NDBC BIDA BALITA (11.11.17)

NDBC BALITA  • Sat Nov 11, 2017 10:44 AM  •  121   0
By NDBC NCA
  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy
NEWSCAST NOVEMBER 11, 2017 (SAT)
7:00 AM
 

HEADLINES:
 

1. APAT na mga Vietnamese na dinukot ng Abu Sayyaf Group, nasagip sa Languyan, Tawi-Tawi; pero isa sa mga biktima, patay na.  

2. Pagtugis sa mga ISIS-inspired Group sa Carmen, North Cotabato, nagpapatuloy pa rin  

3. PNP supervisory power na tinanggal mula sa dalawang mga alkalde ng South Cotabato, wala umanong epekto sa serbisyo ng mga ito, ayon sa League of the Municipalities President ng lalawigan.  

4. Nissan Safari na sasakyan, lumiyab sa Cotabato City 


-0-


GINULAT ng tatlong magkakasunod na putok ng baril ang mga mamamayan ng Cotabato City pasado ala-una ng hapon kahapon.   

Warning shots pala ang naturang mga putok dahil sa nasusunog na sasakyang nakaparada sa tapat ng isang Bakeshop sa Sinsuat Avenue ng syudad, partikular sa tapat ng Barbeque Stand.   

Sinabi ni City Bureau of Fire Protection o BFP spokesperson Fire Officer 2 Aldrin Jason Nara na unang napansin ng mga tindera ng nasabing bakeshop na umuusok ang naturang pulang Nissan Patrol.   

Agad naman silang nag-report sa BFP.  Ngunit bago pa man makarating ang mga bombero ay nagliyab na ang nasabing sasakyan.   

Napag-alaman na pag-aari ng isang Datu Naguib Solano ang naturang sasakyan na noon ay nasa loob ng isang internet cafe kaya huli na nang malaman nito ang nangyari.   

Ayon kay Solano, hindi niya alam kung bakit biglang nagliyab ang kanyang kotse.   

Ayon naman kay Nara posbileng ang makina at krudo ng sasakyan ang pinagmulan ng apoy.   

Samantalang, bahagya namang nadamay sa sunog ang isang blue Toyota Revo at isang Honda RS 150 na katabi nito.    

Gayunman, wala namang naitalang nasaktan sa insidente.   Tinatayang nasa 400 libong piso ang halaga ng danyos sa nasunog na sasakyan.  


-0-


DALAWANG mga miembro ng Abu Sayyaf Group ang nadakip ng mga sundalo matapos ng halos isang oras na pakikipag-bakbakan sa mga terorista sa Sulu.   Sinabi ni Western Mindanao Command spokesperson Capt. Jo-Ann Petinglay na sumiklab ang labanan dakong alas-dos ng madaling-araw kahapon sa Barangay Lagasan Higad sa Parang, Sulu.  

Pinasok ng mga sundalo mula sa 2nd Special Forces Battalion sa pamumuno ni Lt. Col. Jessie Montoya ang nasabing lugar matapos na matunugan ang isang grupo ng mga terorista.   Nakilala naman ang nadakip na ASG members na sina Nadsfar Abdulla at Delson Kansiong.   Nakuha naman ng mga sundalo mula sa mga ito ang isang R4 rifle at M14 rifle.  

Agad isinailalim sa masusing interogasyon ang mga nadakip na ASG members na pawang mga tauhan ni Abu Sayyaf leader Idang Susukan.  

Una rito, anim na mga sundalo ang kumpirmadong napatay at apat na iba pa ang sugatan?matapos?nilang makasagupa?ang?Abu Sayyaf sa Basilan kamakalawa.
  Tinambangan?umano ng Abu Sayyaf ang tropa ng Army’s 18th Infantry Battalion sa Barangay Cabengbeng, Sumisip, Basilan.?    

Nakilala?naman ang lider ng nakasagupang Abu Sayyaf na sina Siar Alhamsirol at Parong?Tedi.?
  Dalawang OV-10 bomber ang namataan lumipad mula sa Edwin Andrews Air Base patungo sa Basilan.   Nabatid na tumulong na rin sa labanan ang 64th at 68th Infantry Battalions dahil sa dami ng kalaban.  



-0-


Sa iba pang balita, apat na mga Vietnamese na dinukot ng Abu Sayyaf ang nasagip ng mga sundalo sa inilunsad na military operation sa Kang Tipayan Island, Languyan, Tawi-Tawi.  

Sinabi ni Western Mindanao Naval Forces commander Rear Admiral Rene Medina na isa sa apat na mga narekober na hostages ay bangkay na nang madatnan ng mga sundalo na kinilalang si Huu Trong.  

Ayon kay Medina, maaaring namatay si Trong dahil sa malalang sakit nito.   Kinilala naman ni Medina ang tatlo pang mga biktima na ligtas na nakuha ng mga sundalo na sina Buy Xuan Vien, Bui Trung Duc at si Nguten Quang Huy.  

Nabatid na ang operasyon ay pinangunahan ng tropa ng mga sundalong Marino at ng Philippine Navy.   Kaagad namang dinala ng navy personnel ang tatlong nakaligtas na banyaga papunta sa Zamboanga City na isinailalim sa medical treatment at ang paghahanda na makabalik na sila sa kanilang bansa.  

Ang apat na Vietnamese national ay crew ng Marine Vessel Giang Hai 5 na dinukot ng Abu Sayyaf sa karagatang sakop ng Pearl Bank, sa Pangutaran, Sulu noong February 25, 2017.  



-0-



KILALA NA ng Cotabato City PNP ang suspek na bumaril at pumatay sa isang security guard ng Mega Market ng syudad kamakalawa ng gabi sa Mother Barangay Poblacion.  

Sinabi ni Police Station One commander Chief Inspector Reynaldo Delantien na may lead na sila sa kaso ng pagpatay sa biktimang si Richard Milendez Villaflor, ngunit sa ngayon ay hindi pa nila ito maaaring pangalanan para hindi mabulilyaso ang imbestigasyon.  

Nakaupo lang sa isang waiting shed si Villaflor kamakalawa nang lapitan at agad na pinagbabaril ng suspect.   Nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan ang biktima na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.  

Personal grudge naman ang tinitingnang anggulo ng pulisya hinggil sa naturang pamamaril.  


-0-



MUNTIK ng maabo ang isang kapilya sa Shariff Aguak, Maguindanao.   Pero dahil sa maagap na pagresponde ng Bureau of Fire Protection o BFP, tanging ang altar lamang ng San Isidro Labrador Chapel at ilang mga religious items ang nasunog.  

Sinabi ni Shariff Aguak BFP Chief Sr. Fire Officer 1 Alonto Blaim na nagsimula ang apoy sa altar ng naturang kapilya pasado alas nuebe ng gabi kamakalawa.  
Buti na lamang at agad na may nakapagsumbong sa BFP at naagapan ng mga bombero ang pagkalat ng apoy.   Ayon kay Blaim, posibleng may nakasinding kandila na naiwan sa altar na siyang pinagmulan ng apoy.  

Pero sabi ni Blaim, hindi rin nila inaalis ang posibilidad na may nagtangkang sunugin ang naturang kapilya.   May nakita kasing entry point sa gilid ng simbahan ang Shariff Aguak PNP.  

Kaya aniya, posibleng may pumasok sa simbahan at nagsimula ng apoy.



-0-




100 PERCENT CLEARED na umano ang main battle area sa Marawi city.   Sinabi ni AFP Public Affairs Office Chief Col. Edgard Arevalo na wala na ang mga bombang iniwan ng Maute Group sa mga lansangan at nasuyod na rin ang iba’t ibang mga vital installations sa syudad.  
Sinabi ni Arevalo na nasa 500 military engineers ang kasalukuyang nakadeploy sa Marawi City bilang bahagi ng Joint Engineer Task Group sa pamumuno ni Brig. Gen. Arnold Fernandez.   Tumutulong ang mga ito sa rehabilitation operations na pinangungunahan ng Task Force Bangon Marawi.  

Sa ngayon ay natapos na ng Task Group ang preparasyon para sa pansamantalang resettlement area sa Sagonsongan habang patuloy pa ang clearing operations sa main battle area.  

Kabilang naman sa mga pangunahing ginagamit sa rehabilitasyon at pagbangon ng Marawi ay mga pay loaders, dozers, backhoe loaders, skid steers, road graders at excavator.  

Tumutulong din ang Task Group para mapabalik ang supply ng tubig at kuryente sa mga piling lugar sa syudad, government offices, at sa mga pook dasalan tulad ng mga simbahan at mosque tulad ng St. Mary’s Church, Grand mosque at Bato mosque.


-0-


PNP Supervisory na tinanggal wala epekto sa serbisyo ng dalawang alkalde, ayon sa South Cotabato League of the Municipalities President.

Bahagi lamang ng standard operating procedure sa kanilang validation ang pagtanggal ng National Police Commission o Napolcom sa supervisory powers sa PNP ng dalawang alkalde ng South Cotabato.

Ito ang ipinahayag ni Tupi Mayor at South Cotabato League of the Municipality President Reynaldo Tamayo Jr. Kaugnay ito sa pagtanggal ng Supervisory power sa PNP nina Banga Mayor Albert Palencia at Sto. Nino Mayor Pablo Matinong Jr. dahil umano sa iligal na droga.

Ayon kay Tamayo ang kung tutuusin may naidulot pang positibo ang hakbang na ito ng Napalcom. Ito ay mabigyan ng pagkakataon ang dadlawang alkalde na maisailalim sa validation o maibestigahan.

Mariin naman pinabulaan ni Matinong na sangkot siya sa iligal na droga. Binigyan diin ng alkalde na wala siya sa talaan ng mga Narco-politicians ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa katunayan ayon kay Matinong naging aktibo ito sa kampanya kontra illegal drugs sa Barangay Ambalgan na kilalang bagsakan ng iligal na droga sa region 12.

Naninidigan naman si Banga Mayor Palenciana na wala rin siyang kaugnayan sa iligal na droga. Sa katunayan ayon kay Palencia, ginagawa ng kanyang administrasyon ang lahat para masawata ang droga sa kanilang bayan.

Ayon kay Palencia, produkto ng maling impormasyon ang pagtanggal sa kanya ng PNP Suprvisory Power. Sinabi nito na nauna na nitong nilinis labans sa illegal drugs ang kanyang pangalan sa Philippine Drugs Enforcement Agency o PDEA.



-0-


Poster Making contest nagsimula ng Children’s Month Celebration sa south Cotabato

Nanalong First Place sa Poster Making Contest si John Fritz Gerald Rosas ng Norala Central Elementary School ng bayan ng Norala, Second place si Jeadelle Reesse Rodriguez ng Lugan Central Elementary School ng T’boli at third place ang pambato ng Koronaddal Central Elementary School sa Koronadal City na si Dan Arjay Maranon.

Ang poster making contest sa Koronadal City ay bahagi ng pagsisimula ng National Children’s Month Celebration ngayong Nobyembre.

Ang mga nagwagi ay tatanggap ng P3,000; P2,500 at 2,000 sa awarding ceremony sa culmination program ng selebrasyon sa November 29 sa Libertad National High Shool sa bayan ng Surallah.

Ayon kay Provincial Social Welfare and Development Office OIC Ma. Ana Uy bahagi din ng culmination program ang extemporaneous speech competition ng mga high school students.

Sinimulan ang selebrasyon sa Koronadal City sa pamamagitan ng motorcade na dinaluhan ng mahigit 300 kindergarten pupils. Ayon kay Uy tema ng National Children’s Month ngayong taon ang “Bata” Iligtas sa Droga.”

Ang selebrasyon ay pinangungunahan ng Provincial Council for the Protection of Children o PCPC South Cotabato.



-0-


200 4Ps beneficiary sa Koronadal City bibigyan ng kabuhayan ng DSWD 12

Isinailalim na sa validation ng Department of Social Worker and Development o DSWD 12 ang 200 mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps sa Koronadal City

Ang mga ito ay bibigyan ng kabuhayan ng ahensya sa pamamagitan ng kanilang Sustainable Livelihood Program o SLP katuwang ang City Social Welfare and Development Office.

Ito ay ayon kay DSWD Project Development Officer Abdulquoddoz Barambangan. Ang mga mabibiyaan ng kabuhayan ay mula sa mga barangay ng Topland, Cacub, Sto. Nino, San Jose, Sta. Cruz, General Paulino Santos, at Zone 2,3 at 4.

Ayon kay Barambangan mismong mga benepisyaryo ang pumili ng kabuhayang ipatatayo sa kanilang komunidad. Ang SLP sa Koronadal na ipatutupad sa Disyembre ay pinondohan ng DSWD ng mahigit P2 million.

Ayon kay Barambangan ito ay kabilang sa kabuuang P300 million na inilaan ng ahensya sa SLP sa buong region 12.



-0-



Jewelry designing pinagaaralan ng mga taga gawa ng alahas sa Tboli, South Cotabato sa tulong ng LGU at DTI.

Nagsasanay ngayon sa Jewelry Designing , Alloy Mixing at Basic Stone Setting ang 16 na mga T’boli jewellers sa Tboli, South Cotabato.

Ang mga ito ay pawang mga myembro ng T’boli Jewelers Association o TJA sa nasabing bayan. Nanguna sa pagsasanay sa mga ito si Meycuayan, Bulacan Jewelers Association Chairwoman Cecile Ramos.

Ayon kay Ramos ang tatlong araw na pagsasanay ay unang bahagi lamang ng training course para sa mga taga-gawa ng alahas sa Tboli.

Layon nito ayon kay Ramos na maturuan ang mga jewelers ng Tboli na gumawa ng alahas na pwedeng ibenta sa Asya at Europa gamit ang mga lokal na material.

Naniniwala si Ramos na may sapat na talento ang mga jewelers ng Tboli na gumawa ng mga alahas na makapagpapakita rin sa kanilang identity.

Ang pagsasanay ay magkatuwang na itinatagyod ng lokal na pamahalaan ng Tboli, South Cotabato Provincial Government at Department of Trade and Industry o DTI.



-0-



Best Anti Drug Abuse Council sa South Cotabato binubusisi ng Provincial Anti Drug Abuse Council. Tinapos na ng team ng mga evaluators ang kanilang evaluation sa mga Anti Drug Abuse Councils sa South Cotabato.

Ito ay kaugnay sa Search for Best City/Municipal Anti Drug Abuse Council sa lalawigan ng Provincial Anti Drug Abuse Council o PADAC.

Sinabi ni PADAC Secretariat Genelene Vidanes, mas mabusisi ang evaluation ngayong taon dahil hinati nila ito sa apat na criteria.

Ayon kay Vidanes kabilang dito ang Functionality ng konseho kung saan nakalakip ang pagpapatupad ng Mamamayan Ayaw sa Anomalya, Mamamayan Ayaw sa Iligal na Droga o Masa Masid Program.

Pipiliin din ang mga mananalo batay sa functionality ng Technical Group on Surfacing Personalities Involved in Drugs o SPID at functionality ng Barangay Anti Drug Abuse Council.

Pero ang pinakamalaking bahagi ng puntos sa evaluation ayon kay Vidanes ay mapupunta sa Anti-Illegal Drugs Program kung saan napabilang ang Eforcement, Adbokasiya at Drug Rehabilitation and Integration.

Sinabi ni Vidanes na dahil mayroong pwedeng maipagmalaki at kahinaan ang bawat konseho hirap tukuyin ang mananalo ngayong taon.

Pararangalan ang mga Outstanding Anti Drug Abuse Council kasabay ng culmination ng Drug Control and Prevention Week sa Nobyembre 17.


-0-


Mga business establishment sa Kidapawan City na walang CCTV, posibleng hindi mabibigyan ng business permit

Nagpaso na ang probationary period na ibinigay ng Kidapawan City government para ngayong taon sa mga establisiemento sa Kidapawan City na non-compliant sa CCTV.

Ito ang sinabi ni Public Safety Head Psalmer Bernalte sa panayam ng DXND. Ayon sa opisyal, may ordinansa na ang sangguniang panlalawigan na dapat ang mga malalaking establisiemento kasama ang small scale business na may capital na P100,000 pababa ay kinakailangang maglagay ng CCTV.

Ginawa ng opisyal ang pahayag matapos na may isang estudyanye sa Dayao St., na nadukutan habang nag uukay-ukay sa nasabing lugar.

Ang pera ay para sana sa kanyang matrikula, pero huli nan g malaman nitong siya ay biktima ng snatching. Kanyang idinulog ito sa may-ari ng establisiemento pero wala daw silang CCTV.

Dahil dito, sinabi ni Bernalte na hindi na maaring mabigyan ng business permit ang anumang establisiemento na non-compliant sa CCTV.



-0-


Patuloy pa ring tinutugis ngayon ng mga militar ang mga armadong grupong namataan sa hangganan ng dalawang barangay sa Carmen, North Cotabato. Sa panayam ng Radyo BIDA kay Division Public Affairs chief Captain Arvin Encinas na agad na naglunsad sila ng airstrike sa Barangay Tonganon at Bentangan.

Laban sa grupo ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF na sinasabing ISIS inspired group na pinamumunuan ni Esmael Abulmalik, alias Commander Abu Torayfe. Nasa ika-apat na araw na ngayon ang ginagawang opensiba ng militar laban sa nasabing grupo pero wala namang may na monitor na bakwit sa lugar.

Nilinaw naman ni Encinas na malayo sa mga kabahayan ang lugar kungsaan nag lunsad ng airstrike ang helicopter ng AFP. Sa ulat ng ilang mga pinagkakatiwalaang source, sinasabing may sampung high value targets na kasama ang panbgkat ni kumander Torayfe, isang Imam Lider sa isa sa tatlong faction ng BIFF.

Bukod sa mga high value target ay namataan din ang mga dayuhang mga armadong kalalakihan sa lugar. Nagpasalamat naman si Encinas sa mga residente sa lugar sa maagap na pagreport sa kanila hinggil sa namataang armadong pangkat sa lugar.



-0-



IGINIGIIT
ni Kidapawan City councilor Mike Rualo, chair ng SP Committee on Energy and Water Resources, na isama ang Sanggunian sa negotiating table o panel ng Energy Development Corporation o EDC habang pinaplantsa pa ang panibagong kontrata nito sa Department of Energy o DoE.
 

Hanggang sa ngayon kasi, di pa inaaprubahan ng DoE ang renewal ng kanilang prangkisa na mag-operate ng geothermal power sa Barangay Ilomavis, Kidapawan City, sa loob ng 25 taon.  

Isa sa igigiit ng Sanggunian, ayon kay Rualo, ay ang 25 percent load dispatch ng geothermal power sa linya ng Cotabato Electric Cooperative o Cotelco, lalo na kapag panahon ng krisis sa enerhiya.  

PALIWANAG
ni Maria Nancy Ibuna, ang head ng external operations ng Mt. Apo Geothermal Power Plant sa Kidapawan City, ang usapin ng 25 percent load dispatch ay di na nila sakop.  
 

Ito raw ay nasa kamay na ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) at ng Transmission Commission o TransCo, ayon kay Ibuna.  

SA NGAYON
, umaasa ang EDC na maaaprubahan na ng DoE ang kanilang renewal para sa panibagong 25-taong operasyon ng geothermal power, sa lalong madaling panahon.
 

Nagtapos ang kanilang unang prangkisa nito’ng Marso ng taong 2017.   Sa ngayon, abot sa 104 megawatts ang ibinubugang kuryente ng EDC.  Nagsimula ang operasyon ng geothermal noong taong 1992.  



-0-



Lalo pa ngayong pinaigting ng Kidapawan City PNP ang kanilang kampanya kontra sa pagsugpo sa terorismo sa lungsod. Ito matapos na ilunsad nila ang Community Anti-Terrorism Awareness (CATA) na pinangunahan ni PCI Ramel Hojilla ang OIC ng Kidapawan City Police station.

Kaugnay nito, agad na isinailalim sa masusing pagsasanay ang 40 kasapi ng Special Action Team ng Kidapawan City PNP. Layon ng CATA na palakasin ang awareness ng lahat ng sektor ng mamamayan upang malabanan ang malaking banta sa seguridad.

Nabatid na lumalabas sa isinagawang Provincial Peace and Order council Meeting na mataas ang crime index ng probinsiya ngayon at malaking hamon din ito sa mga hepe ng pulisya kung paanu mapaigting ang crime prevention sa lalalwigan.                  



-0-



Hiniling ng mga kasapi ng Provincial Peace and Order Council na palagyan ng dagdag na pwersa ng militar sa ilang bayan sa ikalawang distrito ng North Cotabato. Ito ang napagkasunduan sa isinagawang resolusiyon ng mga kasapi ng PPOC na pinangunahan ni Gov. Lala Mendoza.

Nag-ugat ang nasabing hiling matapos inulat ni Supt. Leo Ajero sa na mataas ang kaso ng pang-aatake at pang-aabuso ng mga armadong grupo sa bayan ng Magpet at Arakan.

Suportado naman ni Col. Roberto Angcan, Commanding officer ng ng 1002nd Infantry Brigade ang nasabing resolusiyon at kanyang ipapanukala ito kay  Maj. General Noel Clement ang Division Comander  ng 10th Infantry “Agila” Division.


Aasahan na pag may bagong tropa ang militar ay ipapadala nila sa nasabing lugar sa North Cotabato. Ito upang maprotektahan ang mga residente sa lugar laban sa mga karahasan na ginagawang ng mga armadong grupo sa lugar.


-0-



  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy