NDBC BIDA BALITA (11.22.17)

NDBC BALITA  • Wed Nov 22, 2017 12:51 PM  •  142   0
By NDBC NEWS
  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy
NEWSCAST NOVEMBER 22, 2017 (WED)
7:00 AM
 

HEADLINES:
 

1. Malacañang, tiniyak na prayoridad ng administasyong Duterte na mabigyan ng hustisya ang mga biktima ng Ampatuan massacre.  

2. TATLONG MGA KAMPO ng ISIS-inspired Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, nakubkob ng militar sa Carmen, North Cotabato  

3. IP leader, kinuwestyon ang pagpili ng Indigenous Peoples Mandatory Representative sa South Cotabato  

4.  Sec. Pinol, nagsabing sapat ang supply ng tamban sa bansa kayat di dapat tumaas ang presyo ng sardinas.



-0-


MULING TINIYAK ng Malacañang na prayoridad pa rin ng administrasyong Duterte na mabigyan ng hustisya ang mga biktima ng Ampatuan massacre.   Gugunitain ang ika-walong taon ng naturang trahedya bukas na ikinasawi ng 58 katao kabilang na ang 33 mga mamamahayag noong November 23, 2009.  

Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na Binibigyang prayoridad ni Pangulong Duterte ang pagresolba sa mga kaso ng pagpatay sa mga miembro ng media dahil naniniwala siya na ito ay pagpaslang din ng karapatan ng malayang pamamahayag.  

Ayon pa kay Roque, nakikiisa ang pangulo sa kahilingan ng mga kaanak ng biktima na magkaroon na ng katarungan sa sinapit ng mga nasawi sa Ampatuan massacre.   Naniniwala aniya ang pangulo na hanggang hindi napaparusahan ang mga responsable sa naturang karumal-dumal na krimen at hindi matatapos ang karahasan at hindi mawawala ang takot sa bawat Pinoy.  

Samantala, may inaayos namang meeting ang Palasyo para makaharap ni Pangulong Duterte ang mga pamilya ng nabiktima sa Ampatuan massacre.  

Ito ay para pag-usapan ang mga gagawing hakbang upang mapabilis pa ang paglilitis at pagpaparusa sa mga mapatunayang sangkot sa masaker.     Maalalang bago naging Presidential Spokesperson, nagsilbi si Roque bilang isa sa mga abogado ng pamilya ng mga biktima sa Ampatuan massacre.  


Kaugnay nito, sinabi ni Maguindanao Governor Esmael ‘Toto’ Mangudadatu na bukas ay maaga silang pupunta sa massacre site para mag-alay ng mga bulaklak at panalangin sa mga biktima.   Kasama ng gubernador ang kanyang mga anak, mga kapatid at iba pang mga kamag-anak.  

Kasabay din niyang tutungo sa Sitio Masalay, Barangay Salman, sa bayan ng Ampatuan ang mga pamilya at kaanak ng iba pang mga biktima ng massacre.   Maalalang kabilang sa mga nasawi sa Ampatuan massacre ang asawa ni Gov. Mangudadatu na si Genalyn at iba pang mga kaanak.  

Una rito, nagtungo na sa massacre site ang mga miembro ng National Union of Journalists in the Philippines o NUJP para mag-alay ng panalangin at muling manawagan ng hustisya para sa mga biktima.


-0-


Dead on the spot ang isang empleyado ng Cotabato Regional and Medical Center o CRMC matapos barilin ng dalawang hindi nakilalang lalaki sakay ng hindi natukoy na uri ng motorsiklo pasado alas syete umaga kahapon sa Cotabato City.  

Kinilala ni City Police station 2 commander Chief Inspector Efren Salazar ang biktimang si Cerilo Yabo Atoy Jr. 33 anyos, utility worker sa nasabing ospital na taga Sultan Kudarat, Maguindanao na pansamantalang nanunuluyan sa Bormaheco drive, RH-4 ng lungsod.  

Ayon sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, papauwi na ang biktima matapos hinatid ang kanyang asawa  sa CRMC nang sundan ito ng mga suspect at binaril sa bahagi ng Sinsuat Avenue, Rosary Heights 4, partikular sa harap ng Cafe Florencio dakong ala syete singkwentay singko ng umaga.
 

Nagtamo ng tama ng bala sa kanyang batok ang biktima na sanhi ng kanyang agarang pagkasawi.     Narekober ng mga otoridad sa crime scene ang isang magazine ng kalibre 45 pistol at anim na mga bala.  

Ayon kay Salazar, ito na ang pangalawang pagkakataon na naging biktima ng pamamaril si Atoy sa lungsod.   Nabatid na noong August 23 ngayong taon ay una itong binaril sa bahagi rin ng Sinsuat avenue partikular sa harap ng bishop Mongue center ngunit nagawa pa nitong makaligtas sa natamong tama ng bala sa katawan.  

Sa ngayon ay patuloy pa rin ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya sa motibo at kung sino ang nasa likod ng pagpaslang sa biktima.



-0-


Tinatayang aabot sa tatlong milyong piso ang halaga ng mga ari-arian na naabo sa nangyaring sunog sa isang residential area kahapon ng hapon sa Sta. Maria street, Mother Barangay Rosary Heights, Cotabato City.  
Ayon Bureau of Fire Protection o BFP-Cotabato City information officer FO2 Aldrin Jason Nara, nagsimula ang apoy alas dose kwarenta ng tanghali sa likurang bahagi ng kusina ng dalawang palapag na semi-concrete boarding house na pagmamay-ari ng isang Florita Cubita.   Nagtagal ng isang oras ang pagpuksa ng mga bombero ng apoy.  

Sinabi rin ni Nara na nahirapan silang pasukin ang loob ng nasabing bahay dahil sa daming klase ng mga gamit na nakatambak sa loob at maging sa garahe nito.  
May payo naman si Nara sa publiko kaugnay sa kahalagahan ng pagsasaayos at  paghihiwalay ng mga valuable things sa loob ng bahay.  

Sa ngayon nagpapatuloy pa rin ang ginagawang imbestigasyong Cotabato City BFP sa pag-alam kung ano ang dahilan ng nasabing sunog.  



-0-


NADAKIP ng mga pwersa ng pamahalaan ang anim na miyembro ng Abu Sayyaf Group bunsod ng ikinasang operasyon sa bayan ng Tongquil sa Sulu.   Nakilala ang mga suspek na sina Omar Amping, Gabby Juwa, Jadi Luhadi, Alcimel Abdulla, Madi Jalilul at Sakkam Dekani.  

Si Amping ay ika-apat sa listahan ng mga most wanted na kriminal sa Zamboanga City at mayroon ding dalawang warrant of arrest laban sa kaniya dahil sa kasong murder.  

Sinabi ni Naval Forces Western Mindanao Commander Rear Admiral Rene Medina na nagsagawa sila ng operasyon laban sa mga suspek kamakalawa.   Ito’y matapos na makatanggap sila ng mga sumbong na hina-harass ng grupo ang isang commercial fishing boat sa may Saluping island sa Basilan.  

Nagawa nilang maharang ang dalawang motorized pumpboats ng mga suspek na kanila ring naaresto.   Kasabay nito ay nasabat din nila ang ilang mga armas mula sa mga suspek kabilang na ang isang M16 rifle, apat na magazines at 110 na bala.  

Matapos nilang maaresto, ipinaubaya na ng Navy sa mga pulis ang mga suspek para na rin sa pagsasampa ng mga kaukulang kaso laban sa kanila.  



-0-



Tiniyak ni Agriculture Secretary Manny Piñol na may sapat na supply ng isdang tamban ang bansa ngayong taon at maging sa susunod na taon kaya walang dahilan para magtaas ng presyo ng sardinas.  

Ang paglilinaw ay ginawa ni Piñol kasunod ng pahayag ng mga kompanya ng sardinas na asahan na ang pagtaas ng presyo ng sardinas sa unang quarter ng 2018 dahil sa mahinang huli ng isda at resulta ng mataas na presyo ng gasolina.  

Sinabi ni Piñol na kanilang iba-validate ang pahayag ni Ligo Sardines President Greg Tung na walang mahuling isda kaya magtataas sila ng presyo ng sardinas, mula one peso hanggang 1.40 pesos sa kada lata.  

Binigyang-diin din ng kalihim na walang kinalaman ang tatlong buwang close fishing season na kanilang ipinatupad sa Zamboanga at Visayan Sea para humina ang huli ng tamban.  

Aniya, kailangan ipatupad ang close fishing season dahil ito ang panahon na nangingitlog ang isda at para dumami ang ani at malalaking isda ang mahuli gayundin para maiwasan ang overfishing sa mga karagatan.


-0-



Hiniling ni Tupi, South Cotabato Tribal Leader Bong Fulong Pedro Digo sa Sangguniang Panlalawigan ang pag-review sa mga panuntunan sa pagpili ng Indigenous Mandatory Representative o IPMR South Cotabato.

Ayon kay Digo, hindi umano siya inimbitahan nang magkaroon ng review sa local policy and guidelines si South Cotabato IPMR South Cotabato Edgar Sambog. Ito ay nakasaad sa petisyon na ipinadala ni Digo sa Sanguniang Panlalawigan.

Binigyan diin ni Digo bago piliin ang IPMR dapat ay magkaroon muna ng malinaw na Political structure ang IP Communities sa South Cotabato. Kaugnay nito sinabi naman ni Sambog na sumama ang loob nito dahil umano sa pamemersonal sa kanya ni Digo.

Naninindigan naman si Sambog na dahil iisang tao lang ang lumagda, mababalewala rin ang reklamo laban sa kanya ni Digo. Ang usapin ay naidulog na rin ni Digo sa National Commission on Indigenous Peoples o NCIP region 12.



-0-



Death on the spot ang driver ng motorsiklo matapos masangkot sa vehicular crash sa Polomolok, South Cotabato. Kinilala ng Polomolok PNP na pinamumunuan ni Officer-In-Charge Police Chief Inspector Alex Orcajada ang biktima na si Reymark Malayaon, 19 anyos binata at nakatira sa bayan ng Tampakan.

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis na habang binabaybay ang highway mula Tampakan papuntang Polomolok nawalan ng kontrol sa minamenehong motorsiklo si Malayaon sa barangay Crossing Palkan, Polomolok. Naging dahilan naman ito nang pagkahulong ng motorsiklo sa kanal.

Ang biktimang si Malayaon ay nagtamo ng matinding sugat sa ulo na naging sahin ng daglian nitong pagkasawi. Ang angkas naman nitong si Mark Solis na sugatan din ay dinala ng mga rescuer sa Polomolok Municipal Hospital ngunit agad ding inilipat sa South Cotabato Provincial Hospital sa Koronadal City kung saan pa siya nagpapagaling.

Samantala patay din ang isang magsasaka matapos matumba ang sinakyang motorsiklo sa Norala, South Cotabato. Kinilala ng pulisiya ang biktima na si Bobby De-onor, 48 anyos at taga Barangay, Sampao, Isulan, Sultan Kudarat. Si De-onor ay nasawi matapos magtamo ng matindi ring sugat sa ulo.

Ito ay matapos matumba sa nire-repair na bahagi ng Provincal road sa Barangay Poblacion,Norala ang minamaneho nitong motorsiklo. Nagpapautloy pa ang imbestigasyon ng PNP sa magkasunod na vehicular crash.



-0-


Pabor si Koronadal City Mayor Peter Miguel sa pagpapaliban ng pagpapatupad ng ‘No Plastic Policy” sa mga establisemento commercial. Pero ayon sa alkalde hindi ito nangangahulugan na huwag nang ipatupad ang naturang ordinansa.

Binigyan diin ni Miguel na dapat lamang na mariing ipagbawal ang plastic dahil ito ay ginagawa na sa ibang bansa. Inihalimbawa ni Miguel ang Estados Unidos kung saan lahat ng estado ay mayroon nang batas na nagbabawal sa plastic.

Nilinaw din nito na nais ng lokal na pamahalaan na maging zero plastic ang Koronadal kaya hindi ito payag sa suhestyon ng ilang sektor na kumbinasyon na paggamit ng plastic at supot.

Ayon kay Miguel, mariing ipinatutupad sa ibang bansa ang “No Plastic Policy” para malabanan ang climate change.

Ang hanggang September 2017 na paggamit ng plastic ng mga commercial establishment ay nakasaad sa “No Plastic Policy” Ordinance ng Koronadal.

Humiling naman ng extension sa pagpapatupad ng ordinansa ang mga negosyante dahil hindi pa naubos ang nakaimbak nilang plastic.



-0-



Handang magbigay ng isang ektaryang lupain para pagtayuan ng kulungan ng Bureau of Jail Management and Penology o BJMP ang lokal na pamahalaan ng Surallah.

Ayon kay Surallah Mayor Antonio Bendita, layon nitong makatulong sa problema ng siksikan sa mga piitan lalong lalo na sa mga pasilidad ng BJMP.

Sinabi ni Bendita na may napili na silang lugar para paglagyan ng BJMP facility. Ipinahayag ni Bendita na dahil nasa gitna ng iba pang bayan sa Upper Valley Area ng South Cotabato,angkop na paglayan ng BJMP facility ang Surallah.

Maliban sa Koronadal City, tanging bayan pa lamang ng Polomolok ang mayroon ngayong BJMP District Jail sa South Cotabato.

Sinabi ni Bendita na maliban sa BJMP facility, naghahanda rin ang LGU sa posibleng paglipad ng Department of Education o Deped South Cotabato Division Office sa Surallah. Ayon kay Bendita, pwedeng ipatayo ang division office ng Deped sa bakanteng lote sa Purok Sison Elementary School, Barangay Libertad dahil malapit ito sa mga eskwelahan.



-0-



Abot na sa walong local government units o LGU sa rehiyon ang natulungan ng Department of Environment and Natural Resources o DENR 12 sa pagbalangkas ng kanilang Forest Land Used Plan o FLUP.

Kabilang sa mga nakapagsumite na ng draft ng FLUP para masuri ng ahensya ang mga Municipal Environment and Natural Resources Offices o MENRO sa Kabacan, Pikit, Midsayap ,Antipas at President Roxas sa North Cotabato. Nakabuo na rin ng FLUP draft ang MENRO ng Palimbang at Bagumbayan sa Sultan Kudarat at General Santos City.

Ayon kay DENR 12 Assistant Regional Director for Technical Services Hadja Didaw Piang-Brahim, tuloy pa rin ang monitoring ng ahensya sa FLUP .

Ito ay kahit na aaprubahan ng Sangguniang bayan ang resolution para dito . Sinabi ni Piang-Brahim na tutulungan ng DENR ang mga LGU sa paggamit ng kanilang forest land lalong lalo na sa pagsara at pagbukas ng mga access areas.

Layon nito ayon sa DENR 12 official na mapigilan ang illegal logging activities. Binigyan diin ni Piang-Brahim na ilalakip ang FLUP sa Comprehensive Land Use Plan o CLUP na requirement sa Internal Revenue Allotment o IRA ng mga LGU.

Ito ayon kay Piang-Brahim ay ipinagutos ng Executive Order 318 o Promoting Sustainable Forest Management in the Philippines.



-0-



Puspusan na ang paghahanda ngayon ng mga organizer ng “Mindanao Week of Peace” na gagawin sa November 29 hanggang December 6, 2017.

Sa isang kalatas mula kay Most Rev. Jose Colin Bagaforo, D.D. dalawang mahalagang aktibidad ang nakalatag. Una, ang Cotabato Province Peace Summit na gagawin sa a-29 ng Nobyembre na isasagawa sa Provincial Capitol, Amas, Kidapawan City.

Ito ay lalahukan ng multi-sectoral groups na kinabibilangan ng LGU’s, AFP, PNP, NDF-CPP, MILF at MNLF.
Ang ikalawa ay ang Bike for Peace na gagawin naman sa November 30.

Ito ay tatampukan ng mga libu-libung bikers mula sa Cotabato City, Parang, PPALMA area, Tacurong-Isulan, Mlang, Kidapawan City at iba pa.

Ang mga partisipante ay magkita-kita sa Notre Dame of Kabacan gym para sa prayer at Peace Rally. Tema ng Mindanao Week of Peace ngayong taon ay naka-angkla sa: ‘Owning Mindanao’s History for Peace and Development’.

Ang nasabing kampanya para sa Kapayapaan ay pinangunahan ng mga Bishops at mga Ulama sa isang pagtitipon. Layunin nito ayon sa Obispo na makamtan na ang matagal ng minimithing kapayapaan sa Mindanao na ninanais ng taga rehiyun at ng buong bansa para sa kaunlaran.

Sa survey ng Social Weather Stations, noong nakaraang taon ang Mindanao region ay mayrong 8.3 percent hunger rate o may kabuuang 429,000 pamilya ang nagugutom noong ikatlong quarter ng taon dahil na rin sa kawalan ng peace and order sa kabila ng pagiging mayaman ng rehiyun sa sektor ng agrikultura.



-0-



Patunay lamang na hindi nahuhuli ang talentong pinoy sa mga internasyunal na paligsahan. Ito matapos na magwagi si Nathaniel Cabanero na tubong Magpet, North Cotabato sa patimpalak sa Tipperary International Song of Peace Contest.

Ang paligsahan ay ginanap sa bayan ng Tipperary sa bansang Ireland nitong Sabado ng gabi. Ang composisyon ni Cabanero ay pinamagatang ‘Only When’ na pinerform ng kanyang may bahay na si Judie Alegarme.

Umani ng positibong reaksiyon ang obra maestra ng pinoy kungsaan napahanga nito ang halos lahat ng mga hurado. Si Nathaniel ay nag-iisang pinoy na kasapi ng Irish Music Rights Organization (IMRO) at ito na ang pangalawang pagkakataon nanakapasok siya sa top 10 finalist sa Tipperary Song of Peace Contest.

Naiuwi nito ang panalo na €1,500 at isang Crystal Award mula sa Tipperary Peace Convention. Nakahiligan na ni Nathaniel ang pagsusulat ng mga kanta na produkto ng kanyang sariling reflections at naka-angkla sa usaping karapatang pantao.         




-0-


Tuluyang nakubkob ng tropa ng pamahalaan ang tatlong mga inabandonang kampo ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF na sinasabing ISIS inspired group sa Carmen, North Cotabato.

Sa panayam ng DXND-Radyo BIDA kay 6th ID DPAO chief Captain Arvin Encinas, nadiskubre nila ang magkahiwalay na kampo ng BIFF sa bahagi ng Barangay Bentangan at Tonganon, ayon sa ulat kahapon.


Ito dahil sa nagpapatuloy na operation ng militar laban sa pangkat ni Esmael Abulmalik na may alyas Commander Abu Torayfe ng ikatlong faction ng BIFF. Sinasabing may 70 taga-sunod ni Torayfe.

Inabandona ng mga teroristang grupo ang kanilang kampo kungsaan narekober ang ilang mga tent, canopy at bahay kubo.

Sinabi ni Encinas na kayang mag accommodate ng higit isang daan katao ang nasabing kampo. Maalala na nagsagawa ng airstike at nagpaputok ng artillery ang mga sundalo sa posisyon ng mga kalaban.

Ayon sa ulat may mga nasawi umano sa panig ng kalaban pero wala pang kumpirmasiyon dito ang militar.

Dahil sa nasabing kaguluhan daan-daang mga sibilyan ang nagsilikas sa kabilang bayan matapos na maipit sa nasbaing kaguluhan.




-0-




Ipinaliwanag ang advantages at disadvantages ng isinusulong na federal form of government sa isinagawang forum hinggil sa perspective and impact ng Pederalismo.

Ang forum ay isinagawa sa Provincial Capitol, Amas, Kidapawan City, kahapon ng hapon. Ito ay dinaluhan ng mga opisyal ng lalawigan na pinangunahan ni Cotabato Gov. Emmylou Lala Taliño Mendoza, Vice Gov. Shirlyn Macasarte mga board members kasama na ang mga alkalde at mga opsiyal ng barangay.

Naging pangunahing bisita naman si dating Senate President at author ng Local Government Code Aquilino ‘Nene’ Pimentel at kanyang inihayag na mas mainam ang plano ng Administrasyong Duterte na federal form of government.

Sa katunayan aniya itinutulak niya ito sa Kongreso subalit natabunan na lamang ng panahon. Ayon kay Pimentel sa Federalismo, madadagdagan ang kapangyarihan ng local government units (LGUs) na magbibigay pag-unlad dito dahil sa hindi lamang ito sesentro sa agrikultura, kalusugan at social welfare.

Sinabi naman ni Dr. Sanjay Claudio ang Dean ng Polytechnic University of the Philippines na 39% sa mga Pinoy ay suportado ang Fedearl form of Government, 33 ang tutol at 28 ang undecided.

Aniya pa, 73% ng mga Pilipino ang kunti ang alam at walang alam sa saligang batas habang 27% ang may alam sa konstitusiyon.  Bago ang forum ay nanumpa naman ang nasa anim na Libung mga bagong ksapi ng Partido Demokratiko Pilipino – Lakas ng bayan o PDP-Laban.  
  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy