NDBC BIDA BALITA (3.15.17)

NDBC BALITA  • Wed Mar 15, 2017 09:15 AM  •  275   0
By NDBC
  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy
NEWSCAST MARCH 15, 2017
7:00 AM
 


HEADLINES:
 

1. 3 sugatan sa military operations sa Maguindanao na nagsanhi ng paglikas ng 400 pamilya; Miyembro ng Jemaah Islamiya, patuloy na tinutugis

2. Pag-aresto sa bise alkalde ng Makilala, North Cotabato, napigil matapos makapagpyansa

3. Pagpatay sa Commission on Higher Education 12 employee, posibleng work related, sabi ng PNP

4. Publiko, pinaghahanda ng PHIVOLCS sa posibleng kalamidad..iba na ang handa, ayon sa volcanologist



-0-
 

Apektado ngayon ang nasa apat na raang mga pamilya mula sa bayan ng Datu Salibo at Shariff Saydona Mustapha sa Maguindanao dahil sa nagpapatuloy na operasiyon ng sundalo laban sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF.

Sinabi ni Municipal Disaster Risk Reduction Officer  Montasir Saliao ng DXMS-Radyo BIDA ngayong umagana simula nitong Lunes ng magsilikas ang dalawang libung indibidwal at pansamantalang nanunuluyan sa tatlong barangay ng Shariff Aguak.


Aniya, pansamantalang naglagay ng kanilang masisilungan sa farm lot habang ang iba naman ay nasa residential area kung saan sila nakaka-kuha ng tubig maiinum ang mga Internally Displaced Persons (IDP) sa Barangay Bagong, Kuloy at Timbangan. Giit pa ni Saliao na pahirapan naman ang pagkuha ng tubig sa mga bakwit.

Namigay na rin ng tulong ang Pamahalaang Lokal ng Shariff Aguak at iba pang ahensiya ng Pamahalaan.

Una ng inihayag ni Captain Arvin Encinas, ang pinuno ng Division Public Affairs Office ng 6th ID sa DXMS-Radyo BIDA na ginawa nila ang nasabing military operation upang tugisin ang mga namataang armadong grupo sa Datu Salibu.


Nagpakalawa ng mga malalakas na pampasabog ang militar dakong alas 2:00 ng madaling araw. Maliban pa ito sa mga air assets nila na naglunsad din ng air strikes sa mga lugar na pinagkukutaan ng mga rebeldeng grupo, na ikinasawi ng maraming miyembro ng BIFF.

Pero kung si BIFF Spokesperson Abu Misri Mama ang tatanungin, ni daplis ng bala walang natamaan sa pangkat nila.

May anim na buwang taning na ibinigay si Pangulong Rodrigo Duterte upang pulbusin ang mga BIFF at bandidong Abu Sayyaf.




-0-




Samantala, tatlo naman ang naiulat na sugatan sa panig ng kalaban ng bombahin ng militar ang pinag-kukutaan ni BIFF breakaway faction Kumander Salahudin Hassan.  

Nabatid na si Salahudin at ang apat na mga kasama nito na sina Abdulmalik Esmael, Bashir Ungab, Nasser Adil at Ansari Yunos ay nagkakanlong ng isang Indonesian-Singaporean na si Mauwiyah.  

Si Mauwiyah, isang Indonesian-Singaporean na taga-sunod ni Malaysian terrorist Zulkifli bin Hir alyas Marwan, na nagtururo sa pangkat ni Salahudin para gumawa ng bomba.  

Si Mauwiyah na may mga pangalan na Hamoody Ali, Mohammad Ali at Suharduno, ay miyembro ng Jemaah Islamiya na nakabase sa al-Qaeda at kinikilala ng Islamic State of Iraq and Syria o ISIS.



-0-



Inam-bush ang mga tauhan ng 19th IB, Philippine Army ng mga elemento ng lawless group sa bahagi ng sitio lining, brgy Salbu,Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao, alas 8:15 kagabi.

Sa report ni PI Razul Pandulo, ang tagapagsalita ng Maguindanao Provincial Police Police na nagsasagawa ng pagpapatrol ang mga elemento ng militar ng makasagupa nila ang nasabing mga armadong grupo.

Nagtagal naman ng 30 minuto ang palitan ng putok sa magkabilang panig. Wala namang may naiulat na casualties hanggang sa mga oras na ito.



-0-



Planung repasuhin ngayon ng Sangguniang Panglungsod ng Cotabato ang Traffic code ng siyudad.

Ito ang sinabi ni Vice Mayor Graham Nazzer Dumama dahil na rin sa tumitinding problema sa trapiko sa mga pangunahing lansangan sa Cotabato City.

Giit ng opisyal na pinag-aaralan na nila ngayon ang traffic code ng lungsod partikular ang amendments sa mga ruta at traffic penalties.

Partikular na tutukan nila ang pagkakaroon ng bagong ruta, pagpapatupad ng tamang parking area at maging ang gagawing road widening.



-0-



Arestado ng mga elemento ng Police Station 1 ng Cotabato City ang lalaking nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 7610 o child abuse.

Kinilala ni PSI Tirso Pascual, ang OIC ng PS-1 ang suspek na si Dandilo Sumalpong, 35-anyos at residente ng Rosary Heights 1, Cotabato City.

Natimbog ang suspek sa mismong bahay nito kahapon ng hapon. Napag-alaman na dati na umanong may standing warrant of arrest ang suspek dahil sa nasabing kaso. Maliban dito, ay inaresto din ang suspek dahil sa panunutok nito ng baril sa kanyang kapatid.

Todo tanggi naman ang suspek sa mga parating sa kanya. Sinabi nito sa panayam ng DXMS-Radyo Bida na hindi niya ginalaw ang bata na sinasabing nangungupahan lamang sa bahay ng kanyang tiya na nasa loob ng kanilang compound.

Itinanggi na rin na nanutok ito ng baril. Sinabi nito na may lisensiya naman ang kanyang bari dahil dati itong estudyante at kumukuha ng criminology.


-0-



Hinimok ng pamunuan ng Philippine Institute of Volcanology and Siesmology Cotabato City Sub-station ang mga lokal na pamahalaan at maging ang city government sa lungsod na magpasa ng batas na magkakaroon ng retrofitting.

Ito ayon kay Engr. Rainer Amilbahar ang Officer In charge at seismologist sa Cotabato city Seismic Station, upang magkaroon ng pagsisiyasat sa lahat ng mga establisiemento.

Aniya, ang retrofitting ay ang pagsasa-ayos ng mga gusali para maging matibay at naayon sa National Building code.

Dapat na nasusunod ito sa motion acceleration para kung may darating na inaasahang lindol ay hindi ito agad maguguho.

Umaasa naman ang opisyal na sa lalong madaling panahon ay makapanday ng nasabing ordinansa ang mga LGUs.



-0-



Hindi pa makumpirma ng mga pulis ang motibo sa pagpatay sa isang kawani ng gobyerno sa Koronadal City.

Kinilala ni Koronadal Chief of Police Superintendent Barney Condes ang biktima na si Jennifer Onas,single 43 anyos at nakatira sa General Santos City. Ang biktima ay record officer ng Commission on Higher Education o CHED Region 12.

Sinabi ni Condes na si Onas ay binaril ng malapitan ng tatlong beses sa likod ng suspek. Ito ay habang naglalakad papuntang CHED 12 office sa regional center Barangay Carpenter Hill, mula sa national highway pasado alas syete ng umaga kahapon.

Matapos kunin ang bag ng biktima ang suspek ay agad namang tumakbo papunta sa naghihintay itim na Grandia van at tumakas patungong General Santos City.

Pero sa panayam ng radyo bida sa kasamahan sa trabaho ng biktima sinabi nito na dalawang mga eskwelahan ang hindi umano nabigyan ng special order ng biktimang si Onas.

Ang biktima ay dinala ng napadaang patrol car ng Tupi Municipal Police Station sa Allah Valley Medical Specialist Center kung saan siya ideneklarang dead on arrival.


-0-



Bawal sa mga traffic enforcers ng Land Transportation Office o LTO na magkwenta ng penalty sa mga lumabag sa bataS trapiko na kanilang mahuhuli.

Ito ang binigyan diin ni LTO 12 Regional Director Macario Gonzaga. Sinabi ni Gonzaga ang dapat gawin ng mga traffic enforcers ng LTO ay bigyan lamang ng Temporary Operators Permit o TOP ang mga traffic violators at sabihan na kunin ang lisensya sa LTO Office.

Ayon kay Gonzaga kadalasan kasing nagaganap ang lagayan at pangongotonog kapag ang computation sa penalty ay ginagawa mismo ng mga traffic enforcers ng LTO.

Sinabi ni Gonzaga na pagkakatanggal sa serbisyo ang maaring kahaharapin ng sinumang traffic enforcer at personnel ng LTO na mapatunayang nasasangkot sa korupsyon.

Ito ayon kay Gonzaga ay bilang pagsunod na rin sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte.


-0-


Nagpaptuloy pa rin ang imbistigasyon ng pulisiya sa panibago na namang insidente ng pamamaril sa bayan ng Tupi, South Cotabato. Kinilala ang biktima na si Danny Buan, 56 anyos, nakatira sa Sitio Atbangan,Barangay Palian, Tupi at gwardiya ng sagingan ni Tupi Mayor Reynaldo Tamayo Jr.

Ayon kay Tupi PNP OIC Chief Inspector Bertito Delco, ang biktima ay binaril habang nagkakape sa bahay ng apo na kahahatid pa lamang nito sa Palian Elementary School.

Ang biktima ay dead on the spot dahil apat na tama ng bala ng baril sa kanyang tiyan. Narekober ng mga pulis sa crime scene ang apat na basyo ng 45 pistol.

Inaalam pa ng mga pulis kung ang pagpatay kay Buan, ay may kaugnayan din sa pagpatay sa pamangkin nitong si Dominador Malida noong nakaraang lingo. Matandaan na si Malida ay binaril habang nasa loob ng isang bilyaran sa Poblacion, Tupi.


-0-


Lalaban sa National Fire Olympics ng Bureau of Fire Protection ang Fire Volunteer Brigaide ng Banga, South Cotabato. Ang mga ito ay magpapakitang gilas ng galing sa pagresponde at pagrescue sa mga biktima ng sunog

Ito ay ayon kay Koronadal City Fire Marshall Senior Inspector Reginald Legaste. Sinabi ni Legaste na lalaban din Sci-Uniform Category ng Olympics ang ilang mga personnel ng BFP region 12.

Magiging pambato naman ng region 12 sa Industrial Category ang Dole Philippines. Magpapakitang gilas naman sa Barangay Category ang Barangay Rizal Poblacion ng Banga.

Handa na ring rumampa sa National Fire Olympics Beauty Pageant ang pambato ng region 12 na si Fire Officer 1 Kristela Mariz Sanag. Ayon kay Legaste ang National Fire Olympics ay kaugnay pa rin sa Fire Prevention Month Celebration ngayong Marso.

Ito ay gaganapin sa Quezon City sa March 23 hanggang 24.


-0-



Nakuha ng mga volunteer sa region 12 ang parangal sa apat sa siyam na kategorya ng Kalahi-CIDSS National Bayani Ka! Awards ng Department of Social Welfare and Development o DSWD.

Ayon kay Kahahi CIDSS Focal Person Gilbert Estacion kabilang sa mga pararangalan si Bautista Agbay ng Maitum, Sarangani Province para sa Peace Promotion Category. Si Rudy Mandiala naman ng Arakan North Cotabato ay nakasungkit ng parangal para sa Persons With Disability.

Ayon kay Estacion ang isa pang taga bayan ng Arakan na si Maria Lolita Ruben ay pararangalan sa Environment Protection Category. Matatanggap naman ng mga volunteer ng Barangay Tambili ng Kiamba Sarangani ang Bayani Ka Award para sa Local Government Category.

Matatandaan na ang mga national awardees na ito ay nauna nang pinarangalan sa regional level ng DSWD 12 sa Awarding Ceremony sa Koronadal City.

Ayon kay Estacion sa ngayon ay hindi pa tiyak kung kelan gaganapin ang awarding ceremony, Ang Bayani Ka! Awards ay iginagawad sa mga volunteer na nakatulong ng malaki sa pagpapatupad ng mga programa ng Kalahi-CIDSS ng DSWD.


-0-



Isa sa nakikitang mabisang paraan ngayon ng Kidapawan City Government na kontrahin ang paglaganap ng illegal na droga ay ang muling pagbuhay at pagpapaigting pa ng Barangay Anti-Drug Abuse Council O BADAC.

Ito ay sa 40 mga barangay ng lungsod. Kabilang sa mga tututukan sa mas pinalakas na BADAC ay ang monitoring ng mga barangay at purok officials sa mga kaso ng paglaganap ng illegal na droga sa kanilang pamayanan, profiling ng mga gumagamit at nagtutulak ng illegal na droga; pakikipagtulungan sa Balik Pangarap program upang matulungan sa recovery at rehabilitation ang mga sumukong drug users.

Una nang tinalakay ng mga stakeholders gaya ng ABC, DILG, Narcotics Anonymous, DepEd kasama si City Mayor Joseph Evangelista para buhaying muli ang mga BADAC.

Matatandaan na ang BADAC ay bahagi ng paglulunsad ng OPLAN SAGIP sa lungsod kamakailan lang. Nanguna rito ang Dangerous Drugs Board at PDEA kung saan ay kapartner nito ang CSWDO at CHO sa layuning magkaroon ng mga angkop na programa para sa mga sumukong drug users.


-0-



Umalma ngayon ang ilang residente ng brgy. Sibayan, Bansalan, Davao del Sur matapos lumabas ang report na paboritong taguan ng New People's Army ang kanilang lugar.

Ito ay dahil nakuha na umano ng NPA ang simpatiya ng ilang barangay official at sibiliyan. Ayon kay Jed, na residente sa lugar, tumanggi siya na isa na sa Masa na naniniwala at sumisimpatya sa NPA.

Samantala, Hanggang ngayon nabalot pa rin sa takot ang mga residente na naapektuhan sa nangyaring pananambang ng mga NPA na ikinamatay ng apat na mga pulis noong March 8 ng umaga.

Kahit ang mga bumabyaheng motrsiklo sa lugar ay hanggang alas singko ng hapon na lamang. Pero sa kabila nito, iginiit naman ni Banasalan Mayor Quilin Sarte, na nanatiling payapa ang bayan ng Bansalan at ang nangyari sa brgy. Sibayan ay pawang isolated incident lamang.



-0-


Patuloy ngayong nagpapagaling ang isang lending Collector matapos mabiktima ng pamamaril sa brgy. Takepan, Pikit North Cotabato.

Kinilala ni Police Chief Inspector Donald Cabigas, Hepe ng Pikit PNP ang biktima na si Rene Cameres Candolada, 31-anyos, na taga Aleosan, North Cotabato.

Lumabas sa imbestigasyon ng PNP na sakay ang biktima sa kanyang BAJA Motorcycle na may license plate 1631 MZ at huminto lamang sandali sa daan ng nabanggit na barangay.

Dito na siya nilapitan ng dalawang mga lalaki na sakay ng HONDA XRM at agad na binaril ang biktima. Nagtamo ng tama ng bala si Candolada sa kanyang tiyan at agad ding tumakas ang mga suspek.

Sa ngayon cartographic sketch o Facial Composite na lamang ang hinihintay ng Pikit PNP para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek sa nabanggit na pamamaril.

Carnapping at personal grudge naman ang sinusundang anggulo ngayon ng mga otoridad na posibleng motibo sa krimen.



-0-


Magsasgawa ng relief assistance ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council o MDRRMC ngPikit, North Cotabato ngayong linggo.

Ito matapos na maapektuhan ang higit tatlong daang pamilya ng pagbaha mula sa tatlong barangay noong nakaraang linggo dahil sa lakas ng buhos ng ulan.

Base sa talaan ng MDRRM office abot sa 151 pamilya ang naapektuhan ng baha sa Brgy. Inug-ug, 147 sa Brgy. Nalapaan habang 26 na mga magsasaka sa Brgy. Kalakacan.

Ayon kay Tahira Kalantongan, ang MDRRM Officer Pikit, anumang araw ngayong linggo nakatakdang ibahagi sa mga biktima ang relief assistance. Tig limang kilo ng bigas ang ipapamahagi sa bawat pamilya, canned goods at iba pa.

Samantala abot rin sa 15 ektarya ng palayan at tatlong ektarya ng maisan ang apektado ng nabanggit na kalamidad at di na mapapakinabangan ng mga magsasaka. Sa ngayon patuloy ang monitoring pati na mga preventive measure na ginagawa ng MDRRM Office sa mga apektadong lugar.

Matatandaang nakaranas ng mga pag-ulan ang ilang bahagi ng North Cotabato noong nakaraang linggo dulot ng Low Pressure Area at sa ngayon nakakaranas ng tail end of low pressure area ang ilang mga barangay ng Pikit.


-0-



Hindi natuloy ang sanay pag-aresto ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Team o CIDT kay Makilala Vice-Mayor Ricky Cua kahapon.

Ito matapos na makapapyansa ang opisyal dahil sa kasong falsification of public documents ng abot sa 24 thousand pesos.

Kahapon, lumabas ang warrant of arrest ng Regional Trial Court sa Kidapawan City kontra kay Vice Mayor Cua. Nabatid na mismong leader ng mga senior Citizen ng Makilala na si Bimbo Estrella ang nagsampa ng kaso kontra sa opisyal noong 2013.

Ayon kay Estrella matapos ang apat na taon, nagpapasalamat siya dahil patuloy na gumulong ang kaso. Para kay Estrella, bilang taxpayer ay ginawa lang niya ang nararapat at walang bahid politika ang nag-udyok para sa kanya na isampa ang kaso.

Matatandaang nakitaan ng probable cause ng Ombudsman para usigin si Cua dahil sa ginawang overpricing nito sa mga ipinamahaging 314 na mga eyeglasses sa mga Senior Citizens ng Makilala bago ang eleksyon noong 2013.

Ayon sa imbestigasyon lumabas na umabot sa 99 thousand pesos ang total price ng umano eyeglasses sa halip na 6, 280 pesos lamang base sa orihinal na presyo nito. Binili ang nabanggit na mga eyeglasses noong 2012. 


  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy