Friday Dec, 13 2019 04:34:47 PM

NDBC BIDA BALITA (6.5.19)

NDBC BALITA • 08:15 AM Wed Jun 5, 2019
473
By: 
NDBC NCA

NEWSCAST

JUNE 05, 2019 (WED)
7:00 AM

HEADLINES:

 

1. Eid’l Fit’r, payapa at tahimik na sinalubong ng mga Muslim sa Cotabato city at mga karatig lugar ng North Cotabato at South Cotabato

2. Labindalawang mga easy investment scheme sa South Cotabato, wala umanong business permit, ayon sa PNP

3. Cotabato 1st District Engineering Office, nilinaw na hindi nila saklaw ang concreting ng circumferential road sa Kidapawan City

4.  habal-habal driver patay sa pamamaril sa Lambayong, Sultan Kudarat 

 

-0-

 

Local………………..

 

TAHIMIK, maayos at payapang sinalubong ng mga Muslim sa Cotabato city at mga karatig lugar ang Eid’l Fit’r o pagtatapos ng banal na buwan ng Ramadan kagabi.

Bukod sa masayang salo-salo sa mga tahanan at pagdarasal sa mga simbahan ay halos walang narinig na ingay sa mga kalye at mga putok ng baril at firecrackers sa lungsod.

Una na kasing naglabas ng paalala ang City PNP at City LGU sa lahat ng mga Muslim sa lungsod na bawal ang pagdaraos ng motorcade at noise barrage para salubungin ang isa sa pinakamasaya at pinakamahalagang okasyon ng mga Muslim.

Kaugnay nito, lubos naman ang pasasalamat ni city mayor Cynthia Guiani sa mga mamamamayan ng lungsod dahil sa kooperasyon ng mga ito at pagtulong para matiyak ang kaligtasan ng bawat isa.

Ngayong umaga, idinaraos ang congregational prayer sa iba’t ibang mga lugar sa lungsod na dinaluhan ng libo-libong mga mananampalataya ng Islam.

Tiniyak naman ng City PNP na patuloy silang nakabantay para tiyakin ang seguridad ng mga nakikiisa sa okasyon.

 

-0-

 

Local………………….

Pagtatapos ng Ramadam ipinagdiriwang din ng mga mananampalataya ng Islam sa Koronadal City

Maagang nagsidatingan sa Rizal Park ang daang daang mga mananampalataya ng Islam sa Koronadal City .

Ayon kay Ewaton for Peace and Development, Inc.Koronadal Chairman Rafsan Amod Natangcap, ito ay para ipagdiwang ang Eid’l-Fitr o pagtatapos ng Ramadan ngayong araw.

Sinabi ni Natangcap na ang mga kasama nito sa pananampalataya na hindi makapasok dahil sa dami ng mga tao sa mga Mosque ay maaring pumunta sa Rizal Ayon kay Natangcap, pagkatapos ng Eid’l-Fitr prayer ay magkakaroon naman ng salo salo sa lugar ang bawat pamilya kasama ang mga malalapit na kaibigan.

Ipinahayag ni Natangcap na maliban sa malusog na pangangatawan, ipinanalangin din nila sa pagtatapos ng isang buwang pagaayuno ang kapayapaan at pagkakaisa..

 

 

-0-

 

Congregational prayer sa pagtatapos ng Ramadan ngayong araw, isasagawa sa Kidapawan City at ibang lugar sa North Cotabato

Pormal nang magtatapos ang isang buwang pag-aayuno ng mga mananampalatayang Islam ngayong araw. Sa naging panayam kay Sultan sa Lanang Professor Salik Makakena, isasagawa ang tinatawag na “Sambayang” para sa mga muslim ngayong umaga sa Kidapawan City Pilot Central Elementary School. Habang sa bayan naman ng Kabacan, North Cotabato ay isasagawa naman sa University of Southern Mindanao grounds.

Nakalatag na rin ang ipatutupad na seguridad ng pinagsanib pwersa ng 7th IB ng Philippine Army, PNP-Kabacan, BPAT at USM Security forces. Sa Kidapawan City, sinabi ni Police Lt. Col Joyce Birrey , handa na rin ang PNP sa pagbantay ng seguridad para sa mga dadalo sa aktibidad simula kahapon at ngayong araw, maging sa mga barangay ng lungsod ay tutulong din ang Barangay Peace keeping Action Team o BPAT sa pagpapanatili ng katiwasayan.

Anya, ang isang buwang pag-puasa ng mga Muslim ay may limitasyon para sa mga buntis, mga matatanda, may sakit, bagong panganak na ina at iba pa. Ang pag-aayuo sinabi ni Professor Makakena ay upang mapalapit sa Panginoon o tinatawag na “PAKWA” gaya ng mga sinaunang tao.(Cherry Exim)

 

 

 

-0-

NAPALITAN ng lungkot ang sana ay masayang paliligo sa dagat ng mga magkakapit-bahay mula sa Pigcawayan North Cotabato.

Ito ay matapos na masawi ang isa sa kanilang mga kasamahan habang sila ay nasa isang beach resort sa Brgy. Kusiong, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.

Nakilala lamang ang nasawi na si JOEL, 30 anyos, binata, laborer, at taga Brgy. Tubon, Pigcawayan, North Cotabato.

Base sa kwento ng isa sa mga kasamahan ng biktima, bigla na lamang umanong mangisay at bumula ang bibig ng biktima sa hindi malamang kadahilanan hanggang sa matumba ito at tuluyang binawian ng buhay.

 

-0-

 

Duguan pa nang magtungo sa Police Station 2 ang isang lalaki para isumbong ang pananaksak sa kanya ng kanyang sariling biyanan sa Barangay Rosary Heights 13, Cotabato city kahapon ng tanghali.

Ayon sa biktimang si ARNOLD SALES, 45 yearsa old ng Antique Compound, Barangay Rosary Heights 4, nagkaroon umano sila ng di pagkakaunawaan at pagtatalo ng suspek na nakilala namang si DANILO CASTILLO, 60 taong gulang.

Sabi ni Sales, bigla na lamang umanong kumuha ng patalim ang suspek at bigla siyang inundayan ng saksak  sa kalagitnaan ng kanilang mainitang pagtatalo.

Gayunman, nasalag ng biktima ang patalim kaya nagtamo siya ng malalim na sugat sa kaliwang kamay.

Agad umanong tumakas ang suspek matapos ang pangyayari.

 

0-0-

 

BINAHA na naman ang ilang mga lugar sa North Cotabato at Maguindanao dahil sa tuloy-tuloy at malakas na buhos ng ulan nitong mga nakaraang araw.

Umapaw ang mga baradong kanal sa mga pangunahing kalye sa bayan ng Midsayap, North Cotabato, ganundin ang public market ng Kabacan at Pikit.

Tumaas naman ang tubig sa mga ilog dahilan para malubog sa baha ang ilang mga bahay sa tabing ilog sa Pagalungan, Datu Montawal at iba pang mga bayang malapit sa Ligawasan Marsh sa Maguindanao.

Agad namang nagsagawa ng assessment ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council sa mga naturang lalawigan para alamin kung kailangan ang mga kakailanganing tulong ng mga apektadong residente.

Gayunman, posibleng humupa rin ang baha dahil unti-unti ng bumubuti ang panahon simula kaninang umaga.

Patuloy naman ang paalala ng mga otoridad sa mga mamamayang nakatira sa tabing ilog at bundok na mag-ingat sa flashflood at landslide.

Sa Cotabato city, binaha rin ang ilang mga low-lying area sa lungsod pero agad din namang bumababa ang tubig pagkatapos ng malakas na buhos ng ulan.

 

-0-

 

KALABOSO NA ang isang construction worker na nadakip ng mga otoridad sa inilunsad na buy bust operation sa Tacurong city.

Kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isinampa sa suspek na si si Muslimin Panende Abpet alyas 'Jeprox', 28 anyos, may asawa, at taga Purok Islam, Barangay Griño ng syudad.

Nalambat ng pinagsanib na tropa ng City Drug Enforcement Unit at PDEA-12 ang kanilang suspek sa Purok 6, Barangay Poblacion.

Nakuha mula kay Abpet ang tatlong maliliit na sachets ng shabu, marked money na P500 at cellphone na ginagamit nito sa kanyang iligal na transaksyon.

Pumayag umano ang suspek na makipagkita sa isang pulis asset na nagpanggap na buyer kaya nahuli ito sa aktong nagbebenta ng iligal na droga.

 

-0-

Honorarium ng mga SK officials sa North Cotabato, inaprubahan na ng Sanggunian Panlalawigan

Ito ay ayon kay North Cotabato SK Federation President Board Member Sarah Simblante sa naging panayam ng Radyo-Bida.

Sinabi ni Simblante, inaprubahan na ng Sanggunian ang supplemental budget para sa Sangguniang Kabataan officials ng 543 Barangays sa buong North Cotabato.

Kabilang sa mga tatanggap ng 300 pesos bilang honorarium ay ang mga SK kagawad, SK secretary at ang SK treasurer’s sa kada barangay.

Dahil sa ngayon anya ay tanging ang mga SK chairman lamang ang nakakatanggap ng honorarium na nakadepende naman sa Internal Revenue Allotment o IRA ng barangay.

Nilinaw naman ni Simblante na pinagsisiskapan pa nilang maging ordinansa at planong gawing 500 pesos ang kanilang matatanggap buwan-buwan. Dagdag pa ni Simplante, marami pa ding kailang legal na basehan bago ito maging ordinansa.

 

 

Oath taking ceremony ng mga bagong halal na opisyal sa Arakan, North Cotabato, isinagawa kahapon

Sinimulan sa pamamagitan ng isang misa ang isinagawang inauguration ng mga newly-elected officials sa bayan ng Arakan, North Cotabato kahapon ng umaga.

Manunumpa ang mga bagong halal na mga opisyal sa harap ni Judge Gil Dela Banda ng Municipal Circuit Trial Court, siyang administering officer sa isinagawang seremonya. Sa nasabing seremonya, nanumpa sa katungkulan ang mga bagong nanalong konsehal na sina Hon. Vena May Abanilla, Ria Gayatin, Mary Gerlir Montales, Delfin Moreno Jr., Aproniano Ebon Jr., Roweno Bunsoran Sr., Romulo Tapgos at Edgardo Abuen Jr. Kabilang rin dito ang nanalong vice-mayor na si Jenefier Pangilinan at si re-elect mayor Rene Rubino.

Nagpasalamat naman si Rubino sa naging suporta sa kanya ng mga mamamayan sa bayan ng Arakan at ipagpapatuloy nito ang mga nasimulang proyekto lalo na’t mas lumalago ngayon ang turismo sa nasabing bayan. Dagdag pa nito na kailangang magka-isa ang lahat para makamit ang layunin ng pamahalaang lokal.(Drema Bravo) 

 

 

Kaso ng motorcycle theft sa bayan ng Kabacan, pinatutukan ng Alkalde ng bayan sa PNP

Dahil na-aalarma na rin ang pamahalaang lokal sa bayan ng Kabacan sa North Cotabato ay mas tututukan pa nila ang lumalalang kaso ng nakaw-motorsiklo sa bayan.

Ayon Kabacan third-termer Mayor Herlo Guzman Jr., magsasagawa umano ang kanilang local government ng isang scheme upang masugpo ang kaso ng motorcycle theft.

Sinabi nito na gagawa sila ng isang task force para tumutok rito katuwang ang PNP at barangay officials para alamin kung may sindikatong nasa likod nito. Dagdag pa ng alkalde na hindi taga-Kabacan ang mga nasa likod ng nasabing kaso ng pagnanakaw sa bayan. 

Nabatid na nangunguna ang bayan ng Kabacan sa may pinakamaraming kaso ng nakaw-motorsiklo noong unang quarter. Ito ay batay sa datus ng crime statistics mula Directorate for Investigation and Detective Management o DIDM ng Cotabato Police Provincial Office.(Drema Bravo)

 

 

Cotabato 1st District Engineering Office, nilinaw na hindi nila saklaw ang pagpapasemento ng circumferential road sa Kidapawan City

Iginiit ni Cotabato 1st District Engineering Office, Engr. Elpidio Birog na hindi pa naponduhan ang circumferential road na matagal nang binuksan ng city LGU. Ginawa ni Birog ang pahayag matapos na ipinasa sa kanila ng city government ang pagpapasemento, gayung hindi naman mandato ng Department of Public Works and Highways ang local roads.

Una rito ay binatikos ng iilan ang proyekto ng City LGU na circumferential road na maputik ngayong panahon ng tag-ulan at makapal na alikabok tuwing tag-init. Layun sana ng circumferential road na ito na maibsan ang matinding trapiko sa pangunahing highway ng siyudad.

Pero nilinaw naman ni Birog na nagpasa na ng proposal si Mayor Joseph Evangelista hinggil sa concreting ng kalsada pero hindi ito na aprubahan sa binalangkas na National Expenditures Program o NEP.

Samantala, perwisyo ngayon sa maraming mga motorista ang pagsasa-ayos ng kalsada sa hangganan ng Poblacion at Saguing sa bayan ng Makilala, North Cotabato, partikular sa Malaang Bridge. Reklamo ng maraming motorista ang mahabang trapiko dahil sa walang alternatibong daanan upang maayos na makabiyahe ang sasakyan na dumadaan dito.(Rhod Benez) NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 Habal-habal driver patay sa pamamaril ng nagbalatkayong pasahero sa Lambayong, Sultan Kudarat

Kinilala ng Lamabayong PNP na pinamumunuan ni Police Captain Herman Luna ang biktimang driver na si Aljie Mangelen, may asawa at nakatira sa Barangay Liit, Lambayong Sultan Kudarat. Lumabas sa inisyal na pagsisiyat ng mga pulis na si Mangelen ay binaril ng suspek na nagpanggap na pasahero sa pinapasada nitong “habal-habal” pagsapit sa Purok Linglingay, Poblacion, Lambayong mag mag-aalas nuebe ng umaga kahapon.

Ito ay habang nakahinto para tingnan ang nasirang motorsiklo na patungo sana sa Barangay Liit mula sa Poblacion Lambayong. Ligtas naman ang isa pang pasahero ni Mangelen na si Josephine Linga, 60 years old ng Barangay Kabulakan sa nasabing bayan.

Ayon kay Luna ang biktimang si Mangelen ay agad na binawian ng buhay sanhi ng mga tama ng bala ng baril sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan. Matapos barilin ang biktima ang gunman na nagpanggap na pasahero ay sumakay sa motorsiklong minaneho ng naghihintay na kasabwat. Hindi pa batid ng mga pulis kung sino ang mga suspek at ano ang motibo ng mga ito sa pagbaril sa biktima.

 

0-0-

 

Produksyon ng palay sa syudad, bumababa dahil sa land coversion ayon sa city agriculturist ng Koronadal

Aminado si City Agriculturist Emelita Miguel na unti unti nang bumababa ang produksyon ng palay sa Koronadal. Naniniwala si Miguel na sanhi nito ang conversion ng mga agricultural lands sa syudad sa residential lands.

Binigyan diin ni Miguel na non-negotiable na dapat ang mga palayan na mayroong major infrustructure o kanal na nagsu-supply ng tubig. Pero ayon kay Miguel may mga land owners na para maideklarang idle o wala ng pakinabang ang kanilang mga lupain pinatambakan nila ito ng buhangin. Sinabi ni Miguel na maari na kasing ibenta o ma-covernt ang mga palayan na hindi na natatamnan.

Dinagdag ni Miguel na kahit na mayroon nang batas para sa land conversion may karatapan pa rin sa kanilang mga lupain ang mga land owners.

Sinabi ni Miguel na sa ngayon ang Koronadal ay mayroon na lamang mahigit 13,000 hectares na agricultural lands. Dinagdag din ni Miguel na dahil sa pagdami ng mga myembro ng pamilya marami na ring mga agricultural lands sa mga upland areas ng Koronadal ang pinatayuan ng mga bahay.

 

-0-

 

12 easy money investment scheme sa nag-ooperate na walang business permit ayon sa PNP South Cotabato Provincial Director

Walang business permit mula sa lokal na pamahalaan ang 12 easy money investment scheme sa South Cotabato. Ipinahayag ito ni South Cotabato PNP, Provincial Director Police Col. Joel Limson. Ayon kay Limson, batay ito sa inspeksyon at monitoring ng mga local police sa nasabing mga investment scheme.

Sinabi ni Limson na marami sa mga ito ay may tanggapan sa mga bayan ng Surallah, Polomolok at Koronadal City. Ilan sa mga tinukoy ni Limson na nag-oopeate sa lalawigan na walang permit ang Alamco, Rigen Marketing, Five Place Computer Services, Manufecient Ministry, Mangnificent at Act of Charity Consumer Group Trading.

Gayunpaman, nilinaw ni Limson na tutulong lamang ang PNP sa mga local government unit na mayroong mandato na ipasara ang mga establisemento na walang business permit. Binalaan din ni Limson ang mga pulis sa lalawigan sa paglalagay ng pera o pag-invest sa mga easy money investment company.

 

-0-

 

DA maglalaan ng P3 billion mula sa Competetiveness Enchance Fund para sa pagpapalago ng cage farming sa bansa

Kinatigan ng Department of Finance ang hiling ng Department of Agriculture na gamitin sa pagpapaunlad ng fish cage farming sa bansa ang P3 billion sa P4 billion na Agricultural Competetiveness Enhancement Fund o ACEF.

Ayon kay Da Secretary Manny Pinol, ang paglalaan ng pondo para sa fish cage farming gamit ang ACEF Fund na nakatenga sa Land Bank of the Philippines ay bahagi ng Agricultural Catch Up Plan ng DA. Layunin nito na makatulong sa paglago ng ekonomiya ng bansa na apektado ng pagkaantala ng 2019 national budget,suspension ng mga public works dahil sa eleksyon at El Nino Phenomenon.

Ayon kay Pinol, ang mga regional directors ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ay kinakailangang magsumite ng porposal para sa pagtatag ng may 300 fish cages sa bawat rehiyon. Maglalaan naman ang DA ng tig P1 million para sa Bangus Fingerlings, feeds at iba pang operational cost.

Sinabi ni Pinol na bagama’t nangangailangan ng mas malaking puhunan ang fish cage farming, malaki naman ang tutubuin dito. Dinaqgdag din ni Pinol na dapat nasumite na rin ng BFAR ang pangalan ng lahat ng mga aplikante sa loan sa June 15.

Ayon kay Pinol ang ACEF fund ay nakolekta mula sa tariff na nakuha ng pamahalaan sa mga imported agricultural products. Nabahiran ito ng korupsyon nang matuklasan na marami sa mga nakinabang sa loan at hindi nagbayad ay may mga koneksyon umano sa gobyerno.

Ayon kay Pinol, matapos ang reporma sa ACEF na pinangunahan ni Senate Committee on Agriculture Chair Cynthia Villar papayagan lamang na mag loan sa ACEF ng hanggang P1 million ang mga individual barrowers at hanggang P5 million ang mga kooperatiba.

 

 

 

 

 

 

 

BARMM holds 1st food security summit

COTABATO CITY — The Bangsomoro Government's Ministry of Agriculture, Fisheries and Agrarian Reform (MAFAR) spearheaded the conduct of the first ‘...

NPA fighter yields to NoCot gov

COTABATO CITY  -  North Cotabato Governor Nancy Catamco on Thursday afternoon accepted the surrender of a 54-year-old communist rebel who...

RCSU monitoring security agencies, gun stores in Bangsamoro areas

COTABATO CITY --- Members of the police’s Regional Civil Security Unit-Bangsamoro Autonomous Region have been inspecting randomly since last week...

Friday the 13th highway crash claims 6 lives in Tacurong

TACURONG CITY – Six persons were killed on the spot, including a baby and three children, after a highway mishap involving at least five...

NDBC BIDA BALITA (12.12.19)

NEWSCAST

DECEMBER 12, 2019 (THU)
7:00 AM

HEADLINES:

1. DALAWA KATAO, patay sa...