NDBC BIDA BALITA (7.13.17)

NDBC BALITA  • Thu Jul 13, 2017 09:32 AM  •  112   0
By NDBC NCA
  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy
NEWSCAST JULY 32, 2017 (THU)
7:00 AM
 

HEADLINES:
 

1.
Magkapatid at 3 pang drug suspect, patay, 4 arestado sa drug operation sa Kabacan, North Cotabato
 
2. Kampo ng mga sundalo sa Midsayap, North Cotabato binomba ng mga hinihinalang miembro ng BIFF.

3.
Diarrhea na ikinasawi ng isang bata sa Ned, Lake Sebu,kontrolado na, ayon sa  South Cotabato Provincial Health Office
 

4. Pagpapalabas ng voters' ID, hihigpitan ng Comelec



-0-


Isang pinaniniwalaang bomba ang sumabog malapit sa detachment ng Army's 34th Infantry Battalion sa Sitio Tampat, Barangay Ulandang, Midsayap, North Cotabato.

Sinabi ni Midsayap PNP chief police supt. Bernard Tayong na nangyari ang pagsabog pasado alas dyes ng umaga kahapon.

Batay sa inisyal na imbestigasyon posibleng target ng naturang pambobomba na pasabugin ang military truck na sinasakyan ng mga sundalong nagpa patrolya sa lugar. Maswerte naman at walang naitalang casualty sa naturang pambobomba.

Sa ngayon ay inaalam pa ng Explosives and Ordnance Disposal team kung anong uri ng bomba ang ginamit sa pagpapasabog. Hinihinala naman na ang naturang insidente ay gawa ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF



-0-


SA KAUNA-UNAHANG pagkakataon, nagsagawa ng LGU Summit Against Terrorism and Illegal Drugs ang bayan ng Datu Blah Sinsuat.

Sinabi ni Mayor Raida Sinsuat na matagal na nila ito gustong gawin subalit dahil sa hectic schedule ng mga taga DILG, PDEA, CIDG, PNP, at Armed Forces of the Philippines, natagalan ang pagpapatupad sa nabanggit na programa.

Ang summit ay isa sa mga requirement ngayon ng DILG-ARMM sa lahat ng bayan sa rehiyon upang maipaabot ang kahalagahan ng pagiging alerto sa banta ng terorismo at pagsugpo sa ipinagbabawal na droga, ayon kay DILG Maguindanao Provincial Director Amina Dalandag. Nagpaliwanag din tungkol sa Martial Law si CMO Officer Army Col. Gerry Besana.

Sinabi ni Besana na ginawa ng pangulo ang pagdedeklara ng Batas Militar upang protektahan ang mamamayan sa banta ng terorismo at iba pang ilegal na gawain ng mga masasamang tao o grupo sa buong lugar sa Mindanao.

Bagaman at napasama ang DBS sa listahan ng NAPOLCOM na pansamantalang kanselahin ang ilang prebilihiyo sa pagkakaroon ng PNP enforcers, nirerespeto pa din ni Mayor Sinsuat ang resolusyon ng National Police Comission.




-0-



NABULABOG ang mga guro at estudyantre ng J. Marquez Elementary School sa Mother Barangay Poblacion, Cotabato city matapos makatanggap ng isang text message na nagsasabing mayroong inilagay na bomba sa loob ng kanilang campus.  

Isang estudyante kasi ang nagsumbong sa kanyang adviser na nakatanggap umano siya ng gano'ng mensahe pasado alas tres ng hapon kahapon.   Agad namang nagsumbong ang guro sa kanilang principal at dali-dali silang tumawag sa Police station 1.  

Mabilis namang rumesponde ang pulisya sa lugar kasama ang EOD team at napag alamang hindi totoo o isang 'prank' lang ang naturang text message.   Nabatid na hindi ito ang unang beses na nakatanggap ng ganung pananakot ang naturang paaralan.  

Kaya naman kaugnay nito ay muling umapela si City Mayor Atty. Frances Cynthia Guiani-Sayadi sa publiko na huwag magpapakalat ng mga pananakot na dinadaan sa text messages.  


-0-


Patay ang dalawang sundalo habang sugatan ang labingisang iba pa matapos magsagawa ng airstrike ang militar sa Marawi City kaninang alas-dose ng tanghali.  

Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Public Affairs Office Chief Colonel Edgard Arevalo, nagmintis ang airstrike.  

Nabatid na 250 meters off target ang bomba at tumama sa kalapit na gusali.  

Agad na gumuho ang gusali dahilan para aksidenteng mataaman ng malalaking tipak ng semento ang mga sudalo.   Sinabi ni Arevalo na labis na ikinalungkot ng AFP ang naturang insidente.  

Matatandaaang kamakailan lamang nagmintis na rin ang air strike ng militar dahilan para masawi ang sampung sundalo.   Idinagdag pa ng opisyal na bumuo na ng grupo ang AFP para imbestigahan ang nasabing pangyayari.



-0-



Huli sa aktong nag-pa-pot session ang isang estudyante at dalawang minor de edad sa barangay Gumaga Libungan North Cotabat pasado alas 8 kagabi.

Kinilala ang suspek na si LEE RUBEN M RAMUJAL, 19 years old, estudyante na residente ng nsabing lugar Ayon sa Report ng Libungan PNP, isang tawag ang kanilang natanggap mula sa isang concerned citizen sa lugar hinggil sa ilegal na gawain ng mga suspek.

Dahil dito ikinasa ng PNP sa panguna ni PSI ANECITO A ACABO JR ang operasyon. Pagdating sa lugar naaktohan mismong nagpopot session ang tatlo sa isang bahay.

Nakuha ng mga awtoridad sa lugar ang sachet na may lamang pinaghihinalaang shabu, tooter na may residue pa ng shabu, lighter at aluminum foil. Ayon pa sa PNP na una ng nag surface sa PNP ang suspek ngunit nagpatuloy ito sa kanyang gawain.

Natakatakda namang sumailalim sa Counseling ang dalawang menor de edad kasama ang kanuilang mga magulang. Naka kulong na ngayon sa Lock up cell ng Libungan PNP ang 19 anyos na suspek matapos sumailalim sa Medical exam.



-0-



Napatay ang lima katao kasama na ang magkapatid na sinasabing mga ‘tulak droga’ makaraang manlaban sa otoridad sa inilatag na drug operation sa magkakahiwalay na lugar sa Sitio Sugod at Lumayong, Barangay Kayaga, Kabacan, North Cotabato.

Ayon kay Police Chief Inspector Bryan Placer, hepe ng Kabacan PNP kinilala ang mga nasawi na sina Valincia Madaliday Guiabalael, 42-anyos, residente ng barangay Lumayong; Ali Araneta Salim, 28-anyos, residente ng Shariff Kabunsuan, Cotabato City; Gardo Kalmo Tapa, 25 at residente ng bayan ng Midsayap at ang mga kapatid na sina Korin Udtig Acoy, 35 at Abdul Udtig Acoy, 32 kapwa residente ng Plang Village II, Poblacion, Kabacan.

Ikinasa ang operasiyon alas 3:00 ng madaling araw kahapon (July 12, 2017) kungsaan mga bandang alas 5:00 ng magpang-abot ang mga otoridad sa kanilang target na bahay at dito na nagkaputukan.

Unang pinaputukan ng mga suspek ang tropa ng pamahalaan na paparating sa lugar dahilan para gumanti ng putok ang mga ito.

Lima ang napaslang, sa nangyaring running gun battle, habang isa naman ang nakatakas. Nakuha sa pag-iingat ng mga suspek ang iba’t-ibang sachet ng shabu, kasama na ang ilang armas at dalawang mga granada.

Sinabi ni Placer na si Kurin Acoy alias Butterfly, ay no. 1 drug most wanted sa Kabacan. Labin tatlong mga Search warrant ang dala ng mga pulisya sa simultaneous implementation ng operasiyon na inisyu ni Hon. Judge Alandrex Betoya, ang presiding Judge ng Branch 16 sa Kabacan.

Sa kabilang dako naman, apat ang nadakip sa Sitio Lumayong na kinilalang sina Ismael Musa Abdul alias Takyos at tatlong mga bisita nito na sina Mamadatu Musa Abdul, Solaw Sawa Talidtig at Norudin Musa Abdul na ngayon ay nasa kustodiya ng Kabacan PNP.

Sa kabuuan limang medium size at 25 small sachet ng shabu ang nasamsam na umaabot sa halagang mahigit kumulang P300,000.

Sa panayam kay Mayor Herlo Guzman Jr., tiniyak nito na naka-alerto ngayon ang kanyang mga kapulisan sa posibleng retaliation ng mga grupong sindikatong sangkot sa kalakalan sa illegal na droga sa Kabacan.


Una ng sinabi ng opisyal na kanya pang pa-iigtingin ang kanilang kampanya laban sa illegal na droga upang masawata kung di man tuluyang matuldukan ang problema sa droga sa bayan.


-0-  



Backhoe operator na aksidenteng napatay ang kanilang foreman, ikinuwento sa Radyo BIDA ang nangyari.

Hindi lubos maisip ng backhoe operator na mapatay nito ang kanilang boss makaraang aksidenteng maatrasan ng minamanehong backhoe habang nag-ooperasiyon sa tulay sa Old Bulatukan, Makilala, North Cotabato alas 10:00, kamakalawa ng umaga.

Kinilala ang nasawi na si Sadang Lulos Alias Co, 45-anyos, may asawa, protect foreman at residente ng Carmen, Davao del Norte.

Ayon sa backhoe operator na si Argie Patana Duante, 28-anyos at residente ng Brgy. Sewod, Kulaman sa lalawigan ng Sultan Kudarat na hindi nito napansin na nasa likurang bahagi ng kanyang minamanehong back hoe ang biktima.

Abala umano si Co sa pagtingin sa footing foundation ng tulay na kanilang inaayos ng ma-atrasan ng back hoe at tumilapon sa railings ng tulay. Nakita na lamang ni Duante ang boss nito sa ilalim ng tulay na nag-aagaw buhay na.

Agad na isinugod ng back hoe operator ang biktima sa bahay pagamutan pero di na ito umaabot pa ng buhay.




-0-    


Hindi na basta-basta magri-release ng voter’s ID, voters certification, at iba pang election documents ang Commission on Elections o COMELEC.

Kung kukuha ng mga dokumento, kailangan ang botante mismo ang pupunta sa opisina ng Comelec, o kung d inaman, maari siya’ng magpadala ng kanyang authorized representative basta’t may bitbit siya na affidavit na naka-notaryo.

Ito ang paglilinaw na ginawa ni Atty. Myla Luna, ang election registrar ng Kidapawan City, sa panayam sa kanyan ng RADYO BIDA Kidapawan. Ayon kay Luna, nitong Martes natanggap nila ang bagong guidelines mula mismo sa central office ng Comelec.

Paraan raw ito ng komisyon para tiyaking ang botante mismo – at hindi ang sinuman, ang makakukuha ng mga dokumento na may kinalaman sa eleksiyon.

Samantala, tuloy ang paghahanda ng Comelec para sa Barangay election ngayong Oktubre. Ito hangga’t di pa naipapasa sa kongreso ang batas para sa postponement ng naturang election exercise.

Nagtapos na rin ang voter’s registration para sa Barangay at Sangguniang Kabataan election nito pang Abril. Ang resumption ng pagpaparehistro para naman sa 2019 local at national elections ay ngayong Disyembre na, ayon kay Atty. Luna.  



-0-  


Blanko pa ngayon ang otoridad sa motibo sa pagpaslang sa isang 31-anyos na lalaki makaraang pagbabarilin ng di pa nakilalang suspek sa panibagong krimen na naganap sa Sitio Galile, Barangay Malangag sa bayan ng Antipas, North Cotabato.

Sa ulat na nakarating sa Antipas PNP nasa loob ng kanilang bahay ang biktimang si Dionesio Sarad Manugas, 31-anyos, walang asawa at residente ng nasabing lugar ng pasukin ng di kilalang gunman at pinagbabaril.

Patay noon din ang biktima. Nangyari ang insidente alas 7:00 ng gabi kamakalawa. Nagtamo ng tama ng bala sa kanyang dibdib si Manugas dahilan ng agaran nitong kamatayn.

Samantala sa Kidapawan City ---

Swerteng nakaligtas mula sa pamamaril ang isang magsasaka sa barangay Manongol alas 4:00 ng hapon kahapon.

Ayon sa biktimang si Ernie Patalino, 26 years old na residente ng purok Mangosteen ng nasabing barangay, na habang inaantay lang niya ang kanyang anak sa gate ng Manongol High School ay bigla na lang umano siyang pinagbabaril ng dalawang mga suspek na nakasakay sa motorsiklo.

Swerte namang nakailag ang biktima at hindi tinamaan ng bala. Sa pagsisiyasat ng PNP ay naka recober sila ang isang fired cartridge ng caliber 45 pistol, at isang sweatshirt na kulay itim na pag aari ng suspek.

Kinuhanan na rin ng salaysay ang biktima na siyang makakatulong sa imbestigasyon para sa agarang ikadarakip ng mga suspek.  



-0-    


Malaki ang paniniwala ng Makilala Bureau of fire Protection na sinadya ang pagkakasunog sa Balawan Elementary School na nasa Purok 4, Sitio Balawan sa barangay Malasila ng nasabing bayan.

Ito ang lumabas sa progress report ng Makilala BFP kahapon. Ayon kay SFO1 Hector Flores ang in-case investigator nabatid na marami umanong ‘fire origin’ o ang pinagmulan ng sunog.

Nabatid mula kay Miss Jessel Panique, ang classroom adviser ng grade 6 na pangalawang beses na umanong sinunog ang nasabing paaralan, ang una ay noon pang buwan ng Enero.

Nilinaw din ng BFP na ang silid ng kindergarten at ang tanggapan ng Punong guro ang nasunog na may koneksiyon ng Kuryente habang ang silid ng grade 6 at grade 5 ay may bakas ng tangkang pagsusunog, pero wala namang kuneksiyon ng Kuryente.

Abot sa P300,000 ang naitalang danyos ng sunog. Maalala na nangyari ang sunog alas 3:45 ng hapon noong Hulyo a-dos. Sa ngayon balik na sa normal ang klase ng mga mag-aaral sa nasabing paaralan.    


-0-


Nakapagtala ng 617 na underweight na mga bata ang City Nutrition Office ng Koronadal sa unang anim na buwan ng 2017.

Ayon kay Koronadal City Nutrition Action Officer Veronica Daut, ito ay mas mababa sa 806 na kanilang naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Dinagdag din ni Daut na 10 na mga bata lamang ang maituturing na severely underweight sa Koronadal na mas baba rin sa 15 noong 2016.

Sinabi ni Daut na kahit na ang overweight na mga bata ay bumababa din sa 235 mula sa 300 na naitala ng city nutrition office noong nakaraang taon.

Ang Koronadal city ay tinanggal na sa mga benpisyaryo ng Child Malnutrition of Other Maintenance o CMOM ng South Cotabato Provincial Nutrition Office dahil sa patuloy na pagbaba ng malnutrition rate nito.

Sinabi ni Daut na nakatulong sa pagpapabuti ng kalusugan ng mga bata sa Koronadal ang kanilang supplemental feeding.

Ayon kay Daut para matiyak na makapagbigay ng tamang datus, ang mga Barangay Nutrition Scholars ng Koronadal ay taunang isinasailalim sa refresher course ng pagkuha ng tamang timbang, height measurement at computation sa nutritional status ng mga bata.

Ipinahayag ni Daut na ngayong Nutrition Month Celebration makikinabang sa supplemental feeding ng city government hindi lamang ang mga bata kungdi pati na rin ang mga magulang at senior citizens.

Matatandaan na dahil sa pagbaba ng malnutrition rate tinanggal na rin ng National Nutrition Council o NNC 12 sa sampung mga bayan sa region 12 na may pinakamaraming malnourished na bata ang mga bayan ng Lake Sebu at T’boli sa South Cotabato.

Isinagawa na ngayon sa mga pangunahing kalye ng Koronadal City ang Civic Military at Thematic Parade. Ito ay bilang pagsisimula ng isang linggong 18th T’nalak Festival at Foundation Anniversary ng South Cotabato.

Ang parada ay nilahukan ng mga kawani ng gobyerno, pribadong sektor at iba’t ibang grupo sa lalawigan. Ang parada ay inaasahan namang magtatapos alas nuebe ngayong umaga sa South Cotabato Sports Complex kung saan gaganapin ang opening program.

Ayon kay South Cotabato Governor Daisy Avance Fuentes, magiging panauhing pandangal sa programa si Senator Sonny Angara.

Kabahagi din ng programa ang pagpapakitang gilas ng iba’t ibang mga eskwelahan sa Mass Dance Competition at pagpaparangal sa Cleanest at Greenest local government unit sa lalawigan.

Gaganapin din ngayong araw ang unang judging sa mga bahay Kubo na nagtatambok sa mga ipinagmamalaking produkto ng bawat bayan at lungsod sa South Cotabato. Tampok naman sa LGBT Night mamamayang gabi ang Search for the Amazing Queen of the South 2017.

Pinaalalahanan naman ni South Cotabato PNP Provincial Director Police Senior Superintendent Franklin Alvero ang mga makikisaya sa pagdiriwang na magdala ng ID dahil sa NO ID NO Entry Policy sa mga venue ng aktibidad.

Ito ay bilang kabahagi ng mas pinaigting na seguridad ng pamahalaang panlalawigan sa selebrasyon. Bago ang programa ngayong umaga nagalay muna ng panalangin para sa katiwasayan at tagumpay ng selebrasyon ang mga taga South Cotabato sa pamamagitan ng ecunumical service kahapon.

Ito ay dinaluhan ng iba’t ibang mga religious leaders sa lalawigan.


-0-


Napigilan ng mga health authorities ang pagdami pa ng kaso ng Diarrhea sa tatlong mga Sitio ng Barangay Ned, Lake Sebu, South Cotabato.

Ito ay matapos makumpirma na ang sakit ay sanhi ng maruming inuming tubig na kinukuha lamang ng mga mamamayan sa mga bukal. Ayon sa bulletin ng Provincial Epidemiology and Surveillance Unit, natuklasan din nila na karamihan sa mga residente sa lugar ay walang maayos na palikuran.

Naitala ang unang kaso ng Diarrhea sa barangay Ned noong June 5 kung saan isang bata ang nasawi.

Nabatid na 48 sa 78 sa mga nagkasakit ng diarrhea sa tatlong mga Sitio ay pawang mga bata na nakatira sa mga Sitio ng Kasingan, Lower at Upper Salban.

Ayon kay South Cotabato Provincial Health Officer Dr. Rogelio Aturdido Jr, para mapigilan ang pagkalat ng sakit namigay ng mga gamut, jerry cans na mapagimbakan ng tubig ng mga mamamayan ang Department of Health.

Habang patuloy naman ang monitoring ng provincial health office hanggang matiyak na maitala ang zero diarrhea case sa lugar.

Tiniyak naman ng lokal na pamahalaan ng Lake Sebu na aayusin nila ang water system at maglalagay ng ramp pump sa tatlong mga Sito upang may makuhanan ng malinis at ligtas na tubig ang mga mamamayan doon.




-0-

Matatagpuan ang Regional Drug Rehabilitation Center sa may tatlong ektaryang lupain sa Barangay Kawas, Alabel, Sarangani Province.

Bago pa man simulan ang proyekto nagkaroon ng final inspection ang China Engineering Team, Provincial Health Office at Engineering Office ng Sarangani sa lugar.

Ipapatatayo ang Regional Drug Rehabilitation Center sa pakikpagtulungan ng gobyerno ng Pilipinas sa China. Ayon kay Sarangani Governor Steve Chiongbian Solon ang drug rehabilitation center ay mayroong 150-bed capacity.

Sinabi ni Solon na ang P350 million pesos na pasilidad ay resulta ng pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa China noong nakaraang taon. Ayon kay Solon, inaasahan na sisimulan na ang konstruksyon nito sa susunod na taon.

Ang Sarangani ay isa sa dalawa lamang na recipient ng “Grant-Aid Dangerous Drug Abuse Treatment Rehabilitation Centres Project” ng China sa Pilipinas.


-0-


Walang nagawa ang pagmamakaawa ng isang ginang matapos itong mabisto ng mga pulis na nagdadala ng iligal na droga..

Ang suspek na si Cathlyn Barloza, 32 anyos ay inaresto sa anti illegal drug operation ng mga pulis sa Purok M. Forro Barangay General Paulino Santos, Koronadal.

Ayon kay Koronadal City Anti Drug Abuse Council o CADAC Permanent Representative Glorio Sandig, nakuha nila sa suspek ang tatlong maliit na sachet ng suspected shabu,21 sachet na may bakas ng umanoy shabu, aluminium foil, totter at P500 mak money.

Kinumpirma ni Sandig na nakatakas naman ang live in partner ng suspek na kilalang umanong tulak ng shabu.

Aminado din si Barloza na kilala nito ang biktimang si
“Alyas Alma” na natagpuang patay sa Purok Dalayaon Barangay General Paulino Santos kahapon ng madaling araw.

Ang drug suspek na si Barloza ay nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy