NDBC BIDA BALITA (7.17.17)

NDBC BALITA  • Mon Jul 17, 2017 08:19 AM  •  234   0
By NDBC NCA
  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy
NEWSCAST JULY 17, 2017 (MON)
7:00 AM
 

HEADLINES:
 

 1. MGA NASAWI sa Marawi city, abot na sa 537; mga bakwit, inabisuhang huwag munang umuwi.  

2. 600 ektarya ng taniman, nasira ng baha sa M’lang, North Cotabato  

3. REGIONAL OFFICE ng National Police Commission o Napolcom 12, itatayo sa Koronadal City.  

4 Taga Tupi, South |Cotabato, itinanghal na mutya ng lalawigan.

5. BBL, ipapasana kay P. Duterte ngayong araw


-0-


UMAABOT NA NGAYON sa 537 ang bilang ng mga nasawi sa nagpapatuloy na bakbakan sa Marawi City.      

Batay sa pinakahuling datos ng Armed Forces of the Philippines o AFP kahapon, sinabi ni AFP spokesperson Brig. Gen. Restituto Padilla na 93 sa bilang na ito ay mula sa hanay ng pamahalaan habang 399 naman sa mga nasawi ay sa panig ng mga terorista.  

Dagdag pa ni Padilla, pumalo na rin sa 45 mga sibilyan ang napatay sa walang tigil na bakbakan.   Habang mayroon namang 502 mga baril ang nakumpiska mula sa teroristang Maute Group.  

Ayon kay Padilla, sa 600 mga bahay at gusaling kailangang inspeksyunin ng military, 15 sa mga ito ang nasailalim na sa clearing operations.  

Kaugnay nito, kinumpirma ng Joint Task Force Marawi na nasa 60 mga dating pinagkukutaan ng teroristang Maute ang cleared na sa loob lamang ng 48 oras.   Pagtiyak naman ni Padilla, ginagamit ng mga sundalo ang kanilang buong lakas para malinis ang Marawi mula sa presensiya ng mga terorista.  


-0-


Samantala, nasa 300 mga sibilyan naman ang nawawala pa rin sa Marawi.  

 Sinabi ni Padilla na ang nasabing bilang ay base sa testimonya ng mga naghahanap na pamilya at record ng Marawi LGU sa mga nananatiling unaccounted individuals.  

Ayon kay Padilla, hindi pa batid kung ang nasabing mga sibilyan ay hostage, na-trap o nasawi sa battle zone.  

Kaugnay nito, muling nilinaw ni Padilla na hindi pa rin maaaring bumalik sa kanilang mga tahanan ang mga bakwit mula sa Marawi City.  

Aniya, prioridad ng gobyerno na masiguro ang kaligtasan ng bawat mamamayan kaya umaasa ang opisyal na mauunawaan ito ng mga nagsilikas na residente.  
Giit ni Padilla, magbibigay ang pamahalaan ng hudyat o ng abiso sakaling ligtas na muling manirahan sa lungsod ang mga nagsilikas na mga residente.  



-0-


ISUSUMITE NA mamayang hapon kay Pangulong Duterte ng Bangsamoro Transition Commission o BTC ang panukalang Bangsamoro Basic Law o BBL ng Moro Islamic Liberation Front o MILF.  

Pangungunahan ni BTC chair Ghazali Jaafar ang pagsusumite sa Pangulo ng final draft ng BBL sa isang simpleng seremonya mamaya sa Malacañang.   Sasaksihan din ni MILF chair Ebrahim Murad ang makasaysayang turnover ng panukalang BBL kay Duterte.  

Inaasahan naman ni Presidential Peace Adviser Jesus Dureza na matapos tanggapin ang BBL mula sa BTC ay agad itong tatalakayin sa Kongreso upang maging ganap na batas.  

Samantala, kumpyansa naman ang MILF na masertipikahan ng Pangulo bilang urgent bill ang kasalukuyang bersyon ng BBL upang mas tumaas ang tsansa nitong maisabatas ng Kongreso.  

Una rito, nangako si P. Duterte na hihilingin niya sa Kongreso na ipasa na ang panukalang batas, upang maitayo na agad ang Bangsamoro region.  

Ang panibagong bersyon ng BBL na isusumite ng BTC ay pangalawang draft na dahil ang una ay naisumite noong panahon pa ni dating Pangulong Aquino.   Nakalusot sa Senado at Kamara ang panukalang batas, ngunit hindi naman natalakay sa plenaryo.  

Naniniwala ang MILF na dahil pawang mga taga Mindanao ang pangulo, ang House Speaker at ang Senate President, ay mas malaki ang tsansa na maisabatas ang BBL dahil alam nila ang kasalukuyang suliranin ng bangsamoro sa Mindanao.


-0-


PATULOY NGAYONG tinutugis ng pinagsanib na pwersa ng mga sundalo, pulis at iba pang mga alagad ng batas ang sampung mga pugante mula sa Sulu Provincial Jail sa sa Jolo.  

Sinabi ni Sulu PNP director, Police Senior Supt. Mario Buyuccan na nakatakas ang sampu pasado ala una ng madaling araw kahapon.  

Ayon kay Buyuccan, tatlong mga preso ang napatay sa naturang jailbreak na kinilalang sina Julbig Alinjani, Budda Basali, at si Gummi Maimbung.  

Subject naman sa manhunt operation ang mga nakatakas na sina Makrim Habbisi, Alsimae Basali, Nasir Maldam, Albin Alibasa, Julhaber Sariol, Benjie Pandoga, Mustafa Sarapuddin, Haber Kasim, BenjaminBaker at si Tano Hadjula.  

Nabatid na abot sa 24 na iba pang mga preso ang nagtangkang tumakas ngunit napigilan sila ng mga guwardiya.  

Sinasabing posibleng may kinalaman ang Abu Sayyaf Group sa pagtakas ng naturang mga bilanggo.  

Posible namang masibak sa puwesto ang jail warden ng naturang bilangguan at ang mga jail guard dahil sa kapabayaan.


-0-


IIMBESTIGAHAN NA ng National Bureau of Investigation o NBI ang reklamong cyber bullying ng ilang mga kandidata sa nakalipas na Mutya ng Cotabato 2017.  

Mismong si Cotabato city Mayor Atty. Frances Cynthia Guiani-Sayadi ang sumulat sa NBI Cyber Crime Division  para humingi ng tulong kaugnay sa mga pambabanta at pananakot sa mga kandidata sa social media ng mga hinihinalaang mga miyembro at sympathizer ng mga teroristang grupo sa bansa.  

Sinabi naman ni NBI Cybercrime Division Director Atty. Dante Gierran na hindi nila na agad nilang aaksyunan ang reklamo.  

Nabatid na ang naturang pambu bully sa mga kandidata at maging ang pagpuna sa pamunuan ng City LGU ay naging mainit na usap-usapan sa social media, lalo na ng mga mamamayan ng lungsod.    

Labis naman ang pag-aalala ng alkalde sa seguridad ng mga kandidata at ipinangako nito na pananagutin ang mga taong nasa likod ng malisyosong pagpuna at mga pagbabanta sa mga kandidata.    

Mahaharap sa kasong House Bill 5718, or the “Anti Cyber-bullying Act of 2015, ang mga taong mapapatunayang guilty sa nasabing kaso.  


-0-



ARESTADO ng Parang PNP ang sampung mga lalaki, tatlong mga babae at dalawang mga menor de edad sa ikinasang anti-illegal drugs operation pasado alas singko ng hapon kamakalawa, sa barangay Poblacion Dos, Parang, Maguindanao.  

Kinilala ni Parang PNP chief, police chief Insp. Erwin Tabora ang mga nadakip na suspek na sina MAYRA MAMARINTA, 30 anyos, ALMA AMPATO, 41, MARY JANE BESILLOTE, 36,ALEJANDRO BESILLOTE, 57, RUEL BAULA 50, RYAN VALMES 35, JAMAIL ADAM 19, NELS0N BESILLOTE 37, JOEL AMB0NG 33, RABIAN0 BESILLOTE 40, ABDULLAH MAPUTE 18, PAISAL ZAIL0N 39, MATAN0G KANSI 39 at dalawang mga batang sadyang di pinangalanan.  

Sa ngayon nasa kustodiya na ng Parang PNP ang mga suspek habang inihahanda na ang kasong isasampa laban sa mga ito.   Samantala, arestado din ng Parang PNP ang mag-asawa matapos ireklamo ng mga empleyado ng Parang LGU dahil sa iligal na sugal.  

Kinilala ni Tabora ang mag-asawa na sina P0RPERIO ASIS, 55 at J0CELYN ASIS, 51 pawang mga taga barangay Poblacion Tres, Midsayap, North Cotabato.  

Ayon sa inisyal na pagsiyasat ng pulisya inireklamo ang mag asawa dahil sa sugal na bunot-bunot.  

Nakuha mula sa mag-asawa ang ibat-ibang gambling paraphernalia.


-0-



Minamadali na ng National Police Commission o Napolcom ang pagtatayo ng kanilang regional office sa Koronadal City.

Isinagawa ang signing ng Memorandum of Agreement sa pagitan ng lokal na pamahalaan at Napolcom kasabay ng ground breaking Ceremony sa Regional Center sa Barangay Carpenter Hill.

Ito ay pinangunahan mismo nina Napolcom Commissioner Atty. Rogelio Casurao at Koronadal City Mayor Peter Miguel.

Ayon kay Casurao panahon na para magkaroon sila ng sariling tanggapan sa region 12. Sinabi ni Casurao na ang regional office building ng Napolcom sa Koronadal ay pangatlo pa lamang sa buong bansa.

Ipinahayag ni Casurao na ang pagtatayo ng Napolcom 12 Office sa Koronadal ay bilang pagsunod na rin nila sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang Napolcom 12 ay ika 13 ahensya ng gobyerno na magtatayo ng tanggapan sa Regional Center sa Koronadal. Ang 1,650 square meter na gusali ay nagkakahalaga ng P16 million pesos.

Inaasahan na masisimulan ang konstruksyon nito sa Setyembre.


-0-


Saklaw ng ipatutupad na Comprehensive-Anti Smoking Ordinance hindi lamang ang mga taga Koronadal, kungdi pati na rin ng mga dayo.

Ito ay ayon kay Koronadal City Councilor at Sangguniang Panglungsod Committee on Health Chair Annabelle Pingoy.

Ayon kay Pingoy na siya ring pangunahing may akda sa ordinansa,ang mahuhuli na lumabag dito sa unang beses ay pagmumultahin ng P500, P1,000 sa ikalawang beses, P2,000 sa ikatlong beses.

Sinabi ni Pinggoy na ang mga lalabag dito sa ikaapat na beses pataas ay maaring mabilanggo ng hindi bababa sa anim na buwan depende sa desisyon ng korte. Ayon kay Pinggoy ang mga menor de edad naman na mahuhuling naninigarilyo ay ibibigay sa city social worker para mabigyan ng kaukulang aksyon.

Sinabi ni Pinggoy na paguusapan pa ng Health Committee ng konseho kung kelan pormal na ilulunsad ang Comprehensive-Anti Smoking Ordinance ng Koronadal.



-0-


Naniniwala ang 17 anyos na si Camille Folio sa magkakapantay na estdado sa lipunan ng mga kababaihan at kalalakihan.

Ito ang dahilan kung bakit ayon kay Folio pangarap nitong maging pulis para patunayan na kaya rin ng mga babae ang mundo na para sa nakararami ay para lamang sa mga lalaki.

Ang pahayag na ito ni Folio sa final round ng question and answer portion ang pinaniniwalaang nagpanalo sa kanya sa Search for Mutya ng South Cotabato 2017.

Si Folio na Candidate number 15 at pambato ng bayan ng Tupi ay crowd favorite sa pagsisimula pa lamang ng beauty pageant kagabi na tumagal ng dalawang oras.

Hinakot din ni Folio ang mga minor awards na Best in T’nalak Casual Couture, Best in Swimsuit, Best in Evening Gown at Best in Interview.

Tinanghal naman na First Runner Up si Candidate Number 1 Trixie Ann Maureen Manila ng bayan ng Banga, 2nd Runner Up si Candidate number 2 Nicy Quirab ng Department of Public Works and Highways, 3rd Runner Up si Candidate number 14 Jenny Rose Purisima ng Surallah at 4th Runner Up ang pambato ng T’boli na si Candidate number 11 Godezza Jean Guitones na nakuha rin ang special award na Miss Photogenic.

Miss Friendship naman si Candidate number 3 Gaysha Lee Simbron ng Tampakan, habang Tinalak Casual Couture Best Designer naman si Archie Castillo na ang obra ay isinuot ni Candidate number 7 Yazarri Rein Par ng FB Hotel.

Naging host naman ng beauty pageant ang actor na si Marco Alcaraz at Misis nitong si Miss International 2005 Precious Lara Quigaman.

Kabilang naman sa naging hurado sina Department of Tourism 12 Regional Director Nelly Nita Dillera at Miss Earth 2014 Jaime Herrell.

Ang Search for Mutya ng South Cotabato ay isa sa pinakaabangang aktibidad sa isang linggong 18th T’nalak Festival at 51st Foundation Anniversary ng lalawigan.


-0-



Simula July 20 mamimigay ng Identification Card o ID ang lokal na pamahalaan ng Koronadal sa tuwing Martes at Huwebes.

Ayon kay City Mayor Peter Miguel, layon nito na madaling makilala ang mga mamamayan na nasa kalye sa tuwing curfew hours.

Ipinahayag ng alkalde na mabibigyan lamang ng ID ng city government ang makapagpapakita ng sertipikasyon mula sa kanilang barangay.

Nilinaw ni Miguel na ang resident ID na ipinamimigay ng Koronadal City LGU ay maari lamang gamitin sa lungsod at maaring hindi ito kilalanin sa pakikipagtransakyon sa ibang ahensya ng gobyerno.

Matatandaan na sinimulan ng lokal na pamahalaan ang pamimigay ng resident ID kasunod ng pagpapatupad ng curfew hours sa Koronadal.

Marami kasi sa mga nasita na lumabag sa curfew ay walang maipakitang ID sa mga pulis.



-0-


Ideneklara ng Malakanyang na Special Non Working Holiday bukas July 18 sa lalawigan ng South Cotabato.

Ibig sabihin nito, walang pasok sa lahat ng tanggapan ng gobyerno at pribadong sektor sa buong lalawigan.

Layon nito na mabigyan ng pagkakataon ang mga mamamayan na makisaya sa 18th T’nalak Festival at 51st Foundation Anniversary ng South Cotabato.

Kaugnay nito, umaapela naman si South Cotabato Governor Daisy Avance Fuentes sa mga mamamayan ng lalawigan at karatig lugar na makisaya sa selebrasyon.

Hiling lamang nito sa publiko maging alerto at huwag kaligtaan magdala ng ID dahil sa No ID No Entry Policy sa mga lugar na pagdausan ng aktibidad may kaugnayan sa selebrasyon.

Pinaalalahanan din ng gobernador ang mga manonood na iwasan na magdala ng backp up o malalaking bag para di na maabala pa sa inspeksyon ng mga otoridad.

Sinabi ni Fuentes na umpisa alas singko ngayong hapon, isasara na rin sa trapiko ang kahabahaan ng Alunan Avenue sa Koronadal City.

Ito ay upang mabigyan ng pagkakataon ang mga mamamayan na masilayan ang mga produkto na nakadisplay sa bahay kubo ng labinsang local government unit.

Sisimulan ang pagdiriwang bukas sa pamamagitan ng street dancing competition sa mga pangunahing kalye ng Koronadal.

Ipinatutupad ang non-working Holiday tuwing July 18 sa South Cotabato sa bisa ng Republic Act number 9654 na nilagdaan noon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.




-0-



DAHIL sa matinding kasiraang idinulot ng mga pagbaha sa bayan ng M’lang, North Cotabato, inirekomenda ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council o MDRRM at ng Municipal Agriculturist Office o MAO na isailalim sa ‘state of calamity’ ang lugar.

Batay sa monitoring at evaluation ng naturang mga opisina, abot sa anim na raang ektarya ng taniman ang winasak ng baha nang magtuluy-tuloy ang mga pag-ulan nito’ng nakalipas na ilang araw.

Partikular na binaha ang mga barangay ng New Antique, Lika, Inas, Buayan, Dungoan, Dugong at Barangay Dalipe.

Ayon sa MDRRMC, naisumete na nila sa Sangguniang Bayan ang kanilang rekomendasyon na ideklarang ‘under state of calamity’ ang M’lang.

Habang ‘di pa naipalalabas ang bahagi ng calamity fund, nakapamahagi na ng libreng palay seedling ang M’lang LGU para tulungan ang mga magsasaka umahon mula sa hagupit ng naturang kalamidad.
Karamihan kasi sa mga binaha ay ang mga palayan na kakaumpisa pa lamang sa pagtatanim. NDBC BIDA BALITA



-0

Ang sayaw na, “Samba”, at hindi, “Boogie Woogie”, ang gusto’ng sungkitin ng Kidapawan City LGU ngayong Pebrero. Target ng city government ang higit 20 libong mga sasayaw ng, ‘Samba’, para mai-deklara na may pinakamaraming nagsayaw nito sa iisang ‘setting’ sa national highway ng Kidapawan City na may habang limang kilometro.  
Ang dance floor ay magmumula sa Landmark hanggang sa harapang bahagi ng opisina ng DPWH Cotabato first engineering district sa may Barangay Lanao. 
 Ang Samba ay isang Brazilian dance na may African origin. Positibo ang city LGU na makuha ang target. Kung noon kinaya ng city LGU na mapasayaw ang may kinse mil na dami ng mga Cha-Cha-Cha dancers, ngayong Pebrero 2017, ay tiyak, kakayanin rin nila ang abot sa 20 libo na mga Samba dancers. 
 Target ng city LGU na hikayatin ang mga public school, mga opisina ng gubyerno at pribadong mga grupo na sumali sa attempt nito na maitala ang Guinness Book of World Record na, “World’s Largest Samba Dance.” Sa ngayon, ang Kidapawan City ang holder ng record ng Guinness Books na, “World’s Largest Cha-Cha-Cha” dance na ginawa noong August 2016. NDBC BIDA BALITA
-0-


SA ISANG resolusyon na ipinasa ng Sangguniang Panglungsod ng Kidapawan noong Huwebes, idineklara ng mga mambabatas ang mga traffic enforcers mula sa regional office ng Land Transportation Office o LTO 12 na ‘persona non grata’.

 Ang ‘persona non grata’ ay salitang Latin na ang ibig sabihin sa wikang English ay, “person not appreciated.” Ang may-akda ng naturang resolusyon ay si former trial court judge-turned Kidapawan City councilor na si Francis Palmones.

Sa resolusyon, pinagbabawalan na ang mga LTO 12 personnel makapag-operate sa lungsod. Pinadi-deklara naman ni Kidapawan City councilor Ruby Padilla-Sison na, ‘persona non grata’ ang naturang mga traffic personnel.

Ang pinapayagan lamang sa Kidapawan City, ayon sa Sanggunian, ay mga personnel ng LTO sa North Cotabato at mula sa Traffic Management Unit ng Kidapawan City LGU. Sinuportahan naman ng buong Sanggunian ang naturang resolusyon.

NAG-UGAT ang resolusyon nang ibunyag ni presiding officer at City Vice-Mayor Bernardo Pinol, Jr., ang umano ‘di magandang sistema ng LTO 12 sa paghuli nila ng mga traffic violators, lalo na mga passenger van na byaheng Kidapawan-Davao at vice-versa.

Umaangal na raw kasi ang mga van driver at operator sa laki ng kanilang penalty sa bawat traffic violation nila. Ang pinakahuling operasyon ng LTO 12 sa Kidapawan City ay noong unang linggo nito’ng buwan ng Hulyo. 


-0-

MAGING si Bai Era Espana ng National Commission on Indigenous Peoples o NCIP sa Region 12 ay nagpatotoo na mga Ubo-Manobo ang mga unang tao na namuhay sa malawak na sakop noon ng Kidapawan.

Katunayan, ang unang appointed mayor ng Kidapawan ay si Datu Ingkal Siawan na isang pure bloodied Ubo-Manobo. Sakop ng teritoryo noon ni Datu Siawan ang mga bayan ng Magpet, Upper President Roxas, at bahagi ng Arakan Valley sa lalawigan ng Cotabato.

Pumasok lamang ang mga Moro sa teritoryo ng mga Ubo-Manobo noong panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig – kung saan ang Pilipinas, kasama na rito ang Mindanao, ay sinakop ng mga dayuhan.

Ginawa ni Bai Era ang paglilinaw para itama ang umano ilang maling impormasyon patungkol sa kasaysayan ng Kidapawan. Si Bai Era ang itinalaga bilang ethnographic commissioner ng NCIP sa rehiyon dose at sa lalawigan ng Maguindanao.

NGAYONG August 18, 2017, itatampok sa 70th foundation day celebrations ng Kidapawan ang mayamang kultura at kasaysayan ng mga lumad, partikular ng mga Ubo-Manobo.

Kaya’t bago pa raw kumalat ang maling impormasyon, mismong si Bai Era na ang nagbahagi sa publiko ng kasaysayan ng kanilang tribo, base sa salaysay naman ni Apo Salomai – ang itinuturing nilang, ‘historian’.

Ang mga kwento’ng tulad nito, ayon kay Bai Era, ay bahagi lamang ng kanilang ‘bedtime stories’ noong hindi pa uso ang telebisyon, komiks, at internet.

 
  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy