NDBC BIDA BALITA (3.17.17)

NDBC BALITA  • Fri Mar 17, 2017 09:15 AM  •  259   0
By NDBC
  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy
NEWSCAST MARCH 17, 2017 (FRI)
7:00 AM
 

HEADLINES:
 

1. Fast Food chain crew sa Cotabato city, arestado matapos umanong pagsamantalahan ang isang batang babae.

2. DRIVER, patay sa pinakahuling insidente ng pamamaril sa Kidapawan City
 

3. PANG APAT sa most wanted list ng Surallah PNP, arestado.

4.  Binatilyo, patay matapos masangkot sa Army-armed men encounter sa Maguindanao
 


-0-


KULUNGAN ang bagsak ng 19 na taong binatilyo na isang fast food chain crew sa Cotabato city matapos na pagsamantalahan ang isang batang babae.  

Sa report ng City PNP, pilit na ipinasubo ng suspek na si Ronald Inalbles Ramas ang kanyang ari sa bibig ng batang biktima habang kinukuhanan ng larawan.  

Naglunsad ng entrapment operation ang mga otoridad laban sa suspek matapos na magsumbong ang nanay ng biktima sa Police Station One.  

Sinabi ni Police Station One deputy commander Police Sr. Insp. Tirso Pascual na pasado alas dose ng tanghali kahapon nang madakip si Ramas sa pinagta-trabahuan nitong kilalang fastfood chain.  

Kasama ang mga elemento ng Police station 1, positibong itinuro ng bata at nanay ang suspek na agad namang pinosasan ng mga pulis.  

Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act RA 9775 o anti child pornography si Ramas na pansamantalang nakakulong ngayon sa detention facility ng Police Station 1. 



-0-


HINIMOK ngayon ni Commission on Elections o COMELEC 12 Regional Director Atty. Michael Abas ang lahat ng mga kababaihan sa rehiyon na magparehistro para makaboto sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan elections.  

Ayon sa opisyal, naka-sentro ngayong buwan ang kanilang voters registration sa mga kababaihan kaugnay ng pagdiriwang ng women’s month.  

Giit pa ni Abas na bukas ang kanilang mga city at municipal election office sa buong rehiyon mula Lunes hanggang Sabado para tanggapin ang mga magpaparehistro, at para sa mga gustong mag-validate o magpa-activate ng kanilang registration.  

Maliban dito, ayon kay Abas, nagsasagawa rin sila ng satellite registration sa iba’t ibang mga barangay sa region 12.  

Nilinaw naman ni Abas na binibigyan na lamang nila ng 60 araw na palugit ang mga gustong magparehistro para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.


-0-


PINARANGALAN ng Office on Health Services o OHS ang mga nurse at midwife na nagpakita ng dedikasyon sa kanilang trabaho simula noong nakaraang taon.  

Sinabi ni City Health Officer Dr. Suher Guinomla-Ibrahim na ang nasabing parangal ay kanilang ibinigay sa mga health personnel na nakakuha ng mataas na marka sa kanilang isinagawang assessment kaugnay ng pagganap ng mga ito sa kanilang tungkulin habang isinasagawa ang iba’t ibang programa ng OHS tulad ng Safe Motherhood Program, Family Planning, Expanded Program of Immunization at National Tuberculosis Program.  

Ayon kay Ibrahim, ang nurses at midwives ang nangunguna sa implementasyon ng naturang mga programa katuwang ang iba pang mga ahensyang sangay ng lokal na pamahalaan ng lungsod.  

Sabi pa ni Ibrahim, ang naturang pagpuri at pagkilala sa kanilang health workers ay magsisilbing inspirasyon sa kanila para mas pagbutihin pa ang kanilang trabaho at serbisyo sa publiko.  

Samantala, binigyang parangal din ang Barangay Poblacion 5 ng lungsod kaugnay ng pagtanggap nito Regional Sandugo Award.  

Ang pagkilalang ito ay ibinibigay sa mga komunidad na tulong-tulong na nagbigay ng blood donation sa isinagawang Mobile Blood Donation noong nakaraang taon.


-0-



PATAY matapos madamay sa sagupaan ng mga sundalo at armadong grupo ang isang estudyante sa Barangay Digal, Buluan, Maguindanao.  

Nakilala ang biktima na si Muhalidin Haliday, 15 taong gulang, at residente rin ng nabanggit na lugar.  

Ayon kay Army’s 33rd Infantry Battalion commander Lt. Col. Harold Cabunoc, tinambangan ng armadong grupo ang tropa ng 62nd Division Reconnaissance Company habang binabagtas nito ang national highway sa Buluan kamakalawa.  

Kasunod na nito ay ang palitan ng putok ng magkabilang panig dahilan para tamaan ng ligaw na bala si Haliday na nagkataong nasa lugar.  

Bagama’t naisugod sa ospital ay namatay din kinagabihan ang batang biktima.



-0-


Isasailalim na sa masusing pagsisiyasat ang lahat ng mga karne na papasok sa Cotabato City.   Ito ayon kay Councilor Eduardo Rabago ay sakaling maipasa ang panukalang kanyang inihain sa Sangguniang Panglungsod o SP.  

Sa ngayon nasa ikalawang pagbasa na sa SP ang kanyang panukala na pinamagatang ‘An Ordinance Regulating the Slaughter, Entry and Sale of Meat for Human Consumption in the City of Cotabato’.  

Layon nito na matiyak na malinis ang lahat ng mga karne na pumapasok sa lungsod at dapat na dumaan sa slaughter house.  

Ayon kay Rabago marami kasi sa mga nagnenegosyo ng karne sa lungsod na dini-diritso nila sa mga restaurant at mga bahay-bahay na hindi pa nasuri ng mga meat inspector.  

Dahil dito balak ngayon ng opisyal na maglalagay ng check point na siyang magbabantay sa lahat ng mga lagusan ng siyudad para matiyak na walang mga meat vendors na makakalusot sa siyudad na hindi masusuri.  


-0-



Makikipagusap ang Committee on Environment ng Sangguniang Panglungsod sa mga tutol sa pagpapatayo ng sanitary land fill sa barangay Paraiso, Koronadal City.

Ito ang tiniyak ni City Councilor at Environment Committee Chair Preachie Ogoy sa Radyo Bida Koronadal.
Ayon kay Ogoy, bilang bahagi ng tamang proseso, nararapat lamang na marinig ng konseho ang hinaing ng mga mamamayan sa proyekto.

Sinabi ni Ogoy na posible ring gawin ang paguusap sa pagitan ng mga mamamayan ng barangay Paraiso na tumutol at pabor sa sanitary landfil.

Pinabulaanan din ni Ogoy na natutulog lamang sa kanyang komite ang usapin sa sanitary landfill.

Sa katunayan ayon sa city councilor, kinatigan ng konseho ang pagbili ng city government sa lupaing pagtatayuan nito.

Kabilang sa mga nagpahayag ng pagtutol sa paglalagay ng Sanitary landfill sa Barangay Paraiso si Department of the Interior and Local Government Secretary Esmael Sueno.

Ipinahayag din ng ilang mga barangay sa katabing bayan ng Tantangan ang patutol sa Sanitary Landfil sa pamamagitan ng resolosyon.

Nangamba kasi ang mga ito na maaring makaapekto sa sapa na dumadaloy sa kanilang lugar ang pasilidad. Naninidigan naman ang Koronadal LGU na dumaan sa masusing pagaaral ang lupang pagtatayuan ng sanitary landfill.


-0-


Makatatanggap ng tig P600 na buwanang rice subsidy ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng Department of Social Welfare and Development o DSWD 12 simula ngayong Marso.

Ang dagdag na benipisyo na ito ay mapapakinabangan ng mahigit 250,000 na benepisyaryo ng 4Ps sa SOCCKSARGEN.

Ito ay ayon kay DSWD 12 Regional Director Bai Zorahayda Taha.

Gayunpaman ayon kay Taha tanging mabibigyan lamang ng rice subsidy ang mga mariing sumusunod sa mga kondisyon na ng gobyerno sa mga 4Ps beneficiary. Kabilang dito ang 85% attendance ng mga nagaaral na anak sa elementarya at high school.

Ayon kay Taha dapat ding isailalim sa preventive check up ang mga batang nasa 5 anyos pababa at pagpa pre-natal ng mga buntis.

Sinabi ni Taha na ang pagbibigay ng rice subsidy ay bilang pagtalima ng ahensya sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagtiyak na nakakain ng tama ang mga mahihirap na pamilya. NDBC



-0-

Abot sa 80 mga drug personalities na nasa moderate at low-risk level ang nangangailangan ng tulong sa bayan ng Tupi, South Cotabato.

Ayon kay Tupi Mayor Reynaldo Tamayo Jr., ito ang dahilan kung bakit pinagaaralan ngayon ng lokal na pamahalaan ang patatayo ng barracks-type rehabilitation facility sa kanilang lugar.

Sinabi ni Tamayo na ang pasilidad ay magsisilbing kanlungan o treatment center sa mga sumukong drug personalities na nangangailangan ng rehabilitasyon. Gayunpaman ayon kay Tamayo nais munang matiyak ng LGU kug ang pasilidad ay pwedeng gamiting alternatibo sa Matrix Intensive Outpatient Treatment for People with Stimulant Disorder o MIOP.

Ang MIOP ang programa naman para sa mga drug personalties na ipinatutupad ng South Cotabato Provincial Anti Drug Abuse Council. Sinabi ni Tamayo na kapag natuloy, ang barracks-type rehabilitation facility ay gagamtin ding community-based treatment center ng mga sumukong drug personalities.

Ito ay kasunod ng muling pagpapatupad ng Oplan Tokhang ng PNP


-0-


Tinanggal na sa talaan ng top 20 barangay na may pinakamaraming malnourish na bata ang walong barangay sa South Cotabato. Ito ay ayon kay Provincial Nutrition Action Officer Ma. Ana Uy.

Ayon kay Uy, ang mga barangay na ito ay tinukoy ng Provincial Nutrition Convergence Team.

Naging batayan naman sa pag-alis sa talaan ng may pinaka malalang problema sa malnutrisyon ang operation timbang report 2016 ng provincial nutrition office.

Kinilala bilang most improve ang apat na barangay sa bayan ng T’boli. Kabilang dito ang Datal Dlanag, Basag,Talcon at Malugong.

Ayon kay Uy bumuti na rin ang nutrisyon ng mga bata sa mga barangay ng Cabuling sa Banga, Lampitak sa Tampakan, Halilan sa Lake Sebu, at Tinago sa Norala. Naniniwala si Uy na nakatulong ang supplemental feeding program sa mga eskwelahan para bumuti ang kalusugan ng maraming malnourished na bata sa South Cotabato.

Ang feeding program ay patuloy pa ring ipinatutupad sa mga barangay ng South Cotabato na may pinakamalalang problema sa malnutrisyon.


-0-


Hindi na nakapalag pa ang wants sa kasong rape nang arestuhin ng mga pulis sa bayan ng Surallah, South cotabato. Kinilala ni Suralla Chief of Police, Senior Inspector Joel Fuerte ang suspek na si Joey Aude Plamer, 31 anyos at walang trabaho.

Si Plamer ay na number 4 most wanted sa bayan ay naaresto ng team ni SPO4 Jose Demos Gonzales sa Sitio Tambak, Barangay Centrala, Surallah.

Ito ay sa bisa naman ng warrant of arrest ng korte. Ayon kay Fuerte si Plamer ay nahaharap sa patong patong na kaso ng rape sa Surallah.

Wanted din ito sa kasong rape sa Pagadian City. Hinihintay na lamang ngayon ng Surallah Police ang commitment order ng korte para mailipat sa South Cotabato provincial jail ang arestadong rape suspek.


-0-


Pinagsisikapan ngayon ng Kidapawan City COMELEC Office na makamit ang pitong libo at walong daang botante na target nilang mairehistro para sa idaraos na Sangguniang Kabataan o (SK) elections sa Oktubre 31.

Sinabi ni City Comelec Officer Atty. Myla Luna, nais nilang makapagrehistro ng higit pitong libong kabataan para sa nalalapit na halalan na may edad 15 hanggang 17. Maari namang makaboto sa SK election ang mga may edad 15 hanggang 30 years old.

Sa ngayon base sa pinakahuling tala ng COMELEC nasa higit dalawang libo pa lamang na mga kabataan ang nakapag parehistro.

Resulta rin ito sa kanilang ginawang satellite registration sa mga barangay pati na sa mga High School sa Kidapawan City.

Nagtapos ang satellite Registration sa mga barangay noong March 5 habang magpapatuloy naman sa mga High School sa lungsod hanggang sa katapusan ng Marso.

Hinikayat ni Atty Luna ang mga bagong botante na magparehistro dahil hanggang ngayon bukas pa rin mula lunes hanggang Biyernes ang tanggapan ng COMELEC habang sa darating na April 29, 2017 naman ang deadline para sa nais magparehistro sa SK maging sa Barangay Election.


-0-


Inaasahan ngayon ang mas pinalakas na pagpapatupad na police visibility patrol sa Public Market ng Makilala, North Cotabato at maging sa ibang mga pampublikong area. Ito matapos na muling ipanaunawa ni Makilala Mayor Rudy Caoagdan sa mga PNP personnel ang kanilang papel sa komunidad pati na sa mamamayan.

Kabilang rin sa gagawin ng PNP ang pagsusumite ng PNP ng kanilang mga reports kada linggo para mareview ni Mayor Caoagdan. Pagdadagdag ng mga pulis sa palengke lalo na pag market days.

Layunin nito na mapagilan ang anumang krimen at terorismo na posibleng ihasik ng may masasamang loob at para na rin sa kaligtasan. Una rito, ipinatawag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat ng mga alkalde at gobernador sa Mindanao sa Davao City.

Humingi kasi ng tulong ang pangulo sa mga local Chief Executives kaugnay sa pakikipaglaban konra terorismo at iba pang krminalidad sa kanilang mga area of responsibility.


-0-


Plano ngayon ng Kidapawan City LGU na maghire ng isang fulltime physician para sa Kidapawan City Hospital.

Sa isinagawang session kahapon ng Sangguniang Panglungsod ng Kidapawan inaprubahan ng konseho ang resolusyon na nagbibigay otoridad kay City Mayor Joseph Evangelista na pumirma sa isang Memorandum of Agreement sa pagitan ng City LGU at Energy Development Corporation.

Ito ay kaugnay naman sa 20, 000 thousand pesos na cash assitance ng EDC bilang kanilang Corporate Social responsibility sa LGU.

Ang nabanggit na pera ang siyang gagamitin ng LGU na ipapasweldo sa kukuning physician kada buwan liban pa sa regular na sahod nito.

Sa ngayon nangangailanan ng regular na doktor ang City Health Office na siyang tututok sa pangangailangang medical ng mga Kidapawan City.

Matatandaang nakipag kontrata na rin ang LGU sa mga private hospital sa lungsod para asikasuhin ang mga pasyente mula sa City Hospital. Ito ay dahil na rin sa kakulangan nila ng full time doktor kaya isinulong ang nabanggit na resolusyon.


-0-



Sa layuning mapalago pa ang abilidad at kakayahan ng mga kabataan bilang mga lider, maglulunsad ng Young Leaders Congress ang Local Government Unit ng Tulunan, North Cotabato.

Layunin nito na mabigyan ng oportunitad at mapalakas pa ang sektor ng mga kabataan sa bayan. Dito rin mapapalago ang potensiyal ng isang bata para maging isang mahusay na lider.

Ang nabanggit na congress-gathering ay meron lamang 50 slots kung saan kailangan pang aplayan ng mga nais lumahok nito at kailangan ding dumaan sa screening.

Ayon sa LGU, bukas ito para sa lahat ng mga estudyante, out of school youth, single young professionals at 15 taong gulang hanggang 25 na taga Tulunan, North Cotabato.

Magiging daan rin ang nabanggit na aktibidad para mas makilala pa ng mga kabataan ang kanilang sarili maging ang kanilang lakas bilang estudyante tungo sa isang mahusay na leader.

Kontribusyon rin ito ng LGU sa United Nations Sustainable Development Goals. Ang lokal na pamahalaan ng Tulunan, humihikayat sa lahat ng mga potensyal na kabataan na sumali sa 1st Tulunan Young Leaders' Congress na gagawin bukas, April 18 hanggang 19, 2017.

-0-




Dead on the spot ang isang driver makaraang barilin ng di pa kilalang suspek sa Quezon boulevard Kidapawan City pasado alas otso kagabi.

Kinilala ang biktima na si Sammy Compleza Gallego, 32 anyos na taga brgy. Saguing Makilala, North Cotabato.

Ayon sa report nag-iinuman ang biktima kasama ang dalawa nitong kasama partikular sa ilalim ng overpass ng quezon Boulevard sa harapan ng Kidapawan Longlife Commercial Building.

Agad naman siyang lapitan ng isang lalaki at walang kaabog abog na binaril.

Sa ulo tinamaan ang biktima habang mabilis namang tumakas ang suspek pati kasama nitong dalawang lalaki ay mabilis ring nawala sa crime scene.

Isang basyo ng bala lamang ang natagpuan sa crime scene.

 Blanko pa ngayon ang PNP sa kung ano ang motibo sa krimen habang patuloy namang pinaghahanap ang kasamahang dalawa ng biktima para sa dagdag na impormasyon gayundin ang pagkakakilanlan sa suspek. NDBC BIDA BALITA



  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy