NDBC BIDA BALITA (4.7.17)

NDBC BALITA  • Fri Apr 7, 2017 10:37 AM  •  194   0
By NDBC NCA
  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy
NEWSCAST APRIL 7, 2017 (FRI)
7:00 AM
 

HEADLINES:
 

1. Crime Rate ng Cotabato City, bumaba ng 64%.

2. Kolehiyo sa Koronadal City, nasunog; 5 milyong halaga ng ari=arian na-abo 

3. Lola, 79 years old na, nag-graduate ng junior high school sa Tantangan, S. Cotabato.

4. Bodega ng ARMM relief agency, pinasok ng magnanakaw, mahigit 100 libong halaga ng gamit, natangay  


-0-


IPINAGMAMALAKI ni Cotabato City Mayor Cynthia Guiani-Sayadi ang pagbaba ng crime rate ng lungsod.  

Ito ang ipinahayag ng alkalde sa DXMS-Radyo Bida matapos na dumalo ang opisyal sa isinagawang Environmental Management Bureau 12 Coordination Meeting sa mga punong-barangay ng lungsod.  

Ayon kay Sayadi, bumaba ng 64% ang crime rate ng siyudad sa unang quarter ng taon, mula Enero hanggang Marso.   Aniya pa, noong huling quarter ng nakaraang taon ay nakapagtala ang City PNP ng 52% na pagbaba sa crime rate sa Cotabato City.  

Sabi ni Sayadi, ito ay dahil ito seryoso ang kanyang pamunuan na sugpuin ang kriminalidad sa lungsod.   Giit pa ng opisyal, kadalasang hindi mga resident eng lungsod ang sangkot sa mga nangyayaring krimen sa lungsod kundi mga residente ng mga karatig bayan sa Maguindanao.  

Aniya, pinasusuyod na nito sa mga pulisya ang bawat barangay ng syudad para dakpin ang mga nagtatagong wanted sa batas.  

Samantala, isa pa sa mga ipinagmamalaki ng lokal na pamahalaan ng lungsod ang best practices ng Barangay Poblacion Singko kaugnay ng pangongolekta ng basura sa kanilang barangay. Gumagamit kasi ng bisikleta ang barangay para kolektahin ang mga basura sa bawat bahay.  

Sinabi ni Barangay Poblacion 5 chair Norma Yap na limang bisikleta ang humahakot ng kanilang mga basura tuwing hapon at may hiwalay din na lugar ang kanilang barangay na pinagtatapunan ng mga nakolektang basura.  

Dagdag pa ni Yap, may collector siyang tagapamahala ng kanilang materials recovery facility sa barangay kung saan umaabot sa 70 libong piso ang pinakamataas na kita nito kada buwan mula sa basura.  

Kaugnay nito, hinimok ni Yap ang ahat ng mga residente sa lungsod na magtulong-tulong para solusyunan ang problema sa mga basura ng lungsod.



-0-



DEAD ON THE SPOT ang driver ng motorsiklo matapos sumalpok ang minamaneho nitong motorsiklo sa isang road grader sa Sitio Timbangan, Sarmiento, Parang, Maguindanao.  

Nangyari ang insidente pasado alas tres ng hapon kahapon  

Kinilala ng Parang PNP ang driver na si Salih Panayamen 30 anyos, driver ng CT-100 Baja motorcycle na may plakang 18069 habang agad namang isinugod sa pinakamalapit na ospital ang angkas nitong si Salam Mamalo, 34.

Ang dalawa ay pawang mga residente ng Crossing Pinaring, Sultan Kudarat, Maguindanao.   Nabatid na matapos ang isang oras ay binawian rin ng buhay sa ospital si Mamalo habang ginagamot.  

Samantala, kinilala naman ang driver ng kulay dilaw na road grader na pagmamay-ari ng Parang LGU na si Bebot Regaspi Andaman, 68 anyos.  

Si Andaman ay agad ding sumuko sa mga pulisya matapos ang aksidente.   Sa ngayon, patuloy pang ini imbestigahan ng mga pulis ang pangyayari.


-0-




NAKIPAG BARILAN sa mga otoridad ang mga armadong tauhan ng isang druglord sa Barangay Burikain Pigcawayan, North Cotabato pasado alas tso ng umaga kahapon.  

Sinabi ni Army’s 602nd Brigade Spokesperson Major Calvin Macatangay na ni-raid ng pinagsanib na pwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA, pulisya at mga sundalo mula sa Army’s 34th IB ang bahay ng umano ay notoryus na druglord na si Noli Sampillo sa nasabing barangay.  

Ngunit bago pa makarating ang raiding team sa kanilang target ay pinaputukan na sila ng mga armadong lalaki.   Gumanti ng putok ang mga otoridad dahilan ng sampung minutong palitan ng putok sa magkabilang panig.  

Agad namang umatras ang mga armado kasama si Sampillo at tumakas patungo sa liblib na lugar sa bayan ng Pigcawayan at hangganan ng Maguindanao.  

Sinabi naman ni Army’s 34th IB Commander Lt. Colonel Angelo Lutera na delaying tactics ang ginawa ng mga suspek para hindi agad makalapit ang raiding team.   Nakuha sa tahanan ni Sampillo ang dalawang M-14 rifles, isang M16 Armalite Rifle, tatlong homemade pistols, isang barret sniper rifle, isang 12-guage shotgun, shabu at walong mga motorsiklo.  

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang pursuit operation ng militar at pulisya laban sa grupo ni Sampillo na sangkot sa illegal drug trade sa North Cotabato at Maguindanao.    

Samantala, sa kabilang dako naman……   Nasakote ng Datu Odin Sinsuat o DOS PNP kasama ang Army’s 19th IB, at LGU ang tatlong mga lalaki sa ikinasang anti-narcotics operation pasado ala sais kagabi sa Barangay Poblacion Talitay, Maguindanao  

Kinilala ng mga otoridad ang tatlong suspek na sina Victor Maulana, 23, taga-Kabuntalan; Dang Karok, 25 anyos at Mohammad Utto, 19 na parehong taga DOS, Maguindanao.  

Narekober mula sa kanila ang isang sachet ng shabu at mga drug paraphernalia.   Sa ngayon nasa kustudiya na ng Talitay PNP ang tatlong mga drug suspect.  


-0-



Dalawa katao ang naiulat na nasawi sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa Midsayap, North Cotabato kahapon.  

Batay sa ulat, Patay on the spot ang isang magsasaka ng pagbabarilin ng riding tandem na suspects dakong pasado alas dyes ng umaga.  

Nakilala ang biktima na si Armando Hernandez, 54 anyos, may asawa at taga Barangay Patindeguen, Midsayap Cotabato.  

Ayon kay Midsayap Chief of Police, Supt. Bernard Tayong dinalaw lamang ng biktima ang kanyang kamag-anak sa Brgy Poblacion Singko nang sundan ito ng mga suspek at pinagbabaril gamit ang cal. 45 pistol.  

Mabilis namang tumakas ang mga suspek sakay ng isang motorsiklo patungo sa hindi malamang direksyon.   Samantala, hindi na rin umabot ng buhay sa pagamutan ang biktimang si Marvin Mauricio Fronda, 39, may asawa at residente ng barangay Poblacion Uno sa bayan.

Nakatayo lamang ang biktima sa harap ng isang lodging house malapit sa kanyang tahanan nang pagbabarilin ng nag-iisang suspek gamit ang cal.45 na pistol at mabilis na tumakas lulan sa isang motorsiklo.  

Marami ang naniniwala na posibling personal na atraso ang motibo sa pamamaslang sa mga biktima.   Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang pulisya sa kanilang imbestigasyon sa magkasunod na pamamaril sa bayan.      

-0-



SAMANTALA, SA IBA PANG BALITA…………….   NAARESTO ng Datu Odin Sinsuat PNP ang isang lalaki na matagal ng nagtatago sa batas pasado alas kwatro ng hapon kahapon sa barangay Tamontaka, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.  

Kinilala ni DOS PNP Chief of Poice, Chief Insp. Achmad Alibinga ang nadakip na suspek na si Tato Kaurak Macmod 32 anyos, may asawa at taga Barangay Poblacion Dalican sa bayan.  

Naaresto si Macmod sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Judge Bansawan Ibrahim ng RTC branch 14, na may criminal case No. 2011-4629 sa kasong murder.   Sa ngayon nakakulong na si Macmod sa DOS PNP lock up cell.  



-0-


TINANGAY ng di pa nakikilalang kawatan ang mahigit isang daang libong halaga ng mga kagamitan sa loob ng bodega ng ARMM HEART na nasa Binangon Building, Bishop Mongeau Avenue, barangay Rosary Heights 8, Cotabato city.  

Patuloy ngayon ang ginagawang imbestigasyon ng Cotabato city PNP police station 2 matapos dumulog sa kanilang himpilan ang Administrative Assistant ng ARMM HEART kahapon ng tanghali na si Abe Macacua 50 anyos na residente ng Bagua 3 ng lungsod.  

Ito ay matapos madiskobre nito na bukas na ang pintuan ng kanilang bodega kahapon ng tanghali.  

Tinangay ng mga hindi pa kilalang kawatan ang 2 generator na nagkakahalaga ng 63k; 50 kitchen utensils na nagkakahalaga ng 10k; at 10 handheld radio na may halagang 43k.  

Nabatid na noong March 24, 2017 pa huling binisita ang  bodega ng ARMM HEART.
  Sa ngayon inaalam pa ng mga otoridad kung sino ang mga nasa likod ng panloob sa nasabing bodega.


-0-




Nanawagan ngayon ang pamunuan ng Makilala Disater Risk Reduction and Management Council o MDRRMC sa publiko na tumulong lalo na kung may mga maganap na aksidente sa kanilang mga lugar.

Ito ang hiling ni Japhelyn Parase, MDRRM Head ng Makilala matapos ang naganap na aksidente noong nakaraang araw sa Purok 11, brgy. Poblacion, Makilala na ikinamatay ng isang driver at ikinasugat ng helper nito.

Ayon kay Parase, naobserbahan kasi ng mga responders na sa halip raw na tumulong ang mga bystanders sa paligid ay nagawa pang kumuha ng mga larawan at sumiksik para makiusyuso.

Sila na tuloy ang inuuna ng mga responders na pinatatabi para hindi mahagip ng mga sasakyan bago marescue ang mga biktima. Samantala, pinamamadali na rin ang MDRRM ang paglalagay ng mga signages sa lugar para hindi na madagdagan pa ang aksidente.

Hindi na raw kasi normal ang nangyayaring vehicular sa lugar kung saan may naitatalang apat hanggang limang aksidente kada linggo. Human Error at Mechanical Defect naman ang kanilang nakikitang unang sanhi ng disgrasya.

Sa meeting ng Association ng mga Disaster Officers sa North Cotabato, kanilang inilatag ang kanilang mga plano lalo na sa mga identified accident prone areas.



-0-


Plano ngayon magpatayo ng tatlong Toilet public restroom facility ang Ram-line Resources, Incorporated sa Kidapawan City. Ang Ram-line Resources, Incorporated, ay isang tire distribution company na nakabase sa Davao City.

Ilalagay ito sa City Plaza na may sukat na 30 square meter. Layunin ng proyekto ay para magiging komportable ang mga mamamayan na bumibisita sa City Plaza lalo na tuwing weekends at mga okasyon.

Nabatid na may nakatayo nang Public Toilet sa City Plaza ngunit ipinasara ito bagay na kinwestsyon ng marami. Ilang reports kasi ang naitatala dati na ginagamit ng mga estudyante at ibang magsyota ang CR bilang parausan kaya ipinasara ito ng City Government.

Base sa terms and conditions na laman ng deed of donation, ang Ram-line Resources, Inc. ang siyang responsable sa pagpapatayo sa building pero ang magiging desinyo nito ay base sa mapagkakasunduan ng Lokal na Pamahalaan.

Nangako rin ang nabanggit na kompanya sa pagbibigay ng maintainance services para sa pasilidad sa kondisyon na maglalagay din sila ng kanilang banner sa labas ng pader ng naturang Public Toilet.



Away mag-asawa ang itinuturong dahilan ngayon kung bakit nagpatiwakal ang dalawang buwang buntis sa Purok 4, Brgy. Camutan, Antipas, North Cotabato.

Ayon sa report naabutan na lamang ng pamilya ng biktima na nakalambitin na ito sa kanilang kisame sa kwarto gamit ang twine.

Kinilala ni Senior Inspector Rolando Dillera Jr., hepe ng Antipas PNP ang biktima na si Manilyn Negres, 19-anyos, may-asawa na residente rin ng nabanggit na lugar. Lumabas sa imbestigasyon ng mga otoridad na posibleng nagpakamatay ang biktima dahil sa kanilang palaging pag-aaway mag-asawa.

Base sa salaysay ng mga kapitbahay at pamilya nito parati na lang raw lasing ang asawa ni Manilyn na nagsasanhi ng kanilang away.

Ang insidente ay kinumpirma rin Brgy Camutan Chairman Nonoy Villarosa, kung saan nagsasagawa din sila ng sariling imbestigasyon sa pangyayari kung may foul play ba ito. Nakaburol ngayon ang bangkay ng biktima sa kaniyang pamilya bayan ng Arakan, North Cotabato.



-0-



Personal Grudge ang sinusundang anggulo ngayon ng PNP sa posibleng motibo sa pamamaril sa isang negosyante sa Fidel Flores St. Poblacion, Pikit, North Cotabato kamakalawa ng umaga. Kinilala ni Chief Ins. Donald Cabigas, hepe ng Pikit PNP ang biktima na si Ruben Lopez, 52-anyos, may-asawa na taga Poblacion, Piki

Ayon kay Cabigas sakay lamang sa isang pampasaherong tricycle ang biktima nang tabihan ng riding tandem criminalssakay ng Bajaj Motorcycle at pinagbabaril. Tama sa dibdib ang tinamo ng biktima gamit 45 caliber pistol na naging sanhi ng kanyang kamatayan.

Iniimbestigahan na ngayon ng PNP ang kuha ng CCTV Footage ng barangay Poblacion Pikit, para sa posibleng pagkakakilanlan sa mga suspek. Samantala, isa naman ang naiulat na namatay matapos sumiklab ang enkwentro ng dalawang armadong grupo sa brgy. Bualan, Pikit.

Kinilala ang namatay na si Emilyn Deniega. Ayon kay Cabigas, awayan sa lupa ang naging sanhi ng tensyon sa lugar. Nakabantay na ngayon sa area ang 38th IB at 7th IB ng Philippine Army para hindi na madagdagan pa ang nadadamay sa nasabing girian.


-0-


 Bawal muna ang bakasyon sa lahat ng mga pulis sa ilalim ng Cotabato Police Provincial Office o CPPO ngayong panahon ng Semana Santa upang mapangalagaan ang seguridad ng mamamayan.

 Ayon kay Sr. Supt. Emmanuel Peralta, CPPO Director, na magtatagal ang ‘no leave policy’ ng PNP hangga’t hindi natatapos ang holy week observance.

Pero ayon kay Peralta, napayagang mag leave ang una nang nakapag file na mga pulis dalawang linggo bago ang Holy Week. Alinsunod sa kautusan ay mahigpit na babantayan ang mga lugar na dinarayo ng mga tao lalo na ang mga simbahan.

Ayon kay Peralta abot sa 500 mga pulis o 70 porsyento sa mga pulis ng CPPO ang ipapakalat sa buong lalawigan Maglalagay din sila ng mga police assistance Desk sa mga matataong lugar na pwedeng pagsumbungan ng mamamayan lalo na kung mapansing kahina hinalang tao o bagay sa paligid.

Samantala, tinukoy din ni Peralta ang mga bayan ng Midsayap, Kabacan, Matalam, Mlang at Kidapawan City na kanilang tutukan lalo pa't nariyan sa mga nabanggit na lugar ang malalaking terminal patungong Cagayan de Oro, Davao City at South Cotabato na posibleng dadagsain ng mga tao.

Sa ngayon pinaaalerto na ni Perlata ang kaniyang mga Chief of Police para sa seguridad ng publiko ngayong darating na Semana Santa.


-0-


Walang pinipiling edad ang edukasyon. Ito ang pinatunayan ng 79 anyos na si Lourdes Ignacio ng Barangay Bukay Pait sa bayan ng Tantangan, South Cotabato.

Si Ignacio ay kabilang sa mga estudyante ng Bukay Pait National High School na nagtapos kahapon sa Junior High School. Ayon sa byudang si Ignacio na dati ring kagawad at barangay Chairman ng Bukay Pait, naging inspirasyon nito para magaral muli ang pitong mga professional na anak.

Sa katunayan ayon kay Ignacio bumalik siya sa pagaaral nang italaga noong principal sa kanilang eskwelahan ang isa niyang anak . Isa din sa mga anak nito ay District Supervisor ng Deped sa bayan ng Tampakan, South Cotabato.

Ayon kay Ignacio dalawa sa mga anak nito na pawang nakapangasawa ng Turk national ay naninirahan na sa bansang Turkey. Sinabi ni Ignacio na bukod sa kahirapan maaga din siyang nagasawa kaya grade 6 lamang ang inabot niya noon.

Hindi rin nagpaapekto si Igancio nang sabihan ng mga kaibigang senior citizens na hindi na nila kailangan pang magaral dahil kinakawalang na raw ang kanilang utak. Kasama na nagtapos ni Ignacio sa Junior High School si Rome Dominic Darroca ang isa sa 19 na apo nito na ipinaglamalaki naman ang kanyang lola.

Sinabi ni Ignacio na kung mayroong pagkakataon nais din niyang ipagpatuloy ang pagaaral ng senior high school at kolehiyo. Voice Clip .... ang Senior citizen na nagtapos ng Junior High School na si Lourdes Ignacio.


-0-



Inakyat na ng Police Regional Office 12 sa National Headquarters ng PNP ang kaso ng limang pulis sa rehiyon nagpositibo sa iligal na droga.

Ito ay kinumpirma ni PRO 12 Information Officer, Police Superintendent Romeo Galgo. Ayon kay Galgo isa sa limang nagpositibo sa ipinagbabawal na gamot ay galing sa national support unit ng PNP at itinalaga lamang sa rehiyon.

Ang apat na iba pa ayon kay Galgo ay mula sa iba’t ibang police units ng SOCCKSARGEN. Sinabi ni Galgo na iniimbistigahan na PNP National Headquarters ang kaso ng mga ito.

Ayon kay Galgo 11 na mga pulis pa sa region 12 ang mariing binabantayan dahil sa posibleng pagkakasangkot sa iligal na droga. Ipinahayag din nito na sumailalim na sa mandatory drug test ang lahat ng pulis sa region 12.

Gayunpaman ayon kay Galgo, nagpapatuloy pa rin ang surprise drug testing ng PRO 12 bilang kabahagi ng cleansing sa pambansang pulisiya.


-0-


NDBC News AM April 7 Pahabol Headline : Mahigit P5 million tinupok ng apoy sa isang kolehiyo sa Koronadal City Inaalam pa ng Bureau of Fire Protection o BFP ang sanhi ng apoy na tumupok sa mahigit P5 milion pesos na halaga ng ari arian sa isang kolehiyo sa Koronadal City. Ayon kay Koronadal City Fire Marshall,Senior Inspector Reginald Legaste, umabot sa ikalawang alarma ang sunog sa Marbel Institute of Technical College o MITC sa Alunan Avenue. Sinabi ni Legaste na tumulong sa pag-apula ng apoy ang volunteer fire brigaide ng Koronadal at maging ang BFP sa mga bayan ng Banga at Tantangan. Sinabi ni Legaste na 13 classroom ng eskwelahan ang tinupok ng apoy na nagsimula dakong alas sais kagabi. Ayon kay Legaste, nagdeklara ng fire out ang BFP pagkatapos ng may 40 minuto. Ito na na ang ikalawang sunog sa Koronadal City ngayong lingo. Matatandaan na mahigit 30 pamilya ang nawalan ng tirahan sa sunog sa Casa Subidivision, Barangay Zone III sa lungsod noong Abril 4 ng gabi.

  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy