NDBC BIDA BALITA (7.15.17)

NDBC BALITA  • Sat Jul 15, 2017 08:53 AM  •  171   0
By NDBC NCA
  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy
NEWSCAST JULY 15, 2017 (SAT)
7:00 AM
 


HEADLINES:
  
 

1. GRUPO ng mga mamamahayag at pamilya ng mga biktima ng Maguindanao massacre, dismayado matapos inabswelto ng korte ang tatlo sa mga akusado sa krimen.  

2. Mahigit 22 MILYONG PISONG budget sa T’nalak Festival at Foundation Anniversary ng South Cotabato, ipinaliwanag ng gobernador.  

3. 2 batang sugatan sa DAtu Anggal rifle grenade attack, nasa ospital pa rin, pamilya di raw sangkot sa rido

4. Animal bite center sa South Cotabato, operational na




-0-


DISMAYADO ang mga grupo ng media at maging ang pamilya ng mga biktima sa tinaguriang ‘Maguindanao massacre’ matapos palayain ng korte ang tatlong mga akusado sa krimen na sina Kominie Inggo, Dexson Saptula at Abas Anongan.  

Sinabi ni Monette Salaysay, asawa ng isa sa mga napaslang na miembro ng media, na hindi sila makapaniwala sa naging desisyon ng Quezon City Regional Trial Court Branch 221 sa tatlo.  

Ibinasura kasi ni Judge Jocelyn Reyes ang kasong 58 counts of murder laban sa mga nabanggit na akusado dahil daw sa kakulangan ng mga ebidensya.  

Agad ding ipinag-utos ni Reyes ang pagpapalaya sa tatlo mula sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.  

Sa June 23 decision, binigyang-diin ni Reyes na nabigo ang prosekusyon na patunayang guilty ang tatlo at tanging ang mga arresting officer nina Saptula at Anongan ang kumilala at tumestigo laban sa kanila pero wala namang “personal knowledge” sa krimen at walang rin umanong iprinesenta ang prosekusyon na iba pang testigo.  

Dahil sa nangyari, sinabi ni Salaysay na talagang mailap ang hustisya sa kanila kaya aniya, sang-ayon siya sa panawagan ni Deputy Minority Leader Harry Roque na magpatupad ang korte ng “First In, First Out” Rule para sa mas mabilis na paglilitis sa mga kaso.  



-0-


Samantala, sa panig naman ni Maguindanao Gov. Esmael Mangudadatu, sinabi nitong patuloy silang makikipaglaban para makamit ang hustisya.  

Sa kabila ng pagkaka-abswelto sa tatlong mga akusado, tiwala pa rin ang gubernador na may positibong kahihinatnan ang kaso.  

Aniya, ipina-uubaya niya ang pagpapasya sa hukuman para maparusahan ang mga tunay na sangkot sa krimen.   Una rito, nagpahayag na rin ng pagkadismaya ang National Union of Journalists of the Philippines o NUJP dahil sa napakabagal na proseso ng paglilitis sa Maguindanao massacre case na magwawalong taon na.  

Nabatid na nasa 197 katao ang akusado sa naturang krimen, 114 mula sa bilang na ito ang nadakip na habang nasa 112 naman ang nalitis na.   Apat naman sa mga naturang akusado ang sumakabilang-buhay na kabilang si dating Maguindanao Gov. Andal Ampatuan Sr.  
Dahil sa pagkaka-abswelto ng tatlong mga akusado sa naturang krimen, nangangamba ngayon ang NUJP na ganito rin ang mangyayari sa iba pang mga akusadong nililitis, lalo na yung mga maimpluwensya at makapangyarihan na kayang bilhin ang hustisya at patagalin pa ang kaso.  



-0-


PATULOY NA GINAGAMOT ngayon sa ospital ang dalawang mga batang biktima ng pagsabog ng isang 40 milimeter grenade sa barangay Adaon, Datu Anggal Midtimbang, Maguindanao pasado alas syete ng gabi kamakalawa.  

Sinabi ni DAM chief of Police, Sr. Insp. Esmael Tarusan  ang mga batang biktima na sina Akmad L Siga, 15 years old at Jerome Guiama, 12 ay nagtamo ng mga sugat sa likod at tiyan.
 

Ayon kay Tarusan, hanggang ngayon ay inaalam pa rin nila kung sino ang responsable sa naturang pagpapasabog ng grenade projectile na pinaniniwalaang ginawa ng suspek sa malayong lugar gamit ang isang shoulder-fire grenade launcher.  

Aniya, pinag-aaralan pa rin ng mga imbestigador ang mga posibleng motibo ng naturang pagpapasabog.



-0-


ARESTADO ang isang kagawad ng media na pinaniniwalaang gumagamit at nagbebenta ng iligal na droga sa General Santos City.  

Sinabi ni Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA 12 Dir. Gil Cesario Castro na pasado alas siyete ng gabi kamakalawa nang magsagawa sila ng anti-drug operations kasama ang GenSan PNP sa isang Inn sa Purok 19, national highway Davao Road ng lungsod.  

Dito nahuli ang suspek na si Richard Basilio, 42 anyos, may asawa, resident eng Block 4, Brgy. City Heights, ng naturang lungsod, writer at photographer ng isang local newspaper sa lungsod.   Si Basilio ay kabilang sa watch list ng PDEA at PNP na matagal ng minamanmanan ng mga otoridad.  

Ayon kay Castro, nahuli si Basilio sa aktong nagbebenta ng suspected shabu na nagkakahalaga ng 500 piso sa isang PDEA agent na nagkunwaring buyer.  

Samantala, pasado alas nuebe naman ng gabi noong araw ding yun nang madakip ang umano ay supplier ng shabu ni Basilio na si Tommy Pabilonia, 42, sa inilunsad na buy bust operation sa Rajah Solaiman St., Purok Veterans, Brgy. Calumpang, General Santos City.  

Nasamsam sa pag-iingat nito ang isang sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P4,000 at marked money na ginamit sa operasyon.



-0-


Isang 55-taong gulang na evacuee ang panibagong biktima ng ligaw na bala sa habang nagpapahinga sa ikalawang palapag ng kanilang quarter sa isang gusali sa loob ng kapitolyo sa Marawi City.  

Ayon sa biktimang si Sulaiman Mangorsi, kalalabas lamang niya mula sa banyo at nagdesisyon nang tumabi sa kaniyang misis sa higaan.   Ngunit bigla na lang aniya siyang nakaramdam ng sakit sa kaniyang kaliwang braso dakong alas-tres ng hapon.  

Kasunod nito ay bigla na aniyang namanhid ang nasabing braso at nang kaniyang silipin, doon na niya nakitang may sugat na pala siya.  

Humingi ng saklolo si Mangorsi kaya agad siyang nadala sa Amai Pakpak Medical Center, kung saan kinailangan siyang operahan dahil bumaon sa kalamnan ang caliber 5.6 na balang tumama sa kaniya.  

Nabatid pa na ilang oras bago tamaan ng ligaw na bala si Mangorsi, isang sundalo rin sa isang headquarter ng military brigade sa tapat ng kapitolyo ang nasugatan dahil din sa tama ng bala.   Gayunman, hindi ito kinumpirma o itinanggi ng militar.  



-0-



Samantala, may 170 mga bata mula sa Marawi city ang isinasailalim ni Manila Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada sa therapy at trauma treatment program.  

Nabatid na binuo ni Estrada ang programang Project HATS o Healing After Trauma Services para matulungan ang mga naturang bata na masanay sa bago nilang kapaligiran at makalimutan ang mga hindi nila magagandang karanasan sa kanilang dating komunidad.  

Samantala, sa iba pang balita………….   Patuloy naman ang pagbuhos ng tulong mula sa iba’t ibang bansa at foreign groups para sa nakatakdang rehabilitasyon ng Marawi City pagkatapos ng gera ng tropa ng pamahalaan ng teroristang grupong Maute.  

kinumpirma ni Budget Secretary Benjamin Diokno na kabilang sa mga gustong tumulong ay ang European Union at United Nations Development Program.  

Nag-aalok din ng tulong ani Diokno ang Hungary para sa agricultural sector sa Mindanao, gayundin ang gobyerno ng India.   May alok din aniyang tulong ang gobyerno ng Estados Unidos pero wala pang detalye hinggil dito.  
Nauna nang nagpaabot ng tulong ang China na nagkakahalaga 15 milyong piso gayundin ang Russia pero wala ring binanggit sa halaga ng tulong. 



-0-

NADAKIP NA ng mga otoridad ang isang miembro ng Abu Sayyaf member na matagal ng wanted dahil pinaniniwalaang sangkot sa Sipadan kidnapping sa Malaysia.  

Sa report ng PNP Region 9, nasakote ang suspek na si Abdulmubin Salahuddin na nagtratrabaho bilang isang security guard sa isang mall sa Zamboanga city bunsod ng ikasang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng pulisya at militar sa Barangay Guiwan ng lungsod pasado alas dyes ng gabi kamakalawa.  

Si Salahuddin ay sangkot sa kidnapping for ransom ng 20 dayuhan at isang Pinoy na karamihan ay mga Europeans sa Sipadan, Malaysia noong Abril 2000 kung saan ang mga bihag ay itinago sa Sulu.  

Sa pagkakadakip sa suspek ay nasamsam mula sa kanya ang isang fragmentation grenade na nakasilid sa sling bag nito.  

Base sa imbestigasyon, ang suspek ay nagsisilbi ring supplier ng mga armas at bala ng mga kasamahan nitong bandido sa lalawigan ng Sulu.  

Isinasailalim na ngayon sa tactical interrogation ng mga awtoridad ang nasakoteng Abu Sayyaf member.  

Samantala, sa kabilang dako naman………..   Nailipat na sa secured facility ang dalawa sa mga miyembro ng suspected Maute-ISIS terror group na nadakip sa magkakaibang lugar sa Mindanao.  

Ito ay matapos naisampa na ng Criminal Investigation and Detection Group o CIDG-10 ang kasong rebellion laban kina Tahera Romato Taher at Monaliza Solaiman Romato dahil nakitaan ng basehan na maidugtong sila sa naganap na kaguluhan sa Marawi City,Lanao del Sur.  

Sinabi ni CIDG deputy for operations head Supt. Melgar Devaras na ang kinaharap nina Romato at Taher ay iba rin sa kasong illegal possession of explosives na naisampa sa korte dahil nakunan ag mga ito ng mga bala ng M203 at kagamitan paggawa ng bomba sa tinutuluyan nila na boarding house sa Barangay Macasandig ng syudad noong nakaraang linggo.  

Kaugnay nito, pinaghahanap pa ng mga otoridad ang financial officer ng mga terorista na si Irene Romato Idris na nakatakas nang malusob ang tinuluyan nito na boarding house sa lungsod.  

Bagamat,tumanggi si Devaras na ilahad ang ibang detalye ukol kay Idris na humalili sa naaresto na ina ng magkapatid ma Omar at Abdullah na si Farhana Romato Maute habang nagpapatuloy pa ang operasyon ng mga otoridad.



-0-




Naglaan ng P22.7 million para sa 18th T’nalak Festival at 51st Foundation Anniversary ang pamahalaang panlalawigan ng South Cotabato. Ayon kay South Cotabato Governor Daisy Avance Fuentes, ang pondo ay ginamit sa 30 iba’t ibang aktibidad sa isang linggong pagdiriwang.

P17 million pesos sa kabuuang PONDO ay kinuha sa Foundation Anniversary Budget at gagamitin sa 25 mga event. Ayon kay Fuentes, P1.8 million nito ay inilaan para sa Opening Program , Mass dance Competition ,Civic Military at Thematic Parade.

Naglaan din ang lalawigan ng P1.6 million sa T’nalak Strip, P1.47 million sa Agri-Trade-Fair at Bahay Kubo Product display, P1.35 million sa Mutya ng South Catabato, P1.32 million sa Governor’s Charity Ball, P1.14 million sa Publicity and Promotions Committee at P1.9 sa Secretariat execom at ibang komitiba.

Ang dagdag naman na P5.7 million ayon kay Fuentes ay kinuha sa T’nalak Festival Budget. Ayon kay Fuentes P4.7 million dito ay ginamit sa Street Dancing Competition, P785,000 sa motorcross , P180,000 sa T’nalak Food Garden,at P200,000 bilang counterpart sa iba pang mga event. Binili naman ng mga tent ang nalalabiing P56,000.

Mahalaga ang selebrasyon ayon kay Fuentes dahil ito ay bilang pagpapasalamat sa mga mamamayan na malaki ang naitulong sa patuloy na pagunlad ng South Cotabato.


-0-



Nagpapatuloy pa rin ang monitoring ng Provincial Environment and Management Office o PEMO sa Lake Sebu, South Cotabato. Ito ay kahit nalinis na sa mga illegal structures at water lilies ang malaking bahagi ng lawa.

Ayon kay PEMO Officer Seigfred Flaviano, layon nito na manatiling malinis ang parte ng lawa na tinggalan ng illegal structures. Ito ayon kay Flaviano ay habang nagpapatuloy din ang paglilinis sa ibang bahagi ng lawa.

Ayon kay Flaviano mahalaga ang tuloy tuloy na monitoring upang mapigilan ang muli na namang pagdami sa lawa ng mga water lilies. Layon nito na maiwasan ang fish kill na ikinalugi ng milyong piso ng mga fish cage operators sa lugar sa unang quarter ng kasalukuyang taon.

Ang malawakang clean up drive ay isa rin sa mga paraan para mapanatiling mataas ang tourist arrival sa Lake Sebu, na pangunahing tourist destination sa South Cotabato Ayon sa pinakahuling datus ng PEMO abot na sa 1,304 square meters ng lawa ang nalinis ng PEMO at local na pamahalaan ng Lake Sebu.



-0-





Nahaharap sa kasong paglabag sa Compehensive Dangerous Drugs Act ang isang umano’y tulak ng shabu sa bayan ng St. Nino, South Cotabato. Ang suspek ay naaresto ng mga kasapi ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA 12 sa Purok Bago,Barangay Ambalgan, Sto. Nino.

Kinilala ni PDEA 12 Regional Director Gil Cesario Castro ang suspek na si Nasser Kawit, 25 anyos, walang trabaho at nakatira din sa Ambalgan. Kinumpirma ni Castro na si Kawit ay matagal nang nasa drug wathclist ng PDEA 12.

Isinagawa ng PDEA ang anti illegal drug operation sa bahay ni Kawit sa bisa ng search warrant ng korte. Nakuha sa suspek ang isang malaki, at dalawang maliit na sachet ng suspected shabu. Ang mga ito ayon kay Castro ay nagkakahalaga ng mahigit P37,000.

Nakumpiska din ng mga ito sa suspek ang isang maliit na sachet ng may bakas ng umanoy shabu, at drug paraphernalia. Ang barangay Ambalgan sa Sto. Nino kung saan inaresto si Kawit ay kilalang bagsakan ng iligal na droga sa South Cotabato.



-0-




Mapapakinabangan na ng mga mamamayan ng South Cotabato at karatig lugar ang pinakabagong Animal Bite Centre sa lalawigan.

Ayon kay South Cotabato provincial Rabbies Focal Person John Codilla, ang pasilidad ay matatagpuan sa Allah Valley Community Hospital sa bayan ng Surallah.

Sinabi ni Codilla na ito ay bilang kabahagi ng pinaigting na kampanya kontra rabies sa South Cotabato ng Provincial Health Office.

Nabatid na sa ngayon abot sa 10 katao ang nasawi dahil sa rabies sa South Cotabato ngayomh taon Sa kabila nito ayon kay Codilla , target pa rin ng provincial health office na maideklarang rabies free ng World Health Organization ang lalawigan.

Umapela din si Codilla sa publiko na sakali mang makagat ng aso o anumang hayop na nagtataglay ng rabies agad na pumunta sa pinakamalapit na ospital o Animal Bite Centre.

Unang nagkaroon ng Animal Bite Centre ang South Cotabato Provincial Hospital sa Koronadal City.

Plano naman ng IPHO na malagyan din ng Animal Bite Centre ang iba pang ospital ng gobyerno sa lalawigan.




-0-



Nakinabang sa Balik Pinas, Balik Hanapbuhay Program o BPHB ng Overseas Workers Welfare Administration o OWWA 12 ang 26 na mga distressed Overseas Filipino Workers o OFW. Ang mga ito ay mula sa iba’t ibang lugar sa region 12.

Ayon kay OWWA 12 Officer In-charge Marlyn Jamero, ang programa ay bilang kabahagi ng reintegration program ng ahensya sa mga OFW. Umapela si Jamero sa mga benepisyaryo ng BPHB Livelihood Program na gamitin sa tama at palaguin ang tulong na ibinigay sa kanila ang ahensya.

Ang mge benepisyaryo ay isinailalim muna ng OWWA sa Financial Literacy, Basic Accounting at Business Plan Making, bago nabigyan ng kabuhayan starter kits.

Ayon kay Jamero layon nito na maturuan ang mga benepisyaryo sa pamamahala ng ng napili nilang kabuhayan.

Ang kabuhayan starter kits sa sari sari store, rice retailing, food processing, pagbebenta ng prutas, at pagaalaga ng mga hayop ay ibinigay sa OWWA Training Hall sa Koronadal City.

Ipinahayag ni Jamero na ang tig P20,000 BPHB livelihood Package ay napakinabangan na ng 154 na mga distressed OFW sa region 12.

Inilaan ang programa sa mga OFW na hindi natapos ang kanilang kontrata dahil sa pangaabuso at iba pang mga hindi maiiwasan na dahilan.

  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy