NDBC BIDA BALITA (5.18.17)

NDBC BALITA  • Thu May 18, 2017 10:24 AM  •  227   0
By NDBC
  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy
NEWSCAST MAY 18, 2017 (THU)
7:00 AM
 

HEADLINES:
 

1. CIDG civilian agent, patay sa panibagong kaso ng pamamaril sa Cotabato City.  

2. LABING APAT na dating mga miembro ng NPA sa North Cotabato, binigyan ng tulong ng pamahalaan  

3. MINERO, patay nang maubusan ng oxygen sa loob ng isang tunnel sa T’boli, South Cotabato  

4. Random drug test, gagawin sa mga guro ng Nouth Cotabato


-0-


DEAD ON THE SPOT ang isang civilian agent ng Criminal Investigation and Detection Group o CIDG-ARMM matapos pagbabarilin pasado alas sais kagabi sa tapat ng Mercury Drugs Store, sa kanto ng Santos Street, Barangay Rosary Heights 6, Cotabato City.  

Kinilala ng City PNP ang biktima na si Allan Tambol Takbir, 32 anyos, may asawa at taga barangay Rosary Heights 3 ng lungsod.  

Una ng napaulat na isang pulis si Takbir, subalit sa pagsisiyasat ng mga imbestigador ng Police Station 2, nakumpirmang hindi kasapi ng PNP si Takbir.  

Nabatid na sakay ng kanyang motorsiklo si Takbir nang sabayan ng riding tandem, dinikitan at saka pinagbabaril ng malapitan.  

Nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan at ulo ang biktima na sanhi ng kanyang agarang kamatayan.  

Sa ngayon inaalam na ng pulisya kung may kaugnayan sa kanyang trabaho ang motibo ng pagpaslang sa biktima.


-0-



Isang improvised Explosive Device o IED ang sumabog habang dumaraan ang convoy ng mga sundalong kasapi ng Marine Battalion Landing Team o MBLT 2 sa kurbadang daan ng Orliales, Brgy. Boledad, Lebak, Sultan Kudarat pasado alas siyete ng umaga kahapon.  

Sa panayam ng DXMS AM Radyo BIDA kay Sultan Kudarat Provincial Director Police Supt. Raul Supiter, sinabi nito na target ng naturang pagpapasabog ang convoy ng mga sundalo pero hindi nagtagumpay ang mga suspek.

Hinala naman ni Supiter, mga pangkat ng News People's Army o NPA ang may kagagawan ng nasabing pagpapasabog.  

Ganunpaman, walang nasaktan sa tropa ng pamahalaan at kahit mga sibilyan sa naturang insidente.  

Sa ngayon, sinabi ng opisyal na mas pinaigting pa ng mga pulis at sundalo ang pagpapatrolya sa lugar at pagtugis sa mga suspek na responsable sa pagtanim sa nasabing pampasabog.  


-0-


NAPASLANG sa nagpapatuloy na intensive military operations ang dalawang mga miyembro ng Abu Sayyaf Group o ASG sa Brgy. Patikul Hill, Patikul, Sulu kahapon ng umaga.  

Sinabi ni Joint Task Force Sulu Commander Brig. Gen. Cirilito Sobejana na nasa 15 ASG members ang nakasagupa ng kanyang mga tauhan na nagresulta sa 15 minutong bakbakan.  

Ang bangkay ng dalawang di pa nakikilalang mga ASG members ay narekober sa lugar.  

Nakuha rin ng militar ang tatlong M16 rifles doon.  

Samantala, dalawa namang aktibong kasapi ng Abu Sayyaf ang boluntaryong sumuko sa tropa ng militar dala ang kanilang baril sa Talipao, Sulu.  

Kinilala ni Sobejana ang mga sumukong ASG member na sina Musa Jamil Alsid, 19 years ld at si Mohammad Waddang Udding, 20 na parehong mga residente ng Barangay Pitogo, Caluang, Sulu.  

Ayon kay Sobejana, isinuko rin ng mga ito ang kanilang M16 rifle sa 2nd Special Forces Battalion sa pangunguna ni Lieutenant Colonel Gaspar Panopio.  


-0-



NAKILALA na ng Cotabato City PNP ang lalaking nabaril at napatay kahapon ng madaling araw sa lungsod.   Ito ay si Tongko Diro, driver at taga Espino street, Barangay Bagua Dos sa syudad.  

Natukoy ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng naturang biktima matapos na kunin ng kanyang mga kamag-anak ang mga labi nito kahapon nh umaga sa Villa Funeral Homes.  

Una ng napaulat na nakaupo lang sa labas ng isang resto bar ang biktima nang lapitan at pagbabarilin ng hindi nakikilalang suspek sakay ng motorsiklo.  

Naganap ang insidente pasado alas dose ng madaling araw kahapon sa Sinsuat Avenue.  

Sa ngayon patuloy pa ring iniimbestigahan ng pulisya kung sino ang nasa likod ng naturang pamamaril at kung ano ang motibo ng suspel sa pagpatay sa biktima.


-0-


NAGKASUNDO NA ang anim na mga pamilya sa Buldon, Maguindanao na matagal nang may girian o RIDO   Ito ay matapos ng isinagawang ‘Rido Settlement’ sa Camp Siongco, Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao, kahapon ng umaga.  

Sinabi ni Brgy. Uring chairperson Ibrahim Rumumba na malaki ang kanilang pasasalamat kay Gov. Esmael Mangudadatu na nanguna sa naturang hakbang upang tuluyang matapos ang hindi pagkakaunawaan ng naturang mga pamilya.  

Nanumpa ang naturang mga pamilya sa Qur-an na hindi na muli pang maglalaban-laban.  

Ang seremonya ay sinaksihan mismo ng Maguindanao governor kasama si Army’s 6th ID Commanding Officer Maj. Gen. Arnel Dela Vega at Buldon mayor Mayor Abolais Manalao.  

Una rito, mahigit 15 taon ng may away ang pamilya Abo at pamilya Mamalakat; Pamilya Taaral at pamilya Mamaco at Pamilya Pacasmo laban sa pamilya Wadia. Ngunit ngayon lamang tuluyang napagbati ang mga ito.

Samantala, isinuko rin ng mga ito ang kanilang mga baril upang hindi na madagdagan pa ang mga nasawing miembro ng kani-kaniang pamilya.  

Kaugnay nito, umaasa si Governor Mangudadatu na hindi na muli pang sisiklab ang karahasan sa pagitan ng mga naturang pamilya at tumalima ang mga ito sa ipinangako at napagkasunduan.


-0-


Tutulong sa Deped sa paghahanda ng mga eskwelahan sa pasukan ang Department of Public Works and Highways o DPWH 12.

Ayon kay DPWH 12 Information Officer Ellen Torino, ang pakikiisa ng ahensya sa Brigada Eskwela ay inuutos mismo ng kanilang central office. Sinabi ni Torino na ang Oplan Eskwela ay taunang isingasagawa ng DPWH.

Saklaw nito ang pagsasaayos ng mga kanal,at kalsada malapit sa mga eskwelahan,paglalagay ng pintura sa mga pedestrian lane, at traffic sign boards.

Ayon kay Torino, tutulong din ang DPWH sa paglilinis ng mga eskwelahan, pagpinta sa mga silid aralan, pagayos ng mga silya at mesa. Mamimigay din sila ayon kay Torino ng mga plywood, roofing materials, pinta at iba pang materyales.

Layon nito na matiyak ang kalitasan ng mga magaaral at maging kampante ang mga magulang sa pasukan. Kaugnay nito, tiniyak ni DPWH 12 OIC Regional Director Basir Ibrahim na buo ang kanilang suporta sa Deped para sa matagumpay na pagbubukas ng klase.

Ayon kay Ibrahim, handa ang walong engineering districts ng DPWH sa region 12 para ipatupad ang kanilang Oplan Balik Eswela.

-0-


Babaguhin ng mga health officials ng South Cotabato ang cleaning habit o nakagawian nang paglilinis ng mga mamamayan sa mga barangay upang pagpuksa sa sakit na Dengue.

Ayon kay provincial health promotions officer Marifort Rafael, ito ay matapos lumabas sa pagaaral ang maling pangunawa ng mga mamamayan sa 4 o’clock habit.

Sinabi ni Rafael na karamihan sa mga mamamayan ng mga barangay ay nakuntento na sa paglilinis at pagpapausok upang maitaboy ang lamok na nagdadala ng dengue .

Binigyan diin ni Rafael na mahalaga din sa pagpuksa ng dengue ang pagtanggal o paglilinis sa mga lugar na maaring pamahayan ng mga dengue carrying mosquitoes.

Kalakip dito ayon kay Rafael ang mga flower base, alulod ng bahay, bao ng niyog, lumang gulong, lata at flower pots.

Ito ayon kay Rafael ay maaring gawin sa loob lamang limang minutong pagiikot sa paligid ng bahay tuwing hapon.

Pinulong na rin ng degue team ng South Cotabato ang mga health workers sa mga lugar na may pinakaraming kaso ng dengue para paigtingin ang kanilang kampanya kontra dengue.

Plano din ng grupo na ipakita ang bagong education material kontra dengue sa ASEAN Dengue Awareness sa Hunyo.


-0-


Naibigay na ng pulisiya sa Municipal Environment and Natural Resources Office o MENRO ang mga iligal na troso na nakumpiska ng mga pulis sa T’boli, South Cotabato.

Ito ay ayon kay T’boli Chief of Police, Police Chief Inspector Ramil Villagracia.

Ayon kay Villagracia ang mga illegally cut logs ay natuklasan ng mga pulis sa Barangay Basag, T’boli. Sinabi ng police official na ang may 1,451 board feet na iligal na torso na kanilang kinumpiska ay nagkakahalaga ng mahigit P50,785.

Ito ay natuklasan ng pulisiya at MENRO sa tulong ng ilang mga concerned citizens. Inaalam pa ng PNP kung sino ang may ari ng mga nakumpiskang iligal na troso.

Natuklasan ang mga illegally cut lots sa gitna naman ng maigting na kampanya kontra illegal logging ng lokal na pamahalaan.


-0-


Kakapusan sa oxygen ang tinukoy na dahilan ng pagkasawi ng isang minero na na-trap sa tunnel sa Sitio Tunnel, Barangay Kematu, bayan ng T’boli, South Cotabato.

Kinilala ang biktima na si Jomar Kuyan na hindi na nailigtas pa ng mga rescuer ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Counil o CDRRMC.

Maswerte namang nakaligtas ang mga kasama nitong sina Josie Kuyang, 26 anyos; Martin Kuyan, 48 anyos;at Jim Tnem pawang mga nakatira sa Sitio Lamia Kematu.

Lumabas sa insiyal na pagsisiyasat ng mga pulis na ang mga minero ay pumasok sa tunnel na pagaari ng isang Toto Nor para magmina.

Ngunit habang nasa loob nagmamadaling lumabas ang mga biktima matapos mahirapang huminga bunsod umano ng kakulangan ng oxygen.

Sa kasamaang palad hindi na nakalabas ang biktimang si Jomar at binawian ng buhay sa loob ng pinagtatrabahuhang tunnel.

Ang tatlong mga nakaligtas na minero ay agad namang dinala ng mga rescuer sa Moorehouse Mission Hospital sa T’boli.


-0-

Sundalo patay sa drug buy bust operation sa Koroandal City habang sugatan naman ang isang police.

Kinilala ni Koronadal City Anti Drug Abuse Council o CADAC Action Officer Glorio Sandig ang nasawing sundalo na si Private First Class Richie Librado, 41 anyos, nakatalaga sa 33rd IB ng militar.

Ayon kay Sandig una umanong nagpaputok ng kanyang armas ang sundalong si Librado kaya siya ginantihan ng mga pulis. Si Librado ay dead on the spot dahil sa mga tama ng bala ng baril sa kanyang likod.

Tinamaan naman ng bala ng baril sa kaliwang hita ang team leader ng PNP na si Police Senior Inspector Ramil Aruelo na nagpapagaling pa ngayon sa ospital.

Ayon kay Sandig arestado din ang kasama ni Librado na subject sa buy bust operation na si Herbert Deloso, “alyas Mayong” ng barangay San Jose, Koronadal.

Kasama din sa mga naaresto sina Erickson Gregory Ligaya ng Barangay San Jose, at Ronald Dangautan ng katabing Barangay ng Esperanza.

Ayon kay Sandig ang mga suspek ay matagal nang minamanmanan ng mga otoridad. Ang mga ito ay naaresto sa isang compound sa Barangay San Jose Koronadal kagabi.

Nakuha sa mga ito ang isang small pack,isang medium at dalawang big pack ng suspected shabu, P1,000 drug bust bust money at drug paraphernalia.

Kabilang din sa mga nakumpiska ng mga pulis ang isang paltik na 12 gauge shotgun, calibre 5.56 pistol, isang STI pistol, at mga bala. 


-0-

 

Anim na buwan ngayon ang gagawing medication maintenance para sa mga preso sa North Cotabato District Jail.

Ito ay para sa mga may sakit na upper respiratory diseases kagaya ng pulmonary tuberculosis.

Ayon kay Jail Warden Superintendent Simeon Dolojo Jr, may mga gamot na inilaan ang Provincial Government para sa mga bilanggo na idadaan sa pamamagitan ng DOH.

Aniya, hindi naman nakakaalarma ang nasabing karamdaman dahil anim lamang ang meron nito mula sa higit isang libong preso.

Mas konte rin ito ngayon taon kung ikukumpara noong nakaraang taon na umabot sa higit 20 ang nagka Pulmonary Tuberculosis. May mga nakahanda na ring selda para sa kanila.

Sa ngayon patuloy na tinututukan ng BJMP ang mga nagkakasakit sa kulungan, matapos na dalawa na ang nasawi dahil sa nabanggit na sakit.

Paliwanag naman ni Dolojo na may dati nang sakit ang mga nasawing preso bago pa ito nakulong dulot na rin ng kompliksyon sa loob ng kulungan.


-0-




Muling nagbabala ang Matalam PNP sa mga drug personalities sa bayan ng Matalam na wala silang sasantuhing sinuman sa kanilang patuloy na kampanya kontra iligal na droga.

Ito makaraang maaresto ng raiding operatives ang lima katao sa inilunsad na One Time Big Time Operation ng Cotabato Police Provincial Office o CPPO, Matalam PNP kasama rin ang 7th IB ng Philippine Army kahapon ng umaga.

Kinilala ang mga ito ni Chief Inspector Sunny Leoncito,hepe ng Matalam PNP, na sina Nelie Galvez, Ralph Sosmena ng Purok Rosal, Poblacion, Matalam; Mastura Silongan, Jessie Toranio, at Kasanudin Colin na taga Purok Birds of Paradise, Poblacion.

Nakuhanan ang mga ito ng maraming sachet ng iligal na droga at mga drug paraphernalia.

Tinutugis na rin ngayon sina Che-Che Aquino, Tata Santillan, at Pokwang Toranio, at tatlo pang mga drug personalities na nakatakas sa nasabing operasyon. Pagdating kasi ng raiding team sa bahay ng mga target suspect ay wala na ang mga ito.

Ibinunyag naman ni Leoncito na ang mga nabanggit na pangalan ay una na ring nagsurface sa PNP.

Samantala, patuloy namang tinutukan ngayon ng PNP ang tatlong mga barangay sa bayan kung saan ibinunyag ni Leoncito na malakas pa rin ang iligal na aktibidad.

Ito ang mga barangay na umano marami ang lawless armed group kagaya ng Brgy Kilada, Marbel at brgy. Kidama. Sa ngayon, walang takot na sinabi ni Leoncito na magpapatuloy ang pagpapatupad ng mga search warrant operation kontra sa mga sangkot ng iligal na aktibidad sa bayan ng Matalam.


-0-




Labing apat na dating miyembro ng New People’s Army (NPA) na sumuko sa mga otoridad sa North Cotabato ay nakatanggap ng pinansiyal na tulong mula sa Comprehensive Local Integration Program (CLIP) ng Department of the Interior and Local Government O DILG.

Ang mga rebel returnees ay nagmula sa mga bayan na ikinokonsiderang NPA infested areas ng Magpet, Makilala, Arakan, Antipas at Kidapawan City.

Mula sa nasabing bilang sampu dito ay mga lalake habang apat naman ang babae na nabigyan ng tig P50,000.00 bilang livelihood assistance.

Nabatid na ang CLIP ay isang kumpletong programa para sa mga rebeldeng NPA at mga aktibong sumusuporta nito na gustong bumalik na sa silong ng gobyerno at mag-umpisa ng payapa at produktibong bagong buhay.

Mismong si Cotabato Governor Emylou Mendoza ang ang nag-abot ng tseke sa mga rebel returnee kasama si North Cot. DILG Prov'l. Director Ali Abdulla, hepe ng bawat police stations ng lalawigan, local officials at ibang stakeholders.

Hinikayat naman ni Abdulla ang ibang kasapi ng makakaliwang grupo na magbalik-loob na sa gobyerno sapagkat bukas umano ang pinto at may nakahandang tulong para sa kanilang pagbabagong buhay.

Sa ngayon, inaasikaso na ang kanilang membership PhilHealth maging sa pagkuha ng ibang government I.D's bilang tanda ng kanilang bagong buhay sa komunidad.

-0-



Nagpaalala ngayon ang mga otoridad ng bayan ng Makilala sa lahat ng mga driver's na mag-ingat sa pagmamaneho upang maiwasan ang anumang aksidente sa daan.

Ang paalalang ito ay kasunod na rin ng nangyaring aksidente kamakalawa na kinasasangkutan ng apat na sasakyan partikular sa tulay ng Brgy. Old Bulatuklan, Makilala, North Cotabato.

Kabilang na rito ang dalawang private van, isang Montero at ang Cowboy Van na may kargang halos dalawampung toneladang saging na ibabyahe sanang Davao City.

Ayon sa report pagdating sa nabanggit na lugar nawalan ng kontrol ang driver ng Cowboy Van na si Rex Akmad, 32, na taga Datu Paglas, Maguindanao dahilan para araruhin ang sinusundan at kasalubong na sasakyan. Mabuti na lamang ay walang nasaktan sa insidente at ang mga sasakyan lamang ang napuruhan.

Ang pinakahuling insidente ng Vehicular Crash sa bayan ay nagdulot naman ng pagkabahala sa publiko at ibang motorista.

Matatandaang abot na sa 12 buhay ang nawala sa sunod-sunod na aksidente sa Highway ng Makilala na ngayon ay pinagsisikapan ng LGU na matugunan.

Una nang naglunsad ang mga otoridad ng Road Safety Assistance Center sa Brgy. Kisante, Makilala upang makatulong sa mga bumabyahe na makaiwas sa disgrasya lalo na kapag gabi at madaling araw.


-0-


Kasabay ng pasukan mahigpit ng ipapatupad ng Department of Education ang random drug test sa mga guro sa buong bansa.

Kasunod na rin ito ng nakasaad na mandato ng DepEd na dapat lahat ng mga pampublikong senior high school at mga guro ay sumailalim sa gagawing random drug test.

Sa North Cotabato, sinabi ni Schools Division Supt. Omar Obas, inaasikaso pa nila sa ngayon ang pagbubukas ng klase maging ang patuloy na enrollment at brigada Eskwela 2017.

Oras na maayos ang lahat, isasagawa ang nasabing hakbang kung saan bukas naman siya kaugnay rito. Ilang mga reports na rin kasi ang natanggap ng kanyang tanggapan kaugnay sa mga guro na sangkot sa iligal na aktibidad sa North Cotabato.

Malaking hamon aniya ito para sa kanila na mga personahe ng DepEd pero nagpapasalamat siya para tuluyan ng mawala at malinisan ang panggalan ng mga droga na may kaugnayan sa iligal na droga.

Una nang ibinunyag ni Education Secretary Leonor Briones na Ikukonsidera ng ahensya ang awtomatikong dismissal sa serbisyo sakaling may DepEd personnel na mag-positibo sa ilegal na droga.
  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy