Friday Apr, 26 2024 03:35:39 AM

NDBC BIDA BALITA (11.12.19)

Local News • 14:00 PM Tue Nov 12, 2019
917
By: 
NDBC NCA

HEADLINES:

1. Ilang mga lugar ng Makilala, North Cotabato, inulan ng yelo habang mga pansamantalang tirahan ng mga bakwit, sinira ng malakas na ulan at hangin.

2. GRANADA, natagpuan sa garahe ng mataas na opisyal ng isang construction firm sa Cotabato city.

3. Cafgu Member, inaresto ng mga pulis matapos tutukan ng armas ang isang barangay kagawad sa Tantangan, South Cotabato

4. Malacañang, payag umano sa plano ni VP Robredo na tanggalin ang Oplan Tokhang.

 

ANG DETALYE NG MGA BALITA

 

-0-

 

Bumuhos ang malakas na ulan na may kasamang hangin at yelo sa ilang evacuation center sa Makilala, North Cotabato kahapon ng hapon.

Ipinakita ng ilang mga netizen sa kanilang social media post sa facebook kung gaano karami ang yelong dala ng pag-ulan at malakas na hangin na tumama sa ilang bahagi ng North Cotabato kahapon ng hapon.

Kasabay ng malakas na ulan ay ang pagbagsak ng mga butil ng yelo sa ilang bahagi ng bayan ng Makilala partikular sa Brgy. Saguing habang natumba naman ang ilang mga punong kahoy dala ng malakas na hangin.

Sa lakas ng pag-ulan na sinabayan pa ng malakas na hangin, bumigat naman ang daloy ng trapiko sa bahagi ng Malaang-Saguing, Highway na sakop ng Makilala, matapos na matumba ang mga kahoy sa gilid ng kalsada tumagal ng hindi abot sa kalahating oras ang pag-ulan. Ayon sa PAGASA, normal lamang ang pag-ulan ng yelo o hailstorm lalo na kung may thunderstorm.

Dagdag pa nito na ang hail ay yelo na bumabagsak galing sa isang severe thunderstorm at nabubuo ang ito kapag masyadong mainit ang isang lugar na magdudulot ng pagtaas ng mga water vapor na maaring lumagpas sa tinatawag na freezing level (0 °C) kung saan ang mga water vapor ay pwedeng magfreeze at maging isang yelo. Kapag marami nang yelo na sa itaas ng isang thunderstorm clouds, ito ay bumabagsak sa lupa bilang hail.

Ang mga naturang tipak ng yelo ay bumabagsak sa bilis na mahigit 100 kilometro kada oras. Samantala, nasira naman ang mga itinatayong tolda ng mga bakwit matapos ang malakas na ulan at hangin kahapon ng hapon. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Mahigit 300,000 na halaga ng shabu, nakumpiska sa dalawang arestado na drug suspek sa Pikit, North Cotabato

Arestado ang dalawang mga drug suspek sa isinagawang buy-bust operation ng mga pulis sa Sitio Lamak, Poblacion, Pikit North Cotabato alas 4:00 ng hapon kahapon.

Kinilala ang mga nahuli na sina Salahudin Tabara Mabang alyas Salahudin, 34 anyosat residente ng Datu Piang Street Pikit at Ryan Dela Cerna Laina, 26 years old, at residenteng Purok every day. Ang operasyon ay isinagawa ng PDEA 12 at ng Pikit PNP laban sa dalawang mga tulak droga sa lugar.

Nakumpiska sa dalawang mga drug suspek ang labin-limang mga sachet ng pinaniniwalaang shabu na tinatayang aabot sa 377,000pesos at mga drug paraphernalia.

Nasa kustudiya na ng Pikit PNP ang dalawa at inihahanda na ngayon ng Pikit PNP ang kasong paglabag sa of RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. Habang kulongan din ang bagsak ng isang na lalaki matapos maaresto sa hiwalay ding buy bust operationg ng Kidapawan City PNP kagabi.

Kinilala ang suspek na si Erasmo B. Villahermosa, 29 anyos residente ng Delima Subdivision Barangay Poblacion. Nakipag transaksyon ang suspek sa isa sa mga asset ng PNP para magbenta ng droga at nang maiabot ng ang buy bust money ay dito siya inaresto.

Nakuha mula sa kanya ang isang sachet ng pinaghihinalaang shabu at ang 1 thousand pesos na marked money. Aminado ang suspek na gumagamit ito ng iligal na drora pero itinaggi niyang kanya ang nakuhang droga. Inaasahang maisasampa na ngayong araw ang kaso laban sa suspek na naka kulong na sa custodial facility ng kidapawan city PNP.

 

-0-

 

Nabulabog ang mga nakatira sa isang bahay sa Federville Subdivision, Barangay Rosary Heights 11, Cotabato city matapos na matagpuan umano sa kanilang garahe ang isang granada.

Sinabi ni APOLLO GATCHALIAN ALGAS, 49 anyos, may asawa, at vice president ng COMPAC 3 Construction Firm, na bandang alas otso ng umaga kamakalawa nang makita umano nito ang isang granada sa kanilang garahe kaya’t agad na nagsumbong sa pulisya.

Mabilis namang nagresponde sa lugar ang mga tauhan ng Police Station 2 at bomb squad at na-recover ang isang M67 Fragmentation Grenade na wala ng safety pin.

Ligtas na na-disrupt ng EOD Team ang granada habang nagpapatuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng mga otoridad para alamin ang motibo sa tangkang pagpapasabog sa tahanan ng mga Algas.

Samantala, tinangay naman ng pinaghihinalaang kawatan ang mga mamahaling gamit sa loob ng isang tahanan sa Don E. Sero Street, Barangay Rosary Heights 9.

Ayon sa may ari ng bahay na si BAIKAN SALIK ABDULLAH, kararating lamang niya mula sa byahe pasado alas otso ng umaga kamakalawa nang mapansin umano na tila may pumasok sa kanilang tahanan habang walang tao.

Laking gulat na lamang ng biktima ng madiskubre na wala na ang kanyang mamahaling TV, washing machine at thread mill na umabot sa 61 libong piso ang halaga.

Wala ng nagawa si Mrs. Abdullah kundi magtungo na lamang sa pulisya para isumbong ang insidente.

 

-0-

 

Sa Aleosan, North Cotabato, tatlo katao sugatan kabilang ang isang Grade 7-student matapos hagisan ng IED habang nasa isang birthday party kamakalawa ng gabi.

Sugatan ang tatlo katao habang nasa isang birthday party sa isang bahay matapos itong hagisan ng hindi pa matiyak na uri ng improvised explosive device o EID sa Pruok 4, Brgy Bagolibas, Aleosan, North Cotabato, bandang alas 4:55 ng hapon kahapon.

Kinilala ni Aleosan PNP Chief Police Captain Arvin John Cambang ang mga biktima na sina Eleuterio Macaya Cantomayor, 64-anyos, may asawa; Randy Poja Cantomayor, 44-anyos, may-asawa kapwa magsasaka at isang menor de edad na isang grade-7 student, lahat ay residente ng nabanggit ng lugar.

Ayon sa ulat ng pulisya, habang nasa isang kasiyahan ang tatlo ay bigla nalang dumating ang tatlong suspek sakay ng isang kulay asul na Kawasaki Baja na motorsiklo at saka hinagis ang pampasabog.

Agad namang naisugod ang tatlo sa pagamutan at nagpapagaling na ito ngayon habang patuloy pa ang imbestigasyon ng PNP sa motibo ng krimen.

 

-0-

 

Droga, armas at pampasabog, nakumpiska sa bahay ng dalawang mga suspek na target ng operasyon sa bayan ng Mlang at Kabacan, North Cotabato

Nakumpiska ng mga otoridad ang droga, armas at pampasabog sa bahay ng suspek na target sana ng operasyon pero nakatakas matapos na matunugan ang PNP sa Sitio Malabuaya BarangayKayaga Kabacan, Cotabato ala 1:20 ng madaling araw kahapon.

Dala ng mga pulis ang search warrant na may kinalaman sa iligal na droga laban sa suspek na si Bona Buday at nakatira sa nasabing lugar.

Nakuha ang limang mga sachet ng iligal na droga, mga drug paraphernalia at 38 revolver na may mga bala at isang hand grenade. Patuloy pang tinutugis ng Kabacan PNP ang nasabing suspek at kakaharapin ang kasong isinampa laban sa kanya.

Samantala, pagsapit ng alas 3:00 naman ng madaling araw ay isinagawa naman ng Mlang PNP ang hiwalay na operasyon sa Barangay Bagontapay, Mlang. Nakilala ang naaresto na si Ariel Flores, nakuha sa bahay nito ang isang box ng posporo na may lamang marijuana at baril.

Kulong na ngayon ang dalawa sa custodial facility ng PNP at kakaharapin ang kasong isinamapa laban sa kanila. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

DSPC 2019 ng Cotabato Division, umarangkada na, habang mga mag- aaral ng elementarya sa ilalim Cotabato Division, nagpakita ng galing sa Radio Broadcasting

Sa murang edad ay nagpamalas na ng kanilang galing at talento ang mga batang mag-aaral mula sa iba't-ibang elementary schools sa ilalim ng DepEd Cotabato Division sa larangan ng pamamahayag.

Sa kabubukas na Division Schools Press Conference o DSPC 2019, nagwagi kahapon sa radio broadcasting competition ang President Roxas Elementary School, pumangalawa ang Carmen North West at pumangatlo naman sa pwesto ang Pigcawayan Central Elementary School.

Abot naman sa libu-libong mga mag-aaral at coaches ang lumahok sa DSPC mula sa iba't-ibang elementarya sa ilalim ng Cotabato Division sa Pres Roxas Central Elementary School, siyang host school ngayong taon.

Samantala, ngayon araw naman ay gagawin ang pagbibigay patimpalak sa mananalong pambato sa mga individual contest gaya ng Editorial, Feature, News at Sports Writing, Editorial Cartooning, Photojournalism at iba pa sa parehong English at Filipino category.

Ang DSPC ay naglalayong mahasa pa ang kahusayan ng mga mag-aaral at maisulong ang responsable at malayang pamamahayag. Sa nasabing contest ay pipili ng Top 5 na siyang magrerepresenta sa Cotabato Division sa Regional Schools Press Conference na gaganapin sa General Santos City.

Samantala, bukas naman November 13 ay gaganapin ang DSPC ng Cotabato Division sa secondary level sa parehong pa ring venue. Tema ng DSPC 2019: Empowering Communities through Campus Journalism.

 

-0-

 

ISINUGOD sa ospital ang pito katao, kabilang ang tatlong mga bata matapos na masangkot sa vehicular crash ang kanilang sinasakyang multicab pasado dakung alas tres ng hapon kahapon sa national highway na sakop ng Brgy. Bitu, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.

Nakilala ang mga sugatan na sina Johani Guiamlod, 9 years old; Datu Sahid Sarip, 10; Maika Guiamlod, 8; Ali Guiamlod, 53; Noraida Sarip, 47; Norhaya Dalandang, 57; at Datu Aiben Guiamlod, 25, pawang mgaq magkakamag-anak at mga residente ng barangay Semba, DOS at Barangay Poblacion 7, Cotabato city.

Ayon sa pahayag ng may-ari ng multicab na minamaneho ng driver nitong si alyas Ulo, galing umano sila sa Koronadal city nang mawalan ng kontrol sa manibela ang driver at nahulog sa shouldering ng kalsada.

Wala naman nasawi sa aksidente ngunit ang mga ito ay nagtamo ng sugat at bali habang wasak naman ang salamin ng sasakyan at nayupi ang unahan nito.

 

 

-0-

 

SUMASAILALIM ngayon sa Water Search and Rescue o WASAR Training sa Army’s 6th Infantry Division Training School, sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao ang umaabot sa 50 volunteers ng Bantay Tulay at Baha ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.

Sinimulan ang isang linggong pagsasanay kahapon na naglalayong sanayin ang mga naturang volunteer sa pagresponde sa mga emergency at kalamidad.

Isa rin itong paraan upang manatiling ligtas at disaster-resilient ang bawat komunidad ng BARMM.

Ang WASAR Training ay pinangungunahan ng MILG-Bangsamoro READi na suportado ng BARMM Office of the Chief Minister.

 

-0-

 

Pormal ng nanumpa at umupo sa kanilang mga tungkulin ang bagong alkalde at bise alkalde ng Datu Odin Sinsuat, Maguindanao kahapon.

Si dating DOS Vice Mayor Cheryl Mary Rose Ann Sinsuat ay naupo na bilang bagong alkalde habang si First Councilor Datu Mohammad Ampatuan naman ang naupo bilang bagong vice mayor ng bayan.

By rule rule of succession, nagkaroon ng mga bagong mayor at vice mayor ang DOS kasunod ng pagpanaw ni Datu Ombra Sinsuat Sr.

Isinagawa ang simpleng oath-taking ceremony sa DOS Municipal Gymnasium na dinaluhan ni Maguindanao Governor Bai Mariam Mangudadatu.

Ito ang unang pagkakataon na isang babae ang naupong local chief executive sa bayan.

Si  Mayor Cheryl Mary Rose Ann Sinsuat ay asawa ni dating Vice Mayor Sajid Sinsuat na anak naman ni Datu Ombra Sinsuat.

 

-0-

 

 

Shifting of classes ipinatupad matapos masira ng lindol ang ilang silid aralan sa Koronadal City

Nagpatupad ng shifting of classes sa kanilang mga grade 1 and 2 pupils ang Marbel I Central Elementary School na isa sa pinakamalaking public school sa Koronadal City.

Ayon kay Marbel I Central Elementary School Assistant Principal Arlene Dalmacio, wala na kasi silang mapaglagyan sa kanilang mga estudyante matapos abandonahin ang tatlong palapag na gusali sa nasabing eskwelahan.

Nakitaan kasi ito ng mga bitak matapos ang sunod sunod na mga pagyanig. Sinabi ni Dalmacio na maging ang mga silid aralan na may ten-kilometer radius mula sa kanilang three storey building na ginagamit ng mahigit apatnaraang estudyante ay inabandona din para matiyak ang kanilang kaligtasan.

Maliban sa Marbel I Central Elementary School may shifting of classes din sa ilang mga grade level sa Koronadal Central Elementary School 2. Ito ay habang ginagawa pa ang 21 make shift classroom na ang iba ay iniligay sa kanilang school gymnasium.

Sinira din kasi ng lindol ang ilang mga classroom doon. Base sa inisyal na tala ng city engineering office, ang sunod sunod na lindol ay sumira sa 129 na mga silid aralan sa mga pampublikong paaralan sa Koronadal.

 

-0-

 

Pagtaas sa presyo ng ilang mga noche Buena products kinumpirma ng Consumer Welfare Division Chief ng DTI South Cotabato

Abot sa mahigit isang daang noche Buena products ang pinayagan ng Department of Trade and Industry na magtaas ng presyo. Kalakip sa mga ito ang mga condensed milk, , fruit cocktail, mayonnaise, spaghetti, pasta, at cheese.

Gayunpaman wala pang natanggap na suggested retail price o SRP para sa mga ito ang DTI South Cotabato. Ito ay ayon kay DTI South Cotabato Consumer Welfare Division Chief Elbert Capicio.

Nabatid na abot sa dalawa hanggang labintatlong porsyento ang itataas sa presyo ng nasabing mga produkto. Ang hamon naman ay tataas ang presyo ng tatlo hanggang dalawampung piso depende sa laki. Aminado si Capicio na dahil sa pinangangambahang African Swine Fever o ASF virus maaring maapektuhan ang supply ng hamon.

Pero tiniyak nito ang sapat na supply ng iba pang mga Noche Buena products. Pinayuhan din ni Capicio ang mga mamimili na suriing mabuti ang SRP ng mga bibilhing produkto.

 

-0-

 

Provincial veterinary office magdadagdag ng livestock at poultry checkpoints kontra ASF virus sa tulong ng DPWH South Cotabato

Naghihintay pa ng pagpayag ng Department of Public Works and Highways o DPWH South Cotabato ang Provincial Veterinary Office.

Ito ay para makapaglagay ng dagdag na tatlo pang livestock at poultry checkpoints sa mga pangunahing daan ng lalawigan. Ayon kay Provincial Veterinarian Dr. Flora Bigot, layon nito na matiyak na ligtas sa African Swine Fever o ASF virus ang mga baboy na dinala sa South Cotabato.

Ipinahayag ni Bigot na sa ngayon kasi ay tanging bayan pa lang ng Polomomolok ang nalagyan nila ng quarantine checkpoint. Sa kabila nito, tiniyak ni Bigot na nanatiling ligtas pa rin sa ASF ang South Cotabato.

Paliwanag ni Bigot, bago pa man kasi makarating sa lalawigan, nasuri na sa ibang lugar ang mga baboy na dinadala sa South Cotabato. Ipinahayag ni Bigot na tinututukan ng kanilang information education campaign kontra ASF ang mga backyard hog raisers sa lalawigan. Layon nito na matiyak na hindi makapapasok sa South Cotabato ang pinangangambangang ASF virus.

 

-0-

 

Deped South Cotabato tutulong din sa mga eskwelahan na apektado ng lindol sa North Cotabato

Tutulungan ng Deped South Cotabato Division na makapagpapatayo ng Temporary Learning Spaces ang mga lugar na pinakaapekto ng sunod sunod na lindol sa North Cotabato. Ito ay bilang pagtalima na rin sa utos ni Deped 12 Regional Director Allan Farnazo.

Kaugnay nito magiging adopted school ng Deped South Cotabato Division ang Makilala Central Elementary School na may mahigit 1,500 na mga estudyante at 53 mga guro. Ito ay ayon kay Deped South Cotabato Division Education Program Specialist, Social Mobilization and Network Head Tyron Jann Villanueva.

Kaugnay nito, hiniling ni Villanueva sa mga tutulong na school heads, guro at iba pang stakeholders na bigyan prayoridad ang pagpapatayo ng temporary learning spaces, school supplies at mga gamot. Tiniyak ni Villanueva na ang pagtulong sa North Cotabato ay hindi makaapekto sa mga interbensyon ng Deped sa mga eskwelahan na apektado din ng lindol sa South Cotabato.

 

-0-

 

Cafgu Member inaresto ng mga pulis matapos tutukan ng armas ang isang barangay kagawad sa Tantangan, South Cotabato

Arestado ang isang myembro ng CAFGU dahil sa panunutok ng armas sa isang barangay Kagawad sa Tantangan, South Cotabato. Kinilala ni Tantangan Deputy Chief of Police, Police Lieutenant Ricky Delicana ang inarestong CAFGU member na si Romar Estopar, binata at nakatira sa Barangay Dumadalig sa nasabing bayan.

Si Estopar ay inaresto ng mga personnel ng Tantangan PNP na pinamumunuan ni Delicana sa kanila mismong lugar. Ito ay matapos umanong tutukan ng armas si Dumadalig Barangay Kagawad Santiago Rodolfo na pinapakalma ang kanyang pagwawala.

Nakumpiska ng mga pulis kay Delicana ang isang paltik na long barrel shotgun at tatlong mga bala nito. Inihahanda na ng Tantangan PNP ang kaukulang kaso laban sa inarestong CAFGU member .

 

-0-

 

NATIONAL NEWS………………….

OK lang umano sa Malacañang ang plano ni Vice President Leni Robredo na alisin na ang Oplan Tokhang.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, ipapaubaya nila sa pangalawang pangulo ang mga hakbang nito sa drug war.

Una nang sinabi ng bise presidente na huwag nang gamitin ang terminong Tokhang dahil hindi naging maganda ang pakahulugan nito.

Ito ay kahit sinabi ng pulisya na isa lamang itong imbitasyon sa drug personality para sumuko.

Sa iba pang balita, aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado ang Senate Bill No. 1076 o ang Malasakit Center Act of 2019.

Layunin ng naturang panukalang batas ni Senator Bong Go na ma-institutionalize ang paglalagay ng Malasakit Centers sa lahat ng 73 mga ospital na nasa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Health o DOH.

Kung mayroon kasing Malasakit Center ang isang ospital, mas mapapadali sa mga pasyente at kanilang kaanak ang paglapit at pag-aasikaso sa mga ahensya ng gobyerno gaya ng PhilHealth, DOH, DSWD at PCSO.

Nagpasalamat si Go sa mga kasamahan sa Senado dahil ginawang prayoridad ang Malasakit Center bill at naging isa sa mga batas na maagang naipasa ng 18th Congress.

Sa kabilang dako pa, pirma na lang ni Pangulong Duterte ang kailangan para tuluyang maipagpaliban ang May 11, 2020 Barangay at Sangguniang Kabataan elections.

Ito ay matapos ratipikahan ng 18th Congress ang bicameral conference committee report sa panukalang ipagpaliban ang halalan.

Agad na ipapadala ang final copy ng panukala sa Malacañang para sa pirma ni Duterte.

Sa naratipikahang panukala, ang halalan ay itinakda na sa December 5, 2022.

Kapag napirmahan ng presidente, maipagpapatuloy ng incumbent elected barangay at SK officials ang implementasyon ng mga polisiya at programa na naapektuhan ng pagkakabalam sa 2019 budget.

Uupo rin sila ng limang taon sa pwesto mas mahaba sa kasalukuyang dalawang taon.

 

AFP chief hails bravery of 7 soldiers hurt in clash vs. BIFF

MANILA – Armed Forces of the Philippines (AFP) chief Gen. Romeo Brawner Jr. on Wednesday visited and lauded the seven wounded soldiers for their...

Cotabato Light: April power bill for residential slightly higher

COTABATO CITY - The overall residential rate of Cotabato Light & Power Company (Cotabato Light) is higher by 0.2408 centavos, or equivalent to a...

Villagers displaced by hostilities between 2 Moro factions

COTABATO CITY - A Moro gunman was killed while six others were reportedly hurt in a series of gunfights on Wednesday afternoon in Barangay Banucagon...

300 pamilya, lumikas dahil sa bakbakan ng dalawang armed groups sa Pigcawayan

LUMIKAS ang nasa 300 mga indibidwal mula Barangay Banucagon, Pigcawayan, Cotabato nang sumiklab kahapon ng hapon ang bakbakan sa pagitan ng dalawang...

Cotabato Light announces power interruption for April 30

COTABATO CITY - The Cotabato Light and Power Company announced the scheduled power interruption affecting some parts of Barangay Macaguiling, Sultan...