NDBC BIDA BALITA (12.2.17)

NDBC BALITA  • Sat Dec 2, 2017 08:41 AM  •  113   0
By NDBC NCA
  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy
NEWSCAST December 2, 2017 (SAT)
7:00 AM
 


HEADLINES:


1.
Mag-asawa, patay matapos na paulanan ng bala habang papauwi sa kanilang bahay sa Midsayap, North Cotabato

2.
Kauna-unahahang State of the Division Address ibinida ng kidapawan city division.


3.
Thanksgiving at awarding ceremony isinagawa para sa mga dating drug personalities
 sa South Cotabato 




Napatay ang mag-asawa makaraang ratratin ng mga suspek na sakay ng itim na Toyota Hilux sa nangyaring pamamaril sa National Highway ng Sitio Tampat, Brgy. Olandang, Midsayap, North Cotabato.  

Kinilala ang mag-asawang nasawi na sina Tato Puaya, 35-anyos at may bahay nitong si Jarida Puaya, 32-anyos kapwa residente ng Sitio Macantal, Brgy. Olandang ng nabanggit na bayan.  

Batay sa ulat, alas 3:45 ng hapon nitong Huwebes, sakay ang mag-asawa sa isang tricycle na ‘Payong-payong’  buhat sa Datu Piang sa lalawigan ng Maguindanao at pauwi na sana sa kanilang bahay ng pagbabarilin ng mga suspek na sakay ng nabanggit na sasakyan.


Nagtamo ng maraming tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan ang mga biktima dahilan para isugod ng mga sumaklolong residente sa Dr. Elizabeth Samama Clinic sa bayan ng Datu Piang ang mga biktima.  
Pero ayon sa ulat, di na rin umabot ng buhay sa ospital ang dalawa.   Narekober sa crime scene ang 38 basyo ng cal. 5.56mm ng M16 rifle.   Patuloy pang ini-imbestigahan kung ano ang motibo sa krimen.


-0-


HINDI na umabot pa ng buhay sa Cotabato Regional and Medical Center o CRMC ang driver ng motorsiklo at ang angkas nito nang mabangga ng isang Mitsubishi Adventure pasado alas sais kagabi sa kahabaan ng COTABATO-LANAO-DAVAO National highway of Brgy. Dalumangcob, Sultan Kudarat, Maguindanao.  

Kinilala ni Sultan Kudarat Chief of Police, chief Inspector Julhamin Asdani ang mga biktimang sina BJ Kasuyo 23 years old, driver ng kulay puting HONDA XRM-125 at angkas nitong si Gardo Lamalan, 17-anyos na pawang mga residente sa lugar.  

Ayon kay Asdani, mula umano sa North Cotabato ang motorsiklo at papa-uwi na sa nasabing lugar ng aksidenteng mabangga ng Mitsubishi Adventure na minamaneho ni RACHMAN D. MACASASA, 29-anyos at residente ng brgy. Kitakubong, Alamada, North Cotabato.  

Nabatid na mula sa Cotabato City ang sasakyan at nang pagsapit sa nasabing lugar ay nag overtake ito sa isa ring sasakyan at nabangga nito ang kasalubong na motorsiklo.  

Gayunpaman, mabilis na isinugod ang mga biktima sa CRMC  ngunit hindi na ito umabot pa ng buhay dahil sa mga natamong mga sugat sa katawan at ulo.
 

Sa ngayon nasa kustodiya na ng Sultan Kudarat PNP si Macasasa at ang sasakyan nito habang wasak naman ang nasabing motorsiklo.


-0-



Umaasa ang SSS-Cotabato branch na hindi mauuwi sa pagsasampa ng kaso ang ginagawa nilang pakikipagdayalogo sa mga may-ari ng malalaking tindahan bilang bahagi ng pagpapatupad ng RACE o Run After Contribution Evaders.  

Sinabi ni SSS-Cotabato branch head Sukarno Pendaliday, nasa lebel pa lamang sila ng pangangalap ng datos o ang tinatawag na Mapping bilang pagsisimula nila ng pagkakaroon ng database.  

Ang tinig ni SSS-Cotabato branch head Sukarno Pendaliday.   Sa ngayon, wala ng dahilan ang mga employer na hindi bayaran o i-remit sa SSS ang contribution ng bawat empleyado o manggagawa sapagkat hindi lamang sa mga bangko pwedeng magbayad, may mga bayad centers o money remittances na tumatanggap ng SSS contribution remitances.



-0-



Irerekomenda nina ARMM Assemblyman Zia Alonto Adiong at Task Force Bangon Marawi chairman Eduardo del Rosario na manatili pa rin ang pag-iral ng Martial Law sa buong Mindanao kahit napalaya na ang Marawi City sa kamay ng Maute-ISIS group.

Sinabi ni Assemblyman Adiong, may mga ulat kasi na patuloy ang recruitment ng ISIS sa buong Mindanao kaya mas mainam na umiral pa rin ang Martial Law. Ayon kay Adiong, uma­abot umano sa P100,000 ang binabayad ng ISIS sa bawat makukumbinsi nilang sumapi sa kanilang grupo.

Samantala, sinabi naman ni TF Bangon Marawi chairman del Rosario, nais niyang umiral pa rin ang ML upang maging tuloy-tuloy ang rehabilitation plan ng Marawi.

Aniya, kung wala ng ML ay baka matakot ang mga contractor dahil sa pangamba ng mga ito na pumasok sa Marawi City rehab dahil na rin sa isyu ng seguridad.



-0-



Arestado ang isang 50-anyos na magsasaka makaraang madakip sa inilatag na operasiyon ng mga otoridad sa Purok 4, Brgy. Canaan sa bayan ng Antipas sa lalawigan ng North Cotabato.

Kinilala ang suspek na si Jerome Valdez Ortiga, may-asawa at residente ng Purok Santan, Brgy. Bang-Bang sa bayan ng Matalam. Nahaharap ang suspek sa kasong Attempted Homicide ng Revised Penal Code na may criminal case number 5631.

Sa ulat ni PO1 Michael Barcebal, imbestigador ng Matalam PNP namataan umano ng mga intel operatives ang presensiya ng suspek sa isang plantasiyon ng goma malapit sa kanilang bahay.

Dahil dito, ikinasa ang operasiyon laban sa suspek at tinungo ang lugar bitbit ang warrant of arrest na inisyu ni Hon. Judge Jose Tabosares, ang acting Judge ng 2nd Municipal circuit Trial court Mlang at Matalam na may petsang Pebrero 18, 2015.

Hindi na nakapalag pa ang mister matapos itong palibutan ng mga armadong operatiba at boluntaryong sumama. Sa ngayon, ang suspek ay nakapiit na sa Matalam PNP lock-up cell.        




-0-



Napatay ang mag-asawa makaraang ratratin ng mga suspek na sakay ng itim na Toyota Hilux sa panibagong krimen na naganap sa National Highway ng Sitio Tampat, Brgy. Olandang, Midsayap, North Cotabato.

Kinilala ang mag-asawang nasawi na sina Tato Puaya, 35-anyos at may bahay nitong si Jarida Puaya, 32-anyos kapwa residente ng Sitio Macantal, Brgy. Olandang ng nabanggit na bayan.

Batay sa ulat, alas 3:45 ng hapon nitong Huwebes, sakay ang mag-asawa sa isang tricycle na ‘Payong-payong’  buhat sa Datu Piang sa lalawigan ng Maguindanao at pauwi na sana sa kanilang bahay ng pagbabarilin ng mga suspek na sakay ng nabanggit na sasakyan.


Nagtamo ng maraming tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan ang mga biktima dahilan para isugod ng mga sumaklolong residente sa Dr. Elizabeth Samama Clinic sa bayan ng Datu Piang ang mga biktima. Pero ayon sa ulat, di na rin umabot ng buhay sa ospital ang dalawa.

Narekober sa crime scene ang 38 basyo ng cal. 5.56mm ng M16 rifle. Patuloy pang iniimbestigahan kung ano ang motibo sa krimen.        



-0-



Kulungan ang bagsak ng isang rape suspek matapos na maaktuhang ginagahasa ang isang 10-anyos na batang babae sa New Carmen, Tacurong City sa lalawigan ng Sultan Kudarat.

Kinilala ang suspek na si Romeo Sapuyot, nasa hustong gulang at residente ng nabanggit na lugar. Sa panayam ng Radyo BIDA Kidapawan kay Josephine Navarro, kapitbahay ng suspek, naaktuhan umano nilang nakapatong ang suspek sa biktima.

Kaya agad na pinasok nila kasama ang mga kapitbahay na halos mga kababaihan ang silid ng suspek. Nagawa pang makatakas ni Sapuyot, pero na korner ng mga kapitbahay sa isang damuhan at pinagtulungang gulpihin. Tumawag ng saklolo ang mga residente sa lugar at sa tulong ng barangay opisyal na humingi ng tulong sa pulis ay tuluyang naaresto ang suspek.

Sa panayam kay Sapuyot, sinabi nitong di niya ginalaw ang bata pero inamin nitong kanyang pinatungan dahil sa sobrang kalasingan at itinuturing umano nitong anak na ang biktima.

Labis naman ang kanyang pagsisisi at humihingi ng patawad habang nakapiit ngayon sa Tacurong City PNP lock-up cell.



-0-



Patuloy pa ngayon ang ginagawang imbestigasiyon hinggil sa motibo sa pagpaslang sa isang crew ng manpower company sa Brgy. Bulit, Datu Montawal, Maguindanao alas 2:20 kahapon ng hapon.

Sa panayam kay PI Razul Pandulo, hepe ng Datu Montawal PNP kinilala ang biktima na si Edison Cape. 26-anyos at residente ng Diplahan, Zamboanga Sibugay.

Sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, sakay ang biktima sa kanyang kulay itim na XRM 125 na may license plate 090106 mula sa Zamboanga Sibugay papunta ng Digos city at pagdating sa nasabing lugar ay pinagbabaril ang biktima.

Patay noon din ang biktima matapos na magtamo ng maraming tama ng bala sa di pa matukoy na uri ng baril.

Sinasabing sakay umano ng SUV ang mga suspek at sinundan ang biktima at niratrat.

Ayon sa mga nakasaksi, agad umanong pinulot ng suspek ang mga basyo ng bala sa crime scene.

Ito dahil sa wala na umanong narekober na bala sa crime scene.



-0-




Nagsagawa ang City Government ng Koronadal ng awarding at programa ng pasasalamat para sa mga surfacing personalities involved in drugs o SPID na nakatapos na sa rehabilitation program.  

Isinagawa ang seremonya sa Mayor’s Conference Room sa temang “Pangalagaan Bayan at Mamamayan Droga Labanan”  
Layunin ng naturang aktibidad ang mabigyan ang mga ito ng programa sa pamamagitan ng community-based rehabilitation program kung saan meron silang sports activities, fellowship, at gardening upang makaiwas na sa pinagbabawal na gamot.  

Ito ang unang batch na natapos na sa rehabilation program ng city government sa loob ng anim na buwan.    


-0-  


Ipinahayag ito ni Koronadl City General Services Officer Benito Quirao. Sinabi ni Quirao na nagsimula na sa pagdecorate ang mga kalahok sa kani-kanilang designated area kung saan lalagyan nila ng mga palamuting pamasko.

Idinagdag ni Quirao na sa ngayon ay iniba nila ang judging ng nasabing kompetisyon dahil 70 porsiento ng total score sa judging ay gagawin ngayong taon at 30% naman sa susunod na taon at sa darating na buwan ng Enero 2018 naman ang awarding ng mga mananalo.

Nasa P20,000 pesos ang premyo ng mananalo sa light a tree contest na naglalayong paliwanagin lalo ang lungsod ngayong Pasko at isulong ang Filipino tradition sa pagdiriwang ng holiday season.    



-0-    




Puspusan sa ngayon ang panghihikayat ng Department of Agriculture o DA sa mga coffee grower sa buong rehiyon na pataasin pa ang kanilang produksyon.  

Sa katatapos lang na Regional Coffee Congress sa General Santos City, nabatid na panglima ang Pilipinas sa buong mundo sa pagkonsumo ng kape at nangunguna naman sa pagkonsumo ng soluble coffee.  

Nakababahala ang katotohanang ito dahil sa minimal na produksyon ng kape sa bansa.   Sa ngayon ay nasa 475,000 sixty-kilogram bags lamang ang produksyon ng kape sa bansa kada taon, habang ang consumption nito ay higit sa apat na milyon at pitong daang libong bags.  

Kung titingnan, nasa apat na milyon at tatlong daang libo ang deficit ng bansa upang masasabi na sapat ang produksyon ng Pilipinas.  

Inaasahan na sa pamamagitan ng pagbuhos ng tulong ng DA sa mga magsasaka ay mas mapatataas pa ang coffee production.  

Sa pinakahuling datos ng DA, simula pa man 2010 ay aabot na sa isang milyon at limandaang coffee planting materials ang naipamigay ng ahensya sa mga magsasaka.  

Nakapagpatayo na rin ng nasa labintatlong nursery ang DA sa ibat ibang panig ng bansa.  




-0-  



Isinailalim ng South Cotabato Highway Patrol Group (HPG) sa validation ang siyam na chop-chop o hiwa-hiwalay na bahagi ng motorsiklo na itinago sa isang motorshop sa Brgy GPS, Koronadal City.  

Nadiskubre ito ng mga otoridad matapos ituro ng isang suspect na nahuli matapos paghinalaang carnapper.  Siya ay manggagawa ng naturang motorshop kayat alam niya ang lihim nito.
 

Sa isinagawang anti-carnapping operation ng Highway Patrol Group-South Cotabato sa Morales Avenue, Barangay GPS, Koronadal City ang suspek na kinilalang si Bobot Fernandez.  

Ayonkay South Cotabato highway patrol group chief, Police Chief Inspector Arnold Cariño na kapag napatunayang carnapped ang mga chop-chop motorcycle parts ay kakasuhan ang may-ari nito ng paglabag sa Presidential Decree 1612 o anti fencing law.

Ipapasara rin ang naturang motorcycle shop.#  
  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy