NDBC BIDA BALITA (8.9.17)

NDBC BALITA  • Wed Aug 9, 2017 09:42 AM  •  162   0
By NDBC NCA
  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy


NEWSCAST AUGUST 9, 2017 (WED)
7:00 AM
   

HEADLINES:
 

1. COTABATO CITY, naki-isa sa Golden Anniversary celebration ng Association of Southeast Asian Nations.  
2. State of calamity, idineklara sa North Cotabato dahil sa natural calamity  

3. BABAE, natagpuang bangkay na sa loob ng bahay nito sa Lake Sebu, South Cotabato  

4. Lalaki drug suspect, nagtangkang maghagis ng granada sa mga pulis, nabaril at napatay



-0-


NAKIBAHAGI ang Cotabato City sa Golden Anniversary celebration ng Association of Southeast Asian Nations.  
Kagabi, isinagawa ang ceremonial lighting ng ASEAN landmark sa Old City Hall ng lungsod sa pangunguna ni city mayor Cynthia Guiani-Sayadi, vice mayor Graham Nazzer Dumama at iba pang mga LGU official ng syudad.  
Sinabi ni mayor Sayadi na ang Cotabato City ay isa sa mga lugar sa Pilipinas na napiling maging bahagi ng makasaysayang aktibidad.  

Ang ceremonial lighting ng ASEAN landmark ay sabay-sabay na ginawa sa mga piling lugar sa bansa kagabi, kabilang na ang lungsod ng Cotabato.  

Ito, ayon sa alkalde ay patunay lang ng magandang relasyon ng syudad sa mga ASEAN member-country sa larangan ng kalakal, negosyo, at turismo.  

Ang ASEAN ay samahan ng mga bansang Indonesia, Malaysia, Philippines, Singapore, Thailand, Brunei, Laos, Myanmar, Cambodia, at Vietnam.  

Layunin ng grupo na magtulungan at magkaisa para tugunan ang mga mabibigat na isyu at suliranin ng bawat bansa gaya ng biodiversity and environment, socio-economic, food security, peace and order at maraming iba pa.  



-0-


Samantala, kahapon, pormal nang isinara ang ASEAN minister meeting kung saan naging panauhin si Pangulong Duterte.  

Pinasalamatan naman ni Foreign Affairs Sec. Alan Peter Cayetano ang mga nasa likod ng National Organizing Committee na nagpakapagod upang maging matagumay ang ASEAN meetings at iba pang mga aktibidad mula August  2-8.
 

Binigyan din ng pagkilala ng ASEAN ang mga biodiversity heroes, ASEAN rice science and technology ambassadors gayundin ang ASEAN Youth social entrepreneurship awardees.  

Mismong si Pangulong Duterte naman ang nag-abot ng plake ng pagkilala sa mga descendants ng founding fathers ng ASEAN.  

Binigyang-diin pa ni Cayetano na pinatunayan ng Association of Southeast Asian Nations na mali ang mga kritiko sa kanilang panghuhusga at pagtaya sa kahinatnan ng ASEAN.  

Ayon kay Cayetano, ngayon ay tagumpay na napatatag, napayapa at napaunlad ng ASEAN ang rehiyon sa gitna ng mga hamong hinarap mula sa pagkakaiba ng idolohiya, paniniwala, sistemang pampulitika at kultura.


-0-



PATAY ang dalawang mga sinasabing notoryus na drug pusher, habang apat na pulis naman ang nasugatan sa isinagawang anti- illegal drugs operation sa Barangay Poblacion, Maimbung, Sulu kahapon ng tanghali.

Kinilala ang dalawang mga napatay na sina Boogie Hajirin at Nurhassan Mandangan Padin habang naisugod naman sa ospital ang mga sugatang pulis na sina Maimbung PNP chief, police Insp. Ergie Wanawan, PO3 Jun Jumah, PO1 Ben Mushri Arah, at PO1 Sahibul Mohammad.  

Isinagawa ang operasyon ng pulisya sa bahay ng dalawang mga suspek na matagal ng minamanmanan ng mga otoridad.  

Gayunman, nanlaban sina Hajirin at Padin kaya nagkaroon ng shootout kung saan nasawi ang mga suspek  
Narekober ng mga pulis sa loob ng bahay ng mga napatay ang tatlong mga pakete ng shabu, mga drug paraphernalia, at isang M16 rifle.  

Ayon sa police report, ang dalawang napatay ay nangunguna sa bentahan ng bultu-bultong shabu sa bayan at maging sa mga karatig na lugar.  



-0-


Ikinukunsidera ng Pentagon ang planong magsagawa ang U.S. military ng airstrikes sa mga “ISIS target area” sa Mindanao.  

Ito ay batay naman sa ulat na lumabas sa NBC News na nakabase sa US kung saan sinabi umano ito ng dalawang US defense officials.  

Kaagad namang nilinaw ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella na hindi napag-usapan ang nasabing plano nang magkaharap sina Pangulong Rodrigo Duterte at U.S. Secretary of State Rex Tillerson sa Malacañang.  

Sabi naman ni ni AFP chief of staff Gen. Eduardo Año na hindi ito nakasaad sa Mutual Defense Treaty ng dalawang bansa at wala pang pag-uusap na nakarating sa kanila.  

Aniya, pinapayagan lamang ang ganitong hakbang kapag mayroong “actual invasion” mula sa ibang bansa.   Bukod dito, bago magsagawa ng airstrikes ay dapat sumailalim ito sa proseso, kasunduan at pagpayag ng pinakamataas na opisyal ng bansa.  

Iginiit din ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na wala pa silang napapag-usapan kaugnay sa airstrikes para sa kahit sinong local targets.  

Samantala, hindi titigil sa pagtulong ang Estados Unidos sa Marawi at Mindanao sa kabila ng madalas na pagbatikos dito ni Pangulong Duterte.  

Sinabi ni US Secretary of State Rex Tillerson na kabilang sa mga ayuda na ibinibigay ng US sa Pilipinas ay para sa surveillance capabilities tulad ng Cessna planes at UAV o drones upang labanan ang mga terorista.  

Ayon kay Tillerson, wala namang masama kung tumulong ang US sa Mindanao kahit pa may sentimiyento sila sa isyu ng human rights kaugnay sa war on drugs ng gobyerno.  

Sa kabilang dako naman, inannusyo ni Australian Foreign Minister Julie Bishop na maglalaan ang Canberra ng 20 million dollars para sa recovery efforts sa Marawi.  

Maliban pa rito ang 290 million dollars para sa pagkain at iba pang supply na una nang ipinangako ng Australia noong Hunyo.  

Popondohan din ng Australia ang small-scale infrastructure projects sa mga komunidad sa paligid ng Marawi.  



-0-



POSIBLE umanong patay na ang isa sa mga Maute brother na si Omar.  

Sa isang larawan mula sa militar, makikita ang isang lalake na wala nang buhay na niyayakap ng isa pang hindi nakikilalang lalake.   Ang naturang bangkay ay labi raw ni Omar Maute.  

Narekober ang larawan ng Joint Task Force Marawi.   Natagpuan ang larawan mula sa isang cellphone na narekober ng military sa isang encounter site sa lungsod.   Gayunman, hindi pa makumpirma kung kailan nakunan ang naturang larawan.  

Una nang binanggit ng militar na posibleng nasawi na si Omar Maute sa kasagsagan ng airstrikes sa Marawi noong nakaraang buwan.  

Sa iba pang balita, bukod sa Estados Unidos, nag-alok na rin ang pamahalaang Japan ng tulong sa Pilipinas sa pagbibigay ng mga makabagong kagamitan na siyang pantapat sa mga teroristang Maute-ISIS na patuloy na nakikipagbakbakan sa tropa ng pamahalaan sa Marawi City sa Mindanao.  

Sa press conference ni Japan Deputy Press Secretary Toshihide Ando, sinabi nito na magbibigay ang Japan ng mga kagamitan tulad ng high-speed vessels at security related equipments na una nang napagkasunduan sa pagitan nina Japanese Foreign Minister Taro Kono at Phl Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano na naglalayong suportahan ang pagsisikap ng Duterte administration na mapuksa ang ekstremismo sa Mindanao.  
Ang nasabing assistance ng Japan ay bukod pa sa 100 million pesos na ayudang unang inalok ng Japan para sa mga mamamayan na nagsilikas at nawalan ng tahanan sa Marawi dahil sa sagupaan at airstrike.  

Tiniyak naman ni Cayetano sa Japan government na gagawin lahat ng Pilipinas upang agarang naresolba ang krisis sa Marawi City.  


-0-


HIGIT sampung libong mga pasyente ang nakinabang sa apat na araw na Gamutang Pangkalahatan, Isang Harirayang Handog ng IPHO sa Maguindanao Provincial Hospital.  

Sinabi ni IPHO Maguindanao chief Dr. Tahir Sulaik na taon-taon ay nagsasagawa sila ng libreng gamutan at operasyon bilang pasasalamat sa mga pasyenteng nakatulong sa paglago ng ospital.  

Sa pamamagitan ng PhilHealth, umusbong ang pinakamalaki at state of the art hospital sa bayan ng Datu Hoffer.  

Ayon kay Sulaik, tumatanggap sila ng dalawa hanggang tatlong daang mga pasyente araw-araw subalit nananatiling 50 bed capacity hospital pa din ang pondong ibinibigay sa kanila ng Department of Health.

Samantala, bilang bahagi naman ng kanilang social responsibility, sabay-sabay na nag-donate ng kanilang dugo ang mga sundalo ng Army’s 40th Infantry Battalion.
 

Sinabi ni Acting Civil Military Operations Officer 2nd Lt. Fedeliza Martinez na regular nila itong ginagawa katuwang ang Maguindanao Provincial Hospital.  

Abot sa 50 bags ng dugo ang kanilang nalikom na inaasahang magagamit ng mga pasyente mangangailangan nito.



-0-



Patay na nang matagpuan ng mga kaanak nito sa loob mismo ng kanyang bahay ang isang babae sa Lake Sebu, South Cotabato. Kinilala ng Lake Sebu, PNP ang biktima na si Sonia Feulog, 59 anyos at nakatira sa Sitio Lower Alo, Barangay Lake Seloton, Lake Sebu.

Bago natagpuang patay, ang biktima ay nakita pang naglalakad papauwi dakong alas onse ng gabi kamakalawa mula sa isang video-k house na may 25 metro lamang ang layo sa kanyang bahay.

Ang biktima ay nakitaan ng mga pulis ng pasa sa kanang mukha at kalmot sa leeg. Isinasailalim pa sa autoposy ang bangkay ng biktima.

Layon nito na malaman kung may foul play sa kanyang pagkasawi.



-0-


Nagpapatuloy pa rin ang rehabilitasyon at flood control project ng lokal na pamahalaan sa mga sirang daan at kalye sa Koronadal City.

Ayon kay Maintenance Engineer Ramil Galla ng City Engineering Office, ito ang dahilan ng re-blocking sa ilang mga pangunahing daan sa lungsod.

Umaapela naman ng pangunawa si Galla sa mga motorsitang palabas at papasok ng Koronadal na maaring maapektuhan ng re-blocking.

Ayon kay Galla sa ngayon kasi ay patuloy pa rin ang pagbakbak ng semento hindi lamang para ayusin ang mga sirang daan kungdi pati na rin sa mga sakop ng road widening project.

Ipinatutupad ngayon ang re-blocking sa likod ng Marbel I Central Elementary School, bahagi ng New Leganes, Osmena Streets, na kabilang sa pinakaabalang kalye sa tuwing peak hours.

Dinagdag din ni Galla na nagpapatuloy din ang pagsira ng lokal na pamahalaan sa mga illegal structures na nasa mga road right of way lalong lalo na sa Abad Santos Streets at ilang mga pangunahing kalye sa barangay Zone IV.


-0-


Magsumite ng talaan ng top 5 drug personalites sa kanilang lugar. Ito ang hamon ngayon ni Koronadal Mayor Peter Miguel sa mga punong barangay ng 27 barangay sa lungsod .

Ayon sa alkalde sa pamamagitan nito ay mapapatunayan ng mga barangay chairman kung gaano ka seryoso ang mga ito sa kanilang kampanya kontra iligal na droga.

Ayon kay Miguel kapag ito ay kanilang nagawa ay mapapatunayan din ng mga opisyal ng barangay na hindi sila protector ng illegal drugs.

Ito ang sinabi ni Miguel matapos makatanggap ng report na tatlong barangay Chairman sa Koronadal ang pinaghihinalaang may kaugnayan sa iligal na droga. Gayunpaman ayon sa alkalde hindi pa niya ito maaring isapubliko habang nagpapatuloy pa ang imbestigasyon.

Binalaan din ni Miguel ang mga sangkot sa iligal na droga sa Koronadal na umayos na hangga’t may panahon pa dahil seryoso ang kampanya kontra iligal na droga ng pamahalaan.



-0-



Malaking kawalan sa bentahan ng iligal na droga ang pagkakapatay ng mga pulis sa number 1 sa drug wacthlist ng mga ito sa Bagumbayan, Sultan Kudarat.

Kinilala ni Sultan Kudarat PNP Provincial Director Police Senior Superintendent Raul Supiter ang suspek na si Gilbert Golingay nakatira sa Sitio Lower Lawa, Barangay Bai Saripinang, Bagumbayan.

Ayon kay Supiter pumunta ang mga pulis sa bahay ng suspek para magsagawa ng drug buy bust operation at ihain ang search warrant ng korte sa pagtatago umano nito ng iligal na armas.

Ayon kay Supiter napilitan ang mga pulis na barilin si Golingay nang tangkain tanggalin ang safety pin ng bitbit nitong granada.

Narecover ng mga pulis sa lugar ang anim na sachet ng suspected shabu,isang Granada, marked money, bandolier at teleskopyo na pagaari umano ng napatay na drug suspek. Si Golingay ay sumuko na rin noon sa Oplan Tokhang ng PNP .



-0-


Mas mapanganib ang sakit na HIV sa mga nasa 14 hanggang 49 anyos ayon kay South Cotabato HIV/AIDS Focal Person John Cudilla. Ito ang dahilan kung bakit ayon kay Cudilla target ngayon ng kanilang tanggapan na masailalim sa test ang 99 percent ng mga mamamayan sa lalawigan na nasa naturang age bracket.

Gayunpaman ayon kay Cudilla ang mga menor de edad na nais magpa HIV Test ay dapat kasama ng kanilang mga magulang.

Ayon kay Cudilla pinakabatang nag positibo sa HIV sa South Cotabato ang isang 17 anyos a binatilyo. Kaugnay nito, umapela si Cudilla sa mga mamamayan ng na magpa HIV Test.

Tiniyak ni Cudilla na bukas sa mga nais magpa test ang HIV/AIDS Core Team o HACT Clinic sa South Cotabato Provincial Hospital.

Kinumpirma din ni Cudilla na may kaso na ng HIV ang lahat ng mga bayan sa South Cotabato. Lima sa 65 kaso ng HIV sa South Cotabato mula Enero hanggang Mayo nitong taon ay maituturing na asymptomatic o walang symptom.


-0-

August 9, 2017 North Cotabato, isinailalim na sa state of Calamity Isinailalim na sa state of Calamity ang North Cotabato. Ito ayon kay Board Member Rolly Sacdalan sa panayam ng DXND-Radyo BIDA.

Ang deklarasiyon ay isinagawa kahapon sa regular na session ng Sangguniang Panlalawigan. Ito ay batay na rin sa rekomendasiyon ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council sa pamamagitan ng resolution No. 10 series of 2017.

Nabatid na abot sa mahigit sa apat na raang milyung piso ang kabuuang danyos na iniwan ng man-made at natural calamities na tumama sa probinsiya.

Kabilang sa mga lugar na naapektuhan ay ang Kidapawan City, Makilala, Pigcawayan, Tulunan, Kabacan, Pikit, Carmen, Alamada, Magpet at Antipas.

Umaabot naman sa Sampung libong magsasaka ang naapektuhan ng nakaraang mga pagbaha na sumalanta sa maraming taniman.

Dahil dito, maari ng magamit ang calamity fund ng probinsiya upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga nabiktima ng nakaraang kalamidad.

Inaasahan naman ang ilang mga interventions ng pamahalaan mula sa P20 Milyung pisong pondo upang makabili ng calamity seeds assistance.


-0-  


Bukal sa North Cotabato, isinusulong ang pagpapatupad ng batas hinggil sa pag-ka-counter flow ng mga sasakyan Isinusulong ngayon ni North Cotabato 3rd district board member Socrates Piñol sa Sangguniang Panlalawigan na mariing ipatupad ang batas hinggil sa mga nag-ka-counterflow na mga sasakyan sa probinsiya.

Ginawa ng opisyal ang pahayag sa regular na session ng SP kahapon ng tanghali.

Ito dahil sa marami siyang mga na-oobserbahan na mga sasakyan na nagka-counter flow at mga nag-oover-take sa daan na nagiging dahilan naman ng mga disgrasya.

Ginawang halimbawa ng opisyal ang isang isang van na sumalpok sa puno ng Gemelina sa gilid ng National Highway sa hangganan ng Brgy. Binoligan at Amas, Kidapawan City pasado alas 9:00 kahapon ng umaga.

Sugatan ang drayber na kinilalang si Samsudin Via at ang sakay nitong pasahero na si Baylinang Yamadil.

Galing umano ng Midsayap ang nasabing van kungsaan nag-overtake ito sa kasabay na sasakyan sa nasabing highway ng umiwas sa kasalubong na isang Revo na naging dahilan para mahulog sa kalsada at sumalpok sa puno ng Gemelina.

Agad namang isinugod sa Cotabato Provincial Hospital ang mga biktima habang hindi naman nasaktan ang ilang mga pasahero nito.

Isa sa pasahero nito ay tutulak pa sana ng Metro Manila, pero sa ospital ang bagsak nito dahil sa nasabing aksidente. Wasak ang harapan ng van ng sumalpok sa puno.


-0-  

Pagpapahinto sa ‘Expansion ng Pineapple Plantation’ sa Alamada, North Cotabato, suportado ng Sangguniang Panlalawigan Suportado ng Sangguniang Panlalawigan ng North Cotabato ang panukala ng Libungan-Alamada Natural Biotic Area-Protected Area Management Board (LANBA-PAMB) na ipahinto ang pagpapalawak ng taniman ng pinya sa bayan ng Alamada.

Ang nasabing panukala ay iprenisinta ni Board Member Rolly Sacdalan sa SP kahapon sa regular na session nila. Sinabi ng opisyal na balak ng kumpanyang DOLE na palawakin sa limang Libung ektarya ang pineapple plantation nila mula sa limang daang ektarya sa kasalukuyan.

Tinutulan ng grupong LANBA-PAMB na binubuo ng iba’t-ibang sektor at ahensiya ng gobyerno na nakatutok sa pagmamantina ng maayos na kapaligiran kagaya ng DENR, CENRO, MENRO, LGU mga barangay officials at iba pa.

Pangunahing dahilan dito ay upang ma protektahan ang watershed area sa bayan ng Alamada. Ayon sa opisyal galing kasi sa bayan ng Alamada ang tubig na iniinum at ginagamit sa mga bayan ng Libungan, Midsayap at mga karatig na lugar.

Bukod pa ito sa pag-iwas na magguho ang mga tap soil sa mga lugar na pagtatamnan ng palalawaking pineapple plantation sa nabanggit na lugar.



-0-  


Feasibility study para sa proposed Magpet-Davao Highway, sinimulan na Anumang araw mula ngayon ay masisimulan na ang Feasibility study para sa proposed Magpet-Davao Highway.

Kamakalawa ay una ng natapos ang survey kong saan umabot sa 20 kilometro ang tinahak ng technical working group patungo sa hangganan ng Region 12 at 11 partikular sa barangay Tambubong sa Baguio District, Davao City.

Ang technical working group ay binubuo ng Department of Public Works and Highways o DPWH, Department of Environment and Natural resources o DENR at mga personahe mula Magpet LGU.

Kabilang sa gagawing feasibility study ay ang Soil exploration at environmental study. Ayon naman kay Magpet Mayor Florenito Gonzaga na ang naturang road project ay isa sa 35 iba pa na mga proyekto na prayoridad ngayon ng Administrasyong Duterte sa pamamagitan ng DPWH.

Sa panahong matapos ang feasibility ay isusumete ang resulta nito sa National Economic Development Authority o NEDA na siyang mag-aaproba sa pagsisimula ng proyekto.    



-0-    



Ngayon pa lamang ay nakalatag na ang seguridad para sa nalalapit na pagdiriwang ng ika-70 taong anibersaryo ng bayan ng Kabacan, North Cotabato.

Kaugnay nito, puspusan na rin ang kanilang paghahanda sa iba’t-ibang mga aktibidad na inilatag sa isang linggong selebrasiyon.

Ilan sa mga magiging highlight ng okasiyon ay ang Search for Mutya ng Kabacan 2017 kungsaan magiging celebrity host sa pageant night ay si Jason Abalos sa August 16.

Bubuksan naman ang aktibidad sa August 14 sa pamamagitan ng Interfaith thanksgiving service sa municipal gymnasium, susundan ng Kasalan ng Bayan, pagbubukas ng Agr-Trade Fair at Talent Presentation ng Mutya sa hapon.

Magkakaroon din ng Teacher’s Day, Senior Citizens Day at Konsierto sa Plaza na itatampok ang Sponge cola rock Band. Bukod dito ay magkakaroon din ng HPG Motocross invitational challenge , Burn the Floor Competition at iba pa.

Inaasahan naman na magiging panauhing tagapagsalita sa Araw ng Kabacan si Cotabato Gov. Emmylou Lala Taliño-Mendoza.

Dahil dito, sa kabila ng pagsasailalim sa Martial sa buong Mindanao ay mas pinaigting pa ni Kabacan Mayor Herlo Guzman ang seguridad sa bayan.

Ayon kay LGU Information Officer Sarrah Jane Corpuz Guerrero na nakasentro pa rin sa peace and development ng bayan ang ika-70 anibersaryo ng bayan ng Kabacan.
  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy