NDBC BIDA BALITA (11.14.17)

NDBC BALITA  • Tue Nov 14, 2017 11:11 AM  •  136   0
By NDBC BIDA BALITA
  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy
.NEWSCAST NOVEMBER 14, 2017 (TUE)
7:00 AM
 


HEADLINES:
 

1. MAHIGIT 300 libong pisong halaga ng shabu at mga baril, nakumpiska mula sa mag-asawang negosyanteng ni-raid ng PDEA 12 sa Pigcawayan, North Cotabato.  

2. CAFGU member, patay sa pamamaril ng riding tandem sa Tupi, South Cotabato  

3. Barangay official, naaresto sa Maguindanao sa kasong frustrated murder 

4. Rape case, dumarami sa South Cotabato; police naalarma na 


-0-



KALABOSO ang mag-asawang negosyante sa sa Pigcawayan, North Cotabato matapos makuhanan ng nasa 300 libong pisong halaga ng pinaniniwalaang shabu at mga high-powered firearms at mga bala sa isinagawang raid ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA -12.

Kinilala ni PDEA 12 Director Gil Castro ang mga nadakip na suspek na sina Richard at Janet Balbini, na pawang mga miembro umano ng BAWAN Drug Group na nag-o-operate sa North Cotabato.   Ayon kay Castro, ang mag-asawang Balbini ay ikinokonsidera nilang high value target.  

Sabi pa ni Castro, hindi ito ang unang beses na naarestop ang mag-asawa dahil sa pagkakasangkot sa iligal droga.  

Aniya, magkasunod nilang hinalughog ang tahanan at ang business establishment ng mag asawa na nasa barangay Poblacion ng nasabing bayan pasado alas singko ng umaga kahapon.  

Sa ngayon nasa kustodiya na ng PDEA 12 ang mga suspek.  


-0-



Arestado ng Shariff Aguak PNP ang isang punong barangay na nahaharap sa kasong attempted murder sa Shariff Aguak, Maguindanao.  

Kinilala ni Shariff Aguak Chief of Police, Chief Inspector Armando Liwan ang suspect na si Barangay Inaladan, Shariff Saydona Mustapha Chairperson Basit Mama Taguigaya, 38 years old.  

Naaresto si Taguigaya sa kanyang bahay sa Barangay Poblacion kahapon ng tanghali sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni RTC Branch 15 Judge Alandrex Betoya.   Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Shariff Aguak detention cell ang suspect.  

Samantala, arestado naman ang isang driver na nahaharap sa kasong frustrated murder ng Sultan Kudarat PNP kahapon ng hapon sa Barangay Dalumangcob, Sultan Kudarat, Maguindanao. 
 

Kinilala ni Sultan Kudarat chief of Police, Chief Inspector Julhamin Asdani ang suspect na si Idzrafil Indara Kamdan, 27 years old at residente rin sa lugar.  
Naaresto si Kamdam matapos ang ilang taong pagtatago sa bisa naman ng warrant of arrest na inilabas ni Acting Presiding Judge Hon. Bansawan Ibrahim ng RTC Branch 13 sa Cotabato City.  

Sa ngayon nakakulong na sa detention cell ng Sultan Kudarat PNP nag suspect.        


-0-

Samantala, kulungan din ang bagsak ng isang BPAT member matapos makuhanan ng hindi lisensyadong baril kahapon ng umaga sa checkpoint ng mga elemento ng Datu Odin Sinsuat PNP.  

Kinilala ni DOS Chief of Police, Chief Inspector Lendsy Sinsuat ang suspect na si Edgar Manul Galle, 48 years old ng Brgy. Mapayag, Datu Anggal Midtimbang.   Nakuha mula sa suspect ang isang unit ng Cal. 357 Magnum na may limang mga bala at walang kaukulang papeles.  

Sa ngayon inihahanda na ng pulisya ang kasong paglabag sa  R.A.10591 o illegal position of firemarms.
 



-0-




MARIING itinanggi ni Pigcawayan mayor Christopher Amping Cuan ang alegasyong sangkot siya sa iligal na droga o protektor ng mga drug lord kaya napabilang siya sa mga tinanggalan ng police power ng National Police Commission o NaPolCom.  

Sinabi ni mayor Cuan na tanggap niya ang desisyon ng NaPolCom na tanggalan siya ng kapangyarihan sa kanilang pulisya pero masama aniya ang kanyang loob dahil sa pagkakadawit sa kanya sa mga iligal na gawain na wala naman umanong katotohanan.  

Sinabi ni Cuan na natanggap na niya ang NaPolCom resolution kahapon ng umaga at iginagalang niya ito.   Naiintindihan din niya aniya ang kanilang kapulisan na sinusunod lamang ang naturang utos at ginagawa lamang ang kanilang trabaho.  

Pero nilinaw naman ni Cuan na hindi makaka-apekto sa kanyang trabaho bilang alkalde ang pagkawala ng kanyang supervisory power sa PNP.   Tiniyak din nito na tuloy tuloy pa rin ang kanilang kampanya kontra iligal na droga sa kanilang bayan at laban sa iba pang krimen.  

Ipinagmalaki din ni Cuan na sa ngayon ay drug-cleared na ang halos lahat ng kanilang mga barangay sa bayan.  
Kaya aniya, posibleng hindi validated o verified ang report na nakarating sa NaPolCom na naging basehan para tanggalan siya ng police power.  



-0-



NAHUKAY ng mga otoridad ang kalansay ng isang lalaki sa Parang, Maguindanao.  

Ayon kay Parang Chief of Police, chief Inspector Erwin Tabora, inaantay pa nila ngayon ang resulta ng isinasagawang pagsusuri sa naturang kalansay at ang pamilya nito para sa kumpirmasyon, bago kilalanin ang naturang bangkay.  

Sinabi ng opisyal na nakasuot ng kulay itim na short at stripes navy blue na damit ang biktima.   Nabatid na unang nawala ang lalaki noon pang buwan ng Pebrero na pinaniniwalaang pinaslang at inilibing ng mga suspect.  

Gayunman, isang linggo ang nakalipas ng maaresto ng pulisya ang mga suspect na nahaharap sa kasong attempted murder matapos na may panibagong binaril ang mga ito sa nasabing bayan.  

Dagdag pa ni Tabora na noong Mayo ay napaslang naman sa isang police operations ang isa sa mga suspect matapos itong manlaban sa mga otoridad.  

Sa ngayon, tumanggi muna si Tabora na pangalanan ang mga suspect habang nagpapatuloy ang kanilang imbestigasyon.  

Nabatid na isang kagawad ng Brgy. Macasandag ang isa sa mga suspect.


-0-



Nasa 150 prosthetic limbs o “Jaipur limbs”  ang ipinagkaloob kahapon ni Indian Prime Minister Narendra Damodardas Modi at kabilang sa nakatanggap ang 14 na mga sundalong Pinoy na naputulan ng hita at kamay sa pakikipaglaban sa Marawi City.  

Si Modi na nasa bansa para sa 31st Association of Southeast Asian Nation o ASEAN Summit ay nagtungo sa Philippine General Hospital compound kahapon ng hapon at personal na ibinigay ang donasyon para sa Mahaveer Philippines Foundation, Inc. o MPFI.  

Ipinaliwanag naman ng MPFI Board members na sina dating Manila councilors Bernie Ang at Felix Espiritu na maibabalik na sa mga amputees ang kanilang dignidad at kakayahan na makapaglakad, makatakbo, lumangoy at kahit umakyat ng puno.  

Ayon naman kay MPFI President Enrique Lim, hindi lamang ito ang pagkakataon na nagbigay sila ng libreng prosthetic limbs sa mga sundalo at umabot na sa 10,000 limbs ang naipamahagi.  

Gayunman, kahit nakatutok sila sa mga sundalo, maging ang iba pang nangangailangan ng prosthetic limbs ay napagkalooban din nila na karamihan ay mga lalaki, kabilang ang mga naputulan ng paa dahil sa sakit na diabetes.


-0-



Nakapagtala ng 95 kaso ng rape o pangagaghasa ang South Cotabato Provincial Police Office o SCPPO ngayong taon.

Ito ay ayon kay SCPPO Investigation Chief, Police Chief Inspector Rey Egos. Ang nakakalaarma pa ayon kay Egos karamihan sa mga rape survivor ay pawang mga menor de edad na nakipagkita sa kanilang mga text mate o naka-eyeball chat sa internet.

Kinumpirma rin ni Egos na may pangagahasa rin sa loob mismo ng pamamahay ng mga survivor na kadalasang mga suspek ay kanilang mismong ama o tyuhin. Kaugnay nito sinabi ni Egos na piniigting ngayon ng SCPPO ang kanilang information education campaign o IEC.

Ayon sa police official tinututukan ng kanilang kampanya ang mga liblib na lugar ng South Cotabato kung saan maraming kaso ng pangagahasa sa mga kabataan. Ito ang ipinahayag ni Egos kaugnay sa Children’s Month Celebration ngayong Nobyembre na may temang “Bata iligtas sa iligal na droga.”



-0-



Minamadali na ng Provincial Health Board ang panukalang mag-insitutionalized sa mga barangay health workers o BHW sa South Cotabato.

Ayon kay South Cotabato Provincial Health Officer Dr. Rogelio Aturdido Jr. mahalaga ang panukala dahil magiging batayan ito sa pagkuha at pagtanggal sa mga BHW. Sa pamamagitan nito ayon kay Aturdido ay hindi mapupulitika ang mga BHW.

Sinabi ni Aturdido na kadalasan kasi ay napapalitan rin ang mga BHW sa tuwing may bagong administrasyon. Saklaw din ng isinusulong na ordinansa ang honorarium na tatanggapin ng mga BHW sa bawat local government unit.

Ayon kay Aturdido ang mga BHW ngayon sa South Cotabato ay may tig P500 na honorarium kada buwan mula sa provincial government. Habang hindi naman magkakapareho ang ibinibigay na honorarium ng bawat LGU sa kanilang mga BHW.



-0-



Nanguna sa 27 barangay sa Koronadal City na may pinakamaayos na programa kontra iligal na droga ang Concepcion. Ito ang kinumpirma ni Koronadal City Interior and Local Government Operation Officer Juanito Agullana.

Ayon kay Agullana nakakuha ang Barangay Anti Drug Abuse Council o BADAC ng Concepcion ng 97.5% rating. Ito ay dahil sa community based-rehabilitation program para sa mga surfacing personality involved in drugs o SPID.

Ayon kay Agullana ang mga sumukong drug personality ng Concepcion ay mayroong community garden at tumutulong din sa community clean up drive sa kanilang barangay. Sinabi ni Agullana na idinagdag kasi sa evaluation ng mga pararangalang barangay ang kanilang mga programa para sa mga sumukong drug personalities.

Pumapangalawa naman sa Concepcion ang barangay Morales na may 95% rating at pangatlo ang nakakuha ng 83.5% rating na Barangay Saravia. Ayon kay Agullana pasok din sa top ten ang mga Barangay ng Sto. Nino,Zone 1, Zone 3, General Paulino Santos, Zone IV, Topland at Avancena.

Nilinaw naman ni Agullana na kakulangan lamang ng tamang docuementation sa kanilang programa sa iligal na droga ang dahilan kung bakit mas mababa ang rating ng ibang mga barangay.

Sinabi ni Agullana hihilingin nito sa lokal na pamahalaan ng Koronadal ang mas mataas na P30,000; P20,000; at P10,000 incentive sa Top 3 performing BADAC sa Koronadal City.

Ang pagkilala na ito sa mga outstanding BADAC ng Koronadal ay kasabay ng Drug Control and Prevention Week Celebration ngayong linggo sa South Cotabato.

Ang selebrasyon ay sinimulan kahapon sa pamamagitan ng parada sa Koronadal City.



-0-



Pasakay na ng kanyang motorsiklo ang biktima matapos bumili ng sigarilyo sa isang tindahan sa barangay Palian, Tupi, South Cotabato nang barilin ng salarin dakong alas onse ng ng umaga kahapon.

Kinilala ni Tupi Chief of Police, Chief Inspector Bernie Faldas ang biktima na si Cipriano Inocencio, 54 anyos, nakatira sa barangay Tubeng sa nasabing bayan.

Ayon kay Faldas si Inocencio ay dead on the spot dahil sa mga tama ng bala ng baril sa ulo at iba pang parte ng kanyang katawan.

Sinabi ni Faldas na narekober ng mga pulis sa crime scene ang pitong basyo ng 45 pistol na posibleng ginamit ng mga salarin.

Ayon kay Faldas ang gunman ay agad na tumakas sakay ng isang motorsiklo na minamaneho ng naghihintay na kasama. Sinabi ni Faldas sa Radyo Bida na inaalam pa ng pulisiya kung may kaugnayan sa trabaho ng biktima bilang CAFGU ang pagpaslang sa kanya.



-0-


Mayroong nang mahihingan ng tulong ang mga maliliit na negosyante sa bayan ng Lake Sebu, South Cotabato. Ayon kay Lake Sebu Mayor Antonio Fungan, kasunod ito ang pagbubukas sa kanilang lugar ng Negosyo Center ng Department of Trade and Industry o DTI.

Isinagawa ang pagpapasinaya sa pasilidad kasabay ng katatapos lang na Foundation Anniversary at Helubung Festivavl sa bayan. Ang Negosyo Center ay magsisilbing One Stop Shop para sa mga negosyante.

Kabilang sa maaring mapapakinabangan dito ng mga small medium and micro entrepreneurs o MSME ang, advisory services, at referral services. Nauna nang sinabi ni DTI South Cotabato Provincial Director Flora Gabunales na maari ring magpatala ng negosyo ang mga negosyante sa mga Negosyo Centers ng DTI.

Nabatid na ang Lake Sebu ang pinakahuling lugar sa South Cotabato na nagkaroon ng Negosyo Center.



  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy