NDBC BIDA BALITA (8.10.17)

NDBC BALITA  • Thu Aug 10, 2017 09:12 AM  •  221   0
By NDBC NCA
  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy
NEWSCAST AUGUST 10, 2017 (THU)
7:00 AM
 

HEADLINES:
 

1. APAT na bihag ng Maute Terror Group, nakatakas at naisalba ng militar sa Marawi City.  

2. LALAKING may kasong illegal possession of guns at drugs, sugatan sa pamamaril.

3. PUNONG Barangay, patay sa pamamaril ng riding  tandem sa Koronadal City; lalaki patay din sa pamamaril.

4. Sa Koronadal, maraming colorum na tricycle, franchising pinalalakas




-0-


NASAGIP ng militar ang apat pang mga sibilyan na binihag ng teroristang Maute group sa main battle zone sa Marawi City.  

Sinabi ni Joint Task Force Marawi spokesperson Capt. Jo-Ann Petinglay na ang apat ay na-rescue sa paligid ng Lake Lanao kung saan tatlo rito ay galing sa Zamboanga City habang ang isa ay galing sa Iligan City.  

Natagpuan ang apat na bihag dahil na rin sa pakikipagtulungan ng isa sa asawa ng apat na bihag sa Philippine Navy sa Zamboanga at Joint Task Force Marawi.  

May mga sugat ang mga nasagip na bihag kaya agad silang dinala sa Philippine Army Headquarters at agad na nilapatan ng lunas at pagkatapos ay isasailalim din ang mga ito sa debriefing.  

Samantala, kaugnay naman ng mga bagong banta ng terorismo mula sa international terrorist network na Islamic State of Iraq and Syria o ISIS sa iba pang bahagi ng Mindanao, hiniling ni Manila 1st District Rep. Manuel Lopez kay Pangulong Duterte na i-certify bilang urgent ang House Bill No. 5382 o Terrorism Threat Deterrence Act of 2017 na kanyang inakda.  

Ayon kay Lopez, malaki ang maitutulong ng pagpasa ng panukala bilang batas para mahadlangan ang paggamit ng internet o social media at prepaid mobile phone ng mga terorista para sa kanilang komunikasyon, propaganda at psy-war operations laban sa tropa ng pamahalaan na ginawa nila sa Marawi.  

Nabatid na halos umabot na sa 680 katao ang mga nasawi sa nagpapatuloy na kaguluhan sa Marawi kabilang ang mahigit sa 500 mga miembro ng Maute Terror Group.   Abot naman sa 122 ang bilang ng mga sundalong namamatay sa bakbakan doon.  



-0-


NAGPADALA ng mahigit 200 mga bagong assault rifle ang Camp Crame sa PNP 12 para palakasin pa ang kampanya ng pulisya sa rehiyon laban sa terorismo.  

Sinabi ni PNP 12 Director, Police Chief Supt. Cedrick Train na dalawang daang mga Norinco 5.56 M-16 armalite rifle at isang 7.62 caliber Dragunov sniper rifle ang kanilang natanggap at nakatakdang ipamahagi sa mga kapulisan sa rehiyon.  

Kaugnay nito ay nagpapasalamat naman si Train sa PNP national headquarters dahil sa dagdag na mga armas na aniya ay lubos na makakatulong sa mga pulis para labanan ang mga masasamang-loob.  

Nabatid na kabilang sa mga ipinadala para sa PNP 12 ang mga bullet reloading machine para sa mga himpilan ng pulsiya sa Tacurong city, Koronadal city at Kidapawan city.  

Ayon kay Train, tumanggap din sila ng 77 libong rounds ng mga bala para sa mga bagong dating na baril.

Sakop ng PNP 12 ang mga probinsya ng North Cotabato, Sultan Kudarat, South Cotabato at Sarangani province kabilang naman ang mga syudad ng General Santos City, Koronadal, Cotabato, Kidapawan, at Tacurong.  


-0-


BANTAY-SARADO ng mga elemento ng Datu Odin Sinsuat PNP ang isang drug suspect na kasalukuyang ginagamot sa isang ospital sa Cotabato city.  

Sinabi ni DOS PNP chief, police chief Insp. Achmad Alibonga na may nakabinbing warrant of arrest ang suspek na si Tong Lidasan Dada alyas Udtog Mario at Thong, 36 anyos, may-asawa at taga Datu Kiram, DOS.  

Ang naturang warrant of arrest ay inisyu kahapon ni RTC Branch 15 Acting Judge Alexandrex Betoya laban sa suspek.  

Ayon sa report ng DOS PNP, nabaril si Dada sa Shariff Aguak, kamakailan.  

Ayon kay Alibonga, agad nilang ililipat sa kanilang detention cell ang suspek kapag tuluyan na itong gumaling.



-0-




Binigyan ng tig-iisang milyong piso ng isang pilantropo ang pamilya ng mga nasawing sundalo na namatay sa pakikipagpalaban sa Maute group sa Marawi City.  

Sinabi ni AFP Public information Office chief Edgard Arevalo na ang nag-iisang pilantropo na ayaw magpakilala ay nakapagbigay ng 98 milyong piso o tig isang milyong piso sa bawat isa sa pamilya ng sundalong Killed-in-Action.  

Mula sa P98 milyon na donasyon, lima ang nakatanggap ng tseke sa ginawang ceremonial turnover na pinangunahan ni AFP Chief of Staff Gen. Eduardo Año kahapon.  

Nauna na rin nabigyan ni Gen. Año noong nakaraang linggo ang nasabing halaga ng tseke sa pamilya ng tatlong fallen heroes sa Marawi nang bumisita siya sa 4th Infantry Division headquarters sa Camp Evangelista sa Cagayan de Oro City.  

Ang natitira 90 milyong piso ay itu-turn over sa Major services para sa distribusyon sa iba pang benepisyaryo.  

Ang nasabing donasyon ay idineposit sa account name ng AFP Marawi casualty sa Landbank of the Philippines na binuksan noong Hunyo para sa mga nagnanais na tumulong sa pamilya ng mga nasawing sundalo.  


-0-


Sa kaugnay na balita…………  
Nasa 30 mga miyembro naman ng Ulama ang nakipagpulong sa mga lider ng AFP upang talakayin ang problema ng Internally Displaced Person’s o IDPs mula sa Marawi City.  

Kabilang sa nakipagpulong kay Western Mindanao Command commander Lt. Gen. Carlito Galvez, Jr., sina Vice-Governor Mamintal Adiong, Asemblyman Zia Alonto Adiong at ang mga tinatawag na ‘pillars’ of Marawi.  

Tumagal ng halos dalawang oras ang nasabing pagpupulong.   Napagkasunduan naman ng Ulama Council na magdeklara ng ‘fatwa’ na kumokondena sa ‘barbaric actions’ ng mga terorista.  

Naniniwala naman ang mga Ulama na hindi lamang sa Mindanao ang problema ng terorismo kundi sa buong mundo.  


-0-


ITINUTURING ng Maguindanao Provincial Government bilang Buwan ng Pasasalamat ang buwan na ito ng Agosto.  

Kaya naman sunod-sunod ang gagawing mga medical mission at outreach projects ng People’s Medical Team at Task Force Maguindanao ngayong buwan.  

Sinabi ng kanilang team leader na si Lynette Estandarte na kahapon, August 9, ay namahagi sila ng mga school bag at learning tools sa mahigit 600 mga batang residente ng Lower Taviran at Dadtumeg, Kabuntalan, Maguindanao.  

Nagsagawa rin sila ng feeding program para sa naturang mga kabataan.  

Ngayong araw naman aniya, tutungo sila ng Barangay Gadungan, Parang para sa gagawing Medical Mission.  

Samantala, sa August 15 ay magsasagawa rin ang grupo ng medical mission at rehabilitasyon ng Pedsalinggian Elementary School kasama ang Army’s 40th Infantry Battalion, Moro Islamic Liberation Front, mga barangay official at Parents-Teachers Association ng paaralan.
   

Mamimigay din ang Task Force Maguindanao ng 500 tsinelas para sa mga mag-aaral ng naturang eskwelahan at magkakaroon pa ng feeding program.   Sabi ni Estandarte, mayroon ding tree planting na gagawin sa nasabing araw.  

Sa August 16 ay gaganapin naman ang medical mission sa Barangay Tubak, Ampatuan habang sa August 17 naman ang medical mission sa Pagalungan Bago naman magtapos ang buwan ay mayroon pang medical mission sa mga barangay ng Looy, Kuya, Pandan, Kigan at Romonggaob sa South Upi sa August 28-30.  

Ang naturang mga aktibidad ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ni Maguindanao Governor Toto Mangudadatu na maabot ng serbisyo ng gobyerno ang mga malalayo at liblib na mga barangay sa probinsya.  


-0-



Magsasalita lamang ng pambansang wika na Filipino sa kanilang sesyon ang mga myembro ng Sangguniang Panlalawigan ng South Cotabato.

Ito ang ipinahayag ni South Cotabato Vice Governor at SP Presiding Officer Vicente “Vic” De Jesus. Ayon kay De Jesus, ito ay bilang pakikiisa na rin ng konseho sa pagdiriwang ng buwan ng Wika ngayong Agosto.

Binigyan diin ni De Jesus na mariing ipatutupad ang paggamit ng Filipino sa session ng SP lalong lalo na sa linggo ng Wika.

Nabatid na bawat salitang banyaga ng sinumang myembro ng SP sa kanilang session ngayong buwan ay may katumbas na P500 na multa.

Maliban sa pagagamit ng salitang Filipino, inaasahang din ang pagsusuot ng mga myembro ng SP ng Filipiniana attire sa kanilang mga sesyon ngayong Agosto.



-0-

Hindi na makapagbagong buhay ang isang umano’y drug personality na sumuko noon sa Oplan Tokhang ng mga pulis sa Koronadal City.

Ito ay matapos mabiktima ng pamamaril sa kanila mismong lugar sa Purok Ilang Ilang Barangay New Pangasinan sa lungsod. Kinilala ng ina nito na si Esperanza Cabrido ang biktima na si Clero Cabrido, walang trabaho, 51 anyos.

Palaisipan naman ngayon sa ina kung sino ang mga suspek at ano ang motibo ng mga ito sa pagpatay sa kanyang anak.

Ayon kay Esperanza wala itong alam na may nagbabanta sa buhay ng biktima. Kinumpirma nito sa Radyo bida na ang biktimang si Clero ay sumuko na noon sa Oplang Tokhang ng PNP.

Narekober ng mga pulis sa crime scene ang hindi bababa sa walong basyo ng di pa matukoy na armas. Ang biktimang si Clero ay nasawi matapos barilin ng riding tandem na mga suspek sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan.

Hindi pa batid ng mga pulis ang pagkakakilanlan ng mga salarin at motibo ng mga ito sa pagpatay sa biktima

Binaril si Clero ilang oras matapos paslangin ng riding tandem na suspek sa katabing barangay ng Rotonda si Topland, Koronadal City Punong Barangay Baltazar Bermi kahapon.



-0-




Nagluluksa ngayon ang mga mamamayan ng isang barangay sa Koronadal City kasunod ng pagkakapaslang sa kanilang Punong Barangay kahapon.

Dead on the spot si Barangay Topland Chairman Baltazar Bermil 58 anyos nang pagbabarilin sa Purok Garcia, Barangay Rotonda, Koronadal .

Ang biktima ay binaril ng dalawang suspek na nakasakay din ng dalawang motorsiklo habang minamaneho ang barangay service vehicle patungong Koronadal Proper.

Si Bermil ay nakatakda sanang makipagkita sa City Local Government Operations Officer o CLGOO ng Koronadal para linawin na hindi siya sangkot sa iligal na droga.

Matatandaan na siyam na makakamag-anak ang naaresto sa anti illegal drug operation ng mga pulis sa barangay ng pinaslang na kapitan noong nakaraang linggo.

Gayunpaman wala pang opisyal na pahayag sa motibo ng krimen ang Koronadal City PNP.

Si Bermil ay nasawi dahil sa apat na tama ng bala ng di pa tukoy na armas sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan.

Sugatan din ang kasama nitong pinsan at BPAT member na si Nida Parcon, 62 anyos na nagpapagaling pa sa isang pribadong ospital sa Koronadal City.

Nanawagan naman ang mga constituents ni Bermil sa mga saksi sa krimen na magsumbong sa mga otoridad para makamit ang hustisya sa biktima.



-0-


Naghihintay ang P100,000 na halaga sa sinumang makapagtuturo sa mga suspek na pumatay sa mamamahayag na si Leodegoro “Leo” Diaz ng President Quirino, Sultan Kudarat.

Ayon kay Sultan Kudarat PNP Provincial Director Police Senior Superintendent Raul Supiter, ang pabuya ay inilaan ng lokal na pamahalaan ng President Quirino.

Umaasa si Supiter na sa pamamagitan nito ay mapapabilis pa ang pagaresto ng mga otoridad sa mga salarin.

Kinumpirma ni Supiter na isang lingo bago pinaslang nakatanggap na ng pagbabanta sa kanyang cellphone si Diaz.

Ayon sa police official lahat ng mga anggulong posibleng motibo sa pagbaril sa biktima ay tinitingnan ng PNP.

Umapela naman si Supiter sa mga saksi sa krimen na huwag matakot at magsumbong sa mga otoridad.

Ipinahayag ng police official na marami kasing insidente ng pamamaril sa bahagi ng Kalanawi II, President Quirino kung saan pinaslang si Diaz ang hindi pa rin nareresolba dahil sa kawalan ng saksi.

Matatandaan na si Diaz na kolumnista ng isang pahayagan ay agarang binawian ng buhay matapos barilin ng riding tandem na suspek noong Lunes ng umaga.



-0-


Magbukas ng bagong prankesa para legal na makapagbiyahe sa lungsod. Ito ang hiling sa lokal na pamahalaan ng mga operators at driver ng mga colorum na tricyle sa Koronadal City.

Ayon kay Koronadal City Council at Committee on Transportation Chair Mark Lapidez, ito ay bunsod ng sunod sunod na operasyon laban sa mga colorum na tricyle ng City Traffic Office.

Sinabi ni Lapidez na sa ngayon ay abot na sa mahigit 1000 ang colorum na mga tricyle sa Koronadal City.

Para maresolba ang problema, ipinatawag ng Committee on Transportation ng konseho ang mga driver at operators ng colorum na mga tricyle sa lungsod.

Ito ay upang maipaliwanag sa kanila kung bakit hindi pa maaring magbukas ng bagong prankisa ang LGU Nilinaw ni Lapidez na hind pa na-aplayan ng mga tricyle operators at driver ang lahat na prankisa na binuksan noong 2013 kaya hindi pa maaring makapagbukas ng panibagong prankisa ang city government.


-0-


Blangko pa ngayon ang Kidapawan City PNP sa motibo sa pagpatay sa isang cell phone merchandiser na kinilalang si Eric Salaysay, 24-anyos na residente ng Talisay Street ng siyudad.

Batay sa ulat, naglalakad lamang ang biktima malapit sa Our Lady of Mediatrix Cathedral ng lungsod bago mag-alas 9:00 ng umaga kahapon ng paslangin ng di pa nakilalang gunman.

Sinabi ng ka-live-in nito na si Arlene Edris na galing pa ng kanyang pinagtatrabahuan sa overland terminal ang biktima bago nangyari ang insidente.

Wala naman umanong nakalaban o naka-away ang common law husband nito na magiging dahilan sa pagpaslang sa kanya.

Sa ngayon, patuloy pa ang ginagawang imbestigasiyon ng Kidapawan City PNP para alamin ang motibo sa Krimen.

Ito na ang ikalawang insidente ng pamamaril at pagpatay sa lungsod sa pagpasok ng buwan ng Agosto.

Ang una ay ang isang matador na kinilalang si John Rey Sandigan na binaril sa Phase 1, Apo Sandawa, alas 9:00 ng umaga noong Agosto 1. Ang biktima ay residente ng Purok Mahayahay, Makilala, North Cotabato.

Noong July 28, isa ring Van dispatcher ang nilikida sa gilid ng highway sa Barangay Lanao.

Kinilala ito na si Diosdado Balocos, alias Patani, 30, ng Purok 4 sa Barangay Lanao.

Sa Crime Watch Monitoring ng DXND-Radyo BIDa ito na ang ika-25 kaso ng insidente ng pamamaril sa Kidapawan City sa pagpasok ng ikatlong quarter ng taon.

Una ng sinabi ni Kidapawan city Mayor Joseph Evangelista na aminado siyang mataas ang kaso ng pamamaril sa lungsod ngayon, pero kanya na itong pinatutukan sa mga pulisya.  




-0-0  



Matapos na lagdaan ni Kidapawan City Mayor Joseph Arellano Evangelista ang pagbuo ng Task Force Kidapawan ay agad itong ilulunsad sa Agosto a-14 sa city gym ng siyudad.

Layon nito na palakasin ang seguridad sa Kidapawan City kontra kriminalidad at malabanan ang terorismo maliban pa sa pagtugon ng mga natural at man-made calamities.

Si Lt. Col Noel Luoang, ang mamumuno ng Task group Kidapawan kungsaan ito ay kinabibilangan ng mga piling sundalo mula sa 39th Infantry Battalion at 72nd Infantry Battalion Philippine Army.

Ayon sa Alkalde, isang mobile patrol at walong tricabs ang ibibigay ng LGU kasama na dito ang communication equipment na kinakailangan sa operasyon.

Ipapakalat ang mga kasapi ng Task Group sa mga highway checkpoint sa Brgy. Sudapin, Paco, Kalaisan at Singao. Habang ang dating kampo ng Task Group North Cotabato sa Brgy Binoligan ang gagawing headquarters ng TG Kidapawan.

Ang pagbuo ng Task Group ay una ng isinulong noong 2014 ng Punong ehekutibo sa pamamagitan ng City Peace and Order Council resolution.

Muli itong binuhay ngayon dahil na rin sa banta sa seguridad sa lungsod matapos ang sunod-sunod na mga patayin na ikinaalarma na ng maraming residente.




-0-    



Abot sa 100 mga bahay ang nakatakdang ipatayo sa Barangay Tamped sa bayan ng Kabacan, North Cotabato sa pagpasok ng taong 2018.

Ito ang tiniyak ng pamahalaang lokal ng bayan matapos ang inilatag na pag-do-dokumento sa lugar ng Municipal Planning and Development Office at Municipal Engineering katuwang ang National Housing Authority.

Ayon kay Kabacan Mayor Herlo Guzman Jr., ito ay upang mabigyan ng desente at komportableng bahay ang mga Indigenous People sa bayan.

Ang Barangay Tamped ay isa sa mga malayong barangay ng Kabacan at kinakailangang sumakay ng Bangka ng ilang oras para maabot ito.

Wala ring serbisyo ng Kuryente ang nasabing lugar mula sa COTELCO pero sa ngayon ay may ilaw na ang mga residente dahil sa Solar Project ng DOE at LGU Kabacan.

Bukod sa nabanggit ay ginagamit at tinatamasa na rin ngayon ng residente sa lugar ang SALIN-TUBIG o Sagana at ligtas na tubig na proyekto mula sa DILG-BUB.



-0-      


Puspusan na ang paghahanda ngayon ng pamunuan ng DXND-RADYO BIDA Kidapawan kaugnay sa nalalapit na pagdiriwang ng ika-53 taong anibersaryo ng himpilan.

Ayon kay Station Manager Grace Vergara Tanghal, tatlong mga civic project ang ilulunsad ng himpilan. Kabilang na dito ang ‘Dugo Mo, Kinabuhi Ko’, a bloodletting activity sa pakikipagtulungan ng Kidapawan City Blood Bank sa August 23 mula alas 7:00 ng umaga na gagawin sa DXND compound.

Sa kapareho ding araw ay gagawin din ang ‘Free Legal Consultation’ katuwang ang Integrated Bar of the Philippines o IBP North Cotabato Chapter at ang PPSC.

Sa mismong araw ng anibersaryo sa August 22 ay aasahan ang mga pakulo sa ere at papremyong hatid ng himpilan at ang ‘Free Dog at Cat Vaccination’ (anti-rabies) sa pakikipagtulungan ng Provincial Veterinary Office. Ngayon pa lamang, sa mga gustong mag-donate ng Dugo ay pwede ng sumadya sa himpilan para magpatala.

Ang iyong DXND-Radyo BIDA ay malayo na ang tinahak at patuloy na humaharap sa hamon ng buhay, simula ng ito ay unang sumahimpapawid noong 1964.

Ito na ang naging sandigan at pinagkakatiwalaan ng mas maraming mamamayan sa paghatid ng mga balita, special coverage, maiinit na talakayan at naging takbuhan ng sambayanan na uhaw sa katarungan at higit sa lahat Bida sa serbisyo publiko.

Kaya naman ang tema ng selebrasiyon ng himpilang ito ngayong taon ay nakatutuk sa: DXND-RADYO BIDA, Mas gipalig-on nga serbisyo publiko sa pagsaulog sa ika-singkwenta’y tres nga anibersaryo.    



-0-    



Isang 33-anyos na magsasaka ang panibagong biktima ng pamamaril sa Purok Tagumpay, Brgy. Marbel sa bayan ng Matalam, North Cotabato alas 3:20 kahapon ng hapon.

Kinilala ang biktima na si Abdulkarim Daginday Unsil, 33-anyos, may asawa at residente ng nabanggit na lugar.

Batay sa ulat ng Matalam PNP, pinagbabaril ang biktima ng di pa nakilalang suspek.

Nagtamo ang biktima ng tama ng bala sa kaliwang paa at kamay nito dahilan para maisugod sa Babol General Hospital at kalaunan ay inilipat din sa Cotabato Provincial Hospital sa Amas, Kidapawan City.

Ang biktima ay naka-pag piyansa matapos na inaresto dahil sa kasong illegal na droga at illegal possession of firearms.

Sa ngayon patuloy pa ang ginagawang imbestigasyon upang alamin ang motibo at matukoy ang suspek sa krimen.
  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy