NDBC BIDA BALITA (7.12.17)

NDBC BALITA  • Wed Jul 12, 2017 09:22 AM  •  231   0
By NDBC NCA
  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy

NEWSCAST JULY 12, 2017 (WED)
7:00 AM
 

HEADLINES:
 

1.
TATAY ng dalagitang nagpakamatay sa Kidapawan City, kakasuhan ang kanyang biyenan
 

2
. MAGUINDANAO GOVERNOR, patuloy sa kanyang peace-building efforts at pangangalaga sa seguridad ng mga mamamayan sa lalawigan kahit walang police powers.
 

3.
Pasilidad para sa mga susukong NPA member, ipatatayo ng DILG sa South Cotabato
 

4. All is set na para sa Tnalak festival at S. Cotabato foundation anniversary



-0-



MALAKI ang paniniwala ni Jamilito ‘Dodong’ Tumanda na isa ang biyenan niya’ng si Antonio Corpuz Oppena sa mga dahilan kung bakit nagpasya ang anak niya’ng si Christine na tapusin na lamang ang buhay sa pamamagitan ng pagbaril sa sarili.

Di raw ito magagawa ng anak kung walang malalim na dahilan. Pero tumanggi si Tumanda i-detalye ito. Kahapon, napasakamay na ni Tumanda ang resulta ng post-mortem examination ng kanyang anak. At sa naturang examination na-kumpirma ang kanyang pinangangambahan.

Kaya’t si Tumanda pursigido magsampa ng kaso kontra sa kanyang biyenan. Nais ring i-pursige ni Tumanda ang anggulo kung bakit nasa loob ng kotse ng biyenan ang pistola nito at kung paano’ng napasakamay ito ng kanyang anak.

Kwestyunable raw ang pagdadala ni Oppena ng baril ngayong nasa ilalim ng Martial Law ang Mindanao.

Ito ay kahit pa si Oppena ay isang retired Maritime police officer.

SAMANTALA, suportado ng kilalang psychologist sa North Cotabato na si Professor Framer Mella ang plano ng Mr. Tumanda na mas palalimin pa ang imbestigasyon sa kaso ng batang si Christine.

Sa ganitong pagkakataon raw makakamit ang hustisya at katarungan sa sinapit ng bata.

Hindi nagpalabas ng anumang pahayag si Oppena hinggil sa pangyayari.




-0-



SA KABILA ng naging desisyon ng National Police Commission o Napolcom na tanggalan siya ng police powers kasama ng pitong iba pang mga gubernador sa Mindanao at maraming mga local chief executive, patuloy pa rin ang peace-building efforts ni Maguindanao Governor Esmael Mangudadatu.  

Katunayan, kahapon ay pinangunahan ni Mangudadatu ang pagresolba sa ilang taon ng ‘Rido’ o away sa pagitan ng mga pamilyang Tomawis, Dagalangit at Malambot sa bayan ng Barira at Buldon.  

Ayon kay Mangudadatu, maraming buhay ang nalagas mula sa nabanggit na mga pamilya dahil sa matagal na nilang alitan.  

Kaya naman, lubos na nagpasalamat ang gubernador nang pumayag ang naturang mga Tomawis, Dagalangit at Malambot na magkaharap-harap upang mapayapang resolbahin ang kanilang hindi pagkakaunawaan.  

Sa pangangasiwa ng Task Force Reconciliation and Unification Council katuwang ang lokal na pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front o MILF, nanumpa sa harap ng Qur’an ang naturang mga pamilya na hindi na muli pang gagamit ng dahas para maresolba ang anumang problema sa pagitan ng kanilang pamilya.  

Naniniwala si Mangudadatu na malaki ang epekto ng rido sa kapayapaan at kaunlaran ng isang bayan at maging ng buong lalawigan kaya’t nararapat itong maresolba sa lalong madaling panahon.

Samantala, binigyang-diin din ng gubernador na walang dapat dapat ipangamba ang mga mamamayan ng lalawigan dahil hindi aniya siya tumitigil sa pakikipagtulungan sa mga pulis at sundalo, at iba pang mga force multipliers at LGU officials para matiyak ang seguridad ng mga mamamayan sa lalawigan.




-0-



NAKATAKDANG HIRANGIN ngayong umaga si Sultan Mohamad Kuso Kanebpal Mangudadatu bilang bagong Sultan Tambilawan ‘The Second’ sa Buayan.

Si Sultan Mohamad na bunsong kapatid ng ama ni Maguindanao Governor Esmael Mangudadatu ang hahalili ng namayapa ng Sultan sa Buayan na si Datu Sabdullah Mangudadatu.

Sakop ng Sultan Tambilawan sa Buayan bilang paramount Sultan ang buong Socsargen o ang dating empire Cotabato.

Ang enthronement ceremony na gagawin ngayong umaga sa Buluan, Maguindanao ay may temang ‘Strengthening of Sultanate Royal Decendants of Buayan for Unity, Solidarity, Peace and Development.

Ang seremonya ay inaasahang dadaluhan ng iba pang mga Sultan mula sa iba’t ibang mga lalawigan sa Mindanao, tribal at religious leaders, at ilang matataas na opisyal ng pamahalaan.

Bagaman at mayroon ng mga lider na inihalal ng taumbayan, pinaniniwalaang mahalaga at malaki pa rin ang impluwensya ng mga traditional leader na gaya ng mga Sultan sa mga mamamayan ng mga Muslim-dominated area tulad ng Autonomous Region in Muslim Mindanao



-0-




Arestado ng mga elemento ng Police Station 1 sa Cotabato city ang No. 10 most wanted person ng City PNP.

Kinilala ni Police Station 1 Commander Chief Insp. Efren Salazar ang nadakip na si Anwar Darod Guiapar, 44 anyos, may-asawa, isang habal-habal driver at taga- Spring Site, Barangay Bagua Tres ng lungsod.

Sinabi ni Salazar na nadakip ang suspek sa mismong bahay nito pasado alas onse ng umaga kahapon sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni RTC Branch 13 Judge Bansawan Ibrahim kaugnay ng kinakaharap na kasong Robbery.

Sa ngayon ay nakakulong na si Guiapar sa Police Station 1 detention cell.


-0-



Patuloy ngayong inaalam ng Datu Odin Sinsuat PNP kung sino ang nag-iwan ng dalawang mga bala ng 60mm mortar at isang bala ng RPG sa labas ng isang dormitoryo sa Sitio Pendaliday, Dalican, DOS, Maguindanao  

Nadiskobre ng dalawang boarders na sina Teng Guiamad Pablo at Nardo Ali Odin sa harap ng kanilang tinutuluyan ang naturang mga bala ng matataas na uri ng armas.  

Ayon Kay DOS PNP Deputy Commander SPO4 Arnel Guiamalon,  nakabalot umano ng cellophane ang mga natagpuang bala.
 

Agad namang rumesponde ang Explosives and Ordnance Team para sa kaukulang disposisyon ng naturang mga bala.


-0-



Pinaigting na ang seguridad sa paligid ng Lake Lanao upang matiyak na walang makapapasok o makalalabas na miyembro ng ISIS-Maute Group sa Marawi City, Lanao del Sur.

Nagsanib-puwersa ang Philippine National Police Maritime Command, Philippine Coastguard at Philippine Navy sa pagbabantay sa naturang lawa para sa Task Force Lawa.

Ikinukunsidera ang Lake Lanao bilang isang “traditional nautical highway” na ginagamit ng mga residente upang makabiyahe patungo sa iba’t ibang bayan sa Lanao del Sur.

Ginamit ang lawa ni Farhana Maute, ina ng mga terrorist leader na sina Omar at Abdullah at labinlimang (15) miyembro ng grupo bilang escape route bago masakote sa bayan ng Masiu.




-0-




Magpapatayo ng temporaryong tahanan o halfway house para sa mga susukong New Peoples Army o NPA ang Department of the Interior and Local Government o DILG sa lalawigan ng South Cotabato.

Ito ay ayon kay South Cotabato DILG Provincial Director Aurora Andrea de Pedro. Sinabi ni De Pedro na ang proyekto ay pinaglaanan ng pamahalaang nasyonal ng P5 million.

Ito ayon kay de Pedro ay bilang kabahagi ng pagpapatupad ng Comprehensive Local Integration Program o CLIP ng DILG.

Ayon kay de Pedro, ang South Cotabato ay isa sa walong lugar sa Pilipinas na napili ng ahensya na pagtatayuan halfway house sa mga sumukong NPA.

Layon nito na matulungan ang mga NPA na magbalik loob sa pamahalaan at magkaroon ng kabuhayan. Sinabi de Pedro na sa ngayon ay inihahanda na lamang nila ang mga requirement para maibigay na ang pondo para sa proyekto.


-0-



  
Tuloy pa rin ang pagpapalipad ng mga balloon ng pamahalaang panlalawigan pagkatapos ng ecumenical service mamamayang hapon ng 18th T’nalak Festival at 51st Foundation Anniversary ng South Cotabato.

Ito ang tiniyak ni South Cotabato Governor Daisy Avance Fuentes sa kabila ng pagbatikos dito isang umanoy “cause oriented group.”

Binigyan diin ni Fuentes na bago sana dumulog sa social media dapat nilinaw muna ng nagpapakilang mga “environmentalist” ang kanilang hinaing.

Ayon kay Fuentes ikinadismaya nito ang umano’y tila paglalarawan ng grupo na walang pakialam sa kalikasan ang provincial government.

Nilinaw ni Fuentes na ang mahigit 300 daang balloon na gagamitin sa opening program ng selebrasyon ay biodegradable at hindi makasisira sa kalikasan.

Sinabi din nito na makalipas ang 18 taon ngayon lamang umano nagpahayag ng kanilang pagkabahala sa pagpapakawala ng mga balloon ang grupo.

Dinagdag din ni Fuentes na bago pa man lumabas ang usapin tapos na ang procurement process ng provincial government.

Sinabi ni Fuentes sa Radyo Bida na kung hindi gagamitin ang pondo sa pinaglaanan nito maaring kwestyunin ito Commission on Audit o COA.

Sa kabila nito naniniwala si Fuentes na magiging matiwasay at masaya pa rin ang selebrasyon sa tulong ng iba’t ibang mga komite at mamamayan ng South Cotabato.


-0-


Sinanay para sa pagharap sa mga human calamities ang mga kawani ng city government at iba pang concerned government agencies sa Koronadal .

Ayon kay Koronadal City Mayor Peter Miguel nararapat lamang na lalo pang tututukan ang seguridad laban sa human calamities, dahil ito rin ang ginagawa ngayon ng iba pang lugar sa loob at labas ng bansa.

Ipinahayag ni Miguel na panahon na rin para magbago ang mga mamamayan ng Koronadal City at gawing pang araw araw na parte na ng kanilang pamumuhay ang sumunod sa protocol ng mga otoridad para mapanatili ang katiwasayan.

Binigyan diin ni Miguel na malaking dagok kasi sa industriya ng turismo kung mapapasama sa advisory ng ibang bansa na hindi ligtas para sa kanilang mamamayan ang isang lugar.

Ayon kay Miguel balewala ang mga festival at ibang aktibidad na inasahang makakahikayat ng mga turista kung may mga pagbabanta pa rin sa seguridad.

 Naniniwala si Miguel na para sa mas maunlad na tourism industry dapat i-secure muna ang bansa, probinsiya, lungsod, barangay at mga purok. Ayon kay Miguel kapag ito ay nagawa, tiyak na uunlad ang turismo, negosyo at ekonomiya sa isang lugar.



-0-



Mahalaga ang pagpapalaganap ng tamang impormasyon para sa ikabututi ng kalusugan ng mga mamamayan.

Ito ay ayon kay Department of Health o DOH 12 Regulation, Licensing and Enforcement Division Chief Dr. Jebie Biron.

Kaugnay nito, umapela si Biron sa mga kawani ng gobyerno na tumulong sa pagpapalaganap ng wastong nutrisyon gamit ang social media.

Ayon kay Biron, ngayong digital age mahalaga ang social media sa paghahatid ng tamang impormasyon. Binigyan diin ni Biron na ang pagkakaroon ng malusog na pangangatawan ay dapat nagsisimula sa pagmamahal sa sarili.

Ayon kay Biron maaring katumbas kasi nito ang pagkakaroon ng tamang nutrisyon. Pinalalahanan din ni Biron ang publiko na gawing investment ang kalusugan kesa sa hospital bills at gamot.

Ito ang sinabi ni Biron kaugnay sa paglunsad sa Koronadal ng 43rd Nutrition Month Celebration ngayong Hulyo.


-0-



Nilinaw ni Sultan Kudarat Governor Pax Mangudadatu na payag ito na huwag nang ibalik sa kanya ang supervisory power sa PNP na tinanggal ng National Police Commission o Napolcom.

Ito ang sinabi ni Mangudadatu sa Regional Peace and Order Council o RPOC 12 meeting kahapon na kanyang pinangaunahan sa bayan ng Isulan.

Gayunpaman ayon kay Mangudadatu hiniling nito sa Napolcom na ibalik ang supervisory power kay Cotabato City Mayor Cynthia Guiani-Sayadi.

Paliwanag ni Mangudadatu na siya ring RPOC 12 Chair, kailangan ito ng Cotabato City Mayor dahil madalas itong sumasama sa mga police operation sa kanilang lugar.

Pinabulaanan din ni Mangudadatu na napabilang siya sa mga tinanggalan ng deputation sa PNP dahil sa pagta-traidor umano sa sariling lugar.

Tumanggi namang humarap sa media si Napolcom Commissioner Felizardo Serapio na dumalo din sa RPOC 12 meeting.

Sa halip ay nagkaroon ito ng close door meeting kasama ang mga lokal na opisyal para pagusapan at ipaliwanag ang pagtanggal ng Napolcom ng supervisory powers sa ilang mga lokal na opisyal sa Mindanao.



-0-



Dinala na ng mga pulis sa isang punerarya ang bangkay ng isang babae na natagpuan pasado ala una ng madaling araw kanina sa Purok Dalayawon, Barangay General Paulino Santos, Koronadal City.

Ang biktima na nagtatrabaho umano sa isang bahay aliwan ay kinilala lamang sa pangalang “Alyas Alma” ng mga pulis.

Ito ay nakasuot ng maong na short, puting T-shirt, at blond ang buhok.

 Nakuha ng mga pulis sa bangkay ng biktima ang isang pouch na naglalaman ng gunting, improvised tooter at mga sachet na may bakas umano ng iligal na droga.

Ayon kay General Paulino Santos, Chairman Margarita Subaldo, maaring may kinalaman sa love triangle at iligal na droga ang pagpaslang sa biktima.

Sinabi ni Subaldo sa Radyo Bida na maaring itinumba ang biktima dahil marami umano itong alam sa illegal drug transaction ng dati nitong live in partner na si Bobong Azarcon.

 Ayon kay Subaldo, si Azarcon ay nakatakas noon sa anti illegal drug operation ng mga pulis. Gayunpaman nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga pulis sa krimen.



-0-



Patuloy ngayon ang ginagawang imbestigasiyon ng Pikit PNP hinggil sa motibo sa pagbaril sa mag-amang kasapi ng Citizen Armed Forces Geographical Unit o CAFGU. Nangyari ang insidente sa National Highway ng Barangay Dalingaoen sa bayan ng Pikit, North Cotabato, ala-1:30 kamakalawa ng hapon.

Sa ulat na nakarating kay Police Chief Insp. Donald Cabigas, hepe ng Pikit PNP kinilala ang nasawi na si Gilbert Samonte Sr., kasapi ng CAFGU ng 38th IB ng Nilapaan ng nasabing bayan.


Habang nakaligtas naman ang anak nitong si Gilbert Samonte Jr. Batay sa ulat, nagpapahinga ang mag-ama sa gilid ng National Highway sa nasabing barangay  ng pagbabarilin ng mga suspek na riding in tandem ng anim na beses.

Ito matapos na marekober sa crime scene ang anim na basyo ng kalibre .45 na pistola.

Agad namang isinugod sa pinakamalapit na bahay pagamutan ang mga biktima. Binawian ng buhay ang nakatatandang Samontehabang ino-operahan sa ospital samantalang nasa ligtas na kondisyon ang batang Samonte.

Inaalam pa ngayon ng mga otoridad kung ano ang motibo sa krimen.  




-0-



Negosyante patay sa pamamaril sa Pres. Roxas, North Cotabato Bangkay na ng makita ang katawan ng 37-anyos na negosyante na biktima ng pamamaril sa bayan ng President Roxas, North Cotabato.


Narekober ang katawan nito sa National Highway ng Barangay Green hills nang nabanggit na lugar. Kinilala ang biktima na si Jocelyn Guboc Yana, single at residente ng Sitio Guma, Brgy. zone 4, Sta Cruz, Davao Del Sur.

Sa ulat na nakarating kay Police Chief Inspector Andres Sumugat ang hepe ng Pres. Roxas PNP isang tawag umano ang nakarating sa kanilang pamunuan alas 8:00 ng gabi nitong Lunes na may insidente ng pamamaril sa naturang lugar.

Nadatnan na lamang nila na naliligo sa sariling dugo ang nasabing biktima matapos na magtamo ng iba’t-ibang tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan nito. Nakuha sa crime scene ang dalawang basyo ng bala mula sa kalibre .45 na pistola.

Hanggang kahapon ng hapon ay nasa Doniela Funeral Homes ang bangkay ng biktima sa President Roxas habang patuloy na iniimbestigahan ang motibo sa krimen.    



-0-    


Pugante ng North Cotabato District Jail, boluntaryong sumuko sa MILF at mga barangay opisyal sa bayan ng Carmen, North Cotabato BOLUNTARYONG sumuko sa pulisya ang pugante na kinilalang si Gardon Sampulna Kamansa na kilala rin sa alias na Gardo Yusoph, pugante mula sa North Cotabato District Jail sa Barangay Amas, Kidapawan City.  

Ayon sa report ng Cotabato Police Provincial Office o CPPO, nakumbinsi si Kamansa ng ilang mga miyembro ng Moro Islamic Liberationn Front o MILF at ng mga barangay official sa may Lanoon, Carmen na sumuko na lamang sa batas.  


Nanguna sa pagkumbinsi kang Kamansa si MILF Commander Kineg Inalang ng Kapalawan Provincial Revolutionary Committee.  

Bandang alas-otso ng gabi nito’ng Lunes, dinala nina Commander Kineg si Kamansa sa istasyon ng Carmen PNP para sa boluntaryo nito’ng pagsuko.   Nakatakdang ibalik sa NCDJ si Kamansa, anumang araw mula ngayon.    


-0-        




Umaasa ngayon ang isang magsasaka na maibabalik pa sa kanya ang kanyang motorsiklo matapos na manakaw ito mula sa kanya alas dose ng tanghali kahapon sa harap mismo ng isang ospital dito sa Lungsod.

Sa naging salysay ng biktimang si Joselito Monreal, 52-anyos na residente ng barangay Sikitan ng siyudad, ipinarada lang nito sandali ang kanyang Honda CB 125 na motorsiklo na may license plate LD 72547 sa labas ng ospital.

Pero ng makabalik ito sa lugar ay dito na niya namalayang nawawala na ang kanyang motorsiklo na pinaniniwalaang tinangay ng mga hindi pa kilalang mga suspek.

Sa ngayon umaasa ang biktima na maibabalik pa sa kanya ang kanyang motorsiklo na ngayon ay patuloy pang iniimbestigahan ng Kidapawan city PNP.

Samantala, abot sa mahigit P15 thousand pesos na halaga ng mga gamit ang natangay ng pasukin ng di pa nakilalang mga suspek ang bahay ng tricycle driver na si Benjar Omar, 24-anyos.

Naganap ang insidente pasado alas 3:00 ng madaling araw kahapon sa Barangay Magsaysay ng lungsod.

Ayon sa Biktima na pinasok umano ng mga hindi pa nakilalang mga kawatan ang kanyang bahay sa pamamagitan ng pagsira ng mga ito sa bintana ng kanilang kusina.

Natangay ng mga kawatan mula sa kanya ang ibat ibang klase ng cellphone, bag, mga ID at iba pang mahahalagang gamit na abot sa mahigit 15 thousand pesos ang kabuang halaga.

Ini-imbestigahan na rin ngayon ng PNP ang nasabing panloloob.

  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy