek ang isang sachet ng suspected shabu at nabawi rin sa kanya ang 500 peso bill na marked money.

Kalaboso na ngayon ang dalawang mga suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002

 

-0-

 

PATAY NA nang makarating sa ospital ang isang batang babae matapos na nalunod habang naliligo sa dagat sa isang Beach resort sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.

Nakilalang ang nasawi si BAI RANIA KANAKAN, 9 years old, na taga Upi, Maguindanao.

Ayon sa ama ng bata, habang masaya silang naliligo sa dagat kamakalawa ng umaga nang bigla na lamang umanong nagsigawan ang mga tao dahil hindi nila napansing nalulunod na pala si Bai Rania na naanod sa malalim na bahagi ng dagat.

Agad nilang sinagip ang bata ngunit hindi na nila nasalba ang buhay nito.

SAMANTALA, sabay-sabay namang isinugod sa ospital ang lima katao kabilang ang isang sanggol matapos silang magtamo ng mga sugat nang maaksidente sa  national highway na sakop ng Barangay Badak, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.

Nakilala ang tatlong magkakapatid na sugatan na sina SAMMY GUIAMILON, 33anyos; NORHATA GUIAMILON, 12 years old at si TRAVIS GUIAMILON, sampung taong gulang, pawang mga taga Brgy. Tapian.

Habang ang mag-ina namang sugatan din ay kinilalang sina NORMINA SUMAEL, 27 anyos at sanggol nito na nasa isang taong gulang lamang na mga residente ng Brgy. Badak.

Pasado alas singko ng hapon kamakalawa habang patawid umano ang mag Inang SUMAEL nang mabangga sila ng tatlong magkakapatid na naka-motorsiklo.

Tumilapon ang mag ina dahil sa lakas ng pagkakasalpok sa kanila habang sumemplang din ang magkakapatid at tumama sa kongkretong kalsada.

 

-0-

 

NAKIRAMAY ang Office of the Presidential Adviser on the Peace Process o OPAPP sa mga naiwang pamilya ng mga napatay na miyembro ng MILF Task Force Ittihad na nakipaglaban sa grupo ng ISIS-affiliated Turayfe-Dawla Islamiya sa Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao.

Binigyang pagkilala naman ng pamahalaan ang ginawang pagdepensa ng mga MILF combatant sa kanilang posisyon laban sa mga terorista.

Nagsilbing bayani ang mga ito na nagbuwis ng buhay para sa kapayapaan.

Dahil dito, magbibigay ng tulong ang gobyerno sa mga naiwang pamilya ng mga nasawing MILF combatant at tinitiyak din nitong mabibigyang hustisya ang kanilang pagkamatay.

Matatandaan, napatay ang pitong mga miyembro ng MILF Task Force Ittihad sa pakikipagbakbakan nito kontra ISIS-inspired group.

 

-0-

 

NAGPATAWAG ng press conference ang mga supporter ni Vice President Leni Robredo ngayong araw sa Cotabato city.

Ito ay kaugnay ng kanilang panawagan na huwag nakawin ang boto ng bise presidente.

Una nang inihirit ng kampo ni Robredo sa Presidential Electoral Tribunal o PET na ilabas ang kopya ng summary at committee report sa ginawang revision, recount at re-appreciation ng mga balota sa tatlong mga lalawigan na kinukwestyon ni dating Senator Bongbong Marcos.

Sa inihaing mosyon, kabilang sa ipinalalantad ang mga kopya mula sa Camarines Sur, Negros Occidental at Iloilo.

Inihain ang mosyon kasunod ng mga balitang nagpasya ang PET na ituloy ang recount sa nalalabing 22 mga lalawigan at limang highly urbanized cities na kabilang din sa ipino-protesta.

Giit ng abogado ni Robredo na si Atty. Romulo Macalintal, hindi pwedeng balewalain ng PET ang 2010 rules nito partikular ang rule 65 na nagsasabing maaring mabasura ang electoral protest kapag ang resulta sa initial recount ay hindi pumapabor sa nagprotesta.

Dahil dito, sinabi ni Macalintal na dapat mailabas na ng PET ang summary at committee report nito para sa unang tatlong pilot provinces.

 

-0-

 

Mga parol na gawa ng mga preso mabibili na ng mga mamamayan sa Provincial Jail ng South Cotabato

Abala na ngayon sa paggawa ng mga parol ang mga inmate sa South Cotabato Rehabiliation and Detention Center o SCRDC na mas kilalang provincial jail. Habang papalapit kasi ang Pasko padami din ng padami ang mga umoorder sa kanilang parol.

Ipinahayag ito ni South Cotabato OIC Provincial Jail Warden Felecito Gumapac. Ayon kay Gumapac sila na mismo ang bumibili ng mga materyales na ginagamit sa parol ng mga preso mula din sa perang kanilang ideniposito sa pamunuan ng provincial jail.

Ayon kay Gumapac ang mga parol ng mga preso sa provincial jail na pawang gawa sa mga indigenous materials ay mabibili ng mula 600 pesos hanggang 3,000 pesos depende sa disenyo at laki ng mga ito. Sinabi ni Gumapac na malaking tulong sa mga preso ang pagawa ng parol dahil sa kabila ng kanilang pagkakapiit naitataguyod pa rin nila ang kanilang pamilya.

Sa katunayan ayon kay Gumapac isa sa mga inmate ay napapagaral pa sa kolehiyo ang kanyang anak sa pamamagitan ng paggawa ng parol. Ayon kay Gumapac bukas ang pamunuan ng provincial jail para sa mga gustong umorder o bumili ng mga parol na gawa ng kanilang mga inmate.

 

-0-

 

Lechon Festival tampok sa pagtatapos ng 19th Charter Anniversary at 9th Negosyo Festival ng Koronadal.

Naagsimula maghanda para sa Lechon Festival ang mga mamamayan ng Koronadal madaling araw pa lamang kanina. Ito ay bilang kabahagi ng pagtatapos ngayong araw ng isang linggong 19th Charter Anniversary at 9th Negosyo Festival ng lungsod.

Ang nasabing aktibidad ay lalahukan ng walong commercial na litsoneros at 27 mga barangay sa Koronadal City. Ayon kay Lechon Festival Committee Chair Rucelyn Almerol, ang mga ito ay magtatagisan hindi lamang sa pasarapan kungdi pati na rin sa presentation ng kanilang mga Lechon.

Tampok din sa Lechon Festival na gaganapin sa Rizal park ang boodle fight ng mga barangay sa syudad. Mapapakinggan din ng mga mamamayan ng live sa Radyo Bida Koronadal ngayong umaga ang First 100 Days Report ni Koronadal Mayor Eliordo Ogena.

Para mabigyan ng pagkakataon ang mga mamamayan na makisaya sa selebrasyon, idineklara ng Malakanyang ang Special Non-Working Holiday sa Charter Anniverseary ng Koronadal. Ibig sabihin nito walang pasok sa lahat ng mga pribado at pampublikong tanggapan at eskwelahan sa lungsod ngayong araw.

 

-0-

 

4Ps beneficiary makatatanggap ng dagdag na benepisyo sa susunod na taon, ayon sa Regional Director ng DSWD 12

Madadagdagan ang buwang ayuda ng mga benepisyaryo ng conditional cash transfer o CCT Program sa susunod na taon. Ipinahayag ito ni Department of Social Welfare and Development o DSWD 12 Regional Director Cezario Joel Espejo.

Ayon kay Espejeo ang 500 pesos na monthly health grant ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps ay itataas sa 750 pesos. Ito ay bukod pa sa dagdag na 700 pesos kada buwan sa isang tahanan na mayroong estudyante sa senior high school.

Ayon kay Espejo kasunod ito ng paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Republic Act 11310. Layon ng nasabing 4Ps law na mabigyan ng pinansyal na tulong ang mga mahihirap at nakaregister na pamilya. Sa ilalim ng nasabing batas, ang mga benepisyaryo ay mabibigyan ng buwanang tulong na hindi baba sa 300 pesos sa kada anak na nasa daycare at elementarya.

Mapapakinabangan ito ng hindi hihigit sa sampung buwan kada taon. Habang ang mga naka-enroll naman sa senior high school ay mabibigyan ng tig 500 pesos. Ayon kay Espejo ang dagdag na tulong sa mga ito ay nakalakip sa mahigit 158 billion pesos na budget na gobyerno sa susunod na taon.

 

-0-

 

Mga bangkay ng Babae at Lalaki natagpuan sa mga bayan ng Polomolok at Tupi, South Cotabato

Inaalam pa rin ng mga pulis ang pagkakakilanlan sa bangkay ng babae na natagpuan sa Polomolok, South Cotabato.

Unang nakakita sa biktima si Eddie Paclibar, 42 years old ng barangay Crossing Palkan sa nasabing bayan na siyang nagsumbong sa mga pulis. Ang bikitima ay may mga tama ng bala ng baril sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan na naging sanhi ng kanyang dagliang pagkasawi.

Ito ang lumabas sa inisyal na pagsisiyasat ng Polomolok PNP na pinamumunuan ni Police Lt. Col. Marvin Duadua. Ang biktima ay naka-asul na T-shirt at maong na pantalon.

Narekober ng mga pulis sa crime scene ang isang basyo ng 45 pistol, at bala ng .22 rifle. Sa karatig bayan naman ng Tupi, patay na rin ng matagpuan ng isang concerned citizen si Andres Guerrero, nasa 45 hanggang 50 years old, binata at isang magsasaka.

Ang wala nang buhay na katawan ni Guerrero ay natuklasan ng isang concenred citizen na nakahandusay sa sahig ng isang Kiosk sa Barangay Acomonan Tupi. Lumabas sa pagsisiyasat ng Tupi PNP na si Guerero ay ginilitan na naging sahi ng kanyang pagkasawi.

Si Guerrero na taga Barangay Lampari, Banga, South Cotabato ay pansamantalang nakatira sa bahay ng isang Jerry Panta sa Acmonan. Hindi pa batid ng Tupi PNP kung sino ang salarin at ano ang motibo nito sa pagpatay sa biktimang magsasaka.

 

-0-

 

DUDA pa rin ang Alliance of Concerned Teachers o ACT Philippines sa panibagong pangako ni P. Duterte kaugnay ng umento sa sahod ng mga guro.

Ayon kay ACT Philippines Chairperson Joselyn Martinez, hindi sila kontento sa bangong pahayag ng Pangulo dahil noong tumatakbo pa lang ito bilang Presidente ay pangako na niya ito at hanggan ngayon ay hindi pa rin natutupad.

Aniya, gusto ng mga guro na sundin ang kanilang hinihinging salary increase na P16,000 para sa mga manggagawa ng gobyerno, P30,000 para sa teacher 1 at P31,000 para sa Instructor 1.

 

-0-

 

Farmer’s association sa Magpet, North Cotabato, hinirang bilang SAAD best performer ng Department of Agriculture 12

Pinarangalan ng Department of Agriculture o DA-12 ang asosasyon at kooperatiba sa North Cotabato na nagpakita ng outstanding performances sa pagpapatupad ng Special Area for Agricultural Development o SAAD program ng ahensiya.

Ayon sa DA-12 na ang naturang pagkilala ay bahagi ng reward system ng kanilang ahensiya para sa epektibong implementasyonng mga programa nito.

Sa isinagawang awarding ceremony kamakailan, hinirang ang Kamada Integrated Farmers' Association bilang "Saad Best Performer" na nakabase sa bayan ng Magpet, North Cotabato kung saan tumanggap ito ng plaque at proyektong nagkakahalaga ng abot sa P300,000.

Pumangalawa ang Central Bulanan Farm Workers' Association ng Midsayap, North, Cotabato na napagkalooban ng P200, 000 na proyekto.

Nasa ikatlong pwesto naman ang Tibao San Vicente Ferrer Multi- Purpose Cooperative ng Mlang, North Cotabato at nakuha ang P100, 000 na proyekto. Umapela naman ang ahensiya sa iba pang Saad beneficiaries na tularan ang mga awardee para mas pamabuti ang kanilang kabuhayan at pagkikitaan.

Ang SAAD ay isang locally-funded ng DA program na naglalayong matulungan na maibsan ang kahirapan kabilang na ang marginalized sectors sa pangingisda at agrikultura. Ang mga lugar kung saan ipinapatupad ang SAAD program ng ahensiya ay kinabibilangan ng mga lalawigan ng North, Cotabato, South Cotabato, Sultan Kudarat, Saranggani at mga lungsod ng Kidapawan, Koronadal, Tacurong at General Santos. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Dalawang araw na Dengue Summit sa North Cotabato, pormal nang sinimulan kahapon

Pormal nang nagsimula ang dalawang araw na first dengue summit na pinangunahan ng Integrated Hospital Office o IPHO sa North Cotabato.

Ang nasabing summit ay nakasentro sa pagsasagawa ng mitigating program upang makapagbigay ng kaalaman ang mga doctor at boluntaryong magsisilbi sa mga Barangay Nutrition scholars, Barangay Health Workers at mga mamamayan sa probinsya. Kabilang sa tinalakay ay ang plano ng ahensya sa kanilang magiging aksyon upang maiwasan ang mga nagkakasakit ng dengue na mula sa probinsya.

Isa sa mga isinusulong ni North Cotabato Board Member Philbert Malaluan na siyang may hawak ng committee on health and sanitation ng Sangguniang Panlalawigan na magkaroon ng Dengue Ordinance dahil narin nasa dengue threshold ang probisnya noong ikalawang quarter ng taon.

Ang nasabing ordinansa ay magbibigay ng kasiguraduhan at kakayahan sa bawat ospital na makapagsilbi ng pasyente at oobligahing ipaconfine ang pasyente kung nakitaan ng mga sintomas at nagpositibo sa dengue virus. Sa pagtatapos ng dengue summit ngayong araw, umaasa ang mga doctor at espesyalista sa usaping medikal na magsisilbi itong basehan sa pagbibigay tugon sa pagkalat ng dengue virus sa probinsya. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Mahigit 60 na mga out of school youth sa Kidapawan City, nakapagtapos sa skills training ng TESDA 12

Bagong simula at Pag-asa.

Ito ang nararamdaman ng anim na put anim na mga out of school youth sa Kidapawan City matapos ang ilang araw nilang pagsasanay. Ang nasabing nga benipisyaryo ay piniling pumasok sa programa ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA upang magkaroon ng panibagong kasanayan upang makahanap ng trabaho.

Nagtapos ang tatlumput limang mga out of school youth sa Computer Software Servicing NC II, labin-anim sa Food and Beverages NC II at labin-lima naman sa Housekeeping NC II. Ang programa ay sa ilalim ng Training for Work Scholarship Program (TWSP) at Private Education Student Financial Assistant (PESFA) na ginanap sa isang pribadong paaralan sa lungsod.

Nagpasalamat naman ang mag estudyante sa programa ng TESDA dahil maaari na nilang magamit ang kanilang mga sertipiko upang makahanap ng trabaho lokal man o abroad. Ang mga out of school youth ng Kidapawan City ang isa lang sa nagpapatunay na walang pinipili ang programa ng TESDA ganun din ang estado nito sa lipunan.

Sa ngayong taon ay libo libong mga benepisyaryo na ang nakakuha sa kanilang programa na mula sa iba’t ibang probinsya sa rehiyon.

 

-0-

 

BALITANG HATID NG TIMRA...

PATAY ang isa umanong holdaper habang sugatan naman ang isa pang kasamahan nito sa shootout sa General Santos city.

Sa report ng GenSan PNP, hindi umano tumigil sa checkpoint ng mga otoridad sa Santa Teresita, Barangay San Isidro ang mga suspek na sina Jury Navida Magbanua at Denmark Espin na sakay ng motorsiklo.

Sa halip ay nakipagbarilan pa umano ang dalawang mga suspek dahilan para masawi si Magbanua at sugatan naman si Espin.

Positibong itinuro ng di kinilalang biktima ang dalawang mga suspek na umano ay nangholdap sa kanya at tinangay ang kanyang cellphone.

Nakuha naman sa mga suspek ang isang 38-caliber revolver, mga bala nito at isang cal. 45 pistol na may mga bala.

Sa iba pang balita, sasampahan na ng kasong murder ngayong araw ang 25-anyos na lalaking nakapatay ng isang sex worker sa Homewood pension house sa Zone 4, Barra, Opol, Misamis Oriental.

Kinilala ang suspek na si John Michael Alfeche, taga -Luyong Bonbon, Opol, Misamis Oriental.

Sinabi ni Opol PNP chief Police Major Evary Bacunawa na napatay ng suspek ang biktima na si Samera Marayan ng Barangay Gasi, Laguindingan matapos itong mataranta nang hiningan siya ng babae ng P5,000 bilang bayad kahit P1,500 lamang umano ang kanilang unang napag-usapan.

Inamin ng suspek na itinali niya ang biktima upang hindi siya masundan papalabas ng pension house ngunit mariin niyang itanggi na pinatay niya ito.

 

 

Bangsamoro gov't supports global CRC treaty

COTABATO CITY --- Sectors in the Bangsamoro region promised Wednesday to promote the global children’s right treaty while restoring...

Son kills own father using machete in South Cotabato town

KORONADAL CITY - Police investigators in Norala Police station are on standby to arrest a hacking incident suspect who is now confined at...

Man hacks to death wife in South Cotabato

TANTANGAN, South Cotabato - Selos ang motibo na sinusundan ng imbestigasyon ng mga pulis sa pagpatay ng isang mister sa sariling misis sa...

NDBC BIDA BALITA (Nov. 21, 2019)

NDBC BIDA BALITA 7 A.M.

HEADLINES:

1. 50 sachets ng shabu, nasamsam ng mga otoridad...

Gov. Nancy Catamco back in harness 

NORTH COTABATO --- Spiritual leaders of highland tribes in North Cotabato performed at sunrise Wednesday a blessing rite for Gov. Nancy...