Saturday Sep, 19 2020 01:19:26 AM

NDBC BIDA BALITA (8.28.19)

NDBC BALITA • 16:45 PM Wed Aug 28, 2019
592
By: 
NDBC NCA

HEADLINES:

1. HIGIT 60 mga miembro ng MILF, nakatakdang maging Bangsamoro Emergency Responders ng BARMM.

2. LABINDALAWANG LIBONG pisong halaga ng shabu, nakumpiska mula sa tatlong drug suspects sa Pikit, North Cotabato

3. MGA ATLETA ng Koronadal city na magwawagi sa national finals ng Batang Pinoy Games, tatanggap umano ng mas malaking insentibo mula sa lokal na pamahalaan

4. NFA South Cotabato, nagdagdag ng palay buying stations, magsasaka hinikayat na sa NFA magbenta ng kanilang produkto 

 

AT NGAYON SA DETALYE NG MGA BALITA...

 

-0-

 

Nakipaghabulan pa sa mga otoridad ngunit nadakip din ang isang drug suspect makaraang mabitag sa buy bust operation sa bahagi ng Kimpo Street, Barangay Rosary Heights 13, Cotabato City.

Nakilala ang naarestong suspek na si JOHARI ALIMPANG UDASAN, alyas “Tol”, 23 anyos at taga Barangay Bagua Dos ng lungsod.

Nahuli ang suspek nang pangunahan ni Police Station 4 commander Police Capt. Razid Lingob katuwang ang PDEA BARMM ang operasyon laban dito.

Nahulog pa umano sa isang drainage ang suspek nang magtangka itong tumakas.

Nakuha sa suspek ang dalawang sachets ng pinaghihinalaang shabu at marked money na ginamit sa operasyon.

 

-0-

 

PATAY naman ang isang drug suspect matapos itong manlaban sa mga otoridad na naglunsad ng anti-illegal drugs operation sa Esperanza, Sultan Kudarat.

Sa report ng Esperanza PNP, kinilala ang unang target na si Rolly Liboon Iwag na taga Brgy. Poblacion ng nasabing bayan.

Sa halip na mapayapang sumuko ay nakipagbarilan pa umano ang suspek sa mga otoridad gamit ang cal. 45 pistol kaya’t napatay siya ng mga pulis.

Nakuha mula kay Iwag ang pitong sachets ng hinihinalang shabu at drug paraphernalia.

Samantala, kaugnay naman ng nasabing operasyon ay nahuli din ang isang Judy Villaruel Bagaot, na residente rin ng Brgy. Poblacion, Esperanza.

Nakuha naman mula sa kanya ang anim na sachets ng hinihinalang shabu at drug paraphernalia.

Nakakulong na ngayon si Bagaot at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Dangerous Drugs Act of 2002.

 

-0-

 

PATAY NA nang matagpuan sa loob ng kanilang bahay ang 55 anyos na lalaki sa Cotabato city.

Sa report ng City PNP, nakilala ang nasawi na si ORLANDO EBO TRECERO SR., may asawa, isang mason na taga Purok 9, LR Sebastian Street, Barangay Rosary Heights 11 ng lungsod.

Base sa inisyal imbestigasyon ng mga otoridad, pasado alas nuebe ng gabi kamakalawa huling nakita ng kanyang pamilya si TRECERO.

Pasado alas sais ng umaga kahapon nang magulantang sila matapos na makita si Trecero na nakabitin sa kisame ng kanilang bahay at wala ng buhay matapos na magbigti gamit ang isang nylon rope.

Inaalam pa ng mga otoridad kung ano ang sanhi ng pagpapatiwakal ni Trecero dahil wala naman umano itong naikwento sa kanyang mga kaanak na problemang pinagdadaanan.

 

-0-

 

Nasa 66 na mga miembro ng Bangsamoro Islamic Armed Forces ng Moro Islamic Liberation Front o MILF-BIAF na nasa ilalim ng General Staff ang nakatakdang maging Bangsamoro Emergency Responders ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.

Katunayan, sumailalim na sa orientation ng Rapid Emergency Action on Disaster Incidence o READI-BARMM ang mga ito.

Tatawagin umano silang “Bantay Tulay” dahil sila ang inatasang magbantay sa mga ilog at tulay na sakop ng BARMM.

May matatanggap umanong allowance kada buwan ang mga nasabing Emergency Responders bilang bahagi ng programa.

Nabatid na unang made-deploy sa Maguindanao ang mga naturang emergency responder at inaasahang magkakaroon din na kahalintulad na mga bantay sa iba pang mga lalawigang sakop ng BARMM.

 

-0-

 

NAKATAKDA nang mawalan ng trabaho ang nasa higit anim na libong mga manggagawa ng nabuwag na Autonomous Region in Muslim Mindanao o ARMM bilang bahagi ng transition phase ng bagong tatag na Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.

Sinabi ni BARMM Spokesperson at BARMM Interior and Local Government Minister Atty. Naguib Sinarimbo na dadaan “Phase Out Plan” ang naturang mga empleyedo ng dating ARMM na hindi mapapasama sa bagong istraktura ng BARMM.

Tatanggap umano ang mga ito ng separation pay at ang iba ay maaari ring kumuha ng early retirement bago matapos ang taong ito.

Ayon kay Sinarimbo, tanging ang Ministry of Basic, Higher and Tertiary Education at Ministry of Health at Ministry of Social Services ang hindi mapapabilang sa "phase out plan".

Samantala, nilinaw naman ni Sinarimbo na pagkatapos ng "phase out plan" ay tatanggap na muli ng aplikasyon ang BARMM government para sa mga bakante posisyon.

Nabatid na inaasahang mayroong higit 500 mga bakanteng posisyon sa BARMM na pupunan sa susunod na taon.

 

-0-

 

Nagrekomenda na ang Kidapawan City Disaster Risk and Reduction Management council sa Sangguniang Panlungsod na isailalim ang lungsod sa state of Calamity dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng dengue sa buong lalawigan.

Umabot na sa 235% ang bilang ng dengue cases ang naitla sa lungsod simula Enero hanngang August 21 ito ay mataas kumpara noong nakaraang taon sa kaparehong panahon.

Nakapaloob sa Resolution numbers 17 and 18 na inaprubahan noong Agosto 23, 2019 ang pagdedeklara ng State of Calamity ng CDRRMC. 686 na kaso ng dengue ang naitala sa Kidapawan City kumpara sa 190 noong taong 2018 at dalawa na ang nasawi mula sa Barangay Birada at Poblacion.

Lumagpas na sa Dengue Epidemic Threshold ang bilang ng kaso sa sampung barangay ng lungsod na kinabibilangan ng: Poblacion, Birada, Amas, Balindog, Lanao, Sudapin, Manongol, Paco, Magsaysay at Singao.

Kapag naideklara na ng Sangguniang Panlungsod ang State of Calamity, magpapalabas na ng P2.8 Million na pondo ang CDRRMC.

Gagamitin ito na pambili ng tatlong fogging machines, 300 litro ng Permethrine, Larvaecides at Deltametrine na mga kemikal panlaban sa pagdami ng lamok at Mosquito Repellants. Nasa bahagi ng Health Services Program Dengue Outbreak Response ng CDRMMC ang aksyon kontra dengue.

Pinapayuhan naman ang lahat na sumunod sa kampanya ng pamahalaan para malimitahan ang kaso ng mga nagkakasakit ng dengue NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Patay ang isang lalaki matapos na masangkot sa aksidente sa Central Mindanao Airport, Tawan-tawan, Mlang, North Cotabato, alas 6:00 ng umaga kahapon.

Kinilala ang nasawi na si Alvin Robrico Dimson, 35-anyos, single, magsasaka na residente ng Purok Kawakawa, New Rizal Mlang, North Cotabato.

Ayon sa ulat ng Mlang PNP, nagsadya ang biktima sa nabanggit na lugar upang subukang patakbuhin ang kanyang motorsiklo na BAJAJ CT100 na walang license plate.

Pero habang pinapatakbo nito ang kanyang motorsiklo sa kahabaan ng runway ay hindi ito nakapag-preno nang sumapit sa dulo ng lane. Dito na ito natumba at dahil sa lakas ng impact, tumilapon ito sa daan na siya ring dahilan ng kanyang kamatayan.

Dagdag pa sa ulat ng PNP, posibleng gabi noong lunes ay nag test-ride na ito sa nasabing paliparan pero kinaumagahan na ito nadiskubreng wala nang buhay matapos mapansin ng mga sundalong may naka handusay sa lugar.(Cherry Exim) NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Binawian ng buhay habang ginagamot sa ospital ang isang 29 anyos na magsasaka matapos na pagbabarilin sa Barangay Kibayao Carmen North Cotabato.

Kinilala ang biktima na si Argie Camano Camique na residente ng Barangay Tunganon ng nabanggit na bayan. Ayon sa ulat ng Carmen PNP, sakay ang biktima ng kanyang motorsiklo mula sa Barangay Poblacion nang barilin ito ng mga hindi pa kilalang suspek.

Nakahingi pa ng tulong sa mga miyembro ng 7Th Infantry Battalion ng Philippine Army na malapit sa lugar ang biktima dahilan para isugod agad ito sa puinakamalapit na ospital.

Pero kalauna’y binawian ito ng buhay matapos magtamo ng bala sa ibat-ibang parte ng kanyang katawan. Hanggang sa ngayon ay hindi pa batid ng pulisya kung ano ang motibo ng mga responsable sa pagbaril at pagpatay sa nasabing magsasaka.(Cherry Exim) NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Abot sa 756 na kaso ng tuberculosis o TB ang naitala sa Kidapawan City kung saan 89 dito ay mga kabataan.

Ito ay batay sa datus ng Kidapawan City Health Office TB Program noong 2018, siyang pang-anim sa nangungunang sakit na nakamamatay sa lungsod kung saan 24 na ang binawian ng buhay.

Kaugnay nito, nagsagawa ang City Health Office ng isang symposium para mas lalong maunawaan ang sakit na TB. Ngayong taon, ang Department of Health sa pamamagitan ng National TB Control Program o NTP ay may temang: #EndTBNowNa.

Dinaluhan ito ng iba’t-ibang mga stakeholders mula pampubliko at pribadong sector, paaralan, religious sector, public private hospitals, non-government organizations at iba pa.

Layon nitong makamit ang TB-Free Kidapawan sa pamamagitan ng pagpapalawak ng kaalaman tungkol sa tuberculosis. Ang TB ay isang uri ng sakit na dulot ng mikrobyong Mycobacterium tuberculosis na madalas makaapekto ng baga. Maaari ring maapektuhan ang ibang bahagi ng katawan gaya ng buto, utak, bato, at atay.(Drema Bravo) NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

 

Arestado ang tatlo katao kabilang isang babae sa buy-bust operation ng PNP sa Sitio San Roque, Barangay Nalapaan, Pikit, Cotabato alas 1:30 ng hapon kahapon.

Kinilala ang mga suspek na sina Tapia Malingco, Amir Rasul Mama ng Pagalungan Maguindanao at Chenny Tallorin na taga Poblacion, Pikit Cotabato. Ang anti-illegal drug operation ay pinangunahan ng PNP Pikit, 7Th at ng 38Th Infantry Battalion ng Philippine Army.

Nakuha sa kanila ang isang medium size ng plastic heat sealed sachet na na produkto ng buy bust at iba pang labin dalawang mga medium sachets ng droga nagkakahalaga ng 12,000 pesos, mga drug paraphernalia ang isang unit ng KIA Bongo.

Samantala, huli din ng PNP ang isang vendor na sumasideline sa pagbebenta ng iligal na droga sa inilunsad na buy-bust operation ng PNP alas 2:10 ng hapon kahapon sa Purok 17 Barangay Poblacion Makilala, North Cotabato.

Kinilala ang suspek na si Romeo Descartin Cajilig Jr, 45 years old, may asawa na nakatira sa Purok 2, Barangay Conception Makilala. Ang operasyon ay isinagawa ng Makilala Police sa pangunguna ni Police Major Arniel Melocotones kahapon laban sa suspek.

Nakuha sa kanya ang dalawang sachets ng pinaghihinalaang shabu at ang 1,000 peso bill na siya ginamit na buy-bust money. Inihahanda na ang kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa mga nadakip na drug suspects.(Cherry Exim) NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Mayroon nang buying stations ang National Food Authority o NFA sa ilang mga bayan ng South Cotabato.

Layun nito na mapaigting ang procurement operation ng nasabing ahensya ngayon panahon ng anihan.

Ayon kay NFA South Cotabato Assistant Provincial Manager Max Masa una silang nagbukas ng buying station sa bayan ng Norala. Ang Norala ay kilalang rice granary ng South Cotabato dahil sa malawak nitong palayan. Dinagdag din nito na permanente na ring bukas ang NFA buying station sa Koronadal City.

Ayon kay Masa inihahanda na rin nila ang buying stations ng NFA sa iba pang mga bayan sa lalawigan. Kaugnay nito, ipinahayag ni Masa na kailangan lamang ng mga magsasaka na magbenta ng palay sa NFA ang certification sa kanilang barangay o Munisipyo.

Maari rin nila itong hingin sa Department of Agrarian Reform at National Irrigation Administration. Ayon kay Masa bibilhin ng NFA ang produktong palay ng mga magsasaka ng hanggang sa P20 kada kilo. Dinagdag din nito na inaasahan ng NFA ang peak season ng anihan sa South Cotabato sa Setyembre hanggang Oktobre.

 

-0-

 

Isumbong sa mga kinauukulan ang Maling sa mga tindahan na ang produksyon ay mula August 2018 pataas.

Ito ang panawagan ni South Cotabato Provincial Veterinarian Dr. Flora Bigot sa mga mamamayan ng lalawigan.

Layon nito ayon kay Bigot na mapanatiling ligtas sa sakit na African Swine Disease o ASF ang mga alagang baboy sa South Cotabato.

Ipinahayag ni Bigot na mariing binabantayan ngayon ng mga otoridad ang mga produktong maling mula Hongkong na isa sa mga bansa sa Asya na apektado ng ASF.

Paliwanag ni Bigot ang virus ng ASF ay kayang makapag-survive kahit sa mataas na temperatura. Pinayuhan din ni Bigot ang mga may babuyan sa South Cotabato na mahigipit ng bio security. Ito ay ang paglilinis, pag-disinfect, at pagkontrol ng pagpasok ng mga tao sa mga babuyan.

Ayon kay Bigot bago ipasok sa slaughter house kailangan ang veterinary health certificate o transport permit para matiyak na dumaan sa masusing inspeksyon ang mga kakataying baboy. Pinayuhan din ni Bigot ang publiko na dapat tiyakin na may meat certificate ang bibilhing karne.

Sinabi ni Bigot na bagama’t hindi nakakahawa sa tao, maari kasing manganib ang umuunlad na swine industry ng South Cotabato sa ASF. Ayon kay Bigot kailangang maproteksyunan laban sa namamatay na ASF ang mahigit 40,000 na mga alagang baboy sa South Cotabato. 

 

-0-

 

Kakasuhan nila ang tatlong mga preso sa South Cotabato Provincial Jail. Kasunod ito ng pagkakatuklas ng mga otoridad ng 15 na sachet ng umanoy shabu sa kanilang selda noong Linggo.

Ipinahayag ito ni South Cotabato OIC Provincial Jail Warden Felecito Gumapac. Tumanggi muna si Gumapac na tukuyin ang mga preso na umano ay lumabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. Pero bago pa man ito ayon kay Gumapac, sinuspinde na rin ang prebelihiyo ng mga inmate sa selda number 16 na nakuhanan umano ng illegal drugs.

Ayon kay Gumapac inamin ng selda leader sa kanya na ang nadiskubreng mga droga ay matagal nang naitago ng mga inmate sa tubo na ginawang poste ng kanilang sampayan.

Pinasalamatan naman ni Gumapac ang mga preso na tumulong sa kanilang kampanya kontra iligal na droga sa provincial jail. Dinagdag ni Gumapac na para sa maigting na monitoring ng iligal na droga sa provincial jail naghigpit pa ng seguridad ang mga jail guards. Tiniyak ni Gumapac na sa kabila ng pagkakatuklas ng mga otoridad sa nasabing mga umano’y shabu, tuloy pa rin ang operation greyhound ng mga otoridad sa South Cotabato Provincial Jail.

 

-0-

 

Koronadal athletes na magwawagi sa national finals ng Batang Pinoy Games bibigyan ng mas malaking insentibo ng lokal na pamahalaan

Makatatanggap ng mas mataas na insentibo mula sa lokal na pamahalaan ang mga atleta ng Koronadal City na magwawagi sa ginaganap ngayong National Finals ng Batang Pinoy Games sa Puerto Princessa City, Palawan.

Ipinahayag ito ni Koronadal Mayor Eliordo Ogena. Kasunod ito ng kanyang pagbisita sa mga delegado ng syudad sa nasabing palaro. Layun nito na alamin ang kalagayan ng mga atleta at kung ano pa ang kanilang pangangailangan.

Kaugnay nito ,ang mga pambato ng Koronadal City sa 2019 Batang Pinoy Games na makakakuha ng Gold medal ay makatatanggap ng P5,000 cash incentives.

Habang ang silver medal naman ay mabibigyan ng P3,000 at P2,000 ang bronze.. Mas mataas ito sa P3,000; P2,000 at P1,000 na kanilang natanggap noong nakaraang taon. Tiniyak ni Ogena na ibibigay ng Koronadal LGU ang pangangailangan ng mga atleta ng lungsod hindi lamang sa tuwing may kumpetisyon kungdi maging sa kanilang mga ensayo.

Ang Koronadal LGU ay mayroong mahigit 40 mga atleta sa 2019 Batang Pinoy Games.

 

 

-0-

 

Masaganang Ani at Mataas na Kita, ito ang bagong pangunahing layunin ng Kagawaran ng Pagsasaka sa ilalim ng pamumuno ni Agriculture Secretary Dr. William D. Dar.

Ayon kay Secretary Dar, ang mga ito ang dapat na pagtuunan nang pansin ng DA upang masigurong maiaahon mula sa hirap ang mga maliliit na magsasaka't mangingisda.

Kaugnay nito, nagdisenyo ang kalihim ng walong paradigms na magiging gabay ng ahensiya sa pagsisigurong mas magiging masagana at mas mataas ang kita ng mga magsasaka.

Kabilang sa mga ito ang pagpapaigting pa ng mekanisasyon sa Pilipinas o ang pagbibigay ng mas marami pang mga makinarya sa mga magsasaka.

Ayon kay Dar, malaki ang maitutulong ng mga modernong kagamitan sa mga magsasaka lalo na sa panahon ng anihan kung kaya mas maraming postharvest equipment ang ipamimigay ng DA.

 

 

 

 

 

 

 

Fire hits printing office near Koronadal Cathedral

Printing Press malapit sa Christ The King Cathedral sa Koronadal City, nasunog. Ayon sa pahayag ng ilang nakasaksi, alas 5:45 ng hapon nagsimula...

Cotabato Light's accredited payment center remains open until 1 p.m. on Saturday Sept. 19

Please be informed that our Accredited Service Center at Alnor Commercial Complex is OPEN every Saturday from 7:30 AM to 1:00 PM while No Movement is...

Maguindanao farmers lose millions of agri-crops to floods

COTABATO CITY – As the proverb saying goes “Don't count your chickens until they are hatched.” This is how a farmer described his fate while...

NDBC COVID WATCH: 9 recover, 20 new cases in Region 12

COTABATO CITY - The Department of Health in the Soccsksargen region today reported that nine patients have recovered from the coronavirus disease...

READI reaches out to flood-stricken communities

COTABATO CITY --- The Bangsamoro government is now reaching out to villagers hit by floods that swept through several towns in Maguindanao and...