NDBC BIDA BALITA (7.14.17)

NDBC BALITA  • Fri Jul 14, 2017 09:18 AM  •  182   0
By NDBC NCA
  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy
NEWSCAST JULY 14, 2017 (FRI)
7:00 AM
 



HEADLINES:
 

1.
Regional Peace and Order Council Chair, tiniyak ang suporta sa Martial Law ng Duterte Administration
 

2. NPA, inako ang pagpatay sa isang balo na intelligence asset ng Army sa North Cotabato

3.
Supt. Marcos, balik trabaho na, pamumunuan ang CIDG-Region 12.
 

4. 


-0-



Binigyan na ng bagong puwesto para mamuno sa Criminal Investigation and Detection Group sa Region 12 ang kontrobersyal na si Supt. Marvin Wyn Marcos  na  siyang nagsuperbisa sa pagsalakay  sa isang kulungan na ikinasawi ni dating Albuera, Mayor Rolando Espinosa Sr. noong Nobyembre ng nakalipas na taon.


Ang 18 iba pang pulis na mga tauhan ni Marcos noong hepe pa ito ng CIDG Eastern Visayas ay magbabalik sa trabaho sa CIDG Region 12 habang ang iba naman ay sa CIDG Central Visayas (Region 7).  

Ang CIDG Region 12 ay siyang sumasaklaw sa South Cotabato, Cotabato City, Sultan Kudarat, Sarangani at General Santos City (SOCCKSARGEN).  

Sinabi ni Philippine National Police Chief P/Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa na wala siyang nakikitang problema sa reinstatement sa serbisyo ni Marcos at mga tauhan ng opisyal.  

Nabatid na epektibo sa lalong madaling panahon ang appointment nina Marcos at mga tauhan nito sa kanilang bagong assignment pero nasa Camp Crame pa ang mga ito at hinihintay pang mag-report sa duty dahilan may mahalagang inaayos pa sa kanilang paghawak sa panibagong duty.  

Naganap ang pagbabalik serbisyo ni Marcos at mga tauhan nito matapos namang iutos ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Miyerkules na magbalik-trabaho na ang opisyal na nasibak sa puwesto bunga ng kontrobersyal na pagkamatay ni Espinosa Sr. at ng drug pusher inmate na si Raul Yap sa raid sa piitan ng Baybay Sub Provincial jail sa Baybay City, Leyte noong Nobyembre 2016.
 

Si dating Mayor Espinosa Sr., ay sinasabing protektor umano ng no. 1 drug lord ng Eastern Visayas na si Rolan Kerwin Espinosa.  

Nitong nakalipas na buwan, mula sa kasong murder ay ibinaba ng Justice Department sa kasong homicide ang asunto laban kina Marcos at mga tauhan nito kaya nakapagpiyansa at pansamantala ang mga itong nakalaya nitong Hun­yo.  



-0-



PATULOY NA INAALAM NGAYON ng Sultan Kudarat PNP kung sino ang nasa likod at kung ano ang motibo ng riding tandem criminals sa pagpaslang sa isang empleyado ng Cotabato Sanitarium Hospital.

Sinabi ni Sultan Kudarat PNP chief, Police Chief Insp. Esmael Madin na naganap ang insidente amakalawa ng gabi sa Sitio Lamsan, Brgy. Simuay, Sultan Kudarat, Maguindanao.

Kinilala naman nito ang biktima na si Abdulnasser Onsong 33 anyos, may-asawa at residente ng brgy. Salimbao sa nasabing bayan.

Ayon sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, pauwi na ang biktima at naglalakad sa Cot-Dvo National Highway kasama ang kanya nobya mula sa pinagtatrabahuang ospital hanggang makarating sila isang gasoline station at huminto para umihi pasado alas syete ng gabi.

Ngunit bago pa man ito makapasok ng palikuran ay walang kaabog abog na pinagbabaril ito ng isa sa mga suspek at matapos gawin ang krimen ay agad naman itong tumakas sakay ng naghihintay na honda XRM na minamaneho ng kasama nito.

Nagtamo ng maraming tama ng bala sa kanyang likod si Onsong dahilan ng kanyang agarang kamatayan. Nabatid na nasa ligtas na kalagayan naman ang kasintahan ng biktima.


Narekober ng pulisya sa crime scene ang apat na fired cartridges ng kalibre 45 pistola.



-0-



Kinumpirma kahapon ni Armed Forces of the Philippines Joint Task Force Sulu Commander Brig. Gen. Cirilito Sobejana  na natagpuang patay ang isang Vietnamese na kabilang sa mahigit pang 20 bihag ng mga bandidong Abu Sayyaf Group  sa lalawigan ng Sulu.   

Ang bangkay ng biktimang si Tran Khac Dung, isa sa mga tripulante ng M/V Royal 16 cargo, ay narekober na tadtad ng mga tama ng bala sa Brgy. Buhanginan, Patikul, Sulu kamakailan.  

Gayunman, dahil kailangan pang iberipika ang pagkaka­kilanlan ng tadtad ng tamang biktima ay  kahapon lamang ito isinapubliko ng  opisyal.
 



-0-0-0  


Iniimbestigahan na ng Armed Forces of the Philippines ang pagkamatay ng dalawang sundalo habang 11 pa ang nasugatan sa ikalawang insidente ng pagsablay ng air strike sa Marawi City, Lanao del Sur kamakalawa kaugnay ng patuloy na krisis sa lungsod.  

Ang  pagsablay ng air strike dakong alas-12:00 ng tanghali nitong Miyerkules ay ikalawang insidente ng ‘friendly fire’ matapos na una nang aksidenteng mabagsakan ng bomba na pinawalan ng mga bomber plane ng Philippine Air Force na ikasawi ng 11 sundalo habang 7 pa ang nasugatan noong Mayo 30 ng taong ito.
 

Sinabi ni AFP Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla Jr. na pinupuntirya ng mga piloto ng ‘bomber plane’ ang isang gusali na nagsisilbing himpilan ng mga nagtatagong Maute-Islamic State  of Iraq and Syria (ISIS) nang sumablay ang unang bomba na tumama sa gusali na pinagtataguan ng tropang gobyerno.


Ayon kay Padilla sa lakas ng ‘impact’ sa pagtama ng bomba  ay gumuho ang  gusali  kung saan sinawimpalad na masawi ang dalawang sundalo habang 11 pa ang nasugatan.
 

Sinabi naman ni AFP Public Affairs Office Chief Col. Edgard Arevalo na isasagawa ang imbestigasyon upang matukoy ang mga naging kaganapan at alamin kung sino ang may pagkakamali na nagbunsod sa trahedya.

Nakiramay kahapon si Pangulong Rodrigo Duterte sa pamilya ng dalawang sundalo na nasawi sa panibagong friendly fire mula sa air strike ng military operations laban sa Maute-ISIS group sa Marawi City.  



-0-




Tinangay ng dalawang hindi pa nakikilalang carnapper ang motorsiklo ng isang negosyante dakong alas otso bente kagabi sa Brgy. Awang, DOS, Maguindanao.

Kinilala ni DOS pnp chief, police chief insp. Achmad Alibonga ang biktimang si Joyzel Neri Clavecillas 40 anyos, may-asawa at residente ng nabanggit na lugar.

Batay sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, sakay ng kanyang kulay puting MC yamaha MIO sporty 2013 na may plakang SX 3803 ang biktima at tumigil lang saglit para sumagot ng tawag sa cellphone nang maganap ang insidente.

Dalawang hindi pa matukoy na mga lalaki ang lumapit sa kanya at hinampas sya ng matigas na bagay saka tinangay ang kanyang motorsiklo.

Sa ngayon iniembistigahan na ng DOS PNP ang nasabing insidente.


-0-
 



NADAKIP sa magkahiwalay na lugar sa Tawi Tawi ang dalawang mga hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf Group.

Kinumpirma ni Task Force Tawi Tawi commander Brig. Gen. Custodio Parcon na commander ng Joint Task Forces Tawi-Tawi na naaresto si Ara Samindi sa Lagaan Island sa bayan ng Taganak, at si Abu Sayyaf sub-leader Omar Harun alyas Abu Halipa naman sa Poblacion Taganak sa parehong bayan.

Ayon kay Parcon, parehong konektado sina Samindi at Harun sa grupo ng Abu Sayyaf na naka-base sa Sulu.


Kabilang aniya ang dalawang suspek sa 23 na high-profile Abu Sayyaf Wanter List ng Malaysia, na nasangkot umano sa sea-jacking at kidnapping sa karagatan sa pagitan ng Sabah at Tawi-Tawi.  




-0-





Labindalawang oras na nagpalutang lutang sa karagatan ng Illana bay ang tatlo katao matapos hampasin ng malalakas at naglalakihang alon ang pumpboat na kanilang sinasakyan kamakalawa.

Kinilala ni Senior insp. Erwin tabora, hepe ng Parang PNP ang sakay ng pumpboat na sina school nurse Rogaya Ganduan, 25, high school teacher Endrisa Ruben, 24 at si Manuel Carudin, 30 anyos, ang operator ng nasabing pumpboat.

Si Ganduan at Ruben ay kapwa nagtuturo sa isang paaralan sa Barangay Litayin, Bongo Island, Parang, Maguindanao.

Dakong ala una noong Hulyo 12 ng napagpasyahan umano ng dalawa na bumalik na sa Cotabato City ngunit hindi nila inaasahan na sasalubungin sila ng malalaking alon at malakas na hangin sa kalagitnaan ng dagat na syang nagpataob sa kanilang sinasakyang bangka.

Nabahala naman ang kani-kanilang pamilya dahil alas sais na ng gabi ay hindi pa nakakabalik ang naturang mga guro.

Alas dos na ng umaga nung July 13 natagpuan ni brgy chairman abdulkatab ng Barangay Litayin sina Ganduan, Ruben, at Carudin sa baybayin ng sitio Batog ng Polloc, Parang, Maguindanao.

Sinabi ni SPO2 Alinader Rasol ng Parang pnp, nakasampa umano ang tatlo sa tumaob nilang bangka at nagpatangay na lang sa alon. Maswerte namang nakaligtas ang tatlo sa naturang insidente.


-0-


Nangibabaw sa labing-isang local government units sa South Cotabato sa kalinisan at pangangalaga sa kapaligiran ang bayan ng Surallah.

Ito ay matapos tanghaling first place sa Search for Cleanest ang Greenest Local Government Unit sa lalawigan.

Ang bayan ay tumanggap ng P800,000 cash prize. Nakuha din nito ang mga special awards na Best Municipal Nursery, Best Roadside, at Certificate of Recognition sa Best Public Terminal, Best Support System, Best in Ten-Year Solid Waste Management Plan Implementation at Best in Comprehensive 10 Year Clean and Green Program Presentation.

Ang Best Community Garden ay nakuha naman ng Barangay Lamsugod sa bayan. Pumangalawa naman sa Surallah ang defending winner na Polomolok na tumanggap ng P500,000 cash prize.

Nakuha ng Polomolok ang mga Special Awards na Best Public Market, Best Plaza and Parks, Best Material Recovery Facility at Best Barangay ang Silway 7 sa nasabing bayan.

Tinanghal naman na Third place winner sa naturang search ang bayan ng Tupi na tumanggap ng P300,000. Ang Fourth place winner na bayan ng Sto. Nino ay nabigyan ng P180,000; P100,000 ang 5th place na Tampakan at P80,000 naman ang 6th place na Tboli.

Ang limang mga LGU na hindi napasama sa top six ay nabigyan naman ng P40,000 cash incentive.

Ipinahayag ni South Cotabato Governor Daisy Avance Fuentes na isinabay ang awarding sa opening program ng Tinalak Festival at Foundation Anniversary kahapon para maipabatid sa mas nakararaming mamamayan ang ginagawa ng kanilang mga lokal na opisyal sa pangangalaga ng kanilang kapaligiran.



-0-


Kampante si Senator Sonny Angara na makalulusot sa Senado ang Senate Bill 945 . Isinusulong ng panukala ang 20 porsyentong diskwento sa pamasahe ng mga estudyante sa lahat ng uri ng sasakyan.

Sinabi ni Angara na kapag tuluyang naisabatas, ang panukala ay mapapakinabangan ng mahigit 20 milyong estudyante sa bansa.

Nabatid na sa ngayon ang limang prosyentong discount sa pasahe ng mga estudyante ay ipinatutupad sa bisa ng Memorandum Circular ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB.

Ayon kay Angara, ang diskwento sa lahat ng uri ng transportasyon ay mapapakinabangan ng mga estudyante sa buong linggo, pati na mga holiday, Christmas Break at Summer break.

Saklaw nito ang mga nasa preschool, kolehiyo medical intern, military trainees, kumukuha ng specialized studies at mga technical-vocational students.

Habang ang mga kukuha naman ng special education sa ibang bansa,at mga dadalo sa international competition ay ililibre sa travel tax, airport terminal fee basta’t mapatunayan ang kanilang identity at pakay.

Sinabi ni Angara na ang ganitong prebilehiyo ay matagal nang ipinatutupad sa ilang bansa sa Asya tulad ng Singapore, Hongkong at Japan.

Si Senator Angara ay naging guest speaker sa opening program kahapon ng 18th T’nalak Festival at 51st Foundation Anniversary ng South Cotabato.



-0-



Abot sa siyam na mga resolusyon na sumusuporta sa Martial Law Declaration ni Pangulong Rodrigo Duterte ang iprensinta sa Regional Peace and Order Council o RPOC 12 ng iba’t ibang grupo.

Ang mga ito ay mula sa mga local peace and order councils, at League of the Municipalities o LMP Sultan Kudarat na pinangunahan ng presidente nitong si Lambayong Mayor Ramon Abalos.

Sinabi ni RPOC 12 Chair at Sultan Kudarat Governor Pax Mangudadatu na dahil sa banta ng seguridad sa ilang lugar sa rehiyon, suportado nito ang Martial Law.

Tiniyak ni Mangudadatu na hindi magiging balakid sa pagsulong ng kapayapaan sa Sultan Kudarat at karatig lugar ang pagtanggal ng Napolcom sa supervisory powers sa PNP ng ilang mga local chief executives.

Naniniwala si Mangudadatu na dahil sa Martial Law hindi na kakalat pa sa ibang lugar ang kaguluhan sa Marawi City.


-0-



Matapos ipagtanggol ang mga senior Citizen na myembro ng Barangay Peacekeeping Action Team o BPATs nanawagan naman ng dagdag na volunteer para sa mga ito si Koronadal City Mayor Peter Miguel.

Ayon kay Miguel ang sinumang gustong maging BPAT member ay maari lamang makipag-ugnayan sa kanilang barangay. Sinabi ni Miguel na dahil sa Martial Law at Curfew, kailangan ngayon ng Koronadal ang dagdag na mga BPAT members.

Ayon sa alkalde ngayong mataas ang banta sa seguridad, mahalaga ang tulong ng mga mamamayan para mapanatili ang katiwasayan.

Tiniyak ni Miguel na patuloy pa rin ang suporta ng Koronadal City government sa BPATs. Kalakip dito ayon sa alkalde ang pagbibigay sa mga BPATs member ng pagkain, supply ng kape,at iba pang pangunahing pangangailangan.



-0-



Kawani ng gobyerno arestado sa anti-illegal drug operation ng mga pulis sa Koronadal City Kinilala ni Koronadal City Anti Drug Abuse Council o CADAC Action Officer Glorio Sandig ang suspek na si Henry Trinidad, 54 anyos.

Kasama na nahuli ni Trinidad na kawani ng Department of Science and Technology o DOST ang kaibigan nitong si Michael Somera.

Ang dalawa ay naaresto sa anti illegal drug buy bust operation ng Koronadal Drug Enforcement Unit at City Anti Drug Abuse Council alas dose ng umaga kanina sa San Jose Street, Barangay Zone 3 sa lungsod.

Nakuha ng mga pulis sa mga suspek ang isang maliit at isang malaking sachet ng suspected shabu, P500 marked money at drug paraphernalia.

Kinumpirma ni Sandig na ang suspek na si Trinidad ay makailang beses ng nahuli dahil sa iligal na droga at nakakalabas lamang sa tuwing makapagpyansa.

Sina Trinidad at Somera ay kakasuhan ng PNP ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ngayong araw.



-0-



PATAY ang suspek na responsable sa pagbaril sa isang sibilyan sa Sitio Pog-Pog, Poblacion, Pikit, North Cotabato kahapon ng umaga.

Kinilala ang suspek na si Mohamad Tusko na residente ng Brgy. Balong ng naturang bayan.

 Sinabi ni Chief Inspector Donald Cabigas, hepe ng Pikit PNP, na si Tusko ang itinuturong suspek sa pagbaril kay Fernando Catipay sa Poblacion.

Dahil dito, agad na nagsagawa ng hot pursuit operation ang pulisya. Namataan ang suspect sa may Barangay Batulawan pasado alas 4:00 kahapon ng hapon. Sa halip na sumuko, nakipagbarilan si Tusko habang lulan ng kanyang Bajaj na motorsiklo.

Tinamaan siya ng bala sa kanyang likod. Patay na nang dalhin siya sa ospital. Na-recover sa pag-iingat ng suspek ang 9mm pistol at dalawang mga bala.


SA IBA PANG BALITA HULI sa aktong nagbebenta ng shabu ang 40-anyos na karpentero na kinilalang si Dennis Degamo na taga-Barangay Saguing, Makilala.

Na-recover mula kay Degamo ang isang sachet ng pinaniniwalaang shabu at marked money na P500.

Inilagay na sa kustodiya ng Makilala PNP ang suspect habang inihahanda na ang kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act kontra sa kanya. 


-0-


INAKO ng New Peoples’ Army o NPA Front 53 ang pagpatay noong Martes sa isang 37-anyos na balo na si Jocelyn Yala.

Sa isang text message, sinabi ng isang mataas na lider ng NPA Front 53 na pinatawan nila ng parusang kamatayan si Yala matapos mapatunayan na responsable siya sa pagpatay noong nakaraang Mayo kay Commander Kiram ng Sta. Cruz, Davao del Sur.

Ayon sa report, si Yala ay dating miyembro ng NPA na sumuko na sa batas at naging intelligence asset ng 39th IB. Siya rin umano ang nagbigay ng impormasyon sa Army sa kinaroroonan ni Commander Kiram na naging dahilan ng kanyang kamatayan.

Napatay si Kiram nang paulanan ng bala mula sa de-kalibreng armas habang minamaneho nito ang motorsiklo pauwi ng bayan niya sa President Roxas, North Cotabato.

Naganap ang ambush kay Kiram sa boundary ng Bansalan, Davao del Sur at Makilala, North Cotabato.


-0-



IGINIIT ng pamunuan ng Department of Education o Deped 12 na bukas sila upang baguhin ang liriko ng kanilang regional hymn. Ito ang sinabi ni DepEd-12 spokesperson Antonio Maganto sa panayam sa kanya ng Radyo Bida Kidapawan.

Ginawa ng opisyal ang pahayag matapos inireklamo ng ilang mga tribal datu sa Kidapawan City ang linya ng kanta na may nakasaad na, ‘Muslim, Kristiyano at iba pang mga tribo’.

Para sa mga tribo, isang porma ito ng diskriminasyon sa kanila. Kinaligtaan umano ng kompositor ng kanta ang naging kontribusyon ng mga katutubo sa paglago ng rehiyon.

Humingi naman ng paumanhin si Maganto sa tribo sabay sabi na bukas ang DepEd sa anumang pag-repaso sa linya ng naturang kanta.

Gayunman, nais ni Maganto na gawing pormal ang lahat. Sa ngayon kasi, wala pang formal complaint na nakarating sa kanilang opisina patungkol rito

BALAK naman ni Cotabato 2nd district Congresswoman Nancy Catamco na iapela sa DepEd na baguhin ang linya ng DepEd regional hymn.

Ayon kay Catamco, labis na nasaktan ang mga IP sa pagkakasulat ng naturang kanta. Isa raw ito’ng maliwanag na paglapastangan sa kanilang lahi. Si Catamco ay chair ng Committee on Indigenous Peoples ng House of Representatives.

-0-


NANGANGAILANGAN ng mga bagong gamit sa emergency at search and rescue ang Kidapawan City Government.

Ito ang lumabas sa evaluation at assessment ng mga ahensiya ng city LGU sa ginanap kna bomb drill na tumagal ng halos 45 minuto.

Nabatid na kulang sa mga gamit sa komunikasyon, tulad ng two-way radio, ang Call 911 at iba pang grupo ng mga first responders sa Kidapawan City.

Kailangan din na maglagay ng karagdagang signages sa mga checkpoints sa lungsod. Sa bomb drill nito’ng Miyerkules, dalawang bomba ang sabay na pinasabog ng mga Explosives and Ordnance Disposal Team ng Army.

Mabilis namang nakapag-responde ang PNP, nagtayo ng Incidence Command Post, at naglagay ng police line sa erya. NDBC BIDA BALITA

-0-



INABSWELTO ng Regional Trial Court sa Quezon City ang tatlong mga akusado sa 2009 Maguindanao massacre. Ito ay matapos ibasura ni Judge Jocelyn Reyes ng RTC branch 221 ang kasong 58 counts of murder laban kina Kominie Inggo, Dexson Saptula, at Abas Anongan.

Kakulangan sa sapat na ebidensiya ang pangunahing dahilan, base sa desisyon ni Reyes na kanyang ipinalabas noon pang June 23.

 At nito lamang Miyerkules nabatid ng media ang naturang court decision. Agad ding ipinag-utos ni Reyes ang agarang paglaya ng tatlo mula sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.





  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy