NDBC BIDA BALITA (5.17.17)

NDBC BALITA  • Wed May 17, 2017 08:55 AM  •  178   0
By NDBC
  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy
NEWSCAST MAY 17, 2017 (WED)
7:00 AM
 


HEADLINES:
 

1. KAUNA-UNAHANG Religious Summit for Peace and Security, gagawin ngayong araw sa Cotabato City.  

2. ISA SA PINAKAMALAKING poultry farms sa Kidapawan City, ipinasara.  

3. MGA INTERNET CAFÉ sa Koronadal City, isinailalim sa accreditation ng Internet Operators Regulatory Board  

4.  Liblib na barangays ng Pikit, Cotabato binaha



-0-


GAGANAPIN NGAYONG ARAW ang 1st Muslim Religious Summit for Peace and Security na pangungunahan ng Joint Task Force Central ng Army’s 6th Infantry Division.   Sinabi ni Civil Military Officer Col. Markton Abo na inaasahang aabot ng 700 mga partisipante ang lalahok sa nasabing aktibidad na gagawin sa Grand Mosque dito sa lungsod.  

Aniya pa, abot naman sa mahigit 50 religious leaders ang dadalo rin sa naturang summit na mula sa iba't-ibang mga lugar sa Mindanao.  

Ipinaliwanag naman ni Abo na ang nasabing aktibidad ay bahagi ng kanilang kampanya kontra terorismo.  

Naniniwala kasi ang sandatahang-lakas na mas magiging epektibo ang pagsugpo sa anumang uri ng karahasan kung may kooperasyon ng iba’t ibang sektor lalo na ng mga religious leader at elder.  

Tema ng nasabing aktibidad ay, “Unity and Harmony Amidst Diversity towards Peace, Security Development and Prosperity”.

Sa kabilang dako naman….   Naglagay na ng peace keeping team ang pulisya sa Barangay Mudseng, Midsayap, North Cotabato matapos na maiulat ang muling pagsiklab ng bakbakan sa lugar.  

Ayon kay Midsayap PNP Chief, Police Supt. Bernard Tayong, ang naturang peacekeepers ay kinabibilangan ng mga sundalo, mga miembro ng CAFGU at barangay tanod.   Una rito, dalawa katao kasi ang nasawi sa rido o clan war sa lugar sa pagitan ng mga pamilyang Sugod at Madidis dahil sa pinag aagawang lupa.  

Kinilalang naman ni Tayong ang mga nasawi na sina Brando Sagandal, isang barangay tanod at Kasan Madidis, pawang mga residente ng Brgy. Mudseng.  

Sa ngayon, bagaman at humupa na ang bakbakan sa lugar at patuloy naman ang ginagawang hakbang ng Pamahalaang Lokal at probinsiya upang hindi na masundan pa ang naturang insidente.


-0-


HANGGANG NGAYON ay hindi pa rin matukoy ng Cotabato City PNP ang pagkakakilanlan ng lalaking nasawi barilin ng di pa nakikilalang suspek.  

Sa report ng City PNP, patay na ng abutan ng mga elemento ng Police Station 2 ang di pa nakikilalang biktima pasado alas dose ng madaling araw kanina sa Sinsuat Avenue, partikular sa tapat ng isang resto bar.  

Inilarawan ng pulisya ang biktima na nasa 5'3 ang height, 30-35 anyos, katamtaman ang pangangatawan, maikli ang buhok, nakasuot ng blue t-shirt na may british flag at maong blue shorts.  

Ayon sa City PNP, nakatanggap sila ng tawag sa telepono mula sa isang concerned citizen na mayroong binaril sa nasabing lugar.  

Agad namang rumesponde ang mga ito at naabutang nakabulagta na ang biktima.  

Nabatid na nakaupo lang sa labas ng resto bar ang biktima nang lapitan at pagbabarilin ng hindi nakikilalang suspek na naka -motorsiklo.   Sa ngayon nasa Villa funeral homes ang mga labi ng biktima at hinihintay pa rin na may kumuhang mga kamag anak.


-0-



Pag-aaralan ni Pangulong Duterte ang posibilidad na pagdedeklara ng Martial Law sa Sulu.  

Sinabi ng Pangulo na nalaman niya ang panawagan ng Save Sulu Movement na ilagay sa ilalim ng military rule ang kanilang lalawigan para tuluyan ng masugpo ang Abu Sayyaf Group.  

Iginiit ng Pangulo na hangga’t maaari ay nais niyang lutasin ang problema sa Mindanao nang hindi na kailangang magdeklara ng Martial Law.  

Kasalukuyang binabantayan ng AFP ang galaw ng sinasabing 16 foreign terrorists na nasa Mindanao at nasa pagkalinga ng Maute Group, Abu Sayyaf, at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF.  

Ayon sa AFP, ang sinasabing foreign terrorists na nakapasok sa bansa ay mga Malaysian at Indonesian na ngayon ay nasa Lanao del Sur at Maguindanao batay sa intelligence report na nakalap ng AFP.



-0-


Umaasa Si Cotabato city Mayor Cynthia Guiani-Sayadi na makalulusot ang City Government sa ginagawang pagsisiyasat ng Department of Interior and Local Government o DILG.  

Ito matapos na sumailalim ang Pamahalaang Lokal ng Syudad nitong Lunes sa DILG evaluation and inspection para sa pagkakataong masungkit ng lungsod ang Seal of Good Local Governance o SGLG.  

Ilan sa mga criteria na pagbabasihan sa SGLG ay ang transparency, good governance at ang pinaka-mainam na serbisyo na ibinibigay sa mga mamamayan.  

Ito ay nakabatay naman sa kategoryang kinabibilangan ng Full Disclosure Policy, Peace and Order, Business friendliness, Disaster Preparedness, Good Governance at iba pa.  

Samantala, ayon naman kay city Information Officer Halima Satol-Ibrahim, malugod namang tinanggap ng alkalde ang mga evaluator kasama ng kanyang mga department heads.  

Nabatid na kabilang sa mga binusisi ng DILG evaluators ay ang tatlong full disclosure bulletin boards na nasa lobby ng People's Place, sa mega market at sa old city hall.  

Tinungo din ng mga ito ang tanggapan ng City Health at maging ang DepEd City Schools Division.   Maging ang mga programa ng city government sa mga senior citizen at mga persons with disabilities ay inalam din ng mga nagsisiyasat.  


-0-


MASAYANG SINALUBONG ng water canon ang papalapag na eroplano ng Cebu Pacific Air mula sa Mactan International Airport, Cebu City kahapon ng umaga kaugnay mg muling pagbubukas ng Cebu-Cotabato-Cebu Flight sa Awang Airport, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.  

Maswerte namang nakatanggap ng regalo mula sa Cebu Pacific ang 59 na mga pasahero mula Cebu at sinalubong pa ng makulay at maingay na street dancing.  

Dumalo sa inaugural flight ceremony sina Department of Tourism ARMM Secretary Ayesha Dilangalen; ARMM Executive Secretary Atty. Laisa Alamia; Department of Tourism 12 Director Nelly Nita Dillera; CAAP Manager Emmanuel Costelo; Cebu Pacific Vice President for Contoller Robin Dui at media.  

Sa kanyang maiksing mensahe, hiniling naman ni Sec. Dilangalen sa Cebu Pacific management na magbukas din ng Cotabato-Zamboanga flight para mas madaling mabisita ang magagandang tourism spots sa island provinces ng ARMM.  

Samantala, nanawagan naman si Civil Aviation Authority of the Philippines o CAAP Manager Emmanuel Costelo sa lahat na tumulong sa promosyun ng Awang Airport at umaasa rin siyang madadagdagan pa ang mga byahe ng Cebu Pacfic sa naturang paliparan.   Dagdag pa niya, kayang-kaya pa ng paliparan na mag accomodate ng mga bagong incoming flights.

Nabatid na apat na beses sa isang linggo BIBIYAHE ang eroplano ng Cebu Pacific mula Cebu patungong Cotabato city   Ito ay sa mga araw ng Martes, Huwebes, Sabado at Linggo.


-0-



SA DALAWAMPU’T ANIM na mga low-lying barangay sa munisipyo ng Pikit, North Cotabato, karamihan dito binaha, simula nang magtuluy-tuloy ang pag-ulan nito’ng linggo’ng ito.

 Pero sa halip mangamba dahil sa posibleng idulot ng baha sa kanilang mga constituents, sinabi ni Municipal Disaster Risk Reduction Management Officer Tahira Kalantongan na mataas ang ‘resiliency level’ ng mga nakatira sa mga lugar malapit sa ilog at mabababang barangay.

 Ibig sabihin raw nito, sanay na sa baha ang mga tao. At kapag dumarating ang mga pag-ulan, tiyak na ang kasunod na raw ay baha. Pero, ayon kay Kalantongan, kahit pa mataas ang ‘resiliency level’ ng taga-Pikit, ready pa rin ang LGU mamahagi ng mga relief items sa mga biktima ng mga pagbaha.

 Lagi ay may naka-stock umano na relief packs sa social welfare office at MDRRM office ni Kalantongan. AUDIO CLIP: TAHIRA Si Pikit municipal disaster risk reduction and management officer Tahira Kalantongan. KABILANG sa madalas apektado ng mga pagbaha ay ang mga barangay ng Inug-og, Takepan, at Dalingaoen.

SAMANTALA, baha naman sa mga barangay sa mga bayan ng Pagagawan at Datu Montawal sa Maguindanao. Ilang kilometro ng kalsada sa naturang mga bayan na dinaanan ng baha ay nasira, bagama’t nadadaanan pa rin ito ng mga sasakyan.


-0-



HANGGANG nito’ng ikalawang quarter ng taon na lamang ang operasyon ng poultry farm na nasa Barangay Kalasuyan sa Kidapawan City, at pinag-mamay-arian ng pamilyang Lim na taga-Davao City.

 Ayon kay Barangay Kalasuyan chairman Ferdinand Ajero, ang closure order nanggaling mismo sa City Environment and Natural Resources Office o CENRO.

 Nabatid umano na marami’ng mga paglabag sa umiiral na ordinansa at mga environmental law ang operasyon ng poultry farm ni Lim.

 Una na rito ang kawalan ng Environmental Compliance Certificate o ECC na isa sa mga requirements ng Department of Environment and Natural Resources o DENR. Isa sa mga rason kung bakit ipinursige ni Chairman Ajero ang closure order ng poultry farm ay ang matinding perhuwisyo nito sa mga residente ng lugar, lalo pa’t matindi na ang pagkalat ng mga langaw.

NITO PANG Disyembre itinayo ang mga istruktura sa loob ng poultry farm. Pero nito lang Enero nagsimula sila sa kanilang operasyon.

 Ito na ang ikalawang poultry farm na nasa Barangay Kalasuyan ang pinasara ng CENRO. Ang una ay ang poultry farm na pag-aari ng Ekoy’s Lechon Manok.



-0-


Tinitiyak ngayon ng DepEd Kidapawan City Division na walang estudyante na mamintis ang kanilang klase sa pasukan sa June 5.

 Dahil dito, ayon kay City Schools Division Supt. Dr. Kahar Macasayon pinagsisikapan nilang matapos ang mga itinayo at kinumpuning school building sa nagpapatuloy na Brigada Eskwela 2017.

Inamin ng opisyal na hindi kaagad magagamit ang mga school building pero nakatitiyak siyang magiging sapat ito sa lahat ng mga estudyante para sa Kidapawan City. Samantala, nasa 90 porsyento na ring handa ang mga guro sa kanilang pagtuturo.

Katunayan nitong nakaraang araw lang nagdadag ng 71 Senior High School Teacher's ang City Division para magturo sa Grade 12. Isasailalim sila sa training sa darating na May 19 para masigurong handa sa pasukan. Sa Kidapawan City, labing isang Senior High School ang sabay-sabay na magbubukas ngayong June 5.



-0-


Mas pinaigting pa ngayon ang programa ng therapeutic community modality program o TCMP sa ilalim ng Inmates Welfare and Development o IWD para sa mga preso sa North Cotabato District Jail.

Kaugnay nito, isasagawa ngayong araw ang iba’t-ibang skills training para sa daan-daang babaeng inmates. Una nang ibinunyag sa Radyo Bida ng Technical Education Skills Development Authority o TESDA North Cotabato ang ilulunsad na seminar-workshop para sa mga preso na nasa Prisons Without Wall o PWOW.

Bahagi rin ang nabanggit na aktibidad sa Mother’s week celebration ngayong buwan. Kabilang sa livelihood training para sa mga inmates ay ang Meat Processing, Soap Making at Basic Hair Cutting Samantala, aasahan naman ang iba pang programa sa ilalim ng IWD, kagaya ng Gender and Development Program at marami pang iba.

Ayon kay Jail Warden Superintendent Simeon Dolojo, susunod rin na sasailalim sa mga pagsasanay ang mga lalaking preso sa loob ng BJMP compound.

Layunin nito na maihanda sila sa mga kabuhayang pwedeng gawin sa panahon na makakalaya na sila at makakabalik sa mainstream society.


-0-



Hawak na ngayon ng mga otoridad ang tatlo sa pitong mga target suspek sa isinagawang search warrant operation sa brgy. Poblacion, Matalam, North Cotabato. Kinilala ang mga suspek na sina Nellie Galvez, Ralph Joy Sosmenia, 26 anyos, at isang alyas Totong, parehong mga residente ng Purok Rosal, brgy. Poblacion Matalam.

Sa bisa ng search warrant ng korte, hinalughog ang bahay ng mga suspek kung saan nakuha mula sa pamamahay ni Galves ang tatlong sachet ng pinaniniwalaang shabu habang limang sachet naman sa bahay ni Sosmenia. Apat na mga target suspek naman ang nakatakdang halughugin sa begy, Kilada, Matalam.

Ayon sa report dati ng nag surface sa PNP ang mga suspek pero bumalik pa rin ito sa kanilang iligal na paggamit at pagbebenta ng droga. Sa ngayon nagpapatuloy ang nasabing operasyon na pinangunahan ng Cotabato Police Provincial Office katuwang ang Matalam PNP.

Bahagi pa rin ito sa mas pinaigting na kampanya ng lokal na pamahalaan ng Matalam at PNP kontra iligal na droga sa bayan.


-0-



Sinimulan na ng Internet Operators Regulatory Board o IORB ang pag-accredit sa mga internet cafe sa Koronadal City.

Ayon kay City Information Officer at IORB Vice Chair Judith Labial-Amido, isasailalim nila sa re-accreditation ang mga internet cafe na expired na ang accreditation sa loob ng tatlong taon.

Iinspeksyunin din ng IORB ang mga internet cafe sa lugar na binuksan noong nakaraang taon. Ayon kay Amido, nais matiyak ng lokal na pamahalaan na sumusunod sa ordinansea ang mga internet cafe sa Koronadal City.

Kabilang dito ayon kay Amido ang pagkakaroon ng business permit, at sinage. Ayon kay Amindo mariing ding ipinagbabawal ang paninigarilyo, cubicle at pornographic sites sa mga internet cafe ng Koronadal.

Ang mga magaaral naman ay maari lamang payagan sa mga internet cafe kung ang mga ito ay may consent card mula sa kanilang guro. Umapela din si Amido sa mga internet cafe owners sa Koronadal City na isumbong sa IORB o city information office ang mga operators na lumalabag sa internet cafe ordinance ng lungsod.

Nabatid na sa ngayon ,abot na sa mahigit 300 ang mga internet cafe sa Koronadal City.



-0-



Isinailalim sa Operations Plan Rabies Elimination in Dogs o OPLAN RED ang lalawigan ng South Cotabato. Ito ay bilang pagpapaigting ng mga programa para maresolba ng problema ng rabies sa lalawigan.

Magtutulungan sa pagpapatupad ng OPLAN RED kontra ang rabies ang Department of Agriculture, local government units sa provincial at municipal level.

Pinulong na ng Integrated Provincial Health Office ang local government unit ng T’boli at Veterinary office para ma-assess ang National Rabies Prevention and Control Program.

Ayon kay South Cotabato Provincial Health Officer Dr. Rogelio Aturdido Jr. kailangan na masolosyonan agad ang pagdami ng mga namamatay dahil sa rabies sa lalawigan.

Ayon sa pinakahuling datus ng Provincial Epidemiology and Surveillance Unit ng IPHO 9 katao na ang nasawi dahil sa rabies sa South Cotabato mula Enero hanggang Abril 23 nitong taon. Ito ay doble naman kumpara sa kanilang datus noong nakaraang taon.

Karamihan sa mga biktima ay mga bata na nakagat ng mga asong hindi nabakunahan. Iminungkahi naman ni South Cotabato OIC Provincial Veterinarian Dr. Flora Bigot na para masolusoyonan ang kakulangan ng staff, dapat ay tutulong na rin sa mga taga-bakuna ng mga aso ang mga SPES beneficiary.

Ayon kay Bigot nakikipagugnayan na rin ang Bureau of Animal Industry ng DA sa mga LGU para sa anti rabbies mass vaccination.



-0-


Makikilahok na rin sa Brigada Eskwela na nagsimula na noong Lunes ang mga benepsiyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps ng Department of Social Welfare and Development o DSWD region 12.

Ayon kay DSWD 12 Regional Director Bai Zarahayda Taha, mangunguna sa mga 4ps beneficiary sa pagpunta sa mga eskwelahan ang kanilang mga field workers at parent leaders. Ito ay upang tumulong sa paglilinis at pagsasaayos ng mga eskwelahan.

Ayon kay Taha, mahalaga ang pakikiisa ng mga 4Ps benefeciary sa Brigada Eskwela. Binigyan diin ni Taha na isa kasi sa mga kondisyon ng DSWD sa 4Ps ang pagpapaaral ng mga benepisyaryo sa kanilang mga anak sa mga pampublikong eskwelahan. Ang DSWD ay mayroong mahigit 500 thousand 4Ps beneficiary sa region 12.



-0-


Nakilahok sa OFW Family Circle o OFC Sports Festival ang 123 na mga myembro ng iba’t ibang youth organizations sa region 12. Ayon kay Overseas Workers Welfare Administration o OWWA 12 OIC Marlyn Jamero, ang mga ito ay pawang mga dependent ng Overseas Filipino Workers.

Layon ng sports festival na nasa panglimang taon na ngayon ay pagtibayin ang mga OFW Youth Organizations sa region 12.

Ang Sports fest ay ginanap sa South Cotabato Sports Complex sa Koronadal City. Umaasa si Jamero na sa pamamagitan nito ay mabibigyan ang mga kabataan ng pagkakataon na ma-develop ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng leadership, diversity at teamwork.

Ayon kay Jamero sa isinusulong din nito ang pagkakaroon ng holistic lifestyle , sportsmanship, at camaraderie ng OFW Youth Organizations .

Ang mga participant ay hinati sa apat na competing groups na nagtagisan sa Patintero, Dancing Ball with a Twist, Chinese Garter, Sipa, Modified Slipper Game, Amazing Race at Quiz Bowl Competition.


-0-


Nakinabang sa mahigit P5 million na farm to market road project ng Italian Government ang mga mamamayan ng Barangay Katungal sa Tacurong City, Sultan Kudarat.

Ang pondo ay idinaan sa Department of Agrarian Reform sa ilalim ng Italian Assistance to Agrarian Reform Community Development Support Program o DAR-Italian. Ito ay unang ipinatupad a Barangay Upper Katungal.

Nanguna sa ground breaking ceremony ng proyekto sina Tacurong City Mayor Lina Montilla, DAR-ITALIAN National Coordinator Anwar Acop, mga kinatawan ng DAR at mga opisyal ng barangay.

Ayon kay Tacurong City Engineer Kathy Leguro, ang mahigit P4 million pesos sa proyekto ay pinondohan ng Italian Government habang ang nalalabing mahigit P1 million ay counterpart ng lokal na pamahalaan.

Tiniyak naman ni Tacurong Mayor Lina Montilla na may nakaalang budget ang lokal na pamahalaan sa counterpating kaya walang magiging problema ang sinumang magpapatupad ng mga proyekto sa lungsod.


  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy