NDBC BIDA BALITA (3.18.17)

NDBC BALITA  • Sat Mar 18, 2017 09:03 AM  •  202   0
By NDBC
  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy
NEWSCAST MARCH 18, 2017 (SAT)
7:00 AM
 


HEADLINES:  

1. 11 katao, naaresto ng PDEA at PNP sa anti-drug operation sa Pikit, North Cotabato

2. Binatilyong inaresto dahils a pagpapakalat ng sex video, nagpakamatay sa PNP lock up cell/

3. APAT KATAO, patay sa magkahiwalay na aksidente sa lansangan sa North Cotabato at South Cotabato.  

4. Task Force Kutawato, ibabalik sa Cotabato City.



-0-





Kalaboso ang 11-katao matapos maaresto ng mga otoridad sa inilunsad na search operation sa brgy. Dalingawen, Pikit, North Cotabato pasado alas nuebe ng umaga kahapon. 

Isinagawa ang operasyon ng pinagsanib na pwersa ng PDEA 12, Pikit PNP, RPSB 12, PPSC, CPPO at 602nd Brigade ng Philippine Army.

Sinabi ni Kath Abad, spokesperson ng PDEA Region 12, walong search warrant ang kanilang bitbit kontra sa dalawang target ng operasyon para halughugin ang kanilang tatlong bahay. Sa nasabing paghalughog nasamsam ng mga otoridad ang abot sa 230 gramo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng 1.5 million pesos.

Target ng operasyon sina Kumander Mangigen at Kabagel Guiamadel na ikinokonsiderang High Valued Target na responsable rin sa malaking bentahan ng iliga na droga sa North Cotabato. Kasama namang nahuli ng dalawang target ang siyam na iba.

Ayon kay Abad, nakasandal sa malaking grupo sina Kumander Mangigen at Guiamadel o matatawag na Narco Terorism at marami ring mga miembro sa ibat-ibang bayan sa lalawigan.

Mula sa Marawi City umano ang kanilang droga at pagdating sa area ng Parang Maguindanao ay dito na nila ipinamumudmod sa kanilang mga kasamahan para ibenta.

Maraming baril rin ang nakuha sa nabanggit na operasyon at katunayan bago ang search operation nagkapalitan pa ng putok ang mga target suspek kontra sa mga otoridad na umabot ng halos labin limang minuto.

Nakakulong ngayon sa Kabacan PNP lock up cell ang 11 suspek dahil underconstruction pa ang kulungan ng Pikit PNP. 

Tiniyak naman ni Kabacan PNP chief. Sr. Ins Ronnie Cordero na mahigpit na seguridad ang kanilang ipapatupad sa mga suspek para hindi ito makatakas. 



-0-


PATAY ang 19 na taong gulang na binatilyo matapos na magbigti habang pansamantalang nakakulong sa detention cell ng Police Station 1 sa Cotabato city.  

Sinabi ni Police Station 1 deputy commander Police Sr. Insp. Tirso Pascual na nagpatiwakal ang suspek na si Ronald Inalbles Ramas sa loob ng kanilang palikuran pasado alas onse ng umaga kahapon.   Ayon kay Pascual, posibleng ang sobrang kahihiyan at matinding depresyon ang nag udyok kay Ramas para tuluyang tapusin ang kanyang buhay.  

Si Ramas ay dinakip ng mga otoridad sa isang entrapmeng operation sa Purok 1, Tantawan, RH 1 ng lungsod pasado alas dose ng tanghali kamakalawa.   Inireklamo kasi siya ng nanay ng kanya umanong kasintahang menor de edad dahil sa pagpapakalat nito ng malaswang larawan sa social media kung saan ipinasubo nito ang kanyang ari sa kanyang batang nobya.  

Sabi pa ni Pascual, natuklasan na lamang nilang nakabitin si Ramas matapos na pasukin nila ito sa palikuran nang mapansing hindi na ito lumabas pa.   Naisugod pa sa pagamutan si Ramas na nagbigti gamit gamit ang isang balabal at electrical wire, subalit hindi na siya nasalba pa ng mga doktor.  

Samantala, may mensahe naman si Pascual sa mga kaibigan ng nasawing si Ramas na patuloy na nagpapakalat ng sex


-0-


Sumuko sa Cotabato City PNP sa pangalawang pagkakataon ang apat na indibidwal na sumuko na noon sa mga otoridad at nangakong magbabagong buhay.  

Kinilala ang mga ito na sina Jimmy Nor, Sonny Abdullah, Marlon Campiao at Esmael Mohamad, pawang mga residente ng Mother Brgy. Poblacion ng lungsod.   Ang kanilang muling pagsuko ay kaugnay ng mas pinaigting na kampanya ng pulisya kontro iligal na droga na oplan double barrel at oplan tokhang reloaded.  

Nabatid na una ng sumuko noong Agosto ng nakaraang taon ang apat sa inilunsad na oplan tokhang ng PNP.   Nangako na noon ang apat na hindi na babalik sa ano mang iligal na gawain lalong lalo na sa paggamit ng iligal na droga.  

Kahapon sila ay muling nanumpa upang linisin ang kanilang mga pangalan sa listahan ng City PNP.   Kaugnay nito, hinikayat naman ng kapulisan ang iba pang mga drug dependent na lumantad sa mga otoridad upang mabigyan ng pagkakataong magbagong buhay.  


-0-



BUBUHAYING MULI sa Cotabato city ang ‘Task Force Kutawato’ bilang bahagi ng pagpapalakas pa ng seguridad sa lungsod.  

Katunayan, inihain na ni city councilor Abdillah Lim sa Sangguniang Panglungsod ang isang panukala para sa pagbuhay ng naturang task force para mas mapa-igting pa ang pagbabantay ng mga otoridad sa mga mamamayan ng lungsod.  

Sa kanyang panukala, kabilang sa mga bububuo ng Task Force Kutawato ay ang Hukbong Sandatahang Lakas ng Pilipinas partikular na ang 5th Special Forces Battalion at Cotabato City PNP na mangangasiwa sa katahimikan at kaayusan ng siyudad.  

Sinabi ni Lim na kanila ng inatasan si Army’s 5th Special Forces Battalion commander Lt. Col. Nasser Lidasan na pamunuan ang bagong Task Force Kutawato.



-0-



IPINAGMAMALAKI ngayon ng lokal na pamahalaan ng Matanog, Maguindanao ang katatapos lamang na apat na kilometrong farm to market road project patungo sa Barangay Bayanga Sur.  

Sinabi ni Mayor Mohammad Ali 'Kits' Guro na matagal na nilang pinangarap na masemento ang nabanggit na kalsada.   Unang nasemento ang isang kilometro noon sa unang termino ni Guro na nagkakahalaga ng 7 million pesos.  

Pagsapit ng kanyang ikalawang termino nagbigay ng 30 milyong piso ang Department of Public Works and Highways o DPWH - ARMM dahilan para matupad ang pangangailangan sa kalsada ng mga residente ng nabanggit na barangay.  

Ang lubak-lubak at maputik nilang mga kalsada noon ang nag-udyok sa kanya upang pasukin ang mundo ng pulitika, ayon kay Guro.  

Ayon pa sa alkalde, may basbas na ni Governor Mujiv Hataman para sa dagdag na 30 million pesos na pondo para sa circumferential road mula Barangay Bayanga Sur patungo sa Barangay Sapad, sa Matanog.  



-0-


LIBO LIBONG mga mamamayan ng Cotabato city na nagmumula sa iba’t ibang sektor ang lumahok sa ‘Run for Drug Free Cotabato City’ ngayong umaga.

Kabilang sa mga nagsitakbo ay mga mag-aaral, mga kawani ng Department of Education, hanay ng pulisya at militar at ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA sa Cotabato City Ayon kay Cotabato City Schools Division Supt. Concepcion Ferrer-Balawag, Al Haj na ang aktibidad ay bahagi ng kanilang kampanya kontra iligal na droga.

Alas sais ng umaga kanina nagsimula ang fun run mula sa City Plaza papunta ng People’s Palace grounds. Sinabi naman ni executive secretary to the city mayor Boy Rasalan na magkakaroon di ng Zumba exercise bago gagawin ang closing program at awarding sa people’s palace grounds.

Sabi pa ni Rasalan, ang aktibidad ay suportado ng City Government sa pamumuno ni Mayor Frances Cynthia Guiani-Sayadi na naglalayong gawing drug-free ang lungsod. Aniya pa, bukod sa pagiging drug-free, hangad din ng City LGU na maging health conscious ang mga mamamayan ng syudad.



-0-


Dalawa patay nang sumalpok ang sinakyang motorsiklo sa nakaparadang truck sa Tupi, South Cotabato

Kinilala ni Tupi PNP OIC,Police Inspector Bertito Delco Jr. ang mga biktima na sina Nestor Nagnal 36, anyos , driver ng motorsiklo at angkas nitong si Erwin Cuaresma, 27 anyos.

Ang mga nasawing biktima ay pawang mga nakatira sa EJC Montilla, Tacurong City, Sultan Kudarat. Ayon kay Delco, aksidente umanong nabangga ng Honda XRM motorcycle na sinakyan ng mga biktima ang sirang truck na nakaparada sa isang lane ng highway sa Poblacion, Tupi. Sina Nagnal at Cuaresma ay di na umabot pa ng buhay sa ospital.

Ito ayon kay Delco ay matapos magtamo ng grabeng mga sugat dulot ng lakas ng pakakasalpok sa truck. Sumuko naman sa mga pulis ang driver ng truck na si Dioscoro Supiter, 46 anyos ng New Isabela, Tacurong City.


-0-

Makikilahok sa Inter-Varsity Christian Fellowship for Creation and Tree Planting Activity ng Deparmtent of Environment and Natural Resources o DENR 12 ang mahigit 40 mga estudyante at professional.

Ang mga ito ay mula sa iba’t ibang kolehiyo at unibersidad sa General Santos City at Koronadal City. Ayon kay Gensan Environment and Natural Resources Officer o CENRO Abdul Cariaga, ito ay bilang suporta na rin sa National Greening Program ng gobyerno.

Ayon kay Cariaga, abot sa may 400 puno ng mahogany seedlings ang kanilang itatanim sa Sitio Balatkayo, Barangay Apopong, General Santos City bukas. Layon nito ayon kay Cariaga na maikintal sa kaisipan ng mga kabataan ang kahalagahan ng mga puno at tamang pagaalaga sa mga ito.

Umapela naman si Cariaga sa publiko na tumulong sa pagresolba ng problema sa climate change. Ito ay sa pamamagitan ng pakikiisa sa mga programa para sa kalikasan ng DENR.

Ang National Greening Program na sinimulan ng Aquino Administration ay may layong makapagtanim ng 1.5 billion na puno sa 1.5 billion ektaryang lupain sa bansa hanggang sa 2028.


-0-



Naniniwala si Department of Labor and Employment o DOLE 12 OIC Regional Director Albert Gutib na kayang palaguin ng mga babaeng inmate at Pardonees sa South Cotabato kabuhayang bigay sa kanila.

Ito ang ipinahayag ni Gutib kasabay ng pagbibigay ng ahensya ng P496,000 na halaga ng tulong pangkabuhayan sa 49 babaeng preso sa South Cotabato Provincial Rehabilitation and Detention Center.

Ayon kay Gutib, makikinabang din sa pondo ang 21 parolees ng South Cotabato Probation and Parole Office. Sinabi ni Gutib ang mga benipisyaro ng kanilang DOLE Integrated Livelihood at Kabuhayang Program ay naka enroll din ng isang taon sa Government Service Insurance System o GSIS.

Ayon kay Gutib umaasa siyang maibibigay na ng Public Employment Service Office ng South Cotabato sa mga benipsyaryo ang kanilang kabuhayan Starter Kits sa Abril. Hinikayat naman ni PESO South Cotabato Manager Cynthia Barrientos ang mga benepisyaro ng programa na gamitin ang tulong na nakuha sa pamahalaan para bumuti ang pamumuhay ng kanilang pamilya.

Ayon naman sa inmate na si Karen Canario,ipinagpasalamat nila ang pagkakaton na ibinigay ng gobyerno para makapagbagong buhay. Ang mga nakinabang sa tulong pangkabuhayan ay mabibigyan ng starter kits para sa Carenderia, Rice Cake Making, Beads Making, Slipper making, Car Washing, Vulcanizing at Ice Cream Making.


-0-


Abot na sa 12,000 sa 16,000 na mga aso na target ng city veterinary office ang nabigyan ng anti rabbies vaccine sa Koronadal .

Sa kabila nito tiniyak ni Koronadal City Veterinarian Dr. Charlamagne Calo na tuloy pa rin ang maigting na kampanya ng kanilang tanggapan para masawata ang rabbies sa lungsod. Ayon kay Calo nakatutok ngayon ang anti rabbies vaccination ng city veterinary office sa mga barangay.

Sinabi din ni Calo na isa rin sa paraan para mabawasan ang rabbies ay ang pagkontrol ng populasyon ng aso. Ito ang dahilan ayon kay Calo kung bakit magkakaroon ng castration o pagkapon sa mga aso at pusa ang city veterinary office sa Rizal Park ngayong araw.

Kabahagi rin ito ng rabbies awareness month celebration sa Koronadal City. Matatandaan na ngayong taon, lima na ang nasawi dahil sa rabbies sa South Cotabato.

Tig dalawa sa mga ito ay naitala sa mga bayan ng T’boli at Lake Sebu at isa naman sa Banga.


-0-

Aminado si Koronadal Chief of Police Superintendent Barney Condes na problema pa rin ang mga menor de edad na mas kilala sa tawag na “Batang tun-og sa lungsod.

Ito ang ipinahayag ni Condes kasunod ng pagsunog ng mga “batang tun-og” sa kubong pinagkukutaan ng mga ito sa Barangay Zone III, matapos silang pagbawalan ng may ari.

Sinabi din ng police official na mariing tinututukan ngayon ng PNP ang mga lugar na madalas naging tambayan ng mga batang tun-og tuwing gabi.

Dinagdag din nito na marami rin sa mga menor de edad na ito ay dayo lamang sa Koronadal City. Kinumpirma ni Condes na karamihan sa mga batang tung-og na kanilang mahuhuli ay may problema sa pamilya. Ito ang dahilan kung bakit pinapatawag din at pinapayuhan ng PNP ang magulang ng mga batang tun-og na kanilang.


 

-0-



Inirerekomenda ngayon ng Provincial Government ng North Cotabato sa pamunuan ng Yellow Bus Line Inc. na makipag-ugnayan sa PNP at militar sa pagpapatuloy ng kanilang operasyon sa Tacurong- Davao highway.

Ito ang lumabas sa naging pag-uusap ng Provincial Government at YBL Management nang makipagkita sila kay Governor Emylou Mendoza. Base sa pahayag ng YBL wala naman silang natanggap na extortion letter bago ang pangyayari. Giit din nilang hindi talaga nagbibigay ng extortion money ang YBL sa anumang grupo.

Nabatid na tatlong araw pang bumabyahe ang YBL sa Tacurong- Davao Via Makilala bago ito sinunog noong lunes, March 13, 2017 ng mga nagpakilalang miembro ng New People's Army o NPA.

Lumabas rin sa imbestigasyon na hindi nakipag-ugnayan ang YBL bago sila bumayahe sa bahagi ng North Cotabato.

Sa ngayon, pinasisiguro na ni Governor Mendoza ang seguridad sa Highway partikular sa Tulunan, Mlang at Makilala sa pamamagitan ng Cotabato Police Provincial Office at militar para hindi na maulit pa ang nabanggit na insidente. Nabatid na ito ang pinakaunang insidente ng panununog bus sa North Cotabato.


-0-


Hawak na ngayon ng Magpet PNP ang TOP 1 Most Wanted Person sa bayan matapos ikasa ang operasyon ng mga otoridad sa Provincial Hospital, Amas, Kidapawan City alas dos ng hapon kahapon.

Kinilala ang suspek na si Jerry Galang Nuguit, 33-anyos, married, laborer na taga Barangay Kinarum, Magpet, North Cotabato. Hindi na nagawang makapalag pa ng suspek na may warrant of arrest dahil sa kasong Rape na may criminal case number 1864 na may petsang Nov. 20, 2013.

Higit tatlong taon ding nagtago sa batas ang suspek na ngayon ay napasakamay na ng mga otoridad. Nakakulong ngayon si Nuguit sa Magpet PNP lock up cell.

Samantala, tinupok naman ng apoy ang isang bahay sa Sitio Malabuaya, Barangay Kayaga, Kabacan Cotabato alas-12 ng tanghali kahapon. Kinilala ang may-ari ng bahay na si Intan Sandigan Macalipat.

Ayon kay macalipat nasa paaralan siya habang nangyari ang sunog at tanging mga anak niya lang ang naiwan sa kanilang bahay. Lumabas naman sa imbestigasyon na sa sa ikalawang palapag sa loob ng kwarto ng anak ni Macalipat nagsimula ang sunog.

Higit isang oras din bago tuluyang naapula ang apoy kung saan abot sa 300, 000 pesos ang halaga ng danyos ng sunog kabilang ang isang motorsiko at mga appliances ng pamilya. Wala namang naiulat na nasaktan sa insidente. Ayon sa report, electrical short circuit mula sa substandard na extension wire ang dahilan ng sunog.

--0-

Dalawang Canine units ngayon ang magiging katuwang ng Kabacan LGU sa pagsugpo ng anumang krimen sa bayan. Ito matapos na pinagkalooban ng Kidapawan City Government ng canine ang LGU Kabacan matapos sumailalim sa isang pagsasanay ang kanilang bagong K9 handlers.

 Sa isang simpleng seremonya itinurn-over ang nasabing Canine at certificates kina Johnny Peralta at Romualdo Bagcat.

 Sina Peralta at Bagcat ay sumailalim sa 45 na araw sa "Basic Bomb Sniffing Dog Handling" sa ilalim ng Kidapawan City K9 Unit. Layunin nito na matulungan ang mga katabing bayan na mapalakas pa ang security capability sa kanilang area-of-responsibity (AOR). Makakatulong rin ito sa paghahanda sa anumang banta ng terorismo.

Ang nabanggit na programa ay libreng inihahandog ng City Government sa mga bayan sa North Cotabato. Katunayan ngayon pa lamang nagpahayag na ang Midsayap LGU na magpadala ng personnel para sumailim din sa kaparehang programa.

 Ang Kidapawan City ang nag-isang LGU sa probinsiya na may sariling K9 unit kasabay rin ng pagbuo ng 911- response Unit sa Central Mindanao.



-0-


Nagkalasog-lasog ang katawan ng dalawa katao matapos na madaganan ng Elf Loader Truck sa nangyaring madugong aksidente sa Highway ng brgy. Poblacion, Makilala, North Cotabato pasado alas dyes ng umaga kanina.

Kinilala ng Makilala PNP ang mga namatay na sina Paquito Egualan Sarmiento, 58, security guard, at Crispin Mier Famulagan, 61-anyos, brgy Kagawad ng Sto Nino Makilala, Cotabato.

Ayon sa report sakay ang dalawang biktima sa kanilang Skygo motorcycle patungong Kidapawan City habang patungong Kidapawan rin ang truck na may license plate na RJC 964 na minamaneho ni Berlyn Jose Quibol, 38, na taga Buhangin, Davao City.

Pagdating sa lugar partikular sa harap ng Rock Valley Christian College ay nag malfunction ang break ng truck at nawalan na ito ng kontrol dahilan para dumiretso sa sinusundang motorsiklo na sinasakyan naman ng mga biktima.

Dahil sa lakas ng impact tumilapon ang dalawa sa kalsada at nadaganan naman ng sumusunod na truck habang dumiretso sa nakaparadang multicab ang nabanggit na skygo motorcycle.

Nagkagutay-gutay ang katawan ng mga biktima dahilan ng kanilang agarang kamatayan. Kulong ngayon sa Makilala PNP lock up cell ang driver na si Quibol habang hinihintay ang pahayag ng pamilya ng mga biktima kaugnay sa kanilang pagsasampa ng kaso kontra sa driver.







  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy