NDBC BIDA BALITA (11.9.17)

NDBC BALITA  • Thu Nov 9, 2017 09:04 AM  •  106   0
By NDBC NCA
  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy
NEWSCAST NOVEMBER 9, 2017 (THU)
7:00 AM
 

HEADLINES:
 

1. Cotabato City LGU, muling tumanggap ng Seal of Good Local Governance mula sa DILG ngayong taon.  

2. Municipal Agriculturist, patay sa pamamaril sa Arakan, North Cotabato.  

3. Illegal small scale mining operation sa T’boli, South Cotabato, ipasasara ng pamahalaang panlalawigan  
4. 5 miembro ng NPA, nahuli ng pulisya at Army sa Lake Sebu, South Cotabato 


-0-




MULING TUMANGGAAP ng Seal of Good Local Governance ngayong taon ang lokal na pamahalaan ng Cotabato city mula sa Department of the Interior and Local Government o DILG.  

Kaugnay nito ay lubos naman ang pasasalamat ni city mayor Cynthia Guiani-Sayadi sa lahat ng mga opisyal at kawani ng City LGU at sa lahat ng mga mamamayan ng syudad sa patuloy na pagtitiwala at pagsuporta sa kanilang pamahalaang lokal.  

Ayon kay Sayadi, ang naturang parangal ay isang malaking accomplishment hindi lamang para sa kanila kundi para sa lahat ng mga mamamayan ng lungsod dahil sa pamamagitan nito ay madadagdagan pa ang mga proyekto na ipatutupad para sa ika-uunlad ng syudad.  

Nabatid na para maging recipient ng Seal of Good Local Governance, kinakailangang pumasa ang isang LGU sa mga requirement na kinabibilangan ng improvements on performance, accountability, transparency, at participation.  

Taglay naman ng requirements na ito ang tatlong core assessment areas na Good Financial Housekeeping, Social Protection at Disaster Preparedness.   Habang isa naman mula sa essential assessment areas tulad ng Business-Friendliness and Competitiveness, Peace and Order, o Environmental Management.  



-0-



Sa iba pang balita, inaasahang lalago pa ang industriya ng Halal sa Cotabato city sa mga susunod na araw.   Ito naman ay matapos ng isinagawang consultative assembly and Stakeholders Planning para sa pagpapalago at promosyon ng halal industry sa syudad na pinangasiwaan ng Cotabato city LGU.  

Sa naturang aktibidad na dinaluhan ng mga hala stakeholder naging panauhin ang Halal expert at founder ng Halal Resource Center na si Jamil Olermo.  

Ibinahagi nito sa mga partisipante ang mga kaalaman para sa pagpapaulad ng halal industry at kung papaano maisasakatuparan ng syudad ang planong maging halal hub o maging sentro ng halal production and trading sa central Mindanao o maging sa buong bansa.  


-0-



TULOY NA TULOY NA ang Bangsamoro general assembly na pangangasiwaan ng Moro Islamic Liberation Front o MILF at Bangsamoro Transition Commission o BTC ngayong buwan.  

Ito ay matapos ng tatlong beses na postponement ng naturang aktibidad dahil sa iba’t ibang kadahilanan.   Sinabi ni MILF 1st Vice Chairman for Political Affairs at BTC Chair Ghazali Jaafar na tuloy na sa November 26-27 ang Bangsamoro general assembly na gaganapin sa Old Provincial Capitol Compound sa Crossing Simuay, Sultan Kudarat, Maguindanao.  

Inamin naman ni Jaafar na pangunahin sa mga dahilan ng ilang beses na pag-urong sa petsa ng aktibidad ay dahil sa mahigpit na schedule ni Pangulong Duterte.   Aniya, nais kasi ng pangulo na dumalo sa naturang pagtitipon at makiisa sa mga mamamayang Moro kaugnay ng isinusulong na pagpapasa ng Bangsamoro Basic Law o BBL.  

Ipinaliwanag naman ni Jaafar na kailangang matuloy ang Bangsamoro general assembly alinsunod sa direktiba ni Pangulong Duterte.   Batay kasi sa Executive Order ng pangulo, dapat na magsagawa ng bangsamoro general assembly kapag nabuo na ng BTC ang bagong BBL na ngayon ay nasa kamay na ng Kongreso.  

Tiwala naman si Jaafar na hindi na muli pang maipagpapaliban ang naturang aktibidad na inaasahang dadaluhan ng nasa mahigit 500 libo hanggang isang milyong partisipante mula sa iba’t ibang sektor.   S

Samantala, ilan pa sa mga panauhing inaasahang dadalo sa bangsamoro general assembly ay mga ambassador at foreign dignitaries na may kaugnayan sa peace process, liderato ng mataas at mababang kapulungan ng Kongreso at mga opisyal mula sa ARMM.



-0-



PINAGPAPALIWANAG ng Ombudsman for Mindanao si dating Sulu governor Abdusakur Tan at anim na iba pa kaugnay ng reklamong kidnapping ng isang German journalist.   Sinabi ng Deputy Ombudsman for Mindanao na dapat sagutin ni Tan ang akusasyon ng pagdukot noong July 2000 sa Jolo kay Andreas Lorenz, correspondent ng Der Spiegel, habang nagko-cover ito ng Sipadan hostage-taking.  

Si Lorenz ay kinidnap umano ng isang Philip na kanyang nakilala sa bahay mismo ni Sakur Tan.   Nag-ugat ang kaso matapos na kasuhan ni dating Jolo Sulu councilor Temogen Tulawei ng kidnapping at serious illegal detention at paglabag sa Republic Act 3019 o Corrupt Practices of Public Officers si Tan at iba pa.  

Bukod kay Tan, kinasuhan din sina Ahmadjan M. Hassan, Dolphy Hairal Abdulkahal, Salip Abdullah, Gulamo Uddin, Commander Daga, Commander Asbi, at iba pang John Does.   Batay sa atas ng Ombudsman, dapat magsumite ng counter-affidavits sina Tan sa loob ng 10 araw matapos matanggap ang kautusan.  

Natanggap na ni Tulawie ang kopya ng utos ng Ombudsman kay Tan gayundin ay nakatanggap siya ng kopya ng mosyon ng kampo ng dating gobernador na humihingi ng 15 araw pang palugit upang makasagot sa counter-affidavit.


-0-



Aabot sa mahigit isang milyong piso ang danyos sa pagkasunog ng isang passenger van sa Lumasal, Maasim, Sarangani kamakalawa ng gabi.   Gayunman, ayon sa Bureau of Fire Protection o BFP-Maasim, hanggang ngayon ay inaalam pa rin nila ang totoong motibo at kung anong grupo ang responsable sa insidente.  

Batay naman sa paunang imbestigasyon ng Maasim PNP, may tatlong mga pasaherong sakay mula sa General Santos city at patungong Maitum, Sarangani ang naturang van na may plakang VFP-475 na pag-aari at minamaneho rin ni Rey Napilas.  

Ngunit pagsapit sa Lumasal ay pumara ang isa sa mga pasahero at pagkababa nito ay mabilis namang lumapit ang ilang armadong mga lalaki na nagpakilalang miyembro ng New People’s Army o NPA.   Pinababa umano ang driver at mga pasahero, at saka binuhusan ng gasolina ang van at sinilaban.  

Nabatid na noong nakaraang linggo ay may sinunog ding isang winged van na pagmamay-ari ng isang mall sa Malapatan, Sarangani.



-0-



HINILING ngayong ng Armed Forces of the Philippines o AFP ang tulong ng lokal na pamahalaan sa mga bayan sa Lanao del Sur para mapigilan ang muling panghihikayat ng mga natitirang miembro ng Maute Group sa mga kabataang Maranao na sumapi sa kanilang grupo.    

Sinabi ni Army’s 1st Infantry Division commander Brig. Gen. Rosseler Murillo na dapat ay huwag lamang ipagkatiwala sa militar at pulisya ang paglaban sa terorismo bagkus ay kinakailangang magtulungan para na rin sa kinabukasan ng mga kabataan sa kanilang bayan.  
Una ng nagpahayag ng pangamba ang ilang municipal mayors ng Lanao del Sur dahil lumutang ang grupo ng isang Wayda Marahomsar Benito na nagsagawa ng recruitment sa ilang mga barangay partikular sa mga bayan ng Piagapo at Butig ng Lanao del Sur.  

Sinabi ni Murillo na hindi dapat mangamba ang mga LGU official sa kanilang seguridad at kailangan lamang aniya nilang makipag-ugnayan at makipagtulungan sa mga otoridad.   Inihayag din ng heneral na matagal na nitong sinabi at ipinaliwanag sa LGU officials na huwag pabayaan ang kanilang lugar at laging mag-monitor.  

Dapat din aniyang ipa-intindi ng mga LGU official sa kanilang mga nasasakupan ang kasiraang dulot ng terorismo.



-0-



Abot sa 75 small scale mining operation sa bayan ng Tboli, South Cotabato ang maaring ipasara oras na matanggap na ng mga operator ang Cease and Desist Order o CDO . Ang CDO ay maaring isilbi anumang oras ng deputized enforcers ng provincial mining and regulatory board o PMRB.

Ito ay ayon kay Provincial Environment and Management Office o PEMO Environment Specialist at Mines ang Geo-Sciences Management Division Chief Agnes Castanares. Sinabi ni Castanares na ang CDO ay nilagdaan mismo nina South Cotabato Governor at PMRB Chair Daisy Avance-Fuentes at Mines ang Geosciences Bureau o EMB 12 OIC Regional Director Efren Carido.

Ayon kay Castanares ang mga SSM operators na subject ng CDO ay nag-ooperate sa labas ng Minahang Bayan areas sa mga barangay ng Desawo at Kematu. Sinabi ni Castanares na ang mga SSM operators sa lugar na may active permit ay hahayaang makapag-operate hanggang sa expiry date nito.

Lumabas sa assessment ng MGB na 34 na tunnel sa T’boli na nasa Minahang Bayan area ay mayroong permit at 47 naman ang wala nito, habang 3 ang abandonado.

Natuklasan din ng ahensya na 75 sa mga tunnel na nasa labas ng Minahang bayan ay kailangan pa ng Application for Product Sharing Agreement o APSA kalakip na ang CDO.




-0-



Ikinustodya na ng pulisiya ang lima myembro ng New Peoples Army o NPA na nahuli ng mga otridad sa liblib na Sitio ng Datal Ligaw, barangay Tasiman, Lake Sebu, South Cotabato.

Kinilala ni Lake Sebu Chief of Police Senior Inspector Rene Dale Cairel ang mga suspek na sina Encarnacion Comelio Sangco, 53, asawa umano ng isang Kumander Billy ng Platoon Samsung Guerilla, Front 73 ng NPA, at nakatira sa Barangay Lambak, Senator Ninoy Aquino, Sultan Kudarat; at Ronald Kulaman Joland, alyas Karding, 19 na binata.

Arestado din ang kasama umano ng mga ito na sina Joey Inson Salon, alyas Jack/Jordan, 24, may-asawa; at Hanna Blasan Adam, 18, pawang mga taga Sitio Datal Ligaw, Barangay Tasiman at Bryan Dialoring Muca, alyas Brown, 21, binata ng Barangay Kabasagan, Matan-ao, Davao del Sur.

Nakuha ng mga otoridad sa mga ito ang dalawang Granada, tatlong baril at mga bala. Ang mga naaresto ay pawang mga myembro umano ng Platoon Samsung Guerila Front 73 ng NPA.

Sila ay nahuli sa joint operation ng Lake Sebu PNP at 27th IB ng militar.




-0-


Kinasuhan na ng murder ng pulisiya si PO3 Sammy Jan Rebite. Si Rebite na nakatalaga sa Lutayan, Sultan Kudarat, Municipal Police Station ang suspek na bumaril at pumatay sa 63 anyos na Senior Citizen na si Renato Losbanes.

Ayon sa Koronadal City PNP na pinamumunuan ni Police Superintendent Ronald Allan Penaverde, ang kaso laban kay Rebite ay isinampa sa pamamagitan ng regular filing sa Koronadal City Prosecutors Office. Ang suspek na pulis ay mananatili muna sa custody ng Koronadal City PNP habang hindi pa pinapayagan ng korte na makapagpyansa .

Tumanggi namang magbigay ng pahayag sa Radyo Bida ang suspek na pulis. Pero ayon sa sumbong nito sa Koronadal PNP, napilitan umano siyang barilin ang biktima matapos siyang paluin ng kahoy at saksakin. Ito ay habang pinakakalma ang kapitbahay na biktima na noon umano ay nagwawala sa kanilang lugar sa Barangay San Isidro, Koronadal.



-0-


Nagbigay ng P1,175,000 na puhunan sa apat na asosasyon ng South Cotabato ang pamahalaang panlalawigan. Makikinabang sa pondo ang mga benepisyaryo ng Self-Employed Assistance Kaunlaran o SEA-K Program .

Ang mga ito ay ang Pag-ibig SEA-K Association ng Barangay Zone III sa Koronadal City na tatanggap ng 260, 000; MCF-RICLA SEA-K Association ng Silway 8, Polomolok at Small Business Women SEA-K Association na bibigyan ng tig 250, 000 each.

Tatanggap naman ng P415,000 ang Survivor Savings SEA-K Association ng Brgy. Lumakil, Glamang sa nasabing bayan. Ito ay ayon kay Provincial SEA-K Coordinator Bobby Salanio.

Sinabi ni Salanio na sa November 15 magbibigay din ng dagdag na capital ang lalawigan sa Sweet Nature SEA-K Association ng Palo 19 sa Tampakan. Layon ng SEA-K Program na pautangin ng dagdag na puhunan ang mga maliliit na negosyante na walang interes. Ito ay upang may magagamit sa pagpapaunlad ng kanilang mga negosyo.



-0-


Patay ang municipal agriculturist ng bayan ng Arakan habang lulan ng kanyang motorsiklo ng pagbabarilin ng mga suspek nan aka motorsiklo sa Sitio Napanlan, Poblacion, Arakan, North Cotabato.

Kinilala ni P/Supt. Bernard Tayong, CPPO spokesperson ang nasawi na si Edgar Araña, 57-anyos, head ng Department of Agriculture ng nasabing bayan. Batay sa inisyal na ulat, alas 8:30 kahapon ng umaga ng sakay ang biktima sa kanyang motorsiklo at binabaybay ang national highway sa nabanggit na lugar patungo ng Poblacion Proper ng sundan ng riding tandem criminals at pinagbabaril.

Nagtamo ang biktima ng maraming tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan na nagging dahilan ng agaran nitong kamatayan. Mabilis namang tumakas ang suspek matapos isinagawa ang masamang balakin. Blangko pa ang PNP kung ano ang motibo sa krimen.    



-0-
     



Kalunos-lunos na kamatayan ang sinapit ng mag-ama sa kamay ng suspek ng pagsasaksakin dahil sa ‘crime of passion’ sa panibagong krimen na naganap sa Purok 5, Brgy. Pag-asa, Mlang, North Cotabato, kahapon.

Sa ulat na nakarating kay P/Supt. Bernard Tayong, CPPO Spokesperson, kinilala ang suspek na si Antonio Lacabe, 38-anyos at residente ng Riverside, Brgy. La Suarte, Mlang. Habang kinilala naman ang mga nasawi na sina Bonifacio Tubo Monta at anak nitong si Flordeliza Monta.

Ayon sa ulat, ang babaeng Monta ay dating ka-live-in ng suspek. Nangyari ang insidente alas 5:30 Miyerkules ng madaling araw kungsaan sinuyo diumano ni Lacabe ang dating ka-live-in para makipagbalikan. Pero ‘di pumayag si Flordeliza (dating ka live-in) dahilan para mag-amok si Lacabe at inundayan ng saksak si Flordeliza at ang tatay ng huli.

Sugatan naman sina Kapitan Gerardo Jugilon, punong barangay ng Pag-asa kasama si Romeo Penida Parcia ng rumesponde sa insidente upang pumagitna sa gusot, ng idamay ng saksak ng suspek.

Ang dalawang sugatan ay mabilis na isinugod sa bahay pagamutan para sa medikal na atensiyon habang tuluyan namang nasawi ang mag-amang Monta dahil sa tindi ng sugat na tinamo. Tuluyan namang naaresto ang suspek sa tulong ng mga elemento ng Mlang PNP. Selos o love triangle ang isa sa mga anggulong tinututukan ng pulisya sa nasabing krimen.



-0-


Walang katotohan. Ito ang sagot ni Tourism Officer Designate Jose Isidro Mainit ng LGU Makilala at Acting Manager ng Zipline sa isyu hinggil sa diumano’y illegal na gawain ng ilang crew sa Zipline na nasa New Israel, Makilala, North Cotabato.

Ginawa ng opisyal ang paliwanag sa DXND-Radyo BIDA matapos na ireklamo ang ilang mga iregularidad na kinasasangkutan ng mga empleyado.

Isa na dito ang pagliban sa trabaho pero kumpleto ang Daily Time Record o DTR. Ang masakit pa, Job Order pero nag-aaral at kinukuntsaba ang mga kasamahang ka-trabaho na i-time in sa DTR.

Bagama’t ilan sa mga alegasiyon ay totoo, pero ayon kay mainit hindi naman nakakalusot ang mga nag-a-absent o di kaya ay hindi kumpleto ang DTR kasi pinabubusisi pa nito bago ang pag-release ng sahod. Nilinaw din ni Mainit na kapag job order, walang employer-employee relationship. No work no pay din ang mga ito.

Ang naging paliwanag ni Jose Isidro Mainit, tourism Officer Designate LGU Makilala at Acting Manager ng Zipline Ang New Israel Zipline sa bayan ng Makilala ay isa sa pinakamahabang zipline sa South East Asia na may habang 2.3 kilometro.

Sinabi ni Mainit na bukod sa Zipline ay atraksiyon din dito ang mga malilikot na unggoy at ang ‘faith tourism’ kungsaan naka-preserba ang kakaibang kultura at paniniwala ng mga Moncadista. Kabilang sa mga kilalang tourist destination sa North Cotabato ay ang Asik-asik falls sa Alamada, Paniki Falls at river park sa Kidapawan city at maraming iba pa.    



-0-



Nakakuha ng 80.84 na efficiency rating sa anti red tape campaign o arta ang city LGU mula sa civil service commission. Ito ay batay naman sa ginawang survey at panayam ng mga taga-civil service sa kawani ng City hall.

Ibig sabihin nito na nakakuha ng ‘GOOD EFFICIENCY RATING’ ang City LGU ayon pa sa CSC mula sa isinagawang ARTA Report Card Survey. Welcome development ang nabanggit, ayon pa kay City Mayor Joseph Evangelista dahil patunay lamang ito na naibibigay ng City Government ang karampatang serbisyo publiko sa mamamayan.

Ilan lamang sa pinuri ng CSC ay ang paglalagay ng Citizen’s Charter ng City LGU sa bawat tanggapan nito. Naglalaman ng mga proseso sa bawat transaksyon ang Citizen’s Charter kung saan ito ay nagbibigay gabay sa publiko kung papaanong makatatanggap ng nararapat na serbisyo , kung sino ang responsableng kawani ang dapat magbigay nito at ang kung gaano katagal dapat ibigay ang serbisyo.

Pinuri din ng CSC ang paglalagay ng Physical Lay-out ng City LGU na siyang nagbibigay kaalaman sa publiko kung saan matatagpuan ang mga tanggapan nito. Kasali din na nakakuha ng ‘good rating’ ang pagkakaroon ng mga pasilidad para sa mga Persons with Disabilities at ang pagbabawal sa paninigarilyo sa lugar.

Bagamat mataas ang marka, susubukang mahigitan pa ng City Government ang pagbibigay serbisyo at pagpapatupad ng ARTA.

  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy