NDBC BIDA BALITA (12.7.17)

NDBC BALITA  • Thu Dec 7, 2017 12:39 PM  •  82   0
By ndbc
  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy
NEWSCAST DECEMBER 7, 2017 (THU)
7:00 AM
 

HEADLINES:
 

1. KAWANI ng Maguindanao Provincial Engineering Office na umano ay sangkot sa pagpaslang SAF 44 sa Mamasapano, pinawalang-sala ng korte.  

2. Dalawa katao patay habang ipinatutupad ng mga otoridad ang search warrant sa Kabacan, North Cotabato  
3. Mahigit isang daang pamilya, lumikas dahil sa bakbakan ng militar at NPA sa Ned, Lake Sebu  

4. Small town lottery, ipapasara ng Kidapawan City LGU 



-0-


INABSWELTO ng Regional Trial Court Branch 15 ang administrative officer ng Maguindanao Provincial Engineering Office na dinakip noong nakaraang buwan dahil umano sa pagkakasangkot sa Mamasapano incident na ikinasawi ng 44 na SAF members.  

Batay sa desisyon ni Judge Annabel Piang, mistaken identity o maling tao ang dinakip ng mga otoridad noong November 22 kaya iniutos ang agarang pagpapalaya kay Alex Julero Ampatuan.  

Matatandaan na hinuli si Ampatuan nang kumuha ito ng police clearance bilang requirement sa kanyang nakatakdang pagreretiro.  

Napagkamalan kasi itong suspek sa Mamasapano encounter na  nahaharap sa  35 counts ng direct assault with murder.
 

Una ng sinabi ng City PNP na nadakip si Ampatuan matapos na matiyagang manmanan ng mga elemento ng Station 1 dahil umano sa natanggap na  intelligence report.
 


-0-




SUPORTADO ng security forces ang planong pagpapatayo ng special courts sa Autonomous Region and Muslim Mindanao o ARMM para maayos na matugunan ang mga kaso ng terorismo at droga sa rehiyon.   Ayon sa report, sinabi ni PRO ARMM Director, PCSUPT Graciano Mijares, suportado nito ang  planong ito.  

Iminungkahi rin ng opisyal na sa pamamagitan ng regional peace and order council ay maipaabot sa Supreme Court ang planong pagpapatayo ng special courts sa limang probinsya ng ARMM.   Sinang-ayunan rin ang planong ito ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA ARMM sa pamumuno ni Regional Director Juvenal Azurin.  

Samantala, sinabi naman ni ARMM Governor Mujiv Hataman na siyang chairman ng inter-agency regional peace and order council o RPOC na kanyang ipapaabot ang usaping ito sa korte suprema sa pamamagitan ni DILG Secretary Kirby Abdullah.   Habang nangako naman ang PRO ARMM at  ang Western Mindanao Command naman sa pamumuno ni Lt. Gen. Carlito Galvez, Jr., na tutulong silang mahanap ng non-resident government  prosecutors sa rehiyon.  

Binigyang diin naman ni Galvez, na handa ang WESTMINCOM na magbigay ng seguridad sa mga judges at special prosecutors habang nasa ARMM.   Ang kakulangan sa mga korte ang dahilan kung bakit hanggang sa ngayon ay hindi pa rin nasusulosyunan ang rido o family fued sa rehiyon at maging sa problema ng iligal na droga.


-0-




PINARANGALAN ng Office of the Regional Treasury sa Autonomous Region in Muslim Mindanao o ARMM ang top 3 highest collecting line agencies sa rehiyon mula taong 2015 hanggang 2017.  

Ito ay kasabay ng 26th anniversary celebration ng nabanggit na tanggapan.   Sinabi ni ARMM Regional Treasurer Kanggo Umal na ngayong 2017 ay nakalikom sila ng 1.6 billion pesos sa tulong ng mga highest collecting line agencies at iba pang mga ahensya sa ARMM.  

Tinukoy naman ni Umal ang mga awardee na kinabibilangan ng Department of Environment and Natural resources, Department of Public Works and Highways at Regional Ports and Management Authority.   Aniya, ang pagbibigay ng parangal sa mga naturang ahensya ay bilang pagkilala sa malaking kontribusyon ng mga ito sa revenue generation efforts ng ORT-ARMM.  
Samantala, tinukoy din ni Umal ang Polloc Freeport and Ecozone bilang most improved regional agency sa usapin ng collection remittance.  


-0-



Kinumpirma ng Joint Task Force Sulu na nasa siyam na lamang na mga bihag ang hawak pa rin ngayon ng Abu Sayyaf Group o ASG sa Sulu.  

Ayon kay Joint Task Force Sulu Commander Brig. Gen. Cirilito Sobejana, sa siyam na bihag, anim ay mga banyaga kabilang ang isang Dutch national at limang Indonesians. Tatlo rito ay mga Pinoy.  

Sinabi ni Sobejana na magkakahiwalay ang pinag­lalagyan sa mga nalalabi pang bihag pero nasa loob lamang ng Sulu.   Sa talaan ng AFP, sa pagpasok pa lamang ng taong 2017 ay umabot na sa 43 ang naitalang kidnap victims sa Sulu pero ayon kay Sobejana, 11 rito ay nailigtas na, 14 ay pinalaya, apat ay nakatakas at siyam ang natitira.  

Sa ngayon, mas naging maigting ang operasyon ng militar kontra teroristang ASG batay na rin sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa layong mailigtas ang mga natitira pang bihag ng mga bandido.  


-0-


Bumaba raw ng humigit 25 porsyento ang total index and non-index crime sa buong ARMM.   Ito'y batay sa ulat ng peace and security sector na binubuo ng mga sundalo at pulis sa rehiyon.  

Sinabi ni DILG-ARMM secretary Kirby Abdullah na ito ang magandang ibinalita ng PNP ARMM sa ginanap na ARMM regional peace and order council meeting na pinangunahan ni Governor Mujiv Hataman.  

Kasabay nito ay pinuri naman ng kalihim ang mga pulis at sundalo sa rehiyon sa pagpapanatili ng seguridad at maigting na pagbabantay sa mga mamamayan ng rehiyon.   Giit pa ni Abdullah, malaki ang impact ng magandang peace and order sa rehiyon lalo na sa industriya ng pagnenegosyo at turismo.



-0-




Abot sa 23 myembro ng Koronadal Firecrackers and Pyrotechnics Retailers Association o KFPRA ang pinayagan ng lokal na pamahalaan na magbenta ng mga paputok ngayong holiday season.

Ayon kay KFRPA President Jomel Alo kinatigan ni Koronadal City Mayor Peter Miguel ang hiling ng kanilang grupo na magbenta ng mga paputok mula December 18 hanggang 31.

Binigyan diin ni Alo na para sa kaligtasan ng publiko, hindi papayagan na magbenta ang mga hindi myembro ng kanilang asosasyon. Itinalaga namang lugar para pagbentahan ng mga paputok sa Koronadal ang bahagi ng General Santos Drive sa Barangay Sto. Nino.

Tiniyak ni Alo na handa rin ang kanilang grupo na tumalima sa mga panuntunan ng mga otoridad para makapagbenta. Ayon kay Alo ang mga myembro ng KFRPA ay sumalalim na sa Mindanao Wide Fireworks Safety Training ng PNP sa General Santos City.

 Bago payagang makapagbenta, ang grupo ng mga firecracker vendors sa Koronadal City ay isinasailalim din sa orientation ng Bureau of Fire Protection o BFP.



-0-


Tinahanghal na Grand Winner para sa sea-based Category ng 2017 Model Family of the Year Award ang pamilya ng taga Pigcawayan, North Cotabato na si Chief Engineer Noe Diola.

Sa kabila ng pagkakalayo nanatiling mapagkumbaba at matulungin ang pamiluya Diola ng barangay Poblacion sa nasabing bayan. Kinilala din ang pamilya Diola na isa sa pinakamatagumpay na negosyante sa Pigcawayan.

Napanatili din ng mga ito ang matibay na pondasyon ng kanilang pamilya. Ito ay ayon kay OWWA 12 OIC Marlyn Jamero. Ang pamilya naman ng ni Evelyn Camendan ng Tacurong City Sultan Kudarat, ang ginawaran ng Natatanging Kalihim Award.

Sa kabila ng pagtrabaho nito bilang OFW sa loob ng 22 taon naging mabuting ina at asawa pa rin si Camendan at sumusulong sa karapatan ng mga kababaihan.

Ayon kay Jamero ang pamilya ng dating OFW ay aktibo ring nakikilahok sa mga aktibidad ng kanilang barangay at lungsod. Sa katunayan ayon kay Jamero ang panganay nitong anak ay myembro ngayon ng armed forces of the Philippines, Abogado naman sa Commission on Human Rights ang pangalawa at nasa 10th grade ang bunso.

Ayon kay Jamero ang mga pinarangalang OFW ay nagsilbing huwaran at inspirasyon dahil sa katatagan ng kanilang pamilya. Ang Model OFW family ay ibinibigay ng OWWA sa mga OFW at kanilang pamilya na napanatili ang magandang samahan, nakapaglingkod sa komunidad at mayroong financial stability.

Ang parangal ay tinanggap mismo ng mga awardee sa Grand National Awarding Ceremony sa Malakanyang Palace. NDBC


-0-



Tatalima sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang Commander in chief ang Militar. Ito ang sinabi ni 33rd IB Commanding Officer Lt. Col Harold Cabunoc kasunod ng pagdeklara ng pangulo sa New Peoples Army o NPA bilang mga terorista.

Sa katunayan ayon kay Cabunoc ang deklarasyon na iton ng pangulo ay makatutulong ng malaki sa pagkamit ng kapayapaan. Dinagdag din ni Cabunoc na mas madali na rin ngayon sa militar ang pagtugis sa mga pinaghihinalaang myembro ng NPA.

Ayon kay Cabunoc para hindi basta mahuhuli nagtatago umano sa iba’t ibang organisasyon ang ilang myembro ng NPA. Ipinahayag din ng police official na madalas naguguyo ng NPA na sumama sa kanilang grupo ang mga lumad sa mga malalayong lugar.

Binigyan diin ni Cabunoc na mananatiling tagapagtanggol ng mga mamamayan ang militar. Ayon naman kay 27th IB Commanding Officer Lt. Col Benjamin Leander, dapat ay sumuko na lamang ang mga myembro ng NPA ngayong buwan.

Ito ay bago pa man simulan ng militar ang malawakang military operation laban sa mga ito.




-0-




Lumikas sa kanilang mga tahanan ang mahigit 140 pamilya sa Barangay Ned, Lake Sebu, South Cotabato. Ito ay ayon kay Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer Mila Lorca. Ayon kay Lorca, posibleng madadagdagan ba ang mga bakwit.

Sinabi ni Lorca na maliban sa evacuation center ang ilang lumikas na mamamayan ay piniling manatili na lamang sa gilid ng mga daan sa Ned Proper. Habang ang mga bakwit naman sa Sitio Polosubong ay bumaba sa katabing Sitio ng Tafaltong.

May bakwit din ayon kay Lorca ang nasa Sitio Lubo ngayon. Dinagdag din nito na ang mga apektado naman ng sagupaan sa Sitio Celtex ay lumikas sa Sitio Panamin. Ito ayon lay Lorca ay dahil sa muli na namang pagsiklab ng bakbakan sa pagitan ng militar at New Peoples Army.

Nabatid na umakyat ng barangay Ned ang mga concerned na kawani ng pamahalaang panlalawigan ng South Cotabato. Ito ayon kay Lorca ay upang magsagawa ng assessment at tumulong sa mga apektadong mamamayan. Sinabi ni Lorca na sa ngayon ay nagsasagawa na medical mission sa mga mamamayan ng Ned ang Provincial Health Office ng South Cotabato.

Kasunod naman ito ng relief operation ng PDRRMO sa mga bakwit. Matatandaan na ang bakbakan sa pagitan ng militar at umanoy mga NPA sa boundary ng Ned Lake Sebu at Sultan Kudarat Province ay nagresulta sa pagkasawi ng dalawang sundalo at limang iba pa.



-0-




Nagtapos sa katatapos lang na apat na araw na incident command system o ICS Integrated Planning Course ang 26 na mga kawani ng lokal na pamahalaan ng Koronadal. Kalakip sa mga itinuro sa mga participant ang kahalagahan ng planning bilang kabahagi ng limang mga mahahalagang function ng ICS.

Ayon kay City Mayor Peter Miguel makatutulong ang training sa mga kawani ng city government lalong lalo kapag mayroong malalaking event na gagawin sa lungsod.

Ang pagsasanay ay pinangunahan naman ng Office of the Civil Defense o OCD region 12 at Koronadal City Disaster Risk Reduction and Management Council. Layon nito ang mas maayos na magresponde sa oras ng emergency o kalamidad.


-0-




Maaaring managot sa batas ang sinumang magpo-post ng mga malisyosong bagay at mapanirang pahayag laban sa isang tao, ito ayon sa naka-saad na probisiyon ng Cybercrime Prevention Act na online libel.

Ilan lamang ito sa mga tinalakay sa isinagawang ‘cybercrime law awareness orientation at seminar’ sa mga kagawad ng media sa North Cotabato kahapon na ginanap sa Aj Hi-time Hotel, Kidapawan city. Ang seminar ay inorganisa ng Mindanao Press Corps na pinangunahan ni MPC Pres. Merlyn Aznar.

Naging tagapagsalita dito si Atty. Vicente Andiano. Bukod sa mga media ay dumalo din si 39th Infantry Battalion Commanding Officer Col. Harold Argamosa at Lt. Col. Silver Adell Belvis, ang tagapagsalita ng 39th IB. Napag-alaman na inilabas ng Korte Suprema ang desisyon kung saan sinabi nilang naaayon sa Saligang Batas ang online libel na probisyon ng Cybercrime Prevention Act.

Kaugnay nito, hindi pinaboran ng mga hukom ang pagpaparusa sa mga magpopost ng kanilang reaksyon o komento sa isang libelous statement o mensahe. Hindi tulad nang naunang iminungkahi, pareho lamang ng parusa na nakasaad sa Revised Penal Code ang ipapataw sa sinumang mapapatunayang lumabag sa naturang batas.  



-0-



Ipapasara ng Kidapawan City Government ang Small Town Lottery (STL) outlets na walang kaukulang permits at lisensya anumang araw mula ngayon. Ito ayon kay Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista matapos na magpaso ang sampung araw na notice of violation nito.

Ayon sa opisyal, sakaling malagdaan na nito ang closure order ay sisimulan na nilang ipasara ang mga STL outlet sa lungsod. Ginawa ng opisyal ang pahayag dahil sa hindi naka-comply ang Miracle Pick Gaming Corporation, ang nagpapatakbo ng STL sa lungsod, ng ilang mga rekisitos para sa legal na operasiyon nila.

Hindi rin umano naka-kuha ng No objection sa Sangguniang panglungsod ang nasabing kumpanya, na isa sa mga requirements para makakuha ng business permit.

Tumanggi munang magbigay ng pahayag ang alkalde hangga’t di pa nito na pirmahan ang closure order.                



-0-


Ikinakasa na ang seguridad sa lungsod habang papalapit ang kapaskuhan at pagsalubong ng bagong taon.

Ito ang tiniyak ni PCI Ramel Hojilla, OIC ng Kidapawan city PNP kaugnay na rin sa pinaigting pang seguridad sa siyudad lalo na sa mga matataong lugar kagaya ng terminal, simbahan, shopping malls, maging sa Kidapawan City Mega Market at iba pa.

Nag-paalala din ang opisyal sa publiko na maging alerto upang di malusutan ng mga masasamang loob. Ngayon pa lamang ay naglatag na sila ng seguridad ngayong holiday season na karaniwan nang sinasamantala ng masasamang elemento.

Kaugnay nito, pinaalalahanan din ni Hojilla ang mga pamilyang lalabas sa kanilang mga tahanan para sa ‘long weekend holiday’ na ihabilin ito sa kanilang mga kapitbahay upang hindi maisahan ng mga ‘Akyat Bahay gang’.

Sa kasalukuyan ay puspusan naman ang pinaigting na police visibility at mobile patrol ng PNP operatives para bigyang seguridad ang mamamayan ngayong holiday season. Kaugnay nito, hinikayat din nito ang publiko na maging mapanuri upang di mabiktima ng mga kumakalat na pekeng pera sa lungsod.  



  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy