Saturday Sep, 19 2020 01:45:25 AM

NDBC BIDA BALITA (8.29.19)

NDBC BALITA • 16:00 PM Thu Aug 29, 2019
818
By: 
NDBC NCA

HEADLINES:

1. ILANG education officials sa Maguindanao, hati ang opinyon hinggil sa isinusulong na “No Homework Policy".

2. Mamamahayag na mula Kidapawan City kabilang sa nakaligtas na pasahero sa nasunog na barko sa Zamboanga Del Norte

3. Swindler na nanghihingi umano ng pera kapalit ng Masteral Degree mula sa isang Unibersidad sa Davao City, inaresto ng mga pulis sa Lake Sebu, South Cotabato.

4. North Cotabato n delegates to Batang Pinoy, namamayagpag, 14 na ang gold medal

 

 

AT NGAYON SA DETALYE NG MGA BALITA

 

-0-

 

MAGKAKAIBA ang opinyon ng ilang matataas na education officials ng Maguindanao hinggil sa isinusulong ngayong "No Homework Policy" ng dalawang mga mambabatas sa Kamara.

Sang-ayon si Maguindanao 2 Schools Division Superintendent, Bai Meriam Kawit sa naturang panukalang-batas na magbibigay aniya ng sapat na panahon sa mga estudyante na makasama ang kanilang mga pamilya at makapagpahinga sa bahay lalo na tuwing weekend.

Pero para naman kay Maguindanao Division 1 Schools Supt. Dr. Bai Alibai Benito-Aliuden, hindi umano maiiwasan ang pagbibigay ng homework sa mga mag-aaral lalo na sa mga eskwelahang madalas suspendido ang klase dahil sa mga pagbaha o kaya ay armed conflict.

Giit ni Aliuden, ang pagbibigay ng mga take-home assignment lamang ang paraan ng mga guro para matiyak na makaka-agapay pa rin ang kanilang mga estudyante at hindi magkulang sa required number of class hours.

Samantala, para naman kay Cotabato City Schools Division Supt. Dr. Concepcion Balawag, ang naturang panukalang-batas ay pagbibigay pangil sa DepEd memorandum 392 na nauna ng inilabas ni dating DepEd Sec. Armin Luistro noong 2010.

Para kay Dr. Balawag, hindi naman kailangang ipagbawal ng tuluyan ang pagbibigay ng homework sa mga mag-aaral.

Bagkus aniya, dapat lang itong limitahan para magkaroon ng pagkakataong makapagpahinga ang mga batang mag-aaral kasama ng kanilang pamilya.

Paraan din aniya ito para mabawasan ang gawain ng mga guro sa pag-check ng mga ibinibigay na assignment.

Maalalang nitong August 26 nang ihain ni Quezon City Representative Alfred Vargas ang panukalang batas na nagbabawal sa pagbibigay ng homework tuwing weekends.

Sa bersyon naman ni House Deputy Speaker Evelina Escudero, nais naman nitong ipagbawal ang pagbibigay ng mga takdang-aralin para sa mga estudyante mula kindergarten hanggang grade 12.

 

-0-

 

APRUBADO NA ng Department of Budget and Management o DBM ang budget para sa limang mga staff ng bawat miembro ng Bangsamoro Transition Commission o BTC ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.

Sinabi ni BARMM Finance, Budget and Management Minister Edward Guerra na bukod sa mga sahod ng limang mga staff ng BTA members ay inaprubahan na rin ng DBM ang skeletal staffing sa mga bagong tatag ng ministry na nakapaloob sa Bangsamoro Organic Law o BOL.

Ayon kay Guerra, ang Special Allotment Release Order o SARO at ang Notice of Cash Allocation o NCA ng mga ito ay nailabas na at ang actual cash ay na-download na rin sa office of the BARMM chief Minister.

Iginiit pa ni Guerra na ang magandang balitang ito ay bunga ng kanilang mga pagpupulong kasama sina DBM Secretary Atty. Wendel Avisado at Under Sec. Tina Rose Marie Canda.

 

-0-

 

DINAKIP ng mga opisyal ng Barangay Poblacion otso sa Cotabato City ang dalawang mga construction worker matapos nilang maaktuhan ang mga itong gumagamit ng ipinagbabawal na droga sa isang tahanan sa Purok Katamlangan, Kakar, ng nabanggit na Barangay.

Nakilala ang mga naaresto na sina ABDUL TALUSAN ORIG, 36 anyos, taga -Katuli Sultan Kudarat, Maguindanao at ALONTO MAMALAC FERMIN, 35 anyos, na residente naman ng Barangay Poblacion 8 ng lungsod.

Mabilis namang nagtungo sa lugar ang mga pulis mula sa Police Station 2 para damputin ang dalawang mga suspek na hinuli ng mga barangay official.

Nakuha mula sa mga suspek ang anim na sachets ng pinaghihinalaang shabu at ilang drug paraphernalia.

Nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso ang dalawa ngayong araw.

Samantala, tinangay ng di nakilalang magnanakaw ang motorsiklo ng isang lalaki habang naka parada sa tapat ng isang Carederia sa Governor Gutierrez Avenue, RH 7, Cotabato City alas tres ng hapon kahapon.

Nakilala ang biktima na si MALAPIA RASKAL NOOR,46 anyos, negosyante na residente ng RH 7 Cotabato City.

Ayon sa biktima, pinarada umano nito ang kanyang kulay itim na KYMCO 110 motorcycle na may license plate MS37044 sa tapat ng isang kainan sa nabanggit na lugar pero makalipas ang ilang minute ay laking gulat na lamang nito ng makitang wala na ang nasabing motorsiklo makaraang kunin ito ng di nakilalang kawatan.

Agad na nag tungo sa PS2 ang biktima upang iulat ang insidente.

 

-0-

 

MAY ILANG mga local government official pa umano sa Lanao del Sur na sangkot sa malawakang illegal drug trade.

Kaya ibinunyag ni Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA BARMM director Juvenal Azurin na ang mga ito ang kanilang target sa mga susunod nilang anti-illegal drugs operation.

Gayunman, hindi naman pinangalanan ni Azurin ang mga tinutukoy na government official at hindi rin niya binanggit ang posisyon ng mga ito.

Ayon kay Azurin, nangangalap lamang sila ng mga dagdag na ebidensya at naghihintay ng tamang pagkakataon para matimbog ang mga naturang narco-politician.

Ginawa ni Azurin ang pahayag kasunod nang pagkakadakip sa dalawang suspected bigtime shabu dealers na nakuhanan ng higit dalawang milyong pisong halaga ng suspected shabu sa Marawi City noong nakaraang linggo.

 

-0-

 

Arestado ang isang miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) sa ikinasang buy bust operation ng  Pigkawayan PNP alas onse ng umaga kahapon sa Barangay Poblacion Pigcawayan, Cotabato.

Kinilala ang naaresto na si Kamar Darayo Otiyak alias "Kamar", 36 anyos, may asawa, isang magsasaka at risedente ng Baranagy Patot ng bayan.

Sa report ng Pigkawayan PNP, naaresto si Kamar matapos na mabilhan ng nagpanggap na asset ng PNP ng dalawang sachet ng shabu.

Nakuha mula sa kanya ang tatlong sachet ng pinaghihinalaang shabu at isang motorsiklo na ginagamit umano ng suspek sa pagbebenta ng droga.

Sa ngayon nakapiit na sa custodial facility ng Pigcawayan PNP ang suspek na kakaharapin ang kasong paglabag sa R.A 9165 o comprehensive dangerous drugs act of 2002.

 

-0-

 

Delegado ng Cotabato Province, nangunguna sa nagpapatuloy na Batang Pinoy 2019 sa Palawan

Nangunguna ngayon ang mga delegado ng Cotabato Province sa patuloy na isinasawang Batang Pinoy 2019 sa Palawan batay sa ipinalabas na resulta ng Philippine Sports Commission alas 6:00 kagabi.

Ayon kay Cotabato Province Batang Pinoy Tournament Manager Renato Corre, nakakuha ang mga manlalaro mula sa probinsya ng labin-apat na gold medals, tatlong silver at isang bronze medal. Anya, patuloy pa ang mga isinasagawang event ng kanilang mga manlalaro sa Palawan ngayon at isa ang larong swimming sa mga nangunguna at may maraming nakuhang medalya.

Dagdag pa nito, nagpamalas ng galing ang mga pambato sa lahat ng laro na kanilang sinalihan. 

Malaki din ang kanyang pasasalamat sa mga magulang ng mga batang kalahok dahil sa ipinakitang suporta sa mga gusto ng kanilang anak. May ibang mga magulang din na sumama sa Palawan upang matutukan din ang kanilang anak. Ligtas din anya ang mga pagkaing inihahain para sa mga bata at ang lugar kung saan isinasagawa ang bawat laro.(Cherry Exim) NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

 

Ipinatutupad na anya ngayon ng Kidapawan City Division ang pagbabawal sa pagbibigay ng takdang aralin sa mga mag-aaral lalo na sa mga pampublikong paaralan sa lungsod mula pre- school hanggang sekondarya.

Ito ang ipinahayag sa Radyo-BIDA ni Kidapawan City Schools Division Superintendent Romelito Flores kahapon ng umaga. Sinabi ni Flores, matagal na anyang umiiral ang usapin matapos makatanggap ng order o guidelines ang Department of Education noong taong 2010. Layon din nito na mabigyan ng oras ang mga bata at kanilang mga magulang sa kanilang tahanan. 

Dagdag pa nito, mabigat din anya para sa isang mag-aaral ang walong mga takdang aralin sa walo ding subject na ibinibigay ng guro bawat araw.

At pwede din naman anya itong ibigay sa loob ng paaralan upang hindi na dadalhin ng mga estudyante ang kanilang takdang-aralin. Samantala, sa ngayon wala pa anyang basehan ang tanggapan kung ipagbabawal din ang pagpadadala ng mga libro ng mga mag-aaral sa kanilang bahay araw-araw. 

 

-0-

 

Magpet PNP hinimok ang MNLF na itigil na ang pagsasagawa ng mga aktibidad sa kanilang headquarters

Hinikayat ng Magpet PNP ang grupo ng Moro National Liberation Front o MNLF na buwagin na ang kanilang grupo at itigil na rin ang pagsasagawa ng kanilang mga aktibidad sa loob ng kanilang headquarters sa Brgy Poblacion, Magpet North Cotabato.

Ginawa ni Magpet PNP Chief Police Captain Rolando ang pahayag matapos ang pag-aresto sa mag-asawang umano’y lider ng nasabing grupo. Matatandaang kamakalawa ay nakuhanan ng armas, droga at bala ng pampasabog ang dalawa.

Nabatid na isang maliit na kubo malapit sa bahay ng mag-asawa ang ginagawang headquarters ng nasabing grupo. Ayon kay Dillera na may mga duty-officers din umanong nakabantay sa sinasabing headquarters na may nakasabit na bandila ng MNLF.

Nabatid na sabay ring narekober doon ang ilang mga rifle na gawa sa kahoy na siya umanong ginagamit sa pagsasanay ng drill.

Ayon pa sa isang miyembro na si alyas Joey na naka-usap ng News Team, sila na mismo ang bumibili ng kanilang unipormeng camouflage na sinusuot habang sumasailalim sa training.

Ipinakita rin nito ang kanyang membership I.D. na ayon pa sa kanya ay nagagamit na nito sa kanyang personal na transakyon. Sinusulong ng nasabing grupo ang federalismo ni Pangulong Duterte kung kaya’t ayon pa sa nasabing miyembro ay makakatanggap sila ng 40-thousand pesos kada buwan at magiging kasapi ng sandatahang lakas sakaling maging ganap ng federalismo ang bansa.

Samantala, nilinaw naman ni Dillera na hindi lehitimo ang nasabing grupo dahil una na itong ipinatawag sa tanggapan ng alkalde ng bayan at bigong magpresenta ng pertinenteng dokumento. Kaugnay nito, patuloy namang mino-monitor ng pulisya ang galaw ng nasabing grupo at nagbanta na bubuwagin ito kung maglalagay na naman ng panibagong lider matapos na makulong ang kanilang pinuno.

Nabatid na abot na sa 200 mga indibidwal ang na-recruit ng nasabing grupo kabilang na ang ilang mga out-of-school youth at maging mga mag-aaral sa hayskul sa bayan ng Magpet at siyang ikina-alarma ng ilang mga residente sa lugar.(Drema Bravo) NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Isang mamamahayag sa Kidapawan City, kabilang sa nakaligtas na pasahero sa nasunog na barko sa Zamboanga Del Norte

Nakaligtas ang isang mamahayag na taga Kidapawan City matapos masunog ang barkong kanyang sinasakyan sa Zambonga Del Norte alas kahapon ng madaling araw.

Ayon sa mamamahayag na si Fred Castro, mahigit sa dalawa hanggang tatlong oras sila bago na-rescue nang biglang nasunog ang kanilang sinasakyang MV lite ferry 16.

Nabatid na tatlo ang nasawi kabilang na ang isang taong gulang at walong buwan na bata at edad 60-anyos na pasahero habang 110 pang mga pasahero na sakay ng nabanggit na barko kung saan sakay si Castro.

Nattutulog anya noon sila nang biglang lumiyab ang bahagi ng barko at isang oras bago dumaong.

Sinabi ni Castro, alas-2:00 na ng madaling araw nang ma-rescue sila ng dumaan na fast craft.

Ang barko ay umalis dakong alas-6:00 ng gabi nitong Martes mula sa Samboan, Cebu City at patungo ito ng Dapitan City.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang inilunsad na rescue operation ng Philippine Coast Guard, PNP-Maritime at iba pang mga otoridad doon sa mga pasaherong tumalon sa barko at kasalukuyan pang nawawala. Batay sa impormasiyon may 37 pang pasahero ang nawawala.

Sa ulat naman ng Philippine Coast Guard, nasa 137 lahat ang sakay ng barko at 109 dito ay mga adults, 24 ang mga bata at apat naman ang mga infants.(Cherry Exim) NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

80K na halaga ng ari-arian iniwang danyos sa nasunog na bahay sa Pikit, North Cotabato

Tinupok ng apoy ang isang bahay sa Sitio Apolo, Barangay Fort Pikit North Cotabato alas 7:20 ng gabi, kamakalawa.

Ayon sa ulat ng Bureau of Fire Pikit, ang nasunog na bahay ay pagmamay-ari ng isang Blasem Lumangka na gawa sa light materials. Mabilis na tinupok ng apoy ang buong bahay at maswerteng hindi na nadamay pa ang kalapit na mga bahay sa lugar.

Ideneklarang fire out labinwalong minuto matapos na nakapagresponde ang BFP Pikit. Hanggang sa ngayon ay hindi pa batid ng BFP-Pikit kung ano ang sanhi ng naturang sunog. Sa iba pang mga balita… Arestado sa isinagawang buy-bust operation ng PNP ang isang 66 anyos na lolo sa Purok 6, Barangay Carugmanan Banisilan, Cotabato alas 8:40 kagabi.

Nakilala ang suspek na si Eduardo Honopre Mayojo, isang magsasaka na residente din nasabing lugar. Ayon sa ulat ng Banisilan PNP, nakuha sa kanya ang isang sachet ng iligal na droga, 1 thousand peso bill na marked money at 3.5 inches kitchen knife.

Naisumite na ng PNP ang mga nakuhang ibedensiya sa Provincial Crime Laboratory sa Kidapawan city para sa dagdag na eksaminasyon. Inihahanda na ang kasong isasampa laban sa suspect na kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.(Cherry Exim) NDBC BIDA BALITA

 

-0-

 

Fruit vendor na dati nang nakulong dahil sa iligal na droga, patay matapos barilin sa Makilala, North Cotabato

Patay makaraang pagbabarilin ng di pa kilalang suspek ang isang fruit vendor alas 7:20 kagabi sa National Highway Barangay Poblacion, Makilala North Cotabato.

Sa ulat ng Makilala PNP, nakilala ang biktima na si Jimbo Reyes Mangulabnan, 46 anyos at residente ng Purok 3 Barangay Poblacion ng bayan. Pinagbabaril ng di pa kilalang suspek ang nasabing biktima habang umiihi sa lugar nang dinikitan siya ng gunman.

Patay noon din ang biktima matapos na magtamo ng tama ng caliber 45 pistol sa kanyang likod. Nabatid na nakulong na dati ang biktima sa inilunsad na buy bust operation ng PNP noong October 8, 2018 pero nakalabas dahil sa Plea bargaining ng gobyerno.(Cherry Exim) NDBC BIDA BALITA

-0-

 

 

Arestado sa entrapment operation ng mga pulis ang isang umanoy swindler sa Lake Sebu, South Cotabato. Kinilala ni Lake Sebu PNP Acting Chief of Police Major Nathaniel Panaguiton ang suspek na si Josephine Villarosa.

Inlunsad ng mga pulis ang entrapment operation laban kay Villarosa matapos isumbong ng umanoy biktima nito na nakapagbigay sa kanya ng mahigit P100,000. Ang nasabing halaga ay ibinigay ng biktima kay Villarosa on installment basis.

Ayon kay Panaguiton humihingi umano ng pera si Villarosa sa mga biktima nito kapalit ng pagkuha ng Masteral Degree sa University of Southeast Philippines sa Davao City.

Ngunit lumabas sa pagsisiyasat ng mga pulis na hindi konektado sa nasabing unibersidad si Villarosa at peke ang pakikipagtransakyon nito. Inaresto ng mga pulis si Villarosa matapos tumanggap ng pera sa nagbalatkayong pulis. Nakuha sa kanya ng mga pulis ang P6,000 na ginamit sa kanilang entrapment operation. Inihahanda na ng Lake Sebu PNP ang kasong swindling at iba pang uri ng estafa laban kay Villarosa.

 

-0-

 

Dating alkalde at bise alkalde naghain ng kandidatura para sa special election sa mga bagong tatag na congressional districts ng General Santos at South Cotabato

Nakapag-file na ng kanyang certificate of candidacy para sa unang eleksyon sa pagka-kongresista sa lone district ng General Santos ang dating bise alkalde ng syudad na si Shirlyn Banas-Nograles. Si Nograles ang pambato sa special election sa October 26 ng People’s Champ Movement o PCM ni Senator Manny Pacquio.

Ayon kay Nograles, ito na ang pangalawang pagkakataon ng pag-file nito ng COC. Matatandaan na si Nograles ay kumandidato bilang kongresista ng unang distrito ng South Cotabato at Gensan noong Mayo.

Ngunit sinuspinde ng Comelec ang eleksyon dahil sa pagtatag ng hiwalay na distrito ng Gensan. Naniniwala si Nograles na ang filing nito ng bagong COC ay hindi makaapekto sa petition nito sa Supreme Court hinggil sa suspension ng Comelec ng eleksyon noong Mayo.

Wala pang desisyon ang korte sa inihain ng kampo ni Nograles na “Certiorari with Urgent Prayer for Issuance of a Status Quo Ante Order.” Matatandaan na si Nograles ay nanguna sa botong mahigit 194 thousand noong Mayo ngunit ito ay ideneklarang stray ng Comelec.

Makatutungali naman nito si dating South Cotabato First District Representative Pedro Acharon Jr. Local party na Achievers with Interity Movement at mga independent candidates na sina Benjie Rivera at Abelardo Plaza.

Sa unang congressional district ng South Cotabato una ring nagfile ng kanyang COC kahapon sa provincial comelec office si dating Polomolok Mayor Ed Lumayag, dating Tampakan Councilor Richard Ross Barroso at incumbent Polomolok Councilor Atty. Leo Cordova Sakop ng nasabing distrito ang mga bayan ng Tampakan, Polomolok, at Tupi.

 

-0-

 

 

Naghigpit sa kanilang recruitment ang Police Regional Office o PRO 12.

Layun nito na mapigilan ang posibleng anomalya sa hiring ng bagong mga police personnel. Ito ay ayon kay PRO 12 Regional Director Brig. Gen. Eliseo Tam Rasco.

Ayon kay Rasco, kaugnay ito sa bagong sistema na ipinatutupad ng PNP para matiyak ang mas transparent na recruitment process. Ito ay ang pagpapatupad ng “No human contact” sa hiring ng bagong mga pulis para maiwasan ang “padrino” o godfather system.

Layun nito ayon kay Rasco na matiyak na tanging mga kwalipikado lamang ang makapapasok sa hanay ng PNP at hindi ang mga nirekomenda ng mga opisyal at iba pang personalidad.

Sa pamamagitan nito ayon kay Rasco ay matitigil na rin ang pagretoke ng dokumento ng mga kurakot na police kapalit ng pera. Matatandaan na inaresto ng Integrity Monitoring and Enforcement Group ng PNP ang pulis na si Master Sergeant Arnel Abellera kamakailan. Ito ay matapos umanong mangikil sa isang police applicant kapalit ng pagkakapasa nito sa neuru-psychiatric at medical examinations.

Sa bagong sistema ng recruitment ang dokomento ng mga aplikante ay lalagyan ng bar code para hindi makita ang kanilang mga pangalan

 

-0-

 

South Cotabato magiging implementing site ng World Health Organization at DOH sa Universal Health Care Strategic Planning

Napili na isa sa mga site sa Mindanao ng Universal Health Care o UHC Strategic Planning ang lalawigan ng South Cotabato. Ipinahayag ito ni South Cotabato Provincial Health Officer. Dr. Rogelio Aturdido Jr. Ayon kay Aturdido, ibig sabihin nito makatatanggap ang lalawigan ng teknikal na tulong mula sa World Health Organization o WHO.

Ang WHO kasama ang mga kinatawan ng Center for Innovative Change ng Department of Health ay magsasagawa ng strategic planning sa lalawigan sa August 29 hanggang 30.

Ang kinatawan ng WHO na si Dr. Albert Domingo ay nakipagkita na kay South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr. Ayon kay Aturdido ang hakbang na ito ay mahalaga sa pagbalangkas ng mga programa para sa maayos na pagpapatupad ng UHC sa lalawigan.

Layun ng UHC Law na makapagbigay ng dekalidad, accessible, patas,at may sapat na pondo na serbisyong pangkalusugan sa mga mamamayan.

 

-0-

 

Board member iginiit ang karapatan nila na malaman ang estado ng kaso laban sa open pit mining ban ng isang mining firm at tribal leaders sa Tampakan, South Cotabato.

Kailangan ng Sangguniang Panlalawigagn o SP na mabigyan ng update hinggil sa kaso laban sa ban sa open pit mining sa South Cotabato.

Ito ay isinampa ng Saggittarius Mines Incorporated at mga Tribal Groups sa bayan ng Tampakan. Binigyan diin ni Board Member Esther Marin Catorce Catorce na kailangan na mabigyan ang SP ng update sa kaso at kung ano ang sagot dito ng provincial government.

Ayon kay Catorce karapatan ito ng SP dahil sila ang nag-apruba ng Environment Code na nagbabawal ng open pit mining sa South Cotabato.

Ang nasabing ordinansa ayon kay Catorce ay nire-affirm din ng konseho noong 2013. Ayon kay Catorce ikinaalrma nito ang impormasyon na magpapatuloy ang operasyon ng SMI sa kabila ng environment code ng lalawigan.

Kaugnay nito hiniling ni Catorce kay acting Vice Governor Glezel Mariano na makipagugnayan sa provincial legal office. Sinabi ito ni Catorce sa pinakahuling regular session ng mga myembro ng SP.

Matapos suportahan ang hinaing ni Catorce balak naman ng mga myembro ng SP na magsagawa ng exedutive session para dinggin ang paliwanag ng legal office sa kasong ng SMI at mga tribal leaders ng Tampakan.

 

 

 

Type a message...

Fire hits printing office near Koronadal Cathedral

Printing Press malapit sa Christ The King Cathedral sa Koronadal City, nasunog. Ayon sa pahayag ng ilang nakasaksi, alas 5:45 ng hapon nagsimula...

Cotabato Light's accredited payment center remains open until 1 p.m. on Saturday Sept. 19

Please be informed that our Accredited Service Center at Alnor Commercial Complex is OPEN every Saturday from 7:30 AM to 1:00 PM while No Movement is...

Maguindanao farmers lose millions of agri-crops to floods

COTABATO CITY – As the proverb saying goes “Don't count your chickens until they are hatched.” This is how a farmer described his fate while...

NDBC COVID WATCH: 9 recover, 20 new cases in Region 12

COTABATO CITY - The Department of Health in the Soccsksargen region today reported that nine patients have recovered from the coronavirus disease...

READI reaches out to flood-stricken communities

COTABATO CITY --- The Bangsamoro government is now reaching out to villagers hit by floods that swept through several towns in Maguindanao and...