NDBC BIDA BALITA (9.11.17)

NDBC BALITA  • Mon Sep 11, 2017 07:59 AM  •  159   0
By NDBC NCA
  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy
NEWSCAST SEPTEMBER 11, 2017 (MON)
7:00 AM
 

HEADLINES:
 

1. Pahayag ni P. Duterte na Cotabato ang susunod sa Marawi City dahil magulo dito, pinabulaanan 

2. BAHAY ng alkalde at anak nito sa Tampakan, South Cotabato, ni-raid ng mga otoridad.  

3. Konsehal sa Mlang, North Cotabato, namatay sa sakit habang ginagamot sa Davao City  

4. Marijuana user, huli sa Kidapawan City



-0-

PINASINUNGALINGAN ng lokal na pamahalaan ng Cotabato City at maging ng City PNP ang report na lumabas sa isang pahayagan na nagsasabing ang lungsod ang susunod na magkakaroon ng krisis pagkatapos ng Marawi city.

Ang naturang report sa Philippine Star na pinamagatang ‘No peace in Mindanao for the longest time’ na isinulat ni Edith Regalado at lumabas kahapon, September 10, ay base umano sa naging pahayag ng pangulong Duterte sa kanyang pagsasalita sa Mindanao Business Conference sa Cagayan de Oro city kamakailan.    

Gayunman, sinabi ni executive secretary to the city mayor Boy Rasalan, ni-review nila ang sinasabing talumpati ng pangulo at wala naman aniyang binanggit ang pangulo na COTABATO CITY, kundi Cotabato lang, na maaaring ang tinutukoy nito ay ang empire Cotabato.  

Hinggil naman sa pahayag umano ng pangulo patungkol sa lupang tatlo-tatlo ang nagmamay-ari, sinabi ni Rasalan na hindi mga tao ang tinutukoy ng pangulo kundi mga ahensya ng pamahalaan.   

Samantala, sinabi naman ni City PNP chief, police Sr. Supt. Victor Valencia na mapayapa naman sa pangkalahatan ang syudad at wala silang natatanggap na ulat hinggil sa posibleng banta sa seguridad ng lungsod.   

Aniya, mahigpit din ang kanilang ipinatutupad na seguridad kaya walang dapat ipag-alala ang mga mamamayan ng Cotabato City.


-0-

Kasalukuyan pang isinasagawa ng mga otoridad ang search operation sa bahay ni Tampakan, Mayor Leonardo Escobillo. Pero sa panayam sa kanya ng Radyo Bida Koronadal, pinabulaanan naman ng alkalde ang pagkakasangkot nito sa iligal na droga na isa sa mga pakay ng search warrant. 

Pinalagan din ni Escobillo ang umanoy pagsira ng raiding team sa pintuan ng kanyang bahay na bumulabog sa kanyang pamilya kaninang madaling araw. 

Pero sa kabila nito, pinayagan din ng alkalde ang mga pulis na halughugin ang kanyang bahay. 

Natuklasan ng raiding team sa kwarto mismo ng akalde na unang pinasok ng mga pulis ang kanyang lisensyadong 45 pistol at mga bala nito. 

Binuksan din ni Escobillo ang vault na naglalaman ng P100,000 Hiniling din ng alkalde sa mga pulis na maging patas sa kanilang search operation. 

Maliban sa iligal na droga laman din ng Search warrant ang , armas, pera at sasakyan. 

Ayon kay Escobillo pagaaralan pa nito kung magsasampa ng kaso sa raiding team. 

Kinuwestyon naman ng abogado ni Escobillo na si Atty. Joe Ledda ang pagkuha ng mga pulis ng search warrant sa isang korte sa Kabacan, North Cotabato. 

Sinabi din ni Ledda na kwestyunable rin ang tila pagkakahalintulad lamang ng search warrant na ginamit ng mga pulis sa bahay ng alkalde at sa bahay ng kanyang anak na si Jun Escobillo sa barangay Maltana Tampakan, na ni-raid din ng pinagsanib na pwersa ng Regional Public Safety Batallion at Regional Drug Enforcement Unit ng PNP.


-0-

KUMPIYANSA ang AFP na matatapos na ang gulo sa Marawi City ngayong buwan.  

Sinabi ni Joint Task Force Marawi spokesperson Capt. Joan Petinglay na tatlong pamantayan ang kanilang ibinigay upang masabi na tapos na ang gulo sa nasabing lugar kabilang dito ang tuluyang pag-ubos sa mga natitirang miembro ng teroristang Maute Group at masagip ang kanilang mga bihag.  

Ayon kay Petinglay, kailangan din nilang mabawi ang buong lungsod at maalis ang lahat ng mga naiwang improvised explosive device na itinanim ng mga terorista.  

Aniya, pinagsisikapan nilang magawa ang tatlong pamantayan pero aminado ang opisyal na nahihirapan pa rin ang mga sundalo dahil sa mga hawak na bihag ng mga terorista.  

Dagdag pa ni Petinglay, nasa 55 na lang na mga terorista kasama sila si Omar Maute at Abu Sayyaf leader Isnilon Hapilon ang naiwan sa warzone.  

Kinumpirma rin nito na nakatanggap sila ng report na may mga bihag ang nagbalik-Islam at nakikipaglaban na sa tropa ng gobyerno dahil sa takot na papatayin ng mga terorista.  



-0-


Sa ngayon, kailangang i-clear ng militar ang 21 ektaryang puno ng mga bahay at gusali sa loob nga main battle area. Samantala, nabatid na isa pang mosque na pinagkukutaan ng Maute Group ang nabawi na ng mga sundalo sa Marawi.  

Sa naturang lugar umano hinahalay ng mga terorista ang ilang kababaihang bihag ng mga ito.  

Sinabi ni AFP Western Mindanao commander Lt. Gen. Carlito Galvez Jr. na kontrolado na ng tropang gobyerno ang nasabing Islamic Center na napilitang abandonahin ng Maute matapos na madehado sa bakbakan.  

Sa ngayon lomobo na sa 845 ang bilang ng mga namatay sa ika-108 araw na labanan ng tropa ng mga sundalo at mga terorista sa Marawi.  

Umakyat pa sa 655 ang bilang ng mga nasawing terorista habang 145 naman sa panig ng government forces, samantalang nanatili sa 45 na mga sibilyan ang nasawi.  

Nakapagtala naman ng 1,728 sibilyang bihag at mga naipit sa battle zone ang nailigtas habang nakasamsam ng aabot sa 700 armas.


-0-




Dead on the spot ang isang habal-habal driver matapos pagbabarilin ng riding tandem criminals pasado alas sais kagabi sa Purok Inon, Zenaida subdivision, barangay Rosary Heights 8, Cotabato City.  

Kinilala ni City Police Station 2 commander Chief Insp. Reynaldo Delantien ang biktima na si SAIDBEN MANAG-BANAG GUMANDEL, 23 anyos, may-asawa at residente sa lugar.  

Nagtamo ng tama ng mga bala sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan at ulo ang biktima na sanhi ng kanyang agarang kamatayan.  

Agad namang tumakas sa hindi malamang direksyon ang mga hindi pa nakikilalang gunmen.  

Samantala, sa Midsayap, North Cotabato naman, PATAY ang 13 taong gulang na bata matapos tamaan ng ligaw na bala sa ulo.  

Kinilala ng Midsayap PNP ang nasawing biktima na si Androna Esmael, taga barangay Central Labas, Midsayap.  
Sa inisyal na report ng pulisya, pasado alas siyete kamakalawa ng gabi ng barilin ng suspek na si barangay kagawad Abdullah Madendog ang habal-habal driver na nakilalang si Shokan Tapuli, taga Libungan, North Cotabato.  

Sugatan si Tapuli matapos tamaan ng mga bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan at ngayon ay nasa kritikal na kondisyon.  

Nahagip ng ligaw na bala ang batang si Esmael na nagkataong nasa lugar nang mangyari ang pamamaril.   Mabilis namang tumakas ang suspek na si kagawad Madendog na patuloy ngayong tinutugis ng mga otoridad.



-0-




NAKATAKDANG SAMPAHAN ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang apat na drug suspects na nadakip ng pinagsanib na pwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA ARMM at Sultan Kudarat PNP sa inilunsad na buy bust operations laban sa mag-asawang Abas at Noraisa Madsig.  

Ayon kay Sultan Kudarat PNP chief, police Chief Insp. Esmael Madin, naaresto sina Noraisa Adan Madsig 30 anyos at Aladin Bantas Adam 36 anyos, pawang mga residente ng Sitio Tambak, Calsada ng nasabing bayan pasado alas nuebe ng gabi nitong Biyernes.  

Habang nakatakas naman ang target na si Abas Kasan Madsig alyas Basco, 45 anyos.  

Nakuha mula sa kanila ang isang kulay green na pouch na naglalaman ng isang pakete ng shabu, tooter at 500 pesos na marked money.  

Makalipas ang isang araw, nagsagawa ng hot pursuit operations ang mga otoridad sa mga barangays ng Calsada at Limbo ng nasabing bayan na nagresulta naman sa pagkakaaresto ni Abas Kasan Madsig alyas Basco at ang kasama nitong si Khalid Mastura, 32 anyos na residente ng Barangay Gang.  

Nakuha mula kay Madsig ang tatlong mga pakete ng shabu, caliber 38 revolver at tatlong mga bala.   Habang nakuhanan naman ng dalawang mga pakete ng shabu si Mastura.  

Sa ngayon nakakulong na ang mga nahuling drug suspect sa detention cell ng Sultan Kudarat PNP.  


-0-



PATAY NA NG MAKARATING sa ospital ang isang magsasaka na sinaksak ng kanyang stepson pasado alas syete kagabi sa Brgy. Malu-ao, Pigcawayan, North Cotabato.  

Kinilala ni Pigcawayan PNP chief, police chief insp. Realan Mamon ang biktima na si Eduardo Petiza Gallenero 54 anyos, may-asawa at residente rin sa lugar.  

Nagtamo ng tama ng saksak sa iba’t ibang parte ng katawan ang biktima na naging sanhi ng kanyang kamatayan.  

Agad namang tumakas ang suspect na kinilalang si John Michael Matulac 32 anyos matapos gawing ang krimen.   Gayunman, matapos ang mahigit isang oras na paghahanap ng mga otoridad katuwang ang mga barangay official sa pamumuno ni Malu-ao brgy. Chairman Pablo Bendol, ay nadakip din ang suspek.  

Sa paunang imbestigasyon, nagsisisigaw sa galit ang biktima sa loob ng kanilang bahay sa hindi pa malamang dahilan.  

Maya-maya pa ay bigla na lamang pinagsasaksak ng suspek ang biktima ng maraming beses.



-0-



Pagaaralan pa ng korte suprema kung kailangan ang “special” court para sa mga kasong may kaugnayan sa iligal na droga. Ito ang ipinahayag ni Supreme Court Administrator Atty. Jose Midas Marquez.

Paliwanag ni Marquez, kailangan pa kasing malaman ang epekto ng “continous trial” na sinimulang ipatupad sa mga korte noong September 4. Layon nito ayon kay Marquez na matiyak ang mabilis na pagusad ng mga kaso na nakaimbak sa korte.

Si Marquez ay dumating sa Koronadal City para pangunahan ang Justice on Wheels ng Korte Suprema.

Itinuturong naging sanhi ng biglang paglobo ng mga preso sa mga detention facilities ang pinaigting na kampanya kontra iligal na droga.

Maging si South Cotabato OIC Provincial Jail Warden Juan Lanzaderas ay kinumpirma ang pagdami ng mga preso sa Provincial Jail kasunod kampanya kontra illegal drugs ng pamahalaan.




-0-



Target ng “One Time Big Time “ Operation ng mga pulis hindi lamang ang mga sangkot sa iligal na droga kungdi maging ang pasaway na mga motorista sa Koronadal City.

Kaugnay nito, abot sa 60 mga motorsiklo at tricycle ang na-impound ng traffic section ng City PNP. Ito ay ayon kay traffic section Police Non Commissioned Officer SPO2 Arnel Falcis.

Ayon kay Falcis ang mga hinuli ay pawang lumabag sa ordinansa sa trapiko ng lungsod at Land Transportation Code of the Philippines.

Ang mga traffic violators na nakumpiskahan ng driver’s license at nabigyan ng traffic tickets ay nahuli sa check point ng mga pulis sa General Santos Drive, Posadas, at Aquino Street

Ayon kay Falcis ibabalik lamang ng traffic section ng PNP ang lisensya at sasakyan ng mga ito kapag nakapagbayad ng multa sa City Treassurer’s Office at Land Transportation Office.

Ang “One Time Big Time” Operation laban sa mga pasaway na motorista ay ipinagutos ni Koronadal Chief of Police, Superintendent Roland Allan Penaverde. Layon nito na maibsan ang mga aksidente sa daan at matigil na ang pambibiktima ng mga motorcycle riding criminals.




-0-



Inihahanda na ng Philippine Drug Enforcement Agency ang pagsasampa ng patong patong kaso sa umano’y myembro ng El Patron Drug Group na kanilang inaresto sa Koronadal City.

Kinilala ni PDEA 12 Regional Director Gil Cesario Castro ang suspek na si Ruel Espinosa alyas Balong .

Ayon kay Castro nakuha nila sa bahay ng high value target na si Espinosa sa Purok Kaunlaran, Barangay Sto. Nino ,Koronadal ang 100 gramo ng suspected shabu na nagkakahalaga ng mahigit P500,000, digital na kilohan, rifle grenade, 45 pistol at magazine nito na may 12 bala.

Sa bisa ng search warrant pinasok din ng mga otoridad ang isa pang bahay ni Espinosa sa Callejo Subdivision, Barangay General Paulino Santos.

Nakuha naman ng pinagsanib na pwersa ng PDEA 12, Joint Task Force Gensan at Special Action Force ng PNP sa lugar ang M14 rifle at 30 mga bala nito, isang calibre 22 airgun, at aluminum container na may airgun ammunition.

Ayon Castro , ginagamit lamang umano ni Espinosa bilang front sa illegal drug trade ang kanyang negosyo.

Si Espinosa na nagba-buy and sell noon ng mga produktong pang agrikultura ay mayroon din ngayong bigasan.

Ang El Patron Drug Group na kinabibilangan nito ay nag-ooperate sa Koronadal City at karatig bayan.

Ayon kay Castro si Espinosa na nakaditine ngayon sa PDEA XII Detention Center sa General Santos City ay kakasuhan ng paglabag sa Comprehensive at Dangerous Drugs Act at Iligal na pagtatago ng armas.

Sinabi din ni Castro na tutukan ng anti illegal drug operation ng PDEA XII sa mga susunod na araw ang mga drug lords sa rehiyon.




-0-



Lumabas lang sa kanilang bahay sa Poblacion, Tupi, South Cotabato habang naghahapunan ang biktima para alamin kung bakit tumatahol ang kanilang aso ng pagbabarilin ng suspek.

Kinilala ng Tupi PNP na pinamumunuan Police Chief Inspector Rey Egos ang biktima na si Ferdinand Areglado, 49 anyos, may asawa.

Si Areglado ay ideneklarang dead on arrival sa Tupi Municipal Hospital dahil sa mga tinamong tama ng bala ng baril.

Matapos gawin ang krimen ang suspek ay agad namang tumakas sakay ng Baja motorcycle na minameno ng naghihintay na kasabwat patungo sa pineapple plantation.

Nerekober ng mga pulis sa crime scene ang limang basyo ng 45 pistol na posibleng ginamit sa krimen. Hindi pa batid ng pulisiya kung sino ang mga salarin at ano ang motibo ng mga ito sa pagpatay sa biktima.


-0-


Kulungan ang bagsak ng isang 22-anyos na binata na sinasabing naaktuhang gumagamit ng ipinagbabawal na damo, ang Marijuana.

Nahuli ang suspek na si Danilo Espia Jr. 22 anyos sa Barangay Balindog, Kidapwan city pasado alas 11:15 kagabi.

Inaresto ang suspek matapos na naaktuhang gumagamit at nakuha sa pag-iingat nito ang ilang pakete ng marijuana.

Sa ngayon nasa kustodiya na ng Kidapawan City PNP ang suspek.

Samantala, nitong nakalipas na mga linggo ay mahigit sa 4 na mga indibidwal ang dinala at naimbitihan sa tanggapan ng Kidapawan city PNp matapos na maaktohang nagsisinghot ng rugby at vulcaseal.

Karamihan sa mga ito ay mga menor de edad at kadalasdang naka pwesto sa overpass ng lungsod tuwing gabi.


-0-

Posibleng gawin ngayong araw ang demolition sa mga bahay at iba pang istruktura na tinamaan ng road widening project ng North Cotabato Provincial Government.

Ito matapos na magpaso ang 20 araw na temporary restraining order o TRO na pumipigil sa City government at Provincial government na gawin ang demolition.

Matatandaan na noong Hunyo a-13, sinimulan ng demolition team mula sa Cotabato Provincial LGU at ng Kidapawan City LGU ang paggiba sa higit 100 mga bahay at istruktura sa naturang erya.

Bagaman at may ilang mga naninirahan sa lugar na umalma, tiniyak naman ng Provincial Government na may paglalagyan o relocation site ang mga ito.


-0-

Abot sa P6.3 milyung halaga ng mga proyekto ang na-i-turn-over sa tatlong magkakahiwalay na barangay sa Kabacan, North Cotabato kamakailan.

Kabilang rito ang mga barangay ng Upper Paatan, Aringay, at Kayaga na nakinabang sa mga proyekto ng Serbisyong Totoo programs. Tumanggap ng box culvert 2 barrel ang Sitio Linao, Brgy Upper Paatan na nagkakahalaga ng P3M.

Ayon kay Brgy Chairperson Anita Reojelon ay magdudulot ng kaligtasan sa mga dumadaan sa ilog lalo na kung malakas ang ulan at mataas ang level ng tubig.

Marami na daw kasi ang naaksidente sa lugar kung kaya’t malaking tulong ang proyektong ipinagkaloob sa kanila ng Provincial Government of Cotabato.

Nabiyayaan naman ng isang solar drier na nagkakahalaga ng P200,000 ang Sitio Kitabo ng Brgy Aringay kung saan mayroon ng maayos na pagbibilaran ang mga magsasaka doon ng kanilang produktong mais at palay.

Samantala, dalawang proyekto naman ang tinanggap ng Brgy Kayaga at ito ay kinabibilangan ng P1.4 M 2-classroom school building sa Datu Udtog Matalam Sr Elem School at P1.7M covered court na itinayo malapit sa Barangay Hall.

Dahil dito, ay doble din ang pasasalamat ni Kayaga Brgy Chairperson Bong Bacana at DUMES Principal Tabara ganundin ang kanyang mga nasasakupan.



-0-


Tuluyan ng binawian ng buhay si Mlang Municipal councilor Janirey Paracha habang ito ay ginagamot sa Southern Philippines Medical Center sa Davao City, kahapon ng umaga.

Si Paracha ay tuluyang iginupo ng kanyang ini-indang sakit.

Ito ang kinumpirma sa Radyo BIDA Kidapawan ni Mlang vice Mayor Joselito Piñol ngayong umaga. Sumailalim sa kidney transplant ang opisyal, kungsaan na high blood at na stroke ang kalahating katawan ni Paracha na naging dahilan para ibalik siya sa ICU.

Bumaba ang kanyang resistensiya at nagkroon ng kumplikasiyon. Siyam na taon itong nagsilbi bilang konsehal sa bayan. Sinabi ng bise alkalde na malaking kawalan sa bayan ng Mlang ang maagang pagpanaw ni Paracha sa edad na 39-anyos. Naulila ng konsehal ang may bahay nito na si Novie Surungon na isang public nurse na taga- Sangat, Mlang at dalawang anak nila.

Samantala, sumakabilang na rin buhay noong Sabado ng gabi ang dating Dean ng College of engineering and Computing ng University of Southern Mindanao sa Kabacan, North Cotabato na si Professor Dr. Rommel Tangonan sa edad na 68-anyos.

Si Tangonan ay iginupo din ng kanyang sakit na cancer matapos ang 15 buwang pakikipaglaban nito. Siya din ang naguna sa pagbubukas ng ilang mga kurso sa nasabing college at pagbabago sa CENCOM.

Naulila ni Dr. Tangonan ang mga anak at kapamilya nito lalo na ang kanyang may bahay na si Dr. Evangeline Tangonan na naging dekana naman ng College of Arts and Sciences o CAS sa Pamantasan ng Katimugang Mindanao.

  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy