NDBC BIDA BALITA (5.15.17)

NDBC BALITA  • Mon May 15, 2017 09:47 AM  •  169   0
By NDBC
  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy
NEWSCAST MAY 15, 2017 (MON)
7:00 AM
 

HEADLINES:
 

1. BRIGADA ESKWELA, aarangkada na ngayong araw sa lahat ng mga pampublikong paaaralan sa bansa.  

2. Cardio-Pulmonary Arrest, nangungunang dahilan daw ng kamatayan sa Antipas, North Cotabato, ayon sa Rural Health Unit  

3. SUPPLY ng isda sa Lake Sebu, S. Cotabato sapat daw sa kabila ng ipinatutupad na moratorium, ayon sa Provincial Agriculture Office.  

4. 17 patay dahil sa cardiac arrest sa Antipas, North Cotabato ngayong taon




AARANGKADA NA NGAYONG ARAW ang National School Maintenance Week o mas kilalang sa tawag na BRIGADA ESKWELA sa lahat ng mga pampublikong paaralan sa buong bansa.  

Tema ng aktibidad ng Department of Education ngayong taon ay 'Isang Deped, isang pamayanan, isang bayanihan para sa handa at ligtas na paaralan.’  

Sa Cotabato City, sinabi ni City schools division superintendent Concepcion Balawag na taunan itong ginagawa sa lahat ng mga public school sa lungsod bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase sa Hunyo.

Sabi pa ni Balawag, binubuhay din sa naturang isang linggong aktibidad ang diwa ng bayanihan kung saan nagtutulong tulong ang mga magulang, guro, mga mag-aaral at iba pang volunteers para tiyaking magkakaroon ng maayos na silid-aralan mapapasukan ang mga mag-aaral.  

Dagdag pa ni Balawag, bukod sa paglilinis at pagkukumpuni ng kanilang mga pasilidad ay naka-sentro din ngayong taon ang Brigada Eskwela sa disaster preparedness and resiliency at kampanya laban sa iligal na droga.  

Samantala, bilang bahagi pa rin ng aktibidad, may fun run din na gagawin sa May 21 para makalikom ng pondong ibibigay sa mga mahihirap na paaralan sa lungsod.



-0-


Patay ang isang lalaki matapos mabiktima ng pamamaril dakong alas nuebe ng umaga kahapon sa Sousa street, RH-1, Cotabato City.  

Kinilala ni Police station 1 commander PSI Tirso Pascual ang biktimang si Raymond Nao, tinatayang nasa 45-50 anyos, empleyado ng Macro Wall.   Nagtamo ng tama ng bala sa likod at dibdib ang biktima.   Narekober ng SOCO sa crime scene ang 3 basyo ng bala ng kalibre .40 pistol.  

Sa ngayon, inaalam pa rin ng pulisya kung ang responsable sa krimen.  

Samantala, wala paring pagkakakilanlan ang  isang lalaki na biktima ng pamamaril noong biyernes ng hapon sa Purok Pagkakaisa, Pob 2, Almonte extn ng lungsod.
 

Ayon sa pagkakalarawan ni PS1 commander PSI Tirso Pascual sa biktima ito ay may taas na 5'4, katamtaman ang laki, nakasuot ng puting tshirt at blue maong pants.  

Nagtamo ng tama ng bala sa kanyang mukha, leeg, kaliwang braso at kanang hita ang biktima sanhi ng kanyang agarang pagkasawi.   Sa ngayon, nasa Villa Funeral Homes pa rin dito sa lungsod ang mga labi ng biktima.  

Habang patuloy namang  inaalam ng pulisya kung sino ang responsable sa pamamaril at kung ano ang motibo nito sa pagpatay sa biktima.




-0-


NADAKIP ng pinagsanib na pwersa ng Cotabato City drug enforcement units at mga opisyal ng Mother Barangay Poblacion ng lungsod ang limang lalaking nahuli sa akto na halinhinang gumagamit ng iligal na droga sa Purok Kabuntalan, Mother Poblacion, pasado alas dos ng hapon kahapon.  

Kinilala ni Police Station One commander Sr. Insp. Tirso Pascual ang mga naarestong drug user na sina Taha Kasan Bulanak, Tato Usman Lidasan, Abraham Angin Kumpungan, Dino Nanding Abdula at Wahab Esmael Baguinda.  

Aktong nahuling nagpa pot session ang mga suspek sa bahay ni Wahab Baguinda.   Nakuha mula sa kanila ang apat na mga pakete ng shabu at iba’t ibang klase ng drug paraphernalia.  

Hiwalay namang nakuha mula kay Baguinda ang dalawang empty plastic sachets ng shabu at cash na 1,485 pesos.  

Sa ngayon nasa kustodiya na ng police station 1 ang limang mga drug suspect habang inihahanda na ang kasong paglabag sa RA 9165 laban sa kanila.  

Samantala, arestado ng ronda patrol ng lungsod ang dalawang lalaki matapos makuhanan ng  hindi lisensyadong baril at iligal na droga pasado alas dose ng madaling araw kamakalawa sa Sinsuat Avenue partikular sa harap ng Notre Dame Hospital.
 

Ngayong araw nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa RA 10591 or illegal possession of firearms ang isang Benhar Wahab Abdulsalam 46 anyos, isang construction worker at residente ng Parang Maguindanao matapos makuhanan ng hindi lisensyadong kalibre 45 pistol.  

Habang nakuha naman mula kay Nhot Mucalam Tambunan 32 anyos ang iligal na droga.   Sa ngayon sa nasa kustodiya na ng Police Station 2 ang dalawa.  



-0-


Patay ang isang miyembro ng ‘Tripping Gang’ matapos manlaban sa mga pulis sa ikinasang police response operation ng Parang PNP nang makatanggap ito ng impormasyon na may gumagamit ng iligal na droga sa sitio Kalalanuan, Brgy. Macasandag, Parang, Maguindanao.  

Kinilala ni Parang Chief of Police, Chief Inspector Erwin Tabora ang suspek na si Osmena Ayob Angkig alias Lako 42 anyos, may-asawa na residente ng Kapatagan, Lanao del Sur.  

Narekober ng pulisya mula kay Angkig ang isang 12-gauge Shotgun, 3 cellphones, 1 kutsilyo, tatlong mga pakete ng shabu at assorted drug paraphernalia.  

Ayon sa pagsisiyasat ng pulisya, si Angkig ay mayroong dalawang standing warrant of arrest sa kasong multiple murder with frustrated murder under criminal case no. 11-537 noong September 25, 2006 na inilabas ni Atty. Rasad G. Balindog ng RTC branch 11 Malabang, Lanao del Sur at warrant of arrest sa kasong double murder under criminal case no. 11-577 noong February 26, 2007 na inilabas ni Atty. Lacsaman Busran.  

Nabatid pa na si Angkig ay nagbebenta rin ng iligal na droga.  

Siya rin umano ang responsible sa pagpaslang kina Rolando Quitor, Claud Talabor, at Jessie Matuod sa barangay Macasandag at barangay Making, Parang.   Si Angkig din ang itinuturong pumaslang kay PO2 Faustino Verdadero Jr.  sa barangay Sarmiento, Parang.  

Ayon kay Tabora, agad naman kinuha ng kanyang mga kaanak ang mga labi ng suspek at saka inilibing.  


-0-



Tinupok ng apoy ang limang ukay-ukay stalls dakong alas otso kagabi malapit sa public terminal, barangay Poblacion 1, Parang, Maguindanao.  

Kinilala ng Bureau of Fire Protection sa bayan ang mga may-ari ng ukay-ukay stores na sina Soraida Taher 30 anyos, Norhaini Jamel, 30, Hadja Sobaida Cali, 62, Fahad Cali, 24 at Camar Sabedin, 28 years old na pawang mga residente ng barangay Poblacion Dos ng nasabing bayan.  

Sa pahayag ng mga may-ari sa pulisya, iginiit ng mga ito na sinadyang sunugin ng hindi pa nakikilalang mga suspek ang kanilang mga tindahan.  

Idineklarang fire out ng Parang BFP ang lugar dakong alas nuebe kagabi.   Sa ngayon patuloy na ini -imbistigahan ng Parang BFP at PNP ang nasabing insidente upang matukoy kung sino ang responsable sa panununog.  


-0-


Abot na sa mahigit 200,000 tilapia fingerlings ang naipamigay ng provincial agriculture office sa mga magsasaka ng Koronadal City at mga bayan ng Polomolok,Tboli at Banga sa South Cotabato.

Ito ay ayon kay South Cotabato Provincial Agriculture Officer Justina Navarete. Sinabi ni Navarete na nakapagbigay rin sila ng mahigit 5,000 tilapia fingerlings sa bayan ng Tantangan. Layon nito ayon kay Navarete na matiyak ang sapat na supply ng isda sa lalawigan sa mga susunod na buwan.

Paliwanag ni Navarete, dahil sa fish fill, umiiral pa rin ang moratorium sa bayan ng Lake Sebu, South Cotabato. Ibig sabihin nito, ayon kay Navarete, bawal pa rin ang tilapia fingerlings sa lawa.

Ito ay habang nagpapatuloy pa ang rehabilitasyon at paglilinis sa Lake Sebu. Matatandaan na dahil sa fish kill tonetoneladang isda ang namatay sa Lake Sebu na ikinalugi naman ng mahigit P1 million pesos ng mga fish cage operators sa lugar.

Sisimulan na rin ng lokal na pamahalaan ang pagsira sa mga sobrang fish cages sa Lake sebu na dahilan umano ng fish kill. Ang Lake Sebu ay pangaunahing supply ng Tilapia sa South Cotabato at karatig lugar.


-0-



Muling hinikayat ng Department of Education North Cotabato ang lahat ng mga magulang at mag-aaral na samantalahin ang unang araw Brigada Eskwela.

Ayon sa DepEd, layunin ng nasabing cleaning maintenance na maisaayos ang mga silid-aralan nang sa gayon ay hindi na maabala pa ang unang araw ng pasukan.

Kasabay nito, hinikayat naman ni Schoold Division Superendent Omar Obas ng Cotabato division ang mga magulang at mag-aaral na hindi pa nakapag-enrol na huwag nang hintayin pa ang unang araw eskwela.

Una nang sinabi ng DepEd na sa Hunyo a-singko magsisimula ang school opening sa public elementary at high school.

Sa ilalim ng Brigada Eskwela, magiging katuwang ng mga guro at school officials ang mga magulang sa mga gawain pati na rin ang mga kinatawan mula sa PNP, Philippine Army at iba pang volunteers.

 Magtatapos ang Brigada Eskwela sa araw ng biyernes, May 19, 2017.


-0-



Abot sa tatlong milyong pisong halaga ng mga farm inputs ang naipamahagi ng department of Agriculture at ng Mlang LGU sa tatlong mga farmers organization sa bayan.

Ito ay kinabibilangan ng Langkong Agribusiness sa barangay langkong, Dungoan BAngsamoro farmers Association at ang Barangay New Consolacion sa nasabing bayan.

Tinanggap ng naturang mga FA's ang daang-daang sako ng mga certified rice at corn seeds, abono, corn at rice shellers, tractor, floating shellers o mas kilala bilang bao-bao at mga inahing kalabaw.

Ang nasabing proyekto ay bahagi ng comprehensive reform and development agenda ng administrasyong Duterte sa pamamagitan ng depatmernt of Agriculture. Hinimok naman ni Municipal Administrator Dr Emmanuel

Abonado na ingatan at gamitin sa wasto ang nasabing mga makinarya nang sa gayon ay mapakikinabangan nila ito sa mahabang panahon.

Dagdag pa nito na posible pa aniyang madagdagan ang nasabing mga makinarya kung makikitang nasa maayos na pag-iingat ang mga ito.



-0-



Nasa ikalawang rounds na ngayon sa Kanilang isinasagawang Feasibility Study ang DPWH Regional Office 12 sa posibleng pagbubukas ng daan mula Magpet North Cotabato patungong Davao city.

Una ng nabuo ang technical working group kaugnay sa naturang pag-aaral kung saan kabilang dito ang DPWH, DENR, NCIP, LGU at iba pang concerned agency. Kabilang sa gagawing pag-aaral ang environmental impact assessment, bridge and drainage structure, road inventory, traffic survey, road condition survey at soil exploration.

Madadaanan naman nito ang barangay Don Panaca sa bayan ng Magpet at lalabas sa 3rd district ng Davao city partikular ang barangay New Tambubong. Agad namang ipipresenta sa National Economic and Development Authority o NEDA ang nabanggit na report na siyang mag a-assess kong papasa o hindi ang naturang pag-aaral.

Sakaling namang maaaprobahan ay dito na hahanap ng pundo ang L GU at iba pang concerned agency upang masimulan na ang konstruksyon ng nasabing daan.



-0-


Abot sa 17 na mga indibidwal sa bayan ng Antipas ang binawian ng buhay dahil sa CardioPulmonary Arrest, sa unang quarter pa lamang nitong taon.

Ito ay ayon sa datus ng Rural Health Unit o RHU ng nabanggit na Bayan, kung saan ito rin ang nangunguna sa kanilang Mortality rate.

Makakaranas nito ang isang tao dahil sa biglaang paghinto o pagkakaroon ng abnormalidad sa pintig ng kanyang puso. Kabilang sa mga sanhi nito ang labis na pisikal na aktibidad, kakulangan ng oxygen, at mababang potassium.

Samantalang ang ilan sa mga sintomas nito ay pagkahilo, pananakit ng dibdib, nahihirapan sa pag hinga, palpitations at pagsusuka.

Bukod sa cardiopulmonary arrest, pangalawa sa sakit na dahilan ng kamatayan ay ang Cerebrovascular Disease at Pneumonia na mayroong 4, sumunod ang Pulmonary Tuberculosis na abot sa 3, samantalang 2 naman sa sakit na Diabetis.

Dahil dito, patuloy ang paala-ala ng tanggapan ng RHU sa kanilang mga kababayan na laging ingatan ang Kalusugan at magkaroon ng malusog na Pamumuhay.



-0-



Dalawang kaso ng pananaksak ang naitala ng Kidapawan City PNP kaninang madaling araw.

Una rito, isang Christopher Sugkawan, 21-anyos, baker at residente ng Brgy Perez sa nasabing lungsod, ang biktima ng pananaksak ng hindi pa kilalang suspek alas 12:30 ng madaling araw.

Sinundan naman ito ng isa pang kaso, kung saan ang biktimang si Kervin Ang,27-anyos, single, negosyante at residente rin ng Brgy Perez, ang mismong nagreport sa PNP habang ito ay duguan pa.

Ayon sa report, isa umanong alyas Jun-jun ang sumaksak sa nasabing biktima gamit ang basag na bote bandang 1:40 ng madaling araw kanina.

Sa ngayon ay tinututukan na ng PNP ang dalawang magka-ibang kaso ng pananaksak at inaalam pa ang motibo nito. Habang nagpapagaling na ngayon sa ospital ang nasabing mga biktima.

  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy