Friday Nov, 22 2019 03:14:26 AM

NDBC BIDA BALITA (10.9.19)

NDBC BALITA • 10:45 AM Wed Oct 9, 2019
300
By: 
NDBC NCA

HEADLINES:

1. 14 na sachets ng pinaniniwalaang shabu, nakuha mula sa isang babaeng drug suspect sa ikinasang Buy Bust Operation ng PNP sa Cotabato City.

2. GSIS, babayaran umano ang utang ng mga kawani ng South Cotabato provincial government sa mga private lender

3. MGA NAIPATUPAD na programa, ibibida ng alkalde ng President Roxas, North Cotabato sa kanyang State of the Municipality Address o SOMA

4. Limang taga South Cotabato, nominado sa Search for Oustanding Volunteers ng NEDA-12

 

ANG DETALYE NG MGA BALITA…

 

UMAABOT sa 14 na mga pakete ng pinaniniwalaang shabu ang nakumpiska mula sa isang babaeng suspek na nadakip ng mga otoridad sa ikinasang buy bust operation sa Cotabato city kahapon.

Nakilala ang naarestong suspek na si Melanie Guiabal, 43 anyos, walang asawa, jobless at taga Mother Barangay Bagua ng lungsod.

Nahuli si Guiabal ng ng pinagsanib na pwersa ng Police Station 3, BARMM-Regional Mobile Force Battalion 14 at ng mga opisyal ng Barangay Poblacion 5.

Inilunsad ang buy bust operation pasado alas tres ng hapon kahapon sa loob ng isang hotel sa Jose Lim Senior Street ng nabanggit na barangay.

Nabawi mula kay Guiabal ang 10 libong pisong marked money na ginamit sa operasyon at ilang drug paraphernalia.

Nabatid na apat na linggo ring minanmanan ng mga otoridad ang suspek bago ikinasa ang operasyon laban dito.

Si Guiabal ay nakakulong ngayon sa detention facility ng Police Station 3 at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa RA9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

 

-0-

 

DEAD ON ARRIVAL sa ospital ang isang lalaki matapos barilin ng hindi pa nakikilalang motorcycle-riding tandem suspects sa Notre Dame Avenue, Barangay Poblacion 4, Cotabato City kagabi.

Nakilala ang biktima na si Nursaud Pagayao Tipas, bente anyos, single, self-employed at taga Rajah Tabunaway Blvd., Barangay Poblacion 5 ng lungsod.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, binabaybay umano ng biktima ang Notre Dame Avenue sakay ng kanyang motorsiklo angkas ang kasintahan nitong kinilala Kaye Santa Umpa Hasim nang dikitan sila ng mga suspek at pinagbabaril.

Nagtamo ng tama ng bala sa ulo si Tipas mula sa cal. 45 pistol na naging sanhi ng kanyang pagkamatay habang maswerte namang hindi tinamaan ang kasintahan nito.

Love triangle naman at paghihiganti ang nakikitang motibo ng mga otoridad sa pagpaslang sa biktima dahil nabatid na may-asawa na umano ang babaeng sinasabing kasintahan nito.

 

-0-

 

NAWALAN ng cash na 1, 500 pesos at cellphone na nagkakahalaga ng 19 thousand pesos ang isang guro habang sakay ng PAMPASAHERONG MULTICAB sa Cotabato city.

Kaya naman labis ang panghihinayang ng biktimang LUZ PACETE, 53 years old ng Central Bulanan, Midsayap, North Cotabato na wala ng nagawa kundi i-report na lamang sa mga pulis ang nangyari.

Pasado alas nuebe ng umaga kamakalawa habang nasa loob ng sinakyang multicab si Pacete nang matuklasan niyang nawawala na sa kanyang bag ang cellphone at pera nito kasa ang ilang mahahalagang dukomento.

Sa kabilang dako, dalawang mga estudyante pa ang nabiktima ng mga kawatan sa lungsod.

Unang nabiktima si Gilbert Sapan Satajo, 22 anyos at taga Zone-1, PC-Hill, Barangay Rosary Heights 1.

Gayunman, nadakip ang suspek sa pagnanakaw na nakilalang si Fahad Guiamadin Elid alyas "sniper" 23 anyos, at taga Sultan Kudarat, Maguindanao

Pwersahan umanong sinira ng suspek ang lock sa pinto ng boarding house ng biktima at tinangay ang laptop nito.

Samantala, arestado rin ang isang lalaki na kinilalang si Kay Darios Esmael Hervias, 31 anyos, may asawa at taga Mother Barnagay Bagua matapos nitong nakawin ang cellphone ng estudyanteng si Laila Esmael Ginarosa, 18 anyos ng Crossing Simuay, Sultan Kudarat, Maguindanao.

Humingi ng saklolo ang biktima sa mga Traffic Officer kaya’t nadakip ang suspek at nabawi nito ang kanyang cellphone.

 

-0-

 

 

SUMUKO sa Army’s 49th Infantry Battalion ang dalawang mga miyembro ng Dawlah Islamiya at limang iba pang mga tagasuporta nito sa Lumba Bayabao, Lanao del Sur.

Kinilala ang sumukong miembro ng Dawlah Islamiya na si Pacalinog Bantogaranao kasama ang mga tagasuporta nitong sina Monib Padati, Batalo Hajicaya, Tokiin Cuaro, Micky Hajicaya at Mobarak Hajicaya.

Sa report ng AFP Western Mindanao Command, sumuko si Bantogaranao at mga kasamahan nito pasado alas nuebe ng umaga kamakalawa.

Nabatid na si Bantogaranao ay miyembro ng Dawlah Islamiya sa ilalim ng pamumuno ng sub-leader na si Madie Maute na sangkot umano sa Marawi siege.

Sa pamamagitan ng alkalde ng Lumba Bayabao na si Mayor Mahar Dagalangit, isinuko ng mga ito ang isang M16 rifle, isang KG9 submachine gun, magazines at ammunition.

Una rito ay sumuko rin ang isa pang miyembro ng Dawlah Islamiya na kinilalang si Aliyas Ador, 62 anyos sa Camp Darul-iman Barangay Sandab, Butlig, Lanao del Sur pasado alas singko ng hapon nitong Linggo.

Si Ador ay nasa ilalim ng grupo ni Ali Amintao.

Isinuko ni Ador ang isang M79 Grenade Launcher at mga bala.

 

-0-

 

 

-0-

LUBOS ang pasasalamat ni Vice President Leni Robredo sa mga grupong sumuporta at naniniwala sa kanya kasabay ng nakatakdang deliberasyon ng Supreme Court na tumatayong Presidential Electoral Tribunal o PET sa electoral protest na isinampa ni dating Sen. Bongbong Marcos.

Nabatid na nagkaroon ng pagtitipon ang mga taga-suporta ng bise presidente sa iba’t ibang mga lugar kahapon upang ipanawagan sa PET na isapubliko na ang resulta ng recount sa tatlong mga pilot province na unang iprinotesta ni Marcos.

Sa Cotabato city, pinangunahan ng Bantay Nakaw Coalition ang pagtitipon kahapon para ipakita ang suporta kay VP Robredo.

Samantala, umaasa naman si Robredo na sa huli, ang katotohanan ang manaig sa kanyang laban.

Muling ipinagpaliban ng PET ang deliberasyon sa electoral protest sa October 15.

 

-0-

 

Mahigit pitong libo na mga bagong botante, nagpatala sa kakatapos lamang na Voters Satellite Registration sa Kidapawan City

Abot sa 7,480 na mga bagong botante ang nakapagpatala sa isinagawang Comelec Satellite Registration para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections mula August 1hanggang September 30, 2019.

Ito ay ayon na rin sa ipinalabas na datos ng tanggapan ni City Election Officer Angelita Failano. 54.32% o sa kabuuang 4,063 sa nabanggit na bilang ay first time voters samantalang 26.15% o 1,956 ang bilang ng mga transferred voters o yaong lumipat ng tirahan.

Ngunit, nilinaw ni Failano na kinakailangan pa ring sertipikahan at i-cross check ng kanyang opisina nabanggit na bilang. Kapag tama na ang mga ito, ang pitong libong mahigit ay idadagdag na sa opisyal na bilang ng mga botante sa Kidapawan City.

Sa kasalukuyan, ang opisyal na bilang ng mga registered voters ng lungsod ay 73,476. 36,233 sa mga ito ay male voters samantalang 37,243 naman ang female voters. Una ng isinagawa ng Comelec ang Voters Satellite Registration sa apatnapung Barangay ng Kidapawan City. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Mga naipatupad na proyekto, tampok sa State of the Municipality Address o SOMA ng alkalde sa President, Roxas North Cotabato

Ipinagmalaki ni President Roxas Mayor Jonathan Mahimpit ang mga naipatupad na proyekto ng kanyang administrasyon at sa kanyang first 100 days na panunungkulan bilang alklade ng bayan. Ito ang laman ng kanyang State of the Municipality Address na isinagawa sa Municipal Hall kahapon.

Kabilang dito ang natapos ng road concreting sa ilang mga Barangay, pagbibigay ng sapat na water supply, pagpapatayo ng isang classroom sa Alegria Elementary School, paggawa ng children swimming pool, pagsasaayos ng mga drainage canal.

Ipinasemento din nito ang gilid ng Binay River na madalas umaapaw ang tubig tuwing may malakas na ulan, pagpapatayo ng senior citizen building, nagsisimula na rin sa pagsasaayos ng municipal building at maraming iba pa.

Pinagsisikapan na rin ng administrasyon na makakapagbigay pa ng mas maraming mga proyekto na lubos makakabenepisyo ang mga mamamayan ng President, Roxas. Hinihingi din ng alkalde ang suporta at tulong ng bawat mamamayan upang mas mapaunlad at mas maging kilala pa ang bayan hindi lamang sa laranagan ng maayos na pamamahala kundi maging sentro rin ng turismo. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

PNP-SAF sa North Cotabato, may panawagan sa mga gustong pumasok sa kanilang hanay

Nangangailangan ngayon ng dagdag pwersa ang hanay ng Philippine National Police-Special Action Force o PNP-SAF. Ayon kay Police Staff Sargeant Salvador Versoza ng 45th Special Action Company na nakabase sa CPPO headquarters, Amas, Kidapawan City, abot sa 600 na mga bagong recruit na SAF members ang kinakailangan nila ngayon.

Pero bago maging miyembro ng nasabing elite unit ng PNP, ay kinakailangan aniya nilang dumaan sa matitinding pagsubok o training at handa rin dapat nilang harapin ang kanilang sinumpaang obligasyon bilang mga ‘Tagaligtas’.

Sa mga nais pumasok sa kanilang hanay, narito ang mga itinakdang requirements:

1. Filipino Citizen

2. A Person With Good Moral Character

3. Physically And Mentally Fit

4. Must Have Eligibility- tulad ng PNP Entrance o Napolcom Exam ;CS Passer, Bar and Board Passer; Board of Criminologist at College graduate with honors.

5. May taas na 5’4’’sa Lalake at 5’2’’ naman sa Babae.

6. 21-30 years old.

Para sa karagdagang impormasyon, maari ring bumisita sa 4th Special Action Battalion sa Cotabato Police Provincial Office o CPPO sa Brgy.Amas, Kidapawan City at ikontak ang 0999-9956-355.

Bago magsumite ng kinakailangang requirements ay maaaring magpatulong lamang sa kanilang tanggapan para makakuha ng online application sa pamamagitan ng Online Recruitment Application System (ORAS) dahil dalawang araw lamang inilaan sa quota ng SAF. Ang online application ay magsisimula sa October 9-10, 2019.

Sakaling maging miyembro kana ng PNP-SAF, makakatanggap ka ng buwanang sahod na abot sa P30, 000.00 o higit pa. Ang unit ng PNP-SAF ay nakasentro sa pagsasagawa ng Counter-Terrorist operation sa urban at rural areas, maging sa local at international terrorist groups, search and rescue operation saan mang panig ng bansa sa tuwing may kalamidad at marami pang iba.

Ito ay isang mobile unit sa ilalim ng Philippine National Police na nakatutok din sa rebelyon at terorismo upang mapanatili ang kapayapaan sa bansa. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Wanted person at drug suspek, arestado sa magkahiwalay na operasyon ng PNP sa Kidapawan City

Arestado ang dalawa ka tao sa isinagawang operasyon ng mga pulis sa magkahiwalay na lugar sa Kidapawan City kahapon. Unang naaresto ang isang wanted person na kinilalang si Berto Rafael Guillermo nasa hustong gulang at residente ng Barangay Poblacion ng lungsod.

Dala ng PNP ang warrant of arrest na may kasong homicide na isniyu ni Judge Francis E. Palmones ng RTC branch 17 sa Kidapawan City. Hindi na pumalag pa ang suspek matapos ikasa ng Criminanal Investigation and Detection Group 12, North Cotabao Field Office Regional Mobile Force Battalion, 1203rd Company ang operasyon.

Samantala, huli din ang isang drug suspek sa ikinasang buy-bust operation ng PNP sa Sitio Maligaya, Purok 7, Barangay Balindog alas 4:00 ng hapon kahapon. Kinilala ang suspek na si Rienhard Lonzaga Madayag, 36-anyos, may asawa na residente ng nabanggit na lugar.

Ayon sa ulat, isinagawa ng PNP ang operasyon laban sa suspek katuwang Regional Police Drugs Enforcement Unit o RPDEU at Philippine Drugs Enforcement Agency o PDEA 12 sa pamamagitan ng isang nagpanggap na police asset at nabilhan ito ng droga.

Nakuha mula kay Madayag ang isang sachet ng pinaniniwalaang shabu at nabawi din ang 500 peso bill na buy bust money. Kulong na ngayon ang dalawang mga suspek at nakatakdang sasampahan ng kaukulang kaso sa korte ngayong araw. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Lalaki, arestado matapos makuhanan ng di lisensyadong armas sa checkpoint operation ng PNP sa Pikit, North Cotabato

Arestado ang isang 27 anyos na lalaki matapos na makuhanan ng di lisensyadong armas sa isinagawang checkpoint operation ng mga pulis sa Barangay Inug-nug, Pikit, North Cotabato alas 7:00 ng umaga kahapon.

Nakilala ang naaresto na si Datuali Tempulok Samadalan, 27 years old, single at nakatira sa Barangay Kabasalan, Pikit.

Ang checkpoint operation ay isinagawa ng Pikit PNP, Regional Mobile Force Battalion sa National Highway ng bayan nang maharang ang isang Kawasaki Bajaj CT100 kulay pula na walang license plate patungo sa Barangay Poblacion sakay ang dalawang lalaki.

Nang kapkapan ang suspek ay nakuha ang isang caliber 45 pistol na may mga bala.

Naiturn-over na ang armas sa Provincial Crime Laboratory sa Kidapawan City para sa ballistic operation. Kulong na ngayon ang suspek sa custodial facility ang kakaharapin ang kasong paglabag sa RA 10591 o firearms and ammunitions Act. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Emergency responders sa South Cotabato sinanay ng provincial disaster risk reduction and management office sa disaster response and rescue operations

Nagtapos sa limang araw na proficiency training on disaster response and rescue operations ang 20 mga emergency responders sa South Cotabato.

Ang mga ito ay mga kasapi ng Provicial Disaster Risk Reduction and Management Office o PDRRMO, PNP South Cotabato, Bureau of Jail Management and Penology o BJMP 12, at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office o MDRRMO sa bayan ng Norala.

Ang nasabing training ay pinangunahan ng PDRRMO South Cotabato kasama ang Philippine Red Cross at South Cotabato Search and Rescue o SCORSAR Team.

Ayon kay PDRRMO Operations and Warning Chief Rolly Doane Aquino ang mga participant ay sumailim sa mga physical drills.

Ito ay upang mahasa pa sa kinakailangang gawin sa pagresponode sa kalamidad . Ayon kay Aquino bilang mga force multipliers malaki ang maitutulong ng nasabing mga responder sa mga MDRRMC sa panahon ng emerehensya.

Ipinahayag ni Aquino na ang 20 mga responder ay susunod namang sasailalim sa basic life support at cardio pulmonary resuscitation training. Kaugnay nito ayon kay Aquino plano din ng PDRRMO na hilingin sa mga local MDRRMO na magpadala din ng kinatawan sa proficiency training.

 

-0-

 

National Best Rabies Implementer Award ibinigay ng ng Bureau of Animal Industry sa lalawigan ng South Cotabato

Iginawad ng Bureau of Animal Industry o BAI ang National Best Rabies Implementer Award 2019 sa lalawigan ng South Cotabato.

Ayon kay Provincial Rabies Coordinator Dr. Milo Quinton ito ay dahil sa matagumpay na programa para masawata ang rabies na ipinatupad sa lalawigan. Naging batayan ng BAI sa pabigay ng nasabing parangal ang surveillance sa mga kaso ng rabies, animal birth control, dog impoundment, rabies ordinance monitoring, at budget allocation.

Ipinahayag ni Quinton na sa ngayon ang provincial veterinary office ay nakapagbakuna ng mahigit 60,000 na mga alagang aso sa South Cotabato.

Mas marami ito sa target nilang mahigit 50,000 ngayong 2019. Dinagdag din ni Quinton na matapos magpositibo sa rabies ang siyam na mga aso sa lalawigan, agad silang nagsagawa ng rabies immunization sa mga apektadong barangay.

Isinagawa ng mga staff ng PVET ang malawakang rabies immunization may tatlong kilometrong radius mula sa pinagmulan ng rabies sa anim na barangay sa lalawigan. Ang mga ito ay ang mga Barangay ng Sta. Cruz, Zone I at Mambucal sa Koronadal City, Tinongcop, Dumadalig at Maibu sa Tantangan, at Dajay sa Surallah.

Sinabi din ni Quinton na para mapigilan ang pagkalat ng rabies bubuksan ang dog impounding facility sa bayan ng Surallah bago magtapos ang 2019. Ayon kay Quinton, plano din ng pamahalaang panlalawigan na magtatag ng isa pang dog impounding facility sa bayan ng Polomolok. Binigyan diin ni Quinton na mapipigilan ang rabies sa pamamagitan ng pagiging responsableng pet owners ng mga mamamamyan. NDBC

 

-0-

 

Government Insurance System babayaran ang loan sa mga private lenders ng mga kawani ng provincial government ng South Cotabato

Tumatanggap na ng application para sa loan ng mga kawani ng pamahalaang panlalawigan ng South Cotabato sa mga pribadong bangko ang Government Insurance System o GSIS. Kasunod ito ng paglagda ng kasunduan ni South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr sa nasabing ahensya.

Ang GSIS Financial Assistance Loan o GFAL II ay maglalaan ng pondo para sa payment ng loan ng mga kawani ng pamahalaan sa mga pribadong lender tulad ng mga banko at kooperatiba. Ito ay ayon kay Provincial Human Resource Management Development Officer Alex Basco.

Ayon kay Basco nakahanda ang GSIS na i-facilitate ang bayad ng mga kawani kung accredited ng nasabing ahensya ang inutangan na mga lending institutions.

Kalakip sa mga ito ang Philippine Nationial Bank, Land Bank of the Philippines, BDO Network Bank, Veterans Bank, Development Bank of the Philippines, at Union of Provincial Employees of South Cotabato.

Layon ng nasabing prograrma ng GSIS na maresolba ang overborrowing ng mga empleyado ng gobyerno na nakaapekto sa kanilan buwanang monthly loan payments. Nabatid na abot sa mahigit 250 na mga kawani ng provincial government ng South Cotabato ang nais makinabang sa nasabing programa. Gaganapin naman ang orientation para sa mga ito ngayong araw.

Ang GFAL ng GSIS ay unang napakinabangan ng mga guro ng Deped noong 2018 kung kelan isa sa mga pilot areas ang Koronadal City kasama ang 12 pang mga lugar sa bansa.

 

-0-

 

Limang taga South Cotabato nominado sa Search for Outstanding Volunteers ng National Economic Development Authority region 12

Mula sa South Cotabato ang lima sa mga nominees para sa Search for Outstanding Volunteers o SOV sa Region 12 ngayong taon. Ang mga ito ay ang mga nominado sa individual category na sina Koronadal Committee on Special Concerns Chairperson Nestor Lumawig, Tyron Villanueva ng Deped South Cotabato, at Michael Angelon Yambok ng Lake Sebu.

Nominado naman sa Volunteer Lifetime Achievement Award (Individual-Adult Category) si Retired Col. Celestino Desamito. Pasok naman sa mga nominado sa Non-Profit Organization Category ang isang kilalang kompanya sa lalawigan.

Ayon kay NEDA 12 Regional Director Teresita Socorro Ramos, mahalaga sa kanilang ahensya ang mga kontribusyon ng mga outstanding volunteers sa rehiyon. Ang General Santos ay mayroon ding apat na mga nominado para sa Individual Adult Category at dalawa sa Organization Category. May isa ring pambato sa nasabing kategorya ang Kidapawan City.

 

-0-

 

Pananalasa ng Fall Armyworm sa ilang mga maisan sa rehiyon tintutukan ng DA 12

Matapos ang kumpirmadong kaso ng Fall Armyworm o FAW infestation sa Rehiyon Dose, mas pinaiigting pa sa ngayon ng Department of Agriculture XII ang isinasagawang FAW surveillance at monitoring sa rehiyon.

Sa isang pagpupulong noong October 3 sa Koronadal City, ipinahayag ni DA XII Regulatory Division Head Dr. John Pascual na tinututukan ng ahensiya ang pagkontrol sa mga FAW upang hindi na kumalat ang mga ito sa ibang bahagi ng rehiyon.

Sa pinakahuling ulat, umatake na ang FAW sa mga maisan sa mga bayan ng Polomolok at Koronadal sa South Cotabato, Alamada, Maasim, Kabacan at Carmen sa North Cotabato; Bagumbayan, at Esperanza, sa Sultan Kudarat at General Santos City.

Ang FAW ay isang insektong umaatake sa mga maisan. Ipinahayag ni Pascual na kailangang mapigil at makontrol ang pananalasa ng mga FAW upang mapangalagaan ang corn industry ng rehiyon.

Ayon kay Pascual patuloy na nakikipag-ugnayan ang DA XII sa mga local agriculture office bilang bahagi ng mas pinaigting na pest monitoring and surveillance na ginagawa ng ahensiya. Hinikayat naman ng opisyal ang mga corn farmers na agad na ireport sa kanilang local agriculture office kung may mapapansin silang FAW sa kanilang mga maisan.

 

 

 

 

Bangsamoro gov't supports global CRC treaty

COTABATO CITY --- Sectors in the Bangsamoro region promised Wednesday to promote the global children’s right treaty while restoring...

Son kills own father using machete in South Cotabato town

KORONADAL CITY - Police investigators in Norala Police station are on standby to arrest a hacking incident suspect who is now confined at...

Man hacks to death wife in South Cotabato

TANTANGAN, South Cotabato - Selos ang motibo na sinusundan ng imbestigasyon ng mga pulis sa pagpatay ng isang mister sa sariling misis sa...

NDBC BIDA BALITA (Nov. 21, 2019)

NDBC BIDA BALITA 7 A.M.

HEADLINES:

1. 50 sachets ng shabu, nasamsam ng mga otoridad...

Gov. Nancy Catamco back in harness 

NORTH COTABATO --- Spiritual leaders of highland tribes in North Cotabato performed at sunrise Wednesday a blessing rite for Gov. Nancy...