NDBC BIDA BALITA (9.12.17)

NDBC BALITA  • Tue Sep 12, 2017 09:04 AM  •  145   0
By NDBC NCA
  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy
NEWSCAST SEPTEMBER 12, 2017 (TUE)
7:00 AM
 

HEADLINES:
 

1. P. DUTERTE, nagpa-raffle sa Marawi City para sa mga sundalo.

2. Di totoo yan, sagot ng Army sa Arakan, N. Cotabato sa alegasyong nambogbog ang militar ng mga sibilyan.

3. Mayor sa South Cotabato, naka hospital arrest matapos i-raid ng police ang kanyang bahay.

4.  Commander ng NPA sa North Cotabato, pagod na daw at gusto nang sumuko, ayon sa Army.




-0-


MULING BUMISITA si Pangulong Duterte sa Marawi City sa ikaapat na pagkakataon kasunod ng anunsyo ng Malacañang na nasa huling yugto na ang rebelyon sa syudad.  

Sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na pumunta ang Pangulo sa Grand Islamic Mosque at Mapandi Bridge at kinausap ang tropa ng pamahalaan at binigyan ng mga relo at sigarilyo.  

Kasabay nito, nangako naman ang Pangulo ng libreng biyahe sa Hong Kong sa mga sundalo na idadaan sa raffle bukod pa sa mapapanalunang 100 thousand pesos cash lalo na sa mga kababaihan.  

Ito aniya ay kapag tuluyan ng natapos ang giyera laban sa mga teroristang Maute Group.  

Giit ng Pangulong Duterte, gusto niyang makabawi sa mga sundalong patuloy na lumalaban at magbubuwis ng kanilang buhay para sa bayan.  

Una rito, dinalaw ng Pangulo ang burol ni Army Scout Ranger Capt. Rommel Sandoval na kabilang sa pinakabagong nasawi sa giyera laban sa mga terorista.  




-0-



Sa iba pang balita,
nagpapahiwatig na ang ilang miyembro ng Maute Group sa pwersa ng pamahalaan ng kanilang pagnanais na sumuko.
 

Sinabi ni Task Force Ranao spokesperson Col. Romeo Brawner na inaasahan nilang mayroon nang mga susuko sa mga susunod na araw.  

Ito’y matapos silang manawagan sa mga terorista na isuko na ang kanilang mga sarili para mailigtas rin ang kanilang buhay.  

Maari aniya itong gawin ng mga terorista sa pamamagitan ng pagpapalit ng damit mula sa itim na lagi nilang suot, at pagtungo sa isang partikular na lugar na itinalaga ng pwersa ng gobyerno.  

Bagaman hindi na siya nagbigay ng iba pang detalye, nakatitiyak si Brawner na may mga nagpapadala na ng “surrender feelers” sa kanila.  

Sa ngayon, pinipilit pa rin ng militar at mga pulis na makuha ang lahat ng mga gusaling inukopa ng Maute Group sa battle area sa Marawi City.  

Aminado naman ang tropa ng pamahalaan na isa sa mga pinakamahirap bawiin ay ang apat na palapag na gusali na may bangko pa sa ibaba.  

Pinaniniwalaang ilang metro lamang ang layo nito sa Bato mosque na isa pa rin sa pinupuntirya ng mga otoridad.  



-0-


PATAY ang 25-taong gulang na lalaki matapos barilin ng hindi pa nakikilalang suspek pasado ala una ng hapon kahapon sa TV Juliano street, Barangay Rosary Heights -1, Cotabato City  

Kinilala ni Police Station 1 commander Police Chief Insp. Jude Marlon del Carmen ang biktima na si Kasanodin Tuon Caderon, taga Barangay Bagua Uno ng lungsod.  

Tinamaan ng bala sa batok ang biktima na tumagos sa kanyang nuo dahilan ng kanyang agarang pagkasawi.  

Wala namang narekober na basyo ng bala sa crime scene ang pulisya kaya hindi pa matukoy kung anong uri ng baril ang ginamit ng suspek.  

Hindi na rin naabutan pa ng mga rumespondeng pulis ang suspect na mabilis na tumakas matapos gawin ang krimen. 



-0-



ISA si Cotabato city mayor Cynthia Guiani-Sayadi sa anim na mga regional finalist para sa Presidential Lingkod Bayan Award ng Civil Service Commission.

Kahapon, tinanggap ni mayor Sayadi ang Certificate of Appreciation na iginawad ni Director IV Grace Belgado–Saqueton ng CSC 12 bilang isa sa mga regional finalist sa Search for Outstanding Public Officials and Employees ng Presidential Lingkod Bayan Award.  

Ang Presidential Lingkod Bayan Award ay pinakamataas na pagkikilala at parangal na ibinibigay ng CSC sa mga kawani ng pamahalaan na nagbigay ng katangi-tanging serbisyo-publiko.  

Samantala, itinuturing naman ng CSC bilang Architect of Development si Mayor Sayadi dahil sa mga pagsisikap nitong mapaunlad pa ang syudad at labanan ang iba’t ibang krimen, lalo na ang iligal na droga.



-0-

 
NAGKASUNDO NA ang dalawang pamilyang nagka-bakbakan kamakailan sa Datu Montawal, Maguindanao dahil sa pinag aagawang lupa.  

Ang nagka-engkwentrong pamilya Mamacan at Maida ay matagal nang may i­ringan sa lupang kanilang sinasaka na kapwa umano mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front o MILF.  

Kaya naman, agad na kumilos ang Datu Montawal LGU at ipinatawag ang dalawang magkalabang pamilya.  

Sa harap nina Army’s 7th Infantry Battalion commander Lt. Col. Ciriaco Lomase, mga brigade commander ng MILF, pulisya, at mga LGU official sa bayan ay nangako ang dalawang pamilya na tutuldukan na ang matagal na nilang awayan.  

Nangako rin ang mga ito na tutulong sa lokal na pamahalaan sa pagpapalagan ng kapayapaan at pagkakaisa sa kanilang lugar.  



-0-


PINAGHAHANAP PA RIN ngayon ng mga otoridad ang tatlong taong gulang na batang babae na sinasabing nalunod sa irrigation canal na malapit lamang sa kanilang bahay sa barangay Abaga, Libungan, North Cotabato.  

Sa report ng Libungan PNP, nalunod ang batang si Althea Deniega noon pang September 7 at mula noon ay walang tigil na ang mga otoridad sa pagsasagawa ng search and retrieval operation.  

Gayunman, naniniwala ang ama ni Althea na si Elly Deniega na posibleng buhay pa ang kanyang anak.   Aniya, magkasama kasing natagpuan ang dalawang tsinelas nito sa irrigation canal, bagay na aniya ay imposibleng mangyari kung totoong nalunod ang kanyang anak.  

Dagdag pa dito, may natanggap din aniya siyang ulat na may lalaking namataan sa Barangay Matambabay na may bitbit na batang babaeng walang tsinelas at tugma rin ang inilarawang suot ng bata sa huling suot ng anak nilang nawawala.  

Ngayong araw ay magsasagawa ng clearing ang mga otoridad sa irrigation canal kung saan nalunod si Althea.  

Magsasagawa rin ng imbestigasyon ang Libungan PNP tungkol sa umano ay lalaking may bitbit na batang babaeng tugma sa nawawalang si Althea.



-0-


Mariing itinanggi ng pamunuan ng 39th Infantry Battalion ang ulat na nambugbog at pinag-gugulpi diumano ng mga sundalo ang mga sibilyan sa Sitio Agila, Cabalantian, Arakan, North Cotabato.

Ginawa ni 39th Infantry Battalion Spokesperson Lt. Silver Adell Belvis ang pahayag kahapon sa DXND-Radyo BIDA upang pasinungalingan ang naging pahayag ng Lider ng Sitio na si Edwin Oribawan.


