NDBC BIDA BALITA (12.4.17)

NDBC BALITA  • Mon Dec 4, 2017 11:11 AM  •  111   0
By NDBC NCA
  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy
NEWSCAST DECEMBER 4, 2017 (MON)
7:00 AM
 

HEADLINES:
 

1. ANIM na mga magnanakaw ng motorsiklo, huli ng ronda team sa Cotabato City nitong weekend.  

2. Supervisor ng Mindanao Star Bus Company, patay sa pamamaril sa Digos city  

3. 12 KATAO, nasawi dahil sa HIV/AIDS sa South Cotabato ngayong taon, ayon sa Provincial Health Office  

4. Army detachment sa Maguinanao, sinalakay ng BIFF, 2 patay, 7 sugatan sa bakbakan

-0-


DALAWANG MGA SIBILYAN ANG PATAY habang pito ang sugatan, kabilang na ang apat na mga bata, nang salakayin ng tropa ng BIFF ang isang Army detachment sa Barangay Timbangan, Shariff Aguak, Maguindanao kagabi.

Sinabi ni Maguindanao police director Senior Supt. Agustin Tello isang sundalo rin ang nasugatan sa sumunod na palitan ng mga putok sa pagitan ng mga elemento ng 40th Infantry Battalion at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters Esmael Bongus faction.

Naganap ang tangkang pag-agaw sa Army detachment alas 9 kagabi.

Ang mga nasawi at nasugatan ay mga sibilyan na nakatira malapit sa Army detachment.

Hindi matiyak ni Tello kung merong mga sugatan sa panig ng BIFF.

Tuloy naman ang pagtugis ng 40th IB sa mga suspect.

Ang mga sugatang mga bata ay ginagamot sa Maguindanao provincial hospital sa Shariff Aguak.


-0-


BUKOD sa pagkakakulong ay sobra-sobrang kahihiyan pa ang sinapit ng anim kataong sangkot sa nakawan ng mga motorsiklo sa Cotabato city matapos na mag-trending sa social media.  

Nadakip ang mga suspek ng ronda team ng syudad na pinangunahan ni city mayor Cynthia Guiani-Sayadi kasama sina city PNP Director Sr. Supt. Rolly Octavio at City Police Station 2 Commander Chief Inspector Efren Salazar kamakalawa.  

Pasado alas onse ng gabi nang maaresto sa Jasmin Street, Brgy. Rosary Heights 6 ng lungsod ng mga naturang suspected carnapper na kinilang sina Penpen Alamada Kalon 21 years old, Alvin Mabandis Alon 18 years old, Rowena Epanto Balane 19 years old, Guihidin Kusain Mamalas alyas Saiden 18 years old, Kenneth Bandal 18 years old at Jorhamin Tato Abang 18 years old.  

Narekover ng mga otoridad mula sa kanila ang isang unit ng Yamaha DT-125 motorcycle na may plakang FF-2856.  

Naaretso ang mga suspect matapos makita ang mukha ng ilang mga nahuli sa CCTV camera nang nakawin ng mga ito ang isang motorsiklo sa lungsod.  

Nabatid na ibinebente nila ang mga ninanakaw na mga motorsiklo sa ilang mga bayan sa Maguindanao.  

Samantala, nananawagan naman ngayon ang Police Station 2 commander sa mga biktima ng pagnanakaw ng motorsiklo na magtungo sa kanilang himpilan para makapagsampa ng kaso laban sa mga suspect.


-0-


PINAGBABARIL hanggang sa mapatay at sinilaban pa ng umano ay mga miyembro ng Maute-ISIS Group ang mag-asawa at 17-taong gulang nilang anak sa Barangay Matampay, Marantao, Lanao del Sur nitong Biyernes.   Kinilala ang mag-asawa na sina Kagawad Khalid Ditingki, Santalia Ditingki at ang kanilang anak na si Norhidaya.  

Sa ulat ng pulisya, pinasok ng dalawang mga armadong lalaki ang bahay ng mga Ditingki at bigla na lamang silang pinagbabaril.   Hindi pa nakuntento ay sinilaban pa ng mga suspek ang bahay ng mga biktima.   Na-rescue naman ang pito pang anak ng mag-asawa na kaagad itinurn-over sa city social welfare and development sa Marawi City.  

Sinabi ni Marawi city PNP chief Police Supt. Ibra Moxsir na agawan sa lupa ang isa sa anggulong tinitingnan nila kaugnay sa naganap na pamamaslang sa mag-anak.  

Sinisilip din ang anggulong nasa likod ng brutal na krimen ay ang grupo ng Maute-ISIS na nagrerekrut sa nasabing lugar.  




-0-



Anim na bihag ng Abu Sayyaff Group o ASG ang nakalaya na sa Patikul, Sulu.   Kinumpirma ni AFP joint Task Force Sulu Commander Brig. General Cirilito Sobejana, na pinalaya ng ASG ang mga kidnap victims na sina Jessie Trinidad, 53,  Marissa Trinidad, 54, Jimmy Trinidad, 21, Lucy Hapoles, 21,  Marciano D. Hapoles, 14 at Nelson Hapoles, 7, kapwa mga residente ng Kalimayahan, Patikul, Sulu.  

Ayon kay Sobejana, ang mga biktima ay pinalaya noong December 1 dakong alas-dos ng hapon sa Sitio Buhawan, Barangay Latih nasabing lalawigan.   Ang mga biktima ay dinukot ng pitong armadong lalaki na hinihinalang mga miyembro ng ASG-Ajang Ajang sa ilalim ni Roger Samlahon dakong alas-otso ng gabi noong November 14, 2017 sa Barangay Anuling.  

Patuloy naman biniberipika ng militar ang ulat na nagbayad ang mga biktima ng board and lodging fee na nagkakahalaga ng 100 thousand pesos kapalit ng kanilang pansamantalang kalayaan dahil sila ay kabilang sa mga poorest of the poor sa kanilang lalawigan.  



-0-



UMAABOT sa higit 25 libo katao ang dumalo sa Hukbong Pederalismo Assembly na ginanap sa provincial gymnasium sa Isulan, Sultan Kudarat.   Ang mga ito ay mula pa iba't ibang mga bayan na sakop ng Sultan Kudarat province.  

Ayon kay Datu Abdula Sangki Municipal Mayor Mariam Mangudadatu, boluntaryo ang pagsama sa pagtitipon ng nabanggit na mga residente.  

Layunin aniya ng pagtitipon na ipakita ang suporta ng mamamayan ng Sultan Kudarat sa adbokasya ng Pangulong Rodrigo Duterte patungkol sa Pederalismo, kampanya kontra droga, terorismo at kampanya laban sa korapsyon.  



-0-



TINIYAK NGAYON ng Malacañang na hindi matutulad ang umiiral na Martial Law sa Mindanao, sa Martial Law na umiral noong panahon ni dating Pangulong Marcos.   Sinabi ni Presidential Communications Sec. Martin Andanar na sa ilang buwan nang umiiral ang batas militar sa Mindanao ay wala namang naitatalang mga human rights violation.  

Wala rin naman ang mga pinangangambahang pag-abuso sa kapangyarihan ng mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines.  

Binigyang-diin din ni Andanar na layon naman ng Martial Law na bantayan ang bayan, ang mga mamamayan para masigurong payapa at tahimik ang buhay ng taumbayan.  

Iginiit pa ng PCOO chief na hindi dapat bigyan ng ibang kahulugan ang sinabi ni Pangulong Duterte dahil sadya lang talagang mapagmahal ito sa mga sundalo at pulis ng bansa.



-0-




Napatay ang supervisor ng Mindanao Star Bus matapos pagbabarilin sa loob ng Digos Overland Transport terminal alas dyes ng umaga noong sabado.

Kinilala ng Digos City Police ang biktima na si Tong Angeles na residente ng Baranagy Ilian, Matalam, North Cotabato. Ayon sa mga nakasaksi sa insidente, naka upo lang umano ang biktima sa loob ng terminal ng dumating ang mga naka motorsiklong suspek at agad na pinagbabaril ang biktima. Patay noon din ang biktima matapos na magtamo ng tama ng bala sa ulo.

Narekober ng mga awtoridad ang Identification card ng biktima na kasapi ito ng Moro National Liberation Front o MNLF. Bago umano ang insidente ay may naka-away umano ang biktima sa kanyang telepono. Nakuha rin sa biktima ang isang caliber 45 pistol at dalawang magazine na puno ng mga bala.

Isa ang personal grude sa mga anggulong tinitingnan ngayon ng PNP.        




-0-



Bumuhos ang emosyon kasabay ng paghatid sa kanyang huling hantungan kahapon kay Ryan Ynion o mas kilala bilang DJ Nixus. Matatandaang si Ryan ay nagpasyang taposin ang kanyang buhay.

Kahapon ay pinuno ng kanyang mga kamag-anak, kaibigan at kakilala ang Antipas Public cemetery kung saan siya inilibing. Sa programang isinagaw sa kanilang bahay ay nagbahagi ng kani-kanilang pagkilala at mga naging karanasan ang mga malalapit sa kanya.

Lalo namang napaluha ang lahat ng nagsalita na ang kanyang ama na pinipilit ikinukubli ang kanyang mga luha at nagpapakatatag sa kabila ng nangyari sa kanyang anak.

Dito niya ikwenento kong gaano siya kahanga sa mga nagawa ng kanyang anak bago ito lumisan. Hindi naman nakadalo ang kanyang ina dahil hanggang sa ngayon ay nasa ospital pa rin ito at patuloy na nagpapagaling.

Nagpalipad naman ng mga lobo ang mga kaanak at mga kaibigan ni Ryan kasabay ng pagbaba ng kanyang mga kabaong sa kayang huling hantungan.  




-0-




Maagang pamaskong handog ang tinanggap ng lahat ng deped teachers ng lungsod mula kay city mayor joseph evangelista. Tumanggap ng tig dalawang libong pisong gift check ang bawat guro nitong December 1 mula sa alkalde na itinaon naman sa pagdiriwang ng DepEd City Division Teachers Day.

Regalo ito ng alkalde sa mga guro bilang pasasalamat sa aktibong pagsusulong ng kanyang Education Pillar program sa mga pampublikong eskwelahan. Sa kauna-unahang pagkakataon ay ipinagdiriwang ng DepEd City Division ang Teachers Day sa pamumuno ni Schools Division Supt. Romelito Flores ilalim ng partnership ng ahensya at ng City Government.

Nilagdaan din ng alkalde ang isang Executive Order na nagdedeklara sa December 1 kada taon bilang Teachers Day para sa Kidapawan City DepEd Schools Division.

Ito ay ipinagdiriwang bilang pagbibigay pugay sa mga guro sa kanilang kontribusyon na mai-angat ang antas ng karunungan ng mga mag-aaral at paghubog sa mabuting kaugalian ng mga kabataan sa eskwelahan, tahanan at komunidad. Kasabay nito ay isinagawa din ang kauna-unahang State of the Division Address ni SDS Flores bilang bahagi ng kanyang advocacy sa transparency at accountability.

Kaugnay nito, binigyan din ng parangal ang mga natatanging guro pati na mga empleyado ng DepEd na nagpakita ng magandang performance sa kanilang trabaho.



-0-



Arestado ang isang 27-anyos na magsasaka na wanted sa batas sa Purok Marang, Brgy. Onica, Kidapawan City. Kinilala ang naaresto na si Rolly Ordanel Gordon alias Kabon at residente ng nasbaing lugar. Naaresto ang suspek alas 3:30 ng hapon nitong Sabado sa nabanggit na lugar.

Bitbit ng mga otoridad ang warrant of arrest laban sa suspek na may criminal case number 07-232 dahil sa kasong homicide ng Revised Penal code.

Ang arrest warrant ay inisyu ni Hon. Judge Lily Lydia Laquindanum ng RTC Branch 16.


-0-



Mahalaga ang early detection at pagbibigay ng anti retro viral o ARV drugs sa mga nagtataglay ng sakit na HIV.

Kaugnay nito umapela si South Cotabato HIV/AIDS Focal Person John Codilla sa mayroong risky sexual behaviour na sumailalim sa screening. Ang screening ay libre sa HIV/AIDS Core Team o HACT Clinic sa South Cotabato Provincial Hospital.

Napapakinabangan din ng mga may HIV ang ARV drugs ng pasilidad. Ito ang sinabi ni Codilla matapos kumpirmahin na ngayong taon lamang 12 na ang nasawi dahil sa HIV/AIDS sa South Cotabato.

Sinabi ni Codilla na karamihan sa mga nasawi ay huli na nang malaman na nagtataglay sila ng HIV. Dalawa sa mga ito ayon kay Codilla ay binawian ng buhay noon lamang nakaraang lingo.

Ayon kay Codilla pinakabatang namatay dahil sa HIV/AIDS sa South Cotabato ang isang 17 taong gulang na binatilyo. Dinagdag din ni Codilla na mariin ngayong binabantayan ng kanilang tanggapan ang mga mayroong mga multiple partners na mas mataas ang peligro ng pagkakaroon ng HIV/AIDS.



-0-


Inaprubahan ng Department of Energy o DOE ang coal mine project ng Daguma Agri Minerals Incorporated o DAMI sa barangay Ned Lake Sebu, noon pang 2002. Ayon kay South Cotabato Board Member at Committee on Environment Chair Hilario de Pedro VI, ito ay bago pa man ang pag-apruba sa environment code ng lalawigan noong 2010.

Ito ang dahilan kung bakit ayon kay De Pedro ay maaring katigan ng SP ang coal mine project kahit na ituring pang isang uri ng open pit mining. Tatalakayin muli sa regular session ng SP ang usapin sa coal mine project ngayong araw.

Inaasahan na magiging daan ito upang masagot ng environment committee ang mga katanungan ng ibang myembro ng konseho sa proyekto. Ayon kay De Pedro posible ring magkakaroon ng nominal voting ang SP members sakali may pagtutol sa coal mine project ang ibang mga myembro.

Ang coal mine project ay tinututulan ng ilang sektor sa South Cotabato dahil sa pangambang maaring ikasisira nito ng likas yaman ng Ned.




-0-



Magingat sa paghahanda ng mga pagkain sa pasko at bagong taon. Ito ang paalala ni Koronadal city Health Officer Dr. Jean Geneive Aturdido sa publiko para makaiwas sa food poisoning.

Payo ni Aturdido sa mga mamamayan dapat tiyakin na tama lamang sa pangangailangan ng pamilya ang lulutuin. Ito ayon kay Aturdido ay upang maiwasan ang na ma-expose ang tirang pagkain na maaring maging sanhi ng food poisoning.

Ipinahayag din nito na madaling masira ang mga pagkaing mayroong sauce. Dinagdag din ni Aturdido na sa ngayon ay abala na ang mga sanitary inspectors ng lokal na pamahalaan ng Koronadal sa pagmonitor ng mga kainan at catering services.

Layon nito ayon kay Aturdido na matiyak na sinusunod ng mga ito ang kitchen safety para maiwasan ang food poisoning.



-0-



Tatlong iskolar ng DSWD 12 Top 3 sa 2017 Licensure Examination for Teachers. 

Ayon kay Department of Social Welfare and Development o DSWD 12 Regional Director Bai Zorahayda Taha, ang tatlo nilang mga Top 10 Licensure Examination for Teachers o LET passers na iskolar ay kabilang sa mahigit 70,000 na nakapasa ngayong taon.

Kinilala ni Taha ang mga ito na sina Jepold Leo Deamin ng Matalam, North Cotabato, nagtapos ng Bachelor in Secondary Education o BSED major in Mathematics na nasa Top 10 ng LET passers matapos makakuha ng 91 percent rating.

Nasa top 10 din sa secondary education ang Mathematics Major na si Jurisken Cedeno ng bayan ng Pikit sa nasabing lalawigan na mayroon ding 91 percent rating.

Hindi rin nagpahuli ang taga Alabel,Sarangani Province si Analyn Ladica na nasa Top 10 sa elementary education na nakakuha ng 86.40 rating

Ayon kay Taha ang mga Top 10 Let passers na ito ay pawang mga benepisyaryo ng Expanded Student’s Grant-In-Aid Program o ESGPPA ng DSWD.

Sinabi ni Taha na ang mataas na ranking ng kanilang mga scholar sa LET ay patunay ng pakinabang ng mga mahihirap sa kanilang mga programa.

Ayon naman kay ESGPPA Coordinator Meriam Damang, sa ngayon ay mayroon silang 1,971 na mga iskolar sa mga kolehiyo at unibersidad ng gobyerno sa Central Mindanao.

Sinabi naman ni Pantawid Pamilyang Program Coordinator Juliet Clavel na ang mga ESGPPA Scholars na myembro ng programa ang pamilya ay pipili ng kurso sa mga prayoridad na degree programs ng Commission on Higher Education.

Kabilang sa mga ito ang may kaugnayan sa information technology, agriculture, education, science and math, engineering, at health and sciences.



-0-



Mga higanteng mga palamuting pamasko dinarayo ng mga mamamayan sa Surallah, South Cotabato, light a tree contest sa Koronadal City nagsimula na rin.

Dinagsa ng mga mamamayan ang Christmas Festival sa bayan ng Surallah, South Cotabato.

Bumida kasi sa kanilang Kasadya o Masayang Christmas Festival ang ang mga naglalakihang palamuting pamasko na may taas na sampung talampakan pataas na nakapaligid sa municipal hall ng nasabing bayan.

Ang mga Christmas decorations ay gawa ng iba’t ibang sektor sa bayan na kanya kanya namang gimik sa mga ito Agaw pansin sa publiko ang naglalakihang snowman, candy cane, Christmnas Ball, Belen, poinsettia at reindeer.

Mayroong ding mga Christmas Tree na gawa sa mga patapon o recycable materials. Pero ang pinakapatok sa mga mamamayan ang higanteng Anghel.

Sa buong buwan ng Disyembre may nakahanda nang aktibidad upang magbigay saya sa mga mamamayan bawat gabi ang iba’t ibang sektor sa Surallah.

Ayon kay Surallah Vice Mayor Pinky Divinagracia, layon ng Christmas Festival na nasa panglimang taon na ngayon na magbigay ng kasiyahan hindi lamang sa mga taga Surallah kungdi maging kalapit lugar.

Sinabi ni Divinagracia na dahil sa matagumpay na taunang Christmas Festival sa kanilang lugar, kinilala ng provincial government ang bayan ng Surallah, bilang Christmas Capital ng South Cotabato.

Maliban sa Surallah, nagkaroon na rin ng first round ng judging para sa 16 na entry ng Ligth a Tree Contest sa Koronadal.

Ang mga puno sa kahabaan ng General Santos Drive ay dinarayo din ng publiko dahil sa mga makukulay na ilaw.

Bukas na rin sa mga mamamayan ang White Christmas Theme ng mga palamuting Pamasko sa South Cotabato Provincial Capitol.

  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy