NDBC BIDA BALITA (8.11.17)

NDBC BALITA  • Fri Aug 11, 2017 09:11 AM  •  111   0
By NDBC NCA
  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy
NEWSCAST AUGUST 11, 2017 (FRI)
7:00 AM
 

HEADLINES:
 

1. P300,000 pabuya sa makapagtuturo ng pumatay sa reporter sa Sultan Kudarat

2. MOTIBO sa pagbaril sa isang negosyante sa Banisilan, North Cotabato, palaisipan pa rin sa PNP  

3. Task Group para sa imbestigasyon ng pinaslang na Punong Barangay sa Koronadal city, bubuuhin, ayon sa PNP

4. Oplan Bitag Sasakyan sa Kidapawan, 200 motorsiklo nakumpiska 




-0-


NAGLAAN NA RIN ng 200 LIBONG PISONG cash reward si Sultan Kudarat Governor Pax Mangudadatu sa makapagtuturo sa mga responsable sa pagpatay sa kolumnistang si Leo Diaz sa President Quirino, Sultan Kudarat.  

Bukod pa ito sa isang daang libong pisong alok na pabuya ng lokal na pamahalaan ng President Quirino.   Sinabi ni Sultan Kudarat PNP Director Sr. Supt Raul Supiter na pursigido ang Sultan Kudarat provincial government at President Quirino LGU na madakip at mapanagot ang mga salarin.  

Kaugnay nito, nanawagan naman si Supiter sa lahat ng mga nakasaksi sa insidente na lumantad at makipagtulungan sa mga otoridad para mas mabilis na malutas ang naturang kaso.  

Napag-alaman na hanggang ngayon kasi ay hirap ang pulisya na matukoy ang mga suspek at ang motibo ng mga ito sa pagbaril at pagpatay sa biktima dahil sa kawalan ng mga testigo at matibay na mga ebidensya.

Samantala, naniniwala naman ang pamilya ni Diaz na posibleng may kinalaman sa trabaho ang pagpatay sa biktima.  

Si Leo Diaz ay kilala kasing hard-hitting tabloid columnist na binabangga ang ilang mga politiko sa kanilang lugar.  

Isa rin siyang volunteer reporter sa isang radio station sa Cotabato City na naka-base sa lalawigan Sultan Kudarat at mga kalapit na bayan nito.  

Matatandaang, dead on the spot si Diaz matapos pagbabarilin ng riding tandem criminals gamit ang cal. 45 pistol habang sakay ng kanyang motorsiklo patungong Tacurong City.  

Sugatan naman ang dalawang mga angkas nito.


-0-



KALABOSO ang maglive-in partner matapos matimbog sa inilatag na buy bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA ARMM at Parang PNP sa Parang, Maguindanao.  

Kinilala ni PDEA ARMM Director Juvenal Azurin ang mga suspek na sina Richard Besana, 39 years old at live-in partner nito na si Johara Dizo, 23 anyos.  

Huli sa aktong nagbebenta ng shabu ang dalawa matapos magpanggap na buyer ang isang PDEA agent kamakalawa.   Nakumpiska mula sa kanila ang isang fragmentation grenade, cal. 45 pistol, shabu at drug paraphernalia.  

Nabatid na pinagbebentahan rin ng dalawa ang mga high school student sa nasabing bayan.  

Sina Besana at Dizo ay mahaharap sa kasong may kaugnayan sa pagbebenta ng iligal na droga at iligal na pagmamay-ari ng mga armas at pampasabog.   Samantala, nagpasalamat naman si Azurin sa kooperasyon ng mga barangay official para maging matagumpay ang naturang operasyon.  

Sa kabilang dako pa, arestado din ang isang drug suspect matapos ikasa ng mga elemento ng Datu Odin Sinsuat PNP ang buy bust operation pasado ala una ng hapon kahapon sa Dalican, DOS, Maguindanao.  

Kinilala ni DOS PNP chief, police Chief Insp. Achmad Alibonga ang nadakip na suspek na si Samarudin Ayub Ensay, 45 anyos, may asawa, jobless, at residente ng naturang lugar.


-0-


Timbog sa inilatag na anti-gambling operations ng Datu Odin Sinsuat PNP katuwang ang CIDG ARMM ang isang retiradong sundalo sa 1st block, EM's Village, Brgy. Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao pasado alas otso kagabi.  

Kinilala ng DOS PNP ang suspek na si Bonifacio Ferrer Velasco Jr., 6O years old, married, at isang retired Phil. Army, a resident Of said place.   Nakuha mula kay Velasco ang iba’t ibang uri ng last two at last three paraphernalia.  

Sa kabilang dako naman, timbog rin sa inilatag na anti illegal gambling operations ng Shariff Aguak PNP ang isang lalaki pasado alas otso kagabi sa Brgy. Labu-labu mother, Shariff Aguak, Maguindanao.  

Kinilala ng Shariff Aguak PNP ang suspek na si  Norodin Sapi Abusama, 30 anyos, single, tindero, at residente rin sa lugar
 

Nakuha mula sa kanyang ang last two at last three digits combinations paraphernalia, dalawang tally sheets, at bet money na nagkakahalaga ng 360 pesos.  

Sa ngayon nasa kustodiya na ng mga nasabing himpilan ang mga nahuling suspek habang inihahanda ang kasong paglabag sa R.A. 9287.  


-0-


PITO KATAO ang nasawi sa inilatag na rescue operation ng militar sa mga bihag ng Abu Sayyaf Group o ASG sa liblib na bahagi ng Sitio Langhub, Barangay Pang, Kalingalan Caluang, Sulu kahapon ng madaling araw.

Sinabi ni Joint Task Force Sulu commander Brig. Gen Cirilito Sobejana na limang mga miembro ng teroristang Abu Sayyaf ang nasawi habang dalawa naman ang nalagas sa panig ng mga sundalo.  

Ayon kay Sobejana, tumagal ng 30-minuto ang sagupaan ng tropa ng militar laban sa Abu Sayyaf.  

Nabatid na nagsasagawa ng security at rescue operations ang militar laban sa ASG para masagip ang mga bihag nang makasagupa ang mga armadong Abu Sayyaf.  
Nakuha sa encounter site ang matataas na kalibre ng armas tulad ng M-16, M-14, Garand rifles, KG-9 submachine gun, Baret rifle at shotgun.  

Sabi ni Sobejana,  umaabot pa sa 23 ang mga hawak na bihag ng Abu Sayyaf kabilang ang apat na construction workers, at 15 mga banyaga.
 

Hindi naman masiguro ng militar kung sinu-sinong bihag ang hawak ng ASG na nakasagupa ng militar dahil ikinalat na ang mga ito sa kanilang mga sub-leader.  


-0-



Pwede na muling magsagawa ng field trips, excursion at iba pang uri ng off-campus activities ang mga pampubliko at pribadong kolehiyo at unibersidad matapos tanggalin ng Commission on Higher Education O CHED ang ipinatupad na moratorium dito.  

Sinabi ni Commissioner Prospero de Vera na tinatanggal na ang moratorium na ipinatupad noong Pebrero matapos ang trahedyang kinasangkutan ng isang tourist bus sa Tanay, Rizal na ikinasawi ng 15 mga estudyante ng Bestlink College of the Philippines bukod sa 40 pang nasaktan.  

Sinabi ni de Vera na mas hinigpitan nila ang regulasyon para sa mga aktibidad sa labas ng eskuwelahan sa pamamagitan ng CHED Memorandum Order 63.  

Pinatitiyak sa bagong guidelines na may insurance ang mga estudyanteng sasali sa aktibidad, na-check ang registration, insurance, franchise at road worthiness ng mga sasakyang gagamitin ng mga estudyante at dapat ay may koordinasyon sa mga local government unit.  

Ayon pa kay de Vera, pinalawak na nila ang coverage ng circular upang masakop hindi lamang ang field trips kung hindi ang iba pang aktibidad ng mga estudyante sa sandaling umalis sila ng eskuwelahan katulad ng mga pagdalo sa mga kompetisyon.  

Samantala, inaasahan namang naibaba na sa mga CHED regional at provincial office ang naturang kautusan para agad na maipatupad sa kani-kanilang lugar.  


-0-



Bubuo ng special investigating task group ang PNP South Cotabato para tumutok sa imbestigasyon ng pagkakapatay kay Barangay Topland, Koronadal Punong Barangay Baltazar Bermil.

Ito ang kunumpirma sa Radyo Bida ni South Cotabato PNP Provincial Director Police Senior Superintendent Franklin Alvero.

Sinabi ni Alvero na ang Task Group Bermil ay hiniling nito sa Police Regional Office 12. Ang grupo ayon kay Alvero ay bubuuin ng mga kinatawan mula sa Criminal Investigation and Detection Group o CIDG, Scene of the Crime Operatives o SOCO, Crime Laboratory at iba pang sangay ng pulisya.

Layon nito ayon kay Alvero na mapabilis ang imbestigasyon at pagtukoy ng pulisiya sa mga salarin na pumaslang sa barangay chairman.

Tiniyak ni Alvero na habang hindi pa nabuo ang grupo, nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga pulis sa insidente.

Nilinaw naman ni Alvero na wala pang konkretong motibo ang pulisiya sa krimen. Matatandaan na si Bermil ay binaril ng dalawang nakamotorsiklong suspek habang minameneho ang service vehicle ng barangay Topland sa Purok Garcia, Barangay Rotonda kamakalawa ng umaga.

Sugatan din sa insidente ang pinsan at kasama nitong si Nida Parcon, 62 anyos na nagpapagaling pa sa pribadong ospital sa Koronadal City.


-0-


Nakatutok ngayon sa pagbibigay ng dagdag na kaalaman sa mga frontliner ng mga tourism establishment sa Tacurong City, Sultan Kudarat ang Department of Tourism o DOT 12.

Layon nito na makaagapay din ang mga establisemento sa paglago ng industriya ng turismo sa lungsod.

Ito ay ayon kay Tacurong City Information Officer Emelie Jamorabon. Ayon kay Jamorabon kapag may sapat na kalaaman mas magiging maganda ang serbisyo ng mga tourism frontliner sa mga turista.

Ang skills upgrading program ay dinaluhan ng 30 frontliners mula sa 13 hotel at restaurant sa Tacurong City at kalapit bayan ng Isulan.

Makatatanggap naman ng NC II Certificate ang mga magtatapos sa tatlong araw na training habang ang mga establsiemento na pinagtatrabahuhan ng mga ito ay bibigan ng accreditation ng DOT.

Kaugnay nito, ipinahayag ni DOT 12 Regional Director Nelly Nita Dillera na naglaan ng P5 million pesos ang ahensya para sa upgrading ng kasanayan ng mga tourism service providers sa buong rehiyon.

Ang mga ito ayon kay Dillera ay tuturuan ng Customer Relations, Restaurant Services, Food Preparation and Sanitation, Events Management, Community-Based Tourism, packaging at maraming iba pa.

Ayon kay Dillera ito ay kanilang gagawin sa mga nalalabing buwan ng kasalukuyang taon.




-0-


Tatanggap ng tig P20,000 na insentibo ang mga centenarian o mga yaong umabot na ng 100 years old sa South Cotabato.

Ito ay ayon kay Provincial Senior Citizen Focal Person William Lebanan. Dagdag na tig P2,000 naman na insentibo kada buwan ang tatanggapin ng mga buhay pang nasa 100 years old pataas.

Ayon kay Lebanan makikinabang sa insentibo ang mga centenarian na nakaabot ng 100 years old ngayong taon o buhay pa nang aprubahan ang Provincial Centenarian Ordinance noong 2016.

Sa ngayon nayon kay Lebanan ay nagsasagawa na ng profiling at counter-checking ang kanilang tanggapan sa mga centenarian ng South Cotabato.

Ito ay matapos lagdaan ni Governor Daisy Avance Fuentes ang Implementing Rules and Regulations sa Ordinansa.

Ayon kay Lebanan sampu sa 37 centenarian sa South Cotabato ay sumakabilang buhay na habang 27 naman ay isinasailalim pa sa validation.

Nilinaw ni Lebanan na ang insentibo ay ibibigay lamang sa Centenarian o sa sinumang nabigyan nito ng otorisasyon at pinakamalapit na kaanak.

Ayon kay Lebanan inaasahang maibibigay na ang insentibo sa National Centenarian Week Celebration sa Setyembre.

Ang P20,000 incentive ay maliban pa sa tig P100 thousand pesos na insentibo na ibinibigay ng pamahalaang nasyonal sa mga umabot na sa 100 taon.




-0-



Dead on the spot ang 16 anyos na binatilyo sa pamamaril sa Sitio Narra, Barangay Ned, Lake Sebu, South Cotabato.

Kinilala ng Lake Sebu PNP ang biktima na si Karem Alejo nakatira din sa lugar.

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis na ang binatilyong biktima ay binaril ng mga salarin habang mahimbing na natutulong sa kanilang kubo.

Ang biktima ay nasawi dahil sa tama ng bala ng di pa matukoy na uri ng armas sa kanyang kili kili. Tinamaan din ng bala ng baril sa dibdib at daliri ang 45 anyos na Ricky Alejo, magsasaka na katabing natutulog ng nasawing binatilyo.

Siya ay dinala naman sa Sultan Kudarat Provincial Hospital sa bayan ng Isulan. Hindi ba batid ng mga pulis ang motibo ng mga tumakas na salarin sa krimen.




-0-


Naipadala na sa mga apektadong barangay ang mga heavy equipment ng lokal na pamahalaan ng Koronadal City. Ito ay ayon kay City Engineering Office, Maintenance Engineer Ramil Galla.

Ayon kay Galla, hanggang ngayon kasi ay nagpapatuloy pa ang clearing operation ng city government sa mga barangay na sinalanta ng mga pagbaha at landslide nitong mga nakalipas na araw.

Sinabi ni Galla na tinututukan ngayon ng lokal na pamahalaan ang mga barangay ng Caloocan, at Saravia.

Umapela din si Galla sa mga mamamayan ng liblib na mga Sitio ng Oluclofe at Ulumlao sa Barangay Assumption na huwag mabahala dahil magkakaroon din ng clearing operation ang lokal na pamahalaan sa kanilang lugar.

Tiniyak din nito na patuloy pa ring naghahanap ng paraan ang city government para maibsan kungdi man tuluyang maresolba ang problema ng mga pagbaha sa Koronadal.

 Matatandaan na ang malakas na ulan ay nadulot ng mga pagbaha at nagiwan ng putik at sumira sa ilang mga kalsada sa Koronadal City.


-0-



Kinilala na ang lalaking puno ng saksak at natagpuan na lamang ang bangkay nito sa kalye ng Baliktaran sa bahagi ng Datu Icdang Street, Kidapawan City pasado alas 12:00 ng madaling araw kahapon.

Ayon kay PO3 Richard Lagutang ang imbestigador ng Kidapawan City PNP kinilala ang biktima na si Jomel Nicavera Arsenia, na residente ng Barangay Sinawingan, Libungan, North Cotabato.

Nakilala ang biktima sa pamamagitan ng Philhealth Card nito na narekober sa kanyang wallet. Bukod sa nabanggit ay narekober din sa wallet nito ang papeles ng motorsiklo at ilang cash.

Panawagan naman ng Kidapawan city PNP sa mga kapamilya ng biktima na makipagtulungan sa kanila upang makuha ang bangkay ng biktima na nakalagak sa isang punerarya sa lungsod.      



-0-        



Inihahanda na ng pamahalaang lokal ng Mlang ang tulong sa mga residenteng naapektuhan ng malakas na pagbayo ng ulan at hangin sa lugar.

Ito ayon kay Municipal Disaster Risk Reduction Officer Constantino Jason sa panayam ng DXND-Radyo BIDA Kidapawan.

Ayon sa opisyal, noong nakaraang linggo pa nagdeklara ng state of Calamity ang bayan ng Mlang. Katunayan, ito rin ang naging basehan ng probinsiya para ideklara under state of calamity ang lalawigan.

Matatandaan na Miyerkules ng hapon ay binayo ang bayan ng Mlang ng malalakas na ulan at hangin kungsaan maraming mga puno ang natumba, dalawang barangay ang binaha.

Sinabi ni Jason na kabilang sa mga natumba ay ang malalaking Acacia na sa relocation center, gayundin sa Dugong at Buaayan. Isang malaking puno din ang natumba sa harap ng National High School kungsaan nadaganan ang motorsiklo ng isang estudyante.

Dalawang bahay din ang naiulat na nawasak dahil sa malakas na paghambalos ng hangin. Patuloy namang minomonitor ngayon ng MDRRM ng Mlang ang sitwasiyon ng tubig sa brgy. Dugong at Buayan na una ng naiulat na binaha.



   -0-    



Abot sa mahigit sa 200 mga motorsiklo ang nakumpiska sa ikinasang ‘Oplan Bitag Sasakyan’ sa mga pangunahing lansangan ng Kidapawan City, kahapon ng hapon.

Ayon kay PSI Ramil Hojilla, Deputy Director for Operations ng Cotabato Police Provincial Office layon nito na masawata ang kilos ng mga kriminal habang tinutukoy din kung may mga nakaw o carnapped na motorsiklo.

Karamihan sa mga paglabag ng mga ito ay ang kawalan ng OR/CR, pagmamaneho na walang driver’s license at ilan pang mga dokumento. Sinabi ni Hojilla na ang iba naman ay agad na nakuha ang kanilang sasakyan matapos na magbayad ng TOP.

Ang operasiyon ay isinagawa ng pulisya mula sa iba’t-ibang mga units, kasama ang highway patrol group, Traffic Management Unit o TMU at iba pa.



-0-    



Mahigit sa 800 mga Force Multipliers sa Kabacan, North Cotabato sumailalim sa Training sa isinagawang BPAT Summit Abot sa mahigit sa 800 mga force multipliers ang sumailalim sa Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) Summit 2017, kahapon.

Ayon kay Police Chief Inspector Bryan Placer, hepe ng Kabacan PNP layon nito na ipagbigay alam sa mga BPATs ang kanilang responsibilidad at pangunahing tungkulin sa kanilang mga barangays sa pagsugpo ng kriminalidad at iba pang sakuna bilang mga first responders.

Nakasentro ang Summit sa temang "Community Safety Police: Vanguards of Peace and Unity".

Namahagi naman ng uniporme  at Identification ng BPAT ang pamahalaang lokal ng Kabacan
Bagaman at may bagong insidente ng pamamaril na naitala sa bayan nitong nakaraang araw iginiit naman ni Placer na walang epekto ito sa kanilang paghahanda para sa ika-70 taong anibersaryo ng bayan.

Nangyari ang pamamaril sa dalawang tao malapit lamang sa detachment ng Police sa Brgy. Kayaga, pero di naman tinamaan ang mga biktima.

Land conflict ang isa sa mga sinusundang anggulo sa nasabing pamamaril. Samantala, ipagbabawal naman ang pagdadala ng backpack sa mga dadalo sa isang linggong selebrasiyon ng anibersaryo ng bayan. VC – Placer Si PCI Bryan Placer  


-0-      


IREREKOMENDA ni Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista na manatili sa kani-kanilang puwesto ang mga kapitan at konsehal sa apatnapung barangay sa lungsod, sa halip mag-appoint ng mga bagong opisyal.  

Ito ang posisyon ni Evangelista patungkol sa plano’ng i-postpone ang barangay at Sangguniang Kabataan elections ngayong Oktubre.  

Irerekomenda niya raw sa Department of Interior and Local Government o DILG na mananatili sa kani-kanilang puwesto ang mga opisyal.  

Sa halip na mag-appoint ng mga bagong opisyal, mas maige umano na magpatuloy sa kanilang tungkulin ang mga nakaupong opisyal sa barangay para magkaroon ng continuity ng kanilang panunungukulan.  

Maiiwasan rin ang kalituhan sa taong-bayan sa ganito’ng sistema.
 

Bago lamang ay nagkasundo ang mayorya sa Kongreso -- na sa halip sa Oktubre ngayong taon, ay gawin ang barangay at SK elections sa Mayo ng taong 2018.   NDBC BIDA BALITA  




-0-    



NAKITA umano ng kanyang mga kapitbahay na duguan ang isang Henry Yu nang lumabas sa kanyang bahay sa may Poblacion-Dos sa bayan ng Banisilan, nito’ng Martes.   Isang bala raw mula sa caliber 45 pistol ang tumama sa may bandang pisngi ng biktima.  

Pero walang nakuhang anumang impormasyon ang Banisilan PNP nang mag-imbestiga sila sa pamamaril, maliban sa na-recover nila na isang basyo ng bala ng pistola sa loob ng bahay ng pamilya Yu.   Natunton rin ng PNP ang ospital na pinagdalhan kay Yu.    

Pero tumanggi ang biktima na magsalita patungkol sa kanyang kaso, ayon kay Banisilan municipal police station chief, mSenior Inspector Wilson Magay III.  

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng PNP, si Yu ay mister ng isa sa mga tumestigo sa kasong graft na kinasangkutan ng dating alkalde ng Banisilan at ilan pang mga empleyado ng Banisilan municipal government.  

Ang kaso ay may kinalaman umano sa kwestyunableng proyekto sa ilalim ng Salin-Tubig.  

Nito lamang Hunyo ay ipinag-utos ng Ombudsman na patawagan ng, “perpetual disqualification from public service” si dating Banisilan Mayor Betty Allado at ilan sa mga sangkot sa anomalya.  

Gayunman, hindi batid ng PNP kung ang naturang kaso ay konektado sa tangkang pagpatay kay Yu.



-0-



Pinaghahandaan na ngayon ng Deped North Cotabato ang tulong na kanilang ibibigay sa gagawing Brigada Eskwela na ilulunsad sa Marawi City.

Ayon kay Schools Division Supt. Omar Obas, nagpulong na ang mga Superintendent officials ng kagawaran sa buong Mindanao kasama si Undersecretary Alain Del Pascua upang pag-usapan ang mga tulong na ibibigay sa Marawi City.

Dahil dito, may mga naitalaga na silang kanka-kanyang mga paaralan na tutulungan. Sinabi ni Obas na ang Sangay ng North Cotabato ay naka-assign sa pagtulong sa sector 1 sa bahagi ng Malabang sa lalawigan ng Lanao del Sur.

Sa pinakahuling ulat na nakuha ng DXND-Radyo BIDA Kidapawan kay Capt. Joan Petinglay, spokesperson ng Western Mindanao Command nasa 125 na mga sundalo na ang nalagas, 45 sibilyan ang nasawi at 548 na mga terorista ang napatay sa nagpapatuloy na bakbakan sa Marawi City.          


-0-


Kinuronahan bilang Mutya ng Magpet 2017 ang grade 12 student at pambato ng Magpet National High School sa ginawang Coronation Night kagabi sa Municipal Gymnasium ng Bayan.

Pinuno ng mga hiyawan at palakpakan ng mga taga suporta ng 9 na mga kandidata ang buong gymnasium kagabi.

Nagpakitang gilas ang mga kandidata sa kanilang production number, fantasy attire, casual at evening gown.

Mula 9 ay pinili ang top 5 na mga kandidata na sumagot sa final question kung saan sinubok ng mga hurado ang kani-kanilang pananaw at ideya sa bawat katanungan.

Sa naging resulta, itinanghal na 4th runner up si Candidate number 5 Brynna Monares, 3rd runner up si candidate number 6 Liezel Fajarito na nakuha rin ang Ms Congeniality, 2nd runner up naman si Candidate number  9 May Joy Sidayon na nasungkit rin ang  Best in casual Attire.

1st runner up si candidate number 3 April Rose Dinampo at Naiuwi naman ni Camomile Rose Jamisola ng Magpet national High School ang titulong Mutya ng Magpet 2017.

Bukod dito ay naipanalo niya rin ang best in production number at best in evening Gown.


Isa sa mga nagpanalo sa grade 12 student ay ang kanyang sagot sa katanungan na bilang kabataan ay ano ang kanyang mga pagnanais at kong gaano ito kahalaga para sa kanya.

Sa naging tugon nito ay gusto niyang makatulong na makapagbigay ng dagdag na kaalaman lalong lalo na sa mga kabataan kong paano mai-iwas sa maagang pagbubuntis at mga kabataang nalulong sa ipinagbabawal na gamot.  


-0-


Aasahan ngayong lalo pang mai-angat at makilala di lang sa bansa kong di sa mga foreign countries ang kalidad ng mga Produktong gawa ng mga katutupong Indigenous People o IP sa Mindanao.

Ito ay ng matapos ilunsad kanina ng Department of trade and industry o DTI ang  Strike Team For IP's Project partikular sa barangay Kinarum sa Bayan ng Magpet North Cotabato.


Ayon kay Assistant Secreatary Ammenah A. Fajardo ng Regional Operations ng DTI, ang programang ito ay naglalayong mabigyan ng assistance lalong lalo na sa mga estratehiya at desinyo sa pagawa ng kanilang mga produkto at maging ang marketing styles.

Ang barangay Kinarum ay kilala sa pagawa ng walis paypay na gawa sa Tahiti. Higit isang daang mga residente sa naturang barangay na gumagawa ng walis paypay ang sasailaim sa pagsasanay ng DTI.

Magpapadala ng mga magsasagawa ng training at marketing expert sa barangay Kinarum ang DTI.

Dagdag pa ng Opisyal, in demand raw ang mga produktong gawa ng ating mga katutubo kagaya ng mga katutubong tela.

Ang nabanggit na programa ay paraan narin ng ahensya na maiangat pang lalo ang mga gawang produkto ng mga katutubo na ayon sa opisyal ay in demand daw sa ibang bansa kagaya ng US at Europe.

Kasabay ng launching ng naturang programa ng DTI ay siyang pagbubukas din ng Negosyo center kanina sa bayan.

Ang negosyo center ay naglalayon namang makilala at mapalago rin ang mga produktong gawa ng ibat-ibang organisasyon ng bayan.



-0-
     

TIYAK na ang postponement ng Barangay at Sangguniang Kabataang election ngayong Oktubre.

Mismong si Cotabato 3rd district Representative Jose Ping-Ping Tejada ang nagkumpirma nito sa RADYO BIDA KIDAPAWAN.

Sa panayam, sinabi ni Tejada na nito pang Martes natapos ang caucus ng Kongreso patungkol sa postponement. Sinang-ayunan raw ito ng majority ng Kamara de Representante.   

Pangunahin sa rason ang makatipid sila sa gastusin sa eleksyon.

Isasabay na lamang umano ang barangay at SK elections sa gagawing plebisito sa pagtatatag ng Bangsamoro Basic Law o BBL.                                            
  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy