NDBC BIDA BALITA (5.19.17)

NDBC BALITA  • Fri May 19, 2017 02:48 PM  •  154   0
By NDBC
  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy
NEWSCAST MAY 19, 2017
7:00 AM   


HEADLINES:   

1. DALAWANG MGA SUNDALO, sugatan sa panibagong pagsabog ng bomba sa Shariff Aguak, Maguindanao   

2. DepEd - North Cotabato, tiniyak na isasailalim sa Random Drug Test ang mga guro sa lalawigan.   

3. SOUTH COTABATO GOVERNOR, nagpaliwag kaugnay ng pagtatalaga niya ng OIC sa Provincial Hospital   

4. 10 PATAY sa labanan ng Army at bandido sa Isulan, Sultan Kudarat  



-0-


SUGATAN ang dalawang mga sundalo sa panibago na namang pagsabog ng Improvised Explosive Device o IED sa barangay Timbangan, Shariff Aguak, Maguindanao pasado alas singko ng madaling araw kahapon.   

Sa panayam ng DXMS AM Radyo BIDA, sinab ni Army’s 6th Infantry Division spokesperson Capt. Arvin Encinas na nagpapatrolya ang mga sundalo mula sa Charlie Company ng 40th Infantry Battalion nang mangyari ang insidente.   

Kinilala lamang ang mga sugatang biktima na sina PFC Agudo at Private Saravia na kapwa nasa ligtas ng kalagayan.   

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang ginagawang clearing operation ng militar sa lugar at pagtugis sa mga suspek na responsable sa krimen.   

Hinihinalang ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF ang may kagagawan ng naturang pagpapasabog pero ito ay patuloy pang kinukumpirma ng militar at pulisya.   

Matatandaan na isang ring IED ang sumabog habang dumaraan naman ang convoy ng Marine Battalion Landing Team o MBLT 2 kamakalawa ng umaga sa Lebak, Sultan Kudarat.   Hinala ni Sultan Kudarat PNP Director Police Supt. Raul Supiter, NPA ang may kagagawan ng pag-atake na ang target ay ang convoy ng mga sundalo.



-0-



TULUYAN NG binawian ng buhay ang dating Kapisanan ng mga Broadkaster ng Pilipinas o KBP - Cotabato City Chapter President at RMN – Cotabato station manager Edgardo ‘Bobong’ Calamba sa edad na 49 anyos.   

Batay sa ulat, alas dyes ng umaga nitong Miyerkules nang isinugod sa ospital dito sa Cotabato City si Calamba matapos magsuka ng dugo.   

Kalaunan ay inilipat na siya sa Davao city para ipagpatuloy ang pagpapagamot doon hanggang sa bawian siya ng buhay pasado alas siyete ng umaga kahapon.   Napag-alamang may sakit na liver cirrhosis si Calamba hanggang sa magkaroon pa ito ng kumplikasyon na naging dahilan ng kanyang kamatayan.   

Batay sa salaysay ng kanyang mga kaibigan at mga kasama sa trabaho, maituturing na mabuting halimbawa si Calamba ng tagumpay bunsod ng ibayong pagsisikap.    Nagsimula siya bilang utility worker sa RMN Davao, hanggang sa naging company driver.   

Nabigyan din ito ng pagkakataong maging reporter hanggang naging radio program host sa nasabing himpilan.   Nagtapos si Calamba sa kursong Bachelor in Elementary Education.   Biniyayaan ng isang babaeng anak sa asawang si Imelda.   

Samantala, bumuhos naman ang pakikiramay ng kanyang mga kasamahan sa media mula sa iba’t ibang mga lugar sa Mindanao kung saan siya nadestino.   
Ang Notre Dame Broadcasting Corporation ay taos-puso ring nakikiramay sa pamilyang nauilina ni Bobong Calamba.


-0-


NATIGIL ang pagsasagawa ng Brigada Eskwela ng mga guro, mag-aaral at mga magulang sa Kilangan National High School, sa barangay Kilangan, Pagalungan, Maguindanao.   

Bigla kasing sumugod ang ilang mga armadong lalaki at nagpaputok ng kanilang mga baril pasado alas onse ng umaga kahapon.   

Sinabi ni Maguindanao PNP spokesperson Police Insp. Razul Pandulo na pagkatapos na magpaputok ay binantaan pa ng mga suspek ang school principal na si Zaiton Abrulrahman at pina aalis sa naturang lugar.   

Dahil dito, agad na nagsumbong sa pulisya ang punong guro at inireklamo ng Grave Threat and Indiscriminate Firing ang mga suspek.   

Ayon kay Pandulo, tukoy na nila ang mga suspek pero sa ngayon ay hindi muna nila isasapubliko ang pangalan habang nagpapatuloy ang kanilang ginagawang imbestigasyon.   

Aniya, wala pa rin silang malinaw na detalye kung ano ang tunay na pinagmulan ng gulo sa naturang paaralan.   

Samantala, sinabi ni Pandulo na sa ngayon ay relatively peaceful naman sa naturang lugar at wala namang naiulat na nasaktan sa insidente kahapon.  


-0-



ABOT SA MAHIGIT dalawang libong pamilya ang apektado ngayon ng pagbaha sa ilang mga barangay sa Maguindanao.   

Sinabi ni Provincial Disaster Risk Reduction Officer Amier Jehad Ambolodto na kabilang sa mga lugar na naapektuhan ng pagbahang dulot ng patuloy na pagbuhos ng ulan nitong mga nakaraang araw ay ang Datu Salibo at Shariff Saydona.   

Ayon kay Ambolodto, hinihintay pa rin nila sa ngayon ang opisyal na report ng Northern Kabuntalan, Pagalungan at Datu Montawal na una nang napaulat na binaha.   

Nabatid na lubog sa baha maging ang isang paaralan sa Barangay Pagatin, Shariff Saydona Mustapha.   Habang nasa pitong mga barangay naman ang binaha sa Northern Kabuntalan.   

Kaugnay nito, tiniyak ni Ambolodto na magbibigay sila ng ayuda sa mga binahang residente ng mga nabanggit na lugar ngunit sa ngayon ay nagsasagawa lamang sila ng validation hinggil sa bilang ng mga apektadong pamilya.



-0-



SUGATAN ang isang sundalo sa nangyaring engkwentro sa pagitan ng pinagsanib na pwersa ng mga pulis at sundalo laban sa umano’y mga kasapi ng Moro Islamic Liberation Front o MILF lost command sa Isulan, Sultan Kudarat pasado alas sais ng umaga kahapon.   

Nakilala naman ang sundalong sugatan na si Sgt. Davidis Endario na tinamaan ng bala habang nagaganap ang bakabakan.   

Sinabi ni Army’s 33rd Infantry Battalion Commander Lt. Col. Harold Cabunoc na nagsagawa ng joint operation ang mga pulis at sundalo sa Sitio KM 15, Barangay Bual, Isulan, para isilbi sana ang search warrant laban kay Kumander Dimas alyas Dragon na umano’y dating kasapi ng MILF.   

Ngunit sa halip na mapayapang sumuko ay nanlaban ang mga tauhan ni Kumander Dimas na nagresulta sa ilang minutong engkwentro.   

Sabi ni Cabunoc, sampu ang nasawi sa grupo ni Kumander Dimas at mahigit pitong pinasinungalingan ang report na may nasawi sa panig ng mga sundalo.   

Nabatid na mabilis na tumakas ang grupo ni Kumander Dimas matapos na magdagdag ng pwersa ang mga sundalo.   

Sa ngayon ay patuloy na tinutugis ng mga otoridad ang mga tumakas na suspek.


-0-



Nais ni DepEd North Cotabato Schools Division Supt. Omar Obas na maging modelo ang lahat ng mga guro sa lalawigan. 

Dahil dito, bukas si Obas sa planong isailalim sa random drug test ang kanyang nasasakupan. Sa ngayon nasa higit sampung libo ang mga teaching at non-teaching personnel na bumubuo ng DepEd North Cotabato.  

Ayon kay Obas hinihintay na lamang nila ang mga guidelines mula sa DepEd National Office para sa gagawing drug test. Katatapos lang din aniya ng mga nurses at iba pang mga staff sa kanilang training sa Davao City kaugnay sa pagsasagawa ng test. 

Para sa opisyal hindi ito paglabag sa karapatan ng mga guro bagkus itinuturing niyang malaking hamon ang hakbang para tuluyan ng mawala at malinisan ang panggalan ng mga guro na may kaugnayan sa iligal na droga.

Matatandaang noong 2009 nagsagawa rin ng Random Drug testing ang Depd katuwang ang Dangerous Drugs Board sa lahat ng mga pampubliko at pribadong high School sa bansa.

Ang nabanggit na hakbang ay nakasaad sa mandato ng DepEd na dapat lahat ng mga pampublikong senior high school at mga guro ay sumailalim sa gagawing random drug test. 

-0-

Napili bilang Second National Winner for the 2017 Best DOLE-Assisted Livelihood Project sa individual Category ang isang ina na si Evelyn Arandilla na taga Pigcawayan, North Cotabato. 

Tinanggap ni Arandilla ang 30 thousand pesos na cash at plake sa isinagawang awarding ceremony sa Metro Manila. Nabatid na napalago ni Arandilla ang kanyang food business matapos siyang tulungan ng Department of Labor and Employment o DOLE sa pamamagitan ng DOLE Livelihood Restoration Project Component.

Ayon kay Aling Evelyn nagsimula lamang siya sa maliit na negosyo na pagbebenta ng gulay at isda para matustusan ang pangangailangan ng apat na anak matapos ring pumanaw ang kanyang asawa. Dahil sa programa at kanyang pagsisikap naitaguyod ni Aling Evelyn ang kanyang Pamilya at maliit na negosyo.

Sa ngayon kilala na ang kanyang 109 Resto and Catering Services sa bayan ng Pigcawayan maging sa mga kalapit bayan ng Libungan at Midsayap. Sa laki ng income ngayon ni Arandilla dahil sa nabanggit na programa sumusuporta na rin siya sa DOLE's Project Angel Tree Program sa pamamagitan ng pagbibigay ng school supplies.

Sa kabilang dako, itinanghal din bilang Regional Awardee para sa group Category ang Rural Improvement Club Producer Cooperative ng Kidapawan City. Sa pamamagitan ng DILEEP Livelihood Enhancement Component ang nabanggit na kooperatiba ay nagpoproduced na ngayon ng mga customized shirts at isinusulong ang coffee processing center na suportado rin ng DTI Region 12. 


-0-



Nasa labing siyam na kilometro na ngayon ang nasukat ng Department of Public Works and Highways, Department of Environment and Natural Resources at Magpet LGU sa sentrong bahagi ng brgy. Pangao-an, Magpet para sa gagawing Magpet-Davao Highway.

Una nang sinimulan ang feasibility study ng mga binuong Technical Working Group o TWG kaugnay sa naturang proposed highway noong nakaraang linggo. Sa kabuuan, abot sa 23 kilometro ang layo mula brgy. Pangaoan hanggang boundery sa Region 11.

Sa ngayon, hinihintay na lamang ng TWG na makatagpo ang ibang grupo sa Region 11 na ginagawa din ang kaparehang survey.

Samantala, humiling naman si Magpet Mayor Florenito Gonzaga sa mga nagsasagawa ng feasibility study na hanggat maari ay iwasan ang mga puno na posibleng matatamaan na magresulta sa pagputol nito.

Plano rin kasi ni Mayor Gonzaga na gagawing natural park ang highway. Isa rin sa tinututukan ngayon ng LGU ang ibibigay na tulong lalo na sa mga Indigenous People o IP na magsasaka na maapektohan ang kanilang kabuhayan sa paggawa ng kalsada partikular sa barangay Don Panaca, Magpet. 


-0-


Makakaasa na ngayon ng malinis at ligtas na inuming tubig ang daan-daang residente ng limang barangay ng Kidapawan City.

Ito makaraang ilunsad ng City LGU ang multi-million water service project katuwang ang iba pang mga ahensya.

Nagkakahalaga ng abot sa 4.4 million pesos ang water system at 1.3 million pesos naman ang water impounding facility, na mapapakinabangan ng mga taga brgy. Onica, Malinan, Manongol, Nuangan at brgy. Indangan. 

Inagurahan ang proyekto matapos lumagda sa isang Memorandum of Agreement o MOA ang LGU sa pagitan ng Metro Kidapawan Water District at Provincial Environment and Natural Resources Office o PENRO. 

Aasahan namang magiging operational ang proyekto sa susunod na mga buwan. Ang LGU-MKWD water project ay gagawin sa ilalim ng "cost-recovery program," kung saan ang City Government ang magbibigay sa mga kakailanganin materiales habang ang MKWD naman para sa Man Power. 

Habang sa isang proyekto naman ang PENRO ay magbibigay ng pondo para sa konstruksyon ng 70-cubic water impounding facility at ang LGU ay maglalaan din ng pondo para sa installation ng water treatment facility.

Ikinatuwa at pinuri naman ng mga benipisyaryo ang hakbang ng LGU at iba pang government agency para matugunan ang suliranin sa tubig ng mga residente sa lugar. 


-0-



Tumatanggap pa rin ngayon ng mga pangalan ang tanggapan ng 2nd District ng North Cotabato sa mga nais makinabang sa libreng cleft surgery. Sa ngayon abot na sa 26 ang nakapagpatala simula noong buwan ng Marso.

Ang programa ay pangungunahan naman ng Advance Craniofacial Project Philippines Inc. o ACPPI na isang pribadong organisasyon.

Layunin nitong mabigyan ang mamamayan lalo na ang mga kabataan ng oportunidad na ngumiti at tiwala sa kanilang sarili.

Ayon kay James Labiano, staff sa nabanggit na distrito, target nilang isagawa ang operasyon sa susunod na buwan.

Kaugnay nito, hinimok ni Labiano ang mga taga 2nd District ng probinsiya na may cleft palate na makipag-ugnayan lamang sa kanilang tanggapan. Tatanggapin sa nabanggit na programa ang lahat ng may edad mula tatlong buwan hanggang 25 taong gulang. 


-0-




Naipapatupad pa rin ng Deped ng maayos ang Senior High School sa rehiyon dose. Ito ang sinabi ni Deped 12 Information Officer Antonio Maganto sa Radyo Bida. Aminado si Maganto na dahil sa pangamba ng kakulangan ng paslidad, medyo kabado ang Deped sa unang taon ng K to 12 program.

Isa kasi sa pinoporoblema noon ng ahensya ang kakulangan ng mga silid aralan na agad namang natugunan.

Ayon kay Maganto, nakatulong din ng malaki sa maayos na pagpapatupad ng programa ang ang mga pribadong eskwelahan na tinanggap ang mga senior high school na galing ng public schools.

Gayunpaman, pinaalalahanan ni Maganto ang mga private schools na huwag magpaskil ng sign board o karatula na “no tuition fee” sa senior high school na karatula para makahikayat ng mga enrolee.

Paliwanag ni Maganto, hindi aniya tama ito, dahil sagot ng gobyerno ang bayarin sa senior high school. Ang gobyerno ay nagbibigay ng mahigit P17 thousand pesos subsidy sa mga senior high school students . 


-0-


Magpapatawag muli ng public hearing ang Sangguniang Panlalawigan ng South Cotabato para sa isinusulong na coal mine project sa barangay Ned Lake SEbu. Ito ang kinumpirma sa Radyo Bida ni South Cotabato Board Member Romulo Solivio.

Ayon kay Solivio na siya ring Vice Chair ng Committee on Environment ng Konseho paguusapan sa public hearing ang posibleng maging epekto ng coal mine activity sa lugar.

Kaugnay nito umapela si Solivio sa publiko na dumalo sa public hearing para marinig ang kanilang mga hinaing hinggil sa pinaplanong proyekto. Ang public hearing ayon kay Solivio ay gaganapin sa Sangguniang Panlalawigan Session Hall sa Provincial Capitol compound sa Mayo 22.

Ayon kay Solivio, matapos nilang dinggin ang hinaing ng mga sumusulong sa coal mine project nais din nilang marinig ang panig ngayon ng mga tumtutol dito. Ang coal mine project sa Barangay Ned Lake Sebu ay hiningan ng Indorso ng proponent nito na Dagoma Mining Company sa South Cotabato Provincial Government. 


-0-


Kinumpirma ni Governor Daisy Avance Fuentes ang plano nitong paglagay ng OIC sa South Cotabato Provincial Hospital.

Ayon kay Fuentes posibleng italaga para temporaryong mamahala sa Provincial Hospital si South Cotabato Provincial Health Officer Dr. Rogelio Aturdido Jr. Ito ay para pumalit kay Chief of Hospital Dr. Conrado Brana.

Aminado si Fuentes na ang re-shuffling ay bunsod na rin ng hindi pa rin umano maresolbang problema sa South Cotabato Provincial Hospital. Ito ay sa kabila ng aniya ng kanyang paulit ulit na palalala niya noon. Kabilang sa mga ito ang kontrobersyal na pagpapagamit ng mga lumang foam sa mga pasyente .

Umaasa si Fuentes na ilang mga pagbabao ang ipatutupad sa provincial hospital. Kalakip dito ayon sa gobernador ang pagpapabawal sa mga kasapi ng media sa ilang bahagi nito. Matapos talakayin sa Radyo Bida ang kotrobersya agad namang pinalitan ang mga lumang foam sa South Cotabato Provincial Hospital.

Ipinahayag ni Brana na para mabisan ang siksikan, ginawa ding ward ng mga pasyente ang hospital gym. Maliban sa mga taga South Cotabato, dinadala din sa provincial hospital ang mga pasyente sa katabing bayan ng Lutayan sa lalawigan ng Sultan Kudarat. 



-0-



Nakapgpatayo ng 4,686 na mga silid aralan sa rehiyon ang Department of Public Works and Highways o DPWH 12 sa nakalipas na dalawang taon. Ang mga ito ay nagkakahalaga ng mahigit P9.4 billion.

Mahigit sa 50 sa may 1,589 na mga silid aralan ay ipatatayo naman sa pamamagitan ng DPWH-Department of Education convergence program on Basic Education Facilities Fund o BEFF.

Ito ay ayon kay kay DPWH 12 Information Officer Ellen Torino. Nabatid na sa ngayon 290 na mga silid aralan ang tinatapos ng walong engineering district ng DPWH sa SOCCKSARGEN.

Maliban sa mga classroom natapos na rin ng DPWH 12 ayon kay Torino ang 51 sa 61 technical-vocational buildings .

Ang mga ito ay laan naman para sa mga laboratory at makinarya. Layon ng programa na matiyak ang sapat na mga silid aralan kasabay ng full implementation ng K to 12 program ng pamahalaan. 


-0-




Nagpapatuloy pa rin ang replanting ng lokal na pamahalaan para palitan ang mga namatay na tree seedlings bilang kabahagi ng urban beautification sa Koronadal City. 

Ito ay bilang paghahanda ng lokal na pamahalaan sa 7th Tree Growing Festival sa Hunyo 29. Ayon kay City Environment and Natural Resources Officer Agustus Britania, kabilang sa mga pangunahing itatanim sa aktibidad ang mga fruit trees, high value crops, at forest trees. 

Sinabi ni Britania na prayoridad naman na matamnan ng kawayan ang mga pangpang ng ilog bilang pananggalang sa pagguho ng lupa. 

Ayon kay Britania, abot sa 250,000 tree seedlings ang itatanim sa may 100 ektaryang lupain sa tree growing festival ngayong taon. 

Binigyan diin ni Britania na mas tututkan ngayon ng city government ang kalidad ng mga itatanim na puno para tiyak na mabuhay kesa sa dami ng mga makikilahok sa malawakang tree planting activity.
  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy