Tuesday Jan, 28 2020 03:19:57 PM

NDBC BIDA BALITA (12.12.19)

NDBC BALITA • 22:15 PM Thu Dec 12, 2019
234
By: 
NDBC NCA

NEWSCAST

DECEMBER 12, 2019 (THU)
7:00 AM

HEADLINES:

1. DALAWA KATAO, patay sa magkahiwalay na kaso ng pamamaril sa Cotabato city kahapon.

2. MATAAS na lider ng NPA na nahuli sa Agusan Del sur, naghain ng “Not Guilty” Plea sa patong-patong na kasong kinakaharap nito sa North Cotabato.

3. South Cotabato Provincial Health Office, may panawagan sa mga magulang na hindi pa pinababakunahan ang mga anak kontra polio.

4. 2020 proposed national budget, lusot na sa Bicameral Conference Committee.

 

ANG DETALYE NG MGA BALITA

 

Local………………..

DEAD ON ARRIVAL sa ospital sa Cotabato city ang dating Barangay Chairman at mayoralty candidate ng Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao matapos pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek pasado ala una ng hapon kahapon sa may ukay-ukay section ng Fiesta Mall, sa Barangay Rosary Heights 10 ng lungsod.

Kinilala ng City PNP ang biktima na si Abdulbasit Macmod Taguigaya, may asawa, at taga - Barangay Poblacion, Shariff Aguak, Maguindanao.

Sa inisyal na report ng pulisya, namimili lamang ang biktima sa lugar nang lapitan ng dalawang mga suspek at bigla siyang pinagbabaril ng maraming beses gamit ang cal. 45 pistol.

Nagtamo ng mga tama ng bala sa ulo at iba pang bahagi ng kanyang katawan si Taguigaya na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Samantala, patay din sa pamamaril ang isa pang lalaki habang nag-iinuman sa Leoncia Delcano Street, Barangay Rosary Heights 10 ng lungsod pasado alas siyete kagabi.

Kinilala naman ng mga otoridad ang biktima na si Adsquell Mohammad Parnan, 24 anyos, single at taga Barangay Bagua Dos.

Sa report ng Police Station 2, bigla na lamang umanong may lumapit na lalaking suspek sa biktima habang nasa loob ng videoke bar at pinagbabaril ito ng tatlong beses saka tumakbo palabas.

Nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan ang biktima mula sa cal. 45 pistol at nadala pa sa pagamutan ngunit idineklarang dead on arrival.

Blangko pa sa ngayon ang mga otoridad sa motibo at pagkakakilanlan ng mga suspek sa dalawang mga kaso ng pamamaril sa lungsod kahapon.

 

-0-

 

SUGATAN naman ang municipal treasurer ng Ampatuan, Maguindanao at asawa nito matapos silang tambangan ng mga hindi pa nakikilalang suspek sa national highway na sakop ng Brgy. Bagan, Guindulungan Maguindanao, kahapon ng hapon.

Sa report ng Guindulungan PNP, nakilala ang municipal treasurer na si Roshel Kuit at ang kanyang mister na si Jeric.

Sakay ang dalawa ng itim na SUV nang pagbabarilin sa Cotabato-Isulan National Highway.

Sa inisyal na report ng pulisya, pabalik n asana ng Ampatuan ang mga biktima mula sa Datu Odin Sinsuat nang maganap ang ambush.

Kaagad namang isinugod sa Maguindanao Provincial Hospital ang dalawa at kalaunan ay inilipat din ang mag-asawa sa isang ospital sa Tacurong City.

Patuloy namang inaalam ng pulisya ang pagkakilanlan ng mga suspek at ang motibo ng mga ito sa krimen.

 

-0-

 

NAGPAHAYAG naman ng pagkabahala si Maguindanao 2nd District Congressman Toto Mangudadatu sa mga nangyayaring krimen na ang mga biktima ay pawang mga opisyal at kawani ng pamahalaan sa iba’t ibang mga bayan sa probinsya.

Ayon sa kongresista, dapat na tutukan ng pulisya ang mga kaso ng pamamaril kung saan ang pinakahuli ay ang pagbaril at pagpatay sa dating chairman at mayoralty candidate ng Shariff Saydona Mustapha na si Abdulbasit Macmod Taguigaya at sa mag-asawang sina Jeric at Roshel Kuit.

Sinabi ni Mangudadatu na pawang mga kaalyado at kaibigan niya ang mga biktima.

Aniya pa, kasama sana si Taguigaya sa promulgasyon ng Ampatuan Massacre at katunayan ay na-ibili nya na ito ng plane-ticket papuntang Maynila.

Nabatid na bago ito, ilan pa umano sa mga kaalyado ni Cong. Mangudadatu ang naging biktima na rin ng harassment at marami sa mga ito ay nakatatanggap din ng mga pagbabanta sa kanilang buhay.

 

-0-

 

Duguang isinugod sa ospital ang walong taong gulang na batang babae matapos tamaan ng ligaw na bala sa Guindulungan, Maguindaanao.

Nakilala ang batang biktima na si VERA SINDATU, residente ng nabanggit na bayan.

Ayon sa kwento ng ama ng biktima, pasado alas tres ng hapon kahapon habang nagtitinda umano silang mag-ama ng pastil sa gilid ng kalsada nang bigla dumating ang ilang kalalakihang armado ng matataas na kalibre ng baril at biglang nagpaulan ng bala ang mga ito malapit sa kanilang pwesto. 

Matapos umano ang pamamaril ay mabilis ding tumakas ang mga suspek.

Nagtamo ng matinding sugat ang batang si Vera matapos tamaan ng ligaw na bala sa kaliwang binti na agad din nilang isinugod sa pagamutan.

 

-0-

 

PATAY NA nang makarating sa ospital ang isang magsasaka at sugatan naman ang kasama nito sa isa pang pananambang sa Sultan Mastura, Maguindanao.

Nakilala ang nasawi na si Anwar Saguira habang ang sugatan ay nakilalang si Esmael Mariga, mga magsasakang taga barangay Bungabong, Sultan Mastura, Maguindanao

Sakay umano ng motorsiklo ang dalawa nang tambangan sa bahagi ng Barangay Balut, Sultan Mastura.

Agad namang tumakas ang mga di pa nakikilalang suspek matapos gawin ang pamamaril sa mga biktima.

 

-0-

 

Kidapaweño at mamamayan sa mga kalapit na lugar sa North Cotabato, iniimbitahan na saksihan ang fireworks display at concert for a cause sa Kidapawan City

Iniimbitahan ngayon ng lokal na pamahalaan ng Kidapawan City na makibahagi at saksihan ang taunang Christmas Fireworks display sa Kidapawan City Pilot Elementary School Grounds alas 6:30 ng gabi ngayong darating December 20, 2019. Kasabay din nito ang Concert for a Cause ng Brownman Revival sa nabanggit din na venue.

Ito ay bukas para sa lahat ng Kidapaweño at maging sa mga kalapit na bayan sa Probinsya ng Cotabato. Patunay lamang na tuloy pa rin ang selebresyon ng pasko sa kabila ng naranasang kalamidad ng karamihan sa mga mamamayan kung saan libu-libo dito ay nawalan ng tahanan at ang iba naman ay posibleng sa mga evacuation center na ipagdidiwang ang kanilang pasko.

Pero hindi ito ang dahilan upang hindi na ituloy ang Christmas Fireworks Display na kada taon ng ginagawa ng City Government. At kagabi ay pinailawan na ang mga kumukiti-kutitap na mga Christmas lights sa harap ng City Lobby sa tapat mismo ng City hall kung saan inaasahan na rin ang dadayo ang mga taga Kidapawan dito. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

PNP- North Cotabato, mas paiigtingin ang pagpapatupad ng seguridad lalo na sa mga matataong lugar ngayong holiday season

Ilang linggo bago ang selebrasyon ng pasko at pagsalubong ng bagong taon ay mas hinihigpitan pa ngayon ng pulisya ang pagpapatupad ng seguridad sa lahat ng mga lugar sa North Cotabato.

Sa panayam kay Cotabato Police Provincial office o CPPO spokesperson Police Lt. Col Bernard Tayong, handa na ang PNP ngayong papalapit na yuletide season sa lahat ng mga papasok at palabas ng probisnya. Ito’y upang matiyak na ligtas at mapayapa ang pagdiriwang ng pasko at bagong taon sa lalawigan.

Anya, hindi nila ibinaba ang alert level ng PNP tulad ng isinasagawang check point operations, pagpapatrolya at ang police visibility sa lahat ng mga bayan. Nagpalabas na rin anya ng direktiba si Provincial Police Director Police Col Maximo Layugan ng CPPO na i-secure ang lahat ng mga police stations ng ibat-ibang lugar sa probinsya.

Bagamat hindi mataas ang mga naitatalang krimen sa probinysa ngayon, nananatiling alerto pa rin ang mga pulis katuwang ang militar.

Dagdag pa niya, kabilang sa kanilang tinututukan ay mga lugar na dinarayo ng maraming residente dahil sa may mga magagandang palamuti na simbolo ng pakakaisa, kasiyahan at pagmamahal sa bawat isa ngayong pasko.(Cherry Exim) NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

 

Certificate of Land Ownership Award ibinahagi sa mahigit 30 mga benipisyaryo sa bayan ng Tulunan, North Cotabato kasabay ng serbisyo caravan ng Provincial Government

Abot sa 31 na mga Agrarian Reform Beneficiaries ang nakatanggap ng 29 na mga Certificate of Land Ownership Award o CLOA mula sa Department of Agrarian Reform o DAR sa Barangay Batang, Tulunan, North Cotabato kasabay ng isinagawang serbisyo caravan ng Provincial Government kahapon ng umaga.

Ang nasabing aktibidad ay alinsunod pa rin sa Executive Order No.70 ni Pangulong Rodrigo Duterte na naglalayong tuldukan ang problema ng insurgency sa bansa.

Abot naman sa mahigit sa 67 mga hektaryang lupain ang agad na naipamahagi ng Agrarian Reform kung saan ang bawat benipisyaryo ay makakatanggap ng tatlong hektaryang lupain pataas. Samantala, maliban sa CLOA, inihatid din ng provincial government ang iba pang mga basic social services mula sa iba pang mga line agencies.

Mula sa DOLE, 15 mga kabataan din aasahang mabibigyan ng livelihood assistance. Namahagi rin ang PSWDO ng mga foodpacks sa lahat ng resindente ng nasabing barangay habang namigay rin corn seeds ang LGU Tulunan at coconut seedlings ang Provincial Local Government Unit. Maliban sa mga nabanngit nagbigay rin ng serbisyo ang iba pang mga ahensiya gaya ng DOH, OPVET, PNP at Militar, TESDA, DILG, maging ang MGB at iba pa. 

Kasabay ng gobernadora sa nasabing aktibidad si Tulunan Mayor Pip Limbungan, mga local officials at iba pang mga head ng government line agencies. NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Kabacan LGU, magbibigay ng tulong pinansyal para sa lahat ng mga pamilyang nasunugan sa bayan kamakailan

Muling nagpatawag ng Municipal Peace and Order Council Meeting si Kabacan Mayor Herlo Guzman Jr. hinggil sa nangyaring sunod- sunod na insidente ng sunog sa bayan kamakailan. Batay sa imbestigasyon, dalawa katao ang nakikitang sangkot sa serye ng sunog ang menor de edad na nahuli na itinuturong suspek at ang isa ay nasa wastong gulang na sangkot sa robbery ngunit may mga ebidensyang nag-uugnay na umano’y magkakilala ito at magkasama sa iba pang kaso ng panununog.

Ayon naman sa BFP, abot sa sampung mga business establishments at bahay ang nasunog pito noong December 1- 2 habang tatlo naman nitong December 7 na tinatayang aabot sa 3.6Million pesos. Habang kinumpirma din nito na lahat ng nangyaring sunog ay Arson o sinadya ang panununog.

Kaugnay dito, magbibigay ang LGU ng 30,000php para sa mga nasugatan dahil sa sunog, 30,000 pesos din sa labintalong pamilya na apektado at dalawang pamilya naman ang tatanggap ng 10,000 pesos.

Muli ding iginigiit na umiiral pa rin ang curfew hours para sa mga menor de edad alas 10:00 ng gabi hanggang alas 4:00 ng madaling araw. Apela din ng alkalde sa publiko na maging alerto sa lahat ng pagkakataon at makipagtulungan sa otoridad.

 

-0-

 

Mga magaaral sa isang elementary school sa Koronadal nabigyan ng mga school supplies sa ikalimang taong anibersaryo ng Radyo Bida Koronadal

Tumanggap ng maagang pamasko mula sa Radyo Bida Koronadal ang mahigit isang daang mga magaaral sa Sitio Siok Elementary School sa Koronadal City kahapon. Ito ay kaugnay sa ika limang anibersaryo ng nasabing himpilan. Nanguna sa pamimigay ng mga school supplies sa mga bata ang mga anchor ng Radyo Bida at mga DJ ng sister station nitong 91.7 Happy FM.

Ito ayon kay Siok Elementary School Principal Dave Prodigo ay malaking tulong sa kanilang mga magaaral na ipinagpasalamat naman nito. Ang pagsasagawa ng outreach program ay naging tradisyon na ng himpilan sa tuwing anibersaryo nito bilang corporate responsibility.

Napili na benepisyaryo ngayong taon ang Sitio Siok Elementary School sa Barangay Mabini dahil marami sa mga estudyante nito ay pawang mga kapos sa buhay at myembro ng indigenous peoples community. Matatandaan na unang sumahimpapawid ang Radyo Bida Koronadal noong December 8, 2014 kung kelan nanguna mismo sa blessing nito si Cotabato Archbishop Emeritus Orlando Cardinal Quevedo OMI.

Ang Radyo Bida 963 sa Koronadal City ay isa sa limang mga himpilan ng Radyo ng Notre Dame Broadcasting Corporation ng Oblates of Mary Immaculate sa Central Mindanao.

 

-0-

 

Seguridad ngayong Holiday Season sa Koronadal City hihigpitan ng PNP

Maghihigpit ng seguridad ang mga pulis hindi lamang ngayong holiday season kungdi pati na rin sa Hinugyaw Festival sa Enero sa susunod na taon sa Koronadal City.

Ito ay ayon kay Koronadal Chief of Police, Lieutenant Colonel Joefel Siason Ayon kay Siason tutulong sa Koronadal PNP sa pagbabantay ng seguridad ng lungsod ngayong kapaskuhan ang mga kasapi ng Provincial Mobile Task Force ng South Cotabato PNP at 27th IB ng militar..

Ayon kay Siason para mapunan ang kakulangan ng mga PNP personnel, tutulong sa pagpapanatili ng katiwasayan sa Koronadal ang mga reservist. Kaugnay nito umapela si Siason sa mga mamamayan na maging alerto lalong lalo na sa mga matataong lugar na inaasahang dadagsain ngayong kapaskuhan.

Sinabi ni Siason na sa ngayon ay naghahanda na rin ang Koronadal PNP para sa kanilang Oplan Iwas Paputok. Ito ay kampanya laban sa iligal na paggamit ng mga paputok. Sinabi ni Siason may mga lugar sa Koronadal kung saan maari mapagbenahan ng mga may permit na firecracker vendors.

Pero payo ni Siason sa publiko , para iwas injury sa pasko at Bagong taon, mas makabubuting manood na lamang ng mga community fireworks display.

 

-0-

 

Insentibo ibibigay ng lokal na pamahalaan sa dalawang mga atleta ng Gensan na wagi sa 30th SEA games

Makatatanggap ng cash incentive mula sa lokal na pamahalaan ang dalawang mga atleta mula Gensan na nakasungkit ng medalya sa katatapos lang na Southeast Asian Games.

Ang mga ito ay ang mga silver medalist sa Pencak Silat na sina Alfau Jan at Almohaidib Abad na mabibigyan ng tig 20 thousand pesos. Ito ayon kay Gensan City Sports Division Head Lady Manalo ay maliban pa sa insentibo na makukuha ng mga ito sa Philippine Sports Commission.

Ayon kay Manalo ang pagbibigay ng insentibo sa dalawang mga atleta ay bilang pagtalima sa lokal na ordinansa. Ipahayag ni Manalo na layun ng pagbibigay ng cash incentive na kilalanin ang paghihirap ng mga nagtagumpay na atleta at hikayatin ang iba pa na pagibayuhin ang pagsasanay.

Sinabi ni Manalo na kokonsultahin din nila si Gensan Mayor Ronnel Rivera hinggil sa pagbibigay ng insentibo sa tatlo pang mga atleta ng lungsod na naglaro sa SEA Games.

Ang mga ito ay sina Mark Gil Alfafara na naglaro ng volleyball, John Albert Mantua ng athletics, at Carl Joshua Tangonan na pambato ng bansa sa aero gymnastics. Sinabi ni Manalo na isinusulong din nila ang amendment sa Ordinance Number 2 ng Gensan na naipasa noong 2005.

Ito ay upang mabigyan din ng insentibo ang mga atleta ng Gensan na bigo man na makasungkit ng medalya ay nakapaglaro pa rin sa mga international events.

 

-0-

 

Provincial Health Officer ng South Cotabato may panawagan sa mga magulang na hindi pa nabigyan ng oral polio vaccine ang kanilang mga anak.

Pumunta na lamang sa mga health center at huwag nang pabalikin pa sa kanilang lugar lalong lalo na kung malayo ang mga Health personnel na nagbibigay ng oral polio vaccine.

Ito ang panawagan ni South Cotabato Health Officer Dr. Rogelio Aturdido Jr. sa mga magulang na hindi pa nabakunahan ng kontra polio ang kanilang mga nasa limang taong gulang pababa na mga anak.

Ipinahayag ito ni Aturidido kaugnay sa pagpapalawig ng Department of Health ng Sabayang Patak Kontra Polio hanggang bukas December 13.

Paliwanag ni Aturdido ipinagutos ng DOH ang extension sa oral polio vaccination noong Linggo. Ito ay matapos mamonitor na maraming mga local government unit sa Mindanao ang bigong maabot ang 95 percent target sa mga batang mabigyan ng oral polio vaccine.

Ayon kay Aturdido ang mga LGU sa South Cotabato na may pinakamababang coverage sa Sabayang Patak Kontra Polio ay ang Lake Sebu, Tantangan, Tampakan at Polomolok.

Habang lumagpas naman sa 95 percent ang mga accomplishment ang mga bayan ng Norala, T’boli, Sto. Nino, at Surallah.

Ayon kay Aturdido ang pagkaantala ng vaccination ay dahil sa sa kabiguan ng mga Doktor na magbigay ng permiso sa mga bata na nasa kanilang pangangalaga, wala ang mga magulang nang puntahan ng mga vaccinator sa kanilang mga bahay, kahirapan sa pagpunta sa mga liblib na barangay lalong lalo na sa bayan ng Lake Sebu.

Maliban sa pagbisita sa mga bahay nagsasagawa rin ng rapid coverage assessment sa Oral Polio vaccination ang provincial health office.

Layon nito na matiyak na mabigyan ng bakuna ang mga batang nakaligtaan sa mga unang araw ng pagpapatupad ng Sabayang Patak Kontra Polio

 

-0-

 

Dalawang mga driver patay sa salpukan ng dalawa ring mga motorsiklo sa Surallah, South Cotabato

Kinilala ni Surallah PNP investigator Police Senior Master Sergeant Jericho Magbanua ang isa sa dalawang mga nasawing biktima na si Allan Fadal, 18 years old, binata at nakatira sa Barangay Lamfugon, Surallah, South Cotabato.

Lumabas sa inisyal na pagsisiyasat ng mga pulis na nabangga umano ng Sky motorcycle na minamaneho ni Fadal ang kasalubong na Honda XRM motorcycle.

Ito ay matapos magtangkang mag-overtake sa isa pang motorsiklo pagsapit sa Purok Paghidaet, Barangay Dajay, Surallah Ang biktimang si Fadal at driver ng nakasalpukan nitong XRM Honda motorcycle ay pawang dead on arrival sa Upper Valley Community Hospital sa Surallah.

Sanhi naman ito ng matinding mga sugat. Ayon kay Magbanua ang angkas naman ni Fadal na 16 years old na binatatilyo ay na nagtamo lamang ng minor injury at dinala din sa nasabing ospital.

Sinabi ni Magbanua na pinapakumpirma pa ng Surallah PNP sa pamilya nito ang pagkakakilanlan sa nasawi ring driver ng Honda XRM motorcycle na nakatira sa Sarangani Province. Ang nagkasalpukang mga motorsiklo ay ikinustodya ng Surallah PNP habang nagpapatuloy pa ang kanilang imbestigsyon sa insidente.

MJ joints, shabu seized from 2 minors in Kidapawan City

KIDAPAWAN CITY  – Police authorities here arrested today two students engaged in peddling of dried marijuana leaves and suspected shabu during...

NDBC BIDA BALITA (Jan. 27, 2020)

NEWSCAST

7:00 AM

HEADLINES:

1. HIGIT 400 mga pamilyang bakwit at nasa 600 mga kabataan mula sa dalawang mga...

Fire raze 17 houses in Cotabato City

COTABATO CITY --- Seventeen houses were razed by fire that hit a residential site in Barangay Bagua here on Monday morning.

In a...

Rape suspect from Zamboanga peninsula nabbed in Maguindanao

MAGUINDANAO --- The Datu Odin Sinsuat municipal police arrested Monday a Visayan fugitive from Zamboanga-Sibugay province who is wanted for two...

Marines prevent smuggling of goods from Sulu to Lanao del Sur

COTABATO CITY --- Members of the 5th Marine Battalion foiled Sunday an attempt to smuggle from Sulu some P3 million worth of cigarettes...