NDBC BIDA BALITA (11.13.17)

NDBC BALITA  • Mon Nov 13, 2017 09:14 AM  •  122   0
By NDBC NCA
  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy
NEWSCAST NOVEMBER 13, 2017 (MON)
7:00 AM
 

HEADLINES:
 

1. Tangkang panununog ng Catholic chapel sa Shariff Aguak, Maguindanao, kinundina ng mga local officials, cash reward, inalok.

2. MAHIGIT 200 pamilyang matapos ng air strike sa Carmen, North Cotabato.

3. 38 SUMUKONG drug personalities, magtatapos sa PREX ng Simbahang Katoliko sa Koronadal City  


4. Barangay Kagawad, nakaligtas sa pamamaril sa Pikit, N. Cotabato 



-0-



KINONDENA ng mga lokal na opisyal ng Shariff Aguak, Maguindanao ang ginawang paglapastangan ng di pa nakikilalang mga indibidwal sa kapilya ng San Isidro Labrador Chapel sa bayan.  

Bukod sa sinira ang mga religious item sa loob ng simbahan ay sinubukan pang sunugin ng naturang mga suspek ang 80-taong gulang na simbahan ng mga katoliko nasa nasa Barangay Labo-Labo.  

Sinabi ni Executive Asssistant to the Municipal Mayor Datu Anwar Emblawa, hindi kokonsintihin ni Shariff Aguak Mayor Marop Ampatuan ang naturang pagsalaula sa simbahan at lalong hindi niya papayagan ang sinuman na sirain ang magandang relasyon ng mga Muslim, Kristyano at Lumad sa kanilang bayan.  

Ayon kay Emblawa, ito ang kauna-unahang pagkakataon na may nanira at nambastos sa simbahan ng mga katoliko sa bayan.  

Nag-alok naman ng pabuya sin Shariff Aguak vice mayor Hadji Akmad Ampatuan sa sinumang makakapagturo sa mga may gawa ng naturang pag-atake sa simbahan.  

Maging si Maguindanao Gov. Esmael Mangudadatu ay magbibigay din ng cash reward para madakip ang mga suspek.    

Ayon sa gubernador, tinuturo ng Islam ang pagrespeto sa ibang relihiyon.  

Giit ng gubernador na ang naturang gawain ay paglapastangan din sa Islam na ang pangunahing turo ay kapayapaan at pagmamahal sa kapwa.  

Samantala, lumalabas naman sa paunang imbestigasyon ng mga pulis at sundalo na maaaring mga sympathizer ni Abu Toraife na lider ng BIFF renegades, ang responsable sa insidente.  

Si Toraife na kilala rin bilang si Esmael Abdulmalik at ang grupo nito ang pasimuno sa ilang mga kaguluhan sa Maguindanao, lalo sa sa SPMX Box subalit sila ay nataboy ng pinagsanig na pwersa ng mga sundalo at MILF.  


-0-



NAGPAPAGALING pa rin ngayon sa ospital ang isang pintor at anak nitong estudyante matapos pagbabarilin ng di pa nakikilalang mga suspek sa Cotabato city.   Kinilala ang mga biktima na sina JONIE BIOL MONTIBON, 42 years old at anak nitong si MICHAILA DANIEL MONTIBON, 18 years old.  

Sa inisyal na ulat ng Police Station 2 niratrat ng di pa natukoy na uri ng baril ang bahay ng mga biktima sa 3rd Street, Barangay Rosary Heights 5 ng syudad pasado alas nuebe kagabi.  

Nanonuod lamang umano ng TV ang mag-ama sa loob ng kanilang bahay nang makarinig ang mga ito ng sunod-sunod na putok ng baril.   Napansin na lamang umano ng mga ito na may mga tama na sila.  

Sa ngayon inaalam pa ng pulisya kung sino ang mga nasa likod ng naturang pamamaril at kung ano ang motibo ng mga ito.



-0-


PINASINAYAAN ni Cotabato city mayor Cynthia Guiani-Sayadi ang pagbubukas ng bagong birthing facility sa barangay rosary heights mother ng syudad.  

Ayon kay Sayadi, sa pamamagitan nito ay mas lalo pa mapagbubuti ang serbisyong naiibibigay sa mga nanay at kanilang mga sanggol.  

Sinabi ni Sayadi na ang naturang birthing facility ay isa lamang sa siyam na kahalintulad na pasilidad na ibinigay ng Department of Health 12 sa lungsod.   Nabatid na ang birthing facility na ito ay may mga delivery beds, delivery tables, bassinets, generator set, medicines, at iba pang mga kagamitan na kinakailangan upang makatulong sa maayos na pagpapa-anak.  

Mayroon ding mga doktor, nurse, at mga midwife na on duty araw-araw na siyang mangangasiwa sa birthing clinic.   Kaugnay nito ay lubos ang pasasalamat ni mayor Sayadi sa DOH 12 dahil sa pagpili sa syudad na bigyan ng naturang pasilidad.  

Dahil sa pagkakaroon ng city government ng sariling birthing clinics ay mababawasan na ang mga pasyente sa mga ospital.   Maiiwasan na rin aniya ang pagkamatay ng ina o ng kanyang sanggol dahil sa panganganak sa bahay.


-0-



Tinatayang aabot sa 200 assessors ang kokolekta sa mga bangkay at mag-iinspeksyon sa mga istrakturang nawasak sa may 24 barangay sa loob ng Marawi City.  

Ayon kay Civil Defense Assistant Secretary Kris­toffer James Purisima na ang nasabing assessors mula sa gobyerno ang siyang susuri sa damage sa main battle area matapos na tapusin ng militar ang kanilang combat operation laban sa  mga teroristang Maute- ISIS group.
 
Kaya matapos ang mopping-up operations ng AFP sa nasabing lugar ay binigyan na umano ng clearance ang mga assessors na simulan ang post-conflict assessment sa main battle area ng Marawi City.  

Paliwanag ni Purisma ang findings ng mga assessors sa loob ng dalawang linggong pagsusuri ay ito ang gagamitin na basehan para sa rehabilitation plans para sa nasabing lungsod.  

Tinataya umanong 95 porsiyento ng mga gusali sa main battle area ang halos napulbos.   Bagama’t nakauwi na rin umano sa kani- kanilang bahay ang may 350 thousand na mga bakwit ay pinagbabawalan pa rin makabalik ang iba sa main battle area.  

Sa iba pang balita, nagsagawa naman ng feeding program ang Civil Military Operation ng Philippine Army sa mga bakwit sa kapitolyo ng Lanao del Sur.   Naglagay ang mga ito ng tent sa isang bahagi ng capitol complex para sa kanilang feeding program.  

Ito ayon sa mga tauhan ng CMO ay upang makatulong sa mga lumikas na residente ng Marawi City.   Matapos namang kumain ang ilang mga batang bakwit, sumayaw ang mga ito sa harap ng kanilang mga kasamang nagsilikas sa saliw ng awiting Awit sa Marawi.


-0-


Walong mga miyembro ng Abu Sayyaf Group sa Sulu ang sumuko sa militar bitbit ang kanilang mga armas kamakalawa.  

Ayon kay Joint Task Force Sulu Commander Brig. Gen. Cirilito Sobejana, dahil sa walang tigil na opensiba ng militar laban sa teroristang grupo kaya nagdesisyong magbalik-loob sa pamahalaan ang walong ASG na sinasabing tauhan ni ASG sub-leader Alhabsy Misaya na napatay sa bakbakan.  

Boluntaryong sumuko ang walong ASG kay 2nd Special Forces Batta­lion Commander Lt. Col. Jessie Montoya sa Sitio Bayug, Barangay Samak sa bayan ng Talipao, Sulu.  
Kabilang sa mga nagsisuko ay sina Rakib Usman Mujakkil, 35; Sadhikal Sabi Asnon, 38; Jarrain Elil, 52; Wahab Buklaw, 47; Anggan Ali Sahaw, 43; Bandi Ahadjula, Adih Manis Juhaini, 25; at si Alden Banon, 30.


-0-



May sapat na supply ng food at non food items para sa mga biktima ng kalamidad sa rehiyon ang Department of Social Welfare and Development o DSWD 12.

Ito ang tiniyak ni DSWD Disaster Operation Chief Norhata Benito. Sinabi ni Benito na nakahanda anumang oras na tumugon sa hiling ng mga lokal na pamahalaan sa rehiyon ang kanilang tanggapan.

Sa katunayan ayon kay Benito nakapadala na ng tulong sa mga biktima ng baha kamakailan lang sa mga bayan ng Lebak at Kalamansig sa Sultan Kudarat ang ahensya.

Sa nararanasan namang mga pagulan ngayon sa South Cotabato, sinabi ni Benito na may sapat silang stockpile ng mga pangunahing pangangailan kung kinakailangan.

Nilinaw ni Benito magpapadala lamang ng tulong ang ahensya kapag kinakailangan at hilingin mismo sa kanila ng apektadong mga lokal na pamahalaan.



-0-


Naglaan ng mahigit P600 million pesos ang pamahalahaang panlalawigan sa South Cotabato Provincial Hospital.

Ayon kay South Cotabato Governor Daisy Avance Fuentes,ito ay upang matiyak ang “No Balance Billing “ o hindi pagbabayad ng mga indigent o mahihirap na pasyente.

Binigyan diin ni Fuentes na hindi na rin dapat pang bumili ng gamot sa labas ang mga naghihikahos na pasyente ng ospital.

Ito ay dahil may sapat na gamot ang ospital lalong lalo na sa mga pasyente na makikinabang sa mga benepisyaryo ng Philhealth.

Apela ni Fuentes sa mga pinababayad na mahihirap na pasyente sa provincial hospital magsumbong sa mga kinauukulan. Sinabi ni Fuentes na maliban sa mga naningil ng bayarin dapat ding isumbong ng mga pasyente ang hindi magandang pakikitungo sa kanila ng ilang mga hospital staff.

Ito ang sinabi ni Fuentes kasunod ng pagsumbong sa 8888 government hotline ng isang person with disability na pasyente ng provincial hospital na hindi nabigyan ng discount.

Tiniyak ni Fuentes na ito ay kanilang iniimbestigahan.




-0-


Hindi pa naubos gamitin ng mga establisemento komersyal sa Koronadal City ang mga nakaimbak nilang plastic. Ayon kay City Environment and Natural Resources Officer Agustus, Britania, ito ang dahilan kung bakit nasa “Status Quo” ngayon ang “No Plastic Day on Saturday” O pagbabawal ng plastic sa mga commercial establishments tuwing sabado sa Koronadal City.

Ayon kay Britania ang Status Quo sa pagpapatupad nito ay resulta ng consulation dialogue sa pagitan ng mga kinatawan ng mga commercial establishments sa City Environment and Natural Resources Office o CENRO. Para maging patas sa kanila at lokal na pamahalan nagbigay din ang sehistyon ang mga negosyante sa pagbabawal ng plastic sa Koronadal.

Kalakip sa kanilang hiniling ang paggamit ng plastic sa tuwing umuulan, purchase order, pagbukas ng klase, selebrasyon , legal holidays at sa tuwing mayroong silang sale. Pwede ring ipatupad ang “NO Plastic Day” mula araw ng Linggo hangang Huwebes.

Inirekomenda din ng mga negosyante ang paggamit ng net bag sa tuwing namimili sa merkado publiko. Nilinaw naman ni Britania na ang mga ito ay pagaaralan pa ng lokal na pamahalaan at kailangang maaprubahan ng Sangguniang Panglungsod.


-0-



Mahalaga na matutunan ng publiko ang household safety tips sa Liquified Petroleum Gas o LPG para iwas sunog. Ito ang binigyan diin ni Department of Energy o DOE Supervising Science Research Specialist Alex Rayos.

Para iwas sunog ayon kay Rayos dapat palaging nasa upright position at huwag itumba ang LPG cylinder dahil maari itong tunawin ng rubber hose.

Ayon kay Rayos gamitin lamang ang LPG na may resistant rubber hoses at clamps at regular na suriin sa posibleng crack gamit ang tubig at sabon. Sinabi ni Rayos dapat ding iwasan ang pagtamper o pag-repair ng LPG Cyliner, iwasan ang paggamit ng posporo sa pagtingin kung may leak ang LPG at huwag iwan ang niluluto sa stove.

Umapela din si Rayos sa publiko na agad buksan ang mga bintana at pinto at iwasan ang pag switch on and off ng mga electrical switches kapag nangangamoy ng gas ang kusina. Sinabi ni Rayos na mahalaga ding tiyakin na mayroong PNS o Philippine National Standard na tatak ng Department of Trade and Industry ang LPG cylinder na bibilhin.

Pinayuhan din ni Rayos ang publiko na huwag gumamit ng butane gas lalo na ang pag-refill nito na maaring pagmulan ng sunog. Si Rayos at mga kasama nito sa DOE ay nagsagawa ng Information Education Campaign o IEC hinggil sa ligtas na paggamit ng LPG sa mga stakeholders sa Koronadal City Hall.



-0-




Gaganapin ang Parish Renewal Experience o PREX graduation ng mga surfacing drug personalities sa Koronadal City sa November 20.

Ito ay kinumpirma ni City Local Government Operations Officer o CLGOO Juanito Agullana. Ayon kay Agullana, ang 38 magtataposa PREX ay kabilang sa 600 mga Surfacing Personalities Involved in Drugs o SPID na tinutulungan ng lokal na pamahalaan. Sinabi ni Agullana na ang mga ito ay cleared ng barangay matapos mag-negatibo sa random drug test.

Ayon kay Agullana ang pagsailalim sa PREX ng mga SPID ay resulta ng pagtutulungan ng lokal na pamahalaan at simbahan para sa tuloy tuloy na pagbabago ng mga ito.

Ipinahayag din nito na inaasahang dadalo sa PREX graduation ng mga SPID sa Koronadal ang kanilang pamilya, organizers at community volunteers na tumulong sa kanilang magbagong buhay.



-0-



Pansamantalang nanunuluyan ngayon sa Barangay Lawili, Aleosan, North Cotabato ang nasa 209 na mga pamilya na nagsilikas matapos na maipit sa nagpapatuloy na bakbakan ng militar at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa mga Barangay ng Tonganon at Bentangan sa bayan ng Carmen, North Cotabato.

Ayon kay Captain Napoleon Alcarioto, head ng Civil Military Operations (CMO) ng Army’s 602nd Brigade, ang mga evacuees umano ay kasalukuyang nakatira sa temporary shelter sa Barangay Lawili sa Aleosan. Nabigyan na rin umano ng initial assistance ang mga internally displaced persons (IDPs) tulad ng food relief packs ng local government units ng naturang mga bayan.

Giit ng Army official, gumamit umano sila ng MG520 attack helicopters sa paglunsad ng air strikes. Sinasabing may 10 high value targets na kasama ang pangkat ni Kumander Torayfe, isang Imam lider sa isa sa tatlong faction ng BIFF.

Bukod sa mga high-value target ay namataan din ang mga dayuhang armadong kalalakihan sa nasabing lugar na patuloy na tinutugis ngayon ng militar. Ayon naman kay Kapitan Eduardo Alinday ng Brgy. Lawili, Aleosan pansamantalang nanunuluyan ang mga bakwit sa purok 7, 4 at 6 ng nasabing barangay.

Maayos naman nitong tinanggap ang mga nagsilikas at umaasang mabibigyan ng dagdag na relief assistance ang mga ito.



--0-



Kamatayan ang sinapit ng 62-anyos na nanay matapos itong hambalusin ng sariling anak gamit ang pala habang napatay din ang anak na pinagpapalo ng kanyang pinsan na umawat sa away sa Sitio Marang, bayan ng Antipas, North Cotabato.

Kinilala ang napatay na nanay na si Sabel Cañete habang ang anak na sinasabing may deperensiya sa pag-iisip na napatay ng kanyang pinsan ay si Allan Cañete, 36, ng nasabing lugar. Sa panayam ng Radyo BIDA kay PO3 Abner Aguilor, alas-3:00 ng madaling araw nitong Sabado sumugod si Allan sa bahay ng kanyang kamag-anak na si Jocelyn Cañete kung saan nakitulog ang kanyang ina.

Humingi si Allan ng ligh­ter sa kanyang ina para sunugin ang kanilang motorsiklo su­balit di ito pinagbigyan ng ina kaya nagawa nitong paghahampasin ng pala. Nagpasaklolo pa umano si Sabel pero patuloy itong inundayan ng hampas ng sariling anak, kaya napasugod ang pinsang si Garry Abalos upang mamagitan.

Gayunman, ‘di-nagpatinag si Allan kaya pinalo ni Abalos gamit ang kawayan ang pinsan. Isinugod sa pagamutan ang mag-ina pero kapwa idineklarang patay. Nasa kustodiya naman ng pulisya si Abalos para sa gagawing imbestigasiyon.  


-0-    



Napatay ang isang miyembro ng Moro Islamic Liberation Front o MILF makaraang pagbabarilin ng suspek na kasapi naman ng Moro National Liberation Front o MNLF sa Sitio Ambel, Barangay Marbel, Matalam, North Cotabato.

Kinilala ang nasawi na si Tony Polalong, nasa hustong gulang, may asawa at kasapi ng MILF 108 based command at residente ng Brgy. Ilian ng nabanggit na bayan. Ang suspek ay kinilalang si Abdul Karim Unsil, 38-anyos, magsasaka, MNLF 15th council at residente ng Sitio Kisupit, Brgy. Marbel.

Batay sa ulat na nakarating kay P/Supt. Bernard Tayong, tagapagsalita ng CPPO nangyari ang pamamaril alas 2:30 ng hapon nitong Sabado. ‘Rido’ ang isa sa mga anggulong sinusundan sa nasabing pamamaril. Nagtamo ng maraming tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan ang biktima na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.

Tumakas ang suspek patungo sa Sitio Kisupit dahilan para tugisin ng ilang mga kasapi ng MILF na nagresulta sa pagka-engkwentro ng dalawang pangkat ng moro fronts. Ayon kay PCI Sunny Leoncito, hepe ng Matalam PNP alas 3:45 ng hapon ng magkabakbakan ang MILF at MNLF sa Sitio Kisupit ng Brgy. Marbel na ikinasugat ng apat katao.

Kinilala ang mga sugatan na sina Jocyln Tan, Anisa Iman, 32-anyos ng Brgy. Marbel.

Habang sa panig naman ng MILF, sugatan sina Francis Imbong Abas at Rasel Naga. Bandang alas 6:30 ng gabi ng huminto ang engkwentro ng dalawang naglalabang grupo matapos na pumagitna sa nasabing gusot ang mga kumander ng naglalabang pangkat.  



-0-  



NAHALAL MULI
bilang chairperson ng National Union of Journalists of the Philippines o NUJP sa Kidapawan City si Malu Cadelina Manar, program director at head ng news and current affairs ng dxND-NDBC.
 

Ang eleksyon ay isinagawa noong Nov 11, sa dxND mini-auditorium, na dinaluhan ng mga media practitioner mula sa iba’t ibang outfit sa lungsod.   Naging inducting officer si Julie Alipala, regular writer ng Philippine Daily Inquirer at miembro ng NUJP National Directorate.  

Nahalal naman bilang vice-chair si Juvie Ann Mayormita ng Brigada Kidapawan; secretary-general si Randy Patches ng dxND-NDBC; Treasurer si Deane (pronounced: Dayne) Bunayog ng Radyo Ni Juan; at auditor si Mark Anthony Tayco ng dxND-NDBC.  

Sila ang bubuo ng Executive Committee ng NUJP Kidapawan chapter.   Chair naman ng NUJP Committee on Safety si Dondon Balacanan ng Brigada Kidapawan; at chair ng Committee on Welfare si Lynne Nodalo ng Radyo Ni Juan.  

Ayon kay NUJP secretary-general Dabet Castaneda-Panelo, pinalalakas nila, sa ngayon, ang mga chapter ng NUJP – lalo na sa Mindanao. 
  Ang Kidapawan City chapter ay isa sa pinakaunang chapter ng NUJP na naitatag sa Mindanao, ayon kay Panelo.   Ngayong Nov 18 ay gagawin sa Davao City ang NUJP Mindanao Summit.  

At sa Nov 19 ay sabay-sabay na tutungo ng Barangay Masalay sa Ampatuan sa Maguindanao para gunitain ang kamatayan ng 32 nilang mga kasama sa trabaho na minasaker noong Nov 23, 2009.    



-0-  


Personal grudge ang sinusundang anggulo sa pagbaril at pagpatay sa isang habal-habal driver habang sugatan naman ang kasama nitong barangay kagawad sa naganap na pamamaril sa National Highway, Poblacion, Pikit, North Cotabato.

Kinilala ang nasawi na si Monib Macainas Usman, 44-anyos, may asawa at isang habal-habal driver habang sugatan naman si Acob Makainas Sanday, 57-anyos, brgy. kagawad ng Brgy. Talitay sa bayan ng Pikit at kapwa residente ng nasabing bayan.

Ayon kay PCI Romy Castañares, hepe ng Pikit PNP ala-1:00 ng hapon kahapon ng mangyari ang krimen kungsaan lulan ang dalawang mga biktima ng motorsiklo buhat sa isang hardware matapos bumili ng semento at sinundan ng riding tandem criminals at pinagbabaril sa likod.

Sa ulo tinamaan si Usman na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan habang ang kagawad naman na si Sanday ay nagtamo ng tama ng bala sa kanang balikat nito na mabilis namang isinugod sa bahay pagamutan.

Ang mga suspek naman ay tumakas sa direksiyong Pagalungan, Maguindanao. Narekober naman sa crime scene ang dalawang basyo ng bala mula sa kalibre .45 na pistola.


-0-



Sa ibang balita …
Dead on arrival sa ospital ang 27-anyos na lalaki makaraang masangkot sa vehicular accident, naganap sa Cotabato-Davao Highway sa Purok Pomelo, barangay Paco, Kidapwan city pasado alas 10:00 ng gabi nitong Sabado.
Kinilala ang biktima na si Jestoni Taray Guillano, 27 anyos, single, private employee at residente ng barangay San Isidro, Kidapawan city.

Batay sa ulat, sakay si Guillano sa kanyang Honda wave motorcycle, kulay itim na may license plate 9340 MC. Aksidente umano nitong nabanggaan ang pedestrian na si Joal Bongosa, 19-anyos, isang obrero at residente ng Brgy. Binoligan, Kidapawan City.

Dahil sa lakas ng impact, tumilapon sa motorsiklo si Guillano dahilan para mabagok ang kanyang ulo habang nagtamo naman ng sugat at pasa sa katawan ang pedestrian na si Bongosa, dahilan para kapwa isinugod sa bahay pagamutan ang mga biktima.

Pero di na umabot ng buhay si Guillano.

Sa ngayon, patuloy pa ang ginagawang imbestigasiyon hinggil sa insidente.

  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy