NDBC BIDA BALITA (9.15.17)

NDBC BALITA  • Fri Sep 15, 2017 09:24 AM  •  95   0
By NDBC NCA
  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy
NEWSCAST September 15, 2017 (FRI)
7:00 AM
 


HEADLINES:  

1.
16 katao nag-positibo sa HIV/AIDS sa Koronadal, ayon City Health Office


2. Extortionist gamit ang pangalan ni P. Duterte, naaresto s Libungan, North Cotabato 

3. Jobs fair sa Koroandal, bukas para sa outsiders

4. Tindahan na walang CCTV, tanggalan ng business permit, payo ng PNP




-0-



ARESTADO ang isang lalaki dahil sa extortion activity nito sa ilang mga negosyante, barangay officials at ang alkalde sa bayan ng Libungan, North Cotabato.  

Ang suspek ay kinilala sa pangalang Allan Pacete at nagpapakilalang engineer sa ilalim ng PRC ID na may apelyidong Valles.  

May mga alyas din itong Jong Cedenio at Jong Vicente na residente ng Cotabato City.  

Ayon kay Mayor Christopher Amping Cuan, nilalapitan ng suspek ang mga taong diumanoy kabilang ang pangalan sa drug list ng P. Duterte.  

Kapalit ng malaking halaga ng pera, kaya diumano nitong tanggalin sa listahan ang pangalan ng kanyang mga kliyente sa tulong ng kanyang mga koneksyon sa pangulo.  

Dahil sa pagdududa, nagsagawa ng entrapment operation ang PNP Libungan at si Mayor Amping mismo upang malaman ang tutoong raket ng suspek.  

Matapos mabisto ang modos ni Pacete, agad itong dinakip ng mga pulis.  

Sa ngayon nananawagan si Cuan sa iba pang indibidwal na posibleng nabiktima ni Allan Pacete upang makapagsampa ng reklamo laban sa suspek na ngayon ay nasa kustodiya ng Libungan PNP.

Sa ibang mga balita, agad na na-rescue kahapon sa North Cotabato ang isang menor de edad na bata na sinasabing biktima ng pang gagahasa, nanguna sa pag-rescue ang DSWD…  



-0-


Abot langit ang pasasalamat ngayon ng mga residente ng Campo 3, Kimarayag, Pigcawayan, North Cotabato matapos sinimulan nang lagyan ng daan ang kanilang lugar.  

Ayon sa isang residenteng si Misis Maricel Edlang, tatlumpung taon rin silang naghintay bago nabigyan ng daan.  

Umaasa naman si Misis Edlang na sana hindi lang sa pagpapagawa ng daan magtatapos ang proyekto.  

Hinihiling din nila na sana ay magkaroon ng road intersection tungo sa karatig na Barangay ng Lampaki at hindi ito idaan sa 21 ilog sa lugar.    

Nabatid na nilalakad nila ng abot sa dalawang oras mula sa kanilang bahay patungo sa kalsada at dumadaan sa 21 ilog.  

Giit ni Edlang na hirap silang ilabas ang kanilang mga produkto dahil hindi makapasok ang kahit motorsiklo sa kanilang lugar.  

Nabatid na ang road project na ito ay sa ilalim ng Barangay project at naisakatuparan ito sa tulong ng Pigcawayan LGU.  

Sinabi ni Pigcawayan Mayor Elesio Jun Garcesa Jr., ipinahiram ng LGU ang isang bulldozer at nagbigay ito ng 500 litro ng krudo bilang counterpart sa proyekto.  

Ibinunyag rin ng alkalde sa panayam ng Radyo Bida na may nakalaan ng pondo para sa development project sa 40 mga barangay sa bayan sa susunod na taon.   Maglalaan ng tig isang daang libong piso sa kada barangay ang LGU para sa kanilang priority developement project.  

Kinakailangang mag submit sila ng kanilang project proposal at accomplishment report para sa nakalipas na mga proyekto ng kanilang barangay.



-0-



Muling pinayagan ng militar na makapasok ang mga mamamahayag na nagkokober sa Marawi City sa battle zone.  

Kasama ang mga sundalo, maingat na pinasok ng media ang mga lugar na dating pinakukutaan ng Maute-ISIS group kabilang dito ang mga mosque, paaralan, ospital, mga establishments, at mga bahay.  

Ipinakita rin ng mga sundalo sa media ang mga improvised explosive device (IED) at ilan pang pampasabog na nakuha sa mga lugar na inabandona ng mga terorista.  

Ayon sa militar, aabot sa tatlo hanggang limang araw bago nila nabawi mula sa kamay ng mga kalaban ang mga gusali sa loob ng main battle area.  

Samantala, nagkalat pa rin ang mga IED o mga pasabog sa mga lugar ng Maute-ISIS group.  

Ayon kay Col. Mon Almoduvar, commander ng Philippine Army Scout Ranger, nag-iwan ng iba’t ibang uri ng pampasabog ang mga terorista dahilan para mahirapan ang mga tropa ng pamahalaan sa operasyon.  

Sinabi nito na dapat na maging alisto ang mga sundalo lalo na sa mga lugar kung saan itinanim ang mga pampasabog.


-0-




Naiuwi ng Break It Down dance group ang kampeonato sa isinagawang Ultimate Dance Contest na isinagawa sa bayan ng Datu Montawal sa lalawigan ng Maguindanao, kamakalawa.  

Nasa 12 mga kabataang mananayaw sa Dance craze na inorganisa ni First Lady Bing Blanca Montawal ang sumabak sa nasabing patimpalak.  

Ang mga dumayong  dancers ay mula pa sa mga bayan ng Kabacan, Carmen, Aleosan, Pikit, Pagalungan, at Cotabato City.
 

15 thousand pesos cash, trophy at sash ang tinanggap ng champion na buhat sa bayan ng Pagalungan, habang 7 thousand pesos naman ang premyo ng 1st runner up na nasungkit ng Exhibit Dancers at 5 thousand pesos para sa Project 25 na kapwa taga Cotabato City.  

Ginawa ang programa bilang bahagi ng kampanya kontra droga at terorismo, ayon kay Vice Mayor Datu Ohto Montawal.  

Agad namang inanunsiyo ang Season 2 ng contest na siya namang pinaghahandaan ngayon ng mga kabataang mahilig sa pagsasayaw sa probinsiya ng Maguindanao at North Cotabato.


-0-



Ituturo na rin sa mga ekskwelahan ng South Cotabato ang mga tourism icons ng lalawigan. Ito ay kasunod ng paglunsad ng IskulTour Program ng Department of Education; Arts, Culture,Tourism Museum at Provincial Tourism Council ng South Cotabato.

Inilunsad ang programa kasabay ng Tourism Month Celebration ngayong Setyembre. Sinabi ni Tourism Officer Argie Asaria, layon ng programa na ilakip ang pagtuturo ng mga tourism icons ng South Cotabato sa Math, Agham, Araling Panlipunan, at iba pang asignatura.

Sa pamamagitan nito ayon kay Asaria ay maikintal sa kaisipan ng mga magaaral ang kahalagahan ng mga tourism icons, at mga tourist attraction ng South Cotabato.

Unang ipatutupad ang IskulTour Program sa mga estudyante sa Senior High School. Bumuo na ng lesson plan sa pagtuturo ng IskulTour ang piling mga guro sa South Cotabato.




-0-



Bukas ang mega jobs fair hindi lamang sa mga mamamayan ng Koronadal kundi maging sa karatig lalawigan.

Ayon kay Koronadal Public Employment Service Office o PESO Manager Judith Marmonejo, gaganapin ang Jobs Fair mula alas nuebe ng umaga hanggang alas singko ng hapon sa KCC Mall of Koronadal sa Oktobre 1.

Ayon kay Marmonejo, imbitado sa jobs fair ang 45 kompanya na magaalok ng trabaho sa loob at labas ng bansa. Ito ay bilang kabahagi ng 17th Charter Anniversary at 7th Negosyo Festival ng Koronadal City.

Katuwang ng PESO Koronadal sa pagpapatupad nito ang Department of Labor and Employment o DOLE XII. Nauna nang pinayuhan ni DOLE XII Regional Director Sisinio Cano ang mga aplikante sa jobs fair na magdala ng maraming kopya ng resume, mga dokomento at application letter.

Ito ayon kay Cano ay para makapag-apply sa mas maraming kompanya at magkaroon ng mas malaking tsansa na makapaghanap ng trabaho.



-0-


Tatanggap ng social pension mula sa pamahalaang nasyonal ang 9,141 na mga senior citizens sa Koronadal City. Ito ay kinumpirma ni OIC-City Social Welfare and Development Officer Hyde Anunciado.

Sinabi ni Anuciado na sinimulan ang pamimigay ng social pension ngayong Setyembre. Naantala ang pag-release nito ayon kay Anunciado dahil sa pagayos ng listahan ng mga benepesaryo.

Bawat benepesaryo ng programa ay nabigyan ng tig P500 kada buwan. Ito ay ibinibigay lamang sa mga naghihikahaos na senior citizens at walang tinatanggap na pension sa anumang ahensya ng gobyerno.

Umapela naman si Koronadal City Treasurer Marloun Gumbao sa mga benepisyaryo na alamin sa kanilang barangay ang petsa at lugar kung saan maaring kunin ng mga ito ang kanilang social pension.



-0-



Bawiin ang permit ng mga establisemiento komersyal na walang close circuit television o CCTV Camera. Ito ang rekomendasyon ni South Cotabato PNP Provincial Director, Police Senior Superintendent Franklin Alvero sa mga lokal na pamahalaan sa lalawigan.

Sinabi ni Alvero na hindi dapat mabigyan ng business permit ang mga establisemento na walang CCTV Camera. Bingiyan diin ng police official na maari itong gawin ng mga LGU sa pamamagitan ng ordinansa.

Ayon ay Alvero, para mapigilan ang krimen, dapat ding may mga taong tututok sa mga CCTV.

Pinyuhan din nito ang mga negosyante na kumuha ng gwardiya at itago ang pera sa mas ligtas na lugar. Ito ang ipinahayag ni Alvero bunsod ng sunod sunod na nakawan sa mga establisemento sa South Cotabato lalong lalo na sa Koronadal City.

Naging modus ng mga suspek ang pagbutas sa bubong at kisame ng bibitimahing establisemento.

Maliban sa pitong mga commercial establishment nabiktima rin ng kaparehong modus ang isang botika sa bayan ng Sto. Nino, na nakuhanan ng mahigit P100,000.

Bigo naman ang mga suspek na magnakaw sa katabig pawnshop matapos mabigong buksan ang vault nito.



-0-




Abot sa 16 na kaso ng Human Immunodeficiency Virus and Acquired Immunodeficiency Syndrome o HIV/AIDS ang naitala sa Koronadal mula Enero hanggang ngayong Setyembre.

Ang mga ito ay sumasailalim sa retroviral na gamutan sa HIV/AIDS Core Team o HACT Clinic ng South Cotabato Provincial Hospital.

Ayon kay Koronadal City Health Officer Dr. Jean Genevieve Aturdido, ang pagkakatuklas ng maraming HIV/AIDS positive ngayong taon ay patunay na naging epektibo ang kampanya dito ng kanilang tanggapan sa 27 barangay sa lungsod.

Ipinahayag ni Aturdido na dahil sa pinalawak na pagtuturo sa nasabing karamdaman, mas maraming mga mamamayan ngayon ang hindi na natatakot na magpa HIV test.

Sinabi ni Aturdido na kabilang sa mga nagpositibo sa HIV/AIDS sa Koronadal ang mga nasa 15 hanggang 35 anyos.

Binigyan diin ni Atrudido na pinakamabisang paraang pa rin para makaiwas sa HIV/AIDS ang pagiging tapat sa partner, abstinence at pagkakaroon ng healthy lifestyle.

  • Your Reaction:
  • Bida
  • Kontra Bida
  • Happy
  • Unhappy