Ayon kay Oribawan, Huwebes ng umaga ng pumasok ang tropa ng pamahalaan sa kanilang lugar. Nang malamang wala doon ang kanilang hinahanap ay agad namang umalis ang mga sundalo. Pero tatlo sa mga konstituento ng lugar ang nagsumbong na sila ay ginulpi diumano ng mga sundalo.

Sa panig naman ng 39th IB, sinabi ni Belvis na normal lamang na gagawa ng isyu ang mga ito kapag may operasiyon ang mga sundalo.
Giit niya na hindi ito maaring gawin ng mga sundalo lalo pa’t tumatalima na ngayon ang militar sa alituntunin ng karapatang pantao.

Himamon naman niya ang kampo ng mga nagrereklamo na maghain sila ng kaso sa korte para maimbestigahan ang nasabing reklamo. VC – Belvis Ang tagapagsalita ng 39th Infantry Battalion ng Philippine Army Lt. Silver Adell Belvis  



-0-  



Patuloy ngayon ang ginagawang imbestigasiyon sa pagbaril at pagpatay sa isang miyembro ng katutubo na sinasabing dating kasapi din ng New People’s Army o NPA makaraang pagbabarilin ng dalawang mga armadong kalalakihan sa Purok 5, Tribal Village, Barangay Biangan, Makilala, North Cotabato.

Kinilala ang biktima na si Jolito Kawayan Monon, 47-anyos, magsasaka, nasa hustong gulang at residente ng nasabing lugar.

Sa panayam ng DXND-Radyo BIDA kay Kapitan Reynaldo Monreal naganap ang pamamaril dakong alas 7:15 kagabi.

Nasa balkonahe umano ng kanilang bahay ang biktima ng lapitan ng dalawang di pa nakilalang mga suspek at pinagbabaril gamit ang kalibre .45 at 9mm pistol. Nagtamo ang biktima ng maraming tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.

Napag-alaman na ang biktima ay pumasok din bilang CAFGU sa kanilang lugar noon. Sinabi ni PSI Violon ng Makilala PNP na kanila ng isinumite sa Provincial Crime Lab ang mga narekober na basyo ng bala sa crime scene. Patuloy pa ngayong inaalam ng Makilala PNP kung ano ang motibo sa krimen.    



-0-  



PAIIMBESTIGAHAN ng City Government ang report na abot sa limang ektaryang lupa sa conflict area sa may Sitio Nazareth, Barangay Amas, ay inararo para umano tamnan ng tubo. Bawal raw ito dahil ang lupa ay pag-aari ng gubyerno o isang public land.

Nakumpirma sa pamamagitan ng drone na ang 4.5 ektarya ng public land sa may Sitio Nazareth ay nilinis na.   
Ang nagpautos raw ay isang Maguindanao Moro na nakatira sa naturang lugar.

Ang Sitio Nazareth ay bahagi ng lupa na pag-aari ng Central Mindanao Agricultural Research Center ng Department of Agriculture-Region 12.  




-0-0-  




Ibinunyag sa DXND-Radyo BIDA ni 39th Infantry Battalion Spokesperson Lt. Silver Adell Belvis ang balak na pagsuko ni Kumander Choy ng Front 53 ng New People’s Army o NPA.


Ang planung pagsuko ni Kumander Choy ay kasunod ng pagkakasabat ng maraming armas sa Barangay Katipunan, Kidapawan City kamakailan. Dahil dito, hinihikaya’t din ni Belvis si Kumander Jasmin at Raquel Daguman na maari na rin silang sumuko sa pamahalaan.

Handa umano ang gobyerno na tanggapin ang mga rebeldeng susuko sa kanila.

Kaugnay nito, iginiit din ni Belvis na maaring gawing sundalo ang mga NPA na susuko sa pamahalaan. Ang pahayag ng opisyal ay mula mismo kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa pangulo hinimok nito ang New People’s Army (NPA) na sumuko na at maki-isa sa pamahalaan sa pag-protekta sa bansa. Sinabi ng pangulo na sakaling gagawin niyang sundalo ang mga ito, sa CAFGU o Citizens Armed Force Geographical Unit niya muna itatalaga ang mga ito.

Wala rin aniyang precondition para sa mga susuko, dahil ang kailangan lang nilang gawin ay tumungo sa alkalde ng kinaroroonan nilang lugar o kaya ay dumiretso na sa militar.



-0-    




GINAWARAN ng Saint Theresa of Calcutta Award ang Italian missionary na si Father Peter Geremiah ng Pontifical Institute for Foreign Mission o PIME dahil sa kanyang natatanging humanitarian work. Ang award iginawad kay Father Geremiah noong nakaraang linggo sa Kalakhang Maynila.

Ang award ay iginawad sa kanya AY Foundation sa pakikipagtulungan ng Junior Chamber sa kalakhang Maynila.

Ang Blessed Teresa of Calcutta Award, dati ay Mother Teresa Award, ay pagkilala sa naging dedikasyon ni Blessed Teresa of Calcutta bilang Nobel Peace Prize Winner noong 1979.

Kilala din siya sa buong mundo bago siya namatay noong 1997 na, ‘living saint.’ Si Father Geremiah ay nagsilbi sa mga difficult mission at tumulong sa pagtatayo ng mga parokya, lalo na sa mga lugar na pinamamahayan ng mga katutubo.

Kilala siya bilang religious leader na nagtatanggol sa interes, kapakanan, at kultura ng mga katutubo sa Mindanao, lalo na sa North Cotabato at Sultan Kudarat.



-0-



Tutukan ng bubuuing Task Force Bird Flu sa Koronadal ang pagsagawa ng blood sampling sa lahat ng mg avian species at data gathering sa populasyon ng mga poultry animals sa lungsod.

Ito ay ayon kay Koronadal City Veterinarian Dr. Charliemagne Calo. Ayon kay Calo ang pagtatag ng Task Force ay resulta ng serye ng pagpupulong ng Department of Agriculture 12 kasunod ng bird flu outreak sa mga manok sa Pampanga noong nakaraang buwan.

Ipinahayag ni Calo na padadalhan nila ng sulat ang mga barangay para masimulan na ang data banking ng poultry population. Layon nito na matukoy kung ilan ang mga alagang hayop at saang barangay ang apektado sakali mang magkaroon ng bird flu outbreak sa lungsod.

Umaapela si Calo sa mga barangay officials na suportahan ang programa lalong lalo na ang mga myembro ng task force na magsasagawa ng data gathering sa kanilang lugar.

Sa ngayon ayon kay Calo nagpapatuloy ang monitoring ng city veterinary office sa lahat ng mga avian species na pinapasok sa Koronadal.



-0-



Inilunsad na ng Provincial Population Office ng South Cotabato ang kanilang Search for Outstanding Family at Model IP Family.

Ayon kay South Cotabato Provincial Population Officer Zenadia Duron isasailalim sa evaluation sa provincial level ang mga Outstanding Family at Model IP family ng bawat lokal na pamahalaan.

Ipinahayag ni Duron na layon ng Model Family Category na nasa ika 24 na taon na na kilalanin ang tagumpay ng isang pamilya upang magsilbing halimbawa sa kanilang komunidad.

Tututukan dito ang aktibong partisipasyon ng pararangalang pamilya sa population development. Habang kikilalanin naman sa Model IP Family na nasa ikalawang taon na ngayon mga naiambag ng pamilyang katutubo sa kanilang komunidad.

Sinabi ni Duron na gaganapin ang awarding sa Model IP Family sa Culmination ng National IP Month Celebration sa Okobre 25. Pararangalan naman ang Model Family sa November 28 kasabay ng kulminasyon ng Population and Development Week Celebration.



-0-


Naka ospital arrest ngayon si Tampakan, South Cotabato Mayor Leonardo Escobillo.

Ito ay kasunod ng pag-raid ng mga pulis sa kanyang bahay sa Barangay Maltana, Tampakan kahapon ng madaling araw.

Nakuha ng pinagsanib ng pwersa ng Regional Public Safety Batallion at Regional Drug Enforcement Unit sa bahay ng alkalde ang shotgun, AK-47 rifle, dalawang pistola at mga bala.

Bagama’t inamin ng alkalde na pagaari niya ang naturang mga mga lisensyadong armas, itinanggi naman nitong sa kanya dalawang carbine rifle na nasamsam din ng mga pulis sa kanyang bahay.

Wala namang nakitang iligal na droga ang raiding team sa bahay ng alkalde na isa rin sana sa pakay ng ng mga ito.

Sinabi naman ni Escobillo sa isang pulong balitaan kasunod ng pag-raid na maaring siya ay biktima lamang umano ng political haranssment.

Ayon sa abogado ni Escobillo na si Atty. Jose “Joe” Ledda, kinatigan ng municipal health officer ng Tampakan ang kanilang hiling na ipa-ospital arrest si Escobillo matapos tumaas ang kanyang presyon.

Inaalam pa ng PNP kung may may record sa camp crame ang armas na nakuha nila sa bahay umano ng anak ng alkalde na si Leonard “Junjun Escobillo.


-0-



May taas na 200 feet at habang 540 meters patungong Falls number 2 ang cable car at double zipline na planong ilagay ng pamahalaang panlalawigan sa Lake Sebu, South Cotabato.

Ayon kay South Cotabato Provincial Tourism Offcer Cesar Sulit, nay inilaan nang inisyal na P20 million pesos para sa proyekto ang provincial government.

Gayunpaman ayon kay Sulit sa ngayon ay hindi pa masisimulan ang konstruksyon nito.

Paliwanag ni Sulit, naghihintay pa ang lalawigan ng pahintulot mula sa Mines ang Geoscuences Bureau o MGB.

Ayon kay Sulit, kailangang munang masertipikahan ng MGB na ligtas ang lugar na paglalagyan ng pundasyon ng cable car at double zipline.

Tiniyak naman ni Sulit na agad na sisimulan ang proyekto kapag nakapag-bigay na ng go signal ang MGB. Nais din ng provincial government na maglagay ng malaking swing malapit sa falls.

Ayon kay Sulit, ang mga ipatatayong pasilidad ay dagdag tourist attraction sa Lake Sebu na dinarayo na rin ngayon dahil sa luntiang kapaligran, lawa at zipline na isa sa pinakamataas at pinakamabaha sa Southeast Asia.


-0-



Isinailalim ng Department of Social Welfare and Development o DSWD sa orientation hinggil sa kanilang Listahan database ang mga local government units sa South Cotabato.

Ito ay pinamamahalaan ng National Household Targeting Office o NHTO ng ahensya.

Mahalaga na maipaliwag ng mabuti sa mga LGU ang Listahan data base dahil laman nito ang sensitibong impormasyon ng mga mamamayan sa komunidad.

Dumalo sa orientation ang mga municipal, city at provincial social welfare officers, at maging protection stakeholders representatives.

Ang Listahan database ay magiging basehan sa pagbibigay prayoridad sa mga magiging benepisyaryo ng mga programa ng DSWD.

Ito ay ayon kay DSWD NHTO Project Coordinator Annetee Asinas. Inatasan din ang mga LGU na bumalangkas ng mga panuntunan para matiyak na mapangalagaan ang kanilang datus at mahahalang impormasyon ng mga mamamayan sa kanilang Listahan database.

Ito ayon kay Asinas ay posibleng ipatutupad na sa susunod na taon at kapag nalagdaan na ang kasunduan ng pamahalaang panlalawigan at DSWD.
   
  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy