NDBC BIDA BALITA (11.10.17)

NDBC BALITA  • Fri Nov 10, 2017 09:25 AM  •  97   0
By NDBCNCA
  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy
NEWSCAST NOVEMBER 10, 2017 (FRI)
7:00 AM
 


HEADLINES:
 

1. Police chief ng Lanao Sur, inambush sa Bukidnon, isang sanggol patay; 4 na police sugatan

2. Tatlong mayor ng Region 12, tinanggalan ng supervision power sa local police

3. LABINGWALONG mga dating mga kasapi ng New People’s Army o NPA na sumuko sa pamahalaan, nabigyan ng cash assistance ng North Cotabato provincial government  

4. LALAKI na umano ay nagpaputok sa checkpoint ng PNP, napatay ng mga pulis sa Polomolok, South Cotabato  




-0-



SUGATAN sa pananambang ng hinihinalang mga miembro ng New People’s Army o NPA ang hepe ng pulisya sa Amai Manabilang, Lanao del Sur habang nawawala naman ang tatlo pang mga pulis na kasama nito.   

Sinabi ni PNP ARMM Information Officer Police Sr. Insp. Jemar delos Santos na nangyari ang ambush pasado alas singko ng hapon kahapon sa national highway na bahagi ng barangay Tikalaan, Talakag, Bukidnon.   

Ayon kay delos Santos, sakay ng kanilang patrol car si Amai Manabilang PNP chief, police Insp. Joven Acuesta at tatlo pang mga kasamahan nito nang harangin at paulanan ng bala ng mga rebeldeng miembro ng NPA.  

Nabatid na dumalo lamang sa isang conference sa Lanao del Sur provincial capitol ang mga biktima at pabalik na sana sa kanilang bayan nang maganap ang pananambang.   

Sabi ni delos Santos, nawawala pa ang tatlong mga pulis na kasama ni Acuesta.   Sa ngayon aniya, hindi pa nila makumpirma kung tinangay ng mga rebelde ang naturang mga pulis o nagtago lamang ang mga ito upang makalayo sa mga suspek.  

Samantala, patay naman ang apat na buwang sanggol at dalawang mga babaeng sibilyan na sakay ng isang Toyota Fortuner na sumusunod sa patrol car na sinasakyan ng mga pulis.  

Naipit kasi sa crossfire ang mga sibilyang biktima at nahagip ng mga ligaw na bala.   Sa ngayon ay wala pang pagkakakilanlan ng mga naturang biktima ang PNP ARMM.




-0-



KABILANG ang alkalde ng Libungan, North Cotabato na si mayor Christopher “Amping” Cuan sa 24 na mayors na tinanggalan ng police power kaugnay ng umano ay pagkakasangkot ng mga ito sa narco list o illegal drug trade. Sa resolusyon na pinagtibay ni Interior and Local Government Secretary at  

Nabatid na ang pagtatanggal ng kapangyarihan sa pulisya ng 24 na local chief executives, kabilang na si Cuan, ay alinsunod sa resolusyon na nilagdaan mismo ni National Police Commission o Napolcom Chair Catalino Cuy na siya ring Officer In-Charge ng Department of the Interior and Local Government o DILG.  

Ang naturang resolusyon ng Napolcom na inisyu noong October ay nilagdaan din ng iba pang mga miembro ng Napolcom en banc na si Napolcom vice chair and executive officer Atty. Rogelio Casurao at commissioners Felizardo Serapio Jr., Job Mangente, Zenonida Brosas, at PNP Chief Ronald dela Rosa.  

Sinabi pa sa resolusyon na patuloy naman ang pagba-validate ng government intelligence agencies at mga local chief executives sa mga pulitikong sangkot sa illegal drug trade.  

Sabi ni Cuy, nakatanggap ng confidential report ang NAPOLCOM hinggil sa pagkakasangkot at pangungunsinti ng nasabing mga opisyal sa illegal drug trade.   Aniya pa, naging basehan din ng Napolcom sa pagtanggal ng police powers sa 23 mga mayor at isang gubernador, ang report na mula sa Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA.  

Samantala, sinubukan naman ng DXMS AM Radyo Bida na kunin ang panig o reaksyon ni Libungan mayor Christopher ‘Amping’ Cuan hinggil sa hakbang na ito ng Napolcom subalit nabigo ang himpilan.
 



-0-



POSIBLE umanong may kinalaman sa kanyang negosyo ang pagkakapaslang sa isang pastora kamakalawa ng umaga sa Purok Tarbeng, Mother barangay Kalanganan, Cotabato City.  

Ito ang isa sa mga anggulong tinututukan ngayon ng City PNP kaugnay sa pagbaril at pagpatay sa biktimang si Rosalita Jomen Peracullo, o mas kilala sa pangalang pastora Rose, 55 years old, may asawa at residente ng nabanggit na lugar.  

Sinabi ni city Police Station 4 commander Chief Insp. Tirso Pascual na si Pastora Rose ay may-ari ng fishpond sa Bukana, na bahagi ng Barangay Kalanganan Mother.   Gayunman, ayon kay Pascual, posible ring pagnanakaw o robbery ang motibo ng mga suspek sa pagpatay kay pastora Rose.  

Tinangay kasi ng mga suspect ang sling bag ng pastora na naglalaman ng eight thousand pesos at cellphone na nagkakahalaga ng limang libong piso.  

Hanggang ngayon ay hinihintay pa ng pulisya na magkamalay ang manugang ni Pastora Rose na si Mohaimen Yu Camad, 38 years old.  

Si Camad ay kasama ni Pastora Rose nang maganap ang pamamaril kung saan siya ay nasugatan din at patuloy pang ginagamot sa ospital.   Ayon kay Pascual, malaking tulong ang magiging pahayag ni Camad para maresolba ang kaso.  

Maalalang pauwi na sana sa kanilang bahay sina Pastora Rose at Camad sakay ng pump boat mula sa kanilang fishpond nang sapilitang sumakay ang dalawang mga lalaking naka-bonnet .  

Kasunod nito ay pinagbabaril na ng mga suspek ang mga biktima habang nasa ilog sa bahagi ng Purok Tarbeng.   Dead on the spot si pastora Rose dahil sa tama ng bala sa ulo habang nagtamo naman ng tama sa likod si Camad.  
Matapos gawin ng mga suspect ang krimen ay inihulog ng mga ito ang mga biktima sa ilog at ginamit pang getaway vehicle ang bangka ng mga ito.


-0-



Emosyunal na sinalubong ng kanilang mga pamilya kahapon ang mahigit isang daang mga sundalo na mula sa Marawi City sa isinagawang heroes’ welcome sa Army’s 6th Infantry Division headquarters, sa Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.  

Sinabi kay 6th ID public information officer Capt. Arvin Encinas na ito na ang ikalawang batch ng mga sundalong nakauwi mula sa pakikipagbakbakan sa Marawi city na nanggaling sa kanilang unit.
 

Nauna na kasing umuwi ang reconnaissance company ng Army’s 6th ID.
Samantala, umaasa naman ni Encinas na mabibigyan din ng pagkakataong libreng Trip to Hongkong na regalo ang kanilang mga sundalo na mula kay P. Duterte.  

Ito aniya ay bilang pampalubag-loob sa mga sundalo na dumanas ng sobrang kahirapan sa pakikipagdigma sa mga miembro ng Maute Group.  

Ngunit nilinaw naman ni Encinas na may mga batayan bago maka-avail ng naturang regalo ang isang sundalo.  



-0-



ANIM na mga sundalo ang napatay habang apat ang nasugatan makaraang makasagupa ng mga ito ang Abu Sayyaf Group sa kabundukan ng Barangay Upper Cabengbeng sa Sumisip, Basilan.  

Sinabi ni AFP Western Mindanao Command Chief Lt. Gen. Carlito Galvez Jr., nakasagupa ng mga sundalo ng Army’s 18th Infantry Battalion ang grupo nina Abu Sayyaf sub–leader Siar Alhamsirol at Parong Tedi kamakalawa ng hapon.  

Samantala, base naman sa ibang impormasyon, sinasabing hindi grupo ng Abu Sayyaf Group ang nakasagupa ng militar kundi mga armadong miyembro ng Moro Islamic Leberation Front o MILF.  

Ayon sa grupo ng MILF, pumasok daw kasi sa kanilang teritoryo ang mga sundalo kaya nauwi sa matinding sagupaan.  

Pansamantalang hindi muna tinukoy ng opisyal ang pagkakakilanlan ng mga sundalong napatay.   Ang mga residente naman ang nagpapatotoo na teritoryo ng MILF ang pinasukan ng mga sundalo pero pinabulaanan ito ng militar sa Basilan.  

Sa ngayon ay limitado pa ang ibinibigay na impormasyon ng Joint Task Force Basilan ukol sa nasabing pangyayari.   Ang Western Mindanao Command ay wala pa ring nailabas na pahayag kaugnay ng insidente.  




-0-



Nagtataglay ng Human Immunodefiency Virus o HIV ang 213 na mga mamamayan ng South Cotabato. Ayon kay South Cotabato Provincial Health Officer Dr. Rogelio Aturdido Jr. ang mga ito ay binibigyan ngayon ng anti retro viral treatment sa HIV/AIDS Core Team Clinic o HACT sa South Cotabato Provincial Hospital.

Para mapababa ang ng kaso ng HIV/AIDS,umapela ng tulong si Aturdido sa mga Barangay Health Workers o BHW ng lalawigan.

Sinabi ni Aturdido na malaki ang magagawa ng mga BHW para maipalwianag sa mga barangay kung papano maiiwasan ang HIV/AIDS. Ayon kay Aturdido sasanayin din ng provincial health office sa counselling ng mga may HIV/AIDS karamdaman mga BHW sa South Cotabato.

Ito ang sinabi ni Aturdido sa 22nd Provincial Barangay Health Workers Congress sa Koronadal City.




-0-


Pinasalamatan ni South Cotabato Governor Daisy Avance Fuentes ang lahat na mga kawani ng pamahalaang panlalawigan. Kasunod ito ng pagkakapasa ng lalawigan sa Seal of Good Local Governance o SGLG ngayong taon ng Department of the Interior and Local Government o DILG.

Ayon kay Fuentes, matapos mabigo noong nakaraang taon, nagsumikap ang provincial government para makuha ang parangal ngayong taon.

Sinabi ni Fuentes na isa sa mga dahilan kung bakit nakapasok ngayon sa SGLG ng DILG ang South Cotabato ang pag-obliga sa mga kawani na bayaran ang buwanang kontribusyon sa Government Insurance Service System o GSIS.

Naging basehan ng pagbibigay ng SGLG sa isang local government unit ang local legislation, development planning, resource generation, resource allocation at utilization, customer service, at human resource management and development.

Nabatid na abot lamang sa 28 sa 81 lalawigan sa buong pansa ang nakapasa sa mga panuntunan ng SGLG. Pasok din sa SGLG ng DILG ang mga bayan ng Tupi at Surallah, South Cotabato.

Sinabi ni Fuentes na para makuha rin ang SGLG magkakaroon ng mentoring ang provincial government sa iba pang mga local government unit sa lalawigan.



-0-



Dinala pa ng national investigators ng Bureau of Fire Protection o BFP sa kalakhang Maynila ang sample ng mga debris na nakuha nila sa nasunog na bahagi ng Koronadal City Public Market.

Ito ay upang isailalim sa laboratory examination. Layon nito na matukoy kung may binuhos sa mga ito na maaring naging sanhi ng sunog. Ito ay ayon kay Koronadal City Fire Marshall, Fire Senior Inspector Jennelyn Te-elan.

Sinabi din ni Te-elan na maaring abutin pa ng tatlong lingo bago makapagpalabas ang BFP national office sa resulta ng kanilang imbestigasyon.

Matatandaan na lumabas sa iniyal na assessment ng BFP Koronadal na tinupok ng apoy noong nakaraang buwan ang mahigit P50 million pesos na inprastraktura sa palengke.

Paliwanag ni Te-elan, kapag umabot na kasi sa, naturang halaga ang danyos ng sunog,nakaatang na sa BFP national office ang imbestigasyon nito.

Ang mga nasunugan namang stall owners ay kasalukuyang nagtitinda sa kalahating lane ng daan sa harap ng merkado publiko.

Nagsisilbi namang stall ng mga ito ang mga tent na ipinahiram ng lokal na pamahalaan.

Sinabi din ni Koronadala City Councilor Edwin Abris na siya ring Chairman ng Finance Committee ng konseho na kailangang ipagpaliban ang implemenasyon ng ilang proyekto ng lungsod.

Ito ayon kay Abris ay upang mabuo ang mahigit P29 million pesos na kakailanging pondo sa rehabilitasyon ng nasunog na merkado publiko.



-0-



Patay ang isang lalaki matapos umanong makipag engkwentro sa check points ng mga pulis sa Polomolok, South Cotabato.

Ayon kay South Cotabato PNP Provincial Director Police Senior Superintendent Franklin Alvero, binalak umanong atakehin ng riding tandem ang PNP check point sa Purok Malipayon, Barangay Lumakil sa nasabing bayan.

Sinabi ni Alvero na pagdating sa tapat ng check point, bumaba ng motorsiklo ang isa sa mga suspek at pinaputukan ang mga pulis.

Gumanti naman ang mga pulis at napatay ang suspek habang papatakas sakay ng motorisklo na minameho ng kasabwat nito.

Ayon kay Alvero inaalam pa ng PNP ang pagkakakilanlan ng napatay na gunman.



-0-



Nadagdag sa mga talaan ng mga local chief executives na tinanggalan ng National Police Commission o NAPOLCOM ng Police Supervisory Power ang dalawang mga taga South Cotabato.

Ang mga ito ay sina Banga Mayor Albert Palencia at Sto. Nino Mayor Pablo Matinong Jr. Ang pagkakatanggal ng PNP Supervisory powers kina Palencia at Matinong ay nakapaloob sa resolosyon ni NAPOLCOM Chairman Catalino Uy noong Octobre 30.

Kasama ng mga ito ang 17 pang mga local chief executives sa bansa.

Pirmado din ang resolution nina Napolcom vice chairman and executive officer Rogelio Casurao at commissioners Philippine National Police chief Director General Ronald dela Rosa, Felizardo Serapio Jr., Job Mangete, at Zenonida Brosas.

Ayon sa NAPOLCOM resolution tinanggalan ng PNP supervisory powers ang naturang mga alakalde dahil umano sa pagkakasangkot ng mga ito sa iligal na droga.

Ito ay bilang suporta rin sa pinaigting na kampanya laban sa illegal drugs ng Duterte Administration.

Sinsikap pa ng Radyo Bida na kunin ang pahayag nina Matinong at Palencia sa usapin.



-0-




Abot sa P50,000 na cash assistance ang ibinigay ng pamahalaang panlalawigan sa 18 mga rebel returnees na sumuko sa 39th Infantry Battalion, PA.


Ito ay iniabot mismo ni Gov. Emmylou Lala Taliño Mendoza at DILG Provincial Director Ali Abdullah at ilang mga alkalde ng munisipyo sa mga dating kasapi ng New People’s Army o NPA sa isinagawang Provincial Peace and Order Council Meeting sa Provincial Capitol, Amas, Kidapawan city, kahapon.

Nasa kabuuang P1,105,000 ang natanggap ng dating mga rebelde na buhat sa programa ng pamahalaan na Comprehensive Localized Integration Program o (CLIP).

Pinasalamatan naman ng gobernadora ang nagpapatuloy na CLIP Program ng pamahalaan katuwang ang DILG, DSWD at PNP.

Iginiit naman ni 1002nd Brigade Commander Col. Roberto Ancan na panahon na para sa mga NPA na magbalik loob sa pamahalaan.


Sa ekslusibong panayam ng DXND Radyo BIDA sa isang ginang na dating kasapi ng NPA, na walang patutunguhan ang kanilang ipinaglalaban.

Aniya pa na nahihirapan ang mga anak nito na makipagtransaksiyon sa pamahalaan dahil, markado ng pula ang papeles niya. Dagdag pa nito, na nakasaad sa Bibliya ang gobyerno at dapat itong igalang.



-0-



Nasawi ang isang kasapi ng sundalo ng pagbabarilin ng mga carnapper na tumangay ng motorsiklo nito sa nangyaring krimen sa Molave St., Purok 2, Poblacion, Carmen, North Cotabato.

Kinilala ni P/Supt. Bernard Tayong, CPPO spokesperson ang biktima na si Private First Class Restoven Baqueran, 27-anyos, miyembro ng Philippine Army nan aka-base sa Army Training Group, Carmen, North Cotabato.

Ang biktima ay residente ng Tuguegarao City. Batay sa ulat nangyari ang krimen alas 7:40 Miyerkules ng gabi kungsaan lulan ang biktima sa kanyang Honda XR200cc na motorsiklo at pagdating sa nabanggit na lugar ay sinundan ng riding tandem criminals at pinagbabaril.

Nagtamo ang biktima ng dalawang tama ng bala sa katawan nito pero nagawa pa niyang makatakas. Agad namang tinangay ng mga suspek ang motorsiklo ng biktima.

Naisugod pa si Baqueran sa bahay pagamutan, pero binawian din ng buhay habang ginagamot sa Provincial Hospital sa Amas, Kidapawan city.      



-0-  


Nagpasa ng resolusiyon ang mga kasapi ng Provincial Peace and Order Council o PPOC na suriin ng Department of Education ang permit ng Mindanao Interfaith Services Foundation, Inc. o MISFI na may mga paaralan sa North Cotabato.

Ito matapos na mag-ulat sa council si Col. Harold Argamosa, Commanding Officer ng 39th IB hinggil sa mga narekober nilang mga litrato sa isa sa kanilang operasiyon sa hangganan ng Makilala, North Cotabato at Bansalan, Davao del Sur.


Ipinakita sa kasapi ng PPOC ang nasabing litrato na halos mga kabataan na mag-aaral diumano ng MISFI ay tinuturuan at dino-doktrina ng mga NPA.

Dahil dito, ipinanukala ni Gov. Lala Taliño Mendoza sa DepEd na ipasuri at ipasilip ang nasabing paaralan sa DepEd kung ang mga itinuturo ng mga ito, ay naayon sa sistema ng pagtuturo ng pamahalaan.

Ang magkasunod na pahayag nina 39th IB col. Harold Argamosa at Gov. Emmylou Lala Taliño Mendoza
   




-0-  


Nakuha ng Makilala Institute of Science and Technology o MIST ang siento por sientong passing rate sa katatapos lamang na Midwifery Licensure Examination.

Ginanap ang licensure examination nitong Nobyembre 4-5 nitong taon sa University of Mindanao, Matina Campus.

Ang MIST ay pinapatakbo ng LGU Makilala sa patnugot ng Commission on Higher Education o CHED.

Maliban sa kursong midwifery, inialok din ng MIST ang mga kursong may kaugnayan sa Agriculture, Entrepreneurship, vocational courses at ang inaasahang pagbubukas ng graduate studies.

Matatandaang isa ang programang pang-edukasyon sa tinututukan ngayon ng Makilala LGU kung saan libreng nilalasap ng mga kabataan sa nasabing bayan ang pag-aaral. Samantala nasa 44.4% ang Southern Baptist College kungsaan 4 ang pumasa sa 9 na kumuha ng exam, Southern Christian College 13 out of 30 or 43.33%, USM Kabacan 23 out of 60 or 36.33%, Colegio de Kidapawan 6 out of 23 or 26.09%.    


-0-    



Naiuwi ng Kidapawan City National High School (KCNHS) ang kampeonato sa katatapos na 2017 PopCom Regional Adolescent, Health and Development Film Festival na ginanap sa Koronadal City, kagabi.

Ayon kay PopCom-12 Adolescent, Health and Development focal person Elban Iglupas na nakuha din ng koponan ng Kidapawan ang Best Poster, Best Musical Scoring, Best Production and Design, Best Screenplay at Best Director awards.


Bukod sa nasabing award ay nabigyan din sila ng Plaque of recognition, cash na P10,000 at dagdag na P25,000 para sa post production prize. Binigyan din ng pagkilala ang director na si Wendy Lee Jose ng KCNHS habang best actress naman si Shari Jeil Capotulan ng nabanggit na Paaralan.

Ang KCNHS ang magiging kinatawan ng Region 12 sa national contest.

Naging coach ng Kidapawan Team sina Julius Cervancia at Marilou Capilitan, RND, Adolescent, Health and Development focal person ng Kidapawan City Health Office.

Nakuha naman ng Tupi National High School sa katauhan ni Jero Catubig ang best actor habang si Shahid Suhod ng Mlang National High School ang Best Supporting Actress.

Nakuha din ng Tupi ang Best Trailer, Best Editing at Best Cinematography awards. 
  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy