NDBC BIDA BALITA (5.16.17)

NDBC BALITA  • Tue May 16, 2017 02:02 PM  •  72   0
By NDBC
  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy

NEWSCAST MAY 16, 2017 (TUE)
7:00 AM
 

HEADLINES:
 

1. DATING Maguindanao OIC Governor Sajid Ampatuan, nahaharap sa panibagong kaso kaugnay ng 16-Milion Peso food scam.  

2. DALAWA KATAO, patay, habang isa pa, sugatan sa pamamaril ng Riding Tandem sa Polomolok, South Cotabato  

3. PRINCIPAL ng isang paraan sa Tulunan North Cotabato, inirereklamo; DepEd –North Cotabato, humihingi ng ebidensya.  



-0-


NAHAHARAP muli sa panibagong kaso si dating Maguindanao OIC Governor Sajid Ampatuan, isa sa mga pangunahing suspek sa 2009 Ampatuan massacre.   Ito ay kaugnay ng mahigiit 16 na milyong pisong food scam na nangyari sa mula Pebrero hanggang Setyembre ng taong 2009.  

Sinabi ni Office of the Ombudsman Prosecution Bureau 1 acting director Mariter Delfin-Santos na natuklasan nila ang maanomalyang transaksyon kaugnay ng umano ay pagbili ng Maguindanao provincial government noon ng food supplies na nagkakahalaga ng 16 million,317 thousand,559 mula sa Henry Merchandising.  

Pero sabi ni Santos, “non-existing” ang Henry Merchandising at walang biniling food supplies.   Bunsod nito, nahaharap sa kasong graft, malversation of public funds at 34 counts ng falsification of public documents si Ampatuan at anim pang mga dating provincial officials na sina accountant John Estelito Dollosa Jr.; general services officer and bids and awards committee chair Kasan Macapendeg; at BAC members na sina Osmeña Bandila, Norie Unas, Ali Abpi at Landap Guinaid.  

Si Guinaid ay napabilang pa rin sa asunto bagaman ay ito ay sumakabilang buhay na noon pang July 2016 matapos tambangan sa Shariff Aguak.  

Ayon pa kay Santos, pineke ng mga akusado ang 34 na mga disbursement voucher at iba pang mga supporting document para palabasing binayaran ng provincial government ng nabanggit na halaga ang Henry Merchandising.  

886 thousand pesos ang inirekumendang piyansa sa bawat akusado.   Una rito, noong nakaraang buwan ay kinasuhan din ng ombudsman ng 161 criminal cases ang naturang mga akusado kaugnay naman sa anomalous multimillion-peso infrastructure projects.  

Akusado rin sa walo sa mga naturang kaso ang nakatatandang kapatid ni Sajid na si Andal Ampatuan Jr.  

Sinasabing nagpalabas ng mahigit 72 milyong pisong pondo ang provincial government para sa pagkukumpuni ng mga school building ngunit batay sa pagsisiyasat ng Ombudsman, wala namang biniling mga materyales at wala ring nangyaring repair.  

Ito ay maliban pa sa mga kasong isinampa laban sa parehong mga dating Maguindanao provincial official dahil sa maanomalyang kontrata kaugnay ng pagbili ng 22.37 million pesos na halaga ng mga krudo at lubricants sa Shariff Aguak Petron Station na pag-aaari ng mga Ampatuan.  


-0-



Makakatanggap ng isang daang libong piso mula sa DSWD Aprobado na ngayon ng Department of Social Welfare and Development o DSWD Main office ang mga papeles ng isang senior citizen na taga Matalam, North Cotabato na benepisyaryo bilang centenarian.

Makakatanggap ng abot sa isang daang libong piso mula sa DSWD si Ansa Payatog, 111 taong gulang, na residente sa Barangay Kibia, Matalam, na ipinanganak taong 1905.

Ayon kay Municipal Social Welfare and Development Officer, Marilyn Akmad na taong 2013 pa nila ipinasa ang papeles ng mga Centenarian candidates at noong buwan ng Oktubre ng nakaraang taon naman ito sinimulang e-validate ng DSWD.

Kabilang sa mga papeles na ito ang magpapatunay sa edad ni Payatog gaya ng birth certificate nito at ng kanyang panganay na anak.

Nagsagawa rin ng revalidation ang Regional Office kung saan personal nilang pinuntahan ang pamamahay ng Centenarian upang alamin ang background nito, ganun din ang pakikipanayam sa kanyang mga anak.

Sa ngayon ay hinihintay na lamang na mai-download ang tseke mula sa DSWD main office, ngunit wala pang eksaktong petsa kung kailan ito ma e-award sa nabanggit na benepisyaryo. NDBC BIDA BALITA


-0-


Dumulog sa tanggapan ng Makilala PNP ang isang Dolores Moreno matapos di na umano nito ma-kontak ang kanyang anak na pinaniniwalaang nabiktima ng illegal recruiter.

Sa naging salaysay nito sa mga pulis, taong 2014 pa umano naingganyo ng Horas Human Resources and Recruitment Agency ang kanyang anak na si Claire Acadio 23 anyos upang magtrabaho sa labas ng bansa kapalit ng malaking halaga ng Pera.

Kinilala naman ni Aling Dolores ang tatlong mga recruiter na sina Catherine Alap-ap, Eloisa Cañete og Rosiefe Atacador. Pinangakoan umano ng mga ito ang kanyang anak ng Trabaho sa Saudi Arabia bilang Domestic Helper.

Matapos ang ilang buwan ng dalhin ng mga ito si Claire sa Manila ay hindi na niya ito na kontak. Pangamba ngayon ng kanyang ina na kong ano na ang nangyari sa kanyang anak dahil wala na itong impormasyon sa Kinalalagyan nito.



-0-


Labing-isang mga hinihinalang miyembro ng Maute terror group ang naaresto ng militar sa raid na isinagawa sa Marogong, Lanao Del Sur.  

Tatlong bahay ang pinasok ng mga sundalo mula sa Army’s 6th Infantry Battalion at mga operatiba ng PNP ARMM at Criminal Investigation and Detection Group o CIDG ARMM sa Barangay Romagondong na pinagtataguan ng teroristang grupo pasado alas sais ng umaga kahapon.   Dahil sa biglaang raid, hindi na nagawa pang pumalag ng mga suspek.  

Sinabi ni AFP Western Mindanao commander Lieutenant General Carlito Galvez Jr. na sa ngayon ay nasa kustodiya na ng mga otoridad ang 11 kasapi ng Maute
na sina Abdulah Daos, Nasif Esmael, Gutingon Alah, Tayro Mamanoc, Ekmad Esmail, Alvin Adam, Monib Gutumongan, Ibrahim Caronan, Cayrodin Ditarongan, Camsi Lao at si Gaso Mazo Badua.  

Naabutan umano ng mga otoridad ang mga nahuli na nasa loob ng safe house kung saan kasama rin sa mga narekober ay ang walong mga matataas na kalibre ng mga baril at mga bala.  

Kabilang sa mga ito ay ang isang unit ng 60mm mortar, M-60 machine gun, Barret, RPG, M14 rifle, M16 rifle, garand rifle at ang isang unit ng carbine rifle.  

Ayon kay Galvez, ang ni-raid na safe house ay ginagamit ng Muate group tuwing naghahanda para sa mga gagawing pambobomba at iba pang mga karahasan.  

Samantala, kasunod ng matagumpay na operasyon, kinilala muli ni Galvez ang mga sundalo ng Joint Task Force Central na nasa ilalim ni Major General Arnel Delavega kasama na rin ng PNP at iba pang mga law enforcement unit na nagtutuungan laban sa teroristang Maute.  



-0-



PATAY ang isang drug suspect na nangunguna sa listahan ng PNP sa Matanog, Maguindanao matapos na manlaban sa raiding team ng mga pulis at sundalo at Philppine Drug Enforcement Agency o PDEA ARMM sa Sitio Sarmiento, Brgy Langkong, Matanog, Maguindanao.  

Kinilala ng PDEA ARMM ang nasawing suspek na si Abdulwahab Imam Tolino Alias Abdul at Tiao na residente ng naturang lugar.  

Naglunsad ng raid ang mga otoridad laban kay Tolino sa bisa ng Search warrant na inilabas ni Judge Abansawan Ibrahim ng Regional Trial Court Branch 13 kaugnay sa mga kasong may kaugnayan sa pagbebenta ng iligal na droga at pagkakaroon ng mga armas na walang kaukulang dokumento.  

Nabatid na nagkapalitan ng putok sa mga otoridad at grupo ni Tolino dahilan para mapatay ito sa shootout.  

Arestado naman ang kasama ni Tolino na si Norodin Bandara Tolino alias Odi at nakuha mula sa kanya ang 70 pakete ng shabu na may bigat na 26 grams at may street value na 62 thousamd, 800 pesos, mga drug paraphernalia at isang caliber 45 pistol at mga bala.  

Habang nakatakas naman si ang isa pa nilang kasama na si alias Vice Tolino at Basty Tolino.  


Samantala, sa kabilang dako naman…………   Huli sa ikinasang drug buy bust operation ng pinagsanib pwersa ng Datu Odin Sinsuat PNP, PDEA ARMM at Datu Blah PNP ang isang suspected drug pusher pasado alas otso ng umaga kahapon sa Brgy. Semba, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.  

Kinilala ni DOS PNP chief, Police Chief Insp. Achmad Alibonga ang naaresto na si Dennis Masingkig Mantawil 41 anyos, may-asawa at residente sa lugar.   Nakuha mula kay Mantawil ang marked money na 500 pesos at isang pakete ng shabu. 



-0-



PATAY NA nang matagpuan ng kanyang pamilya ang caretaker ng isang fish pond sa barangay Inawan, Sultan Kudarat, Maguindanao pasado ala sais ng umaga kahapon  

Dumulog kamakalawa sa Police station 4 ang kanyang anak na kinilalang si Ivy de Leon Romaldo, 34 anyos, may asawa at taga Purok Dos Bukana, Mother Barangay Kalanganan, Cotabato City.  

Ito ay upang humingi ng tulong sa pulisya dahil dalawang araw ng hindi umuuwi sa kanilang bahay ang kanyang amang kinilalang si Ronnie Arcangel de Leon Sr. 58 anyos.  

Pumunta lamang daw ito sa kanyang binabantayang fish pond na pagmamay-ari ng isang Mallo na taga Parang, Maguindanao ngunit mula noon ay hindi na ito nakauwi pa.  

Agad naman rumesponde ang mga pulis ng Police Station 4 at nakipagtulungan sa mga Sultan Kudarat PNP para matagpuan ang bangkay.  

Nabatid na nasa state of decomposition na ang bangkay ni de Leon nang matagpuan at agad itong dinala sa Villa Funeral Homes dito sa lungsod.   Sa ngayon, inaalam pa ng pulisya kung ano ang sanhi ng pagkamatay ni de Leon.  


-0-


MULING BUBUKSAN ngayong araw ng Cebu Pacific Airlines ang kanilang byahe mula Cebu City patungong Cotabato City at pabalik.  

Mamayang alas dyes ng umaga gaganapin ang Inaugural Flight sa Awang Airport, sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.   Ito ay inaasahang dadaluhan nina ARMM Gov. Mujiv Hataman at Department of Tourism Sec. Ayesha Dilangalen.  

Sa maiksing panayam, sinabi ni Sec. Dilangalen na ang pagbubukas ng CebuPac ng Cebu-Cotabato-Cebu Flight ay malaking oportunidad para mas lumago pa ang turismo sa Maguindanao.  

Aniya, inaasahan kasi na mas darami ang bibisita sa lalawigan mula sa Visayas ngayong mas madali na silang makakarating sa bahaging ito ng Mindanao.  

Dagdag pa ng kalihim, inaasahang mas magiging madali na rin ang kalakalan o palitan ng mga produkto mula sa Maguindanao at Visayas na magpapalago rin sa ekonomiya ng lalawigan.  

Samantala, pagkatapos ng maiksing inaugural program ay gagawin agad ang ‘sending off’ ceremony para sa mga unang pasahero ng nabanggit na flight kung saan tatanggap ang mga ito ng mga regalo mula sa Cebu Pacific Airlines.

Nabatid na apat na beses sa isang linggo magkakaroon ng direct flight mula Cebu patungong Cotabato at pabalik ang Cebu Pacific Airlines simula ngayong araw.  

-0-



Maagang pumunta sa mga eskwelahan para makilahok sa unang araw ng Brigada Eskwela ang mga mamamayan ng Koronadal City.

Isa sa mga eskwelahan na unang dinagsa ng mga ito ang Koronadal National Comprehensive High School o KNCHS, pinakamalaking public high school sa buong South Cotabato.

Kanya kanya namang diskarte kung paano makatulong sa paglilinis sa eskwelahan ang mga volunteer. Mayroong abala sa pagalis ng mga damo, may nagwawalis, habang ang iba naman ay nagtatabas ng mga halaman.

Mayroong ding naghakot ng buhangin at tumulong sa pagsalansan ng mga bricks na ilalgay sa school grounds. Nilinis din ng mga volunteer ang Aurora Street at Jaycee Avenue na nasa paligid ng KNCHS.

Hindi rin nagpahuli ang mga guro at pinangunahan sa paglilinis ang kanilang mga estudyante.

Ayon kay KNCHS Principal Valentine Dignadice, dahil sa dami ng mga dumagsa sa eskwelahan hindi naiwasan na magkagulo sa unang oras ng Brigada Eskwela kahit na ito ay kanilang pinaghandaan.

Ayon kay Dignadice, marami kasi sa mga volunteer ang hindi sabay na dumalo sa orientation. Gayunpaman ayon kay Dignadice, agad din namang naayos ang problema. Binigyan diin ni Dignadice na mahalaga ang brigada eskwela dahil napapanatili nito ang pagkamatulungin ng mga Pilipino.

Ipinahayag ni Dignadice na ang milyong milyong pisong natitipid ng gobyerno sa Brigada Eskwela ay magagamit pa sa ibang mahalagang proyekto sa larangan ng Edukasyon.


-0-



Tatlo katao nakumpirmang may HIV-AIDS sa unang quarter ng taon sa Tacurong City TACURONG CITY- Tatlong katao ang nagpositibo sa HIV Test sa unang quarter lamang ng taong 2017 sa Tacurong City.

Ito ang kinumpirma ni City Health Officer Focal Person Marlou Buenacusa. Napag-alaman na umabot lamang sa 200 ang nagpa-HIV test sa lungsod ng Tacurong sa unang 3 buwan ngayong taon.

Dahil dito mahigpit na ipinapayo ng opisyal sa publiko na i-practice ang safe sex o ligtas na pakikipagtalik upang maiwasan na magkaroon ng nakakamatay na sakit katulad ng HIV/AIDS.



-0-


Umabot sa apat na magsasaka sa probinsya ng South Cotabato ang nominado sa National Gawad Saka Search ng Department of Agriculture.

Ang mga ito’y nanalo sa isinagawang search for Gawad Saka awardee sa regional level.

Inihayag ni Provincial Agriculturist Justina Navarete na kabilang sa apat sina Berlinda Montano sa outstanding rice farmer category, Jose Lorenzo sa high value crops category, Regina Ruferos sa outstanding fisherfolk family category; at Eduardo Castin sa outstanding PAFC.

Umaasa naman si Navarete na makuha ng mga ito ang national awards. Ang Gawad Saka ay taunang isinasagawa kung saan kinikilala ang hindi mapapantayang kontribusyon ng mga magsasaka at fish farmers sa bansa.



-0-


Huli sa entrapment operation ng Tupi PNP ang isang pinaniniwalaang extortionist.

 Hindi naman pinangalanan ni PSSupt. Franklin Alvero ang suspek upang hindi maapektuhan ang kanilang imbestigasyon.

Inihayag sa isang panayam ni Alvero na ang naturang extortionist ay siya ring suspek sa panghoholdap sa isang gasoline station sa bayan ng Tupi, South Cotabato at pinaniniwalaang miyembro ito ng isang malaking grupo.

Napag-alaman na isinagawa ang operasyon habang tumatanggap ito ng pera galing sa isang nagpakilalang negosyante. (Sheilla Canonero) 2 patay, 1 sugatan s a pamamaril ng riding in Tandem sa Polomolok, South Cotabato



-0-



Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya sa nangyaring pamamaril sa Purok 1, Barangay Glamang, Polomolok, South Cotabato kung saan 2 ang patay at 1 ang sugatan.

Nangyari ang insidente 10:23 noong nakaraang gabi kung saan binaril ng riding tandem ang mga biktima. Kinilala ang mga namatay na sina Ian Deloria Dakingking, 22; at Arthur Melevo King,35; at sugatan naman si Rembran Ofrili Claver, 23.

Sa imbestigasyon ng Polomolok PNP, nagmamaneho umano si Dakingking ng kanyang XRM na motorsilo na may plate number 3659-QN habang angkas nito si Claver at sumusunod sa kanila si King na nagmamaneho rin ng kanyang Honda wave 125 na may plate number 3373-MQ nang sinundan ang mga ito ng mga riding in tandem at pinagbabaril.

Nagtamo ng tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan sina Dakingking at King na naging dahilan ng kanilang agarang pagkamatay.

Samantala, nagpapagaling naman ngayon sa ospital si Claver dahil sa natamong sugat nito dahil sa tama ng bala sa kanyang likod, kaliwang dibdib at kaliwang kamay. Sa ngayon, pinag-aaralan ng mga otoridad ang motibo sa krimen at ang pagkakakilanlan ng mga suspek. 
  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy