NDBC BIDA BALITA (8.12.17)

NDBC BALITA  • Sat Aug 12, 2017 12:25 PM  •  109   0
By NDBC NCA
  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy
NEWSCAST AUGUST 12, 2017 (SAT)
7:00 AM
 

HEADLINES:
 

1. TALITAY MAYOR, tuluyan ng sinibak sa pwesto ng Ombudsman.  

2. Motibo sa pagpatay sa isang Barangay Kagawad sa Makilala, North Cotabato, inaalam pa; panday, kritikal matapos barilin sa Kidapawan City  

3. DALAWANG GRUPONG sangkot sa bentahan ng iligal na droga sa South Cotabato, tinututukan ng PDEA 12  

4. DepEd North Cotabato, tutulong sa Brigada Eskwela para sa Marawi City 


-0-
TULUYAN NG TINANGGAL sa tungkulin ang alkalde ng Talitay, Maguindanao na si Montasir Sabal.   Mismong si ARMM Interior and Local Government Secretary Noor Hafizullah Abdullah ang nagsilbi ng termination order at inihatid ito kahapon ng umaga sa munisipyo na tinanggap naman ni Talitay municipal administrator Tato Aruyod.  

Base sa dokumentong pirmado ni Ombudsman Conchita Carpio Morales noon pang July 13, 2017, tinanggal sa pwesto si Sabal dahil sa hindi idiniklarang yaman na kinabibilangan ng lupa’t bahay sa Davao City at sa Cotabato City at dahil na rin sa kaugnayan nito sa illegal drug trade.  

Nabatid na sinaksihan din nina Maguindanao PNP Director Senior Supt. Agustin Tello at Army’s 19th Infantry Battalion commander Lt. Col. Crizaldo Fernandez ang paghahain ng termination order para kay Sabal.  

Matatandaan na kabilang si Sabal sa mga pinangalanan ni P. Duterte bilang Narco-Politician.   Ilang buwan na ring hindi pumasok sa trabaho si Sabal na ngayon ay nagtatago na sa mga otoridad.  

Ito ay matapos namang matagpuan sa bahay nito ang iba’t ibang uri ng mga matataas na kalibre ng baril at pampapasabog, mga luxury vehicle at pake-paketeng ng mga pinaniniwalaang shabu sa isinagawang raid ng mga otoridad noong nakaraang taon.  

Samantala, inaasahan namang hahalili sa binakanteng pwesto ni Sabal ang kanyang kapatid na si Vice Mayor Abdulwahab Allan Sabal na idinadawit naman sa Davao Night Market Bombing si Vice Mayor Sabal.   Si first councilor Kamid Buisan naman ang siyang uupong bise alkalde ng bayan.


-0-



PATAY NA NG DUMATING SA PAGAMUTAN ang supervisor ng City Mall matapos pagbabarilin ng riding tandem criminals pasado alas syete kagabi sa Avelino street, Barangay Rosary Heights 7, Cotabato City partikular sa harap ng Sideout Badminton Courts.  

Kinilala ni Police Station 2 OIC Insp. Leonardo Enggay ang nasawing biktima na si Fredirick Bueno Uko, 36 anyos, may-asawa at taga-Purok Mangga, Koronadal City.  

Nagtamo ng tama ng bala sa ulo ang biktima mula sa cal. 45 pistol na naging sanghi ng kamatayan nito.   Ayon sa inisyal na pagsisiyasta ng pulisya, naglalakad ang biktima sa nasabing lugar kasama ang mga ka-trabaho nang sabayan ng mga suspek na naka-motorsiklo at agad binaril.  

Narekober sa crime scene ang dalawang mga basyo ng bala ng cal. 45 pistol.   Sa ngayon ay inaalam pa rin ng mga otoridad kung may kinalaman sa trabaho ang pagpaslang sa biktima o kaya ay may nakaalitan ito dahilan para patayin siya.



-0-



Patay ang isang nasa list of drug personality ng Pigcawayan PNP matapos pagbabarilin ng riding tandem criminals dakong alas tres ng hapon kahapon sa Brgy. Tubon, Pigcawayan, North Cotabato.  

Kinilala ni Pigcawayan PNP chief, police chief Insp. REALAN MAMON ang biktima ba si Bonifacio Bermudez Seguinte, 59 anyos, may asawa, walang trabaho at taga Brgy. North Manuangan ng nasabing bayan.  

Batay sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, pauwi na sana ang biktima sakay ng kanyang motorsiklo galing sa isang sabungan sa Brgy. Capayuran ngunit pagsapit sa bahagi ng barangay Tubon ay pinagbabaril ito ng riding tandem criminals.  

Sinubukan pang isugod sa pagamutan ang biktima ngunit idineklara rin itong dead on arrival.   Narekober sa crime scene ang apat na mga basyo ng bala ng cal. 45 pistol.  

Nabatid na si Seguinte ay isang kristo sa sabungan at nasa drug watchlist ng Pigcawayan PNP.   Sa ngayon, inaalam pa ng pulisya ang motibo at kung sino ang responsable sa pagpatay sa biktima.


-0-


Wala pa ring lead hanggang ngayon ang Parang PNP sa motibo sa pagpaslang sa isang dating Barangay chairman ng bayan kamakalawa ng hapon sa Barangay Gumagadong, Calawag, Parang, Maguindanao.  

Kinilala ni Parang PNP chief, police chief insp. ERWIN TABORA ang biktima na si Ferdinand  Arnold Molina, 51 anyos, may-asawa, dating punong barangay ng nabanggit na lugar at sa ngayon ay nakatira na sa barangay Poblacion Uno ng bayan.
 

Batay sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, minamaneho ng biktima ang kanyang kulay puti na cargo van na may plakang AAG-5236 at pauwi na sana mula sa Barangay hall nang pagbabarilin ng riding tandem criminals.  

Bagaman at naisugod pa ito sa isang pribadong pagamutan sa Cotabato City ay hindi na ito nasalba pa ng mga doktor.   Hustisya ngayon ang sigaw ng pamilya at mga kamag-anak ni Molina.  


-0-



HAWAK NA NG MILITAR ang tatlo sa apat na construction workers na binihag ng Abu Sayyaf Group o ASG matapos na makatakas ang mga ito mula sa kanilang abductors sa liblib na lugar sa Sulu kahapon.  

Kinilala ni Joint Task Force Sulu Commander Brig. Gen. Cirilito Sobejana ang tatlong nakatakas na sina Felimon Guerero Jr., Jayson Vailoces, at Joel Adanza pawang mga residente ng Brgy. Tumagay, Zamboanga City.  

Ang tatlo ay nakita umanong pagala-gala ng mga residente ng Brgy Kagay, Talipao Sulu at dahil hindi kilala ay kaagad nilang ipinagbigay alam sa pulisya at militar ang presensya ng mga biktima.  

Ang mga biktima ay dinukot ng ASG sa kanilang construction barracks sa Provincial Sports Complex, Brgy Bangkal, Patikul, Sulu noong July 15, 2017.  

Dahil umano sa patuloy na operasyon ng militar kaya sila nagpalipat-lipat  sa ibang lugar kasama ang ASG sa pangunguna ni Almujer Yadah hanggang sa mapalayo sila sa lugar at walang nakuhang suporta mula sa mga komunidad tulad ng pagkain at iba pa.
 


-0-



Kinumpirma ni Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA 12 Regional Director Gil Castro ang presensya ng dalawang drug groups sa lalawigan ng South Cotabato.

Sinabi ni Castro na mas organisado ang mga ito dahil mayroon silang pera at armas. Ayon kay Castro nabuo umano ang naturang mga grupo matapos mabuwag ang Medino Drug Group. Ito

Ang dahilan kung bakit ayon kay Castro hindi na oobra sa dalawang grupo ang simpleng buy bust operation ng PDEA.

Ayon kay Castro mas tinututukan nila sa ngayon ang controlled delivery operation o pagharang ng iligal na drugs na makapasok sa lalawigan.

Ipinahayag din ni Castro na protector umano ng grupo ang ilang mga politko at law enforcers.

Ayon kay Castro aasahan ang mas malaking operasyon ng PDEA 12 laban sa mga big time at high profile drug personalites sa South Cotabato.



-0-

Makikipagtulungan ang South Cotabato Provincial Population Office sa iba pang ahensya ng pamahalaan para maresolba ang problema ng teenage pregnancy sa lalawigan.

 Ito ay ayon kay South Cotabato Provincial Population Officer Zenaida Duron. Sinabi ni Duron na batay sa datus ng local civil registrar patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga kabataang nabubuntis na walang kasal.

Ayon kay Duron 1,259 o 6.15% sa 30,456 na mga sanggol sa South Cotabato noong nakaraang taon ay isinilang ng mga nasa 19 anyos pababa. Ipinahayag ni Duron na 447 sa mga ito ay hindi kasal.

Ayon kay Duron sa ngayon ay tinututukan ng kanilang tanggapan ang pagpapatupad ng angkop na mga programa para maiiwas sa maaagang pagbubuntis ang mga kabataan sa South Cotabato.

Layon din nito na makontrol ang paglobo ng populasyon ng lalawigan. Nabatid batay sa datus ng Philippine Statistics Authority o PSA noong 2016 na umabot na sa 915,289 ang populasyon ng South Cotabato, 468,628 sa mga ito ay lalaki at 446,661 naman ay mga babae.




-0-


Makatatanggap ng tig P10,000 pinanasyal na tulong ang mga binahang mamamayan sa Sitio Lapidak, Barangay New Dumangas, T’boli, South Cotabato.

Ito ay ayon kay T’boli Mayor Dibu Tuan. Ayon kay Tuan, binaha ang lugar kasunod ng malakas na ulan nitong nakalipas na araw.

Apektado naman nito ang may 30 mga mamamayan. Ang baha ay nagiwan naman ng makapal na putik sa mga nasalantang bahay.

Wala namang nasaktan o nasawi sa insidente. Sa Koronadal City naman, agad nagpadala ng heavy equipment ang Department of Public Works and Highways at lokal na pamahalaan sa Barangay Carpenter Hill.

Ito ay upang alisin ang makapal na putik na iniwan baha sa highway kamakalawa ng gabi. Binaha muli ang Purok Pagasa sa barangay matapos masira ang dike, bunsod ng malakas na ulan.

Ayon kay City Engineering Office, Maintenance Engineer Ramil Galla, nagppatuloy din ang clearing operation ng city engineering office sa mga barangay ng Koronadal na apektado ng mga pagbaha at landslide .





-0-


Mahigit P2 million iligal na droga nakumpiska ng PNP South Cotobato sa unang anim na buwan ng 2017. Kabilang sa mga ito ang 260 grams ng suspected shabu, at 197 grams ng marijuana na nagkakahalaga ng mahigit P1.9 million.

Ayon kay South Cotabato PNP Provincial Director Police Senior Superintendent Franklin Alvero, ito ay resulta ng 155 anti illegal drug operation ng PNP sa sampung bayan at isang lungsod ng lalawigan.

Sinabi ni Alvero na 86 sa anti illegal drug operation ng PNP ay buy bust, 37 ang search warrant, isa ang warrant of arrest, dalawa ang checkpoint at 29 naman ang naaktuhang gumagamit o nagbebenta ng iligal na droga.

Abot din sa 211 drug suspek ang naaresto at 652 na kaso ang isinampa ng mga pulis sa Korte. Pinakamaraming anti illegal drug operation ay isinagawa ng Koronadal City PNP kung saan nakakuha ang mga pulis ng mahigit P1.4 million pesos na halaga ng illegal drugs.

Habang ang pinakakonti namang mahigit P4,000 halaga ng iligal na droga ay nakumpiska sa bayan ng Tantangan. Sa ngayon walo na lamang sa 199 na mga barangay sa South Cotabato ang hindi pa naideklarang drug free.

Kabilang sa mga barangay na ito ang General Paulino Santos sa Koronadal City, Brgy. Ambalgan sa Sto. Nino, Kematu sa Tboli; Ned, Talisay at Seloton sa Lake Sebu at Poblacion at Kipalbig sa Tampakan.





-0-





Mahigit P150,000 illegal drugs nakumpiska ng PDEA sa limang inarestong suspek sa Koronadal City. Sa kabila ng pinagiting na kampanya kontra iligal na droga ng gobyerno tila hindi pa rin natinag ang ilang mga drug personalities sa Koronadal.

Ito ay matapos maaresto sa anti illegal drug operation ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA 12 ang lima katao sa lungsod.

Ang mga suspek ay naaresto sa Purok Gracia Villa, sa Barangay Zone I. Kinilala ang target ng anti illegal drug operation ng PDEA na si Roy Oligo,nakatira din sa lugar.

Nakuha sa kanya ang isang malaking pack, isang small pack ng suspected shabu, pitong pack ng dried marijuana leaves, marijuana seeds at drug paraphernalia.

Arestado din ang mga kasama umano ni Oligo na sina Abet Sarip, Leonel Pestellero, Ruben Pangantihon at isang menor de edad.

Isinagawa ng PDEA ang anti illegal drug operation sa bisa ng Search Warrant ni General Santos City Regional Trial Court Branch 35 Judge Oscar Noel.

Ang mga suspek ay na nasa custody na ng PDEA 12 ay nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.




-0-



Patay ang 44-anyos na construction worker matapos barilin ng riding in tandem criminals malapit lamang sa transmitter ng isang radio station sa hangganan ng Barangay Perez at Mangol sa lungsod na ito.

Sa nakalap na impormasyon ng DXND-Radyo BIDA Kidapawan kinilala ang biktima na si Armand Dayaga, 44, at isang panday.

Ayon sa anak ng biktima na si Michael, alas 7:30 kahapon ng umaga, nagbi-bisekleta ang kanyang ama patungo sa pinagtatrabahuan nito nang tabihan ng motorsiklo na may sakay na dalawang lalaki na nakasuot ng bonnet at naka-jacket ng maong.

 Isa sa mga lalaki ay bumunot ng baril at binaril ng dalawang beses sa ulo ang biktima.

 Todo-tanggi rin si Aling Normalita, asawa ng biktima, na konektado sa sindikato ng droga ang kanyang mister. Ang istilo ng pagpatay kay Kagawad Florante Cuas sa bayan ng Makilala, North Cotabato na binaril nitong Huwebes ng madaling araw at pagbaril sa panday na si Dayaga ay halos pareho lamang, ayon sa report.

Gawa ng mga lalaking sakay ng motorsiklo ang krimen.

Ang pagbaril kay Dayaga ay pangatlo na sa Kidapawan City, simula August 1, at pang-26 simula buwan ng Enero. Ang shooting incident naman kay Kagawad Cuas ay pangalawa sa North Cotabato. 


-0-


ITINUMBA ng di kilalang salarin ang unang barangay kagawad na ka-bi-birthday sa harap ng kanyang anak at misis sa panibagong krimen na naganap sa Purok 2, Barangay Sinkatulan sa bayan ng Makilala, North Cotabato alas 3:30 kahapon ng madaling araw. 

Kinilala ang biktima na si Florante Cuas, 46 anyos, at kagawad ng Barangay Sinkatulan, Makilala. Ayon sa report, nakaupo sa may balkonahe ng kanyang bahay ang biktima nang barilin ng suspect habang kasama ang kanyang binatilyong anak.

Nagtamo ang biktima ng tama ng bala sa likurang ulo nito na tumagos sa kanyang bunganga, tama sa dibdib, kilid at iba pa na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan, mula sa kalibre .45 na baril. Walang maisip na dahilan ang pamilya Cuas kung bakit kailangang patahimikin ang kanilang kaanak.

Pero noong mga nakaraang buwan, naalarma si Aling Heidi, misis ng biktima, nang mapasama sa drug watch list ng umano mga sangkot sa bentahan ng ilegal na droga ang pangalan ni Kagawad Florante.

Ang naturang listahan ipinaskil sa isang bahagi ng Barangay Sinkatulan. Todo-tanggi ang pamilya ng biktima sa naturang paratang. Rhoderick Beñez




-0-


Pinaghahandaan na ngayon ng Deped North Cotabato ang tulong na kanilang ibibigay sa gagawing Brigada Eskwela na ilulunsad sa Marawi City.

Ayon kay Schools Division Supt. Omar Obas, nagpulong na ang mga Superintendent officials ng kagawaran sa buong Mindanao kasama si Undersecretary Alain Del Pascua upang pag-usapan ang mga tulong na ibibigay sa Marawi City.

Dahil dito, may mga naitalaga na silang kanka-kanyang mga paaralan na tutulungan. Sinabi ni Obas na ang Sangay ng North Cotabato ay naka-assign sa pagtulong sa sector 1 sa bahagi ng Malabang sa lalawigan ng Lanao del Sur.

Sa pinakahuling ulat na nakuha ng DXND-Radyo BIDA Kidapawan kay Capt. Joan Petinglay, spokesperson ng Western Mindanao Command nasa 125 na mga sundalo na ang nalagas, 45 sibilyan ang nasawi at 548 na mga terorista ang napatay sa nagpapatuloy na bakbakan sa Marawi City.

-0-




Aasahan ngayong lalo pang maiangat at makilala di lang sa bansa kong di sa mga foreign countries ang kalidad ng mga Produktong gawa ng mga katutupong Indigenous People o IP sa Mindanao.

Ito ay ng matapos ilunsad kanina ng Department of trade and industry o DTI ang Strike Team For IP's Project partikular sa barangay Kinarum sa Bayan ng Magpet North Cotabato.

Ayon kay Assistant Secreatary Ammenah A. Fajardo ng Regional Operations ng DTI, ang programang ito ay naglalayong mabigyan ng assistance lalong lalo na sa mga stratehiya at desinyo sa pagawa ng kanilang mga produkto at maging ang marketing styles.

Ang barangay Kinarum ay kilala sa pagawa ng walis paypay na gawa sa Tahiti. Higit isang daang mga residente sa naturang barangay na gumagawa ng walis paypay ang sasailaim sa pagsasanay ng DTI.

Magpapadala ng mga magsasagawa ng training at marketing expert sa barangay Kinarum ang DTI. Dagdag pa ng Opisyal, in demand raw ang mga produktong gawa ng ating mga katutubo kagaya ng mga katutubong tela.

Ang nabanggit na programa ay paraan narin ng ahensya na maiangat pang lalo ang mga gawang produkto ng mga katutubo na ayon sa opisyal ay in demand daw sa ibang bansa kagaya ng US at Erupe.

Kasabay ng launching ng naturang programa ng DTI ay siyang pagbubukas din ng Negosyo center kanina sa bayan. Ang negosyo center ay naglalayon namang makilala at mapalago rin ang mga produktong gawa ng ibat-ibang organisasyon ng bayan.

  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy