NDBC BIDA BALITA (4.6.17)

NDBC BALITA  • Thu Apr 6, 2017 10:39 AM  •  207   0
By NDBC NCA
  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy
NEWSCAST APRIL 6, 2017 (THU)
7:00 AM
 

HEADLINES:  

1. ENVIRONMENT Sec. Gina Lopez, bumisita sa Maguindanao; 21 milyong pisong halaga ng proyekto, ibinigay sa Rajah Buayan, Maguindanao.  

2. Dating DILG Secretary, ipinagtanggol ng kanyang anak laban sa akusasyon ng katiwalian  

3. Dalawang mga wanted person, huli sa magkahiwalay na operasyon sa North Cotabato  

ABOT sa 21 milyong pisong halagang proyekto ang ipinamudmod ng Department of Environment and Natural Resources o DENR sa Rajah Buayan, Maguindanao.  

Sa isinagawang launching ng Sustainable Integrated Area Development o SIAD program ng DENR para sa Ligawasan Marsh na ginanap sa Buluan, Maguindanao, sinabi ni Environment Sec. Gina Lopez na magpapaluwal ng 21 milyong piso ang DENR para sa isang libong ektaryang bamboo plantation project.  

Ayon kay Lopez, mahigit isang taon ding pinagplanuhan ni Rajah Buayan mayor Datu Zamzamin Ampatuan ang naturang proyekto na inaasahang makakatulong sa ekonomiya ng bayan at makapagbibigay ng trabaho sa maraming mga mamamayan sa lugar.  

Kaugnay nito, lubos naman ang pasasalamat ni mayor Ampatuan at napili ang kanyang bayan bilang model municipality sa Maguindanao para sa area development at social enterprise na isinusulong ng DENR.  

Samantala, tiniyak naman ni Lopez na makakatanggap din ng financial at technical assistance ang iba pang mga bayan sa Maguindanao kung tutuparin ng mga ito ang ilang mga kondisyong inilatag ng DENR.  

Kahapon, lumagda ang mga alkalde at iba pang stakeholders mula sa iba’t ibang mga bayan sa Maguindanao sa isang memorandum of agreement and commitment para sa maayos na implementasyon ng SIAD project.  

Sabi naman ni Maguindanao Gov. Esmael Mangudadatu, nasa 19 na mga bayan ang target sa unang yugto ng SIAD project at karamihan sa mga ito ay nasa palibot ng Ligawasan Marsh.  

Nangako naman si Mangudadatu ng suporta mula sa provincial government para matiyak na magiging maayos ang pagpapatupad ng mga area development project sa lalawigan  

Samantala, para naman kay DENR ARMM Sec. Kahal Kedtag, tiniyak nito na paiigitingin nila ang monitoring at evaluation sa bawat ipinatutupad na proyekto para masiguro na mapapakinabangan ito ng mga mamamayan di lang sa Maguindanao kundi maging sa buong rehiyon.


-0-


PATULOY ngayong nagpapagaling sa pagamutan ang tatlo katao matapos mabiktima ng pamamaril pasado alas dyes ng umaga kahapon sa Barangay Badak, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.  

Kinilala ni DOS chief of police, chief inspector Achmad Alibonga ang mga biktimang sina Sammy Kunakon 31 anyos na taga barangay Bagua Uno, Cotabato city; Lambai Silongan 42, may asawa at si Norhata Silongan 28, walang asawa na parehong taga Kilometer 16, Sultan Kudarat, Maguindanao.  

Nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan ang mga biktima mula cal. 45 pistol base na rin sa narekober sa crime scene.  

Agad naman nahuli ng rumespondeng elemento ng DOS PNP ang dalawang mga suspek  na sakay ng motorsiklo na kinilalang sina Akmad Salik, 33 anyos na taga barangay Tambak at Jordan Kasan alyas Doc, 27 years old na taga Awang ng nasabing bayan.
 

Sa ngayon ay nakakulong na ang mga suspek at inihahanda na ng DOS PNP ang kasong isasampa laban sa kanila.   Love triangle naman ang tinitingnang anggulo ng pulisya sa naturang pamamaril.

 

-0-



IPINASASARA NA ng Community Environment and Natural Office o CENRO 12 ang apat na mga maliliit na lumber yard sa Cotabato city.  

Sinabi ni CENRO 12 officer-in-charge Mohamad Mama Jr. na ipinatigil niya ang operasyon ng naturang mga lumber yard dahil walang mga kaukulang permit ang mga ito mula sa kanilang tanggapan.  

Ayon kay Mama, ang nasabing direktiba ay batay sa Executive Order 23 na total logging ban sa bansa.   Batay sa nasabing kautusan, mahigpit na ipinagbabawal ang pamumutol ng mga naturally grown tree, partikular na ang mga hard wood.  

Gayunman, aminado naman ang opisyal na marami pa ring lumber yards sa lungsod na nakakalusot dahil sa nabigyan sila ng business permit mula sa City LGU.  
Samantala, hindi naman nabanggit ni Mama kung ano anong mga lumber yard sa lungsod ang naipasara na.  


-0-


Ipinaliwanag ni Cotabato City Environment and Natural Resources Officer in charge Engr. Crisanto Saavedra ang dahilan kung bakit may ilang mga probisyon ng Republic Act 9003 o Ecological Solid Waste Management Act 2000, ang hindi nasusunod ng City Government.  

Ayon sa opisyal ang kakulangan sa disposal facility, partikular na ang dump site o lugar na paglalagyan ng sanitary landfill ang hindi pa na comply ng City LGU.  

Ito ay dahil sa wala silang lugar na pwedeng mapaglagyan sa siyudad dahil sa maraming mga konsiderasiyon sa kapaligiran, maliban pa sa below sea level ang lungsod.  

Pero sa kabila nito, tiniyak ni Saavedra na marami namang ginagawang hakbang ang kanilang tanggapan upang maiwasan na makasuhan sa ombudsman ang City government dahil sa paglabag sa nasabing batas.  

Giit ni Saavedra, na clustered operation ang isa sa isinusulong nila, bukod pa sa bagong teknolohiya na kanilang i-pi-presinta sa mga susunod na araw, para ma-recycle ang mga basura.  

Sa ngayon, pinag-aaralan na nila ang clustering sa bahagi ng Datu Odin Sinsuat o di kaya’y sa Parang, Maguindanao.  

Samantala, tiniyak ni Saavedra na hindi nila pinapabayaan ang problemang ito ng lungsod at katunayan ay nagpasaklolo na rin sila sa Environmental Management Bureau o EMB at maging sa Solid Waste Management Commission.  

Nabatid na sa ngayon ay umaabot na sa 100 tonelada ng basura ang nakokolekta sa lungsod kada araw.



-0-



Naninindigan si Miko Sueno na hindi tiwali ang kanyang ama. Si Miko ay anak ni dating Department of the Interior and Local Government Secretary Esmael “Mike Sueno” na tinaggal ni pangulong Rodrigo Duterte, dahil umano sa katiwalian.

Ayon kay Miko ,nais lamang sanang mangyari ng kanilang pamilya na idinaan sa due process ang pagkakatanggal sa kanyang ama. Pinabulaanan din nito na may mamahaling istruktura na ipinatatayo sa kanilang lupain sa Barangay Paraiso, Koronaddal City na ibinibintang sa kanyang ama.

Ayon kay Miko tanging ipinatatayo lamang sa lugar, ang bahay na pinagtulungan nilang ipundar na magkakapatid. Sinabi din nito na dati na rin silang may itikan sa lugar .

Nilinaw nito na ang bagong istruktura para sa kanilang mga itik ay galing din sa kinita nito.

Ang anak ni dating DILG Secretaty Mike Sueno na si Miko Sueno Matatandaan na tinukoy umano sa confendential memorandum na ipinalada sa pangulo na mula sa dating isang kubo, matatagpuan umano sa lupain ni Sueno ang mamahaling istruktura.

Bagama’t una na nitong itinanggi ang mga naging paratang sa kanya, sinisikap pa ng radyo bida na makuha ang reaksyon ni Sueno sa pagkakatanggal sa kanya sa pwesto.

Sa text message naman na ipinadala ni Head Executive Assistant to the DILG Secretary Josephine Leysa sinabi nitong mali ang impormasyon na nakarating sa pangulo.


Ayon kay Leysa na isa rin sa nabanggit ng mga nagsumbong kay Duterte, nag-iipon na sila ngayon ng mga dokomento para linisin ang pangalan ni Sueno.


-0-


Mayroon ng Masa Masid Team ang 1,195 na barangay sa buong Region 12. Ito ang ipinahayag ni Department of the Interior and Local Government o DILG MASA-MASID focal person Jermie Erie Yeager.

Ayon kay Yeager ang MASA-MASID Team ang mangunguna ng kampanya kontra katiwalian at droga sa mga barangay.

Ito ayon kay Yeager ay sa pamamagitan ng pagsasagawa ng advocacy and education campaign, pangangalap at mag-ulat ng impormasyon at tumulong sa rehabilitasyon ng mga drug dpendents sa komunidad.

Ang MASA MASID o Mamamayan Ayaw sa Anomalya, Mamamayan Ayaw sa Iligal na Droga ay suporta ng DILG sa kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa droga, kriminalidad at korapsyon.

Ito ay binubuo ng mga faith-based organizations, civil society organizations, non-government organizations, people’s organizations at mga Anti-Drug Abuse Council at Peace and Order Council sa mga barangay.


-0-



Umaapela si Barangay Zone III, Koronadal City Chairman Bert Hinay sa mga may magagandang loob na tulungan ang 34 pamilya na nasunugan sa kanilang lugar. Ayon kay Hinay marami sa mga nasunugan sa Casa Subdivsion, ay walang naisalbang gamit.

Ang mga ito ay pansamantalang nakatira ngayon sa Barangay Hall ng Zone III habang ang iba naman ay nanunuluyan muna sa kanilang mga kaanak. Ayon kay Hinay ang sunog ay tumupok sa mahigit 20 bahay at ari arian na nagkakahalaga ng mahigit P500 thousand.

Nauna nang ipinahayag ni Koronadal City Fire Marshall Reginald Legaste na ang sunog ay posibleng nagsimula sa napabayaang kandila sa bahay ng isa umano’y Melanie Aguasito.

Ayon kay Legaste dahil sa gawa sa light materials ang bahay madaling kumalat ang apoy. Muntik nang madamay sa sunog ang katabing tanggapan ng City of Koronadal Water District.

Gayunpaman nilinaw ni Legaste na may tinitingnan pang ibang anggulo sa sunog ang BFP . Ang mga nasugang mamamayan ay nabigyan na ng mga kumot, kulambo at iba pang pangunahing pangangailangan ng Koronadal City Social Welfare and Development Office.


-0-



Kailangan ng pulisiya ang tulong ng publiko para sa ikatatagumpay ng kanilang pinalakas na kampanya kontra iligal na droga.

Ito ay ayon kay Police Regional Office 12, Operations and Planning Division Chief, Police Senior Superintendent Rolly Octavio. Binigyan diin ni Octavio na balewala rin ang Project Double Barrel Reloaded ng pulisiya kung walang suporta ng mga mamamayan.

Nilinaw naman ni PRO 12 Information Officer, Police Superintendent Romeo Galgo na hindi makapagtakda ng deadline sa kampanya kontra illegal drugs ang pulisiya.

Paliwanag ni Galgo, hangga’t mayroon kasing gumagamit nito, mayroon pa ring magpupumilit na magbenta ng shabu, marijuana at iba pang iligal na droga.

Ayon kay Galgo, maliban sa mga high value target, mariin ding tinututukan ng pulisiya ang mga drug personalities na sumuko noon sa kanilang Oplan Tokhang.

-0-


Nasa ligtas nang kalagayan ang isang sanggol na natagpuan sa Lower Osmena, Street, Barangay Zone I Koronadal City.

Ang bagong silang na babaeng sanggol ay unang natuklasan ng 29 anyos na si Bariechar Perbillo alas tres y medya ng umaga kahapon.

Sinabi ni Perbillo na nang lumabas siya para bumili ng pagkain, nagulat na lamang siya ng makarinig ng iyak ng sanggol malapit sa tapat ng kanilang bahay.

Ayon kay Perbillo laking gulat nito nang makita ang isang sanggol na nakasilid sa karton ng ketchup. Sinabi ni Perbillo na may kasama pa itong mga damit at gatas.

Ayon kay Perbillo, umiyak ang sanggol dahil sa kagat ng mga langgam. Agad naman nila itong dinala sa South Cotabato Provincial Hospital.


Hindi pa batid ng PNP at maging ng City Social Welfare and Development Office kung sino ang nag-abandona ng sanggol sa lugar.

Ito na ang pangalawang sanggol natagpuan matapos iwan sa Koronadal City. Matatandaan na isang abandonadong bagong silang na sanggol na lalaki ang nakitang nakasilid sa karton sa barangay Zone III Koronadal noong Enero.


-0-




Napasakamay na ngayon ang dalawang wanted person sa North Cotabato matapos maaresto sa isinagawang operasyon ng mga otoridad.

 Unang naaresto ang isang Billy Sorianosos sa brgy Kilada, Matalam alas syete ng umaga kahapon.

Huli ang suspek sa bisa ng warrant of arrest sa kanya ng korte na pinirmahan ni Judge Alandrex Betoya ng RTC Branch 16- Kabacan dahil sa kasong attempted murder na may petsang August 26, 2016.

Samantala, hawak na rin ng mga ototidad ang isang Gemar Cubero ng brgy. Gayola, Kidapawan matapos maaresto 1:20 ng hapon kahapon.

Si Cubero ay nahuli sa bisa ng warrant of arrest sa kanya na inisyu ni Judge Henelinda Molina-Diaz ng RTC Branch 61, Kidapawan dahil sa kasong rape na may petsang November 21, 2016.

Lumabas sa imbestigasyon na si Cubero ay bahagi sa inakusahan sa kaso niJoel Evangelista na nahuli noong March 17, 2017 at Top 9 most wanted Person ng Kidapawan City PNP. Kulong ngayon ang dalawang mga suspek sa CIDG lock up cell.

Ang nabanggit na operasyon ay isinagawa ng pinagsanib na pwersa ng CIDG North Cotabato kasama ang Matalam at Kidapawan City PNP, at RPSB region 12. Bahagi din ito sa mas pinaigting na kampanya kontra mga kriminal sa lalawigan.


-0-



Inaasahang maipapatayo sa sitio Water Pool sa barangay Bongolanon, Magpet North Cotabato isang IP Research Center bago ang taong 2018.

Ayon kay Indigenous People's Mandatory Representative o IPMR Datu Antonio Taquinan, isang proposal ang kanilang natanggap kaugnay sa proyekto na ipapatayo sa lugar na pangungunahan ni dating NCIP Commissioner Noma Gunoz katuwang ang Department of Tourism 12 ng Ateneo de Davao University at ipa pang mga unibersidad.

Ang maong research center tatawagin na Apo Governance Indigenous Peoples Academy o AGILA. Layunin ng proyekto na palakasin ang panggobyerno ng mga katutubo, mapreserba ang POOVIYANG GONTANGAN o ang customary law pati na ang kanilang kultura, tradisyon pananalita na ngayon ay dahan-dahan ng nawawala dahil sa modernong panahon.

 Nais rin ng proyekto na maturuan lalo na ang mga kabataan sa kanilang tibal dance at iba pang may kaugnayan sa kanilang tribu.

Magagamit rin kasi nila ito kung may mga lokal na turista na bibisita sa lugar lalo pat nasa area lamang ang Tausuvan falls. Kaugnay nito, nagpapatuloy ngayon ang dayalogo sa mga myembro ng tribu sa lugar at tribal affairs office.

Ang barangay Bongolanon ay 70% IP domninated na brangay sa buong munispoyu.


0-0-




Abot sa 19, 650 na kilo ng goma ang nai- deliver ng mga Rubber farmers sa isinagawang Launching sa Rubber Trading Center sa bayan ng Arakan nitong martes.

Ang nabanggit na kilo ang siyang nakolekta mula sa mga magsasaga ng tatlong lugar ng Arakan na kinabibilangan ng Sitio Dilion, Brgy. Poblacion, Sitio Butterfly Brgy. Malibatuan at Brgy. Doroluman.

Nabatid na abot na ngayon sa 37. 25 pesos ang kilo ng rubber na siyang napagkasunduang presyo na nanalo mula sa bidding base na rin sa presyo sa world market.

Layunin nito na matulungan ang mga rubber farmers na mabili ang kanilang mga goma sa maayos na presyo at maturuan din sila kung papaano maka produce ng de-kalidad na goma.

Ito na ang panlimang Launching ng Rubber sa Rubber Trading Center sa North Cotabato. Una rito ay inilunsad sa Brgy. Tamped, Matalam, sinundan sa Brgy. Pangao-an , Magpet, Brgy. New Panay, Aleosan, at huli sa Brgy. Luhong, Antipas. Nakatakda namang ilunsad ang sunod na Bagsakan sa bayan ng Alamada at Kidapawan City ngayong buwan.


-0-

Patuloy na tinutugis ng mga otoridad ang mga wanted person sa North Cotabato na ngayon ay nagtatago pa rin sa batas. Base sa datus ng City PNP sa unang quarter ng 2017, 16 na mga wanted person ang naaresto ng Kidapawan City PNP sa pamamagitan ng Oplan Pagtugis.

Mas hinigpitan ang nasabing operasyon base na rin sa mandato ng Philippine National Police matapos binawi sa PNP ang war on drugs.

Nagsimula ito noong Enero kung saan may apat na naaresto ang PNP, lima noong Pebrero habang pito naman noong nakaraang Marso.

Sa kabuuan 16 na mga indibidwal ang nahuli PNP katuwang ang Criminal Investigation and Detection Group o CIDG. Ang mga wanted person ay napabilang sa kategorya ng crime-index crimes na may mga warrant of arrest na ang penalidad ay 6years to life imprisonment o kaya'y reclution perpetua.

Kadalasang rin nahuhuli ng PNP mao ang may kinakaharap na kaso ng rape, theft at carnapping, murder at iba pang mga heinous crimes.

Matatandaang naging mahigpit ang kampanya ng mga otoridad noong Enero bilang kapalit ng kampanya kontra droga, kasabay rin sa pagpapatupad sa war on illegal numbers game.



-0-



Dead on the spot ang isang driver habang sugatan naman ang helper nito nang bumaliktad ang kanilang sinasakyang Fuso Drop Side 10 Wheeler Truck sa kurbadang bahagi ng Purok 11, Brgy. Poblacion, Makilala North Cotabato alas 4: 40 ng hapon kahapon.

Kinilala ang namatay na si Roy Sumintac, 31, na taga brgy. Bual, Midsayapa at ang sugatang si Reniel Cabalinan, 29 anyos na taga Poblacion, Midsayap.

Ayon sa report ng Makilala PNP galing Davao City ang mga sasakyan patungong bayan ng Midsayap ngunit pagdating sa nabanggit na lugar ay nag malfunction ang break umano ang sasakyan dahilan ng pagkakasalpok nito sa tinatawag na dike sa lugar.

Dahil sa lakas ng impact wasak ang harapang bahagi ng sasakyan, habang nagkalat naman sa kalsada ang mga kargang pepsi cola na tinatayang nasa pitong daang cases. Sa ngayon nagpapagaling sa Makilala Specialist ang helper na si Cabalinan habang patuloy na iniimbestigahan ang pangyayari.

Ito na ang pangawalang vehicular crash na naitala sa kaparehang lugar nitong linggo lamang kung saan halos ilang oras din ang lumipas bago naging normal ang daloy ng trapiko.

Matatandaang dalawang truck rin ang nagsalpukan noong linggo ng hapon na ikinasugat ng walo katao. NDBC BIDA BALITA


  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy