NDBC BIDA BALITA (4.21.17)

Breaking News • Fri Apr 21, 2017 10:25 AM  •  138   0
By NDBC NCA
  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy
NEWSCAST APRIL 21, 2017 (FRI)
7:00 AM
 

HEADLINES:
 

1. 12 DRUGS SUSPECTS, kabilang ang tatlong mga drug den operator sa Lanao del Sur, sinampahan na ng kaso.  

2. TATLONG mga miembro ng BIFF, patay sa engkwentro laban sa militar sa Pikit, North Cotabato  

3. HUKOM, naalarma sa pagdami ng mga batang nasasangkot sa krimen sa Koronadal City  

4. 133 katao sa Kidapawan City, na-tuli na 



-0-



Tatlo ang kumpirmadong patay na mga miembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF matapos makasagupa ang tropa ng Citizen Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) sa ilalim ng 38th IB sa Pikit, North Cotabato.

Kinilala ni Pikit PNP Chief Of Police chief Ins. Donald Cabigas ang mga nasawi na sina Tarzan Buntasil, Kensem Dungandong at Rusman Salik Mohammad na kasama sa pumuga sa North Cotabato District Jail noong Enero a kwatro.

Ayon kay Cabigas, nag ugat ang bakbakan matapos ninakaw ng mga BIFF sa pamumuno ni Kumander Arpie ang dalawang alagang baka sa Sitio Valencia, Barangay Bualan Pikit na pag-aari ng magkapatid na Cafgu Member na sina Ariel Wacan at Constantino Wacan.

Dahil dito agad na tinugis ng CAFGU at militar ang mga suspek na nagresulta naman ng kanilang engkwentro.

Tumagal ng isang oras ang palitan ng putok ng magkabilang panig dahilan naman ng paglikas ng mga residente. Narekober sa crime scene ang matataas na uri ng armas at bala mula sa BIFF na mabilis ding tumakas.

Sinabi ni Cabigas na bagaman at humupa na ang tensyon sa lugar ay hindi pa nakabalik sa kanilang mga tahanan ang mga lumikas na residente dahil sa takot base na rin sa pahayag sa kanya ni Brgy. Bualan Chairman Piang. 


-0-



SINAMPAHAN na ng mga kaukulang kaso ang 12 mga notorsyus na drug suspect na matagal ng nagbebenta ng iligal na droga sa mga Maranao village sa Malabang, Lanao del Sur.  

Sinabi ni Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA ARMM Dir. Bryan Babang na naghihintay na lamang ng paglilitis ang mga naturang suspek.   Ang mga naaresto ay kinabibilangan ng mga drug den operator na sina Intisar Sarip, Anisa Balindong Cali at Fahad Kasan Bangon.  

Nasa kustodiya na rin ng PDEA ARMM ang mga parokayano ng kanilang drug den na sina Nabel Como Ayunan, Japar Uga Sultan, Siehawe Dipatuan Marohom, Jamil Imam, Mohammad Aiman Dipatuan Sarip,  Ainola Aguam Balindong, Asgar Kampong Casim, Kadar Sugo Manua, at Camar Mama.
 

Nasakote ang mga suspek sa inilunsad na buy bust operation ng pinagsanib na pwersa ng PDEA ARMM, Malabang PNP, RPSB 2nd Maneuver Company at Army’s 6th Infantry Battalion sa Brgy. Cabasaran, Malabang, Lanao Del Sur kamakalawa ng umaga.  

Narekober sa ni-raid na drug den ang 21 sachets ng shabu na may timbang na 35 gramo at nagkakahalaga ng 87,500 pesos, one hundered pesos na marked money, mga drug paraphernalia, anim na cellphones, isang cal. 38 revolver with holster at anim na mga bala, isang granada, at dalawang units ng homemade M-79 grenade launcher.      

Sabi ni Babang, natuklasan ng mga otoridad ang iligal na aktibidad sa lugar dahil na rin sa mga sumbong na kanilang natanggap mula sa ilang mga residente sa lugar kabilang na ang mga local official at traditional Maranaw elders.  

Kasong paglabag sa Comprehensive Drug Act of 2002 at Illegal Possession of Firearms and Explosives ang kasong isinampa sa mga nadakip na suspek.


-0-


NAGPASAKLOLO NA kay Pangulong Duterte ang mga kaanak ng pinaslang na si Dr. Sajid ‘Jaja’ Sinolinding.   Ito ay para tugunan ng pangulo ang matagal ng problema sa Cotabato Foundation College of Science and Technology o CFCST sa Arakan, North Cotabato.  

Naniniwala kasi si Dr. Harris Sinolinding na naging ‘sacrificial lamb’ lamang ang kanyang bunsong kapatid at nadamay lamang sa gulo nagaganap sa naturang paaralan.  

Una rito, tinambangan din noong Agosto ng nakaraang taon sa kanilang paaralan si Dr. Harris.   Bago ang pagkakapaslang kay Dr. Jaja ay binaril din ang isang Farmer leader sa harap ng kanyang tindahan sa Brgy. Ilustre, Pres. Roxas na si Tatay Juling nito lamang Pebrero.  

Umaasa naman si Dr. Harris na sana ay hindi magbulag-bulagan ang pulisya at agarang dakpin ang suspek sa pagpatay sa kapatid na si Dr. Jaja.  

Ilang beses na rin aniya siyang umaapela sa Commission on Higher Education o CHED sa isyu sa CFCST, pero hindi umano nakakarating sa nasabing tanggapan ang kanilang mga inihahaing reklamo.  

Nabatid na may mga inirereklamong katiwalian sa CSCST at mayroon ding agawan sa liderato ng naturang paaaralan.  

Samantala, bukas ay gagawin ang kanduli kaugnay sa pagkamatay ni Dr. Jaja sa Kabacan, North Cotabato.  

Nabatid na libo-libong mga pasyente ang natulungan ni Dr. Jaja lalo na sa mga malalayong lugar ng ARMM sa panggagamot sa mata at minsan pa’y hindi ito tumatanggap ng bayad makatulong lang sa mga mahihirap.  

Maalalang nabaril at napatay si Dr. Jaja habang nanggagamot sa loob ng Cotabato Doctors’ Clinic sa Cotabato city nitong Martes ng umaga.  


-0-


Patay ang isang 73-anyos na lolo makaraang mabundol ng motorsiklo sa National Highway, partikular sa Brgy. Sadaan, Midsayap, North Cotabato alas dos ng hapon kahapon.  

Kinilala ang nasawi na si Sonny Doronila, may asawa at residente ng nasabing lugar.  

Batay sa ulat, tumawid ang biktima sa National Highway nang mabangga ng kulay itim na XRM motorcycle na minamaneho ni Arnel Bonifacio, 30-anyos at residente ng Kimpo St., Cotabato City.  

Galing ang driver sa Kidapawan City at pauwi na sana sa Cotabato City nang mangyari ang insidente.   Ayon kay Bonifacio, bumusina naman siya ngunit hindi ito narinig ni lolo Sonny dahil bingi na ang matanda.   Naisugod pa sa pagamutan sa Midsayap si lolo pero binawian din ng buhay.

Nabatid na nagkaroon na ng amicable settlement sa pagitan ng pamilya ng biktima at sa suspek kaugnay ng naturang aksidente.  


-0-



MABIBIGYAN NA ng tulong ang mga residente ng limang mga barangay sa Cotabato City na nasalanta ng malakas na hangin at pag-ulan.  

Ito matapos na aprubahan ng Sangguniang Panglunsod ang 429 thousand, 750 na pondo mula sa 5% na Local Disaster Risk Reduction Management Fund o LDRRMF.   Ang pagpapalabas ng pondo mula sa kaban ng syudad ay batay sa City Ordinance No. 4479 na inaprubahan ng SP.  

Kabilang sa mga barangay na mabibigyan ng ayuda ay ang Tamontaka 3, Tamontaka 4, Kalanganan 2, Rosary Heights 9 at Rosary Heights 10.  

Nabatid na lubhang naapektuhan ang mga pananim ng mga residente sa naturang mga lugar matapos na bayuhin ng malakas na hangin at pag-ulan.  

-0-


Samantala, sa kabilang dako naman…………   Aprubado na rin ng SP ang City Ordinance No. 4478 na nagtatakda ng mahigpit na panuntunan sa mga pagkatay, pagpapasok at pagbebenta ng iba’t ibang uri ng karne sa lungsod.  

Sinabi ni City Vice Mayor Graham Nazer Dumama na nakasaad sa naturang batas ang mahigpit na pagpapatupad ng meat inspection.  

Ipinagbabawal na rin ang pagpasok at pagbebenta ng mga karne ng baka, kambing, at tupa sa mga pamilihan sa lungsod kung hindi ito dumaan sa AA Halal Slaughterhouse ng lungsod.  

Nabatid pa na dalawang mga resolusyon din ang inaprubahan ng mga lokal na mambababatas sa lungsod.  

Ang Resolution no. 6161 na humihiling sa PRC na mag schedule ng Licensure Examination for Teachers sa Cotabato city at ang Resolution No. 6162 na humihiling sa Globe and Smart Telecom na magbigay ng libreng wifi access sa ilang pampublikong lugar sa lungsod.  


-0-



APRUBADO NA ng House Committee on Muslim Affairs ang panukalang pagdedeklara sa February 1 kada taon bilang National Hijab Day sa Pilipinas.  

Ayon kay Committee Chair Rep. Sitti Djalia Turabin-Hataman, may-akda ng nasabing panukala, ang Hijab ay bahagi ay bahagi na ng pamumuhay ng mga babaeng Muslim.  

Aniya nakasaad sa Qur-an na dapat pangalagaan ng bawat babaeng Muslim ang kanilang kalinisang-puri at kababaang loob.  

Nakasaad sa House Bill 968 na ang Hijab ay isang belo na tumatakip sa ulo at dibdib na partikular na sinusuot ng mga babaeng Muslim pagkatapos ng kanilang puberty age sa harap ng mga lalaking hindi nila kapamilya.  

Layon ng panukala na hikayatin ang lahat ng mga babae na maranasan ang pasusuot nito at maalis ang misconception na ikinakabit dito.   Umaasa si Hataman na dahil dito, ang mga babaeng hindi Muslim ay magkakaroon ng mas malalim na pag-intindi sa kanilang tradisyon.  

Pangungunahan ng National Commission on Muslim Filipinos ang pagtataguyod dito at maging ang mga aktibidad kaugnay ng selebrasyon.  

Hango ang National Hijab Day sa World Hijab Day na itinatag ni Nazma Khan na unang ginunita noong ay February 1, 2013.  


-0-




Tradisyon na tuwing baksyon na magpatuli ng mga batang lalaki sa bansa bilang paghahanda sa kanilang pagbibinata.

Sa Kidapawan City, 133 na mga batang lalaki ang nabigyang ng libreng serbisyong tuli ng City LGU katuwang ang Non-Government Organization na With Love Jan Incorporated simula kahapon.

Target ng serbisyo ang may tatlong daang batang lalaki sa Barangay Poblacion ng lungsod hanggang ngayong araw. Isinagawa ang aktibidad sa covered court ng Kidapawan City Pilot Elementary School.

May libreng gamot din na ibinigay gaya ng pain reliever para maibsan ang kirot ng sugat at antibiotic naman para hindi maimpeksyon at mabilis na maghilom ang sugat.

Ayon sa mga doktor aabutin pa ng isang linggo bago tuluyang gumaling ang sugat ng mga batang lalaking tinuli.

Pinayuhan naman ang mga magulang na siguraduhing malinis ang damit at pantakip ng kanilang anak at hugasan ng malinis at maligamgam na tubig na pinakuluan ng dahon ng bayabas para mas mapabilis ang paghilom ng sugat liban pa sa pag-inom ng mga gamot na nireseta ng duktor.


-0-


Bago paman ang Semana Santa, nakatanggap na ng intelligence report ang Kidapawan City PNP kaugnay sa pambobomba ng teroristang grupo sa Kidapawan.

Ito ang pahayag ni Kidapawan City PNP Director Supt Leo Ajero, kaugnay sa report na kabilang ang lungsod na target ng pambobomba sa Central Mindanao.

Ayon kay Ajero, nanatiling alerto ngayon ang PNP kasabay na rin sa paghahanda sa Oplan Summer Vacation o Oplan SUMVAC.

Sa kabila ng nasabing mga pagbabanta, mas mainam pa rin ayon sa opisyal ang pagiging mapagmatayag ng mamamayan para mas madaling matukoy ang mga masasamang elemento.

Iginiit nitong kahit 24 oras na magbabantay ang pulisya kung wala namang suporta at koordinasyon sa publiko ay magiging sayang lang din.

Una nang kumalat ang report mula sa National Intelligence Coordinating Agency on NICA kung saan nakalista ang pangalan sa Mindanao na target ng pambobomba ng teroristang grupo.


-0-



Patuloy ngayong nagpapagaling sa ospital ang isang 61 anyos na Van driver matapos pagbabarilin ng riding tandem criminals sa Pikit North Cotabato kahapon. Kinilala ang biktima na si Pedro Villaflor, isang lumad nga taga Brgy. Katinggalan Midsayap.

Ayon sa report biyang Cotabato City ang biktima galing Davao City pero pagdating nito sa Brgy. Batulawan Pikit ay doon na siya binaril ng di pa kilalang mga suspek.

Swerte namang sugat lamang ang tinamo ng biktima sa kanyang leeg na agad namang dinala sa pagamutan. Personal Grudge naman ang sinusundang anggulo ng PNP sa motibo sa pmamaril matapos mapag-alaman na may nakaaway ang biktima sa Midsayap Terminal bago ang insidnete.


-0-


Sa pamamagitan ng isang Nationwide Rally sa Maynila, hihikayatin ng mga cooperative movement ang Kongreso na huwag isama sa kakaltasan ng buwis ang mga kooperatiba sa bansa.

Nabatid na isang panukalang batas ang ipinasa sa kongreso kaugnay sa pagpapataw ng buwis sa anumang kooperatiba.

Ayon kay Asterio Dapal, isa sa mga meimbro sa kooperatiba sa Kidapawan City, di raw sila kontra sa nasabing panukala pero ang sa kanila lang ay ililibre sila sa mga bubuhisan.

Lumapit na rin aniya sila kay Governor Emylou Mendoza at mga kongresista kaugnay sa nasabing kahilingan para suportahan ito.

Oras kasi na maipasa ang nasabing panukala ay unang maaapektuhan ang mga maliliit na kooperatiba lalo na ang mga miembro nitong magsasaka.

Sa Darating na April 29, aasahan ang daan-daang cooperative movement na magsasagawa ng Nationwide Rally sa kalakhang Maynila kaugnay sa kanilang kahilingan sa kongreso. NDBC BIDA BALITA


-0-



Naibigay na ng Koronadal PNP ang 12 mga menor de edad na kanilang nahuli sa City Social Welfare and Development Office.

Ang mga ito ay nahuli sa a barangay General Paulino Santos, Koronadal City. Ang mga menor de edad ay pawing mga myembro ng grupong SUKARAP o “Sugal,Kawat at Rape na responsable umano sa serye ng nakawan sa lungsod.

Nabatid na ang mga SUKARAP ay inaresto mismo sa harap ng bahay ni Regional Trial Court Branch 26 Judge Lorenzo Balo. Ayon kay Balo, nakaalarma ang pagdami ng SUKARAP dahil mga myembro nito ay pawang mga menor de edad.

Nakumpiska din ng mga pulis sa mga hinuling SUKARAP ang isang paltik na baril na ayon kay Balo ay maari pang magdulot ng mas malaking perwisyo sa mga mamamayan.

Kaugnay nito tiniyak naman ni Koronadal PNP OIC, Police Superintendent Joedy Lito Guisinga na sosolosyan agad ng pulisiya ang nakakaalarmang pagdami ng mga SUKARAP sa Koronadal City.


-0-


Nailipat na sa temporary ward ang mga pasyente na dati ay nagsisiksikan sa lobby ng South Cotabato Provincial Hospital.

Ayon kay South Cotabato Chief of Hospital, Dr. Conrado Brana, para masolsoyonan ang problema ng siksikan, ginawa muna nilang temporary ward ang hospital gym.

Sinabi ni Brana na para maging kumportable sa mga pasyente naglaan ng supplementary fund para pambili ng dagdag na industrial fans at kurtina sa temporay ward ang pamahalaang panlalawigan.

Gayunpaman ayon kay Brana, masosolosyonan lamang ang siksikan ng mga pasyente sa ospital kapag naiturn over na ng Department of Health ang bago nilang gusali.. Nabatid na ang tatlong palabag na Gusali sa gilid ng ospital ay mayroong 50- bed capacity.

Matatandaan na kada araw abot sa may 270 ang pasyente sa South Cotabato provincial hospital na mas mataas naman sa 200-bed capacity nito.


-0-


Ginagawa ng PNP ang lahat upang mapanatili ang katiwasayan sa lalawigan ng South Cotabato. Ito ang ipinahayag ni South Cotabato PNP Provincial Director Senior Police Superintendent Franklin Alvero kasunod ng banta umano ng pambobonba sa ilang lugar sa SOCCKSARGEN.

Ipinahayag ni Alvero na mas pinaigting ng PNP South Cotabato kanilang preventive measures. Ito ay matapos ang pagsabog ng dalawang improvised explosive device sa Tacurong City, Sultan Kudarat na ikinasugat ng 17 katao. Nilinaw ni Alvero na matagal nang nakaalarto ang South Cotabato PNP.

Sinabi ni Alvero na pinaigting ng PNP ang kanilang police visibility sa mga matataong lugar. Aminado naman si Alvero na maliban sa bomb threat, problema din sa South Cotabato ang pagbabanta, pagatake at extortion activities ng New Peoples Army o NPA.

Ayon kay Alvero tintutukan din ng PNP ang problema sa iligal na droga, carnapping at iba pang krimen sa South Cotabato.

-0-

Inilunsad ng 160 myembro ng South Cotabato Pag-asa Youth Association of the Philippines o PYAP ang kanilang Adopt a Riverbank Project sa bayan ng T’boli.

Unang nakinabang sa programa ang Sitio Bakngeb sa Barangay Laconon, Tboli kung saan nagtanim ang mga ito ng 50 afus bamboo at 100 mahogani hills sa pampang ng Bakngeb river.

Layon nito na makontrol ang soil erosion, at ma-stabilized ang mga ilog upang maiwasan ang mga pagbaha.

Ito ay ayon kay Louie Pacardo ng Allah Valley Landscape and Development Alliance o AVLADA.

Hinikayat din ng AVLADA ang mga kabataan na bumuo ng school-based groups para tumulong sa pangangalaga sa kalikasan at pagsulong sa environmental and climate change adoptation advocacies gamit ang social media.

Itinuro din sa mga ito sa dalawang araw na aktibidad ang climane change adaptation, environment protection at batas hinggil sa iligal na droga.

Ito ay bilang kabahagi ng paghikayat sa mga kabataan na tumulong sa pagmintina ng isang malusog at ligtas sa kalamidad na pamayanan.

Nabatid na abot sa 60 barangay sa South Cotabato na tahanan ng may 40,000 pamilya ang manganganib sakali mang umapaw ang Allah River at mga tributaries nito.

-0-



Umaasa si Department of Education 12 Assistant Regional Director Evelyn Fetalvero na bibigyan pansin bf pamahalaang panlalawigan ng Antique ang kanilang hinaing.

Ito ang ipinahayag ni Fetalvero sa Radyo Bida,matapos madismaya sa billeting quarter ng mga delegado ng rehiyon sa Palarong Pambansa 2017.

Sinabi ni Fetalvero na ang mga billeting quarter ng region 12 na Egana Elementary School at Egana National High School ay malapit sa mga poultry at piggery. Nangangamba si Fetalvero na ito ay makakaapekto sa kalusugan ng mga delgado ng rehiyon sa palaro.

Ayon kay Fetalvero kahit na magkaroon pa ng agarang facelift nalabo na makakuha ang region 12 ng special award sa mga contest sa billeting quarters ng Palarong Pambansa.

Gayunpaman ayon kay Fetalvero, bentahe rin sa mga atleta ng rehiyon ang kanilang billeting quarter dahil abot lamang sa may 1.5 kilometers ang layo nito sa mga playing venues.

Ipinahayag ni Alvero na hangad nitong matugunan ng Antique Provincial government ang kanilang pangamba bago pa man ang pagsisimula ng Palarong Pambansa sa April 23.

Ang palaro ay gaganapin hanggang April 29 sa San Jose de Beunavista, Antique. 



  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy